Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Candle Light


Grade four kami nang una kaming magkakilala at magkita sa isang District Quiz Bowl na pareho naming sinalihan. Matapos ang competition ay kanya-kanyang umpukan ang mga batang katulad ko para maglaro habang hindi pa tinatawag ng teacher para umuwi. Walang may gustong magsali sa akin sa laro nang makita nila kung gaano ako ka-uncoordinated at clumsy kung kaya nakisali ako sa grupo ng mga batang lalaki na naglalaro ng teks. Pero may isang hindi natutuwa sa presensya ko.

"Huwag ka nga dito, doon ka kasama ang mga babae dahil hindi pangbabae itong laro namin!" Halos mag-isang linya ang kilay niya habang nakaturo ang isang kamay sa direksiyon ng mga batang babae na naglalaro ng chinese garter sa kabilang bahagi ng covered court.

"Ayaw nga nila akong isali!" Naipadyak ko ang kaliwang paa. Halos manlisik ang mga mata ko sa pagkakatitig sa kanya.

"Basta huwag ka dito. Mga lalaki lang ang puwede dito!" Tinalikuran na niya ako at naglakad pabalik sa mga kalaro. Nakita kong nagbulungan sila nang makarating sa umpukan si Craig.

"May araw ka rin Craig Contreras!" sigaw ko pa bago umalis para puntahan ang teacher namin sa loob ng classroom. Nagtatakang mukha ni Miss Santiago ang sumalubong sa akin nang makapasok ako.

"O, Lirio bakit ganyan ang mukha mo? Akala ko makikipaglaro ka sa mga bata sa labas?"

"Ayaw nila ako'ng isali Ma'am," tulis ang ngusong maktol ko.

"Ganoon ba? Gusto mo bang kausapin ko sila?"

"Hindi na po Ma'am. Kung ayaw niya sa akin, ayaw ko din sa kanya." Deklara ko.

"Sino'ng siya?" takang tanong ni Ma'am.

"Si Craig po. Ayaw niya akong isali sa laro nila." Labag sa kalooban ko agad na nahilam sa luha ang mga mata ko. Isang nakakaunawang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Miss Santiago bago ko naramdaman na ginulo niya ang buhok ko. Kasabay noon ang tuluyang paglaglag ng isang butil ng luha sa pisngi ko.

"Huwag mo nang isipin iyon. Halika, may dala ako'ng librong pambata alam kong magugustuhan mo iyon. Gusto mo bang basahin?" Sa narinig ay parang inihip ng hangin ang lahat ng sama ng loob ko.

Halos patapos na ako sa pagbabasa ng tahimik sa isang sulok nang pumasok ang grupo ni Craig. Nang mag-angat ako ng tingin ay nagsalubong ang mga mata namin. Hindi siya nakikinig sa sinasabi ng kasama niya. Nilabanan ko ang tingin ni Craig, sa pamamagitan man lang noon ay makaganti ako. Hindi ko siya nilubayan ng tingin, ni hindi ako kumurap. Ganoon din siya. Ramdam ko na ang paghapdi ng mata ko pero hindi ako sumuko. Hanggang siya na ang unang nagbawi ng tingin.

Ha! Akala mo ha.

Hanggang sa makauwi ako ay dala-dala ko sa dibdib ko ang sayang dulot ng kaalamang natalo ko siya. Mababaw? Oo, mababaw ang kaligayahan ko kung sa ganoong simpleng bagay lang ay tuwang-tuwa na ako. Nagkita pa ulit kami nang sumunod na taon at ng sumunod pa dahil palagi kaming kasali sa mga quiz competition sa pagitan ng mga paaralan sa distrito namin. Matalino siya sa Math samantalang Language ang madali para sa akin. Hindi rin kami nag-uusap kahit magkasalubong man kami.Wala na rin ang galit sa batang puso ko na patungkol sa kanya. Siguro masasabi kong na-out grow ko iyon habang lumilipas ang panahon.

Huling competition na namin noon sa taong iyon dahil magtatapos na kami sa elementary nang muli niya akong kausapin. Nakasalubong ko siya papunta sa comfort room. Katatapos lang niyang lumaban at siya ang nanalo. Lumagpas na kami sa isa't-isa nang marinig ko ang pagtawag niya. Huminto ako sa paglalakad pero hindi ako lumingon.

"Language na ang susunod. Good luck." Iyon ang narinig kong sinabi niya.

Hindi ako nag-champion, kaklaseng babae ni Craig ang nanalo. Nang mag-pose kami ng coach ko na si Miss Santiago para makuhanan kami ng picture, nakita ko si Craig sa likod ng karamihan at nakatingin sa akin. Sa unang pagkakataon, nakita kong ngumiti siya bago tumalikod para lumabas.

Nang makatapos kami sa elementary ay wala na akong naging balita sa kanya. Third year na ako sa high school noon nang magkita kami ulit ng isa kong kaibigan noong elementary sa jeep isang araw na pauwi na ako.

"Siyanga pala Li, may kakilala ka bang Craig Contreras?"

"Oo, noong elementary. Madalas siyang kalaban ni Manuel sa Math sa mga quiz bowl na sinasalihan ng school natin. Bakit?"

"Classmates kasi kami. Narinig kong nagtatanung-tanong siya sa mga alumni at alumnae ng school natin kung kilala ka ba nila. Sinabi ko na magkaibigan tayo. Tinanong niya ako kung saan ka nag-aaral. Tapos sabi niya itanong ko daw sa iyo kung natatandaan mo pa siya."

"Ah. Oo naman, paano ko siya makakalimutan eh pinaiyak ako ng mokong na iyon nang ayaw niya akong isali sa laro nila," natatawang sabi ko.

"Siya ba iyong kinuwento mo sa akin noon? Iyong inis na inis ka?" Namilog ang mga mata ni Tiffany nang maalala.

"Oo. Ang galing, natandaan mo pa iyon eh ang tagal na."

"Sus, kala mo naman one century na ang nakalipas. Hindi pa naman ako ulyanin," natatawang pakli niya, "Uy punta ka sa school fair namin next week. Kasama iyan sa sinabi ni Craig sa akin."

"Ha?" nagulat ako, hindi ko inasahan iyon.

"Pupunta ka di ba? Masaya iyon, maraming booth at activities. Huwag kang mag-alala, hindi ka maa-out of place doon dahil sasamahan kitang maglibot."

"Uhmm. Hindi ko sigurado eh. Baka school day iyon, bawal ako'ng umabsent."

"Friday iyon. Club day ninyo sa school," ani Tiffany. Nang akmang magdadahilan ako ay iniharang niya sa tapat ng labi ko ang hintuturo at umiling, "Alam ko ang tungkol doon, baka nakakalimutan mo doon nag-aaral ang kuya ko."

Pinalis ko ang hintuturo niya. May magagawa pa ba ako? Wala, oo na lang.

******************

Gaya ng sinabi sa akin ni Tiff, hindi nga niya ako iniwan kahit sandali. Ang nangyari, ako ang naging kasama niya sa booth na binabantayan niya. Multi-collored cotton candy ang ibinebenta nila sa booth na binabantayan ni Tiff. Dalawang oras lang naman siyang magbabantay tapos ay may hahaliling kaklase sa kanya. Iyon ang kukunin naming pagkakataon para makapaglibot. Habang wala pang bumibili ay nagbasa muna ako, may bitbit kasi ako'ng libro pantanggal inip.

"Hi Tiff! Pagod ka na ba? Palitan na kita?" Narinig ko ang isang boses ng lalaki pero hindi ako nag-angat ng tingin. Exciting na kasi ang eksena kaya hindi ko mabitawan ang binabasa.

"Okay pa naman ako. Isang oras pa bago matapos ang shift ko dito." Pagkatapos noon may umupo sa tabi ko pero dedma pa rin ako. Umusog lang ako ng bahagya para bigyan ng space ang kung sino mang naupo. Narinig ko ang mahinang tawa ng katabi ko pero hindi pa rin ako maawat sa pagbabasa. Alam kong lalaki ang tumabi dahil sa naamoy ko ang cologne niya. Limang pahina na ang nababasa ko simula nang may tumabi sa akin nang maramdaman ko ang pagsipa ni Tiffany sa paa kong nakaunat sa harap ko.

"What?" sikmat ko kay Tiffany. Pinanlakihan lang ako nito ng mata pagkatapos ay itinuro ang katabi ko. Sinundan ko ang direksiyon na itinuturo ng daliri niya at sumalubong sa akin ng isang pares ng itimang mga mata na titig na titig na sa akin. Wala siyang sinabi, gaya ng dati nakatitig lang siya sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Una, hindi ko alam ang sasabihin. Pangalawa, nalulon ko yata ang dila ko sa klase ng titig na ibinibigay niya. Naririnig ko ang usapan ni Tiffany at ng isa pang lalaki pero bakit hindi ko maialis sa kaharap ko ang mga mata ko?

Hanggang sa matapos ni Tiffany ang pagbabantay niya ay hindi kami nag-uusap ni Craig. Sinamahan din niya kami sa pag-iikot pero kahit isang salita ay wala ako'ng narinig sa kanya. Tingin lang talaga ang ginagawa niya. Minsan, sinasalubong ko ang mga tingin niya pero madalas ako ang unang nagbabawi ng tingin. Kahit nang iwanan kami ni Tiffany para mag-CR kuno ay wala kaming pinag-usapan. Katabi ko siya sa lahat ng oras pero ni gaputok ay hindi siya kumibo, ganoon din ako. Hindi ko alam kung paano pakikitunguhan ang kabang umaahon sa dibdib ko dulot ng mga titig niya. Magpahanggang sa oras na kailangan na naming umuwi ay wala akong narinig kay Craig.

Iyon ang huli naming pagkikita. Tinanggihan ko ang huli niyang imbitasyon na dumalaw uli noong sports fest nila. Gaya ng dati, kay Tiffany siya nakisuyo na sabihin iyon sa akin. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong dahilan kung bakit tumanggi ako. Ayon kay Tiffany ay kasali daw sa baseball team si Craig at gusto sana nitong mapanood ko ang laro niya. May mahalaga rin daw itong sasabihin. Nagkaroon ako ng agam-agam nang marinig ko iyon. Parang nakaramdam ako ng takot na hindi ko mawari kaya hanggang sa maka-graduate kami sa high school ay hindi na ako tumapak pa sa school grounds nila. Ang huli kong balita ay nagpunta na raw ng Canada si Craig para sumunod sa tatay niyang doon nagtatrabaho.

Third year college na ako at pareho kami ng kursong kinukuha ni Tiffany. Magkaklase rin kami sa ilang subject dahil pareho kami ng school na pinapasukan. Isang araw ay napadaan kaming dalawa sa guidance office. May nakita kaming poster tungkol sa isang retreat na gaganapin sa school grounds sa Biyernes sa linggo ring iyon. Invited ang lahat ng gustong mag-participate kahit ang taga-ibang schools.

"Sali tayo Li," sabi ni Tiffany.

"Masaya ba iyan?" Aaminin ko, hindi ako palasimba. Nabibilang din ang mga pagkakataong tumatawag ako sa Kanya.

"Oo. Baka sakali mapagtibay nito ang natitirang paniniwala mo sa Kanya," dinunggol pa niya ako sa balikat. Natawa na lang ako at pumayag na magpalista kami sa retreat at magbayad ng admission fee. 

Araw ng retreat at nagulat ako sa dami ng turn-out. May taga-ibang schools din na mga participants. Bago mag-umpisa ang retreat ay nagpaskil ang mga facilitator ng list of groupings na naka-assign sa specific na rooms sa loob ng school. Ang room na iyon ang siya rin naming tutulugan habang may retreat. Nasa school gym naman ang activity area. Iyon ang kasalukuyang kinokonsulta namin ni Tiffany kung saang room kami naka-assign.

"Room 304 tayo Tiff, sa Dunham Building. Tara na."

"Nakakapagod pa naman akyatin iyon," nakalabing tugon ni Tiffany pero nakasunod naman sa akin. Bitbit ang backpack ay umakyat kami ni Tiffany sa nasabing building para iwan doon ang mga gamit namin.

Nakasandal ako sa pinto ng room namin at ini-enjoy ang malakas na ihip ng hangin sa third floor habang hinihintay kong matapos si Tiffany sa pag-aayos nang marinig ko ang pagkalabog ng pinto sa kabilang kuwarto. Nang lingunin ko kung sino iyon ay parang napako ako sa kinatatayuan. Natigil din ang kalalabas pa lang na lalaki sa pinto sa kabila, nakita rin niya ako. Sa tagal ng panahong mula ng huli ko siyang nakita, hindi pa rin nagbabago ang mga matang iyon. Kung makatitig ay pinanlalambutan pa rin ako ng tuhod. Craig Contreras.

"Tara na." Sabi ni Tiffany pero natigil din siya nang makita kung sino ang tinitingnan ko.

"Craig? Oh my god! Ano'ng ginagawa mo dito? Akala ko nasa Canada ka?" tuloy-tuloy na nilapitan ito ni Tiffany. Bigla akong nainggit sa kaibigan ko, bakit wala akong ganoong lakas ng loob gaya niya? Nagkasya na lang ako sa pagtitig.

"Umuwi ako last year lang," narinig kong sagot ni Craig habang nakatingin pa rin sa akin.

"Li, remember him?" baling ni Tiffany. Pakiramdam ko ay nadikit ng mighty bond ang bibig ko kaya hindi ako nakapagsalita kung kaya tumango na lang ako.

Lumipas ang maghapon na lutang ang pakiramdam ko. Conscious na consious ako lalo na at alam kong nariyan lang sa paligid si Craig. Kagat na ang dilim nang i-anunsyo ng facilatators na kakain muna kami ng hapunan bago ituloy ang activity. Pagkatapos naming pumila ni Tiffany para kumuha ng pagkain ay nakakita kami ng isang bakanteng mesa. Hindi pa ako nangangalahati sa kinakain nang tabihan ako ni Craig.

"Uy buti nahanap mo kami. Sa dami ng tao halos hindi na tayo nagkikita." Puna ni Tiffany.

"Kayang-kaya ko kayong hanapin kahit ihalo kayo sa karamihan," sagot ni Craig sabay sulyap sa akin. Kunwari ay wala akong nakikita na ipinagpatuloy ko lang ang pagkain pero naramdaman ko ang pasimpleng pagsipa ni Tiffany sa paa ko sa ilalim ng mesa. Kay Craig siya nakatingin. Ginantihan ko ng sipa ang paa ni Tiffany dahilan para mauga ang lamesa. Kung nahuli man kami ni Craig sa ginagawa ay hindi ito nagpahalata. Parang walang nangayaring ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain hanggang sa matapos ako.

Bumalik na kami sa gym para sa acvitity. Pagdating namin doon ay madilim ang paligid. Kung hindi dahil sa maraming kandilang nasa gitna ay hindi mo makikita ang katabi mo.

"Pumili na kayo ng puwestong gusto ninyo. Pagkatapos ay kumuha kayo ng tig-isang kandila mula sa gitna at dalhin ninyo kung saan kayo nakaupo. Reflect on the things you regret the most for ten minutes. I want you to close your eyes while reflecting. Magbibigay ako ng hudyat ng umpisa ng ten minutes. I will ring this bell with me kapag hudyat na para imulat ang inyong mga mata," sabi ng facilitator.

Kanya-kanya kaming kuha ng kandila at bumalik sa puwesto. Nang ibigay ang hudyat ng pag-uumpisa ay nagsalita ipinikit ko ang mga mata ko. Kasabay noon ay ang pag-play ng isang melody sa background. "Balikan ninyo ang nakaraan, ang mga bagay na pinagsisihan ninyong ginawa at hindi ninyo ginawa. Think about the things that you could have done."

Unconsciously, kusang sumunod ang isip ko sa boses ng facilitator. Bumalik ako sa nakaraan. Sa school fair nila Tiffany at Craig. Kung naglakas-loob akong kausapin siya, may mababago kaya? Kung bumalik uli ako sa school nila para manood ng laro niya, ano kaya ang nangyari? What if hindi ako nagpadala sa takot ko? What if I owned up to what I really felt back then? Paulit-ulit ang katanungang iyon sa isipan ko.

"When you open your eyes, I want you to take your candle with you and go outside. I want you to pretend na iyan ang isang taong gusto mong sabihan ng sorry the most. Talk to the flame as if you would to that person. Pagkatapos mong masabi lahat, blow the candle to extinguish the flame. It will signify of your coming to terms with your regrets." Sabi ng facilitator bago niya pinatunog ang bell na hawak.

Iminulat ko ang mga mata ko. Ang unang taong nakita ko nang tuluyan akong magmulat ay walang iba kundi si Craig who's been sitting across from me the whole time. Wala akong nakitang kahit na anong emosyon sa mga mata niya. Bitbit ang kandila, tumayo na ako sa kinauupuan at lumabas. Naghanap ako ng puwestong walang makakagambala sa gagawin kong pangungumpisal. Napadpad ako sa grotto ng school, tamang-tama wala pang nakapuwesto doon. Inilapag ko ang kandila sa ibabaw ng isang bato at naupo. Saan nga ba ako mag-uumpisa?

Siya namang pagdating ni Craig. Nagulat ako pero siya dedma lang sa reaction ko. Inilagay niya sa tabi ng kandila ko ang bitbit niyang kandila at naupo sa tapat ko. Saka siya tumitig sa apoy na parang wala ako sa tapat niya.

"Marami akong regrets. At gusto kong sabihin sa kanya lahat ng iyon ngayong nagkita na ulit kami," panimula niya habang nakatingin pa rin sa apoy ng kandila.

Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin at ginaya ko rin ang ginagawa niyang pagtitig sa kandila. It's now or never. "Gusto kong mag-sorry sa kanya dahil hindi ako nanood ng baseball game niya." My voice turned soft, bigla kasi akong nakaramdam ng hiya.

"Ayaw ko siyang isali noon sa laro namin noong grade four dahil naiinis ako sa mga kalaro namin na tingin ng tingin sa kanya." Ani Craig. Napangiti ako pero hindi ko hiniwalayan ng tingin ang kandila
"Masaya ako na kinakabahan noong kinausap niya ako nang magkasalubong kami papuntang CR," amin ko.

"Sana hindi ako natalo ng kaduwagan noon."

"Gusto ko siyang kausapin noong school fair kaya lang hindi ko alam ang sasabihin ko." Hindi ko sinubukang tingnan kung nakatitig pa rin siya sa kandila.

"Ang saya ko noong school fair, nalulon ko nga lang ang dila ko dahil hindi ako makapaniwalang kaharap ko na siya. Hindi ako umaalis sa tabi niya habang nag-iikot kami dahil ang dami kong gustong sabihin na hindi ko naman nagawa."

This time ramdam kong tumingin na si Craig sa akin. Unti-unti ang ginawa kong pag-angat ng tingin. Natatakot pa rin ako pero susubok na ako. I met his eyes and the look he gave me was enough to make me melt.

"I think I missed him, a bit." Ngumiti siya sa sinabi ko at nahawa rin ako sa ngiti niya.

"I don't think I missed her a bit," sabi niya pagkatapos ay tumigil, "I know so because I missed her so much."

May bikig na bumara sa lalamunan ko. Nahilam na sa luha ang mga mata ko bago ko naramdaman ang daliri niya sa pisngi ko.

"Sigurado na ako," bahagyang bumaba ang boses niya, "I love her then, I love her now and I'll love her more in the coming days to come."

Tuluyan ng pumatak ang pinipigilan kong luha. Hindi ko alam ang sasabihin ko, pero alam kong masaya ako. At alam ko na rin kung ano ang damdaming binuhay niya sa dibdib ko. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at tinabihan ako. He gathered me in his arms habang parang timang akong iyak ng iyak sa balikat niya. Nang mahimasmasan ako ay nauupos na ang kandila sa harap namin.

"Hey," bulong niya sabay angat sa mukha ko, "is there a chance that you can love me back?" Parang may pumiga sa puso ko sa nakikita kong uncertainty na nakasilip sa mga mata niya.

"I love you too, idiot." Nakangising sabi ko. Parang kiniliti ang puso ko nang mapahalakhak siya at parang nanggigil na hinigpitan ang yakap sa akin. His eyes turned serious against the flickering candle light as he lowered his head to claim my lips for a kiss.



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: