Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 15

Pinanlakihan ko ng mata ang lalaking nasa aking harapan. “A-Alam mo ang pangalan ko? Paano mo nalaman?”

Ito ang unang beses na nagkita kami ng lalaking ito kaya nakapagtataka na alam niya ang pangalan ko.

Hindi kaya… hindi kaya matagal na akong minamanmanan nito?

“Because of this,” mula sa likod ng kanyang pantalon ay may hinugot siya roon.

“Nahulog mo kasi ang ID mo kanina… kaya ko rin nalaman na Devyn Cabrera ang ngalan mo.”

Nakayuko kong pinagmasdan ang ID ko at dahan-dahan ‘yong kinuha mula sa kamay niya.

Nga naman, dala ng katangahan ko ay nalaglag ko pa ang ID ko. Bigla akong nahiya para pag-isipan siya kanina na stalker ko siya… ngunit hindi pala talaga.

“Salamat,” pilit akong ngumiti sa kanya nang mag-angat ako ng ulo.

“Mauuna na ako, Denver.” Nagmamadali akong umalis para tahakin ang daan patungo sa classroom ko.

Sana lang ay hindi ko na makita pang muli ang grupo ng mga babae na ‘yon. Masyado silang masasakit magsalita.

Nang makarating ako sa classroom, naabutan kong nagkakagulo ang mga estudyante roon. Marahil wala pa sigurong guro sa loob kaya walang nagsasaway sa kanila na tumahimik.

Gulo-gulo ang mga silya at ang mga estudyante sa loob ay mayroong kani-kaniyang pinagkakaabalahan.

Sa puntong iniapak ko ang mga paa papasok sa loob, ilan sa kanila ay napatigil sa ginagawa para lang pansinin ang hampas-lupang kagaya ko.

Huminto ako sa harap nang makarating ako sa gitna, nahihiyang inilibot ang tingin ko sa bawat isa.

“Hello sa inyo, transferee ako---” Naputol ako sa pagsasalita nang may magbato sa mukha ko ng isang basahan na bilog.

“Wala kaming panahon para kilalanin ang isang dugyot na kagaya mo,” maangas na sabi ng lalaki sa likod, nasulyapan ko rin si Ysay na nasa likod rin ang upuan habang siya ay nakayuko.

“Kasama mo ‘to, ‘di ba? Aysh, mukhang kailangan i-disinfect ang buong Hamilton.”

“Anuman ang dahilan kung bakit nakapasok ang dalawang ‘yan dito, I’ll make sure they will leave this school sooner or later.” Tinaasan ako ng kilay no’ng babaeng tadtad ng hair clip sa buhok.

“Either both of you will leave this school voluntarily, or pahihirapan namin kayo para lang mag-decide kayo na mag-drop.”

“Oh! You’re really so intimidating, Samantha!” Dinaluhan siya ng isang lalaki, malay ko ba kung ano ang mga pangalan nila.

“Let’s see how good you are at terrifying these two idiots.”

“I will make them leave…” masama akong tiningnan no’ng Samantha. “They will.”

Tahimik lamang akong nakatayo pa rin sa gitna. Gustong-gusto kong lumapit na kay Ysay at maupo sa tabi niya kaya lang hindi ko magawang maglakad dahil nakaharang ang mga bully na ito sa harap ko.

Naisip ko, baka kahit paglampas ko o hindi pagpansin sa kanila ay maituturing na ‘yong kasalanan.

“Oh, let’s give way to her. Para naman masamahan niya na ‘yong kaibigan niyang loser.” Tila nabasa ng katabi ni Samantha ang nasa isip ko kung kaya’t gumilid sila para paraanin ako.

Nakayuko ang aking ulo na naglakad ako patungo sa inuupuan ni Ysay, ngunit hindi pa man din ako nakalalayo ay biglang may tumisod sa akin… nakipaghalikan tuloy ako sa sahig nang ‘di oras.

“Kumusta naman ang pakikipaghalikan mo sa sahig? Masarap ba? ‘Yan ba ‘yong sinasabi nilang matamis na halik?” At ang buong klase ay napuno ng tawanan.

Pinagpagan ko ang sarili ko nang makatayo ako, akmang magpapatuloy na sa paglalakad nang may humila sa buhok ko.

“Kinakausap ka pa namin, ‘wag ka naman sanang bastos!”

Hindi na ako nakapagpigil pa at inilabas ang pagkademonyo ko. Tinabig ko ang kamay niya at malakas siyang itinulak.

“Ang ganda nga ng school na ito. Mataas ang rating, sikat at tinitingala ng iba. Kaso sisirain din pala ng mga estudyante rito ang reputasyon ng Hamilton. Ang sasama ng ugali n’yo!”

Isa-isa kong tiningnan ang laman ng classroom na ito. “Mas masahol pa kayo sa demonyo!”

“Ang kapal ng mukha mo na itulak ako!”

At nangyari na nga ang sa tingin ko na dapat mangyari. Pinagkaisahan ako ng mga estudyante rito sa pagbato ng mga basahan, may nagbuhos pa nga sa akin ng basura na galing sa basurahan.

“What’s happening here?! Itigil n’yo ‘yan!”

Sa sandaling narinig ko ang boses ng isang guro, sa tingin ko ay makakahinga na rin ako nang maluwag.

“Ano na naman ito, Sam? Have I forgot to tell you na ‘pag naulit na naman ang pambubully n’yo, mapaparusahan na kayo? ‘Wag n’yo akong subukan, mayroon akong isang salita.”

Bumagsak ang tingin ng guro sa akin. “Maupo ka na, hija.”

“At ‘yong iba naman, pakiayos ang classroom. May limang minuto kayo para linisin ang kalat n’yo!” Umalis muna ito sandali at hinayaan ang mga estudyante na linisin ang classroom.

Hindi na ako nag-abala pang tulungan sila dahil sila rin naman ang may kagagawan kung bakit ang kalat sa classroom ngayon.

“Okay ka lang ba, Devyn?”

Nang tuluyan akong makaupo sa tabi ni Ysay ay kinumusta niya ako.

“Kagaya mo, w-in-elcome nila ako rito nang gano’n. Kulang na lang ay umiyak ako sa harap nila kanina para tantanan nila ako, kaso mukhang hindi sila nakukuha sa gano’n.”

“Kaya lalabanan natin sila,” may diin na pagkakasambit ko.

“Hindi pwedeng hayaan na lang natin sila na api-apihin tayo, Ysay. Kung kaya naman natin silang labanan, gawin natin.

Hindi sapat na dahilan na mahirap tayo para apak-apakan nila ang pagkatao natin. Pantay-pantay tayo sa school na ito dahil lahat naman tayo ay nagbabayad ng tuition fee, wala dapat nang-aapi at naaapi.”

“Ibig mo bang sabihin… papatulan mo sila?”

Nagulat ako nag yugyugin niya ang balikat ko. “Gumising ka nga sa panaginip mo, Devyn! Dalawa lang tayo kumpara sa dami nila, ano’ng laban natin, huh?

‘Di hamak na lugi tayo sa kanila kasi bukod sa marami sila, mas marami rin silang pera para kontrolin ang buhay natin.”

“Nagawa nga natin na magnakaw, e. Marami rin tayong kalaban bilang isang kriminal pero ito tayo ngayon, patuloy na nagtatago at lumalaban para sa buhay natin. Hindi na bago ang ganitong sitwasyon sa atin, Ysay.”

Mapait akong napangiti. “Kung lumabas man ang pangil natin, kasalanan nila ‘yon dahil sila ang pumilit sa atin na gawin ‘yon.

Sa buhay, dapat tayong matuto na ipagtanggol ang sarili natin sa iba lalo na’t hindi na makatarungan na apakan nila ang pagkatao natin dahil lang sa estado natin sa buhay.

Hindi na uso na ang bida ay nagpapaapi sa una, masyadong makaluma. Dahil naniniwala akong ang tunay na bida, marunong lumaban kahit ang armas niya lang ay patalim laban sa iba’t ibang klase ng baril.”

Una sa lahat, narito kami hindi para mag-aral at magsaya. Ang pakay namin ay ang manakaw ang Golden Buddha alang-alang sa kaligtasan ng pamilya namin.

Wala akong oras na makipaglaro sa mga estudyanteng hindi marunong magbasa o mag-add ng numbers, kung hindi mga estudyanteng puro pambubully lang naman ang alam.

Pagod na ang katawan ko na masaktan at maabuso, hindi ko na hahayaan na tumiklop na lang ako at walang ginagawa para lumaban.

“Kung gyera man ang hanap nila…” pinanlisikan ko ng mata si Samantha na saktong nakatingin din sa akin habang nakangisi.

“World War 3 ang ibibigay ko sa kanila.”

---

“Hayaan mo na sila,” abala si Ysay na tumutuhog ng fishball ngunit ako ay may kaunting pagtatampo sa kanya dahil hinatak niya ako kaagad paalis sa canteen.

Breaktime namin nang pumunta kami ni Ysay sa canteen, bibili lang naman kami ng pagkain pero muli ay napagkaisahan kami na paalisin doon dahil hindi raw kami welcome doon.

Gusto ko lang naman sabihin na pantay-pantay dapat ang karapatan ng bawat estudyante ngunit itong si Ysay, hinatak na ako paalis doon.

Kaya heto kami ngayon, nasa labas kami ng school at ginawang meryenda ang fishball at kikiam.

Hindi naman ako mapili sa pagkain, ang ikinagagalit lang ng buchi ko ay ‘yong asal ng mga estudyante na pinagbawalan kami na magpunta sa canteen.

Hindi naman kami langaw o maruming aso para pandirihan nila, e.

“Devyn, piliin mo rin ‘yong gulo na sasalihan mo. Isipin mo, kung nakipag-away ka sa mga ‘yon, sa tingin mo ay saan ka didiretsyo?

Malamang ay ma-guidance office ka, ang malala pa riyan ay maparurusahan ka kasama ang mga bwiset na ‘yon.

Hindi naman kita pinipigilan na kalabanin sila, pero ang punto ko lang, sumangkot ka sa gulo na alam mong hindi ikaw ang mababaliktad.”

Tumuhog siya ng fishball sa baso ko at kinain ‘yon. “Isipin mo na lang na mas okay rin na dito tayo napadpad. ‘Di hamak na mas mura at mas masarap ang tinda ni Manong kaysa sa canteen na ipinagdadamot nila, ‘no?”

“Bahala na nga,” inabala ko na lamang ang sarili sa pagtuhog ng mga fishball at kikiam.

Si Ysay naman ay nagpaalam sa akin na kukunin niya raw saglit ‘yong payong niya na iniwan sa guard house kasi biglang tumirik ang araw, tanghaling tapat pa naman.

“Magkano na po lahat, Manong?”

“P50, hija.”

Hinanap ko ang wallet ko sa bulsa at tiningnan kung mayroon akong singkwenta roon, kaso buong P100 ang pera ko.

Bigla akong nanghinayang na mabarya ito kasi ipon ko nga pala ito dapat. Pinababaunan kasi kami ni Boss araw-araw, e P150 ang allowance namin sa kanya.

Ewan ko nga kung saan napunta ‘yong P50, e ang alam ko ay hindi pa naman ako gumagastos.

“Ako na,” nawala ang atensyon ko sa P100 nang may magsalita at siya na rin ang nagbayad ng nakain ko.

Humarap ang lalaki sa akin at ngumiti. “Malakas ka palang kumain, Devyn. Parang no’ng nag-samgyup tayo, hindi mo naubos ‘yong isang tasang kanin.”

“A-Ahh, hindi kasi ako mahilig sa gano’ng klaseng pagkain.” Agad akong nag-iwas ng tingin dahil sa kahihiyan.

Si Kerwin pala ang lalaking dumating, lagi niya talaga akong nililigtas.

“Ikaw lang ba mag-isa rito ngayon?”

“Hindi, kasama ko ‘yong kaibigan ko,” sagot ko.

Bigla kong naalala si Ysay. Sa wakas ay maipakikilala ko na rin si Kerwin sa kanya.

“At naka-school uniform ka…”

“Dito na kami nag-aaral,” ngumiti ako sa kanya.

“May magandang oportunidad na inalok para sa amin kaya kami narito ngayon.”

Itinago ko sa aking ngiti ang kasinungalingan na ang totoong pakay namin ay ang magnakaw.

Pinili kong itago na lang kay Kerwin ang tungkol sa bagay na ‘yon, gusto ko lang makasiguro na walang maglalaglag sa amin ni Ysay.

“That’s great! Mas madalas na tayong magkikita niyan, Devyn. Saan ang classroom mo? Ihahatid na kita---”

“Devyn, nawawala ‘yong payong ko!” Humahangos na sambit ni Ysay, pero agad rin siyang huminahon at nalipat kay Kerwin ang atensyon.

Hindi ko maipaliwanag ang reaksyon ni Ysay nang makita si Kerwin. Para siyang nakakita ng bangkay na umahon sa ilalim ng lupa, e.

Ikinagulat ko nang lumapit si Ysay sa akin tiyaka kumapit sa braso ko.

“Devyn!” Kinikilig niyang bulong sa akin. “Bakit mo siya kasama? Magkakilala kayo ng crush ko?”

Ano? Crush ni Ysay... si Kerwin?

“Ikaw siguro ‘yong kaibigan ni Devyn?”

“Oo, ako nga!” Magiliw na sambit ni Ysay. “Magkakilala kayo?”

“Small world, huh?” Ang laki ng ngiti ni Kerwin sa labi ngayon, nakakatunaw ang binibitiwan niyang tingin sa akin sa mga oras na ito.

“Siya ‘yong naikwento ko sa iyo…” at ibinalik kay Ysay ang tingin. “Iyong babaeng balak kong ligawan.”

Ang kaninang ngiti sa labi ni Ysay ay biglang nawala nang marinig ‘yon. ‘Yong mga tingin niya sa akin ngayon… parang hindi ko kayang suklian.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro