Kabanata 24
Bago ako tuluyang umalis ng bahay, siniguro ko munang naitago ko nang maigi 'yong mga regalong binili ko kagabi sa tiangge.
'Yon pa 'yong perang napanalunan namin ni Kerwin sa nasalihang laro na ibinigay niya na lamang sa akin, pambili ng regalo sa mga kapatid ko.
Kung mayroon man akong hihilingin para sa darating na pasko, 'yon ay ang makasama kong muli ang mga kapatid ko… kahit man lang ngayong pasko ay makumpleto kaming magkakapatid.
"Aalis na ako, Kevin! Mag-iingat kayo rito!" pahabol na bilin ko sa aking kapatid bago ako nagtatakbo paalis ng bahay.
Araw ng sabado ngayon, hindi sa Hamilton ang diretsyo ko dahil wala naman kaming pasok tuwing weekends.
Kikitain ko kasi ngayong araw si Denver sa bakeshop nila. Gagawin na namin kasi 'yong propose na recipe naming dalawa no'ng nakaraang araw… 'yong Graham-Ube-Leche Flan cake, dahil sa lunes ay ipe-present naming lahat sa klase iyon.
"Okay lang ba na dito natin 'yon gawin?" tanong ko kay Denver nang makarating na ako sa bakeshop nila, nakapasok na kami sa loob at nag-aalangan pa akong tumuloy.
Hindi ko man tingnan ang mga tauhan nina Denver na nasa counter, batid kong sa akin sila nakatingin.
"Dahil sa tanong mong 'yan, mas lalo mo lang ipinapahalata sa kanila na may gagawin tayo rito na hindi maganda," natatawang bulong niya.
Naiwan akong mabagal na naglalakad habang nakasunod sa kanya… patuloy kong iniisip kung anong mali sa itinanong ko?
Hindi ba maganda? Malaswa ba ang dating? May mali ba sa pagbuo ko ng pangungusap… parang hindi naman.
"Ikaw ang nakaisip no'ng recipe na gagawin natin… ngayon, ikaw ang magsimula," untag ni Denver nang makarating na ako sa kusina, siya naman ay abalang naglalabas ng mga tupperware, cups, kutsara, at iba pang mga gamit na kakailanganin namin.
Sa totoo lang, hindi naman ako gano'n kaalam sa pagluluto. Minsan nga lang ako makapagluto sa bahay, dahil dati, hindi ako nagluluto sa amin… wala naman kasi akong iluluto.
Tiyaka itong iminungkahi kong recipe kay Denver… ni hindi ko rin alam kung paano namin sisimulan itong gawin.
"Okay ka lang, Devyn? Masama ba ang pakiramdam mo?" Lumapit si Denver sa akin tiyaka idinampi ang likod ng kanyang palad sa aking noo.
"Kung hindi maganda ang pakiramdam mo, bukas na lang natin ituloy 'to. Magpahinga ka na lang muna."
"Hindi, 'no!" Agad akong lumayo sa kanya.
"Nag-iisip lang ako kung paano natin sisimulan ang paggawa ng inimbento kong cake… kasi maski akong nag-suggest, hindi ko alam kung paano."
"Seryoso ka ba?"
Alanganing napatango ako. "Kutob-kutob na lang ang gawin natin, baka sakaling umubra," naiiling na sambit ko.
Kumuha ako ng isang malinis na tupperware para ilagay roon ang ilang piraso ng graham, pinaliguan 'yon ng gatas na malabnaw at all purpose cream, tapos sa itaas ay may iba't ibang klase ng prutas na hiwa na.
Ang ube halaya naman at leche flan ay niluto na naming dalawa ni Denver. Hindi ako maalam sa pagluluto nito, tancha na lang talaga ang magagawa namin pagdating sa lasa nito.
Unang try namin sa ube halaya ay saksakan ng tabang, gano'n din ang nangyari sa leche flan nang mailagay na namin 'yon sa ibabaw ng graham.
Itinabi ko na lang sa gilid 'yong tupperware ng Graham-Ube-Leche Flan cake na pumalpak bago kami gumawa muli ng bago.
Sana lang ay hindi na pumalpak.
"Kinakabahan ako sa ginagawa natin." Habang naghahalo, naiiling na tumawa si Denver. "Baka pasakitin lang nating dalawa 'yong tiyan ng marketing adviser natin."
"Wala ka bang tiwala sa cooking skills ko?" tanong ko, kunwaring proud na may talent talaga ako sa pagluluto… kahit na wala naman talaga.
"Kakasabi mo lang na hindi mo alam kung paano sisimulan itong recipe na naisip mo, malamang 'yong tiwala ko sa iyo, nawala na," aniya habang isinasalin sa isang malinis na lyanera ang luto ng leche flan.
"Pero wala naman akong choice kung hindi ang pagkatiwalaan ka."
Nagsimula na akong maglagay ng graham crackers sa panibagong tupperware, pinaliguan ng gatas at prutas bago ko iniligay roon ang ube halaya, sa taas naman nito ay ang leche flan.
"Magtiwala ka lang sa kutob ko," natatawa kong sambit.
Iniabot ko kay Denver ang isang maliit na tupperware kung saan naglagay rin ako roon ng finished product para iyon ang babawasan namin para tikiman.
"Ikaw na ang humusga."
"Aysus." Kumuha siya ng tinidor tiyaka humiwa ng kapiraso roon.
"Gusto mo lang na ako ang unang sumakit ang tiyan sa ating dalawa, e," nang-aasar pa nitong sabi.
Ang dami-dami niyang sinasabi, e kakainin din naman pala.
"Oh, kumusta naman ang lasa? May mga senyales ka na bang nararamdaman na sasakit ang tiyan mo o magtatae ka?"
"Oo na, Devyn. Masarap ito kumpara sa kanina." Sumandok siya ng kapiraso sa tupperware at tiyaka 'yon inalok sa akin.
"Nganga na."
Ngumanga ko at isinubo 'yon… hmm? Sakto lang ang tamis nito, ah? Pwede na pala ako magluto gamit ang gut feeling, e.
Kutob-kutob lang ang ginawa ko, akalain n'yong sumakto ang lasa sa ikalawang try. Hindi na rin masama ang naging lasa, huh?
"Pwede ka na mag-asawa," aniya habang inilalagay sa loob ng ref 'yong dalawang tupperware.
'Yong isa ay 'yong cake na matabang, ang isa naman ay 'yong better version ng cake na nauna naming gawin ni Denver.
Hindi ko talaga inaasahang makakatyamba ako sa paggawa ng cake na 'yon. Unang beses kong ginawa 'yon, ang inaasahan ko nga ay baka maka sampong trial kami ni Denver bago namin 'yon ma-perfect… pero naging dalawang beses lang.
Magandang balita na rin 'yon, at least ay maaga kaming natapos.
Buong akala ko ay maiiwan si Denver sa bakeshop nila, ngunit ikinagulat ko nang kasama ko siyang lumabas doon.
'Yong balak ko sanang umuwi na, naudlot pa dahil inaya ako ni Denver sa katabing ice cream parlor, ililibre niya raw akong kumain ng ice cream. Hindi na ako tumanggi. Libre ba naman, tatanggihan ko pa ba?
"May progress na ba sa ginagawa mo?" rinig kong tanong niya, kaya't napahinto ako sa pagsubo sa kutsarang hawak ko. "Effective ba 'yong suggestion ko?"
"Para ngang hindi." Sumimangot ako.
"Tinatablan naman ng selos si Ysay… kaso hindi tulad ng inaasahan, nakadikit pa rin siya kina Sam, e."
"Magigising din sa katotohanan 'yang kaibigan mo. Hintayin mo lang."
"Kailan pa? Kung kailan huli na ang lahat?" Napahalukipkip ako't huminga nang malalim.
"Kailangan na nga namin magbating dalawa sa lalong madaling panahon… para maisagawa na namin ang misyon," bulong ko sa sarili.
Dalawang linggo lang ang ibinigay na palugit sa amin ni boss para dalhin namin sa kanya ni Ysay ang Golden Buddha.
Ilang araw na lang ang natitira sa dalawang linggo na 'yon, hindi ko na tuloy maiwasang mag-alala.
Ni plano ay wala akong naihanda… kasi gusto kong pagplanuhan namin ni Ysay ang lahat nang magkasama. Hindi ko kayang gawin ang misyon na ito nang ako lang mag-isa.
"Anong misyon ang sinasabi mo, Devyn?"
Nanlaki ang parehong mga mata ko sa narinig kay Denver.
Sigurado akong bulong lang ang ginawa ko… paano niya 'yon nagawa pang marinig? Ibang klase naman yata ang talas ng tenga niya.
"Huh? May sinabi ba akong ganyan?" pagmamaang-maangan ko. "Kumain ka na lang ng ice cream diyan, malapit na matunaw sa cup mo, oh?"
Kunot-noo siyang nagsalita, "Pero parang may narinig talaga ako."
Marahas siyang napailing bago niya ako gulatin nang tapunan niya ako bigla ng tingin… ulit.
Bingo na 'to si Denver kakatingin sa akin, ah? "Nga pala, may gusto lang akong itanong sa iyo."
"Oh, ano?"
"Nakita ko kasing naiwan mo 'to kanina sa kusina." Iniabot niya sa akin ang isang panali ng buhok… na may kaunting disenyo ng bulaklak.
Luma na 'yon at matagal ko nang kasama, pero hindi halatang pinaglipasan na ng panahon.
"Matagal na sa iyo 'yan?"
"Ahh…" Kinuha ko 'yong panali, pinagmasdan nang maigi bago ko siya nginitian.
Naalala ko pang ipinangtali ko ito sa buhok ni Kerwin no'ng nakaraan.
"Magkasama na kami ng panali na 'to simula bata pa ako. Ang tanda na, 'no?"
"Mula no'ng bata ka pa… nasa iyo na 'yan?" pag-uulit niya, "at mayroon ka na ng panali na 'yan?"
"Ano namang problema roon kung oo?" Punong-puno ng pagtataka ang mukha ko na pinagmasdan si Denver.
Bigla na lang siyang naging matanong nang dahil lang naman sa isang panali… na para bang sobrang halaga nito sa kanya kaya gano'n niya ito titigan.
"Okay ka lang?"
Nabawi ang masinsinan niyang pagtingin sa panali na hawak ko nang mabalik siya sa wisyo, tinapunan niya ako ng tingin tiyaka pilit akong nginitian.
"Okay lang ako," nakangiti niyang sambit. "Para kasing pamilyar, e."
"Sa dami-rami ng nagtitinda ng ganitong klaseng panali, pamilyar talaga ito sa iyo. Lalo na kung nahihilig ka na pala sa pagtatali," pang-aasar ko bago kami tuluyang lumabas sa ice cream parlor.
Ngunit hindi natinag si Denver, ang seryoso pa rin ng mukha niya. Ang weird.
---
"Ako na ang kukuha sa canteen," paalam ko kay Denver.
Lumabas na ako ng classroom namin, tinahak ko ang daan patungo sa canteen para kunin 'yong ipinalagak ni Denver doon, 'yong inimbento naming cake para sa presentation mamaya sa subject namin.
Kaninang umaga ay dinala ni Denver 'yong cake sa canteen para ipalagay muna sa ref, para sa presentation namin mamaya ay manatiling malamig 'yon at masarap.
Baka kasi mabawasan ang sarap no'n 'pag hindi malamig, baka mababa pa ang grade na makuha namin.
Ang subject kasi namin na Marketing ay after pa ng lunch, kaya ayon, minabuting ipinalagak muna 'yon ni Denver sa canteen. Hindi naman 'yon bawal.
"Ate, 'yong ipinalagak daw po ni Denver? Kukunin ko na po," ang sabi ko roon sa isang kusinerang naabutan ko sa counter.
"Sandali." Tumalikod ito sa akin at pinasok ang loob ng kusina, ako naman ay naghihintay lang dito para sa pagbalik niya.
"Devyn, pasok ka nga rito!" rinig kong sigaw nito. Dahil binanggit niya ang pangalan ko, sure akong ako ang tinatawag niya.
Agad akong pumasok doon, naabutan ko si Ate Susan na nasa harap ng ref, kunot ang kilay na nakatingin doon sa laman ng tupperware… na bawas na ang laman?
"Hindi ko alam kung sino ang nagbawas niyan, hija. Wala namang ibang nakakapasok dito…"
Nilingon niya ako. "At ipinagbilin ko rin sa mga kasama ko na 'wag 'yan pakikialaman."
Kung gano'n, sino ang magbabawas no'n?
Nahiya pa talaga ang kumain ng cake na ginawa namin ni Denver… nagtira pa siya ng isang kutsara!
Ano ngayon ang ipe-present namin?!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro