Kabanata 26
Nagising ako, hindi dahil sa ingay, hindi dahil nasilaw sa liwanag at hindi dahil naalimpungatan ako sa isang napakasamang panaginip.
Kung hindi, basta ko na lamang naimulat ang aking mga mata dahil sa naramdaman kong suntok sa pisngi, pakiramdam ko tuloy ay umuga bigla ang bagang ko sa lakas no'n.
"Long time no see," ang ibinungad sa akin ni boss.
May nakasaksak na tabako sa kanyang bibig, ngunit ang kanyang mga mata ay para bang ginatungan ng maraming kahoy dahil sa lakas ng liyab nito.
Madalang kong makita si boss na gano'n ang itsura… at ang minsan pa na 'yon ay no'ng pinarusahan niya kami ni Ysay noon… dahil hindi kami nakapagnakaw.
"B-Boss, may isang linggo pa naman p-po bago ang ibinigay mo po s-sa akin na p-palugit, 'di ba?" nangangatog na tanong ko, sunod-sunod akong napalunok.
"Hayaan mo, b-boss. Kahit limang a-araw na lang ang i-ibigay mo sa a-akin---"
"Manahimik ka!" Gamit ang likod ng kanyang palad, hinampas niya ang pisngi ko.
Napakagat ako sa ibabang labi sa sobrang sakit ng hampas niya, pakiramdam ko ay bumakat ang bato ng kanyang singsing sa pisngi ko.
"Kayong dalawa ni Ysay ang inaasahan kong hindi tatraydor sa akin… pero anong ginawa n'yong dalawa, ha?!"
Nangangatog kong ibinaling sa kanya ang tingin. "A-Ano po bang sinasabi n-n'yo---"
"Umamin sa akin si Ysay na…" Lumapit si boss sa lugar kung saan ako nakaupo, tiyaka lumuhod. "May isang araw na nakapagnakaw raw siya ng malaking pera, pero hindi niya sa akin ibinigay 'yon lahat.
Sa parehong araw, pumalpak ka raw sa pagnanakaw kaya't ginamit ni Ysay 'yong pera na nanakaw niya… para pagtakpan ang kapalpakan mo.
Naniwala naman ako noon, 'di ba? Pero ang hindi ko inaasahan…" Inis siyang tumayo at sinipa ang upuan kung saan ako nakaupo.
"Ay hindi n'yo sa akin ibinigay lahat ng pera! Bakit kamo? Ideya mo raw na 'wag isumite ni Ysay sa akin lahat ang pera, para may pagpartihan kayo! Mga wala kayong utang na loob!"
A-Ano? Binaliktad ako ni Ysay kay boss? Alam niyang tutol ako sa balak niyang gawin na itago kay boss 'yong kalahati ng pera na nanakaw niya.
Ideya niya 'yon, bakit sa akin niya isisisi?
"N-Nagkakamali ka po ng i-intindi---"
"Huwag mo akong gawing tanga, Devyn!" singhal nito sa akin. "Kailangan mong matuto ng leksyon!"
At gano'n na lang kabilis tumibok ang puso ko nang makita ko si boss na kinuha sa kamay ng isa niyang tauhan ang isang pinasong bakal.
Basta niya na lang itong idinikit sa hita ko, nagpipigil na humiyaw ako sa sobrang sakit… sa sobrang hapdi.
"Boss, tama na po! Hindi na po mauulit---aaahhhh!" mangiyak-ngiyak kong sambit.
Kaya ko pang indahin ang sapak at sampal na pwede niyang gawin sa akin, pero sa pamamaso ng bakal sa katawan ko… doon ako lubos na nanghihina.
Parang gusto ko na lang mamatay. Sana kumuha na lang si boss ng baril, barilin niya na lang sana ako para tapos na lahat ng paghihirap ko.
Hindi 'yong gan'to, pahihirapan niya muna ako bago tuluyang paslangin. Hindi ko na kaya ang hapdi.
"Kilala n'yo naman akong dalawa, 'di ba? Kaya saan kayo nakakuha ng lakas ng loob para lokohin ako?!
Alam n'yong torture ang mangyayari sa inyo sakaling linlangin n'yo ako, aba't ginawa n'yo pa rin! Wala talaga kayong kadala-dala sa lubid, kaya gusto n'yo naman subukan kung gaano kasakit itong mainit na bakal!"
At muli niya na namang idinampi sa binti ko ang nakakapasong bakal, mas lalong nadoble ang sakit tuloy nito. Gusto kong humiyaw sa sakit… kaso parang naubos na ang lakas ko para gawin 'yon.
"T-Tama na p-po," mahinang usal ko, nagmamakaawa sa malupit kong amo na tigilan na niya ang pagpapahirap sa buhay ko.
"Patayin mo na lang ako, b-boss."
"Hindi."
Napapitlag ako sa aking inuupuan nang makarinig ako ng malakas na ingay, inihagis pala ni boss ang hawak niyang bakal, sanhi ng malakas na ingay.
"Tinuruan lang kita ng mahalagang leksyon ngayon, Devyn… ngunit hindi ibig sabihin no'n ay papaslangin na kita. Huwag ka namang masyadong excited na mamatay, hija." Humalakhak ito pagkatapos.
Mas lalong nangatal ang bibig ko sa takot. Hindi ako tanga para hindi agad makuha ang nais ipahiwatig ni boss sa akin.
May trabaho pa ako sa kanya na hindi pa natatapos, kaya't hindi niya pa ako ubrang dispatsyahin hangga't may pakinabang pa siya sa akin… sa amin ni Ysay.
Ngunit sa oras na mabigo kami ni Ysay sa aming misyon… iyon na talaga ang katapusan naming dalawa.
Mahal na mahal ko ang buhay ko. Gusto ko pang mabuhay nang matagal para tuparin ang mga pangarap ko.
Gusto kong magkasama-sama kami ng mga kapatid ko ulit, makaalis kami sa dati naming tirahan para makapagsimula ng bagong buhay… at makabuo ng mga bagong alaala.
Gusto ko ring maranasang makatuntong sa eskwelahan, maging isang estudyante at magkaroon ng mga kaibigan.
Gusto kong maranasang magkaroon ng isang normal na buhay. Kahit simple lang, basta't kasama ko ang mga kapatid ko at nakakakain kami tatlong beses sa isang araw, masaya na ako sa gano'ng buhay.
Huwag naman sanang putulin ni boss ang mga pangarap kong balak kong tuparin sa hinaharap.
Ang dami ko pang gustong mangyari sa buhay ko… sana hindi pa ito ang pagwawakas ng masalimuot na kwento ng buhay ko.
---
Naalimpungatan ako dahil sa sobrang sama ng napanaginipan ko. Ang gara, pumasok ako sa bahay namin at nadatnan sina Thea, Joshua at Kevin sa loob… naliligo sa sarili nilang dugo.
Agad kong iminulat ang mga mata ko para gisingin ang sarili mula sa bangungot, si Ysay naman ang bumulaga sa akin.
Kagaya ko, siya ay nakatali sa upuan, nakayuko siya't mukhang natutulog pa. At kagaya ko rin, puro sugat ang ibang parte ng kanyang katawan.
"Huwag mo akong tingnan." Nabigla ako nang magsalita si Ysay, buong akala ko kasi at natutulog siya.
Nag-angat siya ng tingin at tiningnan ako… nang may nanlilisik na mga mata. "Hindi rin ako masayang magkita tayo sa lugar na 'to… na pareho pa ang sinapit."
"Bakit mo ginawa 'yon, Ysay?" diretsyahang tanong ko.
"Bakit ka nanlaglag? At talagang binaliktad mo pa ang kwento at sinabing… kagustuhan ko na 'wag natin ibigay kay boss ang kabuuan ng perang ninakaw mo.
Bakit mo ginawa 'yon, Ysay?!"
"Umamin man ako o hindi… pareho lang din naman tayo ng sasapitin. Pareho lang din tayong mapaparusahan." Ilag ang kanyang mga tingin sa akin.
"At kung bakit ako umamin? Bakit mo pa tinatanong sa akin 'yan… kung kagaya ng sinabi mo kanina sa akin, matagal mo na akong kilala."
"Dahil na naman sa lalaki, at dahil na naman sa inggit mo sa akin---"
"Oo!" sigaw niya.
"Ang ganda mo kasi, nasa iyo na ang lahat! Sino ba naman ako para hindi ka kainggitan, 'di ba?!
Sa bibig mo na mismo nanggaling na… ikaw ang gusto ng lalaking gusto ko. Sapat nang dahilan 'yon para lubos kitang kainggitan at… hindi mo rin ako masisisi kung sa isa sa mga araw na lumipas, hiniling kong sana ay mapahiya ka, sana ay mapahamak ka at sana… sana patayin ka na ni boss!"
"Kaya mo inilantad kay boss ang sikreto nating dalawa?!" hindi makapaniwalang tugon ko. "Hindi mo na inisip na sakaling gawin mo 'yon, maaari ka ring mapahamak!"
Tanging hagulgol lamang ang isinagot sa akin ni Ysay. Habang ako… awang-awa ako sa kanya.
Oo, nasasaktan ako dahil nalaman ko… na dahil lang sa isang lalaki, aabot si Ysay sa puntong gusto na niya akong mamatay.
Hindi ko akalaing magagawa 'yon ng isang kaibigan sa kaibigan niyang halos ituring na siyang tunay na pamilya.
"Gising na pala ang dalawa kong alagang prinsesa."
Natigil kami sa pagdadramahan ni Ysay pareho rito sa loob ng silid nang dumating si boss, hindi pa rin pala nauubos 'yong tabako na kagat-kagat niya kanina.
O baka pinalitan niya lang ng bago.
"Tapos na ba kayong mag heart-to-heart talk?"
"Boss, pakawalan mo na kami. Nakikiusap po kami sa iyo. Nangangako naman kaming hindi na namin uulitin ang pagkakamaling nagawa namin sa nakaraan, bigyan mo lang po kami ng pagkakataon na makabawi," nakikiusap na sambit ko.
"Bibigyan ko naman talaga kayo ng pagkakataon na makabawi sa akin." At nagpakita na sa loob ng silid na ito ang nakakasindak na ngisi ni boss, literal na tinayuan ako ng balahibo matapos makita 'yon.
"Hindi ako madaling makalimot, mga bata. Mayroon pa kayong utang sa akin na hindi pa nababayaran, kaya't mananatili kayong buhay hanggang sa mabayaran n'yo na ako."
"Pero, boss! Kapag naman nagtagumpay kami sa misyon, hindi mo naman na kami papaslangin… 'di ba?" si Ysay ang nagsalita, bakas pa sa kanyang boses ang pangangatog.
"Iyon ay kung mapagtatagumpayan n'yong dalawa," sagot nito.
"Dahil sa pagkakataon na ito ay mayroon pa kayong isang linggo para isagawa ang misyon…" Sandali siyang huminto sa pagsasalita para ilaglag ang tabako na kanyang kagat-kagat, tiyaka niya 'yon inapakan.
"Ngunit dahil nagkaroon kayo sa akin ng atraso… bibigyan ko na lamang kayong dalawa ng dalawang araw at isang gabi para dalhin sa akin ang Golden Buddha."
Sunod-sunod akong napalunok matapos marinig ang kanyang sinabi. Gusto ko sanang tanungin si boss kung nagbibiro lang siya… ngunit batid kong hindi ito ang tamang pagkakataon para makipagbiruan siya sa amin.
Dahil sa ginawang pagbunyag ni Ysay sa sikreto naming dalawa, mukhang mas lalong malalagay sa peligro ang mga buhay namin.
"At sa oras na mabigo kayo," muling nagsalita si boss, "alam n'yo na kung saan magwawakas ang kwento ng mga buhay n'yo… sa hukay."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro