Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Simula

Hangad ng bawat isa ang magkaroon ng isang kumpleto at masayang pamilya. May matinong tahanan, nakakakain sa araw-araw at hindi kinakapos sa pera. Sa loob ng isang hindi kalakihang tahanan ay masasalamin ang isang magandang halimbawa ng isang buong pamilya na ambisyon ng isang kabataan na kagaya ko.

Lumaki ako na mayroong ama at ina ngunit habang ang edad ko ay nadaragdagan, napagtanto kong ang isang buong pamilya ay hindi ibig sabihin na mayroon kang ama at ina. Sapagkat ako ay isang kabataan na lumaki kasama ang aking ama at ina ngunit ang pagmamahal nila ay hindi ko dama.

Siksikan na parang sardinas sa isang barong-barong na tahanan, ganyan kahirap ang buhay namin lalo't walo kaming magkakapatid na binubuhay ng aming mga magulang.

Ako ang panganay kung kaya't ako ang inaasahan palagi sa bahay. Si Nanay ay um-e-extra lang sa pagka-kasambahay habang si Tatay naman ay walang trabaho kung hindi ang tumanga sa bahay at maglustay ng pera sa sugalan gamit ang pera na kinikita ko mula sa pag-e-extra sa palengke; na dapat sana'y pambili namin ng pagkain.

Isa ako sa mga minalas na kabataan na hindi nakapag-aral sapagkat maaga akong minulat ng tadhana upang masaksihan kung gaano kalupit ang buhay sa isang dukha na kagaya ko.

"Tutunganga ka na lang ba riyan, Devyn? Ano'ng oras na pero hindi ka pa rin kumikilos? Kanina pa kami nagugutom, ah!" Nakaupo ako sa labas ng bahay namin nang marinig ko ang pagsigaw ng aking ama.

Wala akong nagawa kung hindi ang tumayo sa aking inuupuan at hinarap ang aking ama nang maramdaman kong nasa likod ko siya. Nang makaharap sa kaniya ay isang sapak sa mukha ang aking natamo.

Ramdam ko ang pamamaga ng labi ko sapagkat hindi pa man naghihilom ang sugat na natamo ko nang sampalin ako ng aking ina kahapon, sa kadahilanang hindi ako nakapag-abot sa kanila ng pera, sinabayan pa ng kamao ng aking ama kaya mas lalo itong sumakit.

Nanatili lamang akong nakayuko habang pinipigilan ang sarili na maiyak. Wala rin namang magagawa kung iiyak ako dahil hindi nito mapapalambot ang matigas na puso ng mga magulang ko.

"D-Didiskarte na po a-ako ng pagkain," nauutal kong sambit.

Kinwelyuhan ako ng aking ama at pilit na pinaharap niya ako sa kaniya. "Huwag kang uuwi rito nang wala kang bitbit na pagkain, naiintindihan mo?!"

Sunod-sunod akong tumango bago nito ako itulak nang malakas. Dahil sa sobrang lakas ng pagkakatulak ay nauntog pa ang likod ko sa upuan na kanina ay inuupuan ko.

Iika-ikang naglakad ako papaalis ng aming bahay upang dumiskarte ng aming makakain ngayong araw. Kung hindi sa basurahan, minsan ay nang-aagaw pa ako ng pagkain ng aso upang may madala man lang ako sa pamilya ko.

Pagkain din naman 'yon at makakatulong na punan ang gutom naming sikmura kaya kahit pagkain ng aso ay pinapatos ko.

Sa mundong kinasasadlakan ko ngayon, maituturing kong mas mahirap pa ako sa aso.

May pagkakataon na tatlo o apat na araw akong walang kain dahil kulang 'yong pagkain na naiuuwi ko para sa pamilya ko. Ako ang dumidilhensya ng makakain nila pero ako 'yong nauubusan ng pagkain.

Maswerte ako kung may matira sila sa dinala kong pagkain, doon pa lang magkakalaman ang sikmura ko. Pero kung wala, lulunukin ko na lang ang laway ko at itutulog ang kalam ng aking sikmura nang sa gayon ay makalimutan kong gutom ako.

"Kahit isang platong kanin lang po sana, Aling Susan. Pahingi po ako." Nagsusumamong sambit ko sa may-ari ng karinderya na tinungo ko.

Marahas ako nitong itinulak palabas ng karinderya. "Wala kang mapapala rito! Sa iba ka na lang maghanap ng paglamon niyo! Hindi ako nagtayo ng karinderya para lang ipamigay sa mga kagaya mo! Alis!"

Bagsak ang balikat na naglakad ako papalayo sa karinderya. Ilang basurahan na rin ang kinalkal ko para lang makahanap ng tira-tirang pagkain na itinapon ng mga mayayaman na aksayado sa pagkain.

Hanggang sa mapunta ko sa isang parke at muling kumalkal sa basurahan --- may nakita akong burger doon. Agad nagningning ang mga mata ko at akmang kukunin 'yon nang may kamay ang naunang kuhanin 'yon.

"Gusto mo?"

Napatingin ako sa may-ari ng kamay na 'yon. Isang di katandaan na lalaki habang iniinggit ako sa hawak nitong burger. Mayroon siyang mga kasamahan na lalaki kaya hindi ko na naisipan pang kuhanin 'yon dahil sigurado akong madaragdan pa lalo ang mga sugat ko sa mukha.

"Hahanap na lang po ako sa iba---"

"Gusto mo bang kumita ng pera?" Tanong nito kung kaya't muli akong napatingin sa kaniya. Ngumisi ito sa akin bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Hindi ka ba napapagod na mangalkal na lang sa mga basurahan ng pagkain para lang maiuwi sa pamilya mo?"

Umiling ako. "Minsan ko lang naman po itong ginagawa, kapag wala po akong na-extra-han sa palengke."

"Bakit ka magtitiis na um-extra ka sa palengke kung pwede ka namang kumita ng pera sa madaling paraan?" Nakangisi pa rin ito sa akin. "Mas doble pa ang kikitain mo kaysa sa raket mo na 'yan. At isa pa, matatapos na rin ang paghihirap mo na mangalkal ng basura para lang makahanap ng tira-tirang pagkain."

"A-Ano po ba 'yang trabaho na iaalok ninyo sa akin?" Nangangatog kong tanong.

Desperado na ko ngayon, idagdag pa na takot din akong umuwi sa bahay na wala akong dala na kahit ano. Sobrang sakit na ng katawan ko, mukhang hindi ko na kayang mabugbog na naman ng aking ama.

"Halika," inakbayan ako nito at iginiya sa kung saan. Nagpaakay naman ako sa kanila hanggang sa makarating kami sa isang town center na dagsa ng tao.

"Ano po bang gagawin natin dito?" Tanong ko sapagkat na-we-weird-uhan na ako sa mga pangyayari.

"Nakikita mo 'yong lalaki na 'yon?" Kasabay nito ay itinuro niya ang isang lalaki na nakatalikod habang nagtitingin ng mga souvenirs. "Dukutin mo 'yong wallet niya."

"P-Po?"

"Kaysa naman umuwi ka sa bahay niyo na wala kang kahit ano, edi para mapadali ang buhay mo, dukutin mo 'yong wallet ng lalaking iyon."

"P-Pero natatakot po akong makulong---"

"Hindi ka makukulong kung bibilisan mo ang kilos mo! Gawin mo na!" Itinulak ako nito nang malakas kaya wala na rin akong nagawa kung hindi ang gawin ang nais nitong gawin ko.

Pigil ang luha sa aking mga mata, lumapit ako sa kinaroroonan ng lalaki at maingat na kinuha mula sa bulsa nito ang nakausli niyang pitaka.

Nang makuha ko na ay kaagad akong tumakbo nang mabilis pabalik sa grupo ng lalaki na nagdala sa akin sa lugar na ito.

Marahas kong pinunasan ang pisngi ko bago ko iniabot ang pitaka na puno ng salapi.

"Mahusay! Ito ang parte mo." Wika nito at nag-abot sa akin ng dalawang libo. "Sa susunod ulit, huh?" Naglakad na sila papalayo sa akin habang ako ay nanatiling nakatayo sa isang masikip na eskinita.

Mariin kong pinakatitigan ang dalawang libong salapi na hawak ko. Oo nga't hindi na ako mabubugbog ng ama ko dahil may pera na akong hawak ngunit isang malaking kasalanan ang ginawa ko. Isang inosenteng tao ang ninakawan ko ng pitaka na batid kong hinahanap na niya ngayon.

Kagaya ng pangalan ko, mukhang mas masahol pa ako sa demonyo. Ngunit kung ito ang tanging paraan upang maitawid ang kumakalam naming sikmura, marahil ito na ang tamang pagkakataon na pasukin ko ang madilim na landas patungo sa impyerno.

"Kung ang paglaban sa kahirapan at kalupitan ng buhay ay ang pagkapit sa patalim, siguro ito nga ang landas na nararapat para sa akin."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro