Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3

Palihim na hinahalungkat ang kahon kung saan nakalagay ang mga damit at gamit ni Tatay, maingat kong kinalkal ang mga 'yon upang hanapin ang isang bagay --- isang aluminum foil ang natagpuan ko. Binuklat ko 'yon at laking gulat nang makakita ng shabu sa loob nito.

"Sinasabi ko na nga ba," bulong ko sa sarili. Gustuhin ko man na kuhanin 'yon at itapon, siguradong mabubugbog lang ako kung gagawin ko 'yon.

Pero ano nga bang dapat kong gawin?

Hindi makabubuti sa kalusugan ni Tatay kung ipagpapatuloy niya ang pag-s-shabu. Kahit naman sabihing sobrang lupit niya sa akin at laging binubugbog, tatay ko pa rin siya. Siguradong malulungkot ako kung may mangyaring masama man sa kanya.

Tahimik akong lumabas doon, lumapit ako kay Nanay na abalang nagpapatuyo ng damit sa may likod ng aming bahay. Nilakasan ko ang loob ko na kausapin siya, nagbabaka-sakaling sa pagkakataong ito ay magawa niya akong pakinggan.

"Nay," pagtawag ko sa atensyon niya. "Nakita ko po si Tatay na gumagamit ng shabu."

Hindi siya natinag sa kanyang ginagawa. "Ano'ng pakialam ko?" Dahil sa narinig kong salita mula sa kanya, tuluyan nang bumagsak ang balikat ko.

"N-Nay... Pwedeng magkasakit si Tatay dahil doon---"

"Hayaan mong gawin ng Tatay mo ang gusto niya," pagputol niya sa sinasabi ko. Sa wakas, tinapunan niya rin ako ng tingin. "Anak ka lang namin, wala kang karapatan na pigilan ang gusto naming gawin.

Mas ikatutuwa pa namin ng Tatay mo kung paghuhusayan mo ang pagnanakaw mo nang sa gayon ay malaki-laki ang maiabot mo sa amin na pera!"

Bakit pa nga ba ako magugulat kung pagsalitaan man ako ng Nanay ko nang gano'n? Malamang wala siyang pakialam.

Sa pera lang naman siya may pake... Pero sa mga anak niya, wala.

"Anak nga lang naman ako..." Bulong ko sa sarili habang binabagtas ang daan papasok ng bahay. "Bakit pa ba ako umaasa na pakikinggan niya ako?

Parehas lang naman sila ni Tatay, parehas mukhang pera."

Umupo ako sa sahig habang minamasdan ang mga kapatid kong masayang naglalaro ng teddy bear sa katre.

Iyon pa 'yong teddy bear na iniuwi ko sa kanila noong isang araw... Pinagmukha kong bago para maniwala silang binili ko 'yon, pero ang totoo ay napulot ko lang naman 'yon sa baruhan.

Saan naman ako kukuha ng pambili no'n, 'di ba?

Mula sa pagkakaupo, palihim kong hinugot sa ilalim ng kahon kung saan nakalagay ang mga damit ko ang isang maliit na garapon.

Binilang ko ang pera na naiipon ko... May limang daan na ako.

Bawat pagsahod ko sa pagiging magnanakaw, kumukuha ko sa kabuuan niyon ng bente pesos at lihim na inilalagay rito sa garapon upang ipunin. Gumagawa na lang ako ng palusot kung sakaling tanungin ako ni Nanay kung bakit tila kulang ang sweldo ko na ibinibigay sa kanya.

Kagustuhan ko na mag-ipon para sakaling lumaki-laki na ang ipon ko ay pupwede ko nang itakas ang mga kapatid ko sa impyernong bahay na ito.

Hindi na kakayanin ng konsensya ko kung sakaling may isa o dalawa na naman sa kanila ang maibenta ng mga magulang ko sa ibang tao. Para iwasan na gawin 'yon, kinakailangan ko silang ilayo sa sakim naming mga magulang.

Hindi ko na kayang sikmurain pa ang kasakiman ng mga magulang ko.

Sa lalong madaling panahon, lalayas kami sa bahay na ito at magsisimula ng masaya at bagong buhay... Nang hindi sila kasama.

---

"Hala ka, Devyn! Tadtad na naman ang mukha mo ng pasa. Ano na naman bang nangyari at bakit naging punching bag ka na naman ng Tatay mo?" Nag-aalalang tanong ni Ysay.

Nasa puno kami ng rambutan hindi kalayuan sa bahay nila. Pinipigaan niya ng usbong ng bayabas ang sugat ko sa aking mukha. Mabisa raw na gamot 'yon ayon sa kanya kaya hinayaan ko siyang gano'n ang gawin niya.

"Nahuli ko kasi si Tatay na nag-s-shabu," hayag ko. "Sinubukan ko siyang sawayin kaya ito ang inabot ko." Natawa pa ako nang bahagya. "Hindi ko naalalang ayaw na ayaw nga pala ni Tatay na sinusuway siya o pinangungunahan siya... Kasi matic suntok ang aabutin mo."

"Hinayaan mo na nga lang sana ang Tatay mo!" Iiling-iling na aniya. "Para namang hindi mo kilala ang mga Tatay natin! Mga demonyo 'pag pinapangunahan."

"Kaya nga," bumuntong-hininga ako. "Baka nga kamao niya pa ang pumatay sa akin kung sakaling hindi ako aalis sa bahay namin."

"Aalis ka na sa inyo?"

Umiling ako. "Pinagpaplanuhan ko pa lang, Ysay."

Tumingala ako sa bughaw na langit, hindi inda ang nakasisilaw na araw. "Kailangan kong mag-ipon ng malaki-laking pera nang sa gayon ay maisama ko ang mga kapatid ko sa pag-alis.

Hindi kakayanin ng konsensya ko kung iiwan ko sila kina Nanay."

"Basta kung kailangan mo ng tulong, sabihan mo lang ako.

Alam mong hindi kita kayang tulungan kung nangangailangan ka ng pera... Pero kaya ko namang gawan ng paraan." Hinawakan niya ang kamay ko, nginitian ako nang sobrang tamis. "Ikaw pa ba? Bestfriend tayo, 'di ba?"

Nakangiting tumango ako. "Salamat, Ysay."

Maswerte pa rin ako dahil nagkaroon ako ng tunay na kaibigan sa kabila ng napakadilim na landas na tinatahak ko. Pareho kaming menor de edad ni Ysay na gumawa ng bagay na hindi dapat namin ginagawa... Para sa pamilya.

"Pero sana makawala na tayo sa ganitong buhay, Devyn." Rinig kong sambit niya. "Kagaya ng mga teenagers ngayon, gusto ko ring maranasan na makapag-aral.

Gusto kong maranasan na maging masaya at mamasyal sa kahit saang lugar. Hiling ko na magkaroon tayo ng kalayaan na gawin 'yon."

"Aasa ka pa ba?" Mahina akong natawa. "Hindi na ako umaasa na mangyayari 'yan, Ysay. Matagal ko nang tinanggap ang kapalaran ko na maging isang kriminal sa murang edad kong ito.

Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay ang maitawid ang araw-araw nang hindi kami nagugutom."

"Libre lang naman ang mangarap, Devyn! Hayaan mo na ako!" Natatawang aniya.

Mula sa itaas ng rambutan, tanaw namin ang paaralan ng Hamilton. Itinuro 'yon ni Ysay sa 'di ko malaman na dahilan. "Dream school ko talaga ang Hamilton. Alam mo kung bakit?"

"Hmm? Bakit?"

"Sa Hamilton kasi nag-aaral 'yong matagal ko ng crush," kinikilig na kwento niya. "Siya 'yong ikinukwento ko sa iyo noon. 'Yong lalaking nakilala ko sa simbahan at... Binigyan ako ng sampaguita."

Humalakhak ako. "Baka nga kasi inaalok ka lang niya na bumili sa kanya ng sampaguita." Ani ko. "Ang dami kayang mga binatilyo sa simbahan na naglalako ng sampaguita."

"Pero hindi niya ko siningil," depensa niya. "Kusang-loob niyang ibinigay sa akin 'yon kaya nga todo ang kilig na naramdaman ko! Bulaklak pa rin naman 'yon kaya para sa akin, romantic 'yon."

"E paano mo naman nalamang sa Hamilton siya nag-aaral?" Tanong ko. "Kung naglalako lang naman siya ng sampaguita sa simbahan, hindi niya afford na mag-aral sa Hamilton. Ang mahal kaya ng tuition doon!"

"Hindi nga kasi siya naglalako ng sampaguita!"

"Kalma," natatawa kong sambit.

Ang sarap lang sa pakiramdam na inaasar ko itong si Ysay. Palibhasa ay napaka pikunin niya.

"Hindi lang ako magnanakaw," aniya. "Stalker din ako!" Tumatawang sabi niya. "Noong minsan na nakita ko siyang galing sa simbahan, na nagkataong nandoon din ako, nakita ko siyang naka-uniform.

Para kakong uniform ng Hamilton 'yon. Para makasigurado, palihim ko siyang sinundan kung saan siya pupunta...

At bengga. Sa Hamilton nga siya nag-aaral!"

"Ano naman kung sa Hamilton nga siya nag-aaral?"

"Pangarap ko kasi talagang mag-aral sa school na 'yon... Pero mas lalo kong hinangad na makapag-aral doon dahil doon siya nag-aaral."

Natawa ako. "Parang sinasabi mo na noon, pangarap mong makapag-aral sa Hamilton... Tapos ngayon, siya na ang pangarap mo?"

"Devyn, wala akong sinasabing ganyan---"

"Gano'n 'yong pagkakaintindi ko," nakanguso kong sabi. "Pero kung sakaling magkatuluyan kayo... Kung sakali lang, huh?"

"Sus, gagawin kong totoo 'yan!"

"Taas talaga ng pangarap nitong bespren ko!" Tumatawa kong sambit. "Kung sakaling magkatuluyan kayo, ano naman sa tingin mo ang ipapakain mo sa kanya?"

"Bukod sa sarili ko..." bumungisngis ang gaga. "Ang almusal namin ay sigawan at tampuhan sa hapunan."

"Tanghalian?" Natatawa kong tanong, nakisakay na lang sa trip niya.

"Hindi na uso ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw," aniya.

"Ipagpatuloy mo 'yang pangarap at imagination mo. Itulog mo 'yan, sa panaginip mo 'yan siguradong mangyayari." Pang-aasar ko sa kanya bago ako tuluyang bumaba sa puno ng rambutan.

Wala namang bunga 'yong rambutan nina Ysay, wala tuloy kaming mapakinabangan na kainin.

---

"Kumusta?" Bungad ni Nanay sa akin nang makapasok sa bahay. Inilahad niya ang kaniyang palad sa harap ko. "Magkano ang kinita mo ngayong araw? Akin na."

"Bukas pa po ang raket namin," sagot ko. "Wala po akong maiaabot sa inyo ngayon."

"Ano?" Bakas sa kanyang boses ang pagkairita. "Gusto mo bang mabugbog ka na naman ng Tatay mo?!" Mariing bulong niya sa akin.

"Kabibigay ko lang po sa inyo ng sweldo ko noong nakaraan. Naubos na po ba 'yon kaagad?"

Dinuro niya ang noo ko. "Kinuha ng Tatay mo ang isang libo at sa akin natira ang isang libo.

Inaya ako ng mga kumare ko na mag-mall. Alangan namang magmukha akong kawawa habang kasama sila! Sila may bitbit na bagong biling damit at sapatos, ako wala?!"

"Nilustay n'yo 'yong pera sa luho n'yong dalawa ni Tatay---"

Hindi pa man natatapos ang sasabihin ko, isang malutong na sampal ang natanggap ko mula sa kamay niya.

"Pwede bang tigilan mo na ang pagsasalita nang ganyan sa akin? Imbes na makipagtalo ka pa, magbigay ka na lang ng pera! 'Wag mong hintayin na dumating ang Tatay mo na walang dadatnang ulam. Bugbog ka na naman doon!"

"Wala nga po akong mailalabas na pera kasi naibigay ko na po sa inyo lahat!"

"Dumilhensya ka!" Sigaw niya. Itinulak niya ako palabas ng bahay. "Huwag kang uuwi hangga't wala kang dalang pera o pagkain, maliwanag?!"

"Nay---"

"Lumakad ka na!"

Kahit labag sa loob ay naglakad na ako palayo sa bahay. Nakipagsapalaran ako na manghingi ng kaunting ulam sa mga karinderyang nadaanan ko ngunit bigo akong hingin ang awa nila sa isang kagaya ko.

Nagbungkal na rin ako ng mga basurahan upang humanap ng tira-tirang pagkain kagaya ng nakagawian dati... Ngunit wala akong nakita.

Ang dating mga aso na inaagawan ko ng pagkain sa mga bahay-bahay ay naabutan kong malinis ang kanilang pakanan. Walang buto ng manok o tinik ng isda kung kaya't bagsak ang balikat na dumiretsyo ako sa bayan...

Ito na ang tamang oras upang magnakaw muli.

Batid kong sa sandaling malaman ni Boss na nagnakaw ako nang hindi niya nalalaman ay alam kong maparurusahan ako. Ngunit bahala na kung mapuno na naman ng sugat ang katawan ko. Mas kinatatakutan ko ang ama ko kaysa sa boss namin.

Naghanap ako ng taong pwedeng mabiktima... Nakita ko ang isang binatilyong naka-unipormeng pang-aral ang abalang tumitingin ng tsinelas sa isang bangketa.

Tadtad ng tao ngayon dito sa palengke sa bayan kung kaya't malaki ang posibilidad na mahuli ako --- ngunit pwede rin namang hindi kung mag-iingat ako sa hakbang na gagawin ko.

Lumapit ako sa likod ng binatilyo, pasimple kong binuksan ang sukbit niyang backpack. Nasa ilalim na parte ang zipper na binuksan ko kung kaya't hindi ganoon mapapansin ng ibang tao na may ginagawa akong hindi maganda.

Nang tuluyan ko nang mabuksan ang zipper ng bag, lumantad sa akin ang kulay itim na pitaka. Dinampot ko 'yon kaagad at akmang isasara na sana ang zipper ng bag ng lalaki...

Ngunit bigla siyang pumihit paharap sa akin.

Dala siguro ng pagkabigla dahil lumantad sa mukha ko kung gaano siya kagwapo ay napaatras ako palayo sa kanya.

Nawalan ako ng balanse... Buti na lamang ay mabilis niyang nasalo ang likod ko bago ako lumagpak nang tuluyan sa kalsada.

Kitang-kita ng mga mata ko ang logo sa uniform na suot niya... Hamilton High.

"Okay ka lang, Miss?" Lumuwag nang bahagya ang lugar na kinaroroonan namin dahil nabawasan ang mga tao.

Maingat niya akong itinayo.

"U-Uhm..."

Lumagpak ang tingin niya sa kamay ko, kung saan hawak ko ang pitaka niya. "Bakit nasa iyo ang wallet ko?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro