Kabanata 7
“Bakit ka ba nilapitan ng mga lalaking ‘yon? Ano’ng intensyon nila sa iyo?”
Naglalakad kaming dalawa patungo sa bahay namin, sinabi niyang ihahatid na raw niya ako para daw makasiguro siyang makauuwi ako sa bahay namin nang ligtas.
Ang gentleman niya talaga, idagdag pa na ang gwapo at ang bait niya rin.
“Uh, hindi ko rin kasi alam.” Pagpapalusot ko.
Hindi ko naman ubrang sabihin kay Kerwin ang totoo dahil kung sakaling malaman niya ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko, baka imbes na maging kaibigan ko siya, e maudlot pa.
“Baka napagtrip-an ka lang,” huminto siya sa paglalakad.
Akala ko ay napagod siya maglakad, ‘yon pala ay huminto siya para lang harapin ako’t kausapin nang masinsinan.
“Para maiwasan mo nang maharang ng mga lalaking kagaya nila, ‘wag ka nang umuwi ng gabi. Mamaya ay kung mapano ka pa, hirap pa naman sa mga tao ngayon ay handang maging masama para sa sarili nilang pangangailangan.”
Napalunok ako ng laway dahil sa sinabi niya. Wala naman akong dapat tutulan sa sinabi ni Kerwin dahil nagsasabi lang naman siya ng pawang katotohanan.
Kagaya ko, pinili ko ang maging masamang tao sa kabila ng mura kong edad para matugunan ang pangangailangan ng pamilya namin.
Alam kong masama ang ginagawa ko pero wala na rin akong maisip na ibang paraan para kumita ng malaking halaga ng pera.
“Dito na lang ako, Kerwin. Hindi mo na ako kailangan ihatid papasok.”
Ngumiti siya sa akin, ang mas ikinagulat ko ay nang ipatong niya ang kaniyang palad sa ulo ko. “Huwag mong kalilimutan ‘yong sinabi ko, Devyn. ‘Wag ka nang magpapagabi ng uwi, hmm?”
Tumango na lamang ako bilang sagot bago naglakad palayo sa kaniya.
“Bakit ko naman siya susundin? Sino ba siya?” Bulong ko sa sarili.
Tiyaka isa pa, hindi naman maiiwasan sa isang magnanakaw na kagaya ko na gabihin ang uwi.
May mga araw nga na tuwing gabi kami gumagawa ng aksyon para magnakaw kaya ang hirap naman kung susundin ko ang sinasabi niya.
At isa pa, kakikilala ko pa lang sa kanya kaya hindi ko siya dapat pagkatiwalaan kaagad.
Kahit na ba gwapo siya at gentleman!
---
“Tunog pa lang ng pangalan niya, mukha ngang gwapo at yayamanin.” Komento ni Ysay matapos kong ikwento sa kanya ang tungkol kay Kerwin.
Inaasahan ko na rin naman na matutuwa at kikiligin siya sa oras na maikwento ko sa kanya ang tungkol kay Kerwin. Mahilig kasi ang kaibigan ko sa gwapo, ‘yon iyon!
“Kapag nagkita kami ulit, ipapakilala kita sa kanya. Talagang tatakbuhin kita sa bahay n’yo para lang makilala mo siya.”
“Sana bukas na mangyari ‘yan. Excited na akong makilala siya, Devyn!”
Natawa ako dahil sa lakas ng boses niya, ganyan kasi talaga siya ‘pag excited siya at tuwang-tuwa… nagiging maingay.
“Anyway, may raket tayo mamayang gabi. Sabi ni boss, sumama raw tayo sa mga tauhan niya na rumaket mamaya upang loobin ang isang banko.
Mag-ready ka, huh? Alas-syete raw ang call time, bawal ang ma-late!”
Napaisip naman ako sa sinabi ni Ysay. Ito ‘yong sinasabi ko na may mga araw na gabi kami rumaraket para magnakaw.
At ito na nga iyon.
Sa pagkakataon na ito, bigla kong naalala ‘yong bilin sa akin ni Kerwin kagabi… na ‘wag daw akong magpapagabi ng uwi.
Pinapahalagahan ko naman na nag-aalala siya para sa kaligtasan ko --- teka nga! Wala dapat akong pakialam sa kanya, ‘di ba?
“Devyn, okay ka lang?”
“Oo, medyo nahilo lang ako.” Sagot ko.
“Makakasama ka ba mamaya?” Tanong ni Ysay.
“Kung masama ang pakiramdam mo, ako nang bahala sumalo sa iyo. Magpahinga ka na lang sa bahay n’yo, okay?”
Marahas kong iwinilig ang aking ulo tanda ng hindi pagsang-ayon. “Hindi na, ‘no? Sasama ako sa inyo mamaya. Sigurado naman akong mawawala rin ang pagkahilo ko mamaya.”
“Sure ka ba? Kung ang inaalala mo naman ay wala kang kikitain na pera, okay lang naman na partihan kita sa sasahurin ko.
Basta ang mahalaga ay makapagpahinga ka.” Pagpupumilit ni Ysay sa kanyang gusto.
“May mga araw nga na sumasabak ako sa pagnanakaw kahit masakit ang katawan ko dahil sa pananakit ni Tatay sa akin.
Kumpara sa nararamdaman ko ngayon na pagkahilo, wala lang ito.
Hindi ba’t nabanggit ko na rin naman sa iyo na kinakailangan kong doblehin ang pagkayod ko para makaalis na kami sa bahay?
Tingin ko ay oportunidad na ito kaya ‘wag mo na subukang pigilan ako.” Natawa ako nang bahagya. “Kaya ko ang sarili ko, Ysay.”
Bumuga ng mainit na hangin si Ysay, bagsak ang kanyang balikat na ako’y tinanguan. “Kahit kailan ka talaga, ang hirap mong i-please, ano?”
Natawa na lamang kami pareho bago naghanda para sa misyon namin mamayang gabi.
Ito ang unang pagkakataon namin ni Ysay na makasama ang ibang mga tauhan ni Boss sa pagnanakaw.
Kadalasan kasi ay kaming dalawa lang ni Ysay ang nagnanakaw, kung baga ay partners-in-crime kami, ngunit ngayon ay iba na ang ihip ng hangin.
Kinakabahan ako sa maaaring mangyari mamayang gabi, ngunit sana ay hindi kami mabigo.
Sa katunayan, hindi naman talaga ako nakararamdam ng pagkahilo. Naipalusot ko lamang ‘yon kay Ysay dahil ilang segundo bago ako nagdesisyong sumabak sa misyon, naisip kong sabihin ‘yon dahil may isang parte ng pagkatao ko ang gustong sundin ang sinabi ni Kerwin sa akin kagabi.
Nakokonsensya na rin kasi akong ipagpatuloy ang gan’tong klaseng trabaho… at isa si Kerwin sa naging dahilan no’n.
Ngunit kaagad ko ring binawi dahil sa pagkakataong ito, hindi dapat ako maging makasarili.
Binalikan ko ang dahilan kung bakit ko ginagawa ang ganitong bagay… at ito ay dahil sa mga kapatid ko. Kailangan ko ng pera para na rin sa kaligtasan nila.
---
“Ready na ba kayo, mga atabs?” Tanong ni Kuya Ralph, isa sa mga kasamahan namin.
Sabay kaming tumango ni Ysay sa kanya.
Kami ngayon ay nakasuot ng itim na t shirt at pantalon, may balot din ang mukha namin ng itim na mask nang sa gayon ay hindi kami makilala ng kung sino.
Mayroon din kaming suot na sumbrero, parte ng pagpapanggap na ang grupo namin ay mga customers lamang ng convenience store na aming loloobin.
“Gawin nating alas-otso ang pasok,” ani Kuya Jay naman at nakatingin sa kanyang phone.
Tatlong minuto na lamang bago mag-alas-otso, kung kaya’t hindi ko na mapigilan ang sarili na kabahan at pagpawisan sa loob ng telang suot ko.
“Alam n’yo nang dalawa ang gagawin n’yo, huh? Kayo ang magpapanggap na pupunta sa counter at bibili, okay ba?”
“Opo,” sagot ni Ysay kay Kuya Marlon.
“Kami naman ay papasok sa oras na makarating kayo sa counter,” ani Kuya Ralph.
“Tara na.” Ani Kuya Jay.
Nauna kami ni Ysay na pumasok sa loob ng convenience store, pumunta kami sa dairy milk section at kumuha ng ilang pirasong mga tsokolate.
Bigla kong naalala na bago ako umalis ng bahay, sinabihan ako ni Kevin na gusto niya raw ng tsokolate. Ngunit nang tingnan ko naman ang presyo ng hawak kong tsokolate, katumbas ng tatlong kilong bigas ang presyo nito.
Pambihira.
“Tara na sa counter, Devyn.” Aya ni Ysay sa akin, ako naman ay tumango at sumunod sa kanyang bagtasin ang daan patungo sa counter.
“P545.67 po---”
“Itaas n’yo ang mga kamay n’yo!”
Tulad ng napagplanuhan, pumasok na ang ibang mga kasamahan namin habang nakatutok ang kanilang mga baril sa dalawang cashier sa loob ng convenience store.
“A-Ano’ng ginagawa n’yo?”
“Huwag ka ngang magtanong kung obvious naman ang sagot.” Ani Kuya Marlon. “Pera.”
“P-Po?”
“Ilabas n’yo na lahat ng pera, dali!” Sigaw ni Kuya Jay, minamadali na niya ang mga cashier kasi baka maabutan pa kami ng mga pulis.
Dala marahil ng takot ay dali-daling inilabas no’ng dalawang cashier ang mga pera. Iyon naman ay agad kinuha ng mga kasamahan ko at isinilid sa dala nilang bag, si Kuya Ralph naman ay tinututukan pa rin ng baril ang dalawa.
“Pakuha na rin ako cupnoodles,” ani Kuya Mav.
May dala siyang plastic at ultimo nag-shopping siya dahil silid siya nang silid ng mga items doon sa hawak niyang plastic bag.
“May paparating nang mga pulis. Tara na!”
At iyon ang naging hudyat namin para mabilis na lumabas sa convenience store, mabilis kaming tumakbo hanggang sa makasiguro kaming hindi na kami masusundan pa ng mga pulis na iyon.
“Good job, mga atabs.” Pagpuri ni Kuya Jay sa amin ni Ysay.
Tuwang-tuwa si Ysay sa papuring natanggap niya, samantalang ako ay nakatitig lamang sa tsokolateng hindi ko pala nabitawan mula ng kunin ko ‘to sa may dairy milk section.
Maganda na rin na hindi ko ito binitiwan, at least ay may maibibigay akong pasalubong kay Kevin pag-uwi ko ng aming bahay.
---
Alas-dyes ng umaga nang ako’y makagaling kay Boss upang tanggapin ang sweldo ko para sa matagumpay na trabaho namin kahapon.
Mag-isa lang ako ngayon dahil si Ysay ay sinabihan akong baka tanghali na siya pumunta kay Boss dahil maglalaba siya ngayong umaga.
Sa kalagitnaan ng pagtahak ko pauwi ng aming bahay, may nadaanan akong manggahan.
Ang dahilan kung bakit napahinto ako sa paglalakad ay hindi dahil napukaw ako ng kulay dilaw na bunga ng puno, kung hindi dahil namataan ko ang isang pamilyar na lalaki na nakaupo roon habang nagbabasa ng libro.
Ikinagulat ko pa nang bigla siyang sumulyap sa akin. Nginitian niya ako at kinawayan, ako naman ay hindi ko namalayang naglalakad na ako palapit sa kanya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Hindi ko na napigilan ang sarili na magtanong.
“Paborito kong tambayan ang punong ito kasi mahangin dito, tapos kapag nagutom ako ay pwede akong pumitas ng mangga sa itaas.” Nakangiti niyang tugon, sabay itinuro Hamilton na tanaw mula rito.
“Tiyaka ang ganda rin ng view rito, tanaw ko ang school ko.”
“Ahh,”
“Mas ginanahan tuloy akong mag-aral, Devyn.”
Kunot-noong sinagot ko siya. “Bakit?”
“Kasi nandito ka… kasama ko rito ngayon.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro