Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16: Kalahating Ano?

Kabanata 16

"Gusto kitang maintindihan, Kye. Pwede mo bang ipaliwanag sa akin ang lahat?" Dinig ni Kye ang pagiging desperado sa tinig ni Dianna. "Kung hindi mo napapansin, hindi ako nagtatanong kahit pa ilang araw ka na rito sa bahay. Dahil ayaw kitang pilitin, gusto ko na kusa kang magkuwento oras na pakiramdam mo ay mapagkakatiwalaan mo na ako."

Ah. . .kung ganoon ay iyon ang dahilan. Totoong ipinagtaka niya na ni minsan ay hindi ito nagtanong sa kaniya ng kahit na ano. Samantalang ang kondisyon nilang dalawa ay sasagutin niya ang anumang katanungan ng babae kapalit ng kondisyon niya.

"Magulo. . .magulo at hindi pa ako sigurado," panimula ni Kye at napababa na lang ng tingin. "Pero isang araw, bigla na lang nawala sa sarili ang mga sirena. May sinusunod silang isang utos, bukod sa sundin ang sinasabi ng boses na iyon ay wala na silang iba pang ginagawa."

"Boses? Iyon ba ang nag-uutos sa mga sirena dakipin ang mga tao?" Kagat labi ay tumango si Kye sa sinasabi ni Dianna bilang senyales na tama ang mga sinasabi nito.

"Ang boses na iyon ay tinatawag kaming Marionette. Pakiramdam ko maski ako ay manika niya rin ngunit sadyang hindi niya lang ako lubos na mapasunod sa itim niyang salamangka." Muli ay nag-angat siya ng ulo, tumitig sa mga mata ni Dianna na walang ibang tinitignan kung hindi siya lamang.

Sinubukan ni Kye na umiwas ng tingin hanggang sa madapo ang kaniyang mga mata sa braso nito na nagtamo rin ng sugat. Doon ay kumuha siya ng bulak gaya nang nakita niyang ginawa kanina ng babae.

Kita niya naman ang pagtataka kay Dianna dahil sa ginagawa niya ngunit agad din nitong naintindihan nang ituro niya ang braso nitong may sugat. "Oo nga, baka matetano ako."

Doon ay sinimulang linisin ni Kye ang sugat ni Dianna, at gaya ng ginawa nito sa kaniya ay nilagyan niya rin ito ng gamot. Tahimik silang dalawa habang parehong tutok sa ginagawa ni Kye hanggang sa lagyan niya na ito ng benda.

"Tapos na," sambit ni Kye at bahagyang lumayo kay Dianna. Binigyan naman siya ng ngiti ng babae bilang pasasalamat ngunit matapos niyon ay naging tahimik lang sila ulit.

"A-Ano-"

"Ako naman ang magtatanong," buong tapang na putol ni Kye sa nakaiilang na katahimikang bumabalot sa atmospera. "Hindi ba sinabi mo sa akin noon na isa kang kalahating tao at kalahating diyos?"

"Oo," mabilis na sagot ni Dianna sa naging tanong niya. "Iyon ang sinabi sa akin ng papa ko dahil anak daw ako ni Dian Masalanta pero ang totoo ay hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala. Napakalayo ko para maging Diyos kahit pa may kapangyarihan ako."

"Dianna, ang kapangyarihan ay may kaakibat na responsibilidad. Gaya nang sinabi ko noon, isinilang na mortal ang mga sirena ngunit iilan sa amin ay tumataglay ng natural na kapangyarihan, tulad ko na nakatakdang susunod na magiging hari," pagpapaliwanag ni Kye at iniangat sa ere ang kamay niya saka pinakawalan sa ere ang matatalim niyang mga kuko. "

"Ang taas pala ng ranggo mo pero kinukulong lang kita rito sa kuwarto ko," biglang bulalas ni Dianna at hindi pa napigilang humalakhak.

Muling itinago ni Kye ang kaniyang mga kuko at napangiti na lang habang pinakikinggan ang mga pagtawa ng dalaga. Ngunit may parte sa kaniya na nababahala sa mga iwinika nito.

"Sa totoo niyan ay walang pinagkaiba ang kuwarto mo sa palasyo namin," seryoso ang tono na sambit ni Kye na siyang unti-unting nagpahinto kay Dianna sa pagtawa. "Doon ay nakakulong din ako, nag-aaral kung paano maging hari ng trono. Ni hindi ko na nakikita ang dati kong mga kalaro."

"S-Sorry," animo natatauhan na sambit ni Dianna sa ilalim ng kaniyang hininga ngunit ikinataka lamang ni Kye kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyon. "Gusto mo bang lumabas bukas o mamaya?"

"Mamaya?" pag-uulit ni Kye sa sinabi ni Dianna at napalingon sa labas ng veranda kung saan pumapasok ang liwanag ng sikat ng araw. Wala na ang kadiliman sa langit maski ang mabibigat na patak ng ulan. "Hindi ka ba aalis ngayong araw?"

"Hindi na ako makakapasok, masyado na akong huli sa mga klase ko," napapangusong sagot ni Dianna at idinaan na lang sa pagtawa ang nararamdamang dismaya. "Naalala ko nga pala iyong Mermaid Circus Pod!"

Napabalik si Kye ng tingin kay Dianna at bahagya pang napapitlag sa kinauupuan niyang malamig na sahig nang akmang hahampasin siya ng babae habang may naiinis itong ekspresyon sa mukha.

"Hindi mo sinabi sa akin na hindi ka basta-basta nagiging sirena tuwing nababasa ka! Pinahirapan mo pa akong mag-isip ng solusyon para lang hindi ka mabuking." Napasinghal ang babae at irap na pinagkrus ang mga braso nito habang binibigyan siya ng matalim na tingin.

Natawa na lamang si Kye dahil iba't ibang ekspresyon ng babae ang nakikita niya ngayong araw. Akala niya noon ay lagi lang itong mabait ngunit mukhang kaya rin pala nitong magalit.

"Hindi ka naman nagtanong," subok na palusot ni Kye at umiwas ng tingin upang itago ang ngiting tumatakas sa dulo ng mga labi niya.

"Aba? Kailan ka pa natutong maging pilosopo?" hindi makapaniwalang bulalas ni Dianna at namewang pa. "Hindi mo ba alam na inuubos ko ang lakas at kapangyarihan ko para lang linisin iyong pool namin? Nauubusan na ako ng dasal para lang maalis ang lansa ng amoy sa tubig!"

Hindi napigilan ni Kye na magsalubong ang mga kilay niya matapos marinig ang mga marahas at mapang-insultong salita ni Dianna. Pinanlakihan niya ng mga mata ang babae at binigyan ito ng mapagbantang tingin.

"Hindi ako malansa," may diin sa bawa't salitang bigla ni Kye na ginaya pa ang pamewang ni Dianna.

"Hindi ako malansa-nye nye nye-amoy isda ka!" Nanlalaki ang mga bibig na hindi makapaniwala si Kye dahil sa mga sinabi ng babae.

Sa kabila ng pagkapikon na nararamdaman ay pakiramdam niya ay hindi siya puwedeng magpatalo. Kaya naman inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong kuwarto, naghahanap ng igagante sa babae.

Hanggang sa makita niya ang vacuum cleaner na laging ginagamit ni Dianna tuwing maglilinis ito. Hindi na nagdadalawang isip ay itinuro iyon ni Kye at nauutal pa nang magsalita, "m-mukha kang ganʼon!"

"Anong ganʼon?!"

"Ayon kung anong makina man iyan!"

"Ako? Mukhang vacuum cleaner?! At least ako demigod. Ikaw, kalahating isda!"

Doon ay nagkaroon sila ng unang beses na pag-aaway. Unang beses na pagtatampuhan. Unang beses na walang kibuan. At unang beses na pag-aayos gaya nang ibang magkakaibigan.

Ngunit nang gabi ring iyon ay gumawa sila ng bagong kasunduan. At iyon ay ang maging tapat at totoo sa isa't isa, na hindi sila magdadalawang isip na magsabi at magtanong kung ano man ang bumabagabag sa kanilang dalawa.

Dahil gaya nang sinabi ni Dianna, "communication is the key" kahit pa hindi iyon naintindihan nang lubos ni Kye dahil hindi niya kilala kung anumang lengguwahe iyon ng mga tao.

//

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro