Kabanata 11
“Devyn, bakit mo ginagawa ‘yan? Hindi ko inakalang magnanakaw ka pala!” Puno ng pagkadismaya ang mga mata niya, batid kong iyon ay dahil nalaman na niya nang tuluyan ang tunay kong pagkatao.
“Kapag ba nagpaliwanag ako sa iyo, magiging bukas ba ang tenga mo para pakinggan ako?”
“Devyn…” hinawakan niya ang kamay ko. “Siguro mamaya na lang?”
“Hoy, batang magnanakaw!” Ikinagulat ko nang may mga tanod pa rin palang nakasunod sa akin.
Kasabay no’n ay agad akong hinatak ni Kerwin paalis sa lugar na ‘yon upang takasan ang mga tanod na humahabol pa rin sa akin hanggang ngayon.
Grabe, hindi ba sila napagod at nahirapan na habulin ako? Partida, tumalon na ako ng bakod at lumusot sa eskinita pero nagawa pa rin nila akong masundan? Gano’n nga yata nila kagustong mahuli ako at madisiplina.
Ngunit hindi ito ang tamang pagkakataon para maging mabuting tao ako. Sa ngayon, kinakailangan ko muling maging masamang kabataan alang-alang sa buhay ko.
“Dito tayo,” hinatak niya ako upang magtago sa likod ng isang malaking drum ng basurahan.
Pinagkasya namin ang aming sarili upang magtago roon, sinilip ang mga tanod na lampasan ang pinagtataguan naming basurahan.
Nang makasiguro na wala na sila roon sa lugar, pinasok namin ang isa na namang eskinita, sa labas niyon ay natagpuan namin ang isang malansang palengke.
“Ligtas ka na siguro dito,” dinig kong sambit niya.
“Salamat,” huminto ako sa paglalakad upang harapin siya.
“Maniwala ka man sa akin o hindi, ako ‘yong tipo ng tao na hindi gagawa ng masama kung hindi lang kami gipit sa pera.
Hindi ko naman talaga ginusto na pasukin ang mundo ng krimen, naipit lang ako ng sitwasyon at pangangailangan ng pamilya ko.
Kung sana ay binigyan lang ako ng Diyos ng responsable at mapagmahal na magulang, malabong nandito ako ngayon sa sitwasyong ito.”
“Halika,” inaya niya ako na maupo sa parte ng palengke na hindi matao.
“Ibig mo bang sabihin, naging magnanakaw ka para maging source of income ka ng pamilya? Ikaw ang nagtatrabaho sa sa kanila?”
Tumango ako. “May trabaho naman si Nanay. Uhm, labandera siya ng mga kapitbahay namin kaya lang hindi pa rin kasi sumasapat ang kita ni Nanay sa paglalabada.
Ang dati ko namang trabaho na pinasukan ay taga-bitbit at hila ng mga batyang may laman na isda patungo sa palengke.
Ang baba lang ng sinasahod ko kaya napilitan akong magnakaw na lang, at least sa ganitong krimen ay kahit papaano, nakakakain kami tatlong beses sa isang araw.”
“Ang Tatay mo naman?”
“Palamunin,” natawa ako.
“Palamunin na nga sa bahay, ang lakas pa ng loob na gulpihin ako sa tuwing pinangungunahan ko siya sa isang bagay o kaya naman kapag hindi ako nakakapagbigay sa kanya ng pera para tustusan ang bisyo niya.”
“Nakukuha pa ng Tatay mo na magbisyo kahit ang hirap na ng buhay n’yo?”
“Pareho sila ni Nanay,” sagot ko.
“Nag-d-drugs pa nga si Tatay, si Nanay naman ay feeling mayaman sa tuwing kasama niya ‘yong mga kaibigan niyang mayayaman.
Maluho si Nanay kaya ‘yong pera din na sinasahod ko, hating-hati sa bisyo nilang dalawa at sa pagkain namin. Kulang pa nga, e.”
“Ngayon naman, pinagkakitaan ni Nanay ‘yong kapatid ko sa cybersex. Malaki ang kinikita niya roon, pero ‘yong kapatid ko talaga ang kawawa.
Kung noon ay nagnanakaw ako para sa kanila, ngayon ay kumakayod ako para makapag-ipon at makalayas na kami sa bahay na ‘yon.”
Nilingon ng mga mata kong lumuluha ang kanya. “Gustong-gusto ko nang magbago.”
“Huwag ka mag-alala, naniniwala naman ako na gagawa ang Diyos ng paraan para magbago ka. Naiintindihan na kita ngayon, Devyn. Magtiwala ka sa akin, hindi naman kita ipahuhuli sa pulis.”
Tinapik niya ang balikat ko. “Sapat na sa akin na marinig mula sa iyo na willing ka talagang magbago at maituwid ang landas na tinatahak mo. Tutulungan kita, okay?”
“Paano?”
“Ayoko namang diktahan ka na ngayon mismo ay tigilan mo na ang ginagawa mo. Nabanggit mo kanina na kailangan mong gawin ‘yan para sa mga kapatid mo.
Naiintindihan ko ang dahilan mo pero sana ay mula ngayon, subukan mo nang pigilan ang sarili mo na gawin ‘yan.
Mahirap sa una pero darating ka rin sa araw na kaya mo nang bitawan ang isang bagay na matagal mo nang niyayakap.”
“Naniniwala ka bang kaya ko ‘yang gawin, Kerwin?” May pagdududa na tanong ko.
“Hindi imposible kung susubukan mong gawin,” ikinalaki ng mata ko nang hawakan ni Kerwin ang kamay ko.
“Lahat ng tao ay pwedeng magbago, pero naniniwala akong ang pagbabago ay mangyayari lang sa isang taong determinadong magbago.”
Ang tanong, determinado na ba talaga akong magbago? Kung siguro ay hindi na ako kapos sa pera, baka sakaling piliin ko na ang tamang landas.
Tutal naman, pera din ang naging dahilan kung bakit ako napadpad sa mundo ng pagnanakaw.
Hindi ko naman papasukin ang mundong ito kung naging sapat ang pera na mayroon kami at naging responsableng magulang sa amin sina Nanay at Tatay.
Naghiwalay na kami ng landas ni Kerwin. May tiwala naman ako sa kanya na hindi niya ako ipahuhuli sa mga pulis, e.
Sana lang ay marunong siyang tumupad ng isang pangako.
Habang ako ay nakipagkita kay Ysay sa punong santol malapit sa kuta ni Boss, dala ang mga kinita naming pera sa pagnanakaw.
“Bakit natagalan ka?”
“Muntik na kasi akong mahuli na naman,” napakamot ako sa batok.
“Natakasan ko naman sila, at sa kabutihang palad ay buo pa rin ang perang nanakaw ko.”
“Okay, goods ‘yan. Tara na sa loob.”
Pumasok na kaming dalawa ni Ysay sa loob upang iabot sa aming Boss ang pera na ikinakalam ng sikmura niya.
Pinanonood lang namin si Boss na binibilang ang mga salaping nasa kanyang lamesa, ngunit nananatiling nakasimangot at nakakatakot ang awra niya ngayong araw.
Ako nga ay hindi mapakali sa kinatatayuan ko ngayon, sobrang nanginginig ang laman ko at tila pinagpapawisan ako ng malagkit.
Idagdag pa sa kaba ko ang mga pugot na ulo na nasa gilid ng silid, marahil mga ulo ‘yon ng ilan sa trabahador ni Boss na kinuhanan niya ng buhay.
“Good job, mga bata.” Pinalagutok niya ang mga daliri sa kamay bago kami tinapunan ng tingin ni Ysay.
“Kumpara sa ibang mga trabahador ko na inutil, mas maaasahan ko talaga kayong dalawa.
Ang laki nitong pera, kaya naman ako’y tuwang-tuwa sa inyo dahil ang gagaling n’yo nang pumili ng wallet na inyong dudukutin.”
Alam kong hindi dapat ako matuwa sa sinabi niya dahil hindi naman maituturing na isang papuri ang sinambit niya. Ibig sabihin lang no’n ay mahusay kaming magnanakaw, magaling sa larangan ng paggawa ng krimen.
‘Yon ang isang bagay na hindi ko kailanman ikinatuwa para gamitin na isang papuri sa akin.
“Malaki-laki ang iniabot n’yo kaya malaki ang parte n’yo,” at iniabot sa amin ang tig-isang white envelope.
Hindi ko nga inaasahan na bibigyan pa kami ni Boss ng parte, ang buong akala ko kasi ay sosolohin niya lahat ‘yon dahil nga natalo siya sa casino.
“Hay, sa wakas! Makakahinga na rin tayo nang maluwag!” Sambit ni Ysay nang tuluyan kaming makalabas sa impyerno.
“Akala ko ay sa loob na ako mamamatay,” natatawa kong sambit.
Dala ng panghihina ng aking mga binti ay naupo muna ako na sementong kalsada.
“Dito muna tayo, Ysay. Nanlalambot pa ang mga binti ko para maglakad.”
“Masyado namang OA ‘yang mga binti mo, Devyn! Pinagkape mo siguro ‘yan?” Nang-aasar niyang sabi.
Napailing na lang ako sa kagagahan niya. “Alam mo, Ysay… Ito na siguro ‘yong araw na masasabi kong minalas na, sinwerte pa.”
“Ano namang ibig mong sabihin diyan?”
“Kasi muntik na akong mahuli ng mga tanod kanina, ‘di ba? Buong akala ko ay katapusan ko na, buti na lang kamo ay niligtas niya ako.
Niligtas niya ako ulit. Naging pangit man sa umpisa dahil alam kong j-in-udge niya ‘yong pagkatao ko dahil nalaman niyang magnanakaw ako, naging maganda pa rin sa paraan na nakinig siya sa paliwanag ko at naintindihan niya ang sitwasyon ko.
Ang swerte ko kasi kahit nalaman niyang magnanakaw ako, hindi pa rin nagbago ang tingin niya sa akin.”
“Siya ba ‘yong ninakawan mo ng wallet noon pero binigyan ka pa ng pera?”
“Wala ng iba,” paimpit akong natawa. “Mas lalo na nga akong napapalapit sa kanya, ano sa tingin mo ang dapat kong gawin?”
“Tinatanong pa ba ‘yan, Devyn? Sunggaban mo na!” Humalakhak siya pagkatapos no’n.
“Palay na ang lumalapit sa iyo, pagtuka mo na lang ang hinihintay.”
“Ewan ko sa iyo! Bahala ka nga riyan!” Natatawang iniwan ko siya roon. Grabe kasi, tinuturuan niya pa akong maging wild, e.
Siguro ‘pag nasa wastong edad na ako, tiyaka ko susunggaban si Kerwin.
---
[Sikreto ka ba?]
Kumunot ang noo ko. “Huh? Bakit naman?”
[Hindi kasi kita kayang ipagkatiwala sa iba.] Dinig ko pa sa kabilang linya ang bahagya niyang pagtawa.
Kahit sa tawag ko lang siyang kausap, napakagwapo pa rin ng dating ng pagtawang iyon.
Ako naman ay bahagyang inipit ang unan sa singit ko upang magpigil ng kilig.
Ang ganda ng usapan namin kanina, tapos bigla siyang e-entrada ng banat lines? ‘Di pa kaya ako handa!
[Ito pa, Devyn.] Rinig kong tumikhim siya sa kabilang linya. [Devyn, alam mo bang para kang basura?]
Bigla namang nalungkot ang mukha ko dahil sa sinabi niya. “Dahil ba mahirap lang ako?”
[No, no! Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin, Devyn. Uhm, pick-up lines kasi. . .]
“A-Ah, gano’n ba?”
[Kaya ko tinanong kung basura ka. . . kasi ako naman ay trash can. Dahil ‘pag binuksan mo ako, ikaw ang laman.]
Kung kanina ay medyo nalungkot ako, ngayon naman ay bahagya kong nailayo ang phone sa akin para hindi niya marinig ang mahina kong pagtili.
Mababaliw yata ako sa kanya, bakit siya ganyan?!
“Ate, okay ka lang ba? Bakit ka ba pagulong-gulong diyan sa katre?” Rinig kong tanong ni Kevin.
“Wala!”
“Ikaw, Ate ah! Magaling sigurong bumanat ‘yang kausap mo?” Nangsususpetsyang sambit naman ni Josh.
Hindi man ako sure kung bakit may alam na sila sa gano’n, ewan ko’t ang nagawa ko na lang ay ang mapangiti.
“Sobrang galing niya talaga.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro