Kabanata 14
“B-Boss, bakit kami ni Ysay? Hindi ba pwedeng iba na lang ang gumawa---”
“Kumpara sa mga tauhan ko, mas may tiwala ako sa inyong dalawa.” Pagputol ni Boss sa dapat ay sasabihin ko.
“Mas may aasahan ako kung kayo ang sasabak sa mahalagang misyon na ito. Hindi n’yo naman siguro ako bibiguin, hindi ba?”
Nanatili kaming walang-imik ni Ysay, malamang ay tatahimik kami dahil alam kong pareho kami ni Ysay na tutol sa pinagagawa sa amin ni Boss.
Iisipin ko pa lang, parang hindi ko na kaya. Sobrang hirap ng misyon na ito, baka ito pa ang maglagay sa amin sa peligro.
“Hindi kayo pwedeng tumanggi,” muli siyang nagsalita. “dahil ‘pag hindi n’yo ako sinunod, papatayin ko ang pamilya n’yo.”
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ni Boss.
Talaga bang gusto niya kaming ipitin sa sitwasyon para lang mapasunod niya kami sa gusto niya naming gawin?
Bakit naman kailangan ay idamay niya pa ang pamilya namin ni Ysay?
“Boss, ‘wag n’yo naman sanang idamay rito ang pamilya namin. Labas sila sa usaping ito, parang awa mo na.” Kinapalan ko na ang mukha ko at lumuhod ako sa harap niya upang magmakaawa.
“Kaya nga sumunod na lang kayo sa pinagagawa ko sa inyo, ipinapangako kong hindi madadamay ang pamilya n’yo.”
Pilit niya akong pinatayo mula sa pagkakaluhod. “Pero sa oras na mabigo kayong dalawa na nakawin ang Golden Buddha, pasensyahan tayo.”
Sinenyasan niya kami ni Ysay na lumabas na kaya naman si Ysay ay hinatak na ako palabas sa lugar na ‘yon.
Talaga ngang wala na kaming iba pang choice kung hindi ang gawin ang misyon para sa kapakanan ng pamilya namin.
“Wala na ba talaga tayong ibang magagawa para hindi tayo ang sumabak sa misyon?”
Umiling sa akin si Ysay. “Ang kailangan nating gawin ay tanggapin na lang ang kapalaran natin… at ito na ‘yon, Devyn.
Ito na siguro ang pinakamalaking kasalanan na gagawin natin sa buong buhay natin. Kailangan nating ayusin ang trabaho, okay?”
“Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo, Ysay? Talaga bang gagawin mo ang misyon? Nanakawin natin ang Golden Buddha?”
“Kailangan nating gawin, Devyn.” Seryoso niya akong pinakatitigan.
“Kung ayaw mong mawalan ng pamilya, gagawin natin ito nang magkasama.
Kailangan nating makuha ang Golden Buddha at maibigay ‘yon kay Boss. Maliwanag?”
“Pero---”
“Devyn, hindi ito ang tamang oras para makonsensya ka! Buhay na ng pamilya natin ang pinag-uusapan dito, pipiliin mo bang magpaapekto sa konsensya mo?
Kasi kung oo, pwes ako ay hindi ko kaya!”
Pinili kong itikom na lamang ang aking bibig dahil sa biglang pagtaas ng tono ng boses ni Ysay sa akin.
Wala na rin naman akong magagawa para baguhin ang desisyon niya, gano’n niya siguro kamahal ang Nanay niya kaya ayaw niya itong mawala.
Ako rin naman, mahal ko ang mga magulang ko kahit na gano’n ang ugali nila. Mahal ko rin ang mga kapatid ko kaya hindi ko sila hahayaang mapahamak.
“Dadalhin ko bukas sa bahay n’yo ang magiging uniform mo,” nabasag ang katahimikan nang magsalita si Ysay. “dahil sasailalim tayo sa misyon, magpapanggap tayong estudyante sa Hamilton.
Kailangan nating pagplanuhan ang mga hakbang para manakaw ang Golden Buddha nang hindi tayo nahuhuli.”
“Tatanggapin ba nila tayo? E, hindi ba’t third grading period na sila?”
“Ginawan ni Boss ng paraan para ma-i-enroll niya tayong dalawa. Bukas na bukas din ay papasok na tayo sa Hamilton para magsagawa na ng plano.”
Humugot siya ng isang malalim na buntong-hininga. “Alam mo ‘yong feeling na matagal ko nang pangarap na makapasok sa Hamilton, pero ngayong makakapasok na nga ako sa paaralang pangarap kong pasukan, may misyon pang kaakibat.”
Naiintindihan ko… naiintindihan ko ang nais itumbok ni Ysay.
Pangarap naming dalawa na makatuntong sa isang ekswelahan at makapag-aral, hindi ang makapasok sa isang paaralan para lang magnakaw.
“Kitakits na lang bukas,” tinapik ni Ysay ang braso ko bago tinahak ang direksyon pauwi sa bahay nila.
Gano’n din naman ang ginawa ko, at nang makarating na ako sa bahay ay nanghihinang humiga ako sa katre.
Ano na kaya ang mangyayari sa buhay ko ‘pag nabigo kami ni Ysay na nakawin ang Golden Buddha?
Talaga bang papatayin ni Boss ang pamilya namin? Ano ba ito? Ano bang klaseng trabaho ang pinasok ko?
Sa tagal ng inilagi ko sa kamay ni Boss, ngayon ko lang napagtanto kung gaano kadilim ang landas na pinili kong tahakin.
Huli na ba para magsisi ako?
“Ate, bakit ka umiiyak? May problema ka ba?” Napaayos ako ng upo nang dumating si Kevin, tiyaka ko palihim na pinunasan ang pisngi.
“Na-m-miss ko lang ‘yong mga kapatid natin,” palusot ko. “kung kumusta na kaya sila ngayon? Maayos lang kaya ang lagay nila? Gustong-gusto ko na silang makita at makasama, e.”
“Ate…” niyakap ako ni Kevin, sapat na ‘yon upang mabawasan ang bigat na nararamdaman ko.
“Hindi ba’t sabi mo ay malapit na natin silang makasama ulit? Kaunting hintay na lang, Ate. Makakasama rin natin sila at mabubuo rin ulit ang family natin.”
Kahit pilit ay nagawa kong ngitian si Kevin. Magdilang-anghel nawa siya.
“Si Thea, nakausap n’yo na?”
Umiling sa akin si Kevin. “Hindi pa rin, Ate. Hindi namin siya matyempuhan na makausap kasi bantay-sarado lagi ni Nanay, e.”
Napabuga ako ng mainit na hangin.
Paano na kaya ang gagawin ko? Paano kaya ako didiskarte na makausap si Thea?
Pero ‘di bale na nga, may mas mahalaga pa akong dapat isipin kaysa roon.
Bukas nga ay mapapasabak na ako sa paaralan na pangarap ko rin pasukan, ano kayang mangyayari sa unang araw ko sa Hamilton?
---
“Oh, bakit ka nakagayak ng pang-aral? Pumapasok ka na?” iyon agad ang bungad ni Nanay sa akin nang maabutan niya akong nag-aayos sa harap ng salamin.
“Buti’t may tumanggap na paaralan sa iyo.”
“Buti na nga lang, e.” Walang-ganang sagot ko bago kinuha ang pinaglumaan na bag ng pinsan ni Ysay na pinahiram niya sa akin bago ako umalis na ng bahay.
Maaga nang dalhin ni Ysay sa akin ang uniform ko at sinabi niyang mauna na raw akong pumasok sa Hamilton dahil baka ma-late siya ng kaunti.
Kaya nga ngayon ay mag-isa lang ako na naglalakad papasok sa Hamilton na hindi naman gano’n kalayo ang lokasyon mula sa tinitirhan ko.
May halong kaba ang nararamdaman ko ngayon dahil ito ang unang pagkakataon na makatutuntong ako sa paaralang pangarap ng kagaya kong mahirap at makapag-aaral ako sa isang mamahaling eskwelahan.
Mas madalas ko na rin makakasama si Kerwin dahil magiging magkamag-aral na kami.
Nang maisip ko ang bagay na ‘yon ay mas lalo akong ginanahan na pumasok, panandalian kong kinalimutan ang totoong sadya ko kung bakit nasa Hamilton ako sa mga pagkakataon na ito.
“Ang tagal naman ni Ysay. Ilang minuto na lang ay ma-l-late na kami, ah?” naaalarma kong sambit sa sarili habang hinihintay ko siya sa labas ng gate ng Hamilton.
Napag-usapan namin na hindi kami sabay papasok pero sinabihan ko siya na hihintayin ko siya sa labas ng gate, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siya.
Kaysa ma-late, nagdesisyon akong pumasok na sa loob. Sigurado naman akong maiintindihan ni Ysay kung bakit hindi ko na siya nahintay.
Nakakahiya naman kung sa unang araw ko sa paaralang ito, e late ako, ‘di ba?
Nang madaan ako sa center hall kung saan naroon ang pakay namin ni Ysay, namangha ako sa ganda at kintab ng Golden Buddha.
Sa itsura pa lang nito, talaga ngang bilyon ang halaga nito. Ngayon ay naiintindihan ko na si Boss kung bakit gano’n na lang ang pagkahumaling niya sa Golden Buddha.
Instant bilyonaryo kasi siya sakaling magtagumpay kami ni Ysay sa aming misyon.
“Hala girl, bakit may naligaw na pulubi rito?”
Nawala ang atensyon ko sa Golden Buddha nang may grupo ng kababaihan ang nagkumpulan na kung makatingin sa akin ay para bang basura ako na nagkaroon ng kaluluwa.
“As far as I know, hindi tumatanggap ang Hamilton ng mga kagaya mo…” inirapan ako ng isang babaeng punong-puno ng hairclip ang anit.
“Hindi nagpapapasok ang Hamilton ng isang pulubi, so bakit ka nandito?!”
“Paano n’yo naman nasabing pulubi ako?”
“Oh, come on!” Umirap ‘yong babaeng nakatirintas ang buhok.
“Wala ka bang mga mata para makita mo ang gayakan mo ngayon? Try to compare your appearance to us, now tell me if I’m lying!”
“True! Hindi man lang pinlantsa ‘yong uniform bago isuot, e. Tapos naligo ka man lang ba bago pumasok?” ‘Yong babaeng may hawak ng pamaypay naman ang nagsalita.
“Tiyaka ano ‘yan? Doll shoes ang suot mo tapos nilagyan mo pa ng medyas? Ang baduy mo gumayak, as in!”
Napakapit ako nang mahigpit sa tela ng palda ko, nakayuko akong tumakbo palayo sa mga kababaihan na ‘yon.
Mabuti na lang at hindi na nila ako hinabol, natakot ako kasi baka saktan nila ako gayong unang araw ko pa lang naman dito.
Siguro dahil pang mayayaman ang school na ito, kaya siguro iba sa paningin nila ang gayakan ko.
Kasi kahit anong subok ko na maging maayos ang pananamit, mananatiling marumi at dukha ako sa paningin ng kahit sinong estudyante rito.
“Punasan mo,” kasabay ng tinig na ‘yon ay may tumambad na panyo sa harap ko.
Tiningala ko kung kanino ‘yon galing… isang hindi ko kilalang lalaki.
“Nakita kita kanina na inaway no’ng grupo ni Alicia. Tumakbo ka palayo kaya sinundan kita.
‘Wag ka mag-alala, hindi ako kagaya ng mga ‘yon.” Nakatulong ang matamis niyang pagngiti para hindi ako matakot sa kanya.
Inabot ko ‘yong panyo na iniaabot niya sa akin at pinunasan ang pisngi ko.
Huli na nang pagsisihan ko na ipinunas ko sa marumi kong mukha ang napakabango niyang panyo. Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya.
“Pwede mo akong maging kaibigan,” muli ay naagaw niya ang atensyon ko dahil sa kanyang sinambit.
“Ang pangalan ko kay Denver. Nice meeting you, Devyn!”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro