Kabanata 19
"Ako? Basura? Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo, Ysay?" Sa kabila ng bigat ng nararamdaman ko ngayon, pinilit kong tumawa.
"Ano pala sa tingin mo 'yang mga bago mo kamong kaibigan? Di hamak sa akin, mas basura ang mga ugali n'yan!"
"Hey, stew-peed! How dare you call us trash!??" may pagngangalit na tugon ni Erika, isa sa mga tangang alagad ni Sam.
Hindi ko na lamang pinagtuunan ng pansin ang grupo ni Sam, nanatiling na kay Ysay ang atensyon ko.
Gusto ko siyang kumbinisihin sa kahit anong paraan para lang 'wag niyang gawin sa akin ito. Para lang 'wag niya akong tuluyang talikuran para lang samahan ang babaeng kagaya ni Sam.
"Baka nakalilimutan mo ang ginawa sa iyo ng babaeng 'yan no'ng first day natin, Ysay? Ipinahiya ka nila sa buong klase, b-in-ully!
Pinagkaisahan nila tayo noon, tapos ngayon ay gugulatin mo ako para sabihing kaibigan mo na sila? Nahihibang ka na ba talaga?!"
"E, ano naman sa iyo, Devyn? Inggit ka lang kasi wala ka ng kaibigan ngayon." Nakisabat pa nga ang bwiset na babaeng 'yon, pero muli akong nagtimpi.
"Ysay---"
"Tigilan mo na ako, Devyn! Kahit na ano pa ang gawin mo, hindi na ako magiging tanga ulit para makipagkaibigan sa iyo!" Nauna na siyang naglakad paalis sa stage at sinundan siya nina Sam para umalis na rin.
Ngunit bago mawala sa paningin ko ang grupo ni Sam, nakuha niya pa akong asarin dahil sa nakaaasar niyang ngisi.
Pinipilit kong maging matatag ngayon ngunit katawan ko na ang mismong sumuko.
Nang hindi namamalayan, umaagos na ang luha sa aking pisngi. Sobrang nasaktan ako sa mga salitang lumabas sa bibig ni Ysay… sa mga salitang binitiwan niya sa akin kanina.
Nang dahil sa isang sitwasyon na hindi ko naipaliwanag sa kanya nang maayos, naging sulutera na ang tingin sa akin ng kaibigan ko.
Kung pwede ko lang sanang ibalik ang sarili ko sa nakaraan, hinding-hindi ko na gagawin ang anumang makakasakit kay Ysay. Hindi ko na lang sana masyadong inilapit ang sarili ko kay Kerwin… edi sana hanggang ngayon, mayroon pa rin akong kaibigan.
---
Nang tuluyan akong makapasok sa classroom, naabutan kong ang dating upuan ni Ysay na nasa likuran katabi ng upuan ko ay biglang nagbago.
Naabutan ko siyang nasa first row, katabi sina Sam, habang masaya siyang nakikipagkwentuhan sa mga ito. Batid kong natigil lang sila nang makita akong papasok ng classroom.
Agad ko na lamang iniwas ang tingin ko sa kanila at ako'y dumiretsyo na sa upuan ko sa dulo.
Kung noong unang araw ng pagpasok ko sa Hamilton ay may katabi ako rito sa likod, ngayon ay tuluyan na akong naging mag-isa.
Ako lamang ang nag-iisang nakaupo rito sa likod, habang ang ilan sa mga kaklase ko ay nakaupo mula sa first row hanggang fourth row na may mga katabi… at may mga kausap at kakwentuhan.
"Okay, class. For our activity for today, kailangan n'yong umisip ng isang product at kung paano n'yo ito ibebenta o i-a-advertise.
Ilalagay sa isang malinis na papel ang inyong product at marketing strategy, okay?"
"Individual, Ma'm?" tanong ng isa kong kaklase.
"By pair ito," sagot ng guro. "You can now choose your partner."
At bahagyang nagkagulo ang klase para maghanap ng kani-kanilang makaka-partner.
Habang ako naman, nanatiling nakaupo lang ako sa sulok at walang ginagawa. Alam ko namang wala ni isa sa mga kaklase ko ang magtatangkang lapitan ako para makipag-partner sa akin.
Mas lalong malabong gawin 'yon ni Ysay dahil mayroon na siyang mga kaibigan.
Madali lang naman ang gagawin kaya siguro kaya ko namang gawin ang activity kahit mag-isa lang ako.
'Yang paghahanap naman ng ka-partner, para lang 'yan sa mahihina. Since malakas naman ako, kaya ko na 'to mag-isa.
Wala lang… gusto ko lang palakasin ang loob ko kahit na sobrang lungkot ko ngayon dahil mas lalong pinaparamdam ng pa-activity ni Ma'm na loner ako sa klaseng ito.
"Pwede ba kitang maging ka-partner?" rinig kong tinig iyon mula sa isang lalaki, kaya sure akong hindi si Ysay ang lumapit sa upuan ko.
"Kung okay lang naman sa iyo," pagpapatuloy niya, kasabay no'n ay nang magtagpo ang mga mata naming dalawa.
"Denver?"
"Ako nga," tumatawa niyang sambit bago siya naupo sa upuan na katabi ko.
"Hindi mo ako nakitang present dito sa klase nitong nakaraan kasi madalang lang talaga akong pumapasok sa klase.
Okay lang naman sa Hamilton na mag-cutting classes ang isang estudyante, basta kaya niyang mag-exam kahit hindi pumapasok."
Namangha ako sa narinig ko. Kung gano'n pala ang gawain niya, malamang ay matalinong tao itong si Denver.
Kasi ang lakas ng loob niyang mag-cutting classes, mukhang hindi na niya kailangan makinig sa klase kasi kaya niya naman palang magsagot ng exam kahit hindi natututo.
"Mali 'yang nasa isip mo," untag niya, "kasi hindi naman talaga ako matalino.
Sa tulong ng barkada ko, nakakakuha ako ng kodigo para mataas ang score na makuha ko sa exam. Ang kapalit nga lang no'n ay malaking halaga."
"Binabayaran mo sila?"
Tumango si Denver. "Baka lang hindi ka aware since baguhan ka lang dito… Ang mga estudyante rito ay naggagamitan lang.
'Yang mga circle of friends, barkada, at mga grupo na nakikita mo sa Hamilton… lahat 'yan ay hindi totoo. Naggagamitan lang ang mga 'yan para sa sari-sarili nilang interes."
"Sa kaso ko naman, ginagamit ko 'yong mga barkada ko para makakuha ng kodigo para sa exam… para hindi ko na kailangan na um-attend ng klase, limang beses sa isang linggo." Pagpapatuloy niya, na mas lalong nagpagulo sa isip ko.
Kung totoo man ang sinasabi ni Denver sa akin ngayon… ibig sabihin ay ginagamit lang nina Sam si Ysay?
Hindi talaga totoo ang pagkakaibigan na iniaalok ng Sam na 'yon kay Ysay?
"Alam ko 'yang mukhang 'yan." Humagikgik siya.
"To give you a brief background information, hindi si Ysay ang kauna-unahang biktima ng grupo ni Sam.
Nakasubaybay na ako sa babaeng 'yon since Grade 7, at tandang-tanda ko ang unang biniktima ng grupo niya… 'yong ka-M.U. ko no'n."
"During that time, parang si Ysay si Clara. Wala siyang friends, tanging ako lang ang nakakausap niya rito sa Hamilton dahil nga M.U. kami no'n.
Ngunit no'ng dumating ang araw na nagkalabuan na kami, we go on a same decision to end our relationship. Simula ng araw na natapos na ang lahat sa pagitan naming dalawa, hindi na kami nag-uusap at nagkikita."
"Bumalik siya sa nakagawian niyang mundo, mag-isa na naman siya at walang kinakausap na kahit sino.
Siguro ay dahil nahirapan na si Clara sa pambubully sa kanya… dahil nga ang mga loner dito sa Hamilton ay laging suki ng bully, naging desperada na siya't lumapit kina Sam para makipagkaibigan.
Alam ko 'yon, dahil kahit tapos na kami, nanatiling nakasubaybay ako sa kanya."
"Dahil din kay Clara ay mas lalo kong nakilala ang grupo ni Sam. Dahil din sa kanya, naliwanagan ako tungkol sa panggagamit sa isa't isa para lang makaraos sa kada school year na lilipas.
Matalino si Clara, kaya pinakinabangan siya nina Sam bilang tagagawa ng activities nila, taga-provide ng kodigo tuwing exam, at kung ano-ano pang related sa academics.
Ngunit nang dumating ang araw na nag-provide si Clara ng maling kodigo kina Sam, na batid kong hindi naman niya sinasadya, doon din nagwakas ang friendship niya kina Sam."
"At alam mo ang kasunod na nangyari?"
"A-Ano?" hindi ko alam kung saan nanggaling ang pagkautal ko.
"Dahil ibinagsak sa exam ni Clara sina Sam, ikinulong siya nito sa lumang bodega, sa bandang likuran ng Hamilton.
At nakalulungkot lang isipin na doon din sa bodegang 'yon binawian ng buhay si Clara. Napag-alaman ko na nakita siya ng guard sa loob, nakabigti gamit ang isang lubid."
"Nagpakamatay siya?"
Umiling si Denver. "Mukha man na suicide ang nangyari, ngunit sigurado akong sina Sam ang may gawa no'n."
"At mukhang si Ysay ang next target nila, Devyn." Dagdag ni Denver na mataman akong tinitingnan ngayon.
"Kailangan mong gumawa ng paraan para iligtas sa kapahamakan ang kaibigan mo."
Ramdam ko ang panginginig ng buo kong katawan, halos hindi ko na nga mapakalma ang sarili ko dulot ng sobrang kaba.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin, kung paano ko makukumbinsi si Ysay na layuan ang grupo ni Sam.
"Ano sa tingin mo ang dapat kong gawin?" Desperada na kung desperada, ngunit kailangan ko ng tulong ni Denver.
"Isa lang ang nakikita kong paraan, Devyn." Nanatiling nakatingin siya sa harap, sa teacher namin na abalang dini-discuss ang dapat naming gawin sa activity.
"Gamitin mo si Kerwin para mas lalo siyang mainis sa iyo."
"Nababaliw ka ba?" hindi makapaniwalang sambit ko. "Ano sa tingin mo ang magagawa no'n para layuan ni Ysay sina Sam?"
"Sa oras na mas mainis si Ysay sa iyo o mapuno siya ng selos sa katawan dahil nakikita niya kayong magkasama ni Kerwin, tamang pagkakataon 'yon para gumawa siya ng hakbang… ng sarili niyang hakbang para siya naman ang magpapansin kay Kerwin."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Kilala ko ang grupo nina Sam… hinding-hindi nila tutulungan si Ysay na maging malapit kay Kerwin.
Dahil ang purpose ng pakikipagkaibigan nina Sam kay Ysay ay para gantihan ka… dahil malaki ang galit ni Sam sa iyo dahil sa ginawa mong pagsagot sa kanya at pamamahiya sa debate."
"P-Paano mo nalaman 'yon---"
"Source ko ang barkada ko, okay?" natawa siya nang bahagya.
"Gaya nga ng nabanggit ko, dahil hindi makakatanggap ng tulong si Ysay kina Sam para mapalapit siya kay Kerwin, sigurado akong iisipin ni Ysay na wala ring saysay ang pakikipagkaibigan niya sa mga ito."
"At 'yon ang kinakailangan mong gawin, Devyn…
Kailangan mong pagselosin si Ysay para itulak siya sa sitwasyong lumayo kina Sam at pilitin siyang gumawa ng bagay para sa sarili niya na hindi kinakailangan ang tulong ng iba."
"Ibig mo bang sabihin…" biglang kumunot ang noo ko. "Gagamitin ko si Kerwin para pagselosin si Ysay? Sa tingin mo, gagana 'yon?"
"Oo naman," sagot niya. "Dahil naniniwala akong kayang baliktarin ng labis na selos ang isang tao. Makikita mo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro