Kabanata 9
Hindi ko magawang maging masaya kagaya ng mga kapatid ko ngayon.
Ang saya nina Kev at Joshua dahil sa mga laruan na binili sa kanila ni Nanay, ni hindi man lang alam ng mga kapatid ko kung sino ang nagsakripisyo para lang sa mga bagay na ‘yon.
Masasabi kong gumaan naman ang buhay namin, malayong-malayo sa buhay namin noong mga nakaraan kung saan nakadepende lamang ang pamilya namin sa kakarampot na sahod ko sa pagnanakaw.
Kumpara sa sahod ko, ‘di hamak na mas malaki nga naman ang halaga na kikitain ni Nanay sa pagbebenta ng katawan ng kapatid ko sa mga foreigner.
Dignidad nga lang ni Althea ang kapalit no’n.
Wala naman akong ibang magawa para patigilin si Nanay sa marumi niyang bisyo, maski si Tatay ay boto rin sa ginagawa ni Nanay.
Magkakasundo talaga ang dalawang ‘yon ‘pag usapang pera na, e.
“Ano na ngayon ang plano mo n’yan?” Dinig kong tanong ni Ysay.
Nagawa ko pa siyang mapakinggan sa kabila ng pagiging lutang ng isip ko.
“Actually, pwede n’yo naman gamitin ‘yong itinabi kong pera na hindi ko ibinigay kay Boss.”
Napatingin ako sa kanya. “Ano’ng pera?”
“Hindi mo na ba naaalala ‘yon? Hindi ba’t napag-usapan natin na ‘yong malaking halaga ng pera na nanakaw ko no’ng araw na ‘yon, itinabi ko ang kalahati at kalahati lang ang ibinigay natin kay Boss?”
Tinapik niya ang balikat ko. “Pwede mo naman gamitin ‘yon, Devyn. Hati naman tayo roon, e. Basta ang mahalaga ngayon ay makaalis na kayo sa poder ng Nanay at Tatay mo.”
“Ahhh,” nasabi ko nang maalala ko na ang tungkol sa pera na sinasabi niya.
“Hindi naman kasi pera ang problema ko ngayon, Ysay. Mismong si Althea ang pinoproblema ko dahil hanggang ngayon, ayaw niyang sumama sa akin na umalis na ng bahay.
Idagdag pa na ayaw na rin nina Kevin at Joshua na sumama sa akin kasi nga iba na ang buhay namin ngayon kaysa dati, e.
Dahil sa negosyo ni Nanay, nabibilhan na niya ang mga kapatid ko ng laruan at puno rin ng masasarap na pagkain ang hapag.”
“Kaya lang hindi ko magawang maging masaya kagaya no’ng dalawa… dahil alam kong galing ang mga ‘yon sa illegal na negosyo.” Dagdag ko at naiyuko na lamang ang ulo.
“Hindi rin naman nalalayo ang magiging buhay ng mga kapatid mo ‘pag ikaw ang pinili nilang samahan,” ani Ysay na ikinaangat ng ulo ko.
“Sa illegal na paraan mo rin naman sila bubuhayin, ‘di ba? Mag-stay man kayo sa bahay n’yo o hindi, wala pa rin namang magbabago.”
Sa totoo lang, ang dahilan ko kung bakit gusto kong lumayas na kami sa bahay ay dahil pagod na akong maltratuhin kami na parang patapong laruan ng mga naturingan na haligi at ilaw ng tahanan.
Makaalis lang kaming apat sa bahay na ‘yon, masaya na ako, e. Tuloy pa rin ang pagiging magnanakaw ko para buhayin ang mga kapatid ko, pero at least malayo na kami sa mga demonyo naming mga magulang.
‘Di baleng masunog na ang kaluluwa ko sa impyerno sa dami ng taong ninakawan ko, basta ang mahalaga lang sa akin ngayon ay habang buhay ako, makasama ko at maging masaya kami ng mga kapatid ko.
Gusto ko ring tuparin ang pangako ko sa kanilang babawiin ko ang mga kapatid kong ibinenta nina Nanay at Tatay.
“Tanggap ko naman na ipinanganak na akong masamang tao, Ysay. Mas gugustuhin ko pa nga na ako na lang ‘yong mahihirapan at masusunog ang kaluluwa sa impyerno.
Pero kung isa sa mga kapatid ko ang pahihirapan, hindi ko kaya.
Wala nga akong nagawa kung hindi tingnan na lang si Althea na nakahubad sa harap ng monitor, ang sakit lang kasi bakit pagdating sa mga magulang ko, bakit palagi akong walang laban?”
Ang sakit sa parte ko na kahit noon pang palamunin sa bahay sina Nanay at Tatay, na ako ang nagpapalamon sa kanila, kahit gano’n ang sitwasyon ay para bang sila pa rin ang mas may otoridad kaysa sa akin.
Sila pa ang may lakas ng loob na magalit sa akin sa tuwing sinusumbatan ko sila, lagi akong walang laban pagdating sa kanila.
Hindi ko naman hiling na maging sunud-sunuran sila sa akin pero sana kaunting respeto rin sa akin, na imbes na tinatrato nila ko noon nang maayos dahil ako ang kumikita ng pera sa pamilya namin, e wala pa rin silang pagbabago ng ugali.
Mas lumaki pa ang ulo ni Nanay ngayong mas kumikita na siya nang malaki kaysa sa akin.
“Tahan na nga, Devyn. ‘Pag pinagbintangan ako ng mga tao na pinaiiyak kita, baka ipakulong nila ako!”
Marahas kong pinunasan ang pisngi ko. “Pero ‘pag nagnanakaw ka, ‘di ka natatakot na makulong, ano?”
“Runner ako, ‘di nila ako mahahabol!” Taas-noong sambit niya.
“Pero seryoso na, ‘wag mo na lang masyadong isipin ang mga magulang mong mukhang pera.
Kung ako sa iyo, focus ka na lang muna sa trabaho at mag-ipon. Alam ko namang makukumbinsi mo rin ang mga kapatid mong sumama sa iyo, magtiwala ka lang!”
Pilit akong ngumiti at tinanguan na lamang si Ysay.
Sana nga ay dumating ang araw na piliin ng mga kapatid kong sumama sa akin kaysa manatili sa isang bahay kasama ang mga magulang namin na kampon ng demonyo.
---
“Ano kamo? Nakina Ruby na naman si Althea?”
“Oo, ate. Maglalaro lang naman daw sila, tiyaka naipagpaalam na rin naman daw ni Ate Ruby si Thea kay Nanay, e.” Sagot sa akin ni Joshua.
Makikipaglaro pala? Ano ‘yon? Makikipaglaro si Althea sa foreigner nang hubo’t hubad?
Sumagi sa isip ko na puntahan doon si Althea para subukang iuwi ang kapatid ko ngunit naisip ko rin na kahit naman gawin ko ‘yon, wala rin akong magagawa.
Tiyak na hindi na ako papayagan pa ng Ruby na ‘yon na abalahin sila sa trabaho, pagkatapos ng naging eksena sa bahay niya no’ng nakaraan.
Nanghihinang napaupo ako sa bagong bili na mahabang upuan kaharap ang malaking TV.
Ni minsan ay hindi ako nakapagpundar ng gamit dito sa bahay gamit ang pera na kinikita ko sa pagnanakaw, samantalang si Althea, wala pang isang buwan ay mukhang magagawa niya ng mansyon ang bahay namin.
Hindi ‘yon nakaka-proud… kundi naaawa ako sa kalagayan ng kapatid ko.
Ang bata pa niya kasi para gawin ang gano’ng bagay, para mamulat siya nang maaga kung gaano karumi ang mundo ng cybersex.
Sa tuwing naiisip ko ‘yon, nakokonsensya ako. Kung malaki lang siguro ang naiuuwi kong pera dito sa bahay, hindi naman siguro aabot sa punto si Nanay na gamitin si Thea para ibenta ang katawan nito, ‘di ba?
Kung malaki lang sana ang kinikita ko, wala sa ganitong sitwasyon si Thea.
Kasalanan ko ang lahat.
“Hindi ka ba masaya ngayon, Ate? Ang dami na nating pagkain, oh?
Hindi na kami pinagbabawalan nina Nanay na damihan ang kain kasi marami naman na raw tayong pambili.” Masayang balita sa akin ni Kevin.
“Masaya si Ate, syempre.” Pilit akong ngumiti.
“Matanong ko nga kayong dalawa, Joshua at Kevin. Hindi na ba talaga magbabago ang isip n’yo na sumama sa akin at umalis na rito sa bahay?”
Umiling si Joshua. “Dito na lang tayo, Ate! Kasama natin sina Nanay at Tatay tapos marami pa tayong pagkain na makakain.”
“Tiyaka kung aalis tayo rito, saan naman tayo pupulutin? Sa lansangan?
Imbes na masasarap na pagkain ang kinakain natin, magiging pagkain pa sa basurahan. Ayoko na umalis dito, Ate. Dito lang kami.” Sagot naman ni Kevin.
Napahinga ako nang malalim. Pangatlong beses ko na ito, ngunit pareho pa rin ang sagot nilang dalawa sa akin.
Buo na talaga ang desisyon nilang manatili rito sa bahay. Kailan kaya maiintindihan ng mga kapatid ko ang dahilan kung bakit kailangan naming umalis dito?
---
Kasalukuyang tinatahak ko ang daan patungong palengke nang may kumalabit sa likod ko.
“A-Ano naman ang kailangan mo sa akin?” May halong kaba na pagtatanong ko nang mapagtantong si Kerwin pala iyon.
Pagdating talaga sa kanya, hindi ko maipaliwanag kung bakit sobrang bilis ng tibok ng puso ko, na para bang aatakihin ako sa sobrang kaba ‘pag siya ang nakakausap ko.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko ‘pag nakikita siya… sobrang hirap ipaliwanag.
“Gusto ko lang sanang ibigay itong gift ko sa iyo,” tiyaka niya iniabot sa akin ang isang kulay asul na bag.
Kinuha ko naman iyon at sinilip ang nasa loob… isang ‘di kalakihan na kahon ang laman.
Binuksan ko iyon at dahan-dahang iniangat ang isang puting bagay na hugis parihaba.
Ano naman kaya ito?
“Ano ito?”
“Seryoso ka ba? Hindi mo alam ang tawag diyan?” Manghang tanong niya ngunit ako naman ay tanging pag-iling ang naitugon.
“Cellphone ‘yan, Devyn. Ginagamit para makipag-communicate sa mga taong malayo sa iyo.”
“Ahh,” alangan akong napatingin sa cellphone.
“Bakit mo naman ako binilhan nito? Hindi ko naman kailangan nito.”
“Tama ang kutob ko, wala ka ngang cellphone. Kaya nga binilhan kita para ngayon, mayroon ka na niyan.” Nakangiti niyang sambit.
“Nang sa gayon, kahit gabi ay nakakausap kita.
Hindi na ako nakukuntento na makita ka dalawang beses sa isang linggo, e.
Let’s upgrade, try naman natin mag-usap mula umaga hanggang gabi gamit ang social media.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro