Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13

“Ano kamo? Lumabas kayong dalawa ni Kerwin kahapon?”

Tumango ako. “Alam mo bang bago kami kumain doon sa Korean Restaurant, tumambay muna kami sa paborito niyang tambayan tapos tinuruan niya ako sa Mathematics.

Ang galing niya nga magturo, Ysay. Akalain mong naintindihan ko agad ang multiplication dahil sa kanya.”

“Subukan nga kita,” hinimas niya ang kanyang baba. “5 multiply by 5?”

Napaisip muna ako sandali, nag-add ako ng limang 5 sa isip ko bago ako sumagot. “25!”

“Aba, mukha ngang mahusay na teacher si Kerwin, ah!”

Bigla niyang sinundot ang tagiliran ko. “Kailan ko ba makikilala ‘yang romantiko mong kaibigan, huh? Gusto ko rin magpaturo ng Math sa kanya, ano! ‘Wag mo naman solohin!”

“Gusto nga kitang kasama na natututo habang kasama natin siya. Hayaan mo’t ‘pag natyempo na magkasama kami, tatawagin talaga kita sa inyo.”

“Puro ka pangako, Devyn! Noong nakaraan mo pa sinasabi ‘yan pero hindi mo naman ako pinupuntahan sa bahay!” Pagrereklamo niya tiyaka sumimangot, ipinapahiwatig lang sa akin na nagtatampo siya.

“Ito naman, nagtatampo kaagad!”

Nilapitan ko siya at ikinawit ang kamay ko sa braso niya. “Nawawala kasi sa isip ko na puntahan ka ‘pag alam mo na… ‘pag kasama ko na si Kerwin.”

“Gano’n? Nakakalimutan mo bigla ang maganda mong kaibigan dahil sa Kerwin na ‘yan? Grabe ka, Devyn! Mapanakit ka na masyado!”

“Hindi sa gano’n!” Ngumuso ako.

“Bigla kong nakakalimutan lahat ng mga dapat kong gawin dahil sa kanya. Gano’n kalaki ang epekto ni Kerwin sa akin, na halos hindi ko na rin maipaliwanag sa sarili ko kung bakit ako nagkakaganito.”

“Pag-ibig na ‘yan,” hinatak niya ako paupo sa gilid ng kalsada.

“Kapag nararamdaman mo na ‘yang mga ganyang bagay, ibig sabihin lang ay nagkakagusto ka na kay Kerwin.

‘Pag hindi mo na alam kung bakit mo nararamdaman ‘yong ganito at ‘yong ganyan, pumapag-ibig ka na! Subukan mo na i-deny sa akin na hindi mo gusto si Kerwin, uupakan talaga kita!”

Natawa na lang ako sa sinabi niya. Sa isip-isip ko, siguro ay hindi naman totoo ang mga sinasabi ni Ysay.

Hindi ko pa gano’ng nakikilala si Kerwin kaya imposible naman na magustuhan ko siya kaagad.

Hindi naman ako ‘yong tipo ng babae na basta makakita ng lalaki tapos gwapo pa, ibig sabihin ay crush ko na agad o gusto ko na agad siya.

“Tigilan mo nga ‘yang iniisip mo na ‘yan, Ysay! Pwede naman na nagkakaganito ako kay Kerwin ngayon kasi first time ko kaya magkaroon ng kaibigan na lalaki.

Naninibago lang siguro ako, ‘di ba? Ikaw talaga, e! Crush agad, grabe ka ha!”

Umiling-iling siya. “Natandaan mo ‘yong lalaking nagbigay sa akin ng sampaguita noon?”

“Ahh, ‘yong lalaking binentahan ka ng sampaguita?” Nang-aasar kong sagot.

Sinamaan niya lang ako ng tingin. “Bago ko aminin sa iyo at sa sarili ko na gusto ko na ang lalaking ‘yon, napagdaanan ko ang pinagdadaanan mo pa lang ngayon.

Kagaya mo, noon ay itinatanggi ko pa sa sarili ko na gusto ko na nga ang lalaking ‘yon.

Kasi kitams? Binigyan niya lang naman ako ng bulaklak tapos gano’n kabilis ko siya magugustuhan?”

“Pero siguro ay gano’n talaga ang buhay. Baka ipinanganak akong mabilis lang mahulog sa isang tao, basta ba pinakitaan ako nito ng maganda at sweet ang gestures niya.

Madalang kaming magkausap at magkita pero sa tuwing nakakasama ko siya at nakakausap, parang akong-ako ikaw, e.

‘Pag kasama ko siya ay para bang natataranta kong bulate, parang every time na kasama ko siya ay wala akong ibang dapat isipin kung hindi siya at wala akong dapat ibang gawin kung hindi ang maging masaya kasama siya.” Pagpapatuloy ni Ysay sa pagkukwento.

Marahil ay tama nga si Ysay. Parehong-pareho kami ng sitwasyon pagdating sa lalaking ngayon lang naman namin nakilala.

Pero bakit sobrang bilis naman yata naming mahulog? Normal ba na ‘pag umiibig na ang isang tao, oras o minuto lang ang binibilang bago ka tuluyang mahulog sa bitag ng pag-ibig?

“Wala na akong magagawa, nahulog na ako, e. Kung nahulog, edi nahulog! Paswertihan na lang talaga kung sasaluhin ako ng taong pina-fall ako.” Humagikgik siya, na hindi ko alam kung para saan.

“Makisabay na lang tayo sa agos ng buhay, Devyn. Hindi ba’t matagal na nating pangarap na may ma-meet tayong ibang tao, sa labas ng lugar kung saan tayo lumaki at namulat.

Ito na ‘yon, Devyn. Pinayagan na tayo ng tadhana na maranasan ang buhay ng isang normal na tao… ang maranasan na magmahal.

‘Wag mong itanggi nang paulit-ulit na hindi mo siya gusto. Maloloko mo man ako o ang ibang tao, pero hinding-hindi ang sarili mo.”

Tumayo na siya mula sa pagkakaupo kung kaya naman ay tumayo na rin ako at sinabayan siyang maglakad. Papunta kami ngayon sa kuta ni Boss dahil pinatatawag kami ni Ysay sa hindi ko malaman na dahilan.

“Wala naman sigurong masama kung sisiguraduhin ko muna sa sarili ko na talaga bang totoo na gusto ko na siya, hindi ba?”

“Bahala ka,” tumatawang sagot ni Ysay sa akin.

Gusto ko lang kasing lumagay sa sigurado. Ayokong magpadalos-dalos lalo na pagdating sa bagay na ito.

Mamaya kasi ay isipin kong gusto ko na nga si Kerwin tapos biglang hindi pa pala, ‘di ba?

Baka naman kasi hinahangaan ko lang talaga si Kerwin kasi ang talino niya, masipag at marami rin siyang talent.

Kaya hangga’t maaari ay ayokong bigyan ng kahulugan muna ang nararamdaman ko hangga’t hindi pa ako tuluyang nakasisiguro kung pag-ibig nga ba ito.

Tiyaka isa pa, ang bata ko pa kasi para makipag-relasyon o magkagusto man lang sa ibang lalaki.

Ang bata ko pa para sa gano’ng bagay, at ‘yon ang isang dahilan na pumipilit sa aking ‘wag maniwala sa sinasabi ni Ysay.

Kung may dapat man akong unahin sa buhay, ‘yon ay ang kumita ng pera para sa mga kapatid ko. Gusto ko na kasing makaalis sa bahay namin at makapagsimula kami ng bagong buhay.

Sunod ay syempre ang makapag-aral. Noon pa man ay ang laki na ng inggit ko sa mga batang may kalayaan at may kakayahan na makapag-aral.

Gusto ko ring maranasan na mag-aral kahit sa eskwelahan na hindi gano’n kaganda ang mga silid.

“Mabuti’t narito na kayong dalawa,” salubong ni Boss sa amin nang makapasok kami sa loob ng kanyang kuta.

Nanlaki ang mga mata namin ni Ysay nang maabutan si Boss na may hawak na bakal, pinaliyaban ito sa apoy at ipinampapaso roon sa isa niyang trabahador.

Nakagapos ang mga kamay nito, nakahubad at punong-puno ng sugat ang harap at likod ng kanyang katawan. Tapos may ilang paso sa kanyang tiyan, braso at likod.

“Alam n’yo na ang gagawin sa taksil na ‘yan,” Ani Boss at ang ilan sa kanyang mga tauhan ay kinalagan na ‘yong lalaking ‘yon.

Mukhang alam ko na ang susunod na mangyayari… may isang trabahador na naman ang mamamatay.

“Kung naguguluhan kayo sa mga nangyayari, nagtaksil ang lalaking ‘yon sa akin.

Hindi niya ibinigay sa akin ang nakuha niyang pera sa pagnanakaw, at nalaman ko rin na ipinang-casino niya lang pala ‘yon pero natalo rin naman.

Alam n’yo naman na isa sa patakaran ko rito ay ayokong may mga taksil sa mga trabahador ko.” May diin na sambit niya, sapat na upang manginig ang mga tuhod ko.

Bigla ko na naman naalala ‘yong perang itinago namin ni Ysay kay Boss at piniling hindi ibigay sa kanya.

Paano kaya ‘pag nalaman niya ang tungkol doon, papatayin niya rin kami?

Tiyak na pagdaraanan din namin ang pinagdaanang hirap ng lalaking ‘yon bago marahil kami paslangin ni Boss.

Bigla akong natakot at kinabahan.

Naramdaman ko naman ang pagkapit ni Ysay sa braso ko, marahil ginawa niya ‘yon upang pakalmahin ako.

Pero kasi ang hirap kumalma sa mga pagkakataon na ganito, lalo’t takot na takot ako ngayon dahil sa nasaksihan ko kanina.

Para akong hihimatayin sa sobrang kaba, parang gusto ko na umalis dito at tumakbo na lang.

“Kaya kayong dalawa, kung mahal n’yo pa ang mga buhay n’yo ay ‘wag n’yong tutularan ang taksil na ‘yon.

Kahit na ba favorite ko kayong dalawa sa mga tauhan ko, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na patayin kayo sakaling niloko n’yo ko.

Nagkakaintindihan ba tayo?”

Mabilis kaming tumango sa kanya ni Ysay. Dala rin siguro ng takot kaya mabilis ang naging tugon namin sa kanya.

Sino ba naman kasing hindi matatakot kay Boss, e ibang-iba ang awra niya nitong mga nakaraang araw. Ibang-iba sa dati niyang suot na maskara.

“B-Bakit mo nga po pala kami pinapunta rito, B-Boss?” Nangangatal na tanong ako, hanggang ngayon ay kabado pa rin ako.

Kahit anong gawin ko, hirap na hirap talaga akong kumalma.

“Tungkol diyan,” tumayo siya sa kanyang upuan at nagpabalik-balik ng lakad sa harapan namin ni Ysay. “May mahalagang misyon akong ibibigay sa inyong dalawa.”

“Misyon po?” Si Ysay ang nagsalita.

Bigla akong nakaramdam ng kaba sa misyon na sinasabi ni Boss. Parang hindi maganda ang kutob ko, e.

“Oo, isang mahalagang misyon.” Sinserong tiningnan kami ni Boss.

“Ang Golden Statue of Buddha na naka-display sa center hall ng Hamilton, bilyon lang naman ang halaga no’n. Kung hindi ako nagkakamali ay limandaang bilyon ang halaga ng Golden Buddha.”

Kumunot ang noo ko. “Ano’ng gusto n’yong gawin namin?”

“Magiging estudyante kayo ng Hamilton…” ngumisi siya pagkatapos. “At ang misyon n’yo ay dalhin sa akin ang Golden Buddha.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro