Kuwaderno ni Au [Published under PNY13: Pumapag-Ibig]
Humahangos na binilisan ni Au ang paglalakad, mahuhuli na siya sa klase. Masungit ang guro nila sa Design at mainit ang dugo nito sa mga mag-aaral na nahuhuli sa pagpasok sa silid-aralan na inookupa ng klase nila sa semestreng ito.
Nasa panghuling taon na niya sa kursong Architecture kaya kuntodo tiis siya lalo na ngayong kaunti na lang matatapos na niya ang limang taong pakikipagbuno sa mga libro. Pagdating niya sa silid-aralan nakita niyang nasa loob na ang mga klaklase niya. Nasa harapan na ang guro nilang si Mr. Dechavez at kasalukuyang isa-isa nitong tine-check ang attendance ng mga estudyante.
Patay! Front seat pa naman ako. Kitang-kita na late ako kapag dumiretso ako doon.
Nanlulumong napasandal siya sa dingding ng silid-aralan nila. Kapagkuwa'y sumilip uli siya. Nakatalikod ang guro at may kung ano'ng isinusulat sa pisara. Sinuyod ng mga mata niya ang kabuuan ng silid at naghanap ng posibleng maupuan habang hindi pa napapansin ng guro na wala siya.
Hayun.
Napapitik siya sa hangin at tinapunan ng tingin ang nakatalikod pa rin nilang guro. Ma bakanteng upuan sa pinakahuling hanay malapit sa mga bintana, sa tabi ng isa niyang kaklase na hindi niya matandaan ang pangalan.
Irregular student kasi siya kaya hindi niya kilala ang iba. Dahan-dahan siyang pumasok sa nakabukas na pinto habang ang mga mata ay nakatuon sa guro nila. Nakikita siya ng mga kaklase pero nagkunwari din ang mga ito na walang nakikita.
Narating niya ang tinutumbok na upuan. Palihim siyang nakahinga ng maluwag pero hindi niya tinatantanan ng tingin ang guro baka makahalata na pumuslit lang siya papasok. Nakita niya mula sa sulok ng kanang mata na napalingon sa kanya ang katabi. Kunot-noo ito pero hindi ito nagtagal sa pagkakatingin sa kanya.
Iyon naman ang piniling pagkakataon ng guro para humarap uli. Pag-angat nito ng tingin ay nahagip ng mga mata ni Mr. Dechavez ang noo'y nakaupo nang si Au. Alanganing nginitian ni Au ang guro. Ikiniling naman ng guro ang ulo sa direksyon niya tanda ng pag-acknowledge nito sa kanya.
"Have you been sitting there all this time, Miss Lacasa?" tanong ni Mr. Dechavez sa kanya. Hindi agad siya nakasagot, baka 'pag sinabi niya na oo kanina pa siya nakaupo doon ay mayroong magsumbong na pumuslit lang siya kani-kanina lang.
Bahala na. Oo na lang.
"Y-yes sir," nauutal siya sa kaba.
"Is that so?" mukhang hindi kumbinsido ang guro nila, "Mr. Montelibano, nagsasabi ba ng totoo si Miss Lacasa? Kanina mo pa siya katabi?" paniniyak ni Mr. Dechavez.
Biglang sinaniban ng matinding kaba si Au. Hindi niya kilala ang kaklase niyang tinatanong ni Mr. Dechavez, paano kung ilaglag siya nito? Tinapunan muna siya ng tingin ng kaklase niyang tinatanong ng guro bago ito sumagot. Nahigit niya nag hininga nang magsimulang bumuka ang mga labi ng katabi para sumagot.
"Kanina pa sir. She came in just in time for the bell. Nakatungo po kayo at may kung ano'ng binabasa noong pumasok siya kaya siguro hindi mo siya napansin."
Hindi niya inaasahan ang pagtatakip na ginawa ng kaklaseng hindi niya kilala. Ganun pa man, tiningnan niya ito na puno ng pasasalamat ang mga mata.
"I see. For a while I thought pumuslit ka lang nang malingat ako. Dito ka sa unahan nakaupo, hindi ba Miss Lacasa?"
"O-opo sir. Kaya lang gaya nga ng sabi ni Mr. Montelibano, nag-bell na noong makapasok ako. Nahiya na po akong tumuloy sa upuan ko." Hindi pa rin humuhupa ang matinding kabang nararamdaman niya. Likas kasi siyang takot sa guro nilang ito.
"Alright. Let's start." Iyon lang at nag-umpisa na sila sa aralin nila sa araw na iyon.
Natapos na mag-lecture ang guro at kumukopya na lang sila ng aralin sa pisara nang mapansin ni Au na sa labas nakatingin ang katabi niya. Sinipat niya kung ano ang tinitingnan ng kaklase sa labas at nagtaka siya dahil wala naman siyang nakikitang tao o kahit na ano'ng puwedeng umagaw sa atensyon ng lalaking katabi.
Hindi siya nakatiis, binaliktad ni Au ang kuwaderno at sumulat sa likod.
Salamat. Ano'ng pangalan mo? Ako si Au.
Kapagkuwa'y pasimple niyang kinalabit ang katabi at iniabot ang kuwadernong sinulatan. Lumingon naman sa kanya ang kaklase, bagama't nagtataka ay hindi nito tinanggihan ang binigay ni Au.
Sinenyasan niya itong buksan ang pahina kung saan siya sumulat kanina lang pero nakatutok sa direksyon ng guro nila ang mga mata ni Au dahil baka mahuli siya nito. Nakikita naman ni Au mula sa gilid ng mata niya ang kilos ng katabi, pati na ang pagsulat din nito sa kuwaderno niya. Maya-maya ay ibinalik nito sa kanya ang kuwaderno.
Binuklat ni Au ang mga pahina at nakita niya ang isinagot ng kaklase sa tanong na sinulat niya kanina.
Don't mention it. I'm Reginald.
Natuwa naman siya. Hindi naman pala suplado itong si Reginald. Mukha lang kasi hindi kumikibo o namamansin. Sumulat uli siya.
Ano'ng meron sa labas? Nalipat na ba doon ang chalkboard at si Mr. Dechavez?
Akmang ibibigay niya uli sa katabi ang kuwaderno nang pigilan siya nito sa pamamagitan ng pagdunggol sa braso niya. Napatingin siya kay Reginald, may kung ano'ng sinesenyas ang kaklase. Ngumuso ito sa direksyon ng guro at inilagay nito sa tapat ng tikom na mga labi ang hintuturo.
Naintindihan naman niya. Sumulyap si Au sa guro nila. Totoo nga ang babala ni Reginald, umiikot ang tingin ng guro sa mga estudyante at nagmamatyag sa mga ikinikilos nila. Pasimple niyang ipinatong uli sa sariling desk ang kuwaderno ngunit nakabukas ito sa pahina kung saan sila parehong nagsulat ni Reginald.
Nakita ni Au na sumulyap din si Reginald sa guro. Nang matiyak na hindi na ito nakatingin sa dako nila, umangat ang kaliwang kamay nito at nagsulat sa nakabukas na kuwaderno ni Au.
o_o I'm bored. Inaantok ako kaya hindi ako nakikinig.
Lihim na napangiti si Au. Akala niya ay siya lang ang nakakaramdam ng ganoon sa klase ni Mr. Dechavez.
Same. Ganting-sulat ni Au.
Hindi na sumagot si Reginald sa kung ano man ang naisulat ni Au bagama't nabasa naman niya ito. Naglakad-lakad kasi sa bandang likuran ng silid si Mr. Dechavez kaya nagkunwari silang dalawa ni Au na abala sa pagkopya sa isinulat nito sa pisara.
Hanggang sa matapos ang klase nila ay hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong magpalitan ng salita sa kuwaderno ni Au. Nang mag-ring ang bell, walang salitang tumayo sa kinauupuan si Reginald at tinungo ang pinto. Hindi nito tinapunan ng tingin si Au. Nagkibit-balikat na lang ang dalaga at lumabas na rin ng silid-aralan.
Dalawang beses sa isang linggo lang ang klase nila sa Design kaya ibig sabihin dalawang beses lang din ni Au makakasama si Reginald sa klase. Nakasalubong na rin nila ang isa't-isa sa hallway pero hindi sila nagpansinan. Nilagpasan lang nila pareho ang isa't-isa na parang hindi magkakilala.
Design na naman nila sa araw na ito, maagang pumasok si Au dahil ayaw na niyang maulit ang nangyari. Bumalik na siya sa dati niyang upuan dahil iyon naman talaga ang upuan na nakatalaga sa kanya sa seat plan. Nakikinig siya sa usapan ng ilang kaklaseng babae nang makita niya ang pagpasok ni Reginald. Napatingin ito sa kanya pero wala siyang nakitang reaksyon mula sa binata.
Nawala ang atensiyon niya sa pakikinig sa kuwento ng kaklase, sinundan niya ng tingin si Reginald hanggang sa makaupo ito. Gaya ng dati, sa labas na naman ito nakatingin. Ewan niya pero parang gusto niyang lapitan ito at kausapin. May kung ano'ng lambong siyang nakikita sa mga mata nito.
Tinalikuran na lang niya ang binata at hinugot mula sa bag ang kuwaderno. Nakapangalumbabang nagsulat siya bagamat wala namang kawawaan ang mga nabubuong salita ng ballpen niya. Kung anu-ano na rin ang nado-drawing niya habang nagpapatay ng oras.
Maya-maya ay naramdaman niya ang pagdaan ng kung sino. May ipinatong ito sa ibabaw ng kuwadernong kasalukuyang sinusulatan niya, isang maliit at nilakumos na papel. Nag-angat siya ng paningin ngunit likod na lang ni Reginald ang nakita niya na tuloy-tuloy lumabas sa isa pang pinto ng silid-aralan.
Binuksan niya ang kapiraso ng papel na iniwan nito. Sa sobrang liit ng sulat ay hindi niya agad naintindihan kung ano iyon.
Bumalik ka na sa original seat mo, siguro ayaw mo na ako'ng katabi?
Hindi niya masupil ang ngiting pumunit sa mukha niya. Pasimple siyang yumuko sa desk at isinubsob ang ulo sa kuwaderno, pilit na ikinukubli ang mukha dahil ayaw niyang may magtanong kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon niya.
Nang mahimasmasan ay pasimple siyang tumayo, binitbit ang ballpen at kuwaderno. Naglakad siya papunta sa likurang bahagi ng silid-aralan at pasalampak na naupo sa tabi ng kaklaseng si Reginald na nakabalik na sa sariling upuan. Nasa labas na naman nakatutok ang mga mata nito.
Hindi ito nagpakita ng ano mang reaksiyon nang makaupo si Au. Bahagya lang itong gumalaw. Halos nasa kalagitnaan na sila ng klase nang maramdaman ni Au ang paghila ni Reginald sa nakabukas niyang kuwaderno. Nagsimula itong magsulat.
You're different.
Nagtaka siya kung ano ang ibig nitong sabihin.
? Ano ang ibig mong sabihin?
Look around, observe our classmates especially the girls then tell me kung saan sila nakatingin.
Sinunod niya ang sinabi ni Reginald. Nag-obserba siya samantalang bumalik na naman sa labas ang mga mata ng katabi. Napakuno-noo si Au nang mapansin na tila iisa ang direksiyon na binabalik-balikan ng mga sulyap ng karamihan ng babae sa klase nila.
Hindi kaya mga tagahanga mo sila? Tanong niya kay Reginald.
Bingo. Maikling sagot naman nito.
Ano'ng kinalaman sa tinatanong ko sa iyo?
That's why you're different. You were never moon-eyed when you're this close to me. You're a novelty.
Na-weirduhan siya. Inaasahan ba nito na sa unang tingin magkakagusto na siya dito? Nilingon uli niya ang mga kaklaseng babae. Napailing na lang siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang kung tingnan ng mga ito si Reginald.
Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan nila sa iyo. Hindi ka palangiti, hindi ka nagsasalita, ni wala kang kaibigan na maituturing sa klase natin. Sulat ni Au.
Naghintay siya ng reaksiyon mula dito pero wala siyang nakita kahit pag-angat ng sulok ng bibig nito, pagtaas ng kilay o pagkalukot ng mukha. Tuloy naitanong niya sa sarili kung tao ba ito?
Hindi ko rin alam. Sila ang tanungin mo dahil kahit ako hindi ko gusto ang sarili ko.
Nasa tumitingin iyon. Siguro sa paningin ko hindi ka attractive, baka sa kanila sobrang guwapo mo. ^_^
Sasagutin pa sana nito ang sinulat ni Au nang tumunog na ang bell. Hindi na naituloy ni Reginald ang balak dahil nagligpit na ng gamit si Au kaya napilitan na rin siyang tumayo.
Nakasunod siya sa likod ni Au na umaktong babalikan ang bag sa orihinal na upuan nito nang hindi na siya nakatiis, mahinang hinatak niya ang manggas ng uniform nito. Napalingon naman sa kanya si Au, nagtatanong ang mga mata.
"Sabay na tayong lumabas. 'Antayin kita."
Nabigla man ay tumango na lang si Au. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang damdaming lumukob sa kanya nang marinig niya ang boses ni Reginald.
Bitbit ang bag, binalikan niya si Reginald na sadyang nagpa-iwan sa hanay ng inupuan nila kanina para hintayin siya. Mula sa sulok ng mga mata niya ay nakikita niya ang mga kaklase nilang babae na sa kanila nakatuon ang pansin.
Nang matapat siya sa inuupuan ng binata, tumayo ito at umagapay sa kanya sa paglalakad. Dinig ni Au ang pagsinghap ng kung sino sa paligid, siguro isa sa mga taga-hanga ni Reginald.
"Hindi kaya sabunutan ako ng mga taga-hanga mo?" pabulong niyang sabi.
"Takot lang ng mga 'yan sa'yo. Matapang ang aura mo, alam mo ba iyon?" pabulong din ang pagsagot ni Reginald, nakatungo pa ang ulo nito palapit kay Au dahil higit siyang matangkad sa babae.
Iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nila. Madalas nakakarinig si Au ng mga pasaring pero hindi na lang niya iyon pinapansin. Nakikita niya kasi ang isang bahagi ng pagkatao ni Reginald na siya lang yata ang may alam. Ganun pa man, hindi nagbago ang pakikitungo nilang dalawa sa isa't-isa.
Sa tuwing may klase sila sa Design nakaugalian na nilang mag-usap gamit ang kuwaderno ni Au. Kumakapal na ang mga pahinang napupuno nila ng usapan. Hindi na masulatan ni Au ng mga aralin nila ang kuwadernong iyon dahil puro pag-uusap na nila ang nilalaman noon.
Isang araw, hiniram sa kanya ni Reginald ang binansagan nitong kuwaderno nila. Nagtataka man, pinahiram ito ni Au. Nang sumunod na araw, hinanap niya sa kaibigan ang kuwaderno pero ang sabi nito ay naiwan daw nito sa bahay.
Ganoon din ang dahilan nito nang mga sumunod pang mga araw na hinahanap ni Au sa binata ang kuwaderno. Hanggang sa umabot ng isang buwan hindi pa rin ito naisasauli ni Reginald. May napapansin na rin siyang kakaiba dito, madalas ang hindi nito pagkibo.
Gusto niyang komprontahin si Reginald sa nakikita niyang pagbabago dito pero inuunahan siya ng hiya. Hindi niya alam kung tama bang manghimasok siya kahit sabihin pa na magkaibigan naman sila.
"Rej, may problema ba?" Isang araw ay hindi na nakatiis si Au kaya nagtanong na siya. Kakalabas lang nila sa library dahil may ni-research sila para sa ibinigay na assignment ni Mr. Dechavez.
Pero iling lang ang nakuha niyang sagot mula sa kaibigan. Biglang tumigil ito sa paglalakad at hinarap siya. Kapagkuwa'y binuksan nito ang bag at hinugot ang kuwadernong matagal na niyang hinahanap at saka ibinigay iyon kay Au.
"Huwag mo munang buksan hangga't magkasama tayo, pag-uwi mo na lang sa bahay siguro baka murahin mo ako eh," alanganin ang ngiti nito.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Au.
"Basta. Baka hindi lang mura abutin ko sa iyo, baka patikimin mo ako ng elbow-drop."
"Puro ka kalokohan. Sige mamaya ko na babasahin sa bahay. Ano ba kasi ang ginawa mo dito at inabot ng isang buwan?"
"Wala naman. Madalas ko lang talaga makalimutan dalhin. Kilala mo naman ako, legendary ang pagka-makakalimutin ko."
Nagkibit balikat na lang si Au. Pagdating niya sa bahay hindi pa man nakakapagbihis ay agad niyang binuklat ang kuwadernong isang buwan na nawalay sa kanya, para lang mabitawan iyon sa matinding pagkabigla.
Ang unang entry ay may petsa ng araw na ipinahiram ni Au kay Reginald ang kuwaderno. Araw-araw walang palya hanggang sa kasalukuyang petsa ay matiyagang isinulat ni Reginald ang mga salitang nabasa niya ng paulit-ulit.
Mahal na kita.
Nahilam sa luha ang mga mata ng dalaga, kapagkuwa'y napangiti hanggang sa naging halakhak.
"Gago ka talaga. Ang dami mo'ng pauso."
Nang sumunod na araw, isang nag-aalangang Reginald ang sumalubong sa kanya sa hallway papunta sa silid-aralan nila. Nilapitan ni Au ang kaibigan, hinigit sa braso sabay hila sa binata sa isang tabi.
"Kailan pa?" Alam niyang alam ni Reginald kung ano ang tinutukoy niya.
"Hindi ko alam. Basta naramdaman ko na lang. Sorry." Yukong-yuko ito.
"Sorry? Gago. Kung 'yun ang hinihingi mo ng sorry, ayoko na sa'yo." At saka niya binirahan ng alis.
"Teka naman Au, saglit lang."
Huminto naman si Au at tiningnan ng masama ang binata.
"Alam kong hindi dapat pero kasi.." hindi na nito naituloy kung ano man ang sasabihin dahil hinampas na siya ni Au ng kuwadernong sinulatan kamakailan.
"Ayan, magbasa ka. Last page kung saan mo huling sinulatan," nakasimangot si Au habang nakahalukipkip.
Binuklat ni Reginald ang kuwaderno at binasa kung ano man ang isinulat ni Au. Maya-maya, napatingin ang binata sa kaibigang inip na naghihintay sa harapan niya.
"Ano? Tinginan na lang?"
Hindi na nakapagsalita si Reginald, sinunggaban niya si Au at mahigpit na niyakap.
"Mahal kita Au." Mas malakas lang sa bulong ang boses nito pero malinaw na narinig ng dalaga.
"Mahal din kita."
Napapikit si Au. Parang panaginip ang lahat, heto siya ngayon at yakap ang lalaking hindi niya inasahang matututunan niyang pahalagahan at mahalin. Pakiramdam niya ay napunta sa lalamunan niya ang puso niya ng mga sandaling iyon.
"Masarap ma-inlove pero sa ngayon kailangan mag-aral muna tayo. Masasabon tayo ni Mr. Dechavez kapag na-late tayong pareho," bulong ni Au kay Reginald, bagay na sabay nilang ikinatawa at kumalas sa isa't isa.
Hawak ang kuwaderno ni Au sa kanang kamay, inalok ni Reginald sa dalaga ang kaliwa na hindi naman niya tinanggihan. Nang pisilin ng binata ang kamay niyang hawak nito ay sinagot niya iyon ng isang matamis na ngiti.
Pagkatapos siyang tapunan ng isang masuyong sulyap ni Reginald, hawak-kamay na silang naglakad patungo sa klase nila kay Mr. Dechavez kung saan nagsimula ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro