Kabanata 18
“Hindi.” Mariing tugon ni Nanay habang masasamang tingin ang kanyang ipinupukol sa akin.
“Ilang beses ko pa bang kailangan ulitin sa iyo ang dahilan kung bakit ko ginagawa ang mga ito Devyn… para lang maintindihan ako niyang makitid mong utak?!”
“Ikaw ang hindi nakakaintindi, Nay!” hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa kamay ni Thea na alam kong ngayon ay natatakot na dahil sa pagsasagutan namin ni Nanay, dito mismo sa loob ng ospital.
“Hindi mo ako naiintindihan, hindi mo naiintindihan ang nararamdaman namin ng mga anak mo sa pinaggagagawa mo!” at sa pagkakataon na ito, tuluyan na akong naging emosyonal.
“Ganyan ka na lang ba habambuhay, Nay? Magiging makasarili ka na lang ba? Kailan mo ba kami uunahin… bago ang pera?!”
“Tumigil ka sa kaartehan mo, Devyn!” itinulak niya ako nang malakas, tiyaka siya tumayo.
“Hindi na kailanman magbabago ang isip ko. Mayamaya lang din ay iuuwi ko na ‘yang si Thea…” muli ay tiningnan ako ni Nanay ng masama.
“Subukan mong tutulan ang desisyon ko, baka palayasin na kita sa bahay at hindi mo na makasama ang mga kapatid mo!” aniya bago tuluyang lumabas ng hospital room.
Nanghihinang bumagsak ang paningin ko sa sahig… iniisip na kahit siguro ano ang gawin ko, wala talaga akong laban sa mga magulang ko.
Sila at sila pa rin ang talagang masusunod, habang kaming mga anak ay mukhang taga-sunod lang ng magulang.
“Hindi na alam ni Ate kung ano ang gagawin niya,” sambit ko tiyaka nilingon si Thea.
“Itakas na lang kaya kita kay Nanay? Umalis na tayo sa bahay, Thea. Okay ba ‘yon?”
Dahan-dahan niyang iniling ang kanyang ulo. “Hindi ako pwedeng sumama sa iyo, Ate Devyn. Dapat ay sa bahay lang ako.”
“At bakit hindi ka pwedeng sumama? May nagbabawal sa iyo? Si Nanay?”
“Hindi, Ate.” Sa ikalawang pagkakataon ay inilingan niya ako.
Nakayuko siya ngayon, nakikipagtitigan sa kumot na nakabalot sa kanyang binti. Hindi mapakali ang kanyang mga kamay, bakas ito ng panginginig.
“Huwag kang matakot na sabihin sa akin kung sino, hmm? Mapagkakatiwalaan mo si Ate Devyn.” Muling pangungumbinsi ko kay Thea.
Iniangat niya nang dahan-dahan ang ulo niya, tinagpo ang mga tingin ko sa kanya, bakas sa kanyang mga mata ang pangamba.
“Ate… naalala mo ‘yong araw na ginalaw ako ni Tatay?”
Muling sumariwa sa alaala ko ang araw na ‘yon, kung saan ang tanging nagawa ko lang ay tumayo at pakinggan ang panaghoy ng kapatid kong inaabuso ng aming ama.
Muling nanumbalik ‘yong sakit, ‘yong pagsisisi ko noon na pinili kong tumayo na lang sa isang gilid imbes na sana ay gumawa ako ng ibang paraan mailigtas lang ang kapatid ko sa kamay ng demonyo naming ama.
“Sakaling ayain mo raw ako na lumayas sa bahay, ‘wag raw akong sasama sa iyo. Sinabi niyang ‘pag sumama raw ako sa inyo, papatayin daw niya si Nanay.”
Aminadong nagulat ako sa narinig ko mula kay Thea, ngunit akin na lamang iyong isinawalang-bahala.
“Ano ka ba, Thea? Mas maigi na magpatayan ang dalawang demonyo na ‘yon!
Ikatutuwa ko pa kung isa man sa kanila ang mawala, dahil hindi naman natin sila kailangan.
Ang kailangan natin ay ang isa’t isa, hindi ang mga magulang natin na makasarili at ni minsan ay hindi inaalala ang kapakanan natin!”
“Kaya hahayaan na lang natin na patayin ni Tatay si Nanay?!” lumakas ang tono ng boses ni Thea, hindi siya makapaniwalang tiningnan ako.
“Ate, kahit gaano man sila kasama o kahit gaano kasama ang trato nila sa atin… magulang pa rin natin sila, Ate Devyn!
Sa kanila tayo nanggaling kaya hindi gano’n kadali para sa akin na hayaan silang magpatayan na lang… kaya ko piniling lumayo sa inyo nina Kevin.”
“Umaasa pa rin kasi ako na may pag-asa pang magbago sila at… mabuo ang pamilya natin.” Pagpapatuloy niya sa kanyang sinasabi bago tuluyang bumalik sa pagkakahiga roon sa hospital bed.
Tumagilid siya ng higa para talikuran ako, sapat nang senyales para malaman kong ayaw na akong kausapin ni Thea.
“Naiintindihan kita,” sambit ko bago marahang tinapik ang likod niya.
Tumayo na rin ako at lumabas na roon para umuwi na. Tutal ay wala na akong iba pang magagawa kung hindi ang umalis na roon, wala na rin akong magagawa para pigilan si Nanay.
Batid kong titigil lang siya sa paggamit sa aming mga anak niya ‘pag marami na siyang pera… at siguro mangyayari lang ‘yon ‘pag napagtagumpayan namin ni Ysay na nakawin ang Golden Buddha.
Tiyak kong malaki ang papartihin naming dalawa sakaling manakaw namin ‘yon, ito na rin ang magiging susi para maging malaya kaming magkakapatid sa kamay ni Nanay.
Hindi na problema si Tatay sa akin dahil nga wala na rin siya sa bahay, wala ng Manny Pacquiao na gumugulpi sa akin, hindi tulad noon.
Si Nanay nga lang ang pumalit sa demonyong ‘yon, na siyang nagpapahirap nga kay Thea.
“Sa lalong madaling panahon, dapat ay magkasundo na kami ni Ysay. Kailangan ko siya… para kumpletuhin itong misyon namin sa Hamilton.”
Nasa harap na ako ng ospital kung saan ako nanggaling, nag-aabang ako ng jeep o tricycle na masasakyan ngunit walang dumaraan.
Ilang minuto na rin siguro ang nasayang ko kaya nagpasya akong maglakad na patungo sa terminal ng jeep, doon sa ilalim ng tulay na ‘di naman gano’ng kalayo mula sa ospital.
Sa kalagitnaan ng paglalakad ay gulat kong nakasalubong ang grupo ni Boss.
Lahat sila ay nakasuot ng itim, si Boss naman ay nakasuot pa ng itim na shades habang may nakaipit na tabako sa kanyang bibig.
“Kumusta ang pinagagawa ko sa inyo?” ‘yon ang paunang bati sa akin ni Boss, na mas lalong nagpakaba sa akin.
“Makukuha n’yo ba agad-agad? O baka naman gusto n’yong bigyan ko kayo ng deadline?”
“P-Po??”
“Naiinip na ako, hija. Mukhang sa itsura mo ngayon ay wala pa ring progress ang misyon…” humakbang si Boss upang makalapit sa akin, sapat na upang suntukin ang mukha ko ng usok mula sa kanyang tabako.
“Binibigyan ko kayo ng dalawang linggo para madala sa akin ang Golden Buddha.
Hindi pwedeng lumagpas sa deadline… ang ayoko sa lahat ay ‘yong pinaghihintay ako ng matagal, alam n’yo ‘yan.”
Matapos sabihin ‘yon ay umalis na rin ang grupo nila sa harap ko.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa sinabi ni Boss… na binigyan niya lang kami ng dalawang linggo ni Ysay para nakawin ang Golden Buddha.
Masyadong maikli ang dalawang linggo para magawa namin ni Ysay ‘yon, lalo na ngayon na ayaw na niya makita o makausap ako.
Paano na? Ano na kaya ang gagawin ko nito?
—
Kinaumagahan, bago ako pumasok ay napag-alaman ko kay Kevin na dinala na naman pala ni Nanay si Thea roon sa bahay ni Ruby.
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras na magulat sa ginawa ni Nanay. Mukhang pera ‘yon, e. Malamang gagawin niya talaga ‘yon para lang kumita siya.
Sana patawarin ako ni Thea sa gagawin ko sa isa sa mga araw na lilipas.
Kung kaya ni Thea na tiisin ang pinaggagagawa ni Nanay sa kanya, pwes ako ay hindi. Kailangan ay wakasan na ang pagiging mukhang pera ng walang-puso naming ina.
“Papasok na ako,” paalam ko roon sa dalawa.
Abala masyado sina Joshua at Kevin sa paglalaro sa phone na ibinigay ni Kerwin sa akin noon, na mukhang hindi na nila namalayan na paalis na ako ng bahay para pumasok sa Hamilton.
Bagong araw na naman ito para suyuin ko si Ysay na makipagbati na sa akin. Nanindigan ako sa sarili ko na hindi ako titigil na kulitin siya hangga’t hindi lumalambot ang puso niya para makipagbati sa akin.
Iniisip ko na baka sakaling mangyari ‘yon dahil naniniwala akong kahit papaano, naging mahalaga rin ako sa buhay niya.
Nang tuluyan akong makarating na sa Hamilton, namataan ko si Ysay sa may harap ng stage.
Nag-iisa siya roon habang kumakain ng burger, kaya’t nilapitan ko siya at kinausap.
“Galit ka pa rin ba sa akin?”
Nanatiling ilag ang tingin niya sa akin.
“Hindi ba’t sinabihan na kitang ‘wag mo na akong lalapitan? Ayoko na ngang kausapin ka, Devyn!”
“Pero paano ang misyon natin? Alam mo bang—”
“Wala kong pakialam, okay?!” sa wakas ay tinapunan na rin niya ako ng tingin.
“Tulad ng sinabi ko sa iyo noong nakaraan, magsarili na lang tayong dalawa ng trabaho.
Magplano ka mag-isa… gano’n din ang gagawin ko.”
“Nababaliw ka na ba? Hindi ubrang hindi natin pagtutulungan na pagplanuhan ‘yon, Ysay!
Kailangan ay gawin natin ‘yon, magtulong dapat tayo—” sa ikalawang pagkakataon ay pinutol niya ang sasabihin ko.
“Alam kong hindi ka sanay na magtrabaho mag-isa, Devyn. Ako rin naman, e. Nasanay ako sa na sa mga ganitong klase ng misyon, lagi kitang kasama at katulong.” Nilukot niya ang plastik ng burger na tapos na niyang kainin.
“Pero ibang sitwasyon na ‘yong ngayon. Sana respetuhin mong hindi ko kayang sikmurain na makatrabaho ka pagkatapos ng nangyari.
Okay na rin ito, at least masasanay tayong gumawa ng isang bagay na hindi tayo magkasama.”
Akmang tatalikuran na niya ako nang magsalita ako. “Talaga bang sigurado ka na sa desisyon mo, Ysay?
Sa oras na talikuran mo ako, iisipin kong tuluyan mo na ring tinatalikuran ang pagkakaibigan nating dalawa.”
Hinihintay kong humarap siya sa akin, ngunit bigo ako. “Wala akong pagsisisihan, Devyn. Hindi ko kailangan ng isang suluterang kaibigan na kagaya mo.”
Kasabay rin noon ay ang biglang pagdating nina Sam, na mukhang susugurin kami ni Ysay dahil na rin sa kakaibang ngisi sa kanilang mga labi.
“Nakikipagkita ka pa rin pala riyan sa loser mong kaibigan?” ani Sam, na mukhang ang kinakausap ay si Ysay.
Ito namang Sam na ‘to, kung makatingin sa akin ay akala mo isa akong tae na nagkaroon ng kaluluwa.
“My dear Ysay, layuan mo na ang germs na ‘yan! Sige ka, hindi na kita kakaibiganin!”
“Kaibigan?” naguguluhan kong tanong.
“Oo, loser!” nginisian ako ni Sam bago niya pinaharap sa akin si Ysay.
“Hindi pa yata inform ‘yang bobo mong kaibigan na kami na ang new set of friends mo, e.” At napuno ng tawanan ng barkada niya ang paligid.
Nanatili lamang kay Ysay ang tingin ko, hinihiling ay sana mali ang pagkakaintindi ko.
Na sana, hindi totoong ipinagpalit niya ang pagkakaibigan namin para lang maging kaibigan si Samantha.
“Oo, Devyn… kaibigan ko na sila.” Blanko ang ekspresyon ng mukha ni Ysay na nakatingin sa akin.
“At hinding-hindi ko pagsisisihan na sila ang pinili kong kaibigan kaysa ang manatili ang koneksyon ko sa isang basurang kagaya mo.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro