Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17

Palabas na sana ako ng classroom at handa na sanang umuwi para hanapin na rin si Ysay ngunit humarang si Sam sa dinaraanan ko.

Nanlilisik ang mga mata niyang tinitingnan ako na para bang anumang oras ay susunggaban niya na ako para punuin ng sugat at pasa ang buo kong katawan.

“Hindi mo ba alam na binastos mo ako kanina? Ano’ng karapatan mong hampas-lupa ka?!” aniya na batid kong pinipigil lang ang sarili na ‘wag lakasan ang tono ng pagkakasabi n’yon.

“Pwede ka namang magsalita pa o sagutin ang sinabi ko kahit naupo na ako kaagad, e.

Pakikinggan naman kita habang nasa upuan ako,” nginisian ko siya, “kaso ikaw itong hindi na nag-aksaya ng laway na depensahan ang sarili mo laban sa akin.

Kasalanan ko pa ba ‘yon kung napahiya ka man kanina?”

“Ano’ng sinabi mo---”

“Kung wala ka nang importante pang sasabihin, ‘wag kang haharang-harang sa daan.” Kinabig ko siya patungo sa gilid bago ako tuluyang makalabas ng classroom.

Sa pagkakataon na ito ay pinili kong lakasan ang loob ko na labanan ang mga bully sa school na ‘to, at isa ang Sam na ‘yon sa kanila.

Tulad ng nabanggit ko, pagod na akong mapagkaisahan, pagod na akong masaktan at higit sa lahat, pagod na akong matalo sa isang laban nang hindi ako lumalaban.

Para naman maging patas na ang laro ngayon, lalaban na ako lalo’t alam kong kailangan kong depensahan ang sarili ko at ‘wag hayaang magpaapi na lang sa kagaya nilang mayayaman.

Ang dapat ko na lang na isipin ngayon ay kung paano ko makikita at makakausap si Ysay.

Mula nang malaman niya na magkakilala kami ni Kerwin at… malaman din niyang nililigawan ako ni Kerwin ay hindi ko na siya nakita’t nakausap.

Ang naisip ko ay kung hindi ko siya nakita sa buong Hamilton ay malamang, umuwi na ‘yon sa bahay nila.

“Kailangan naming magkaayos sa lalong madaling panahon,” ang naibulong ko sa sarili habang tinatahak ang daan patungo sa kanila.

Dapat ay magkaayos na kaming dalawa ni Ysay dahil kung hindi, pareho kaming lintik kay Boss.

Sakaling tumagal pa ang alitan sa pagitan namin, baka mas lalo kaming mahirapan na gawin ang misyon… ang pagnanakaw sa Golden Buddha.

Kailangan ay pagtulungan naming dalawa na gawin ‘yon dahil nakasalalay sa misyong ito ang buhay naming dalawa.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” walang-emosyon niyang sambit, ilag na ilag ang mga mata niya sa akin.

“Pag-usapan natin ang tungkol sa kanina, Ysay. Hayaan mo akong magpaliwanag---”

“Para saan pa na pakikinggan ko ang paliwanag mo? Para pakinggan ko ang kasinungalingan mo, Devyn?!” matatalim na tingin ang ipinukol niya sa akin.

“Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit hindi mo ako maipakilala kay Kerwin… kasi alam mong siya rin ang lalaking gusto ko, ‘di ba?!”

“Hindi ko talaga alam na siya ang lalaking tinutukoy mo---”

“Malamang ay hindi!” aniya. “Kasi Jerwin ang pakilala niya sa akin, sa iyo naman ay Kerwin.

Kahit na sabihin ko man sa iyo ang pangalan niya, malamang ay iisipin mong ibang lalaki ang tinutukoy ko na lalaking gusto ko… pero siya rin ‘yon!

Nandito na, e. Iisa lang ang lalaking gusto natin, Devyn. At hindi ko alam kung paano ko ‘yon tatanggapin…” maluha-luha ang mga mata niyang tiningnan ako.

“Hindi ko alam kung mapapatawad kita sa pang-aahas mo!”

“Ysay---”

“Umalis ka na, Devyn! Ayaw ko nang makita at makausap ka ulit!” mabilis niyang pinahid ang luha sa pisngi niya.

“Magmula sa araw na ito, ituturing na kitang hindi ko kakilala.

Tungkol naman sa misyon ni Boss para sa atin, magsarili na tayong dalawa. Hindi ko na kayang makipag team-up sa suluterang kagaya mo.”

Bago ko pa man madepensahan ang sarili ko ay agad akong pinagsaraduhan ng pinto ni Ysay.

Ni hindi man lang siya nag-abala na pakinggan ang paliwanag ko, basta na lang niya ako iiwan sa ere na para bang wala lang sa kanya ang pinagsamahan naming dalawa.

Bakit ang dali lang para kay Ysay na itapon ang pagkakaibigan namin… para lang sa isang lalaki? Gano’n ba talaga siya kababaw?

Wala rin ako nagawa kung hindi ang umuwi na lang sa bagay dahil bigo akong makapagpaliwanag kay Ysay nang maayos.

Ni hindi niya man lang ako binigyan kahit limang minuto lang na makapagpaliwanag, mas pinili niyang paniwalaan ang nakita ng mapanghusga niyang mga mata.

Pero hindi ko susukuan ang kaibigan ko. Gagawa ako ng paraan para magkaayos kaming dalawa… kahit pa ang maging kapalit no’n ay ang sarili kong kaligayahan.

---

“Huwag mo na akong kausapin o tatawagan pa, Kerwin. Nakikiusap ako sa iyo, layuan mo na ako.” Malalim na buntong-hininga ang hinugot ko, kasabay no’n ay ang paghigpit ng kapit ko sa phone na hawak ko.

“Hayaan mong maayos ko muna ang lahat bago tayo bumalik sa dati… at maging magkaibigan na lang.”

[Devyn, bakit naman? Walang kinalaman si Ysay sa ating dalawa---]

“Mayroon nga, Kerwin!” naasar na sagot ko.

“Isipin mo kung ano na lang ang mararamdaman ni Ysay sakaling magpaligaw ako sa iyo.

Ayaw ko namang saktan ‘yong kaisa-isang kaibigan na mayroon ako para lang maging makasarili at isipin ang sarili kong kaligayahan… habang ‘yong kaibigan ko ay nasasaktan.

Hindi ko kaya ‘yon.”

[Kaya ano ang gusto mong mangyari ngayon?] humina ang boses niya sa kabilang linya.

[Gusto mong ‘wag na kong manligaw sa iyo alang-alang sa kaibigan mo? Tapos ano’ng kasunod no’n, Devyn?

Itutulak mo ako na mapalapit kay Ysay para lang manumbalik ang friendship n’yong dalawa… gusto mo akong pilitin na magustuhan siya, gano’n ba?]

“Pwede naman, ‘di ba?”

[Nababaliw ka na ba, Devyn? Gusto mo akong pilitin na gustuhin ang isang babaeng hindi ko naman talaga gusto?

Ano bang akala mo sa puso ng isang tao… mabilis natuturuan? Huwag mo akong diktahan kung sino ang babaeng dapat kong gustuhin dahil kahit kailan, hindi kayang turuan ng tao ang puso na magmahal ng iba.]

[Hayaan mo’t kaya ko namang dumistansya sa iyo… pero hindi ibig sabihin no’n ay susukuan na kita.

Sa tingin ko ay marami pa akong bagay na dapat patunayan sa iyo, Devyn. Hintayin mo lang na maging tama na ang panahon para sa ating dalawa.]

At ‘yon ang huling mga salitang narinig ko mula kay Kerwin bago niya pinutol ang tawag.

Ni hindi ko man lang naitanong sa kanya kung bakit magkaibang pangalan ang ipinakilala niya sa amin ni Ysay.

Ano nga bang sikreto mo, Kerwin? Sino ka ba talaga?

“Ate Devyn!” humahangos na si Joshua ang pumasok sa loob ng bahay. “Si Thea kasi…”

Gulat akong napatayo sa katre, “Ano’ng nangyari kay Thea?”

“Isinugod sa ospital si Thea, Ate Devyn…” si Kevin ang nagpatuloy sa naudlot na sinasabi ni Joshua.

“Inatake siya bigla ng hika kina Ate Ruby.”

Agad akong pumara ng tricycle para magpahatid sa ospital kung saan dinala si Thea habang sina Kevin at Joshua ay pinaiwan ko sa bahay para magbantay roon.

Babalitaan ko na lang kako sila sa kondisyon ni Thea.

Hindi ko mapigilan ang panginginig ng katawan ko dala ng kaba na baka malala ang naging kondisyon ni Thea na aabutan ko roon.

Kung bakit ba naman kasi hinayaan ni Nanay na pagtrabahuhin ng gano’n ang sarili niyang anak para lang kumita.

Idagdag pa na ang bahay ng Ruby na ‘yon ay araw-araw yatang pinalilibutan ng usok ng yosi at drugs… na malamang ang naging dahilan kung bakit inatake ng hika si Thea.

Hinding-hindi ko na talaga hahayaan pa si Nanay na pagkakitaan ang kapatid ko, lalo na’t nangyari ito.

Sa ginagawa niya, unti-unti niya nang pinapatay si Thea, para lang talaga sa pera at matustusan ang luho niya.

Napaka walang-kwenta niyang ina.

“Bayad po, oh.”

Nang maiabot ko na ang bayad sa tricycle driver ay agad akong nagtatakbo patungo sa loob ng ospital, agad kong hinanap kung saan dito dinala ang kapatid ko.

“Sa second floor, Miss. Room 208.” Ang sagot sa akin ng nurse na napagtanungan ko.

Tinungo ko ang nasabing kwarto at tumambad sa akin ang isang malaking hospital room na punong-puno ng mga batang pasyente.

Hinanap ko sa loob kung nasaan si Thea, natagpuan ko siyang nasa kadulu-duluhan kasama si Nanay.

Agad kong nilapitan si Thea at niyakap.

“Kumusta na ang pakiramdam mo? Okay ka na ba?” lumayo ako sa kanya nang kaunti at naupo sa tabi ng kama. “Sorry kung ngayon lang dumating si Ate.”

“Maayos naman na ang pakiramdam ko, Ate Devyn. Sabi ni Nanay ay kailangan maging maayos ang pakiramdam ko bago mag-umaga para makapaglaro na raw ako ulit.”

“Ano?” nilingon ko si Nanay.

“Talaga bang wala ka nang natitirang awa sa anak mo, Nay?

Inatake na ng hika ‘yong anak mo, oh? Pero hanggang ngayon, sarili mo pa rin talaga ang iniisip mo?

Ano’ng klaseng Nanay ka, huh?!”

“Huwag kang magsimula ng gulo rito, Devyn. Mahiya ka naman!” mariin niyang bulong sa akin tiyaka ako pinandilatan ng mata.

“Sa bahay na natin ito pag-usapan, tutal ay mayamaya lang ay lalabas na itong si Thea. Hinihintay ko na lang ang doktor.”

“Marunong ka pa lang mahiya? Sana ikinakahiya mo rin ang ginagawa mo sa sarili mong anak para lang magkapera ka!” hindi ko na naiwasang pagtaasan siya ng tono, na batid kong napansin ng ilang mga tao rito sa loob.

“Hindi uuwi si Thea hangga’t hindi pa siya gano’ng kagaling. Dito lang ang kapatid ko!”

“Talaga bang matigas na ang ulo mo---”

“Pwede bang gumising ka na sa katotohanan, Nay?

Hindi para sa gano’ng klaseng trabaho ang kapatid ko kaya tigil-tigilan n’yo na ang paggamit sa katawan ni Thea para lang kumita ka ng pera.” Pinahid ko ang takas na luhang lumandas sa aking pisngi.

“Kahit minsan lang… kahit ngayon lang, sana ay maging mabuting ina ka naman sa amin… kahit isang beses lang.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro