Kabanata 25
Nagmamadali kong tinakbo ang daan pabalik sa classroom namin, kinompronta ko si Denver habang nanginginig ang mga kamay ko.
"May sumabutahe sa atin, Denver," ang sabi ko sa kanya.
Siya naman ay tiningnan ako nang nagtataka, natigil siya bigla sa kanyang ginagawa.
"Kasi 'yong ipinalagak mo kanina roon sa canteen… bawas na no'ng abutan ko. Iisang kutsara na lang ang natira, paano natin 'yon ipe-present mamaya?!"
Gusto ko nang maiyak sa mga oras na ito, gusto kong ilabas kung gaano ako nanghihinayang sa cake na pinaghirapan naming gawin ni Denver tapos… tapos hindi lang din pala namin mapapakinabangan ngayong araw.
Naiinis ako sa taong gumawa no'n, sana karmahin talaga siya!
"Seryoso ka ba, Devyn?"
"Oo nga!" Inis akong napaupo sa tabi ng upuan niya, naihilamos ko ang dalawang palad sa mukha.
"Imposibleng makahabol pa tayo sa presentation, Denver. Kulang na kulang na tayo sa oras. Ano nang gagawin natin ngayon?!"
"Kumalma ka nga---"
"Paano ako kakalma sa sitwasyon?!" pagputol ko sa sinasabi niya.
"Kung kaya mong kumalma sa kabila ng nangyari, ako… hindi ko kaya!"
Sa ginawa kong pag-iwas ng tingin kay Denver, nakasalubong ko ang tingin ni Ysay… habang nakangisi ito sa akin.
Biglang nagsalubong ang kilay ko, sa sobrang pagtataka at sa sobrang galit. Ayokong isipin na si Ysay ang may gawa… pero alam ko sa sarili kong hindi niya 'yon imposibleng gawin.
Sa ginawa ko nitong nakaraan para pagselosin siya, malamang ito ang ganti niya sa akin. Bwiset naman talaga!
"Hintayin mo ako rito." Naagaw ang atensyon ko nang magsalita si Denver, kasabay no'n ay agad siyang tumakbo palabas ng classroom.
Kung may naiisip man siyang paraan para magawan ng solusyon ang problema namin, sana ay hindi pumalya.
Nakakapanghinayang lang kasi talaga kung dahil lang sa pananabotahe sa amin ng iba, hindi pa kami makapag-present.
At 'yang si Ysay… namumuro na talaga siya sa akin! Talagang sinasagad niya ang pasensya ko, e.
Kung gano'n… kung away talaga ang gusto ng 'dati' kong kaibigan, edi 'yon ang gagawin ko. Iyon ang ibibigay ko sa kanya!
Pagod na akong makiusap sa kanya na patawarin niya ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa.
Hindi ko nga nakikitang kasalanan na sa akin nagkagusto si Kerwin at hindi sa kanya… pero dala ng sobrang pagmamahal ko sa kaibigan, ako pa itong nagmukhang kawawa at nakiusap sa kanya ng paulit-ulit para lang bumalik ang pagkakaibigan naming dalawa.
Ngunit dahil nasagad na niya ang pasensya ko, hindi na ako ulit magiging tanga. Ibibigay ko ang away na gusto niya… ang gulo na hinahanap niya.
"Ano 'yang dala mo?" nagtataka kong tanong nang pagbalik ni Denver ay mayroon na siyang hawak na tupperware.
Nang silipin ko ang laman nito, 'yon ang cake na ginawa namin.
Pero, paano---
"Nakalimutan kong sabihin na sa cooler ko ipinalagay ito." At tiyaka niya itinuro ang hawak na tupperware.
"E, ano 'yong naabutan ko sa ref?"
"Ahh, 'yon 'yong unang cake na ginawa mo. 'Yong palpak kasi sobrang tabang."
Ipinangalandakan niya pa talagang palpak ang pagkakagawa ko no'n, e.
"Kaya pwede ka nang kumalma, Devyn. Makakapag-present pa rin tayo, okay?"
Ibig sabihin ay 'yong cake na naabutan kong bawas na… 'yon ang cake na matabang?
"Tiyaka napag-alaman ko rin na walang kumain no'n," rinig kong sambit pa ni Denver.
"Nakita ko sa basurahan sa gilid ng lababo 'yong ilang piraso ng cake… na mukhang sadyang itinapon."
"Nagkamali nga lang siya ng itinapon." Nakangisi kong tiningnan ang nakatalikod na si Ysay.
"Patawarin mo ako, dati kong kaibigan. Ikaw naman itong tatanga-tanga kaya pumalpak 'yong plano mong sirain ang presentation namin, e."
Hindi ko siya iwi-wish ng 'better luck next time,' dahil una sa lahat… wala nang next time na kasunod.
Samahan man niya ang pinakakinatatakutan na bully rito sa Hamilton, hinding-hindi ako matatakot o magpapasindak sa kanya.
Hawak ko ang kahinaan niya… kaya't sigurado akong sa dulo, siya pa rin ang uuwing luhaan.
---
"Denver Andalio and Devyn Cabrera," pagtawag ng teacher sa pangalan namin.
Iyon ang naging hudyat para tumungo kami ni Denver nang sabay sa harap dala ang recipe upang i-present sa klase.
Nang makaharap sa buong klase, kitang-kita ko ang panlalaki sa mga mata ni Ysay habang nakadikit ang kanyang tingin sa hawak na tupperware ni Denver.
Hindi na ako nagulat sa naging reaksyon ni Ysay, malamang lang na magugulat siyang 'yong akala niyang sinabotahe niya ay tuluyan nang babagsak ang buhay… pero ito kami ni Denver, nakatayo ngayon sa harap nila para i-present ang recipe naming dalawa.
"Sinubok man ng iba na hindi kami matuloy sa pagpe-present, napatunayan kong sa nangyaring ito, walang sinuman ang makakadaig sa taong matalino."
Ngumiti ako, pinipigilan ang sariling tingnan si Ysay na 'di hamak na malapit lang sa akin, nakaupo siya sa bandang harapan.
"Pinangalanan namin ang recipe na ito na…" Tiningnan ko si Denver at sinenyasang buksan ang takip ng tupperware.
"Graham-Ube-Leche Flan Cake. Dahil nalalapit na ang pasko at bagong taon, hindi mawawala sa isang hapag ang panghimagas. Bukod sa salad ay paborito rin ng ilang Pinoy ang graham, ube halaya, at leche flan.
Ang naisip namin ay pagsamahin ang tatlong ito sa iisang lalagyan… kaya nabuo at naisilang ang kakaiba, ngunit masasabi kong malinamnam na recipe na nakikita n'yo sa inyong harapan."
"Hundred percent sure kami ni Devyn na papatok ang produktong ito sa publiko, lalo't ilang araw na lang ay magpapasko at bagong taon na.
Gagamitin namin ang panahon para maging mabenta ito, gagamit din kami ng social media bilang isa sa aming marketing strategy," si Denver naman ang nagsalita, tinatalakay ang marketing strategy namin.
"Sa ngayon, nakagawa na kami ng facebook page at twitter account para 'yon ang gagamitin namin para i-post ang mga products namin, 'yon din ang accounts na gagamitin namin to communicate to our future customers.
Kung ang pag-uusapan naman ay ang shipment ng product, we will deliver it personally.
Kaakibat nito, hindi kami tatanggap ng orders sa labas ng syudad, dahil hassle sa pagde-deliver. Wala pa kaming masyadong budget ni Devyn para makipagtulungan sa isang delivery company kagaya ng Grab or FoodPanda."
"Mahusay." Pumalakpak sa amin ang guro at lumapit.
Binigyan ko siya kaagad ng tinidor, pinanood namin siyang sumandok ng kaunti rito para tikman.
Kinakabahan ako sa magiging feedback niya. Maaaring sa panlasa namin ni Denver ay masarap ang finish product ng recipe namin, pero may posibilidad pa rin na pwedeng hindi masarapan 'yong teacher namin.
Kaya siguro ganto ako kakabado ngayon, baka kasi mapintasan.
"Sa totoo lang, ang unique ng concept nitong recipe n'yong dalawa. Nagustuhan ko." At mayamaya'y ibinaba niya ang tinidor na hawak, inilapag doon sa teachers' table.
"Masarap din ang lasa, nagustuhan ko. Good job!"
Nakahinga na rin ako nang maluwag dahil sa narinig. Buti na lang talaga at nagustuhan ng teacher ang lasa, sulit na sulit ang pinagpaguran namin ni Denver.
Nang makabalik kami sa upuan, doon ko naibuga lahat ng hangin na kanina ko pa pinipigilang lumabas.
Ngayon ako totoong pwede nang kumalma, ngayon na ako makakahinga nang maluwag.
Sa pinagdaanan kong stress kanina nang malaman na may sumabutahe sa amin ni Denver, hindi ko inaasahang sasaya at ngingiti pa ako nang gan'to.
Talaga nga naman na ang Diyos ay siyang tunay na mabait sa mga mabubuting nilalang.
---
"Akala mo siguro, hindi ko alam ang ginawa mo kanina," matapang na kinompronta ko si Ysay nang tuluyang makalabas na ang teacher namin sa classroom.
"Baka nakakalimutan mong sa tagal ng pinagsamahan natin, alam ko kung kailan ka may ginagawang hindi maganda. Mali ang timing mo na ako pa talaga ang binalak mong sabutahihin, naloko tuloy kita."
"Gaano ka naman kasigurado na ako nga ang may gawa---"
"Hindi ko na kailangang magtaka, Ysay." Nginisian ko siya.
"Selos na selos ka na siguro sa akin, kaya dala ng sobrang inis mo at sobrang inggit na ako ang kasama ni Kerwin… imbes na dapat ay ikaw, sinabotahe mo pati ang product na ipe-present namin ni Denver ngayong araw."
"Kaso, anong nangyari?" Nginusuan ko siya para gawing pang-asar.
"Pumalpak ka, 'di ba? Kawawa ka naman… hindi ka na nga gusto ng crush mo, hindi mo pa ako nagantihan."
Ikinagulat ko nang itulak ako ni Ysay nang malakas, kasabay no'n ay ang akma niyang paghampas sa pisngi ko… ngunit kaagad 'yong napigilan ng isang kamay… kamay ni Denver.
"Hindi pa huli ang lahat para magbago ka," ani Denver, "at piliing 'wag nang samahan ang grupo ni Samantha… bago mo pagsisihan ang lahat sa huli." Marahas niyang initsa ang kamay ni Ysay palayo sa kanya, bago kami umalis na ni Denver sa classroom.
Uwian na rin naman namin, si Denver ay sinabihan ako kanina na sumabay na raw ako sa kanyang ngayong uwian.
Sa bakeshop kasi ang diretsyo niya, hindi naman nalalayo sa bahay namin ang daan patungo roon, kaya maiging sabayan na niya raw akong maglakad.
"Alam mo… mukhang hindi na makukuha sa pakiusapan 'yong si Ysay," ang naibulong ko, ngunit sapat para marinig ako ni Denver.
"Hindi na siguro dapat ako umasa pa na magiging magkaibigan kami ulit.
Nakakapagod na rin kasi… nakakapagod nang makiusap sa kanya na bumalik kami sa dati, tapos siya naman itong ayaw na ayaw na akong makita o makausap na."
"Kaibigan mo siya, bakit mo siya susukuan?"
Napatawa ako. "Siya nga itong paulit-ulit akong itinatapon palayo sa kaniya… wala ba akong karapatan na gawin din 'yon?
Kasi kung gano'ng klaseng kaibigan lang din ang ibibigay sa akin, mabuting mabuhay na lang ako na walang kinikilalang kahit isang kaibigan."
Hindi ko kailangan ng isang kagaya ni Ysay sa buhay ko… na napakabilis akong husgahan nang hindi man lang hinahayaan ang sarili niyang alamin ang buong kwento.
Kung hindi niya kayang pagkatiwalaan ako nang husto, ayokong makipagkaibigan sa kanya.
"May sasabihin pala ako, Devyn---"
Hindi ko na natapos pang pakinggan si Denver dahil walang ano-ano'y may biglang panyo ang itinakip sa bibig ko… para hiluhin ako sa amoy nito at antukin… bago ako tuluyang mawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro