Kabanata 6
"Ate, ano na pong gagawin natin kay Ate Thea? Hindi ba natin siya tutulungan?" Nag-aalang tanong ni Kevin.
Hindi ko rin alam kung paano ko siya sasagutin.
Nasa labas lang kami ngayon ng bahay dahil iniutos ni Tatay kay Nanay na palabasin kami, marahil iyon ay dahil sa ginawa kong pagpalag kay Tatay para subukang 'wag ituloy ang binabalak niyang panggagahasa sa kapatid ko.
Napakabata pa ni Althea para maranasan ang gano'ng bagay. Paano nasisikmura ni Tatay na gahasain ang sarili niyang anak?
Wala na ba talaga siyang natitirang awa o pagmamalasakit sa mga anak niya?
"Paano 'pag nabuntis siya? Edi siya na ang magiging Nanay natin---"
"Hindi mangyayari 'yon, Joshua!" Pagputol ko sa sinasabi ng kapatid ko. "Umaasa ako na hindi 'yon mangyayari dahil hindi pa naman dinadatnan si Althea."
Ipinapangako kong ito na ang una't huling beses na mangyayari ito.
Alam kong kulang na kulang ang pera na mayroon ako sa ngayon para ilayo ang mga kapatid ko sa impyernong ito.
Pero kung pipiliin kong manatili pa kami rito, baka mas lalo lang lumala ang sitwasyon.
"Matulog na kayo," utos ko roon sa dalawa. "Nakapaglatag na ako ng karton, humiga na kayo roon."
"Kami lang ang kasya rito ni Kevin, e. Paano ka, Ate?"
"Pwede naman akong hindi matulog. 'Wag n'yo na akong isipin."
Kaya ko namang matulog kahit nakaupo lang, titiisin ko na lamang ang gabing ito bitbit ang konsensya at awa para sa kapatid kong si Althea.
Bukas na bukas din, magpapaalam na kaming apat sa impyernong tinirhan namin ng mahabang panahon.
---
"Nababaliw ka na ba, Althea? Sigurado ka bang ayaw mong sumama sa amin?" Muli kong tanong sa kapatid kong babae.
"Hindi ko iiwan sina Nanay at Tatay rito,"
"Althea---"
"Kung gusto n'yong umalis, umalis kayo! 'Wag n'yo ng pilitin na isama 'tong si Althea. Kitang ayaw ngang sumama sa inyo, oh!" Bulyaw ni Tatay.
Pinanlisikan ko siya ng mata. "Tinakot n'yo siguro kaya ayaw sumama?"
"Wala akong dapat ipaliwanag sa iyo, Devyn. Maluwag ang pintuan kaya't umalis na kayo kung aalis kayo!"
Lumabas na ito ng bahay, umaalingawngaw ang kanyang mala-demonyong halakhak.
Nagawi naman kay Althea ang tingin ko, lumuhod ako sa harap niya upang makapantay ko siya.
"Kung anuman ang ibinanta sa iyo ni Tatay, 'wag kang matakot sa kanya. Akong bahala sa inyo, huh? Umalis na tayo rito."
"Dito lang ako,"
"Althea naman---"
"Dito nga lang ako, Ate! Hindi ako sasama sa inyo!" At tiyaka siya nagtatakbo patungo roon sa sulok at nagmukmok.
Hindi kayang tiisin ng konsensya ko kung kami lang nina Joshua at Kevin ang aalis sa bahay na ito habang si Althea ang nag-iisa rito sa bahay kasama sina Nanay at Tatay.
Ayokong siya ang pumalit sa akin para gawing punching bag ni Tatay. Ayos ng ako ang nasasaktan para sa kanila, kayang-kaya ko 'yon tiisin.
"Matutuloy pa ba tayo, Ate?" Tanong ni Kevin.
Dahan-dahan akong umiling. "Siguro sa susunod na araw na lang. Hintayin nating magbago ang isip ni Thea para sumama sa atin, huh?"
Ibinalik ko sa ayos ang mga gamit namin bago ako nagpaalam sa mga kapatid kong aalis muna ako. Kailangan kong doblehin ang pagkayod nang sa gayon ay mapabilis ang pag-alis namin sa bahay.
Napag-isipan ko rin na kay Ysay ko na lang ipatago lahat ng mga perang naiipon ko para naman masigurong hindi ko 'yon magagastos o masisilip pa ng buwaya kong mga magulang.
"Bukas pa raw ang raket natin," sagot sa akin ni Ysay.
Kung bakit ba naman kasi kailangan ay may schedule pa kung kailan kami magnanakaw, e.
Hindi ba pwedeng kung kailan na lang namin gusto magnakaw kami gagawa ng aksyon para mas dumami pa lalo ang kikitain namin?
"May iba ka bang alam na raket diyan?" Tanong ko, desperada na kasi akong makahanap ng mapagkakakitaan.
"Wala rin," aniya. "Bakit ba atat na atat kang magbanat ng buto, Devyn? Ano'ng mayroon, huh?"
"Sa lalong madaling panahon, gusto kong makaalis na kami ng mga kapatid ko sa bahay. Hindi ko na kayang tumagal pa roon, e."
"May nangyari ba?"
"Wala!" Pagsisinungaling ko.
"Tiyak na may nangyari. Hindi mo ako maloloko, Devyn. Ano nga kasi ang nangyari, huh?" Pamimilit niya na magsalita ako.
Huminga ako nang malalim. "Si Tatay kasi, e. Ginahasa niya 'yong kapatid kong babae kagabi.
Hindi man lang siya naawa, sarili niyang anak ginawan niya ng kababuyan!" Hindi ko na napigilan ang luha ko na bumagsak.
Nandito pa rin 'yong nararamdaman kong galit para kay Tatay. Kung galit na galit ako sa kanya noon, mas nadagdagan 'yong ngayon.
Gawain ba naman ng isang matinong ama na babuyin ang sarili niyang anak?! Tapos si Nanay naman, hinayaan lang 'yong demonyo niyang asawa na gawan ng kababuyan ang anak niyang babae.
Mga walang puso!
"Ginawa ng Tatay mo 'yon?!" Gulat na tanong ni Ysay.
"Devyn, mukhang kailangan mo na talagang ilayo ang mga kapatid mo sa bahay n'yo. Pahihiramin kita ng pera. Magkano ba?"
Umiling ako. "Ayaw sumama ni Althea sa akin no'ng subukan kong yayain siya na lumayas na sa bahay."
"Bakit naman siya aayaw?"
"Hindi ko alam," pinahid ko ang bumabagtas na luha sa aking pisngi.
"Ang kutob ko nga, pinagbantaan siya ni Tatay para hindi siya sumama sa akin. Malamang natunugan ng hayop na 'yon na may pinaplano akong paglayas."
"Matalino rin 'yang Tatay mo, e." Iiling-iling na sambit ni Ysay. "Ano na ngayon ang plano mo? Paano kapag inulit niya 'yon sa kapatid mo?"
Napayuko ako. "Iyon ang sana ay 'wag ng mangyari, Ysay. Ang bata pa ni Althea para maranasan 'yon, e. Naaawa ako sa kanya."
Naramdaman ko ang pagtapik niya sa balikat ko, laking pasasalamat na nariyan siya upang makinig sa akin at damayan sa problema ko.
"Sabihan mo lang ako kung may magagawa ako para tulungan ka, huh? Sigawan mo lang ako sa bahay, darating ako kaagad."
Pinalo ko nga sa braso. "Ysay naman, nagawa mo pang magbiro ah!"
"Alam ko namang mabigat ang problemang pinagdaraanan mo ngayon, Devyn.
Ano ba namang masama na magbiro ako kahit ngayon lang, 'di ba? Hindi ko gustong malungkot ang kaibigan ko, hmm?"
Ngumiti ako at hindi na sumagot. Niyakap ko na lang siya bilang tugon. Malas man ako sa naging magulang ko, napakaswerte ko naman na si Ysay ang naging kaibigan ko.
Hindi man para sa mga menor de edad ang lugar kung saan kami nagkakilala, lubos pa rin akong nagpapasalamat kasi dahil pinasok ko ang mundo ng krimen, nakilala ko siya.
---
Buong araw akong pagod dahil sa mga trabahong pinasok ko upang kumita lamang ng pera.
Matapos akong makipagkita kay Ysay kanina, nagtungo ako sa barangay namin dahil narinig kong nagpapabayad raw sila para magwalis sa gilid ng kalye.
Hindi ako natatakot na magtungo sa barangay, 'no? Hindi naman nila alam na isa ako sa mga batang nagnanakaw ngayon, e.
Nilakasan ko talaga ang loob ko dulot na rin ng matinding pangangailangan ko sa salapi.
Tanghali ako nang matapos sa pagwawalis, kumita ako ng P100. Para sa akin ay malaki-laki na rin 'yong tulong para sa perang iniipon ko.
Makagaling sa barangay ay sa palengke ang diretsyo ko. Binalikan ko ang sideline ko na magbuhat at maghila ng batya-batyang isda mula sa daungan hanggang sa palengke.
Tumaas nga nang bahagya ang pasweldo nila, nakatanggap ako ng P100 para sa tatlong batya na nahakot ko.
"Pagod pero kakayanin ko para sa mga kapatid ko," huminga ako nang malalim at pilit na ngumiti.
Kaunting tiis na lang, magiging malaya na rin kami.
Ginabi na ako sa paglalakad pauwi sa aming bahay pero ayos lang naman sa akin, hindi naman ako lapitin ng mga manyakis dahil hindi nila type ang batang yagit na kagaya ko.
"Ikaw nga…"
Napahinto ako sa paglalakad nang may humarang na lalaki sa aking harapan. Tatlo silang mga lalaki na malalaki ang katawan at ang paraan ng pagtingin nila ay nakakatakot.
"P-Po?" Kinakabahan kong tanong. "M-May kailangan p-po ba kayo sa a-akin?"
"Nakita kita noong araw na 'yon," sambit no'ng malaking lalaki sa gitna. "Ikaw 'yong nagnakaw sa wallet ng asawa ko, 'di ba?!"
Mas lalong nadagdagan ang kaba ko. Sa dami ng ninakawan ko, hindi ko matukoy sa kanila kung sino roon ang asawa niya.
Higit sa lahat, wala naman na siyang mababawi sa akin dahil nasa boss na namin 'yon lahat, e.
"Nagkakamali po kayo---"
Bigla ako nitong kinwelyuhan. "Sino nga namang kriminal ang aamin sa kasalanang ginawa nila?"
"Hatawin na ba namin, boss?"
Napatingin ako sa gilid, roon sa lalaking nagsalita na may hawak na bakal. Mahina niyang inihahampas 'yon sa kanyang palad na mas lalong nagpakabog sa dibdib ko.
"Maawa na po kayo sa akin, 'wag n'yo po akong sasaktan. Hindi po ako 'yong nagnakaw ng wallet ng asawa n'yo---"
Sinampal ako nito nang malakas kung kaya't napahinto ako sa pagsasalita.
"Hindi bale nang hindi mo maibalik sa akin ang pera…"
Huminto ito sa pagsasalita, at lumapit sa katawan kong nakalumpasay sa kalsada.
"Tuturuan ka na lang namin ng leksyon," tiyaka ito humalakhak.
Nanginginig ang katawan ko na dahan-dahang napapausod upang layuan ang dalawang lalaki na may hawak ng tig-isang bakal.
Mukhang hindi ako sa suntok mamamatay kung hindi sa tigas ng mga bakal na bitbit nila.
Napapikit ako nang mariin nang sabay nilang ihagis sa ere ang bakal na hawak nila, hinihintay kong dumapo sa aking katawan ang hagupit ng matigas na bagay na hawak nila.
Pero wala akong naramdaman.
"Hindi naman po tamang manakit kayo ng tao… Lalo't babae pa siya."
Tiningala ko ang lalaking nasa harapan ko, siya ngayon ang nakaharang sa akin at nagsilbing proteksyon ko.
"Sundalo ang Lolo ko, isang lawyer naman ang Tito ko at ang Ninong ko ay isang pulis. Pwede ko kayong isumbong kung hindi pa kayo aalis."
Napaamba 'yong matabang lalaki. "Bwiset kang bata ka!" At tiyaka sila umalis papalayo sa amin.
'Yong lalaki naman ay humarap sa akin, nakangiti siya sa akin habang inaalalayan akong tumayo.
Teka…
Siya rin 'yong lalaking muntik ko ng manakawan noon, ah?
"Patas na tayo ngayon, okay?" Nakangiti niyang sambit. "Dahil ibinalik mo sa akin ang wallet ko noong araw na 'yon, ito na 'yong sukli."
"Ako si Kerwin." Dagdag niya bago inilahad sa akin ang kamay niya.
Tinitigan ko lang ang kamay niyang nakalahad, nagdadalawang-isip kung tatanggapin ko 'yon.
Ngunit siya na mismo ang umabot sa kamay ko, kung kaya't nagtataka ko siyang tiningnan… Pati na rin ang magkadikit naming mga palad.
"Ano'ng pangalan mo?"
Binawi ko kaagad ang kamay ko at bahagyang lumayo sa kanya.
Nakayuko ko siyang sinagot. "Devyn ang pangalan ko."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro