Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Part II. Finally

Hawk's Well Theatre
Co. of Sligo

Napahawak sa tuhod ang dalawa. Habol-habol nila ang paghinga nang marating nila ang bungad ng teatro kung saan magpe-perform ang Westlife. Malayo rin kasi ang pinagparkehan nila ng sasakyan dahil marami na ang mga naunang makapag-park ng kani-kanilang kotse sa palibot ng Hawk's Well.

Limang minuto na lamang bago magsimula ang mini concert. Nang mahimasmasan ay ibinigay na nila sa ticketing officer ang pinakaiingatan nilang ticket. Tinungo na nila ang nakatalaga sa kanilang upuan na nasa ikalawang row mula sa entablado. Nasa may bandang gitna ito kung kaya napakaganda ng nakuha nilang puwesto.

"Bigla akong nagutom dahil sa pagda-drive ha?" Sinimulan nang lantakan ni Ynah ang popcorn na binili nila kanina lamang.

"Woi, be. Hinay lang ah? Baka 'di pa nakapagsisimula 'yung concert, ubos na 'yan," pagsita ni Kristin sa kaibigan.

"E 'di kapag naubos, si Brian naman ang kakainin ko. Rawr!" Umakto pa ito gamit ang kamay.

Hinampas ni Kristin nang marahan ang braso ng kaibigan. "Yung bunganga mo naman oh, 'di lang tayo ang magkasama." Napahagikhik na rin siya dahil sa katabilan ng dila ng kaibigan.

"Hayaan mo sila. Hindi naman nila tayo kilala." Hinawi pa niya ang buhok na nakaharang sa may dibdib niya. Inilagay niya ito sa likuran.

"Ay iba rin. May pa-hair flip ang lukaret!" palatak ni Kristin at kiming nagtawanan ang dalawa.

Nakuha nila ang ticket dahil sa ini-announce na promo ng Westlife. Kari-release lang kasi ng World of Our Own na studio album ng mga ito.

Nagpa-contest ang Westlife na exclusive lamang sa mga residente ng Sligo. Bawat World of Our Own CD na mabibili nila ay mayroon silang isang entry para sa raffle. Ang mapipili ay mapalad na makapanonood ng mini concert sa Hawk's Well.

And guess what? Sina Ynah at Kristin ay kabilang sa mga napili.

Paanong hindi mapipili? Dalawampung CD ba naman ang binili ni Ynah at lima naman kay Kristin. Marami tuloy silang spare copies sa ngayon. Hindi naman alintana iyon ng dalawa dahil ang mas mahalaga sa kanila ay ang makita sa personal ang kanilang mga iniidolo.

Tumugtog na ang pambungad na awitin kung kaya ang lahat sa loob ng teatro ay napatili at napatigil sa kani-kaniyang pinagkakaabalahan. Bawat isa ay tumutok na sa bulwagan.

Lalong lumakas ang tilian nang sa wakas ay lumabas na ang limang binata habang inaawit ang pamoso nilang kantang "Uptown Girl".

Nakabibinging tilian ang umalpas sa bibig ng magkaibigang sina Kristin at Ynah. Pareho silang 'di makapaniwala na ilang dipa na lamang ang layo nila sa mga iniidolo.

"Waaaaaaaah! Baby Brian, I love you!" Masayang iwinagayway nila ang banner na pinasadya para sa event na ito.

"We love you, Westlife!"

Sinundan pa iyon ng maraming kanta. Ganoon pa man ay hindi pa rin nauubos ang enerhiya ng mga dalaga.

Nang simulang awitin ng lads ang "Queen of My Heart" ay tumingin sa dako nina Kristin si Brian Mcfadden at nagpokus doon ng halos tatlong segundo.

"Waaaaaaah! Tumingin siya sa akin!"

"Anong sa 'yo? Sa akin!" ani Ynah.

"Nagtatalo-talo pa kayo. E kay Ms. Kerry siya nakatingin!" saad ng katabi nilang lalaki. Itinuro nito ang babaeng nasa may bandang unahan lang nila.

Lumingon ang babaeng tinukoy at buong tamis na kinawayan sina Kristin pati na rin ang lalaking sumuway sa kanila. Napayuko na lamang ang dalawang magkaibigan dahil sa labis na hiya.

Si Kerry Katona ang girlfriend ni Brian Mcfadden. Dahil sa pakikipagdaldalan sa isa't isa ay hindi akalain ng dalawang magkaibigan na malapit lang pala sa kanila ang nobya ni Brian.

"Grabe, andami nating kalandiang pinagsasabi kanina. Nakakahiya kay Miss Kerry!" Siniguro ni Ynah na mahina ang tinig niya habang bumubulong siya kay Kristin.

Sumagot ang kaibigan niya. "Lokaret ka. Sabi mo pa naman kanina e gusto mong magpaanak kay Brian!"

"Wow ha, ikaw nga sabi mo gusto mong magpakama kay Brian kahit isang gabi lang. Mas nakakahiya 'yun!"

Napatampal sa noo si Kristin. Kung puwede lang ay kainin na siya ng lupa sa puntong iyon ay mas nanaisin pa niya.

Nanatiling tahimik ang dalawa sa nalalabing oras ng concert. Nang matapos ay kaagad nilang nilisan ang upuan palayo kay Kerry.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro