Kabanata 20
Matapos naming pag-usapan ang tungkol doon ni Denver, sinimulan na namin 'yong activity na ipinapagawa ng teacher.
Ngayong araw rin kasi ipinapapasa 'yon, binigyan lamang kami nito ng isa at kalahating minuto para tapusin.
"May naiisip ka na ba?" rinig kong tanong sa akin ni Denver.
"Wala pa nga, e." Humugot ako ng hininga, tiyaka 'yon ibinuga. Bumaho tuloy sa loob ng classroom. "Ano ba ang naiisip mong product na patok ngayon sa mga mamimili?"
"Pagkain, panghanda sa Noche Buena." Bigla akong napaisip sa isinagot ni Denver, noon ko lang din naalala na ilang araw na lang pala ay magpapasko na.
Isang mahalagang okasyon na naman ang hindi namin ma-c-celebrate na magkakapatid… isang mahalagang okasyon na naman ang lilipas na watak ang pamilya namin.
Mukhang hindi na talaga ako dapat umasa na mabubuo pa ang pamilya namin… dahil sobrang imposible no'n mangyari.
"May naisip na ako," ani ko. "Feeling ko ay papatok sa mga tao, panghanda sa Noche Buena ang Graham-Ube-Leche Flan Cake."
"Ano'ng klaseng pagkain 'yan, Devyn?" tanong ni Denver habang nakakunot ang kanyang noo. "Ngayon ko lang narinig 'yan, ah?"
"Pauso ko lang." At natawa ako. "Kung baga, three-layer cake ang mangyayari, tapos iba-iba kada layer. Halimbawa, ang unang layer ay graham, pangalawa ay ube at pangatlo ay leche flan."
"Sa tingin mo, okay lang? Pang-Noche Buena ba ang dating?" alanganing tanong ko.
"Ahh." Tumango-tango siya. "Tingin ko, okay lang naman. Mukhang pati ako na magbebenta ng sarili nating product ay mapapabili, e."
At nambola pa nga 'tong si Denver. Ginawa na niya sa isang malinis na papel ang drawing ng magiging product namin, inilagay niya rin doon ang name ng product at description.
Sa likod ng papel naman ay maikling talata kung saan ipinaliwanag namin doon kung papaano namin i-m-market 'yon sa mga tao.
Nang makalipas na ang mahigit isang oras, nagpasa na kami ni Denver sa teacher. Nakakagulat nga na kami ang pares na naunang magpasa, samantalang ang iba ay nagagahol sa kani-kanilang inuupuan sa pagmamadali dahil malapit na mag-time.
Ang ilan sa kanila ay nahihirapan sa pag-d-drawing, samantalang si Ysay na ang kapares ay si Erika ay wala pang nasisimulan. Mukhang wala pa rin silang maisip na product.
Gusto ko sanang lapitan si Ysay at tulungan siya, ngunit ang mga masasakit na salitang binitiwan niya sa akin kanina ang pumipigil sa akin na gawin 'yon.
Kahit na hanggang ngayon ay may pagmamalasakit pa ako sa kanya bilang kaibigan niya, kailangan kong pigilan ang sarili ko na maging mabait pa rin sa kanya.
Kailangan niyang matututo… kailangan niyang panindigan ang desisyon niya. Higit sa lahat, kailangan niyang maranasan na mahirapan sa circle of friends ni Sam para siya na ang kusang lumayo sa mga ito.
Bumalik ako sa upuan kahit na sobrang bigat ng pakiramdam ko. Kailangan kong tiisin ito lahat, para din naman sa kapakanan ni Ysay kung bakit ko 'to ginagawa.
Sana lang talaga ay gumana itong suggestion sa akin ni Denver. Sa lalong madaling panahon, sana ay bumalik ang tiwala sa akin ni Ysay… bago pa mahuli ang lahat.
---
Bilang parte ng plano, sinadya ko si Kerwin sa room kung nasaan siya ngayon. Napag-alaman ko kay Denver na iba ang year level ni Kerwin sa akin, bale mas matanda pala siya sa akin ng isang taon.
Si Denver din ang nagturo sa akin kung nasaan si Kerwin, at ngayon nga ay nasa tapat ako ng classroom nila… hinihintay na matapos na ang klase niya.
Hindi naman gano'n katagal ang naging paghihintay ko. Ilang sandali lang ay nasilip ko na nag-aayos na sila ng mga gamit, at ang teacher ay tuluyan nang lumabas doon sa classroom.
Agad kong inayos ang sarili ko at ang suot na uniform na nalukot dahil sa pagkakasandal ko nang medyo matagal sa may pader.
Nang tuluyang makalabas si Kerwin sa loob ng classroom, batid kong nagulat siya nang makita ako ngayon.
Nakasabit ang bag niya sa isa niyang balikat, may hawak siyang libro at may suot siyang reading glass.
Estudyanteng-estudyante ang datingan niya ngayon… samantalang ako ay mukhang pulubi na sinwerte lang makapasok ng Hamilton.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya nang makalapit sa akin. "May kailangan ka ba? Tapos na ba ang klase mo?"
"Kanina pa," sagot ko, "tiyaka nandito ako para ayain ka sanang kumain. Okay lang ba?"
"Seryoso ka ba?"
"Buhat nang magkagalit kami ni Ysay, wala na akong kasabay na kumain. Malungkot pala talagang kumain mag-isa kaya…" Ginawa ko ang lahat para magpa-cute sa kanya. "Okay lang bang makasabay kitang kumain ngayong lunch break?"
"Alam mong hindi ko tatanggihan 'yan," natatawa niyang sambit.
Ang mas lalong ikinabilis ng tibok ng puso ko ay nang hawakan ni Kerwin ang kamay ko, tiyaka ako hinatak paalis sa classroom nila.
Kung ang tao lang ay nag-t-transform sa kamatis sa sobrang pamumula ng mukha, baka kanina pa ako naging kamatis na hinog. Kahit hindi ko nakikita ang sarili, ramdam kong kasingpula na ng kamatis ang mukha ko.
Hindi ko na ikakaila… wala akong plano na gamitin si Kerwin para pagselosin si Ysay.
Dahil sa katunayan, gusto ko rin namang mas madalas na makasama si Kerwin kasi kahit sa maikling panahon ng pagsasama namin ay nahulog na ang loob ko sa kanya.
Noong una, no'ng sinabi niyang balak niya akong ligawan… kinilig ako roon at nakaramdam ng saya. Pero pinili kong isantabi 'yon dahil ang inaalala ko ay si Ysay.
Buong akala ko ay ang paglayo ko kay Kerwin ang magbabalik sa pagkakaibigan namin ni Ysay… ngunit hindi 'yon ang nangyari.
Sa pagkakataon na ito, ayoko nang isipin ang iba bago ang sarili ko. Hindi naman siguro isang malaking kasalanan kung minsan, sarili ko muna ang piliin ko.
Sariling kaligayahan ko naman muna ang mauna bago ang sa iba.
"Burger lang ang order mo? Ayaw mong dagdagan?"
Umiling ako. "Nagtitipid rin kasi ako, Kerwin."
"Libre ko nga."
"Huwag na nga, nakakahiya---"
"Ate, dagdagan mo ito ng spaghetti, isang slize ng pizza, isang egg sandwich, dalawang corndog tiyaka isang soft drinks."
"Uyy, Kerwin. Sabi ko, 'wag na---"
"Hindi ka mabubusog sa isang burger lang, tapos unang kagat, puro tinapay lahat. Mainam na kung marami ang nasa tray mo, okay?"
"Pero---"
"Thank you, Ate!" Si Kerwin na ang naglagay ng mga in-order niyang pagkain para sa akin sa table, habang 'yong kanyang pagkain ay nandoon na kanina pa.
Grabe, nararamihan talaga ako sa in-order na pagkain sa akin ni Kerwin. Parang sa tingin pa lang ay hindi ko na 'yon kayang ubusin.
"Kain na," utos niya habang ngumunguya ng corndog.
Pakuha na sana ako ng spaghetti sa plato nang matanaw ko sa entrance ng canteen ang grupo nina Sam, kasama si Ysay.
Hindi sinasadyang nagtagpo ang mga mata namin ni Ysay, ngunit agad siyang umiwas sa akin ng tingin para tingnan ang kasama kong lalaki… si Kerwin.
Kumuha ako ng tissue tiyaka ko kinuha ang baba ni Kerwin. Marahan kong pinunasan ang kakaunting dumi sa gilid ng kanyang labi… na batid kong nakita ni Ysay.
'Pasensya ka na talaga, Ysay. Kailangan kitang saktan alang-alang sa kapakanan mo.'
"Sorry, ang dumi ko pala kumain."
"Okay lang." Ngumiti ako bago simulang kainin ang mga pagkain na nasa tray ko.
Sina Ysay naman ay batid kong lumayo ng table mula sa amin. Sayang nga, e. May baon pa naman ako para mas lalo siyang pagselosin, kaso lumayo.
Nang matapos kaming kumain ni Kerwin, lumabas na kami ng canteen. Akala ko ay hihiwalay na sa akin si Kerwin ngunit hindi pala, sumama pala siya sa akin na naupo sa bench, kaharap ang maluwag na open field ng Hamilton.
Mula rito, tanaw na tanaw 'yong puno ng mangga kung saan doon paboritong tumambay at magbasa ni Kerwin.
"Mamaya pang 3 pm ang start ng klase ko. Absent kasi ang teacher namin next period after lunch," rinig kong sambit niya. "Ikaw? Ano'ng oras ang next class mo?"
"Wala na, uwian na namin."
"Ahh? Bakit? Ang aga naman yata?"
"Shortened period kami ngayon kasi may general meeting daw 'yong mga Grade 7-9 teachers."
"Ahh, kaya." Mula sa gilid ng aking mata ay nakita ko siyang bahagyang sinusuklay paitaas ang buhok.
Masyadong malago na ang buhok niya, malamang ay humaharang na ito sa mga mata niya.
"May panali ako." Agad kong hinalungkat sa loob ng bag ko 'yong panali na lagi kong baon, sakaling mainitan ako, para may maipanali ako sa buhok ko.
"Heto, oh." Iniabot ko 'yon sa kanya.
"Hindi ako marunong magtali, e."
"Seryoso ka ba? May tao bang hindi marunong magtali ng buhok?" gulat kong tanong.
"Ako," nahihiya niyang sagot.
Wala akong nagawa kung hindi ang lumapit sa kanya at hinawakan ang sobrang kapal niya na buhok. Ang haba ng bangs niya, bakit kaya siya hindi nagpapagupit?
"Pwede ka na mag-asawa, huh?" napatigil ako sa pagtatali nang magsalita si Kerwin. "Marunong ka na magtali ng buhok, e. Ibig sabihin…"
"Ano na naman 'yang binabalak mong sabihin, huh?"
"Ibig ko sabihin, pwede ka na maging nanay kasi marunong ka na magtali ng buhok." Mukha naman siyang seryoso sa sinasabi niya kaso hinaluan niya ng tawa.
"Puro ka talaga kalokohan." At nahawa na rin ako sa kanyang matawa.
Habang abala ko sa pagtatali ng buhok ni Kerwin, kasabay no'n ay ang pagdating ng grupo ni Sam, padaan sa kinaroroonan namin ni Kerwin.
Batid kong punong-puno na ng pagseselos ang katawan ni Ysay base sa mga tingin na ipinupukol niya sa akin.
'Yon naman talaga ang gusto ko… na mamatay siya sa selos sa aming dalawa ni Kerwin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro