
Soulmate [Published Under PNY15 - Fireflies]
"Ano ang dapat nating tandaan?" tanong ni Marie sa mga batang matamang nakikinig sa kanya.
"Nasa kamay ng kabataan ang kinabukasan ng bayan at kalikasan!" Sabay-sabay na sagot ng mga bata.
"Very good! Palakpakan!" Nakangiting pinangunahan ni Marie ang pagpalakpak na sinundan din naman ng mga bata. "Ngayon, si Ate Loida na ang susunod."
Umalis si Marie sa kinatatayuan at tinanguan si Loida na matiyagang naghihintay sa tabi.
"Gusto ba ninyo ng isang kuwento mga bata?" nakangiting tanong ng volunteer worker sa mga batang nagtitipon-tipon sa loob ng make-shift classroom na iyon.
"Opo!" Halos sabay-sabay nilang tugon, nagniningning ang mga mata sa kasabikan.
"Dahil gusto ninyo, pagbibigyan kayo ni Ate Loida," binuksan ni Loida ang hawak na libro bilang pag-uumpisa ng kuwentuhan. "Ang kuwentong babasahin ko sa inyo ngayon ay tungkol sa kuwento ni Mariang Makiling."
Tumahimik ang mga bata, sabik na hinintay ang susunod na sasabihin ni Loida. Lahat nakatutok ang mga mata sa babae, halos lahat ay hindi kumukurap.
"Noong unang panahon, may mag-asawang nangngangalang Gat Panahon at Dayang Makiling. May anak silang babae at ang pangalan niya ay Maria. Libangan ni Maria ang magliwaliw sa gubat at mamili sa talipapang bayan. Madalas kasama ni Maria ang dalawang Aeta na itinalaga ng kanyang mga magulang para maging bantay at kasama niya..."
Alam na niya ang kasunod ng kuwento kung kaya tumalikod na siya at lumabas sa make-shift classroom na itinayo ng mga residente para magsilbing silid-aralan ng mga bata sa lugar na iyon.
Pareho silang volunteer ni Loida. Miyembro sila ng environment group na Go For Green Philippines Foundation. B.S. Forestry graduate siya ng UP Los Baños kung kaya siya lagi ang nakatoka sa mga lectures ng grupo kapag ganitong may mga info drive sila. Sa ngayon, tapos na siya sa lecture niya sa mga bata pati na rin sa mga matatandang residente ng lugar na iyon.
Nasa isang liblib na lugar sila sa Surigao. Malayo sa kabihasnan at ingay ng lungsod. Walang paaralan sa lugar na iyon, mabibilang sa daliri ang nakapag-aral dahil sa sobrang layo. Bagay na naging dahilan kung bakit naging talamak ang illegal logging sa lugar na iyon. Sinamantala ng mga ganid na tao ang kawalang-muwang ng mga residente kung kaya malaya nilang nalapastangan ang gubat.
Napahugot siya ng isang malalim na hininga. Pinilit niyang kalmahin ang sarili dahil nararamdaman niya ang pag-alsa ng galit sa dibdib. Tila patalim na humuhiwa sa katawan niya ang nakikita niyang mga puno na wala ng buhay.
Alam niyang sadyang ganid ang tao dahil ang mga aral ng nakaraan ay hindi niya malilimutan. Ngunit hanggang ngayon tila hindi pa rin niya napaghandaan kung hanggang saan ang kasakiman ng mga tao.
Naglakad-lakad siya sa paligid. Marami ang mga putol na puno. May mangilan-ngilan ding parang nagsusumikap pang mabuhay sa kabila ng kaawa-awang kalagayan nito. Ikiniling niya ang ulo sa direksiyon ng pinagmumulan ng mabining pag-ihip ng hangin para pakinggan ang tinig ng gubat.
Wala siyang narinig kahit ang huni ng mga ibon na karaniwang nananahan sa parteng iyon. Tumingala si Marie, nag-aagawan ang kulay kahel at pula sa himpapawid. Senyales na ito na pababa na ang haring araw.
May nakita siyang tuod sa dinadaanan niya habang naglilibot. Umupo siya sa tabi nito at sinipat. Ipinatong niya ang kanang kamay sa ibabaw ng putol na parte ng kahoy at nagpalinga-linga sa paligid. Nang masigurong walang matang nakasunod o nagmamasid sa kanya, pumikit si Marie.
Pinakiramdaman niya ang tuod gamit ng kanyang kamay. Unti-unti, nabuo sa isipan niya ang kabuuang anyo ng tuod mula sa labas hanggang sa pinakaloob nito. Nakikita niya ang mahinang pagdaloy ng kulay berdeng kakanyahan na sa mga mata ng ordinaryong tao ay hindi kita.
Nakikita rin ni Marie ang dating anyo ng ngayo'y putol na puno. Matayog at matikas, paboritong pahingahan ng sari-saring ibon at nilalang sa gubat. Tumutulo na lang sa lupa at napupunta sa wala ang berdeng kakanyahan nito na dugo sa tao ang katumbas. Naghihingalo na ang puno, dalawang araw na lang ang ilalagi nito sa mundo.
"Ano'ng pangalan mo kaibigan?" Tanong ni Marie sa tuod. Wala siyang narinig na sagot mula dito. Pero naghintay pa rin siya dahil ramdam niyang may bahagi pa ng tuod ang nagpupumilit na lumaban para mabuhay.
"Ul ang tawag nila sa akin, Diwata." Bagamat mahina ay dinig ni Marie ang sagot ng tuod.
"Nasaan ang Diwata ng gubat na ito? Wala ako'ng nakita simula nang dumating kami dito."
"Dinaluhan niya ang mga kapatid naming mas nangangailangan ng tulong." Sagot ng tuod na si Ul.
"Gusto mo pa bang madugtungan ang buhay mo, kaibigang Ul?"
"Kung maaari sana, Diwata. Hindi man ako muling maging kasing tayog ng dati, gusto ko pa rin masilayan ang bawat pagsikat at paglubog ng araw at makipaghuntahan sa mga kaibigan kong ibon. Kawawa naman sila, wala na silang masilungan dahil ako ang nagsisilbing kanlungan nila sa gabi."
"Pagbibigyan kita kaibigan dahil sa hindi pansariling kapakanan ang dahilan mo kung bakit gusto mo pa ring manatili sa malupit na mundong ito."
"Maraming salamat, Diwata ng Makiling." Nanghihina man ay tuwang-tuwa ang tuod.
"Kilala mo ako"? Nasorpresang tanong ni Marie.
"Walang hindi nakakakilala sa tanyag na Diwata ng Makiling. May usap-usapang pumanaog ka na sa lupa pero walang makapagsabi kung nasaan ka. Isang malaking karangalan para sa akin ang ika'y makadaupang palad."
Hindi alam ni Marie kung ano ang sasabihin dahil hindi niya inasahan iyon. Matagal siyang nawala sa bundok ng Makiling simula nang bawiin sa kanya ng mga magulang ang kakayahang pumanaog sa lupa ilang libong taon na ang nakaraan. Nagkasya na lamang siya sa pagtanaw sa mga mortal mula sa tahanan nila sa mga ulap.
Magsasalita pa sana si Marie nang makarinig siya ng kaluskos. Bago pa man may makakita sa kanya nagpasya na siyang tulungan ang naghihingalong tuod.
"Ihanda mo ang sarili mo kaibigan. Maaaring makaramdam ka ng sakit sa gagawin ko pero kasama iyon sa paggaling mo." Babala niya kay Ul.
"Naiintindihan ko binibini." Dinig ni Marie ang paghugot nito ng hininga bilang paghahanda sa gagawin niya.
Idinikit ni Marie ang libreng kamay niya sa lupa habang ang isa ay nanatiling nakapatong sa tuod. Bumulong si Marie, humihiram siya ng kakanyahan o essence mula sa lupa para sa bagong simula para sa tuod. Hindi naman nagdamot ang lupa, unti-unting umahon mula dito ang isang kulay kayumangging usok. Manipis lang ito halos dalawang pulgada lang ang kapal.
Hinayaan muna niyang nakabitin sa ere ang hiniram na kakanyahan sa lupa. Pagkatapos ay bumulong siya sa hangin, gaya ng nauna niyang ginawa sa lupa ay humiram siya ng kakanyahan mula dito. Hindi rin siya nabigo, nakiisa sa kanya ang hangin. Isang kulay puting usok ang lumitaw.
Pinagsama niya ang dalawang kakanyahan na kasalukuyang nakabitin sa ere. Naging mapusyaw na kayumanggi ang kulay ng pinagsamang essences. Pagkatapos noon ay dahan-dahan niyang sinakop ng kanyang libreng kamay ang nagsasayaw sa hangin na essence. Hindi niya itinikom ang palad, bagkus ay hinayaan niyang bahagyang nakabukas iyon para gumiya sa sumasayaw na essence sa sa ere.
Iginiya niya papalapit sa naghihintay na tuod nag pinagsamang essence ng lupa at hangin. Nang tumapat sa tuod ang nakabitin na essence ay bumaba ito sa tuod at unti-unting binalot ang ang putol na kahoy. Dumilat si Marie. Nakikita na niya ang paghalo ng kakanyahan ng tuod at ng pinagsamang kakanyahan ng hangin at lupa.
Tumigil sa pag-awas ang essence ng tuod, bagkus ay nagpaikot-ikot na lang iyon sa natitirang parte ng kahoy. Napangiti siya. Hindi man agaran ang paggaling ng sugat ng tuod ay nakakasiguro siyang hindi na ito mamamatay. Ilang panahon na lang at tutubo na ang panibagong mga sanga nito. Walang madali sa kalikasan, lahat nangangailangan ng tiyaga at paghihintay.
"Ano ang nararamdaman mo ngayon kaibigan?" Tanong ni Marie kay Ul.
"Mainit. Napakainit binibini! Tila lahat ng himaymay ng aking kabuuan ay sinisilaban! Masakit!"
"Kaunting tiis kaibigan. Ganyan talaga ang paraan ng paghihilom." Nahabag naman si Marie.
"Naiintindihan ko binibini," sagot ng tuod.
"Bukas ng umaga ay kailangan mo ng tubig. Pero huwag kang mag-alala dahil bibiyayaan ka ng mga ulap ng kakailanganin mo. Naipahatid ko na sa hangin ang mensahe sa mga ulap na kailangan mo ang tulong nila. Magpahinga ka na kaibigan. Hanggang sa muling pagkikita."
Tumayo na si Marie mula sa pagkakaupo. Iyon naman ang piniling pagkakataon ng isang lambana para lumabas sa pinagkukublihan nito.
"Mapitagang bati, Diwata ng Makiling." Pagbibigay-galang nito kay Marie.
"Mapitagang bati rin sa iyo."
"Salamat sa tulong na ibinigay mo kay Ul. Hindi ko siya nadaluhan kaagad dahil ayon sa kanya mas kailangan ako ng mga kapatid niya. Hindi ko alam na masama na pala ang lagay niya. Patawad sa aking kapabayaan." Yuko ang ulo ng lambana.
"Tunay na busilak ang kalooban ni Ul. Mas inuuna niya ang kapakanan ng iba higit sa sarili. Maliit na bagay lamang ang aking naihandog."
"Maraming salamat uli, Diwata ng Makiling. Si Ul ang matalik kong kaibigan dahil siya ang pinakamatanda sa mga puno dito. Hindi pa sinasakop ng Kastila ang bansang ito ay nandito na si Ul." Sabi ng lambana. Tumango lang si Marie at ngumiti dito.
"Ako'y nagagalak at may natitira pa palang mga puno ng sinaunang panahon."
"Kakaunti na lang binibini."
"Siyang tunay," sang-ayon ni Marie. "Ako'y hahayo na mga kaibigan. Sa muling pagkikita."
"Paalam, Maria ng Makiling." Halos magkapanabay na sambit ni Ul at ng lambana.
"Sandali lamang Maria." Pahabol ng lambana na ikinalingon niya.
"Ano iyon?"
"Usap-usapan ng mga matatandang puno ang tungkol sa muling pagbabalik ni Gat Dula sa lupa. Iyan din ang dahilan kung bakit pumanaog ka na hindi ba?"
"Saan mo narinig ang tungkol kay Gat Dula?"
"Maliit lamang ang mundong ginagalawan nating mga engkanto binibini. Hindi kataka-taka iyon."
Totoo nga naman. Kung ang mga enkantadong nasa ibang bansa ay nakakasalamuha niya, ano pa kaya ang mga taal na engkantado ng bansang ito?
"Tama ka. Pero ako ang kinalaman niyan kay Gat Dula?" takang tanong ni Marie.
"May nakakita sa kanya sa gubat sa paanan ng Makiling binibini. Matagal ka nang wala sa bundok na nasasakupan mo kung kaya hindi nakapagtataka na hindi mo pa nababalitaan."
"Sino ang nakakita? Baka naman napagkamalan lang." Hindi pa rin naniniwala si Marie dahil ayon sa pangakong ibinigay ng Bathalang Maykapal, sa ika-limandaang taon simula nang bawiin ng kanyang ama na si Gat Panahon ang kapangyarihan para makapanaog siya sa lupa ay pahihintulutan nitong magtagpo uli ang landas nila ni Gat Dula.
Hindi kasi siya pinagbigyan ng Bathalang Maykapal nang hingin niya ang kaluluwa ni Gat Dula nang pumanaw ito noon. Mabuting tao si Gat Dula at nararapat ito sa paraisong inilaan sa kanya ng Bathala. Pero kasabay noon, nangako ang Bathalang Maykapal na bibigyan sila ng pagkakataong magtagpo at magkasamang muli.
"Ang pinakamatandang balete sa bundok ng Makiling."
"Si Apo Banak? Kailan niya nakita?" Sunod-sunod na tanong ni Marie.
"Mahigit sampung taon na ang nakakaraan binibini. Kung hindi ka naniniwala ay makakabuting sadyain mo ang matandang balete sa bundok na iyong nasasakupan para makatiyak," suhestiyon ng lambana.
"Sige. Maraming salamat." Iyon lang at tinalikuran na ni Marie ang lambana. Nagmamadaling tinalunton niya pabalik ang nilakaran kanina.
Kalat na ang dilim pero hindi problema sa kanya iyon. Kitang-kita niya ang dinadaanan kahit walang liwanag na gumabagay sa kanya. Isa siyang diwata, ang gubat at bundok ang kaulayaw niya simula pagkabata hanggang sa pagtanda. Kahit nakapikit siya alam niya anyo ng lupang tinatapakan. Kusang umiiwas sa kanya ang bawat puno, damo at halamang mabubunggo niya habang naglalakad. Hindi siya ipapahamak ng kalikasan.
Pagdating niya sa tinutuluyan nilang bahay sa lugar na iyon ay nag-empake na agad siya. Gabi na para maglakad paalis sa lugar na iyon at ayaw din naman niyang pag-alalahin ang mga kasama kaya hindi muna siya aalis ngayon. Hihintayin niya na makatulog na ang lahat at mag-iiwan siya kunwari ng sulat na nauna na siyang umuwi dahil may emergency.
Kahit kating-kati na siyang umalis ay tiniis ni Marie ang nalalabing oras hanggang sa makatulog na ang mga kasamahan. Nang matiyak na wala nang gising ay iniwan niya sa mesa ng bahay na tinutuluyan nila ang isang sulat na nakapangalan kay Loida.
Nakasaad doon ang dahilan niya kung bakit maaga siyang umalis na hindi nagpapaalam kanino man sa kanila. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga maiiwang kasama dahil sila ang sasalo sa dapat sana ay gawain niya. Bitbit ang bag, maingat na nakalabas sa bahay si Marie.
Nagtungo siya sa gubat at naghanap ng isang malaking puno, iyong halos kasing laki niya ang katawan. Nang makahanap siya ay mahinang kinatok niya iyon.
"Paumanhin sa paggambala sa mahimbing mong pagtulog kaibigan. Kailangan ko ang tulong mo para makauwi sa bundok ng Makiling," aniya.
Naramdaman ni Marie ang unti-unting pagkagising mula sa pagkakatulog ng puno na kinatok niya. Bagamat inaantok pa, nagbigay ng pahintulot ang puno. Pinasalamatan niya ito bago itinapat ang kamay sa katawan ng puno.
"Zedesem rah me Makiling ra," bulong ni Marie. Dalhin mo ako sa Makiling.
Unti-unting bumuka ang katawan ng puno at nabuo ang isang lagusan. Binabalot ng isang malamlam na kulay berdeng liwanag ang kabuuan ng lagusan habang patuloy ito sa paglaki. Nang makitang sapat na ang laki ng lagusan ay pumasok na si Marie. Kagyat na nagsara ito ng tuluyan nang siya ay makapasok. Nagpakawala ng pasasalamat sa hangin si Marie para sa puno na pinakiusapan niya.
Naglakbay si Marie sa tulong ng kabit-kabit na mga ugat ng mga puno. Lingid sa kaalaman ng mga mortal, magkakarugtong ang bawat punong nabubuhay sa lahat ng kagubatan saan mang panig ng mundo kung kaya ito ang madalas na ginagamit na paraan ng mga engkantadong katulad niya sa paglalakbay.
Bagamat pupuwede din naman siyang maglakbay sa tubig sa tulong ng kahit anong anyong tubig sa lupa ay mas gusto niya ang mga puno. Hindi naman iyon nakakapagtaka dahil isa siyang diwatang-gubat. Dahil nasa Pilipinas lang din naman ang Makiling, wala pang kalahating oras ay iniluwa na siya ng isang puno rin sa nais niyang puntahan.
Nabuglawan niya si Apo Banak, ang pinakamatandang belete sa kagubatan ng Makiling. Gising na gising ang matandang balete, parang inaabangan ang pagdating niya. Hindi na nagtaka si Marie dahil inaasahan na niyang naipaalam na marahil ni Ul kay Apo Banak ang tungkol sa kanya.
"Mapitagang bati, Maria ng Makiling." Garalgal ang boses ng puno dahil sa katandaan.
"Mapitagang bati din sa iyo, Apo Banak. Naparito ako dahil sa isang kuwentong naisalin sa akin ng isang lambana sa kagubatan ng Surigao. Totoo po ba Apo?" direktang tanong ni Marie.
"Matagal-tagal rin simula noong huli kang tumapak sa lupain ng Makiling. Ako'y nagagalak at ikaw ay nandito na muli," ani Apo Banak.
Hindi umumik ang diwata. Bagamat nakaramdam ng inis dahil hindi siya sinagot ng matandang balete, nagtimpi si Marie. Isa siyang diwata at responsibilidad niya ang kalikasan pero hindi iyon nangangahulugan na dapat mawalan na siya ng galang sa mga nilalang sa kaniyang nasasakupan. Humugot siya ng hininga at pinayapa ang sarili.
Ang mahinang tawa ng matandang puno ang nagpabalik ng atensyon ni Marie sa kasalukuyan. Hindi niya namalayan ang paglalagalag ng kanyang diwa kung hindi pa iyon naputol ng tawa ni Apo Banak. Naghintay siya sa sasabihin ng puno dahil nahihimigan niyang may gusto itong idugtong.
"Namalas ko ang anyo ni Gat Dula sa isang tagalupang minsang nagawi dito, Maria."
"Paano kayo nakakasiguro na siya nga iyon, Apo? Kahit ako hindi ko alam kung mukha ni Gat Dula pa rin ang ibibigay ni Bathala sa kanya sa panahong ibabalik na siya nito dito sa lupa."
"Hmm..hindi na nga niya kawangis ang Gat Dulang iyong nakilala noong mga panahong iyon. Pero nakakasiguro ako Maria. At naniniwala din ako na makikilala mo siya hindi gamit ang mga matang iyan." Matalinhagang saad ng matandang puno.
Napaisip si Marie. Ano ang ibig sabihin ng matandang balete?
"Isa sa mga araw na ito ay magtatagpo ang inyong landas Maria. Malalaman mo rin ang tinutukoy ko. Sa ngayon ipagpaumanhin mo pero kailangan ko nang magpahinga." Kagyat na pumikit ang matandang puno. Hindi nagtagal ay dinig na ni Marie ang payapang paghinga nito.
Nagpasya na lamang siyang umuwi. Mula nang maibalik sa kanyang muli ang kapangyarihang makapanaog sa lupa ay nagpagawa siya ng isang bahay sa Laguna. Nagpasya siyang habang hinihintay ang muling pagbabalik ni Gat Dula sa mundo ng mga mortal ay mamumuhay siyang kawangis din ng isang mortal. Sa tagal ng inilagi niya sa lupa ay ilang beses na siyang nakapagtapos sa kolehiyo na sari-sari ang kurso.
Nakuha niyang muli ang kakayahang pumanaog sa lupa nang pumanaw ang kanyang mga magulang na sina Dayang Makiling at Gat Panahon. Sa kagaya nilang imortal, ang pagpanaw ay hindi nangangahulugan ng pagkamatay. Bagkus, sila ay bumabalik sa kanilang orihinal na tahanan sa piling ng Bathalang Maykapal. Dahil na rin sa kahilingan ng mga magulang ni Marie, nauna na silang bumalik sa piling ng Bathalang Maykapal at iniwan sa kanya ang pangangalaga sa nasasakupan nila at iyon ang Makiling.
Matindi ang pagtutol ng kanyang mga mahal na magulang sa pag-iibigan nila ni Gat Dula noon dahil hindi pinapahintulutan na magsama ang isang mortal at isang diwatang katulad niya. Kung kaya't binawi sa kanya ng kanyang amang si Gat Panahon ang kapangyarihang pumanaog sa lupa. Nang mamatay si Gat Dula dahil sa pangungulila sa kanya, hiniling ni Marie sa Bathalang Maykapal na ibigay sa kanya ang kaluluwa ni Gat Dula para makapiling niya sa mga ulap ngunit hindi siya pinagbigyan.
Sa halip, pinangakuan siya ng Bathalang Maykapal na hahayaan nitong magkasama silang muli sa ika-limandaang taon ng araw na hindi siya nakapanaog sa lupa. Bago pa man mangyari ang ika-limandaang taon na iyon, nagpasya naman ang mga magulang niya na iwan na sa kanya ang Makiling kasama na rin ang kapangyarihang binawi sa kanya ng ama. Mahigit isang daang taon na ang nakalipas mula nang mangayari iyon.
Sa ngayon heto siya, naghihintay na magkaroon ng katuparan ang ipinangako sa kanya ng Bathalang Maykapal. Makilala kaya siya ni Gat Dula kung sakaling magkita sila? Iyon ang mga katanungang nagpaikot-ikot sa kanyang diwa habang nagninilay-nilay siya sa katahimikan sa loob ng kanyang tahanan.
Kinaumagahan, maagang nagising si Marie. Bumangon siya sa higaan at nagtuloy sa kusina. Binuksan niya ang refrigerator ngunit dahil matagal siyang nawala ay wala ding laman iyon. Hindi rin naman kasi siya nagsabi sa kanyang katiwala na uuwi siya. Nagpasya siyang pumunta sa palengke para mamili.
Bitbit ang susi ng kotse ay lumabas na siya ng bahay. Ito ang isa sa mga pagkakataong kailangan niyang makibagay sa mga mortal. Hindi siya puwedeng maglakbay papunta sa palengke gamit ang pamamaraan nilang mga engkantado. Nakasalubong niya sa driveway ang kanyang katiwala at pagkatapos magbilin na linisin ang bahay ay umalis na siya.
Kahit noon pa man ay aliw na aliw na si Marie sa mga pamilihang bayan. Sa ganoong lugar din niya nakilala si Gat Dula. Ipinilig niya ang kanyang ulo nang umahon ang mga alaala ng lalaki. Huwag muna ngayon. Hangga't maaari ay iniiwasan niya ang mag-isip tungkol kay Gat Dula dahil madalas kesa hindi ay hindi niya napalalabanan ang lungkot at pangungulila.
Sinapit na niya ang pinakamalapit na palengke. Umibis siya sa sasakyan pagkatapos makatagpo ng parking space. Pumasok na siya sa palengke at nagsimulang tumingin-tingin ng mga bagay na puwede niyang matipuhan. Mamaya na siya papasok sa pinakaloob nito para mamili ng pagkain.
Habang tumitingin-tingin ay may nakatawag ng pansin sa kanya. Isang malong na kulay lila. May disenyo itong mga ibon, maliliit at malalaki na may iba't ibang kulay. Kaakit-akit ang pagkakadisenyo nito kung kaya agad niya itong nilapitan at tinangkang hawakan. Kasabay ng pag-angat ng kamay niya para hawakan ang naka-display na malong ay nagulat siya dahil may naging kasabay ang kamay niya sa pag-abot ng malong na natitipuhan. Dahil hindi sinasadya, nagdikit ang mga kamay nila.
Nabigla si Marie nang sumirit mula sa balat niyang nasagi ng estranghero ang isang kakaibang pakiramdam. Hindi niya matukoy kung mainit ba o masakit ang biglang pagsigid nito mula sa dulo ng mga daliri niya at nanulay papunta sa ibang bahagi ng kanyang katawan. Dahan-dahan ang ginawa niyang paglingon sa gilid kung saan naroon ang may-ari ng kamay na sumagi sa kanya.
"Sorry Miss." Boses lalaki ang una niyang narinig hindi pa man ganap ang pagkakalingon niya.
"Wala----" Naputol ang sasabihin ni Marie nang mapagmasdan ang mukha ng estranghero, nahigit niya ang hininga bago naalalang lumunok dahil tila nalulunod siya.
Ngumiti ang lalaki, lumitaw ang pantay-pantay at maputi nitong mga ngipin. May kakapalan ang kilay nito pero hindi naman sabog. Kagaya niya, kayumangging kaligatan ang kulay ng balat nito. Sa tantiya niya ay mahigit limang pulgada ang tangkad nito sa kanya. Sa modernong paglalarawan, masasabi niyang ang pangangatawan nito ay yaong tinatawag nilang lean built. Hindi ito payat, mahahaba lang ang biyas.
"Did I pass?" mapanuksong tanong nito kay Marie. Huli na nang rumehistro sa utak niya kung ano ang ibig sabihin ng lalaki. Namumulang nagbawi siya ng tingin pero hindi na niya nabawi ang ngiting sumilay sa mga labi niya sa itinuran nito.
"Kuya, magkano po dito?" tanong nito sa lalaking nagbabantay sa puwestong iyon.
"Two hundred lang sir."
"Wala na bang tawad Kuya?" Ang tindero ang kausap nito pero na kay Marie naman nakatutok ang mga mata ng estranghero.
"Last price sir one hundred eighty."
"Sige Kuya kunin ko na iyan." Dumukot ng dalawang dadaanin ang lalaki at iniabot sa tindero. Bilang kapalit ay ibinigay din ng tindero sa lalaki ang noo'y nakapaloob na sa plastic bag na malong. Nakamasid lang si Marie sa nangyaring palitan.
Sayang, naunahan na siya. Gustong-gusto pa naman sana niya iyon. Magagamit niya sana iyon sa isa sa mga biyahe niya sa susunod.
"O, sa'yo na." Nagulat si Marie nang ialok sa kanya ng lalaki ang binili nitong malong.
"Ha? Bakit? Di ba binili mo na iyan?" takang tanong ni Marie.
Ngumiti lang sa kanya ang estranghero. "Binili ko talaga para sa iyo."
"Mukha ba akong walang pambili at binili mo para sa akin?" hindi niya napigilang magtaray. Hitsura lang nito, saloob niya.
Napakamot sa batok ang lalaki, mukhang napahiya ito. "Hindi. I mean, I bought this for you dahil nakita kong gustong-gusto mo. Gagawin kong excuse para makipagkilala sana sa iyo." Napakagat-labi ito sa ginawang pag-amin.
Napapalatak si Marie. Ibang-iba na talaga ang mga mortal ngayon. Noong unang panahon hindi kayang makipagtitigan sa kanya ng kahit sinong lalaki pero ngayon ang lalakas ng loob. Pero hindi naman siya galit, naaliw pa nga siya sa nakikitang hitsura nito anupa't hindi na niya nagawang pigilang ngumiti.
"Para-paraan na talaga no?" nasabi na lang niya. Natawa naman ang estranghero bago kinipit sa kili-kili ang nabiling malong at inilahad ang kaliwang palad sa kanya. "I'm Duayne Lamar."
"Marie Maquiling," sabi ni Marie sabay abot sa kamay na inialok ni Duayne.
"Nice meeting you Marie." Nanumbalik ang malapad na ngiti nito. Pero hindi nagawang suklian ni Marie ang ngiting ipinamalas ni Duayne dahil sa unti-unting paglukob sa kanya ng isang pakiramdam na ilang daang taon na ring salat sa kanyang dibdib.
Habang hawak ni Duayne ang kamay ng dalaga ay ang bigla naman ang pagragasa ng alaalang kay tagal niyang isinuksok sa pinakatagong bahagi ng kanyang puso. Lumipad ang mga mata ni Marie sa mukha ni Duayne, nasasalamin doon ang pagtataka sa inaakto niya. Nang matitigan niya ng diretso ang mga mata ng binata tila naging telebisyon iyon sa paningin ni Marie.
Isa-isang nanumbalik ang mga alaala ni Gat Dula sa kanya, simula noong una silang nagkakakilala sa pamilihang bayan sa madalas niyang puntahan. Pati ang pagtatagpo nila sa ilalim ng lilim ni Apo Banak, hanggang sa araw na bawiin ng kanyang ama ang kapangyarihang makapanaog siya sa lupa. Ang huling nakita niya ay ang paghigit ng hininga ni Gat Dula mula sa higaan nito habang nasa bingit na ng kamatayan at sinasambit ang pangalan niya. Nahilam sa luha ang mga mata ni Marie. Ito na marahil ang sinasabi ni Apo Banak, hindi makikilala ng mga mata niya pero ang mga mata ng puso niya ang makakakilala sa matagal ng nawalay sa kanya na si Gat Dula.
"Are you okay?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Agad namang nakabawi si Marie at tumango. "Pasensya ka na, kakabalik ko lang kasi sa biyahe mula Surigao siguro pagod lang ito."
Hindi kumibo si Duayne. Mataman lang siya nitong tinitigan habang kunot na kunot ang noo.
"Have we met before Marie? Why do I have this feeling na matagal na tayong magkakilala?"
"I don't think so." Tanggi niya. Pero kabaliktaran ang hiyaw ng isip niya. Oo! Bakit hindi mo ako makilala?
Ipinilig nito ang ulo na para bang gustong magising sa isang pagkakahimbing. Bumitiw si Duayne sa pagkakahawak niya kay Marie at iniabot uli sa dalaga ang biniling malong kanina. Umiling si Marie, tanda nang ayaw niyang tanggapin pero ipinagpilitan pa rin ni Duayne.
"Hindi ko alam kung paano pero alam kong gustong-gusto mo ang kulay na ito. I don't usually do this for strangers nor it is a habit of mine to introduce myself to anyone who's caught my attention. Pero pakiusap, tanggapin mo."
"Sige. Salamat." Kahit nag-aatubili ay napilitan na rin siyang tanggapin.
Nanatili silang nakatayo paharap sa isa't-isa, walang sino man sa kanila ang gustong tumalikod para umalis. Ngunit wala naman silang maapuhap para pagkuwentuhan. Si Duayne na ang hindi nakatiis, nag-alis ito ng bara sa lalamunan.
"I think I need to get going. Nice meeting you Marie."
"Oh. Okay. Nice meeting you too." Matipid na ngumiti si Marie. Hindi niya napigilan ang lungkot na lumukob sa kanya sa kaalamang maaaring ito na ang huli nilang pagkikita. Tinupad ng Bathalang Maykapal ang pangako nito sa kanya pero ang hindi niya inasahan ay hindi siya maalala ni Gat Dula.
"Okay. You take care. Oh by the way, can I have your number?"
"Ha?" Saglit siyang nag-isip, may natitira pa siyang calling card sa wallet niya. Dagli niya itong kinuha mula sa bulsa ng pantalon at hinugot iyon mula sa pinagtaguan niya at ibinigay kay Duayne. "Nandiyan ang number ko."
Tumango si Duayne habang binabasa ang nakalagay sa card ni Marie. Pagkuwa'y tumingin sa kanya ang binata at ngumiti. "Environmentalist ka pala."
Nagkibit-balikat si Marie bilang tugon para lang mabigla nang kunin ni Duayne ang braso niya at sinumulang sulatan. Nanlalaki ang mga matang sinundan na lang niya ng tingin ang bawat guhit na ginagawa nito sa balat niya gamit ang isang itim na marker.
"There. That's my number, please save it on your contacts okay?"
Iyon lang at walang paalam na umalis na ito, iniwan siyang nakatanga. Nakakainis! Siya si Mariang Makiling, kung tratuhin na lang siya ng mortal na iyon ay ganoon na lang? Sira ang araw na pumasok na lang si Marie sa loob ng palengke at tinapos ang pamimili.
*****
Isang linggo na ang nakalipas ngunit wala siyang narinig mula kay Duayne. Nahiya naman siyang unahan ito sa pagtext o pagtawag kaya hindi niya ginawa. Isa pa, ano ang sasabihin niya? Wala rin siyang maisip. Nasa ganoon siyang pagninilay-nilay nang tumunog ang cellphone niya.
Duayne calling. Tingnan mo nga naman, isipin mo 'yong tao at heto tumatawag na.
"Duayne," pahinamad na bati ni Marie.
"I dreamt of you non-stop for a week now." Walang seremonyas na bungad ni Duayne sa kanya.
"Ow talaga?" Iyon lang ang nasabi niya.
"Why didn't you tell me?" nagtaka si Marie dahil nag-iba ang timbre ng boses nito.
"Ang alin?"
"Marie Maquiling. Ang bobo ko para hindi agad maisip iyon." Sagot ni Duayne.
"Ang gulo mo, alam mo ba iyon? Ano ba kasi ang ibig mong sabihin?"
Hindi ito kumibo. Paghinga lang ni Duayne ang naririnig niya sa kabilang linya. Nang magsalita ito ay tila nabingi si Marie, tumigil ang pag-inog ng mundo sa pakiramdam niya.
"I woke up this morning and I realized I've loved you for more than a lifetime. It has been five hundred years Marie. I missed you so damned much."
Nabitiwan niya ang telepono. Tumakbo siya palabas ng bahay at tumigil sa tapat ng isang puno. "Zedesem rah hem anozig etaim tud." Pakiusap dalhin mo ako sa lalaking mahal ko.
Hindi nagtagal ay iniluwa na siya ng puno sa lugar kung saan naroroon si Duayne. Nakita niya itong nakasandal sa barandilya ng terrace ng bahay nito. Aandap-andap ang kaloobang humakbang si Marie, walang pagmamadaling naglakad din si Duayne pasalubong sa kanya.
Tumigil silang dalawa nang halos dadalawang hakbang na lang ang layo nila sa isa't-isa. Sa isang iglap, natagpuan ni Marie ang sarili na yakap ni Duayne. Napapikit siya, umusal ng pasasalamat sa Bathalang Maykapal.
"Salamat sa Bathalang Maykapal at nanumbalik na ang mga alaala mo."
"Tumupad ako sa pangako Marie, hanggang sa huling hininga wala akong minahal na iba." Bulong ni Duayne sa kanya habang nakapaloob sa bisig niya ang dalaga.
"Ganoon din ako. Ang tagal kitang hinintay." Namalisbis ang mga luha sa pisngi ni Marie sa galak. Sa wakas, dumating na ang panahong laan para sa kanila.
"Salamat sa paghihintay mahal ko."
Sinakop ng mga labi ni Duayne ang mga labi ni Marie para sa isang halik. Marubdob at puno ng pagmamahal ang halik na iginawad ni Duayne sa dalaga na para bang bumabawi sa matagal na panahong nagkahiwalay sila. Buong pusong tumugon si Marie. Kasabay ng paghigpit ng yakap nila sa isa't-isa ay ang paghawi ng ulap sa kalangitan. Tila nakikisaya sa dalawang pusong matagal na naghintay at nagtiis para sa katuparan ng kanilang pag-ibig.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro