Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13: Sa Boses, H'wag Paloloko

︎ Trigger Warning:
This chapter contains sensitive materials, extreme language, violence, & scenes that some readers may find upsetting.
Read at your own risk.

Kabanata 13

"Paalam po, papa. Mag-iingat kayo sa kalsada," ang magalang na paalam ni Dianna sa papa niya matapos niya itong ihatid palabas ng kanilang bahay. Ngiti niya itong kinawayan bilang paalam, hinihintay na makaalis ito nang tuluyan.

At nang hindi niya na nga ito matanaw ay nagtatakbo siya papasok ulit ng bahay at nagpadulas sa sahig na nagtungo ng kusina. Animo nasa isang karera niyang pinatay ang apoy ng bukas na kalan.

Kumuha siya ng dalawang pot holder at ibinaba ng kalan ang kawali gamit ang mga iyon. Pinagpagan niya ang kaniyang mga kamay matapos niyon. Napapalanghap naman siya sa hangin dahil sa mabangong usok ng bagong lutong ulam.

Sarsyadong itlog kapares ng sinangag na kanin para sa almusal. Kaharap ang kawali ay napangiti si Dianna sa kaniyang sarili dahil sa itsura pa lang ay mukhang masarap na ang kaniyang inihain.

Sasayaw-sayaw ay naglatag na siya ng dalawang plato sa ibabaw ng mesa, dalawang basong iinuman, at dalawang pares ng kutsara ay tinidor. Isinunod niya ang malalim na mangkok ng sinangag na kanin na hindi mawawala sa hapag.

"Kye, baba na riyan! Kakain na!" tahasan niyang sigaw upang tawagin si Kye. Umalingawngaw ang boses niya sa buong bahay na pagkatahimik.

Inasahan niya na ang tunog ng pinto ng kaniyang kuwarto na bubukas ilang saglit lang matapos niyang sumigaw, ngunit hindi iyon nangyari. Nagtataka ay nagdesisyon siyang silipin ang kuwarto mula sa hagdan ngunit walang senyales ni Kye.

Kaya naman umakyat na siya at pumasok ng kaniyang kuwarto kung saan ay naabutan niya ang pinto ng veranda na bukas. Basa ang sahig ng tubig galing sa ulan na inaagiw ng hangin papasok ng bukas na veranda.

Agad niyang isinara ang pinto ng veranda kahit na nagtataka siya sa biglaang pag-ulan. Ni hindi inanunsyo sa balita na mangyayari ito ngayong umaga. Naghanap siya ng basahan na tutuyo sa basa sa sahig ngunit natigilan siya nang mapansin ang katahimikan ng kuwarto.

Doon niya napansin na wala si Kye sa paligid. Kunot ang noo ay naisipan niyang tignan muna ang loob ng banyo at baka naroon lang ang lalake ngunit bigo siya. Sunod niyang binuksan ang bawat aparador sa kuwarto niya kung saan magkakasya si Kye upang magtago.

Ngunit walang senyales ni Kye maski anino nito. Muli niyang nilingon ang veranda na ngayon ay sarado na. Napapaisip kung bakit inabutan niya itong bukas kanina.

Hanggang sa mapagtanto niya kung bakit nawawala ang lalake na binilinan niya pang tahimik siyang hintayin at ihahanda niya ang kanilang kakainin oras na makaalis para sa trabaho ang kaniyang papa.

Hindi na siya nagdalawang isip at nagtatakbo na pababa ng hagdan at palabas ng bahay. Hindi niya pa nasusuot ng maayos ang kaniyang mga tsinelas ay tumakbo na siya palabas ng bahay bitbit ang isang maliit na payong.

Hindi siya sigurado kung saang direksyon siya dapat magtungo ngunit wala rin siyang ideya kung saan hahanapin ang lalake kaya naman nagpatinaod na lamang siya. Panay ang lingon sa bawa't madaraanan at baka makita niya ito sa tabi-tabi lamang.

"Kye! Mag-aalmusal na, bakit umalis ka pa?!" tahasang sigaw na pagtawag ni Dianna sa lalake kahit na hindi niya sigurado kung may nakaririnig nga ba sa kaniya kahit gaano niya pa ilakas ang boses niya dahil umuulan.

Ngunit hindi pa siya nawawalan ng pag-asa kaya naman nagpatuloy siya sa pagtawag sa pangalan ng lalake, umaasa na maski isa sa mga kalapit bahay nila ang makapansin sa kaniya. Hanggang sa mapansin niya na lang na nakaabot na siya palabas ng kanilang kalye.

Parating na siya ng kalsada kung saan mabibilis ang takbo ng mga sasakyan. Hinihingal dahil sa ginawang pagtakbo ay unti-unti siyang napahinto habang tinititigan kung gaano kaaliwalas ang panahon sa kaniyang harapan.

Tuyo ang konkretong kalsada at walang bakas ng anumang basa. Ibinaba niya ang payong na kaniyang hawak at agad siyang sinilaw ng liwanag ng mataas na araw.

Siyang kabaliktaran nang tumalikod siya mula sa kaniyang dinaanan. Madilim, makulimlim, at malalaki ang bawa't patak ng bumubuhos na ulan.

Hindi man niya maintindihan ang nangyayari ay humakbang siya patungo ng madilim at makulimlim na daanang iyon. Patuloy niyang tinatahak ang daan habang pinakikinggan ang tunog na ginagawa ng mga patak ng ulan na nalalaglag sa payong na kaniyang hawak.

Hindi maiwasan ni Dianna na maalala ang unang araw na nakilala niya si Kye. Bumuhos din ang ulan nang araw na iyon. Mga estranghero pa sila sa isa't isa. Misteryoso ang tingin noon ni Dianna kay Kye dahil noong una ay sinubukan siya nitong lunurin ngunit nang sumunod ay iniligtas ang buhay niya.

Ngunit hanggang ngayon naman ay misteryoso pa rin ang lalake para sa kaniya. Ni hindi nga siya nito binigyan ng ideya na bigla itong mawawala isang umaga habang umuulan. Hindi nito alam kung anong pag-aalala ang nararamdaman niyang nawawala ito

Lalo na ngayon nang mahinto siya sa paglalakad nang marating niya ang paanan ng kanilang kalye. Kung saan maputik at hindi pa gawa ang kalsada. Kung saan halos karamihan sa mga naninirahan ay mga taong lansangan.

Nakalulunod na ang taas ng tubig baha, ni sino ay hindi magagawang lumangoy sa tubig na iyon dahil sa sobrang dumi nito. Lumulutang ang mga basura at inaanod ng matinding baha kasama ng isang lalakeng nalulunod na.

Sa nasaksihan ay awtomatikong kumilos ang mga paa ni Dianna na magtatakbo palapit upang tulungan ang lalake. Ngunit hindi siya umabot nang biglang lumubog sa malalim na tubig ang lalake. Animo may kung anong malakas na puwersa ang humatak sa lalake mula sa ilalim.

Nahihintatakutan ay iginala ni Dianna ang kaniyang mga mata sa paligid sa pag-asang may makikita siyang mga taong nakalikas. Hindi niya alam kung may mga tao pa ba sa paligid dahil maski ang mga pinagtagpi-tagping kubo ay nagbaklasan na.

Paatas din nang paatas ang tubig kaya naman lumayo si Dianna malapit sa tubig. Mahigpit ang hawak niya sa kaniyang payong na pilit tinatangay ng hangin.

"Kye! Nasaan ka na ba?!" desperadong tawag ni Dianna kahit na maski sarili niya ay hindi niya magawang marinig. "Kye! Nakakainis ka!"

Makailang ulit na pagsigaw pa ang ginawa ni Dianna kahit na walang tumutugon sa kaniya. Napapagod na siya, nauubusan ng pasenya. Nais nang sumuko. Ngunit isang tinig ang kaniyang naulinagan.

Mahina at malabo ngunit nasisiguro niyang babae ang nagmamay-ari niyon. Itinikom ni Dianna ang kaniyang mga bibig upang subukan na pakinggan ang paligid at tukuyin kung saan nanggagaling ang mahihinang pag-ungol ng kung sino.

Impit na animo nahihirapan. Sa naririnig ay unti-unting nakaramdam ng takot si Dianna sa loob ng kaniyang puso. Nahihirapan siyang lumunok ngunit inihakbang din ang mga paa palapit sa tubig kung saan nanggagaling ang mga boses na unti-unting nabubuo.

"Di. . .an. . .na. . ."

"Hʼwag kang paloloko, narinig ko rin iyan." Nasurpresa si Dianna nang dahil sa boses na bigla na lang nanggaling sa kaniyang likuran ngunit ang mas nagpagulat sa kaniya ay ang isang sirena na tumalon paibaba ng tubig.

Nakabuka nang malaki ang mga braso nito habang ang mga kamay ay tinangka siyang abutin. Animo bumagal ang lahat para kay Dianna, naramdaman niya ang isang mapakas na puwersa na humatak sa kaniya papalayo mula sa sirenang tinangka siyang lunurin.

"Akala ko mitolohiya lang ang mga sirena, sinong mag-aakalang totoo pala sila?" Napangingiwi sa sakit na nagmulat ng mga mata si Dianna upang tignan kung kanino nanggagaling ang boses na iyon. "Akalain mo, may pantawid gutom na ako."

Isang lalakeng may katangkaran, wala itong suot na pang-itaas at napakarumi ng buong katawan mula sa naghalong putik at kulay asul na likidong masangsang. May hawak-hawak itong maliit na itim na napupuno na ng kalawang.

"Tangina mo, manlalaban ka pa!" galit nitong giit at gigil na itinarak ang hawak na itim sa mismong mukha ng sirena na pilit nanlalaban at kumakawala sa mahigpit na taling ipinulupot ng lalake sa leeg nito.

Sa nasaksihang karahasan ay nangilabot ang bawa't parte ng katawan ni Dianna. Kitang kita niya kung paano mangisay ang ngayong walang kalaban-laban na sirena habang sumisirit ang kulang asul nitong dito.

"Bakit nandito ka, Dianna?" Nangangatal ang mga labi dulot ng pagkasindak ay nilingon ni Dianna ang nagmamay-ari ng boses na tumawag sa kaniyang pangalan at nakita si Kye na siyang humatak sa kaniya papalayo sa peligro.

"Kye! Kanina pa kita hinahanap, nakakainis ka!" naiiyak na palahaw ni Dianna at dali-daling tumayo mula upang lapitan si Kye na nakahandusay malayo sa direksyon niya. "Hindi ka dapat umaalis nang hindi nagpapaalam sa akin, gusto mo bang palayasin na kita sa amin?!"

Narinig ni Dianna ang pagtawa ni Kye sa pabanta niyang biro kaya naman maliit siyang napangiti, sekretong nagpapasalamat na nakita niya na ang lalake matapos nang mahabang paghahanap.

Ngunit nakunot ang kaniyang noo nang biglang umubo si Kye at nagpakawala pa nang nahihirapang buntong hininga. Doon niya lang nakita nang tuluyan ang lagay ng lalake, nakahawak ito sa sariling tagiliran kung saan animo gripo na tumatagos ang kulay asul na likido.

May sugat si Kye. At sa isipin na nasasaktan ang lalake ay naging histerikal si Dianna, agad siyang nagtatakbo upang lapitan ang lalake ngunit isang kamay ang humatak sa kaniya papalayo kay Kye.

"Hʼwag kang paloloko, sirena rin ang isang iyan," ang matapang na babala kay Dianna ng lalakeng nakahawak ngayon sa kaniyang braso gamit ang kamay nitong kanina lamang ay pumaslang ng may buhay.

//

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro