Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

"ANO ba naman 'yan Nang Sol, sa lahat ng ospital dito pa talaga?" Ilang linggo na niyang iniiwasan si Kevin. Hindi na nga siya nangungulit. Sinabi niya lang busy siya. 'Di naman nagpaparamdan 'yon. Sabagay masaya na ito sa buhay nito. "Pwede naman doon tayo sa isa."

"E, pakialam mo ba? Mas maganda naman dito. Ikaw, sasamahan mo na nga lang ako puro ka pa reklamo. May inutangan ka ba rito, ha?"

"Wala po!"

"Nauuhaw ako." Kinuha nito ang wallet sa bag nito. "Bilhan mo muna ako ng tubig sa canteen. Hihintayin kita roon sa clinic na tinuro ko sa'yo kanina." Inabot nito ang sengkwenta pesos sa kanya. "Ibalik mo ang sukli ah. Baka samahan mo pa 'yan ng Piatos na bata ka. Kilala ko 'yang hilatsa ng bibig mo."

"Ay grabe siya, 'di ho, may pera ako. Kaya kung bumili ng sariling vendo machine. O siya, magkita na lamang tayo roon."

"Bilisan mo."

"Opo."

Naghiwalay na sila ni Nang Sol at tinungo niya ang direksyon ng canteen ng ospital. May nadaanan siyang vendo machine kanina e. Hala, nakalimutan niyang itanong kay Nang Sol kung anong klaseng tubig ang gusto niya. Distilled? Natural? Purified? Or alkaline? Naks!

Hayon, nakita na niya. Sana talaga 'di sila magkita ni Kevin at baka mabuhos pa niya ang laman ng tubig rito. Bitter na bitter pa naman siya sa buhay.

Ipinasok na niya ang buong sengwenta pesos sa machine nang mamataan niya ang isang pamilyar na babae. Mukhang. Wait. Teka, si Belle 'yon ah. Pinindot niya muna ang letra ng bottled water na napili niya bago muli sinilip si Belle. May kasama itong lalaking doktor pero hindi naman 'yon si Kevin.

Nasa dalawa pa rin ang mga tingin niya habang kinukuha ang tubig at ang sukli. Masama talaga ang kutob niya sa Belle na 'yon. Iba kasi ang ngiti nito sa binatang doktor. At pati 'yong kasama nito, panay ang pisil sa pisngi nito.

Halatang naghaharutan!

"Tang na juice! Niloloko ba nito si Kevin nang harapan?" Nanlaki ang butas ng mga ilong niya. Humigpit ang hawak niya sa bottled water. "Hindi pwede 'to. Hindi siya nagpa-ubaya para lang saktan nito ang Kevin niya."

Nag-martsa siya sa direksyon ni Belle at ng kasama nito. Agad naman siyang napansin nito at bahagya pa itong nagulat nang makita siya.

"Pwede ba tayong mag-usap?" kalmado na tanong niya kay Belle. Syempre, hindi naman siya eskandalosa. Mukha lang. "Kung okay lang?"

"Adam." Tinapik nito ang braso ng kasama nito. "Si Mohana, kaibigan ni Kevin."

Ngumiti ang lalaki sa kanya. "Hi," bati nito. Inilahad nito ang isang kamay sa kanya. "I'm Adam, I've heard so much about you."

Sinong nag-chi-chika sa talambuhay niya sa ospital na 'to? Nakipag-kamay pa rin siya sa binatang doktor.

"Mauna ka na, mag-uusap muna kami ni Mohana, Adam."

"Sure, sabay na tayo mag-lunch."

"Okay." Nagpalitan pa ng matatamis na ngiti ang mga traydor. "Sa rooftop garden tayo, Mohana. Maganda ang view doon." Huwag sana niya itong matulak sa rooftop. Naku!



"HINDI sa nangingialam ako sa relasyon n'yo ni Kevin pero hindi naman pwedeng girlfriend ka niya pero may ibang lalaki kang ka sweet-sweet sa mismong ospital kung saan kayo nagtatrabaho."

"I'm sorry, I know Kevin will never forgive me."

"Hindi ka talaga niya mapapatawad. Cheating 'yan e."

"Look, it's not what you think of. Walang kami ni Kevin."

"Walang kayo?" Kumunot ang noo niya. "Paanong wala? 'Di ba umamin siya noong nakaraan na kayo?"

"Yes, but it's not for real. I have to do it for his sake. Hindi ko pwedeng sabihin sa'yo ang dahilan dahil alam kong magagalit siya. Pero, pwede mo siyang puntahan sa Maynila. Ibibigay ko sa'yo ang address ng ospital kung na saan siya."

"Ba't ko naman siya pupuntahan doon?"

Inabot nito ang kamay niya. "Mohana, kailangan ka ni Kevin. Kailangan mo siyang puntahan doon. Pero huwag mong sabihin sa kanya na alam mo nang wala kaming relasyon na dalawa. Huwag mo ring banggitin na pupuntahan mo siya dahil alam kong tatakas ang isang 'yon."

Nalilito na siya. Ano ba talagang nangyayari? Bakit 'di nito kayang sabihin sa kanya ang totoo?

"Puntahan mo siya."



"PAMBIHIRA naman oh. Ba't ang mahal naman ng plane ticket Kuya Erck! Wala bang installment diyan? One way lang muna. Baka sa lansangan ako ng ka Maynilaan tumambay."

"E, asap naman kasi ang pinapahanap mo sa'kin na schedule. Mahal talaga 'yan kahit na ibenta ko pa ang kaluluwa ko."

Pinuntahan niya ang kaibigan niyang nag-bo-booked ng flight. Nagbabakasali siyang makakuha ng mas murang flight fare.

"Huwag ka na lang kasing mag-service-charge, dami ko nang na i-refer na customer mo. Ipa-incentives mo na lang 'yon sa'kin."

"Oo, sige, magkano ba budget mo?"

"One, five, ano, meron ba?"

"Sige mag-barko ka."

"Tang na juice naman oh. Wala bang mas mura riyan?"

"Four k, ano game ka? Installment na lang natin. Two k, muna tapos sa susunod na lang ang balanse. Booked ko na 'to, bukas ng hapon ang flight schedule."

Napakamot siya sa ulo. Langya, ang sakit ng four k. Sige, pababayaran niya na lang 'to kay Kevin kapag umuwi siyang basag ang puso.

"Sige, go, booked muna."

"Sino ba pupuntahan mo roon?"

"Ang ama ng anak ko."

"Buntis ka?"

"Oo, pero, secret lang muna natin 'to."

Tang na juice! Dapat talaga tayong magkita at mag-usap Kevin dahil wala na akong pera pauwi.

"Teka, kailangan ba ng passport diyan?"

"'Di na,"

"Okay, push mo na 'yan."



"ILANG araw ka ba sa Maynila, Mohana?" tanong sa kanya ng nanay niya habang nag-i-impake ng mga gamit niya sa malaking bag niya. "Aba'y sa laki ng bag mo. Inubos mo na lahat ng mga damit mo ah."

"Nay, para namang andami kong damit. Ilang piraso lang naman ito." Itinigil niya ang ginagawa at hinarap ang buong pamilya niya na nakatayo sa may pintuan. "Hindi naman ako mag-a-abroad para panoorin n'yong mag-impake. Kaloka kayo!"

"Ano ba kasing gagawin mo doon?" tanong ng tatay niya.

"Doon ho ako kina Laura tutuloy." Pagsisinungaling niya. Pero tatawagan niya si Laura mamaya kapag wala talaga siyang matuluyan at kapag 'di niya mahanap si Kevin. "Bibisita lang ako. Pagbakasyonin n'yo naman ako. Buong buhay ko, nandito lang ako sa Cebu."

"Ate, pasalubong, ha?" hirit pa ni Mickey.

"Oo, dadalhin ko ang statue ni Rizal para sa'yo."

"Ate naman e."

"Babalik rin ho ako agad. May kailangan lang akong gawin doon." Tumayo siya at nilapitan ang pamilya niya. "Isang sakong bigas na ho ang binili ko. Dios ko naman, tipirin n'yo naman. Kakaloka kayo. Saka nag-grocery na rin ako. Kapag naubos, umutang muna kayo kina Aling Tess. Ako na ang magbabayad."

"O sige, basta mag-ingat ka. Tumawag ka kapag nakarating ka na roon."

"Ate, pasalubong – " Pasimple niyang binatukan si Mickey. "Aww!"

"Hihirit ka pa e."

"Ate, bili mo ko ng sap –" tinapalan niya naman ng kamay ang bibig ni Jafar.

"Isa ka pa e. Sa Maynila lang ako, hindi ako mag-du-Dubai."



MAS madami pa yata ang selfie ni Mohana kaysa ang oras na magpapahinga siya habang lulan ng eroplano. Aba'y ang mahal-mahal ng bili niya ng plane ticket. Magba-barko na lang siya pauwi.

Pagkalapag na pagkalapag ng eroplano ay mabilis na lumabas siya at pumara ng taxi.

"Saan po tayo ma'am?"

"Sa St. John's Hospital po," basa niya sa text ni Belle sa kanya. "Malayo po ba 'yon manong?"

"Medyo malayo po ma'am."

"Ah, sige."

True enough, isang oras sila sa trapik at isang oras sa b'yahe. Dios ko, tagaktak ang five hundred pesos niya. Nang makarating sila sa St. John's ay inabot niya sa driber ang isang buong one thousand. Pero tinanggap lang nito 'yon. Ay kaloka!

"Manong ang sukli ko po."

"Po?"

"Manong, five hundred lang 'yong nasa meter mo. One k, 'yong binigay ko. Sukli ko po."

"Wala po akong panukli –"

"So sino po sa atin ang mag-a-adjust?"

"O, heto na!" Asar pa na ibinigay nito ang buong five hundred pesos. "Sa susunod, mag-abot ka ng sakto lang."

"Kaloka, 'di naman ako na inform na hindi pala kayo nagsusukli rito sa Maynila? Bagong batas po ba 'yan? Ba't wala niyan sa Cebu? Salamat pa rin ho. Tuwang-tuwa po lahat ng dandruff ko sa ulo." Marahas na niyakap niya ang bag at lumabas ng taxi. "Na-e-stress ako, ha? Ang laki-laki na nga nga five hundred, gusto pa ng one k."

Inangat niya ulo sa buong building ng ospital. Napalunok siya. Saan ko naman hahanapin ang isang Dr. Kevin de Luca dito?



NATAGPUAN ni Mohana ang sarili na kumakain na lamang ng biscuit sa canteen ng ospital. Nagtanong na siya kanina sa lobby ng ospital kung may Dr. Kevin de Luca, sabi naman nila, oo. Pero 'di raw naka duty ngayon.

Kung suswertehin ka nga naman. Dami na niyang paghihirap ngayong araw, ha? Tinignan niya ang 'di pa niya nasi-send na text para kay Laura. Wala siyang matutuluyan. At hindi naman siya pwedeng manatili sa ospital.

Napakibot-kibot ang mga labi niya.

Ah bahala na. Message sent. Tatapusin na niya ang kinakain at hihintayin ang reply ni Laura. Kakapalan na niya ang mukha. Kaysa naman wala siyang matuluyan ngayong gabi at sa mga susunod na araw.

Mabilis naman na nag-reply si Laura. Okay lang daw. Sinabi nito ang address. Tatagaktak na naman ang pera niya nito.

Kinuha na niya ang mga gamit niya nang makita niya si Kevin sa may pinto ng canteen. Nagulat ito nang magtama ang mga mata nila. Napakurap-kurap siya nang makita itong nakasuot ng pampasyenteng damit.

May sakit ba ito?

"Kev –" Bigla itong kumaripas ng takbo. "Ay grabe!" Niyakap niya ang bag at mabilis na sinundan ito. Langya! May balak pa itong makipaghabulan sa kanya. "Hoy Kevin! Huwag mo akong takbuhan. Bumalik ka rito!"

Hinihingal na siya ilang takbo pa naman ang ginagawa niya. Hindi na niya pinapansin ang mga nasasagi niya. Nag-so-sorry na lang talaga siya dahil kailangan niya talagang makita si Kevin. Hindi ito pwedeng mawala sa paningin niya.

"Hoy Kevin! Tumigil ka! Panagutan mo ako! Langya ka!"



HINIHINGAL pa rin siya nang balikan siya ni Kevin. Ang walangya! Naikot yata nila ang buong building. Inabot nito sa kanya ang isang bottled water bago naupo sa tabi niya. Nasa garden sila ng ospital.

Kumakalat na rin ang kulay kahel sa buong kalangitan tanda na papalubog na ang araw.

"Nabu-bwesit ako sa'yo, alam mo ba?"

Natawa ito sa tabi niya. "Minaliit kita masyado. Nakalimutan kong ikaw pala si Mohana. Wala kang hamon na 'di sinusukan."

Binuksan niya ang takip ng bottled water at tinungga ang laman nun. Nakaramdam siya ng ginhawa.

"Ba't ka nagtatago rito?"

"I'm not hiding."

"May sakit ka ba?" Ibinaling niya ang mukha sa gawi ni Kevin.

Maputla ang mukha nito at halatang namayat. Alam niyang hindi 'yon ang tamang oras na purihin ang angking kagwapohan ni Kevin pero kahit na maputla ito, hindi naman 'yon nakabawas sa kagwapohan nito.

"Yata?" nakangiting sagot nito. "Halata ba?"

"O, ba't masaya ka pa?" Bakit ba feeling niya, hindi lang simpleng sakit ang meron ito? Natatakot siyang kompormahin 'yon pero kung babasehan ang itsura nito ngayon. Maaring tama nga ang kutob niya.

"Hindi ba ako gwapo sa paningin mo?"

"Gwapo ka pa rin."

Sumilay ang ngiti sa mukha nito. Pero ang ngiti na 'yon ay hindi man lang umabot sa mga mata nito. May lungkot at lumbay sa mga mata nito. Gusto niyang pawiin 'yon mula rito.

"Sinabi na sa akin ni Belle ang totoo. Wala raw kayo."

"Ouch."

"Kevin, seryoso ako. Anong problema mo?"

"I'm sick, Mohana... very sick." Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi niya gusto ang kasunod na sasabihin nito. "I have a malignant brain tumor. They say I'll live, which I think, I will, but I know, I'll never be the same as before."

Ramdam niya ang matinding lungkot sa boses nito.

Nanikip ang dibdib niya. Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya. Nasasaktan siyang makita itong ganoon. Malayo sa makulit at masayahing Dr. Kevin na minahal at kilala niya. Tila inalis ng sakit nito ang saya na nakikita niya sa mga mata nito noon.

"Alam na ba ng mga kaibigan mo?"

"I haven't told them yet," may ngiti pa ring iling nito. "Ayoko muna silang guluhin. I know how stressed Rave now with Laura's pregnancy. May trauma na 'yon dahil sa first wife niya. Mykael is still fixing his relationship with Gumie. Peter is still busy with his life."

"Kailan mo naman balak na sabihin sa kanila ang totoo?"

"Kapag na schedule na ang operation ko. We're still conducting some tests."

"Pero bakit nagsinungaling ka? Bakit nagpanggap ka na may girlfriend ka na?"

"So you won't pester me," he chuckled. "I know how much you like me."

"Kapal mo! Pero oo, gusto kita. Walangya ka pa rin. Ba't ko pa itatago e, matagal mo naman nang alam." Naiiyak siya. Bwesit na mga luha 'to. Marahas na pinunasan niya ang mga luha. "Langya! May installment pa akong two k sa plane ticket ko. Alam ko na may malaki ka pang bayarin pero bayaran mo muna."

Malakas na natawa si Kevin. "Ewan ko sa'yo Mohana."

"May extra bed ka ba sa kwarto mo?" iyak pa rin niya.

"Let me guess? Makikitulog ka?"

Tumango siya. "Oo, ako muna mag-aalaga sa'yo. Mukhang solo flight ka e. Alam ko kasi 'yong pakiramdam na nag-iisa." Umisod siya palapit rito at niyakap si Kevin. "Aalagaan kita."

"Mohana."

"Sorry." Lumayo na siya. "Pero Kevin, ba't mo ba kasi pinapahirapan ang sarili mo? Pwede mo naman akong tawagin? Pwede kitang alagaan."

"You've been through a lot. You have to take care of your family. Your brother's education. You have so many responsibilities on your shoulders. Hindi mo na kailangang isipin ang kalagayan ko. I can take care of myself."

"Malaki ang braso ko. Kaya kitang idagdag sa mga alalahanin ko. Hindi ka magiging pabigat sa akin. Madami ka ring naitulong sa akin. Sobra-sobra pa nga."

"Mohana."

"Kevin, hayaan mo ako. Basta –"

"Pero Mohana –"

"Basta, pautang muna pambili ng additional isang sakong bigas at pang-grocery nila nanay na good for one month."

"Bwesit!" Tawang-tawa na naman si Kevin. "Na saan na ba 'yong scalpel ko?"

"Kevin naman e."

"Pag-iisipan ko. Then, I'll let you know."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro