Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17

"SA TINGIN mo ba hindi namin alam kung anong klaseng babae 'yang pinalit mo sa anak namin?"

Natigilan si Laura nang marining ang boses ng ina ni Hannah sa library ng bahay. Bahagyang nakaawang ang pinto. Mukhang hindi yata 'yon nasara nang maayos. Maingat na sumilip siya sa loob.

Parehong nakaupo ang tatlo sa maliit na sala roon.

Hindi niya makita ang ekspresyon ng mukha ni Rave dahil nakatalikod ito sa kanya. Nakaharap sa kanya ang dalawang matanda. Sina Donya Luisa at Don Roberto.

"Hindi ka na nahiya kay Hannah, isang hamak na babae lang sa bar ang ipinalit mo at gusto mong maging ina ni Ross. Are you out of your mind, Rave? Alam ba ito ni Emiliana?" dagdag pa ng ginang.

Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi basta-basta ang pamilya ni Hannah. Marahil madali para sa mga ito para pa-imbestigahan ang pagkatao niya.

"She's not what you think of –"

"We don't care about her. Our concern is, hindi kami papayag na tumayong ina ang babaeng 'yon kay Ross. For Pete's sake, Rave, sa isang bayarang babae pa talaga? Hindi mo na iginalang ang anak namin."

"Hindi bayarang babae si Laura. Magalit na kayo sa akin pero huwag n'yong idamay ang asawa ko. Wala siyang ginawang masama sa inyo. My decisions has nothing to do with you anymore. Ross is my son, hindi ko inaalis ang pagiging lolo at lola n'yo sa anak ko kaya sana respetuhin n'yo rin ho sana ang desisyon ko."

"You haven't changed a bit. You're still the selfish Rave."

Tumayo si Rave. Mabilis naman na nagtago siya sa gilid. Nanatili siya roon, hinintay niyang magsalita ulit si Rave.

"Bukas pa rin ang pinto ng bahay namin sa inyo. Just let me know kung bibisitahin n'yo si Ross."

"What did Hannah saw in you? You're nothing but a selfish man."

"I know."

Mabigat ang kalooban na bumuntonghininga siya. Bakit hinahayaan mo silang ganoon ang tingin sa'yo Rave? Bakit 'di mo ipagtanggol ang sarili mo? Sobra talaga siyang nasasaktan para rito.



"SO TAMA pala ako?"

Nasa cctv room ng ospital si Laura kasama nila Kevin at Peter. Tinignan nila ang video footage na sinasabi ni Peter. Nagulat siya kanina nang hinihingal na lumapit si Peter sa kanya. Sinabi nitong may nakita itong naka itim na lalaking nakasunod sa kanya.

Hindi lang pala kutob 'yon, talagang may minsang sumusunod sa kanya.

Natuon ang buong atensiyon niya sa naka zoom na mukha ng lalaking nakasunod sa kanya kanina sa ospital.

"Kailan pa 'to Laura?" seryosong tanong ni Peter sa kanya. "Matagal mo na bang napapansin na may sumusunod sa'yo?"

"Hindi naman lagi," sagot niya. "Noong unang beses, sa simbahan. Tapos noong isang araw na aksidente kaming magkita ni Mykael. Hindi ko lang masyadong pinansin dahil wala naman akong makita." Kinabahan siya para sa kaligtasan nilang magkapatid. Lalo na kay Ross at kay Rave. Paano kung madamay ang mga ito dahil sa kanya? "Peter, tungkol doon sa tiyo ko? Nahuli na ba sila?"

"Matagal na silang nahuli, Laura. Hindi ko pa nga lang nababanggit sa inyo dahil –"

"It's a long story, Laura. Ako na ang magku-kwento sa'yo mamaya," sabat ni Kevin. "So, sino 'yong lalaking sumusunod kay Laura? Is he related with her uncle?"

"Hindi ko pa sigurado. I'll ask someone to check on this, pamilyar sa akin ang mukha ng lalaki. Hindi ko nga lang sigurado kung saan ko siya nakita. For now, I'll talk with the head of the security and discuss this matter to him. Kailangang higpitan ang security sa ospital."

"Paano sila Ross at Rave? Paano kung madamay sila?"

"I'll tell him –"

"Huwag," pigil niya. "Ako na lang ang magsasabi. Masyado nang madaming iniisip si Rave ngayon."

Tumango ang dalawa.

"Sa ngayon Laura, huwag na huwag ka munang umalis na mag-isa. Kung mapansin mo na may nakasunod sa'yo, bilisan mo lang ang lakad at humanap ka agad ng mataong lugar, pumasok ka sa isang mall o store na may mga tao. Call us immediately at huwag na huwag kang umalis sa lugar na 'yon hanggat hindi pa kami dumadating."

Tumango siya.

"Pero pakiusap ko lang, huwag n'yo direktang sabihin kay Rave ang tungkol dito." Naibaling ng dalawa ang tingin sa kanya. Ngumiti siya sa dalawa dahil mukhang iniisip ng mga ito na mali ang gagawin niya. "Okay lang ako, ayaw ko lang mag-alala masyado si Rave. Madami na siyang inaalala ngayon. Ako na ang bahala sa kanya."

"Pero Laura –"

"Please Kevin."

Nagpakawala ng buntonghininga si Kevin.

"Fine, just promise us, you'll never do something stupid that will make your life at stake. Ito lang ang tanging magagawa namin para sa kanya. Ang siguraduhin ang kaligtasan mo at ng pamilya mo."

"Promise, makakaasa kayo."

NAGING busy si Rave sa trabaho at naging madalas ang pagiging tahimik nitong mga nakaraang araw. Bagama't wala namang nagbago sa relasyon nila ay kapansin-pansin pa rin ang pagod at pagkaaligaga nito. Madalas itong may malalim na iniisip.

Ngumingiti ito pero hindi na umaabot sa mga mata nito.

Madalas din itong nagkukulong sa library kapag nasa bahay ito. Gusto niyang kausapin si Rave pero lagi lang nitong sinasabi na okay lang ito. Hindi pa rin niya nasasabi ang tungkol doon sa lalaking sumusunod sa kanya. Ayaw niyang dagdagan ang mga alalahanin nito.

Naniniwala siyang matutulungan naman siya ni Peter.

Sumama siya kay Ross papunta sa lolo at lola nito. Hindi naman siguro mamasain ng mga ito ang pagkausap niya sa mga ito. Gusto lang niyang linawin ang mga bagay-bagay. Hindi naman pwedeng habang buhay na lamang manahimik si Rave.

Malakas ang tibok ng puso niya nang makarating sila sa bahay ng mga Rodriguez. Kinakabahan siyang humarap sa mga magulang ni Hannah pero aanhin niya ang takot na 'yon kung kapalit naman nun ang kalungkutan sa puso ni Rave.

"Pasok na po tayo Mama." Hinila na siya papasok ni Ross sa mansion. "Ito-tour po kita sa bahay nila lolo at lola."

"Mamaya na lang, baby. Kakausapin ko muna sila."

Hindi alam ni Rave na sumama siya kay Ross at kakausapin niya ang mga magulang ni Hannah. Hindi niya rin binanggit rito na narinig niya ang mga pinag-usapan ng mga ito noon sa library.

Nagbabakasakali lang talaga siya.

Kung makinig man ang mga ito sa kanya o hindi, ang mahalaga ay nasabi niya ang mga 'di masabi ni Rave sa mga ito.

"Ross -" Natigilan si Donya Luisa nang makita siya.

Mabilis naman na lumapit si Ross sa mga ito at nag-mano.

Bakas sa mukha ng dalawang matanda ang pagkagulat. Pero madali rin ang mga ito na makabawi. Humugot siya nang malalim na hininga. Kaya mo 'to Laura.

"Anong ginagawa mo rito, hija?" kalmadong tanong ng ginang sa kanya, bakas pa rin ang disgusto sa boses nito.

"Maari ko po ba kayong makausap?" lakas na loob na sabi niya. "Kayo pong dalawa. Kahit ilang minuto lang po."

Binalingan ng donya ang apo. "Ross, puntahan mo muna ang Manang Melai mo sa garden. Kayo na muna ang maglaro. Mag-uusap muna kami ng M-Ma... Mama Lara mo."

"Sige po lola." Binalingan nito ang lolo nito. "Lolo, si Twinkie po?"

"Natutulog sa dog house niya sa garden. Puntahan mo na lang apo."

"Okay po." Bumalik naman sa kanya si Ross at yumakap sa baywang niya. Ibinaba niya ang tingin sa bata saka hinaplos ang buhok nito. "Mama, mamaya po, i-tour po kita."

Ngumiti siya. "Sige, mamaya."

Kumalas na sa pagkakayakap sa kanya si Ross. Sinundo ito ng isa sa mga katiwala at naglakad na ang mga ito sa direksyon ng hardin.

Iginiya siya ng dalawang matanda sa sala. Naupo siya sa pang-isahang sofa habang ang dalawa naman ay nakaupo sa malaki at mahabang sofa. Hindi niya mapigilan ang sarili na maigala ang tingin sa buong paligid. Punong-puno ang mga 'yon ng mga larawan ng masayang mukha ni Hannah.

Maganda si Hannah. Sobra. Mukha itong anghel. Malayong-malayo ang ganda nito sa kanya. Mukha rin itong mabait at palaging naka ngiti. Kahit na hindi niya personal na kilala si Hannah, alam na niya kung bakit minahal ito nang sobra ni Rave.

"Anong gusto mong sabihin sa amin, hija?" basag na tanong ni Don Roberto.

"Huwag n'yo po sanang masamain ang sasabihin ko." Nagagap niya ang mga kamay sa itaas ng mga hita. "Pero sana po, huwag n'yo naman pong husgahan si Rave."

"'Yan lang ba ang ipinunta mo rito?" seryosong tanong ng ginang sa kanya. Nahulaan agad nito kung saan patungo ang usapan. At hindi nito gusto 'yon.

"Alam ko ho, nasaktan kayo sa pagkawala ng anak n'yo." Matapang na sinalubong niya ang mga mata ng mga ito. "Wala naman hong may gusto nun. Sino ba naman kasing gugustuhin na makita ang mga mahal nila sa buhay na mamatay? Mahirap din 'yon kay Rave. Hindi n'yo man siya nakitang umiyak o nakitaan ng kalungkutan, hindi naman 'yon nangunguhulugan na wala siyang pakialam... na hindi siya nasasaktan. Alam ko ho na mahal na mahal ni Rave ang asawa niya. Ramdam ko ho 'yon. At sa limang taon na lumipas, dala-dala niya ang sakit ng pagkawala ni Hannah."

"Alam niya kung gaano kahalaga sa amin ang anak namin. Inalagaan namin nang husto si Hannah pero 'di siya nakinig sa amin. Hinayaan niya pa ring malagay sa peligro ang buhay ng anak namin." Pansin niya ang pagpipigil ng ginang ng galit. Inabot ng asawa nito ang kamay nito. "Hindi mo alam ang mga pinagdaanan namin, hija. Masakit na masakit sa amin ang pagkawala ng anak namin."

"Naiintindihan ko po, kahit naman po ako. Maagang namatay ang nanay ko at may sakit sa puso ang kapatid ko. Inaamin ko ho na hindi ako nanggaling sa magandang pamilya at marahil maituturing na mali ang naging trabaho ko noon pero lahat nang 'yon ay tinanggap ko. Hindi ko naman 'yon kinakahiya. Pero sana huwag n'yo rin naman husgahan ang pagkatao ko dahil lang doon. Hindi man nanggaling sa akin si Ross pero kaya ko ho siyang mahalin bilang totoong anak."

"Hindi na ho natin maibabalik ang buhay ng anak ninyo. At alam ko na kung na saan man siya ngayon, mas magiging masaya siya kapag natutunan n'yo na rin hong pakinggan si Rave at bigyan ho siya ng pagkakataon na maipaliwanag ang sarili niya. Hindi ko ho personal na nakilala ang anak n'yo pero alam ko na may mabuting siyang puso at mahal na mahal niya rin si Rave at ang anak nila."

"Kaya huwag n'yo po sanang isarado ang puso n'yo para kay Rave. Naniniwala akong, sa maikling panahon na nagkasama sila, napasaya nang sobra ni Rave si Hannah. At ganoon din si Hannah, napasaya rin nito nang sobra si Rave. Mahal nila ang isa't isa, kung hindi namatay si Hannah, alam ko na, makikita n'yo pa rin ang totoong saya sa ngiti ng anak ninyo."

Nanikip ang dibdib niya. Naiiyak siya. Ramdam niya ang init na mga luhang namumuo sa sulok ng mga mata niya. Nasasaktan siya para kay Rave. Kung 'di nawala si Hannah sa buhay nito marahil ay 'di nito naranasan ang mga sakit na 'yon. Marahil hindi nito sinisi ang sarili. Marahil, malaki ang tsansa na mabago ang pagtingin ng mga magulang ni Hannah tungkol dito.

"Mabuting tao ho ang piniling mahalin ng anak ninyo. Naging mabuti kayong mga magulang kay Hannah. At alam kong, hindi niya kayo binalak na saktan. Naniniwala pa rin po ako na may dahilan ang Dios kung bakit nangyari ang lahat ng mga ito." Humugot siya nang malalim na hininga para pigilan ang huwag maiyak sa harap ng mga ito. "Salamat po sa oras." Pilit siyang ngumiti. "Sana ho pag-isipan n'yo po ang mga sinabi ko."

Tumayo na siya.

"Mauuna na po ako."

Hindi na niya hinintay ang mga ito na sumagot. Pinuntahan niya si Ross sa hardin at nagpaalam muna. At sa pag-alis niya sa bahay na 'yon. Tila ulan na bumuhos lahat ng mga luha niya. Lahat ng kinimkim niyang emosyon sa dibdib ay sumabog. Yumugyog nang husto ang mga balikat niya sa sobrang pag-iyak.

Okay lang 'yan Laura. Tama lang ang ginawa mo. Magiging okay rin ang lahat. Pero hindi niya mapigilan ang mga luha. Nasasaktan siya hindi dahil sa mga masasakit na salita na narinig niya mula sa mga magulang ni Hannah. Nasasaktan siya sa masakit na nangyari kina Rave at Hannah. Kung sa kanya nangyari 'yon, ikababaliw yata niya 'yon. Pero si Rave, nakaya nitong patuloy na mabuhay... kahit na araw-araw... gumigising ito sa sakit ng katotohanang wala na ang pinakamamahal nito.

Masakit.

Sobra.

Alam niya.

Nakikita niya 'yon sa mga mata nito.

"Why are you here?!"

Nagulat siya nang marinig ang boses ni Rave. Naingat niya ang luhaang mukha rito. Kunot na kunot ang noo nito sa kanya.

"R-Rave?"

"Why are you here, Laura?" may diin na balik tanong ulit ni Rave sa kanya.

Galit ito.

"Rave, kinausap ko ang mga magulang ni Hannah. Para... para... malaman naman nila 'yong side mo –"

"Sino ka para pangunahan ako?" Nagtagis ang mga panga nito sa galit. Napaatras siya. Nasaktan siya sa sinabi nito. Sino nga ba siya para pangunahan ito? "I didn't ask you to do that for me, Laura. Sinabi kong okay lang ako."

"Rave –"

"Wala akong pakialam sa kung ano mang iniisip nila sa akin. Magalit na sila kung magalit. Opinyon nila 'yon."

"Pero bakit? Bakit mo hinahayaan na gawin nila sa'yo 'yon?" hindi niya napigilan na sagutin ito. "Rave, alam mo sarili mo na wala kang ginawa. Alam mo sa sarili mo na minahal mo ang anak nila. Alam mo sa sarili mo na naging masaya sa piling mo si Hannah. Pero bakit hinahayaan mo silang husgahan ka? Bakit 'di mo ipaliwanag ang sarili mo?"

Hindi ito sumagot.

"Rave naman, bakit ka ba ganyan? Bakit mo ba sinasarili ang lahat? Nandito kami. Nandiyan ang mga kaibigan mo. Ang mga magulang mo. Si Ross. Handa kaming makinig sa'yo. Handa kaming samahan ka sa kalungkutan mo. Pero bakit tinutulak mo kami palayo? Alam kong sanay kang 'di dumidepende sa ibang tao pero Rave... pamilya mo kami... kung may mga tao mang lubos na makakaunawa at makakaintindi sa'yo na walang inaasahang kapalit... kami 'yon... si Kevin... si Mykael... ang mga magulang mo."

"You don't know anything Laura."

"Oo, pero pwede mo namang sabihin sa akin e. Makikinig ako. Pwede kang umiyak sa balikat ko. Huwag mong ipagkait sa sarili mo ang maging tunay na masaya. Ang maging malaya sa kalungkutan at pagsisisi. Walang may gusto nang nangyari."

"But that's me, Laura. 'Yan na ako. Kung hindi mo matanggap 'yon. Then you're free to walk away in my life."

Sa sinabi ni Rave, 'di niya napigilan ang sariling mga luha. Nanikip lalo ang dibdib niya sa huling sinabi nito. Ganoon lang ba 'yon? Dahil lang doon, makikipaghiwalay ito sa kanya? Ramdam niya ang unti-unting pagkadurog ng puso niya.

Sinubukan niya... hindi siya nagpatalo sa mga negatibong ideya na pumpasok sa isip niya... nilabanan niya ang mga 'yon dahil malaki ang paniniwala niya sa pagmamahal ni Rave sa kanya pero dahil lang sa pagkausap niya sa mga magulang ni Hannah ay madali lang nitong nasabi sa kanya ang mga masasakit na salitang 'yon.

Na tila ba, hindi malaking bagay rito ang pag-alis niya sa buhay nito.

"M-Mahal na mahal kita," hikbi niya. "Pero bakit ang dali lang para sa'yo na sabihin sa'kin na umalis ako sa buhay mo? Rave, masyado kang unfair."

Pero nanatiling bato ang ekspresyon ng mukha nito.

"Huwag kang mag-aalala. Ito na ang huling beses na makikita mo ako." Mga salitang 'di niya kailaman naisip na masasabi niya rito. Pilit siyang ngumiti sa kabila ng mga luhang ayaw tumigil sa paglandas mula sa kanyang mga mata. "Salamat sa lahat ng mga tulong mo."

Tinalikuran na niya ito at nagsimulang maglakad palayo.

Natutop niya ang bibig sa sobrang pag-iyak. Hindi niya inasahan na magtatapos sa araw na 'yon ang kung ano mang meron sila ni Rave. Tinapos nito nang ganoon lamang ang lahat.

Kung gaano kabilis na nakapasok sa puso niya si Rave. Ganoon naman kabilis siya nitong isinuko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro