Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 28

Talagang ngayon pa naisipan ni Ysay na makipagtulungan sa akin? Kung kailan namang bigla akong nagdadalawang-isip na ituloy ang pagnanakaw, tiyaka naman siya eeksena.

"Seryoso ka ba?" paniniguro ko, "kasi... pwede namang kahit 'wag na.

Huwag na nating ituloy ang pagnanakaw, Ysay. Takasan na lang natin si boss at... umalis tayo nang patago rito sa lugar natin. Lumayo tayo... malayo kay boss."

Kitang-kita ko kung paano nagsalubong ang kanyang kilay. "Ikaw ang seryoso ba sa mga sinasabi mo, Devyn?! Nababaliw ka na ba? Pagkatapos ng malupit na pinagdaanan natin kay boss, ngayon mo pa iisipin na taguan na lang natin siya?"

Ang mga mata niyang mariin niyang ipinikit, ngunit ang mas ikinabigla ko ay nang itulak niya ako nang malakas. "Nasa tama ka pa bang pag-iisip, Devyn? Imposible 'yang binabalak mo, e.

Kaya nga ako nagpunta rito, kaya nga kita nilapitan ay dahil na-realize kong hindi ko nga talaga kayang gawin mag-isa ang misyon. Kaya kahit labag sa kalooban ko na makipagtulungan sa iyo, ginawa ko pa rin! Mahal ko ang buhay ko, kaya wala akong dahilan para umatras dito, Devyn."

"Sakaling nakokonsensya ka sa gagawin natin, edi sige. Hayaan mo nang ako na lang mag-isa ang gumawa nito. Goodluck na lang sa balak mong pagtatago kay boss."

Paalis na dapat siya ngunit agad kong hinawakan ang braso niya. "Wala na tayong dapat pang pag-usapan—"

"Sinabi na sa akin ni Kerwin ang lahat," sambit ko, "ang tungkol sa... history ng bagay na nanakawin natin."

Ikinwento ko kay Ysay ang nalaman ko kay Kerwin... at ang dahilan na tinitingnan ko ngayon para makonsensya ko sa pagnanakaw na gagawin namin ni Ysay.

Ngunit bigo akong baguhin ang ekspresyon ng mukha ni Ysay... dahil mukhang hanggang ngayon ay determinado pa rin siyang iligtas ang kanyang buhay, kapalit ng pagnanakaw sa Golden Buddha.

"Inuulit ko lang sa iyo, Devyn... walang panahon para makonsensya tayong dalawa. Baka nakakalimutan mo? Buhay natin ang nakataya sakaling mabigo tayo, gusto mo bang 'yang konsensya mo pa rin ang susundin mo?!"

"Ysay, hindi mo ako naiintindihan—"

"Ikaw ang hindi nakakaintindi ng sitwasyon, Devyn!" Pinagtaasan na ako ng boses ni Ysay, bakas na bakas dito ang pagkainis niya.

"Kaya nga kung paiiralin mo 'yang konsensya mo, maiging hindi ko na lang din itutuloy ang pakikipagtulungan ko sa iyo. Bahala ka na sa buhay mo—"

"Hindi!" pagputol ko sa kanya.

"Sige na, papayag na ako! Huwag mo lang bawiin ang sinabi mong... makikipagtulungan ka na sa akin."

Hindi ko inaasahang sa kabila ng pangongonsensya sa akin ng konsensya ko, babagsak lang din pala ako sa desisyong... ipagpatuloy ang pagnanakaw sa Golden Buddha.

"Mag-usap tayo after class," paalam niya. Ngunit sa akmang paglalakad niya palayo, agad akong tumakbo upang humarang sa kanyang daraanan.

"Ano pa bang gusto mong sabihin?" naiirita niyang tanong.

Ilang beses kong nalagok ang laway ko dala ng sobrang kaba. Nagdadalawang-isip man ako na magpatuloy, nilakasan ko pa rin ang loob ko.

"Pwede bang layuan mo na sina Sam?"

Kita ko ang panliliit ng kanyang mga matang nakatingin sa akin. "Bakit ko naman gagawin ang gusto mo? Para ano?"

Ngumisi siya, 'yong ngisi sa kanyang labi na nakakainit ng ulo, 'di naman bagay sa kanya. "Para makipagkaibigan ulit ako sa iyo? Nahihibang ka na talaga, Devyn!"

"Ginagamit ka lang ng babaeng 'yon, Ysay! Hindi mo pa rin ba nahahalata? Hindi naman talaga totoo ang pakikipagkaibigan niya sa iyo... kaya bakit nagawa mong ipagpalit ang pagkakaibigan natin para lang sa babaeng 'yon?

Gumising ka na sa katotohanan bago pa... bago pa mahuli ang lahat."

Inilingan niya ako, mariin siyang nakakagat sa labi. "Wala kang karapatan na diktahan ako, Devyn. Ang business ko sa iyo ay ang makipagtulungan sa iyo na nakawin ang Golden Buddha. Pagkatapos nating gawin 'yon... hindi na tayo ulit mag-uusap.

Kaya 'wag ka nang mag-assume na pwede pang maibalik ang pagkakaibigan natin. Ilang beses ko nang inulit sa iyo na wala talagang pag-asa... tanggapin mo na lang!" Tulad ng kanyang nakagawian, agad niya akong iniwan nang hindi man lang hinahayaang makapagsalita.

Malungkot na tinahak ko ang daan patungo sa classroom. Kahit siguro ilang beses kong sabihin sa sarili ko na tigilan ko na ang umasa pa na maging magkaibigan kaming muli ni Ysay, mahirap pa rin para sa akin na gawin 'yon.

Ni hindi ko nga kayang magalit sa kanya nang matagal. Hindi ko kayang magmatigas sa harap niya at magpanggap na wala na akong pakialam sa kanya... hindi gaya niya na kayang-kaya niya akong ibaliwala nang paulit-ulit.

"Problemado ka na naman," rinig kong untag sa akin ng katabi ko.

Sino pa bang maglalakas ng loob na tabihan ako rito sa upuan ko sa likod kung hindi si Denver lang naman?

Hanga nga ako sa kanya, akalain n'yong nasisikmura niyang kaibiganin ang taong-lumot na kagaya ko. Samantalang ang iba rito ay grabeng pandidiri ang ipinapakita sa akin, parang mga hindi naranasang hugasan ang pwet nila pagkatapos tumae.

"Hindi naman gumagana 'yong plano, Denver," ang naibulalas ko at sunod-sunod bumuga ng mabibigat na hangin.

"Tingnan mo naman siya, nakadikit pa rin kay Samantha. Hindi ko na alam kung paano ko pa siya pakikiusapan na layuan ang malditang iyon, e."

"Huwag kang mainip." Tinapik niya ang balikat ko.

"Nga pala, noong isang araw na magkasabay tayong naglalakad, may kumidnap kasi sa iyo. Buti na lang at nakatakas ka sa kanila, ah?

Ni-report ko na nga sa mga pulis ang nangyari at balak kong bumalik doon for follow-up, pero dahil nakita kitang pumasok ngayon, salamat sa Diyos at ligtas ka," mahabang litanya niya.

"Sino ba ang mga 'yon? Bakit ka nila kinidnap?"

Bigla kong nakalimutan ang tungkol doon. Hindi ko naman ubrang sabihin kay Denver ang totoong nangyari.

Una sa lahat, wala siyang kaalam-alam na isa akong magnanakaw, at ang dahilan talaga kung bakit ako narito ngayon sa Hamilton ay upang... upang nakawin ang Golden Buddha.

"Hindi ko rin sila kilala." Agad kong iniyuko ang tingin ko sa sahig para lang takasan ang mga titig niya sa akin.

"Sa tingin ko ay mga sindikato sila na nangingidnap ng mga dalagita para... para ibenta sa mga dayuhan.

Nang nasa lugar ako, maraming mga kasing edad ko ang naroon, umiiyak na humihingi ng tulong. Nagawa kong makatakas sa lugar na 'yon, ngunit nalulungkot akong naiwan ko sila roon. Wala na rin kasi akong ibang choice kung hindi ang iligtas ang sarili ko." Napahinga ako nang malalim.

Alam kong isang malaking kasalanan ang pagsisinungaling, pero wala na kasi talaga akong iba pang maidadahilan kay Denver, lalo't sa harap niya mismo ako kinidnap ng mga tauhan ni boss.

"I-report natin sila sa mga pulis, Devyn," sambit ni Denver. "Natatandaan mo pa ba ang eksaktong lugar kung saan ka nila dinala?"

Napalunok ako dala ng kaba. Anong lugar ngayon ang ituturo ko... kung nagsisinungaling lang naman ako kay Denver?

"Hindi ko na gaanong matandaan ang dinaanan ko pauwi, e. Sa sobrang takot ko, ang nasa isip ko lang habang tumatakas ako ay ang makauwi ako nang buhay sa bahay namin," nakayuko pa rin ako habang sinasabi 'yon.

"Gano'n ba..." Sana naman ay nakumbinsi ko si Denver. "Saka na lang natin i-report sa mga pulis ang tungkol dito... 'pag naaalala mo na."

Tinanguan ko na lamang siya bilang tugon. Mukhang hindi na darating ang araw na maalala ko ang daan patungo sa lugar na inimbento ko lang naman.

Maling hakbang na sumabay pa ako kay Denver na umuwi no'ng araw na 'yon. Nagkanda leche-leche tuloy ang buhay ko ngayon.

"Nakuha ko itong blueprint ng Hamilton kay Sam."

Ipinakita sa akin ni Ysay ang hawak na blueprint, masinsinan kong pinag-aralan kung saan kami pwedeng dumaan nang hindi nakikita ng mga guard.

"Malabo 'yang naiisip mo... na makakahanap tayo ng daan para hindi tayo mahuli ng mga guard."

"Ano ngayon ang plano?" tanong ko.

Kasi kung hindi namin matatakasan ang apat na gwardyang nakabantay sa kinalalagyan ng Golden Buddha, malabong mapagtagumpayan namin ang misyon.

"Iyon ang silbi kung bakit hiningi ko ang blueprint kay Sam," rinig kong sambit ni Ysay.

"Pupunta tayo rito." Tiyaka itinuro ang isang maliit na drawing sa blueprint.

"Control room 'yang drawing na nakikita mo. Maraming CCTV ang nagkalat sa paligid ng center hall. Kailangan nating i-shutdown 'yon dito sa control room, pati na rin 'yong laser string line sa paligid nito tuwing gabi."

Kumunot ang noo ko. "Paano naman natin papasukin ang control room? Malamang ay laging may tao roon, paano tayo pupuslit para gawin 'yang mga pinaplano mo?"

"Gumagamit ka ba ng utak, Devyn?" bakas sa boses niya ang pagkairita.

"Ako nang bahala kung paano natin ididispatsya ang mga taong nasa control room... pati na rin 'yong apat na guard na nagbabantay sa center hall. May plano na ako para sa kanila."

Nilingon ako ni Ysay, seryoso ang kanyang mga mata na nakatingin sa akin. "Hindi dapat tayo pumalpak, Devyn. 'Yan ang itatak mo sa isip mo."

Hindi talaga kami pwedeng pumalpak ni Ysay. Dahil sakaling mangyari 'yon, katapusan na rin naming dalawa.

Kaya hangga't posible, kailangang gawin namin ang plano sa malinis na paraan. Hindi dapat kami mahuli ng kahit isa sa mga tauhan ng paaralan, at madala namin kay boss ang Golden Buddha nang buo at walang gasgas.

"Isasagawa natin ang plano sa isang araw... sa Christmas ball na magaganap dito sa Hamilton. Kaya maghanda ka, Devyn. Ito ang misyon na dapat hindi natin ipalpak, maliwanag?"

Tumango ako. "Maasahan mo ako sa bagay na 'yan, Ysay."

'Hindi kita bibiguin, dati kong kaibigan.'

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro