Kabanata 22
Aaminin kong nagustuhan ko ang eksenang napanood ko kanina.
Tameme bigla si Sam, e. Hindi niya nagawang makasagot kay ma'am kaya sa isip-isip ko, kanina ko pa siya pinagtatawanan.
'Buti nga sa babaeng 'yon.'
Kahit na sobrang nakakahiya na pinagtawanan ako sa klase dahil sa ginawa niya, sa katapusan nitong araw na ito, ako pa rin ang sa tingin ko ang nanalo.
'Pakiramdam ko ay mas napahiya siya kaysa sa akin.'
Hiling ko lang talaga ay sana walang mangyaring masama kay Miss Santos. Sana hindi siya patalsikin sa Hamilton para man lang kahit isa sa limampung guro sa Hamilton ay magkaroon ako ng kakampi.
May isa sa kanilang limampu ang nakakaintindi sa sitwasyon ko.
---
"Defense! Defense! Defense!"
Punong-puno ng sigawan ang kabuuan ng gym ng Hamilton dahil sa sari-saring pag-cheer ng mga estudyante sa kanilang mga pambato.
Ngayong araw kasi ay wala kaming klase para bigyan kami ng pagkakataon na panoorin ang laban ng varsity players ng Hamilton kontra sa pambato ng Immaculate Academy, na talagang dumayo pa rito sa Hamilton para sa isang showdown.
Pinalad akong makahanap ng pwesto sa harap ng bench nina Kerwin kung kaya't tanaw na tanaw ko mula rito ang kabuuan ng court.
'Yon nga lang ay medyo delikado sa pwesto ko dahil anumang oras ay pwede akong matamaan ng bola sakaling lumampas sa guhit.
At tiyaka nakadagdag ng panganib sa akin na katapat ko lang ng upuan sina Sam at Ysay. Hindi sila nagpatalo at talagang gumawa sila ng paraan para makaupo rin sila sa harap ng bench nina Kerwin.
Mga bwiset.
"Go, Kerwin! Galingan mo!" Hindi sinasadyang napalingon ako sa gilid, napatingin kay Ysay na todo kung makapag-cheer sa kadadaan lang sa harap namin na si Kerwin.
Batid kong naagaw ni Ysay ang atensyon ni Kerwin kung kaya't nginitian siya nito.
Buong akala ko ay aalis na si Kerwin para bumalik na sa laro ngunit halos malaglag ako sa inuupuan nang tingnan niya ako, nakangiti siya tiyaka niya ako kinawayan bago siya tumakbo patungo sa gitna ng court.
Parang kiniliti ng bulate ang tiyan ko dahil sa kilig, ngunit naputol iyon nang maramdaman kong may insecure na nakatingin sa akin.
Si Ysay ang nakasalubong ng mga mata ko, masama ang tingin sa akin.
Wala sa plano ko na pagselosin siya ngayong araw pero mukhang siya na itong nagkukusa na magselos at mainggit sa akin.
'Tama lang 'yan, Ysay. Mainggit ka sa akin hanggang sa manigas ka.'
Nagsimula na muli ang laro matapos ng isang 30 sec timeout.
Tangan ng kalaban mula simula hanggang ngayon ang kalamangan, habang ang team namin ay patuloy na naghahabol ng score. May times na nakakalapit na ang team namin sa score pero sa isang mali lang na pagpasa o pag-shoot ng bola, lumalaki ulit ang lamang ng kalaban.
"Kaya mo 'yan, Kerwin! I-shoot mo 'yan!" muling sigaw ni Ysay.
Rinig na rinig ko ang boses niya dahil ilang pagitan lang naman ang layo ng upuan nila sa akin.
Kung bakit siya nag-c-cheer… kasi nasa freethrow line si Kerwin para mag-shoot ng bola.
Malapit na ngayon ang score namin sa kalaban, at 'pag na-shoot ni Kerwin ang bola nang dalawang beses, sila na ang lamang ng isa at malaki ang posibilidad na kami ang manalo, dahil na rin 3 seconds na lang ang natitira sa game clock.
"Go, Kerwin! Go, Hamilton!"
"Hamilton! Hamilton! Hamilton!"
Napuno na naman ng ingay ang gym para ipakita ang suporta nila sa team ng Hamilton.
"Bakit hindi mo rin i-cheer si Kerwin?"
Mula sa pagiging abala ko na pakinggan ang nakabibinging cheer ng mga estudyante para sa team ng Hamilton, nalihis ito nang dumating si Denver sa tabi ko.
"Padadaig ka ba kay Ysay? Ang energetic ng cheer niya para kay Kerwin, oh? Papatalo ka ba?"
"Tsk, hindi ko kailangan makipagpaligsahan sa kanya, Denver."
"Pero alam kong hinihintay ni Kerwin na ipag-cheer mo siya, Devyn."
Napaisip ako sa sinabi ni Denver.
Hmm, hinihintay nga kaya talaga ni Kerwin na ipag-cheer ko siya? Kaso matatapos na ang laro nila, baka huli na para mag-cheer ako para sa kanya.
"Hangga't may natitira pang segundo sa game clock, hindi ka pa huli," sambit ni Denver muli sa tabi ko.
"Ito na nga, e," natatawa kong sambit.
Huminga ako nang malalim bago ko tinapangan ang apog ko at pikit-matang ipinag-cheer si Kerwin.
"Go, Kerwin! Go, Kerwin! I-shoot mo na ang ball! I-shoot mo na ang ball, poging basketball player!" Hinaluan ko pa ng sayaw ang baduy kong cheer bago ko dahan-dahang iminulat ang aking mga mata, para lang saluhin ang nakakatunaw niyang mga tingin.
'Sana sapat na 'yon para ma-shoot niya 'yong bola.'
Tulad nga ng aking hiling, matapos makipagtitigan sa akin ni Kerwin ay buong-puso niyang inihagis ang bola sa ring.
Pumasok ang una… pati na rin ang pangalawa.
Dala ng sobrang saya ay tila parang baliw akong nagwala rito sa bleachers at todo kung makapalakpak.
Dahil na-shoot ni Kerwin ang bola nang dalawang beses, team namin ang nanalo.
Ayoko man na maging assuming pero hindi ko maiwasang isipin na baka ako 'yong dahilan kung bakit na-shoot niya 'yong bola. Siguro kahit nakakahiya at sobrang baduy ng pag-cheer ko sa kanya, baka sa tulong naman no'n ay napalakas ko ang loob niya.
"Cheap na nga, cheap pa 'yong cheer. Disgusting!" Dahil nga halos kalapit ko lang ng inuupuan sina Sam ay rinig na rinig ko ang inilabas ng bibig niya.
"Hamak na mas maganda ang cheer natin sa kanya… pero ba't siya ang pinansin ni Kerwin at ng mga teammates niya?" rinig kong pagrereklamo ni Angela.
"Magtataka pa ba kayo?" rinig kong pagsabat ni Denver sa usapan ng grupo ni Sam.
"Walang papansin sa inyo kahit anong gawin n'yong pagpapapansin sa isang tao, okay? Dahil ang papansinin lang ng isang tao ay 'yong taong gusto niya talaga.
So, alam n'yo na mga papel n'yo ngayon?"
"Bakit ka ba nakikialam dito, Denver? Gusto mo rin bang mahawa ng kamalasan sa babaeng 'yan kaya ka dikit ng dikit diyan?"
"Kaysa naman maging tanga para sumama sa isang kagaya mo, Samantha.
Anong petsa na pero ang lakas pa rin talaga ng karisma mo. Hanggang ngayon ay may nauuto ka pa rin para maging alalay mo… at sa bandang huli ay aabandunahin mo na lang na parang isang kuting sa oras na mawalan na sila ng silbi sa iyo, 'di ba?"
Marahil sa mga narinig ng mga kasama ni Sam kay Denver, namilog ang mga mata nila sa gulat. Kabilang na roon ay si Ysay, na batid kong hindi makapaniwala sa kanyang mga naririnig.
"At sino ka naman para katakutan ko at para paniwalaan ng mga kaibigan ko? Wala kang ebidensya na magpapatunay na ganyang klase ako ng tao!
Kung balak mo lang pala na siraan ako, edi magsanib-pwersa kayo ng pulubing 'yan! As if naman may magagawa kayong dalawa para lang sirain ang image ko! Tanga, 'di 'yon mangyayari!"
"Paano ka naman nakakasiguro?"
Kahit alam kong hindi itong gym ang tamang lugar para makipag-away ako kay Sam, pumatol pa rin ako kasi nakakagigil na siya. Kahapon pa ako gigil na gigil sa kanya talaga, e.
"Bandang huli, ang tama at katotohanan pa rin ang mananaig. 'Yang pera na pinagmamalaki mo para paikutin ang lahat ng tao, hindi 'yan magtatagal.
Malalaman din ng mga kaibigan mong tingin sa iyo ay anghel at tagapagligtas nila na isa ka rin palang demonyo na titira sa kanila patalikod.
Hintayin mo lang dumating ang araw ng pagbagsak mo… dahil sinisiguro kong bago matapos ang lahat, gagawin kong miserable ang buhay mo."
"Ang kapal ng mukha mo!" Akmang sasampalin na ako ni Sam nang hulihin ko ang kamay niya, pinilipit 'yon hanggang sa mapangiwi siya sa sakit. "B-Bitiwan mo ako---"
"Gusto mo yata akong sampalin, e. Edi sige, sampalin mo ako habang pilipit 'yang kamay mo."
"Hayaan mo na 'yan, Devyn." Tinapik ni Denver ang balikat ko at bahagyang inilayo ako kay Sam.
"Huwag na tayong mag-aksaya pa ng oras na makipag-away sa mga 'yan. Hindi sila worth it pag-aksayahan ng oras."
Inaya na ako ni Denver na lumabas ng gym, nagtungo kami sa cafeteria at bumili ng makakain.
"Babalik tayo roon," rinig kong sambit niya tiyaka inabot sa akin ang kabibili niya lang na bottled water at face towel. "Para ibigay mo ito kay Kerwin."
"Huh? Bakit ko naman kailangan pang gawin 'yon?"
"You should act as a concerned friend to him, okay?"
"Pero tiyak, nakapagbihis na---"
"Busy pa sila sa loob ng gym para sa picture-taking, Devyn. Kaya tara na, bago ka pa maunahan ni Ysay.
Sige ka, baka imbes na siya ang pagselosin mo….ikaw ang magselos."
Natawa na lang ako sa sinabi ni Denver at sumunod sa kanya. Kahit na wala naman talagang nakakatawa sa sinabi niya, natawa na lang ako.
Hindi ko kasi ma-imagine ang sarili ko na magseselos ako dahil lang kay Ysay. Bakit ko naman kailangan magselos kung sigurado naman akong hinding-hindi siya magugustuhan ni Kerwin.
Nang makarating sa gym, naabutan nga namin sina Kerwin na abala pa sa picture-taking. Naghintay ako ng ilang minuto para matapos sila bago ako naglakas ng loob para lapitan siya.
"Kerwin, tubig!"
"Para sa iyo, Kerwin!"
Ikinagulat ko nang may kasabay akong nagsalita at nag-abot ng tubig kay Kerwin.
Sa gilid ko ay nakita ko si Ysay, masama na naman ang tingin sa akin.
Tama nga talaga ang suspetsya ni Denver kanina. May balak nga talagang unahan ako ni Ysay sa pagbibigay ng tubig kay Kerwin. Mabuti na lang at hindi na ako nag-inarte pa kanina.
"Kerwin, ito na ang inumin mo. Baka kasi sa basurahan lang pinulot ng babaeng 'yan ang tubig na ibibigay niya sa iyo, baka sumakit pa ang tiyan mo," pagpupumilit ni Ysay na tanggapin ni Kerwin ang tubig na iniaabot niya rito.
"Woah, bro? Dala-dalawa 'yang chix mo, ah?"
"Magtigil ka nga, Aaron!" natatawang sagot dito ni Kerwin.
"Uhm, salamat sa effort." Kinuha ni Kerwin ang iniaabot ni Ysay na tubig sa kanya, habang ako ay napayuko na lang dahil sa lungkot. "Bro, tubig, oh?"
Pero dahil sa narinig ko, muli akong napaangat ng tingin. This time, nakasalubong ko ang mga mata ni Kerwin, sinamahan ang mga labi niyang ngumiti nang matamis sa akin.
Kinuha niya ang boteng hawak ko, pati na rin ang towel na nasa kaliwang kamay ko. Ay mali! Kinuha niya ang kamay ko imbes na 'yong towel, at g-in-uide niya 'yong kamay ko na punasan ang noo niya.
"Sa kanal man o sa basurahan nanggaling ang tubig na bigay mo, iinumin ko pa rin. Kaysa naman ang tanggapin ko ang isang tubig mula sa isang taong puno ng sama ng loob ang puso."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro