Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

Mula sa pagkakadikit ng titig ko sa mukha niya, ito'y bumaba… lumagpak sa pitaka na aking hawak.

"Uhm," hinanap ko sa dila ang isang palusot na hindi halatang kasinungalingan. "Nalaglag kasi 'yong pitaka mo kaya pinulot ko. Kakalabitin na nga sana kita para ibalik sa iyo, kaso naunahan mo na ako." 

"Gano'n ba?"

Iniabot ko sa kanya ang pitaka. "Heto oh, ibinabalik ko na sa iyo." 

Tatalikod na dapat ako upang maglakad papalayo sa lalaki nang bigla kong maramdaman na hinawakan niya ang kamay ko.

"Sandali," aniya. 

"B-Bakit?" Nang makaharap akong muli sa kanya, inabutan niya ako ng isang libo. "P-Para saan ito?"

"Pasasalamat ko kasi ibinalik mo sa akin ang wallet ko," nakangiti siya ng malawak sa akin, isang sapat na dahilan para kumabog nang sobrang lakas ang dibdib ko.

"H-Hindi na, 'no? Hindi ko naman ginawa 'yon dahil may kapalit---"

"Tanggapin mo na," hawak ng dalawang palad niya ang kanang kamay ko, inilagay roon ang salapi. "Ingat ka pauwi!" Bago niya ako tuluyang talikuran.

Nakatulala lamang ako sa palad kong may hawak na salapi. Laking pasasalamat ko dahil napakabait pala ng lalaki na 'yon… Pero nakokonsensya rin ako dahil pinagtangkaan ko siyang nakawan sa kabila ng kabutihan niya.

Mabuti't hindi natuloy ang binabalak ko.

"Kung nagkataon, konsensya ko pa sakaling ninakawan ko ang napakabait na lalaking 'yon." Bulong ko sa sarili bago tinahak ang daan pauwi sa bahay.

At least hindi nauwi sa wala ang ginawa kong pag-raket ngayong araw. Kahit na hindi ako nakapagnakaw, binigyan naman ako ng lalaking 'yon ng pera… Nang kusang loob. 

Napakabait niya… Napakagwapo pa.

Agad kong iwinilig ang ulo. "Ano ba naman 'yang naiisip ko? Oo, gwapo naman siya p-pero bakit parang paulit-ulit siyang nag-f-flash sa utak ko --- hindi! Mali ito!"

Huminga ako nang malalim, inhale… exhale.

Hindi man sigurado kung bakit paulit-ulit inaalala ng isip ko ang mukha niya, ngunit hindi 'to tama. Ano naman kung mabait at gwapo siya? 

Aysh! Mababaliw na yata ako!

---

"Tay! Ano na naman bang ginawa sa inyo ng mga kapatid ko?! Bakit sila nagsumbong sa akin at sinabi nilang sinaktan n'yo na naman sila?" Matapang kong kinumpronta si Tatay na nasa labas ng bahay.

Marahas niya akong kinwelyuhan, kitang-kita ng aking mga mata ang namumula niyang mata. "Tarantado kasi 'yang mga punyeta mong kapatid! Itinapon 'yong drugs ko sa basurahan---"

"Mabuti kung gano'n!" Pagputol ko sa sinasabi niya. "Iniligtas lang kayo ng mga anak ninyo sa pagkaadik at pagkabaliw!"

"Ano'ng sinabi mo?" 

"Tay naman, 'wag na po kayong mag-drugs. Alalahanin n'yo naman sana ang kalusugan n'yo. Nakikiusap po ako."

Sandali siyang natigilan, marahil ay napaisip nang maigi sa sinabi ko. Kumalma siya pagkaraan no'n kung kaya't nabuhayan ako ng loob na baka sakaling naliwanagan na ang tatay ko.

Ngunit nagbago ang lahat nang hampasin niya ang mukha ko gamit ang likod ng kanyang palad. "Wala kang karapatan na diktahan ako dahil anak lang kita! Ang kapal ng mukha mo na pigilan ako sa gusto kong gawin!"

"Ito ang tandaan mo, Devyn! Ikaw man ang nagtatrabaho para mabuhay tayong lahat dito sa bahay, ngunit hindi pa rin mababago na ako ang ama mo at ikaw… Anak lang kita! Wala kang karapatan na pangunahan ang desisyon ko!"

"Kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko, wala ka ng pakialam doon!" 

Sana pala hindi na lang ako umasa na may pag-asa pang mabago ko ang pananaw niya sa buhay. 'Yon ang mas masakit, e.

Sa ilang daang hampas at suntok sa katawan na inabot ko sa mga magulang ko, ang pinakamasakit sa lahat ay 'yong katotohanang kahit ano'ng gawin ko, hindi ko sila mababago.

Pumasok ako sa loob, binalikan ang mga kapatid kong takot na takot na nagsusumiksik sa gilid ng mga kahong may damit. Malamang ay na-trauma sila dahil sa ginawang pananakit ni Tatay sa kanila, na nasaktuhang wala ako para ipagtanggol sila.

"Sabihin n'yo kay Ate kung ano'ng masakit sa inyo. Halika't gagamutin ko ang mga sugat ninyo."

"Gusto ko ng umalis dito," umiiyak na sambit ni Althea. "Ate, ayoko na rito sa bahay. Natatakot na kami kina Nanay at Tatay kasi palagi nila tayong sinasaktan."

"Kaya nga, Ate." Si Joshua naman ang nagsalita.

"Hindi ba't ang mga magulang ay inaalagaan nila ang mga anak nila?" Tanong naman ni Kevin. "Pero bakit sina Nanay at Tatay ay sinasaktan tayo? Hindi ba nila tayo mahal?"

Iyon din ang tanong ko, Kevin.

Naiiyak ako dahil hindi ko rin alam ang sagot sa tanong nila. Hindi ko alam kung paano ko sila sasagutin at kung paano ko mapagagaan ang pakiramdam nila.

"Hindi pa tayo pwedeng umalis dito,"

"Ate, okay lang sa akin kung sa lansangan na lang tayo tumira. Basta 'wag lang dito sa bahay… Kasama sina Nanay at Tatay." Ani Joshua.

Pinunasan ko ang mga takas na luha sa aking pisngi. Pinilit ko ang sarili na ngumiti bago sila sinimulang kumbinsihin. "Hintayin n'yong makaipon si Ate, okay? Kapag malaki-laki na ang naipon ko, ipinapangako kong aalis na tayo sa bahay na ito sa lalong madaling panahon."

"Talaga ba, Ate?" Tanong ni Kevin.

"Oo naman," nakangiting sagot ko. "Iyan ang pangako ko sa inyo…" 

Kahit mahirap at labag sa kalooban ko, mas dodoblehin ko ang pagsisikap na kumita ng malaking pera.

Hindi na dapat kami magtagal sa bahay na ito dahil ayokong mahirapan pa lalo ang mga kapatid ko sa kamay ng mga demonyo kong mga magulang.

Makaaalis din kami sa bahay na ito… At 'yon ay isang pangako.

---

"Huwag ka na lang maingay, huh?" Habang nasa daan patungo sa bayan, nasa kalagitnaan kami ng pagkukwentuhan ni Ysay. 

Binanggit ko sa kanya ang ginawa ko kahapon kung saan hindi ako nagpaalam kay boss na raraket ako. Takot kasi akong maparusahan na naman, malupit pa naman 'yon manghagupit.

"Mapagkakatiwalaan mo ako, 'no? Ikaw pa ba!" 

"Salamat, huh?"

Tumango siya. "Successful naman ba ang raket mo kahapon?"

"Hindi nga, e." Sagot ko. "Muntik pa niya akong mahuli, buti kamo ay nakapagpalusot ako sa kanya kaya naniwala siya kaagad sa akin."

"Ang bait nga niya, Ysay. Akalain mo? Tinangka kong pagnakawan siya ng wallet pero nagawa niya pa akong bigyan ng pera kasi akala niya talaga, isinauli ko sa kanya 'yong wallet niya."

"Kung ako man ang nasa katayuan niya, kahit bente ay bibigyan kita." Aniya.

"Isang libo bigay niya sa akin. Napakakuripot mo talaga, 'no?"

"Matipid ang tawag doon," tumatawa niyang sagot. "Maswerte ka pa rin dahil mabait ang naging biktima mo."

Tumango ako. "Sakto rin ang dating niya sa buhay ko kasi kailangang-kailangan ko talaga ng pera dahil wala kaming kakainin kung hindi ako eekstra. Hulog siya ng langit."

"Baka naman mukha 'yang pangit?" Humalakhak siya. "Rhyme, huh?"

Natawa ako sa sinabi niya. "Actually, hindi siya panget. Ang gwapo niya nga, e."

Kinabig niya ang balikat ko. "Totoo ba 'yan, huh? Mas pogi pa siya sa crush ko, gano'n ba?"

"Malay ko," tumatawang sagot ko. "Hindi ko pa naman nakikita 'yang crush mo kaya hindi ko masasabi."

"Crush mo siya?" Nalaglag ang panga ko sa bigla niyang itinanong.

Seryosong-seryoso pa ang mukha ni Ysay sa pagkakatanong niyon sa akin.

"Ano ba namang klaseng tanong 'yan, Ysay!" Nagmadali ako sa paglalakad. "Bakit ko naman magugustuhan ang lalaking 'yon? Aminado akong nagwapuhan ako sa kanya pero hindi ko naman sinabing crush ko siya."

Laking gulat ko nang akbayan niya ako bigla. "Ang dami mo namang sinabi, Devyn! Ang itinanong ko lang naman sa iyo ay kung crush mo ba siya? Oo o hindi lang naman ang isasagot mo, e."

"S-Syempre may explanation para hindi ka na mag-isip ng malisya!"

"Ang nasa isip ko nga ngayon, sobrang defensive mo." 

Lumukot ang mukha ko. "Ano 'yong defensive?"

Hindi kasi ako masyadong pamilyar sa mga english words na salita… Dahil na rin hindi ako nakapag-aral para matutunan ang mga 'yon.

"Ang ibig sabihin lang no'n, e masyado kang apektado sa sinabi ko kaya todo ka kung makapagpaliwanag, kahit na hindi naman kita tinatanong kung bakit."

Napatango ako. "Saan mo naman natutunan 'yan, huh?"

"May napulot kasi akong dictionary sa may tapat ng Hamilton. Kinuha ko 'yon at inaral 'yong mga salitang nandoon. Gusto mo rin?"

Tumango. "Mukhang magandang ideya 'yan, Ysay!" 

"Doon tayo sa rambutan kapag may free time tayo," aniya. "Sa ngayon, balik muna tayo sa pagtatrabaho, okay?"

Nang tuluyang makarating sa bayan, heto na naman kami ni Ysay upang gumawa ng kababalaghan. Mariing pinakatitigan namin ang mga taong abala sa pamimili, humahanap ng taong aming bibiktimahin.

"Magkita na lang tayo sa may eskinita, huh?" Sambit ko kay Ysay bago kami tuluyang magkahiwalay ng landas.

Nagpanggap akong tumitingin ng mga laruan sa gilid na talagang pinagkakaguluhan ng mga mamimili.

Bakit naman kasi hindi nila pagkakaguluhan, e nagkaroon sila ng big sale.

Pagkakataon ko na 'to habang abala ang iba sa pamimili ng mga laruan. Tulad ng nakagawian, sumimple akong tumabi sa aking bibiktimahin tiyaka kinapa ang bulsa ng pantalon nito… Ngunit wala akong nakapa.

Mission failed ako sa naunang biktima ko kung kaya lumipat ako sa kabila. Isang babaeng mataba, tiningnan ko ang suot nitong pantalon… Nakaumbok dito ang malusog nitong pitaka.

Walang pakundangan kong kinuha mula sa bulsa ng babaeng 'yon ang kanyang pitaka nang hindi niya namamalayan.

Ngunit bago ako umalis, bigla akong nakaramdam ng konsensya. Kaya bago ko nilisan ang lugar na 'yon, iniwan ko ang kanyang credit card sa bulsa niya tiyaka umalis.

Nang tuluyang makarating sa tagpuan namin ni Ysay, naabutan ko siyang masayang-masaya.

Ano kayang mayroon?

"Devyn, nakakuha ako ng malaki-laking pera!" Aniya, ipinakita sa akin ang envelope na hawak niya. "Wallet sana 'yong kukunin ko sa babae pero itong envelope ang nakuha ko. Tapos pagtingin ko, ganito karami ang laman!" 

Nalaglag ang panga ko dahil sa nakita. Humigit-kumulang daang libo ang laman no'n… At talagang hindi ako makapaniwala.

"Ikaw? Magkano ang nakuha mo?" Tanong niya, nakatuon ang kanyang mata sa wallet na hawak ko.

Binuksan ko 'yong wallet… "Hala, bakit bente pesos lang ang laman?" Tanong ko sa sarili ko. "Ysay, paano na lang kapag nalaman ni boss na bente lang ang nakuha ko?"

"Sana pala hindi ko na lang iniwan sa bulsa no'ng babae 'yong credit card!" Natatarantang dugtong ko.

"Ano bang sinasabi mo riyan?" Naguguluhan niyang tanong. 

"Nakonsensya ako bigla noong akmang nanakawin ko na… Kaya naisipan kong iwanan sa bulsa niya 'yong credit card." Paliwanag ko. "Pero hindi ko naman alam na wala pala siyang cash sa wallet kundi bente pesos lang! Paano na ako nito? Siguradong yari ako!"

"Relax!" Hinawakan niya ang magkabila kong braso. "Ganito na lang ang gawin natin, Devyn. Dahil malaki naman ang nakuha ko, pagpartehin natin ito, okay?"

"S-Sure ka---"

"Ilagay mo na ito riyan sa loob ng wallet, bilis!" Nagbigay siya ng ilang libo, kagaya ng sinabi niya ay inilagay ko 'yon sa loob ng wallet. "Siguradong maniniwala na si boss na 'yan ang nanakaw mo ngayong araw."

"Salamat, Ysay." Sa pagkakataon na ito, hindi ko na napigilang maluha. 

"Huwag ka na umiyak, Devyn. Solve na ang problema. Tara na!" Hinawakan niya ang kamay ko, inakay patungo sa lugar kung saan naroon ang boss namin.

Buti na lang at palaging nasa tabi ko si Ysay. Palagi siyang nariyan para sa akin, handang tulungan ako sa mga problema kong kagaya nito. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya at napakaswerte kong naging kaibigan ko siya.

Sana, balang-araw ay masuklian ko lahat ng iyon.

"Hindi natin ibibigay lahat kay boss ito," habang naglalakad kami, nagsalita si Ysay. "Kalahati ang kanya, kalahati ang sa atin. Ang laki kaya nito kung buo natin ibibigay sa kanya, 'no?"

"Ano namang plano mo? Paano kapag nalaman niya ang tungkol dito? Edi lagot tayo?"

Tinapik niya ang braso ko. "Kailangan din naman natin ng malaki-laking halaga, 'no? Hindi na nakukuntento ang pamilya ko sa P2,500 na sahod natin. Tayo ang nahihirapan pero si boss ang lumiligaya. Unfair, 'di ba?"

"Kaysa naman magulpi tayo, Ysay." Sabi ko. "Natatakot ako para sa posibleng mangyari sa atin sakaling ituloy mo 'yang pinaplano mo."

"Wala namang makakaalam, Devyn. Hangga't nananatiling sikreto ito sa pagitan nating dalawa, walang masamang mangyayari sa atin."

Tumango na lamang ako sa kanya bilang sagot. Sa totoo lang, natatakot akong dumating ang araw sakaling mabuking ang magiging sikreto pa lang namin. 

Dahil sa katotohanan naman, mananatiling ang lahat ng sikreto ay mabubuking sa dulo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro