Kabanata 2
"Nay, Tay… Maawa naman kayo kina Jane at Alvin. 'Wag niyo na po silang ipamigay. Nagmamakaawa ako sa inyo."
Pilit inaabot ng aking kamay ang aking mga magulang upang makiusap na 'wag na nilang ibenta na parang isang paninda ang mga kaawa-awa kong kapatid.
Iyak ako nang iyak habang nakikiusap sa kanila na pakinggan ako ngunit tila nagbingi-bingihan lang sila para hindi pakinggan ang pakiusap ko.
"Okay na ba ang limang libo para sa dalawang bata na ito?" Rinig kong tanong no'ng matandang lalaki na nakatakdang kukuha sa mga kapatid ko.
"Hindi! Walang katumbas na halaga ang mga kapatid ko kaya hindi niyo sila pwedeng bilhin---"
Palihim na siniko ni Tatay ang sikmura ko kung kaya't hindi ko na naituloy pa ang nais kong sabihin.
"Ayos na ayos 'yan, Boss. Okay na sa amin ang limang libo kapalit ng mga batang iyan." Sagot ng Tatay.
"Sigurado ka bang okay lang na ibenta mo sila sa akin? Mukhang tutol pa yata 'yang panganay mong anak."
"Nako, Sir! 'Wag niyo na lang pansinin 'yang gagang 'yan. Nababaliw na 'yan." Rinig kong sabi naman ni Nanay.
Kasalukuyan akong nakayuko habang yakap-yakap ang sikmura ko. Napakasakit ng pagkakasiko ni Tatay rito at tila ba gustong-gusto ko nang masuka.
Ngunit ang mas ikinasama pa ng loob ko ay nang tawagin akong baliw ng sarili kong ina.
Sila ang nababaliw, hindi ako!
Para lang sa pera ay ibebenta nila na parang isang kalakal lang ang mga kapatid ko? Hindi man lang nila inisip ang magiging kapakanan ng mga ito sa poder ng taong bibili sa kanila. Hindi man lang nila inisip na anak nila ang ibebenta nila --- sariling dugo at laman nila!
"Hindi ka na nahiya!" Nang tuluyang makaalis 'yong lalaki kasama sina Jane at Alvin, agad akong tinulak ni Tatay papasok sa loob ng bahay. "Wala ka na ba talagang kahihiyan sa katawan, Devyn? Hindi ko nagustuhan ang ginawa mo kanina na nag-iiyak ka pa!
Sinagot-sagot mo pa talaga 'yong lalaki? Paano na lang kung hindi niya bilhin ang mga kapatid mo? Edi wala tayong pera ngayon?! Hindi ka rin nag-iisip, e!"
"Ikatutuwa ko pa nga po kung hindi niya bibilhin ang mga kapatid ko, e!" Matapang na sagot ko. "Kayo ni Nanay ang hindi nag-iisip! Mga wala na kayo sa tama niyong pag-iisip para magdesisyon na lang na ibenta ang sarili niyong mga anak!
Wala kayong puso! Basta ang mahalaga lang talaga sa inyo ay magkapera kayo, wala na kayong pakialam sa mga anak niyo!"
"Sumasagot ka pa---" akmang susuntukin ako ni Tatay nang bigla siyang pigilan ni Nanay. "Ano ba, Divina? 'Wag mo kong pigilan na turuan ng leksyon ang bastos na bata na 'to! Ang lakas ng loob magsalita nang ganyan, e wala namang naitutulong sa bahay!"
Tumawa ako. "Ako pa 'yong walang naitutulong dito sa bahay? Talaga ba, Tay?" Nagpunas ako ng luha bago ako nagpatuloy. "Halos ako nga itong kumakayod para lang palamunin kayong lahat! Ako itong nagsilbing haligi ng tahanan at kumayod nang kumayod ng pera para may kainin lang kayo sa araw-araw.
Muntik ko na ngang makalimutan na may tatay ako. Ikaw ang walang silbi rito sa bahay dahil ang alam mo lang, magsugal nang magsugal!"
Sa pagkakataon na ito, hindi na napigilan ni Nanay si Tatay na sugurin ako. Magkabilang sapak sa mukha at suntok sa sikmura ang natanggap ko mula sa demonyo kong ama. Napaluhod ako sa sakit ng katawan ko habang humahagulgol.
"Nasaan na ngayon ang tapang mo?! Kung makapagsalita ka sa akin parang utang ko sa iyo ang buhay ko! Ano ka ngayon, Devyn?!"
"Diyan ka naman magaling," bulong ko. "Dahil alam mong mahina ang katawan ko, inaabuso mo ako. Dahil alam mong hindi ko kayang lumaban, kaya sinasapak-sapak mo na lang ako na parang punching bag."
"Ano'ng sabi mo?"
Dahan-dahan kong iniangat ang ulo ko upang tingnan siya. "Iyan lang kasi ang alam at kaya mo. Manakit at mambugbog ng sarili mong mga anak."
Nanlaki ang mata ko nang bigla akong nakatanggap ng sampal mula kay Nanay. "Itikom mo na lang ang bibig mo kung wala ka rin namang sasabihing maganda." Agad itong lumabas pagkatapos niyang sabihin 'yon.
Buong akala ko ay lumambot na ang puso ni Nanay para sa akin. Akala ko sa pagkakataon na ito ay ipagtatanggol niya na ako sa Tatay ko --- ngunit hindi pa rin pala.
"Sa susunod kasi, isip-isipin mong mabuti ang mga sinasabi mo. Kung ayaw mong masaktan, kimkimin mo na lang 'yang sama ng loob mo sa amin!" Sinipa ako nito nang malakas bago lumabas ng bahay habang pumipito pa.
Naiwan akong umiiyak dito sa loob ng bahay habang pinapanood ako nina Joshua, Althea, at Kevin. Kitang-kita ko ang awa sa mga mata nila dahil nasisiguro kong nasaksihan nila ang eksenang nangyari kanina.
Tatlo na lang ang mga kapatid kong kasama ngayon sa bahay. Nauna nang ipaampon nina Nanay sina Joanna at Moises sa mag-asawang hindi magkaroon ng anak. Dalawang taon na rin ang nakakalipas nang mawalay kami sa dalawang 'yon tapos ngayon naman, sina Jane at Alvin ang ibinenta sa halagang limang libo.
Ang hirap tanggapin. Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para kumayod nang may maiuwi akong pagkain at pera. Kulang pa rin ba 'yon? O talaga bang walang kakuntentuhan ang tao?
"Ate, saan nagpunta si Jane at Alvin?" Tanong ni Joshua.
"Babalik naman sila, 'di ba?" Si Althea naman ang nagtanong.
Inayos ko ang sarili bago ko sila nginitian. "Oo naman, babalik sila." Pagsisinungaling ko.
Hindi ko alam kung paano ko ipaiintindi sa kanila na kahit kailan ay hindi na ulit nila makikita sina Jane at Alvin.
"Sabi mo babalik din sina Joanna at Moises," sambit ni Kevin. "Bakit wala pa rin sila hanggang ngayon? Okay pa ba sila, Ate?"
Tumango ako. "Okay na okay sila, Kev. Hintayin na lang natin na bumalik sila para happy na ulit tayo. Ayos ba 'yon?"
Sabay-sabay silang tumango. Natuwa naman ako dahil kahit papaano ay napasaya ko sila dahil sa pagsisinungaling ko. Alam ko kasing hindi nila kaagad maiintindihan ang pangyayari kung wala pa sila sa wastong edad.
Kaagad kumuha si Althea ng maruming kamiseta sa karton na pinaglalagyan namin ng marumi tiyaka niya 'yon isinawsaw sa tubig. Wala kasi kaming bulak at alcohol para ipanggamot sa sugat kaya tubig at kamiseta ang ginagamit namin.
Ibinigay niya 'to sa Kuya Kevin niya upang idampi sa sugat ko sa mukha ang binasang kamiseta. Pinipilit kasi nilang gagamutin daw nila ang sugat ko sa mukha dahil awang-awa talaga sila sa akin. Hindi na ako tumanggi dahil kagustuhan naman nila na gawin 'yon, e.
Nang matapos ang gamutan, papahiga na sana ko sa katre upang sana ay makapagpahinga nang biglang hilahin ni Nanay ang buhok ko. Dinala niya ako sa likod ng bahay tiyaka malakas na itinulak.
"Hindi ka hihiga at lalong hindi ka magpapahinga," aniya. "Maiging labhan mo 'yang mga damit na pinapalabhan ni Madam Cora sa akin. Malaki ang bayad kaya bilisan mo! Hindi ka pwedeng abutin ng hapon diyan!"
"P-Pero Nay… Sa inyo pinapalabhan ito---"
"Subukan mong umangal, kung hindi baka ingudngod ko 'yang nguso mo sa tabla!" Umalis na ito at iniwan ako sa harap ng sandamakmak na mga labahin.
Dalawang drum ng marurumi ang lalabhan ko at dahil wala kaming washing machine, kailangan ko itong kusutin at kuskusin sa tabla. Ang sakit pa naman ng katawan ko dahil sa pagkakasuntok ni Tatay sa akin kanina tapos paglalabahin pa ako ni Nanay.
Hindi na sila naawa sa akin.
Pinilit ko ang sarili na magtrabaho ngayon kahit sobrang sakit ng katawan ko. Gamit ang tatlong sachet ng sabon, pinagkasya ko ang mga 'yon upang labhan ang dalawang drum ng maruruming damit. Halos mangalay ang dalawang braso ko sa kakakuskos at tila inabot ako ng dalawang oras bago tuluyang matapos sa pagkukuskos.
Magbabanlaw na sana ako nang biglang dumating si Nanay. "Dalawang kusutan ang gagawin sa mga damit bago mo banlawan. Ito pa ang isang sachet ng sabon. Bilisan mo, huh?" Kasabay nito ay nang ihagis niya ang isang sachet ng sabon.
"Magkukusot na naman?" Bulong ko sa sarili.
Ngalay na ngalay na nga 'yong braso ko na kuskusin 'yong mga damit, tapos sasabihin niyang dalawang kusot ang gagawin ko? Siya kaya rito?
Napahinga ako nang malalim. Kahit naman ano'ng gawin kong reklamo, e wala rin naman akong magagawa. Kailangan ko na lang talaga sigurong tanggapin na alila lamang ang tingin sa akin ng mga magulang ko. Napapakinabangan lang nila para makuha ang gusto nila --- pera.
Akalain niyo, nagkatuluyan pa ang dalawang taong sakim sa pera. Ang mga anak tuloy nila ang nagdurusa at nagpapakahirap para bigyan sila ng pera na 'yon.
Gustong-gusto ko na talagang lumayas sa poder nina Nanay at Tatay kaso hindi ko naman maatim iwan sa kanila ang mga kapatid ko. Malamang, sila naman ang pahihirapan ng mga ito imbes na ako dapat.
Hindi ko naman pwedeng isama ang mga kapatid ko sa pagnanakaw para lang mabuhay kami pare-parehas. Tama nang ako na lang 'yong gagawa ng kasalanan. Ako na lang 'yong magsasakripisyo na gumawa ng masama at masunog ang kaluluwa sa impyerno --- 'wag lang ang mga kapatid ko.
"Jane, Alvin, Joanna, Moises… Magkikita-kita ulit tayo. Ipinapangako ko na babawiin kayo ni Ate, okay? Magkakasama-sama na ulit tayo, pangako." Pumatak ang luha sa aking mga mata habang sinasambit ang mga salitang 'yon.
Hahanap ako ng paraan para mabawi ang mga kapatid ko. Kung kailangang isagad ko na ang kasamaan na mayroon ako sa katawan, gagawin ko.
Para mabawi ang mga mahal kong kapatid, handa akong pumatay ng tao.
---
Patapos ko nang banlawan ang mga labada ko nang sumapit ang alas dose ng tanghali. Gusto ko na nga sanang kumain kaso tiyak kong hindi ako pakakainin ni Nanay hangga't hindi ko natatapos labhan ang mga ito.
Tiyaka hindi na rin naman ako aasa na titirhan nila ako ng ulam at kanin. Kagaya ng nakagawian, mangdidilhensya lang ako ng pagkain sa kung saan-saan para lang magkalaman ang sikmura ko. May mga araw kasi na kinukulang ang pagkain namin kaya ako itong kawawa na nauubusan palagi ng pagkain.
"Ate," napalingon ako sa likod ko nang marinig ang boses ni Althea. Mayroon siyang mangkok na dala na may lamang kakaunting kanin at isang pirasong okra. "Tinirhan talaga kita ng pagkain kasi alam kong hindi ka pa nanananghalian, e. Itinakas ko kay Nanay ito kaya kainin mo na Ate, bilis."
Naluluha kong inabot ang mangkok. "Sure ka bang kuntento ka na sa kinain mo, Althea? Kaya ko namang magtiis ng gutom basta alam kong busog kayo nina Kevin, e."
"Okay lang naman na magutom kami, Ate. Kasi wala naman kaming ginagawa sa bahay.
Pero ikaw, ang dami mong ginagawa at naglalaba ka pa ng maraming damit. Mawawalan ka ng lakas kung walang laman ang tiyan mo, Ate. Kainin mo na 'yan bago tayo makita ni Nanay."
Napangiti ako at tiyaka tumango. Naghugas muna ako ng kamay sa poso bago ko kinamay na sandukin ang kanin at kumurot nang kapiraso roon sa okra.
Dahil sa dinala ni Althea sa akin, kahit papaano ay naibsan ang gutom na nararamdaman ko.
Kulang na kulang 'yong kanin pero wala akong magagawa dahil sabi ng kapatid ko, e simot na simot na raw ang kaldero. Wala na rin daw laman ang palabigasan namin.
"Ate, paano pala si Blackie?" Nang maubos ang laman ng mangkok, biglang nagtanong si Althea. "Hindi pa rin siya kumakain mula nang ipakain namin sa kaniya 'yong tuyo.
Sabi ni Tatay 'wag na raw namin pakainin 'yong aso simula ng araw na 'yon.
Ate, ang payat na ni Blackie…"
"Makatapos lang ako sa ginagawa ko, hahanapan ko ng pagkain si Blackie. Tiwala ka lang kay Ate, huh?"
"Talaga, Ate?"
"Oo naman!" Nakangiti kong sagot. "Ibalik mo na sa loob ito at iwan mo na ako rito. Tatapusin ko lang ito, huh?"
"Sige, Ate!" Nagtatakbo na siya papasok sa aming bahay habang ako ay naiwan dito upang ituloy na ang pagbabanlaw. Kumpara kanina, may lakas na akong magbanlaw ng mga damit ngayon dahil nagkaroon na ng laman ang sikmura ko.
Mabilis kong natapos ang pagbabanlaw pati na rin ang pagsasampay. Hindi ko ikakaila na nahirapan ang katawan ko na tapusin ang paglalaba at talagang nangalay ang parehong braso ko dahil sa pagkukuskos ng mga ito.
Nang matapos na rin ako sa wakas, papasok na sana ko sa loob ng bahay nang marinig kong sa likod ng puno ay may narinig akong ubo nang ubo roon. May kakaibang amoy rin akong nahahalimuyak na sobrang baho at hindi maganda.
Lumapit ako upang silipin kung sino ang taong ubo nang ubo na 'yon --- natagpuan ko ang aking ama na nakapikit-matang sumisinghot ng kung ano.
"T-Tay, ano 'yang ginagawa mo?" Tanong ko habang nakatakip ang kamay ko sa ilong ko. "Nag-d-drugs po ba kayo?!"
Nang dumilat siya, kitang-kita ko ang pamumula ng mga mata niya. "Wala kang pakialam!"
"Ito ba ang dahilan kung bakit ibinenta ninyo ang mga kapatid ko?" Maluha-luha kong tanong. "Para masustentuhan 'yang bisyo niyo? Para may maipambili kayo ng drugs---"
Muli na naman akong nakatanggap ng sapak mula sa adik kong ama. "Huwag na huwag mo akong pagsasalitaan nang ganiyan, Devyn! Ako pa rin ang ama mo kaya maghinay-hinay ka sa mga sinasabi mo!"
Naiwan ako sa lugar na 'yon habang sapo-sapo ang mukha kong nagkaroon na naman ng pasa at pangingirot. Pinaghirapan itong gamutin ng mga kapatid ko pero susugatan niya lang pala ulit.
"Matagal na akong walang kinikilalang mga magulang."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro