Kabanata 27
Matapos pagbantaan ni boss ang buhay namin ni Ysay, agad rin niya kaming kinalagan at hinayaang makaalis na sa lugar na 'yon.
Sa ngayon, pwede pa kaming mapanatag ni Ysay para isiping ligtas pa ang mga buhay namin.
Ngunit alam kong batid rin ni Ysay na ito ay pansamantala lamang... dahil anumang oras, muling malalagay sa alanganin ang pareho naming buhay.
At 'yon ay sa oras na... mabigo kaming dalawa na dalhin kay boss ang Golden Buddha.
"Pwede bang sa pagkakataon na ito ay kalimutan mo muna ang galit mo sa akin?" Nang tuluyang makalayo sa lugar na pinanggalingan namin, agad akong humarap kay Ysay.
"Sirang-plaka man ako na paulit-ulit na nakikiusap sa iyong makipagtulungan ka sa akin para maisagawa ang misyon, wala akong pakialam.
Buhay natin ang nakataya rito, Ysay! Buhay natin at ng pamilya natin! Pag-isipan mo naman sanang mabuti kung pipiliin mong magsarili na lang sa paggawa nitong misyon."
Hindi man lang niya ako magawang tapunan ng tingin. "Kahit anong sabihin mo, hindi magbabago ang desisyon ko.
Ano naman kung buhay natin at ng pamilya natin ang nakataya sakaling mabigo tayo sa misyon? Wala na rin namang patutunguhan ang buhay ko... kaya mas maiging mamatay na lang ako."
"Ysay!" Mariin kong hinawakan ang magkabila niyang balikat tiyaka iyon marahas na niyugyog.
"Huwag mo naman sanang isipin na magwawakas na lang ang kwento ng buhay mo nang dahil lang sa isang lalaki! Utang na loob, 'wag mo naman sanang kitiran ang pang-unawa mo!
Marami ka pang dahilan para mabuhay! Hindi lang basta sa isang lalaki mapuputol ang buhay na ibinigay sa iyo!"
Sa pagkakataon na ito, muling rumagasa ang sangkatutak na butil ng luha mula sa aking mga mata.
Sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, idagdag pa na sobrang sama ng loob ko kay Ysay dahil sa mga naririnig ko mula sa kanyang bibig, naghalo-halo na ang emosyong nararamdaman ko.
"Pangarap mong magkaroon ng normal na buhay... kagaya ng mga kabataang kasing-edad natin, 'di ba? Na mayroon silang kalayaan na makapag-aral, makipagkaibigan, maglaro at i-enjoy ang buhay.
Paano mo 'yon matutupad ngayon, Ysay... kung tinitingnan mong katapusan na ng mundo ang hindi ka magustuhan ng lalaking gusto mo?"
"Hindi mo kasi alam ang pakiramdam na hindi ka pinili, Devyn!" singhal nito sa akin, patuloy na nilalabanan ang kanyang sarili na hindi magpakita sa akin ang pagbagsak ng kanyang mga luha.
"Ikaw kasi 'yong gusto ni Kerwin... kaya hindi mo alam 'yong pinagdaanan kong sakit... kaya ganyan kalakas ang loob mo na magsalita na lang!
Wala ka kasing alam! Pinili ka kasi, kaya hindi mo alam kung gaano kasakit para sa isang tao na magpatuloy pa na mabuhay!
Hindi mo alam 'yong pakiramdam na kahit gaano mo kagustong mabuhay pa nang matagal sa mundo, wala ka nang mahanap na iba pang dahilan... bukod sa kanya!"
Muling nanumbalik ang panlilisik ng mga mata ni Ysay sa akin. "Kaya 'wag ka nang umasa na sa kabila ng pinagdaanan natin kay boss... ay pipiliin kong makipagtulungan sa iyo.
Walang pagbabago sa sinabi ko noon, ayaw ko nang magkaroon pa ng koneksyon muli sa isang basurang kagaya mo!"
Sa kabila ng namumula na niyang mga mata, nakuha niya pa akong ngisian. "Patutunayan ko sa iyo na kaya kong magtagumpay sa misyon nang hindi ka kasama, Devyn.
Sigurado akong tutulungan ako nina Samantha na nakawin ang Golden Buddha... at mas malaki ang tiwala ko sa kanila, kaysa sa iyo!"
Hindi niya na ako hinayaan pang makapagsalita, basta niya na lang ako nilayasan at iniwan sa lugar.
Pinahid ko ang natitirang bakas ng luha sa aking pisngi bago ako tuluyang naglakad pauwi sa aming bahay.
Ilang beses ko nang ibinaba ang pride ko para pakiusapan si Ysay na makipagtulungan siya sa akin. Pati nga 'yong sinabi ko sa sarili ko, bago mangyari ang pangto-torture sa amin ni boss, na pagod na akong pakiusapan siyang bumalik sa dati ang pagsasamahan namin ay naitapon ko, dahil sa pagiging desperada ko... alang-alang lang sa kaligtasan ng buhay ko at ng mga kapatid ko.
Ngunit ano pa nga ba ang aasahan ko kay Ysay? Hindi ko alam kung anong klaseng pambibilog ba ang ginawa nina Samantha para gawin na gano'ng klaseng tao si Ysay.
Malayong-malayo na siya sa dating Ysay na kilala ko... malaki na ang pinagbago ng pagkatao niya... simula nang mangyari ang napakalaking gusot sa buhay naming dalawa.
Hindi ko na rin alam kung ano pa ba ang pwede kong gawin para magbaka-sakaling mabago ang isip niya. 'Yong plano naman kasi ni Denver... para namang hindi effective kay Ysay.
Talagang mas pinagkatiwalaan niya pa sina Sam, kaysa sa akin na 'di hamak na mas matagal na niyang kilala at nakakausap.
"Sige lang, Ysay. Pagsisisihan mo rin na si Samantha ang pinagkatiwalaan mo. 'Yang desisyon mo ang sigurado akong maglilibing sa iyo sa sarili mong hukay."
—
Habang binabagtas ko ang daan patungo sa aming classroom, hindi sinasadyang napalingon ang ulo ko sa center hall, kung saan ay naroon ang Golden Buddha.
Lumapit ako rito, pinagmasdan ang pisikal nitong anyo sa loob ng isang malaking salamin na kinalalagyan nito. Walang pagbabago sa unang araw na nakita ko ito, sobrang kinang nito, makinis at maganda.
Wala talagang kaduda-duda na bilyon ang halaga ng Golden Buddha.
Iniisip ko kung paano ko tatrabahuhin mag-isa ang pagnanakaw rito. Bantay-sarado kasi ito ng apat na guard, mapa-umaga man o gabi.
Sa gabi naman, may mga laser string line ang paligid, malamang ay aware sila na kahit mismong mga estudyante nila rito ay pwedeng magtangka na nakawin ito.
Sino ba naman kasing hindi masisilaw sa laki ng halaga na dala ng Golden Buddha, 'di ba?
"Grabe mo titigan 'yan, ah?"
Agad kong nailayo sa Golden Buddha ang tingin ko nang marinig na may nagsalita sa tabi ko. "Mas nakakatunaw 'yong titig mo riyan kaysa sa akin... nakakaselos."
"A-Ang ganda k-kasi," pagpapalusot ko. "Pasok na ako—"
"Devyn." Nang marinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko, 'yong akmang paghakbang ko palayo kay Kerwin ay biglang naudlot.
"Alam mo bang... katumbas ng mamahaling house and lot sa Camella at isang Porsche 911 ang halaga n'yan? Baka nga sosobra pa roon, e."
Nilingon ko nang may malaking pagtataka sa aking mukha si Kerwin. Bakit naman bigla niyang sinasabi ang tungkol sa bagay na 'yon?
Hindi ko naman tinatanong, at tiyaka... feeling ko naman ay hindi masyadong obvious na may pagbabalak ang mukha ko na... nakawin ang Golden Buddha... 'di ba?
"B-Bakit mo sinasabi sa a-akin 'yan?"
"Hamilton was founded by a Japanese soldier, Nomura Mitsuo.
During the Japanese war set in the 1940's, maraming Pilipino ang nasawi. Mga ordinaryong mamamayan, mga sundalo at mga raliyista.
May ilang Japanese soldiers din ang nasawi during that war, at isa roon si Nomura Mitsuo.
Bago ang ganap na digmaan, naitayo niya ang Hamilton dito sa Pilipinas, eksklusibo para sa mga Pilipinong nais mag-aral nang walang binabayaran. Noong mga panahon kasi na 'yon, pinasimulan pa ng mga Espanyol, na ang mga Pilipino ay hindi maaaring makapag-aral, or limited lang para sa mga kalalakihan."
"Itinatag niya ito dala na rin sa pagmamalasakit sa naging kasintahan niyang Pilipina, kung saan ang babaeng 'yon ang nagpa-realize kay Nomura Mitsuo ang kahalagahan ng edukasyon, hindi lang para sa kalalakihan, pati na rin sa mga kababaihan.
Nang maitatag, nangyari ang gyera. Nalaman din ng mga kasamahan niya ang kanyang ginawa, doon siya napaslang... kasunod ng Pilipinang minahal niya.
Ngunit bago tuluyang mamatay 'yong babae, nadala niya pa rito sa Hamilton ang Golden Buddha, na mula sa kamay ng mga Hapon, nanggaling sa bansang Tsina dahil sa pakikipagkalakalan.
Ito ang isa sa pinaka pinapahalagahang kayamanan ng mga Hapon, at ang isang bagay rin kung paano naging tanyag ang paaralang Hamilton, hindi lang sa buong Pilipinas... kung hindi pati na sa buong mundo."
"Hindi binawi ng mga Hapon ang Golden Buddha rito sa Hamilton?" tanong ko.
"Imbes na bawiin... minabuti nilang sila na ang mamahala sa Hamilton," saad ni Kerwin.
"Nang malaman ng Japanese government na naging tanyag ang paaralang ito, imbes na isara at bawiin ang Golden Buddha, pinili nilang pangasiwaan na lamang ang paaralang ito.
At magpa hanggang ngayon, nananatili sa kamay ng mga Hapon ang Golden Buddha, nasa ilalim ng matinding pangangalaga nila."
"Larawan ang mga Hapon ng pagiging hindi patas, pati sa edukasyon. Kaya kung mapapansin mo, nabibili lamang ang grades ng mga estudyante rito.
Wala talagang natututunan ang mga estudyante rito dahil nga kahit hindi naman sila mag-aral, mataas pa rin ang grades na nakukuha nila," dagdag ni Kerwin.
"Sa kabila no'n, bakit pinipili mo pang manatili sa gan'tong klaseng paaralan?"
Ikinagulat ko ang biglang pagngisi sa akin ni Kerwin. "Karapatan naming mga estudyante na magkaroon ng laman ang mga utak namin, hindi ba?
Kung bakit nananatili pa rin ako rito sa kabila ng kanilang hindi patas na pamamalakad, 'yon ay dahil hinihintay ko ang araw ng pagsasara ng Hamilton."
"Pagsasara?"
Tinanguan niya ako. "Dahil iisa lang ang layunin ng mga estudyante rito... ang ibalik sa kamay ng mga Tsino ang Golden Buddha na ninakaw ng mga Hapon sa kanila.
Nakipagkalakalan ang mga Hapon sa mga Tsino kapalit ng mga pekeng ginto. Mapanlinlang ang mga Hapon, 'di ba?
Kaya ang layunin namin, maibalik sa talagang mga nagmamay-ari ang Golden Buddha, at sa oras na magsara ang Hamilton... maibabalik din sa amin ang mga perang kinolekta nila... kapalit ng matataas na grado."
Hindi ko halos mapaniwalaan ang mga naririnig ko. Grabe pala ang history ng Golden Buddha sa Hamilton, hindi ko kinaya!
Hindi ko na tuloy alam kung... kung itutuloy ko pa ba ang balak kong pagnanakaw sa Golden Buddha. Tinatamaan na naman ako ng matinding konsensya, paano ko ito itutuloy?
"Devyn!" Sa kalagitnaan ng pag-iisip nang malalim, narinig kong may tumawag sa pangalan ko.
"Mag-usap tayo." At ang mas ikinagulat ko ay nang hatakin ako ni Ysay palayo kay Kerwin... dinala niya ako sa likod ng isang classroom.
"Ano bang pag-uusapan natin? Mahalaga ba 'yan—"
"Makikipagtulungan na ako sa iyo," aniya, "na nakawin ang Golden Buddha."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro