Kabanata 21
Lunch break namin kung kaya't matapos kumain ay dumiretsyo ako sa study area, kasama ko si Denver, para doon kami mag-review sa quiz namin ngayong araw.
Simula nang maging partner kami ni Denver sa subject namin na Marketing, mas lalo kaming naging close. Idagdag pa na tinutulungan niya akong makipagbati kay Ysay at ilayo ito sa grupo ni Sam.
"Hindi ka mag-r-review?" tanong ko sa kasama kong si Denver nang mapansin na imbes na notebook ang hawak niya, tutok siya sa kanyang phone.
"Pakopyahin mo na lang ako."
Agad kong pinalo ang braso niya. "Subukan mo kayang mag-aral kahit minsan lang, 'no?
Sa tingin ko 'pag ginawa mo o sinubukan mo man lang, mas magiging masaya ka, lalo na kung makakapagsagot ka ng exam nang hindi nangongopya o humihingi ng kodigo mula sa iba… hindi mo na kailangang manggamit pa ng ibang tao para lang pumasa."
Marahil dahil sa sinabi ko ay nawala ang atensyon ni Denver sa kanyang phone… dahil ngayon, nakuha ko ang atensyon niya.
"Hindi ito ang tamang paaralan para hindi mo gamitin ang mga estudyanteng pwede mong makasalamuha. Tulad nga ng nabanggit ko sa iyo, naggagamitan lang ang mga estudyante sa isa't isa para sa sarili nilang pangangailangan.
At 'yang gusto mo na lumihis ako mula sa kanila, anong sense? Magkakaroon ba ako ng award sakaling gawin ko 'yon?" Natawa siya sariling sinabi ngunit batid kong iyon ay para lang mang-asar.
"Piliin ko man na maging mabuti at responsableng estudyante, mananatiling hindi pa rin patas ang kalakaran dito sa Hamilton.
Bukod sa mga estudyanteng ginagamit ang isa't isa para maging makasarili, pera ang siyang nagpapatakbo sa paaralang ito. 'Pag mapera ka, nasa iyo ang full benefits. Ibig sabihin, kaya mong bilhin ang mataas na grado. Gano'n lang kadali, 'di ba?"
"Totoo ba 'yan?" hindi makapaniwalang tanong ko. "Kung ganyan lang din pala, bakit pa nagtuturo ang mga teachers dito?
Kung pwede naman palang makapasa ang mga estudyante rito gamit ang mga pera nila, para saan pa na may mga teachers na nagtuturo dito?"
"Props," kaswal na sagot ni Denver. "Ngayong alam mo na ang kalakaran dito sa loob ng Hamilton, siguro mas naiintindihan mo na ako kung bakit mas pinipili kong maging tamad kaysa ang sunugin ang kilay ko sa pag-aaral."
Kasabay no'n ay nang tumayo siya sa inuupuan niya. "Bibili lang ako ng tubig," paalam niya at umalis.
Nanatiling lutang ang isip ko sa kanyang mga sinabi. Hindi ko akalain na sa ganda ng kabuuan at pasilidad ng Hamilton, sa naging matunog nitong pangalan sa buong probinsya namin para ipagmalaki ang mga estudyanteng nag-topnotch sa iba't ibang district contest, at sa bawat estudyanteng nagtatapos sa Hamilton na ang average ay 98 pataas… pera lamang pala ang nasa likod ng mga 'yon.
Kontrolado pala ng pera ang paaralang minsan naming pinangarap ni Ysay na pasukan.
"Mag-isa ka yata ngayon?" Nagulo ang tahimik kong mundo sa pagdating ng grupo ni Sam, kasama si Ysay.
Naupo pa sa harap ko si Sam, at kung makangisi sa akin ay wagas. "Gusto mo ba ng kasama?"
"Kung kayo lang din, 'wag na."
"Sino ba nagsabing gusto ka naming samahan? You're such a loser, nakakadiri ka kayang lapitan!" umiirap na sabi ni Angela na nakatayo sa likod ni Sam.
"Kayo pala 'tong diring-diri sa akin at ayaw akong lapitan," nakangisi kong sambit, "pero bakit kayo itong lapit ng lapit sa akin?"
"Excuse me---"
"Sa ginagawa n'yong 'yan, mas lalo n'yo lang ipinapahalata sa akin na gusto n'yo ng atensyon ko. Tama ba?"
Gustong-gusto ko nang humagalpak ng tawa dahil sa mukha ni Sam na hindi maipinta. Kasing asim ng bayabas ang mukha niya ngayon, hindi makapaniwalang tinititigan ako.
"Loser na nga, assuming pa." Tumayo si Sam sa upuan at kinuha kay Ysay ang hawak nitong chocolate shake.
Buong akala ko ay ibibigay 'yon sa akin ni Sam, ngunit nagkamali ako. Itinapon ni Sam ang laman no'n sa damit ko, upang siguro ay sadyain na dumihan ang suot ko.
"Looks perfect to you, right?" nakataas ang kilay na sambit niya. "Kahit anong gawin mong linis sa sarili mo, Devyn, mananatiling marumi ka sa paningin namin… na parang isang basura!"
Nagsialisan na rin sila sa harap ko matapos nila akong ipahiya rito sa study area kung saan ang mga estudyanteng kanina ay abala sa kani-kanilang ginagawa, nasa akin na ngayon ang atensyon.
Bago tuluyang mawala sa paningin ko sina Sam, nakuha ko pang hulihin ang tingin ni Ysay sa akin… na agad niya rin namang iniiwas ang kanya.
Bakit pa nga ba ako aasa na ipagtatanggol niya ako… e, 'di na nga pala kami magkaibigan.
Mas nasaktan ako na pinagmasdan lang ako ni Ysay na i-bully ni Sam kaysa ang pagtawanan ako ng mga estudyanteng nakasaksi ng pangyayari. Siguro kailangan ko na ngang tanggapin na kahit anong gawin ko, hindi na babalik sa dati ang sigla ng pagkakaibigan namin ni Ysay.
Isang masakit na katotohanan na dahil lamang sa isang lalaki, nawalan ako, hindi ng isang kaibigan, kung hindi ng isang itinuring ko nang parang isa ko ng pamilya.
---
Buti na lang ay may extrang tshirt si Denver sa locker niya, 'yon ang pinagamit niya para pamalit doon sa uniform kong tinapunan ni Sam ng shake.
Hindi na rin ako nagsayang pa ng lakas para magsumbong sa teacher or sa guidance counselor dahil alam kong wala akong laban kay Sam.
Dahil nga alam ko namang pera ang nagpapaikot sa paaralang ito, kahit magsabi pa ako ng katotohanan ay alam kong mababalewala lang din dahil sa kapangyarihan ng pera na siyang nananaig sa Hamilton.
Nang makapasok ako ng classroom, naabutan kong naroon na sa loob ang teacher namin. Abala itong nagsusulat ng lecture namin sa blackboard, at hindi na ako nito pinansin pa na sitahin dahil na-late ako ng pasok sa klase.
Napansin ko ang kakaibang tingin ng grupo ni Sam sa akin, mga nakangisi na parang mga butiki. Bigla akong nakaramdam ng kaba na baka may kung ano namang kababalaghan ang ginawa nila para ipahiya ako.
'Wag naman sana.
"Why are you still standing, Miss Cabrera?" rinig kong sambit ng teacher kung kaya't nanginginig akong napaharap sa kanya.
"Mauupo na po." Nagmamadali kong tinungo ang upuan ko sa likod at tiyaka naupo roon. Pero parang ang weird, may malagkit yata akong naupuan.
Ngayon ay mag-isa lang ako rito sa likod, si Denver kasi ay hindi pumasok ngayon sa klase dahil inaya raw siya ng kaibigan niya na maglaro ng basketball sa gym.
"Miss Cabrera, please come here at the front." Natigil ako sa pagsusulat ng lecture sa notebook nang tawagin ako ng teacher.
"Ikaw muna ang magpatuloy sa pagsusulat nito, pinapatawag lang ako sa faculty." Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa nalaman, buong akala ko kasi ay tinawag ako nito para mag-recite.
Nagtungo na ako sa harap habang nakikinig sa instruction ni ma'am kung hanggang saan ang isusulat ko sa board.
"Bakit kayo nagtatawanan, class?" Nawala ang atensyon ni ma'am sa librong hawak niya tiyaka tumingin sa klase. "Anong nakakatawa?"
Noon ko lang din napansin na nagtatawanan nga ang mga kaklase ko.
Luh, mga baliw?
"Ma'am, nakalimutan yata ni Devyn magbaon ng napkin!" tumatawang sabi ni Gina.
"Ang lala ng tagos mo, ah? Malakas yata regla mo, te?" si Pablo ang nagsalita.
Agad kong sinilip ang likod ng palda ko, laking gulat nang makitang may pula nga ang palda ko. Pero ang alam ko ay tapos na ang buwanang dalaw ko.
Mabilis kong tinungo ang upuan ko at nakitang may pula nga roon. Inamoy ko 'yon, ngunit hindi naman amoy dugo… kung hindi amoy pintura.
Sinasabi ko na nga ba… kaya pala masama ang kutob ko sa paraan ng pagngisi ni Sam sa akin kanina.
"Sino ang may gawa nito kay Devyn? Umamin na kayo!" rinig kong sabi ng guro. Malakas ang boses nito at punong-puno ng otoridad.
Matapos niyang makita ang upuan kong may pintura, batid ng guro na sadyang ginawa 'yon ng isa sa mga kaklase ko… at sigurado akong si Sam ang may pakana nito.
Una ay tinapunan niya ang damit ko ng chocolate shake. Ngayon naman ay pinagmukha niyang burara akong babae para palabasin na tinagusan ako at hindi marunong gumamit ng napkin.
"Kahit naman malaman mo kung sino sa amin ang may gawa niyan kay Devyn, may magagawa ka ba… Miss Santos?" Nagulat ako sa paraan ng pagsagot ni Hazel sa teacher. Napaka walang-galang.
"Alam kong sa inyo nanggagaling ang sinasahod ng mga teacher n'yo rito. Okay nga lang sa aming mga guro na hindi na magturo kasi kahit hindi kami magturo ay sumasahod kami---"
"At kahit hindi ka magturo sa amin, papasa at papasa kami," sagot ni Sam.
"Sa bibig mo na mismo nanggaling, Miss Santos, na kami ang nagpapasahod sa inyo. Kaya anong karapatan mo para kwestyunin ang mga ginagawa namin?
Kung gusto naming mambully, bakit hindi n'yo na lang kami hayaan? Sa katunayan nga n'yan, hindi na parte ng trabaho n'yo ang pakialaman ang gustong gawin naming mga estudyante!"
Grabe, hindi ako makapaniwalang gan'to kausapin ng mga estudyante ang guro nila. Hindi man lang sila marunong magpakita ng paggalang sa nakatatanda sa kanila.
Kahit na ba sa bulsa ng mga estudyante nanggagaling ang sahod ng mga guro dito, hindi pa rin sapat na dahilan 'yon para bastusin ng mga estudyante nang gan'to ang mga teacher.
"For Pete's sake, Samantha…" Ikinagulat ko ang ginawang pagngisi ng guro kay Sam habang dahan-dahan itong lumapit sa kanyang upuan.
"Huwag kang masyadong proud sa sarili mo dahil mayaman ka. Mawawala rin 'yan lahat sa iyo, at 'yang mga ginagawa mong pambubully…"
Mas lalo akong nagulat nang si ma'am ay tumingin sa akin. "Baka ibalik sa iyo lahat 'yan ng mga binully mo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro