Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13

BINATI si Laura ng isang tangkay ng pink rose mula kay Rave. Naingat niya ang tingin sa mukha nito. Nagtama ang mga mata nila.

"Good evening Laura," may ngiting bati nito sa kanya pagkatapos.

Ako ba ang dahilan ng pagdalas na pagngiti ni Rave?

"Good evening din Rave."

Or assuming lang talaga ako?

"Kumain ka na ba?"

"Oo, ikaw, kumain ka na ba?"

Ang awkward nito. Putik! Sisikatan pa kaya silang dalawa sa palitan ng linyahan nila?

"I had dinner with the clients pero hindi ako masyadong nakakain. Ano bang meron sa kusina?"

Ipinatong ni Rave ang itim na blazer nito sa backrest ng sofa. Mas lalo pa nitong niluwagan ang bukas ng polo nito sa pagkalas pa ng isang butones pagkatapos ng dalawa.

"Ref, kawa, kalan, oven saka lababo."

"Huh?"

"'Yon ang meron sa kusina."

Malakas na tumawa si Rave. Napakurap-kurap siya. Naninibago siya sa ugali nito. Hindi normal para sa kanya na maging ganoon si Rave. I mean, gusto niya pero... pero 'di siya sanay.

Itinaas ni Rave ang sleeves ng puting polo nito hanggang siko at bahagyang ikiniling ang ulo sa kaliwa. Hindi na ito tumatawa pero nanatili naman ang magandang ngiti sa mukha nito. Tila aliw na aliw itong tignan ang bumakas na kalituhan sa mukha niya.

Lutang na lutang ang isip niya. Hindi rumehistro sa utak niya ang mga sinasabi ni Rave sa kanya. Natatabunan 'yon ng mga katanungang nabuo sa ideya na gusto siyang ligawan ng isang Rave Sanjercas. Mga katanungang hindi niya maisatinig at nagkasya na lamang na guluhin ang kanyang isip at puso.

"Relax Laura," he chuckled.

"Ipagluluto na lang kita –"

"No, it's okay. Mag-i-instant noodles na lang ako. Care to join me?"

Napakamot siya sa noo. "S-Sige." Tumango siya. "Ako na ang maghahanda. Magbihis ka muna."

"Thanks," may ngiting sagot nito.

Mabilis na tinalikuran niya si Rave at tinungo ang kusina ng bahay. Kumuha siya ng dalawang instant noodles mula sa mga cabinet at nilagyan 'yon ng mainit na tubig mula sa hot and cold na dispenser. Maingat na dinala niya ang dalawang cup ng instant noodles sa dining room at inilapag 'yon sa mesa. Ipinatong niya ang tinidor sa takip at hinintay na maluto 'yon.

Sakto namang dumating si Rave. Nakabihis na ito ng usual na pambahay nito. Simpleng plain white shirt at black na track pants.

"Maaga bang natulog si Ross?" tanong nito. Humila ito ng silya sa tabi niya.

"Kakatulog lang niya, gusto ka sana niyang hintayin kaso mukhang antok na antok na talaga siya. Ikaw, okay ka lang ba? Mukhang pagod na pagod ka."

"I'm fine." Ngumiti ito sa kanya. "Naninibago lang ako. Matagal na simula nang huling mangialam ako sa business ng pamilya namin. My father never pressured me to take over our business dahil alam niyang 'di talaga 'yon ang gusto ko. Truth is, I haven't closed my door for Sanjercas' hotel. Alam ko na darating ang panahon na kailangan ko na ring tulungan ang mga magulang ko sa pagpapatakbo ng business namin. I'm their only child. Ako lang ang nag-iisang magmamana ng Sanjercas chains of hotels and resorts."

"Paano ang pagsusulat mo at saka 'yong pagko-comic artist mo?"

Inalis niya ang takip ng cup noodles na para kay Rave at maingat na itinulak 'yon sa direksyon nito. Inabot niya rito ang tinidor.

"May tinatapos lang ako, that would also be my last story."

"Hindi ka na magsusulat at magdo-drawing?"

"Well, technically yes, as a full-time artist."

"Pero passion mo 'yon, 'di ba?"

"Hindi ko naman talaga siya iiwan, Laura. It's actually a choice I already considered before. If you'll gonna ask me about my feelings, well, I know it would be a tough job and I may have to take a lot of adjustments along the way, but I'm sure I can still do it. The world had given me all the chances to live my dream... now, I want to live for my son and for my family."

"Wala akong alam sa business, pero alam ko na mahirap 'yon. Pero kahit ano pa man 'yan, susuportahan kita."

"So what's your answer?"

"Answer sa ano?"

"I like you." Nasamid siya sa bigla sa sariling laway sa naging sagot nito. "A, no, you're not my type. B, yes, I think we can try. C, I like you too. D, both B and C are the right answer."

"Narinig mo ako kagabi, no?" Nahihiyang baling na tanong niya rito. "Joke lang 'yon. Huwag mo masyadong isipin."

"I'm serious."

"Seryoso ka talaga?"

Tumango si Rave. "I like you. Gusto kitang ligawan."

"Pero bakit ako?"

"Because you make me happy."

Sobra siyang natigilan sa naging sagot ni Rave. Alam niyang prangka magsalita si Rave pero 'di niya inasahan na pati sa usaping pag-ibig magiging ganoon din ito ka prangka. Feeling niya tuloy ang ganda-ganda niya nang mga oras na 'yon.

"Gusto rin kita," amin niya. Aarte pa ba siya? Narinig nga siya, 'diba? "K-Kaya lang kasi –"

"Kaya lang kasi, hindi tayo bagay," dugtong nito. "Mahirap lang ako at mayaman ka. Dati akong nagtatrabaho sa bar at naging bayaran na babae. Ano na lang ang iisipin ng mga tao?"

"Tama."

"I really hate those kinds of lines, Laura. Don't you ever give me that reason."

"Pero Rave –"

"Kung dumating man ang isang tao na magpapasaya sa'yo. Huwag mong pigilan ang sarili mo na maging masaya. Deserve mo rin naman 'yon. Sounds familiar, Laura?"

"Ako nga nagsabi nun pero –"

"I like you. Period," putol nito sa kanya sa kalmadong boses. "Liligawan pa rin kita with our without your consent."

Ah bahala ka sa buhay mo. Ligawan mo ako kung gusto mo. Oo, ako na ang choosy. Sasagutin kita depende sa performance mo. Magmamaganda muna ako. Deserve ko rin naman 'yon.

"Wala man lang thank you sa pink rose na bigay ko?" mayamaya ay basag nito.

Pagbaling niya ng tingin kay Rave ay mukhang kanina pa ito nakatingin sa kanya. Salo ng isang kamay nito ang kanang pisngi. Hindi ito nakangiti pero tila ngumingiti naman ang mga mata nito. Bigla siyang nailang sa uri ng tingin nito. Naramdaman niya ang pag-init ng mga pisngi. Shuks!

"Salamat," mabilis na sagot niya sabay baling sa cup noodles sa harapan niya, "Lord sa pagkain."

Narinig niya ang mahinang tawa ni Rave sa tabi niya.

"You're welcome raw, sabi ni Lord."

Pigil niya ang sarili na mapangiti. Bahala na nga! Siya naman daw ang nag-suggest na sundin ni Rave ang nagpapasaya rito. 'Di naman siya na inform na siya pala 'yon. Umayos siya ng upo nang mapansin niya ang brand ng cup noodles. Lakas maka relate ng cup noodles na 'to. Swak na swak - Lucky Me.


"LILIGAWAN daw ako ni Rave."

Napakurap-kurap si Laura nang wala man lang siyang makitang shock reaksyon mula kay Mykael at Kevin. Si Peter ang naibuga ang iniinom na juice. Inabutan niya ng tissue ang lalaki.

"Thanks," anito sabay punas ng tissue sa bibig nito.

Tumango lamang siya. Umalis lang sandali si Rave, may bibilhin lang daw. Nasa isang coffee shop silang apat.

"O, bakit si Peter lang ang nagulat sa inyong tatlo?"

"Advance kaming mag-isip, Laura," sagot ni Mykael. "Alam na namin ni Kevin na doon din patungo ang lahat ng 'to."

"Rave is a very cautious man, you see? Lahat ng mga kilos niya ay kalkulado at pinag-iisipan. It's very rare for him to act on impulse unless it benefits him or he has something under his sleeves."

Naibaling niya ang tingin kay Peter. Hinintay niyang may sabihin ito tungkol kay Rave. Parang nagtaka pa ito sa pagbaling niya rito.

"Gusto mo bang magsalita rin ako?" Turo ni Peter sa sarili. "Wala ako gaanong alam kay Rave. Bago lang akong salta. But if you want to know my perspective, I'll tell you." Peter cleared his throat first. "Well, they're right, Rave seemed like the kind of man who don't act on impulse. He's not the type of guy who plays around like Mykael."

"Ay grabe kayo sa akin."

"Tumahimik ka. Totoo naman." Itinaas ni Kevin ang mug ng kape nito sa bibig at maingat na sinimsim ang mainit na kape nito. "Ikaw ang depinasyon ng marupok."

"Huwag kang makinig sa kanila Laura. Mabait ako. Alam mo 'yan. Mas mabait lang talaga ako sa mga babae." Gwapong-gwapo sa sarili na tumawa ito.

"Hayaan mo na lang si Rave na ligawan ka niya. Obvious naman na gusto mo rin siya."

Napamaang siya sa sinabi ni Kevin. "Ay –"

"Huwag mong pigilan ang sarili mo Laura," putol naman sa kanya ni Mykael. "Dahil kukutusan kita kapag sinaktan mo ang kaibigan namin."

Mas lalo siyang napamaang. "Wow, ha?"

Tinawanan lang siya ni Mykael.

"Dala-dala ko lagi ang scalpel ko in case iwan mo ang kaibigan namin madali na para sa aking laslasan ka ng pulso."

"Hoy!" Duro niya sa dalawa. "Grabe kayo sa akin. Bakit pinapalabas n'yong ako pa ang klase na magtataksil?" Ibinaling niya ang tingin kay Peter. "Ano, may banta ka rin sa akin?"

Umiling si Peter. "Ihahanda ko na lang ang libingan mo at mukhang isa sa dalawang 'to ang tatapos sa buhay mo. May death insurance ka ba?"

Hindi niya alam kung iiyak ba siya o kukutusan na lamang niya ang tatlong 'to. Nakaka-bwesit din ang mga 'to. Paano ba naging kaibigan ni Rave ang tatlong 'to? Napabuga na lamang siya ng hangin at marahas na ininom ang ice coffee niya gamit ang straw. Na-i-stress na siya.

"Bahala kayo sa buhay n'yo!"

"What did I missed?" Sakto namang nakabalik na si Rave.

Tumabi ito ng upo sa kanya. Saktong pagbaling niya ng mukha rito ay nagtama ang mga mata nila. Sumikdo bigla ang tibok ng puso niya. Napalunok siya sa sobrang pagka-ilang. Akmang ibabaling niya kina Kevin ang mukha nang mabilis na nailapat nito ang hinlalaki sa gilid ng labi niya. Marahan na pinunasan nito ang kung ano mang duming nakita nito sa parteng 'yon.

"O, magbunot-bunotan na lang tayo kung sino ang best man ni Rave." Narinig niyang sabi ni Mykael. "Ako na gagawa. Pahingeng papel saka ballpen. Kevin huwag ka nang umasa, malas ka sa pa raffle. Peter, dahil bago ka pa lang sa organisasyon, huwag ka rin munang umasa. O, paano ba 'yan? Ako pala ang best man."


"LAURA, wait!"

Nilingon niya ang tumawag sa kanya. Si Peter pala. Nauna sa sasakyan si Rave dahil naghanap pa siya ng cr sa mall na 'yon. Akala nga niya nakaalis na ang tatlo kanina pa.

"O, Peter, nandito ka pa pala? Bakit?"

"I forgot to give this to you." Mula sa bulsa ng pants nito ay inabot nito sa kanya ang isang pamilyar na nakatuping papel sa kanya. "Kasama 'to sa mga nakuha nila sa mga gamit mo. Mukhang importante kaya itinabi ko muna."

Halos nakalimutan na niya ang tungkol sa papel na 'yon. Nakasulat doon ang pangalan ng totoo niyang ama na bigay sa kanya ng namayapa niyang tiyahin.

"If you need help. I can help you find that person."

"Huwag na, 'di naman importante ang taong 'to."

"Are you sure?"

Tumango siya. "Oo, wala 'to. Salamat Peter."

"Okay, basta, kung may maitutulong ako, sabihan mo lang ako Laura."

Tango lang ang sinagot niya rito. Akmang tatalikuran na siya ni Peter nang ibaling ulit nito ang sarili sa kanya na para bang may nakalimutan itong sabihin.

"Nga pala Laura."

"Ano?"

"Sagutin mo na agad si Rave. Hindi na uso ang ligawan. Bagay kayo."

"Wow, akala ko naman kung ano ang nakalimutan mong sabihin." Sa huli ay natawa lang siya kay Peter. "Magkakaibigan nga kayo. Lakas ng support system n'yong apat." Tipid na ngumiti ito saka siya iniwan.

Naibaba niya ang tingin sa nakatuping papel sa kamay. Para sa kanya, hindi na importante pa para hanapin ang tunay niyang ama. Sigurado siyang, wala naman itong pakialam sa nanay niya. Ayaw niya ring makasira ng pamilya.

Marahas na napabuntonghininga siya.


"SAAN ka pupunta?"

Napahinto si Laura nang marinig ang boses ni Rave. Ipit-ipit pa niya ang dalawang unan sa kili-kili niya papunta sa sofa bed ni Rave sa working room nito. Nilingon niya si Rave na komportable nang nakasandal ng upo sa headboard ng kama. Itinigil nito ang pagbabasa ng libro para maingat ang mukha sa kanya.

"Saan ka matutulog?"

"Doon sa sofa bed." Inosenteng turo niya sa direksyon ng working room. "Bakit?"

"Sino may sabing pwede kang matulog doon?"

"Tabi na lang kami ni Ross."

"Dito ka sa tabi ko." Tinapik nito ang espasyo ng kama sa tabi nito. "Hindi ka magiging komportable sa sofa bed."

"Naka puwesto ka na riyan e."

"Ano naman? Madalas naman na tayong nagtatabi."

"Iba naman kasi –"

"Anong pagkakaiba?"

"May malisya na tayong dalawa. Dati kasi, wala naman."

"Paano mo nasabing wala?"

Napamaang siya sa sinabi ni Rave. "May malisya ka na sa akin?"

"Wala." Itinabi nito ang librong binabasa at tumayo mula sa kama. Lumapit ito sa kanya at kinuha mula sa kanya ang dalawang unang nakaipit sa mga braso niya. Ibinato nito ang mga 'yon pabalik sa kama. "'Yang mga kakulitan mo Laura. 'Yan ang pinakagusto ko."

"Dumidiga ka na."

Mahinang natawa ito sa kanya. "Paano ko ba ipaparamdam sa'yo ang sayang ibinigay mo sa akin?"

Natunaw naman ang puso niya sa sinabi nito. Parang gusto niyang maiyak sa mga magandang salitang 'yon mula kay Rave. Ang Rave na nabibilang lang sa kamay ang ngiti at tawa. Ang Rave na nakalimutan na ang salitang saya.

"Binibigyan ko ang sarili ko ng isang buwan sa ligawan na gusto mo bago kita sagutin pero ang lupit ng mga linyahan mo. Ayokong kiligin. Nakuha mo ba 'yan sa mga binabasa mo?"

"I don't read romance."

"Try mo ang romance book, ang ga-gwapo ng mga lalaki roon. Madami akong ire-recommend sa'yo. Meron nga akong crush doon e. Si Mark Ashley, pilot 'yon e, saka ang cute niyang ma-in-love."

"Naalala mo lang 'yong fictional mong lalaki, kinalimutan mo na ako." Kumunot ang noo ni Rave. Napangiti siya dahil ang cute ng pagkaka-kunot noo nito. "Gagawan na lang kita ng paper plane, 'yon kaya ko 'yong paliparin para sa'yo."

Nakagat niya ang ibabang labi sa pagpipigil ng ngiti at kilig. "Hindi talaga ako sanay na ganyan ka. Sanay ako na brutal ka sa akin at hinihila-hila mo lang ako. Nakakapanibago." Hinawakan niya ang magkabilang mukha nito. "Ikaw ba talaga 'yan Rave?"

Natawa lang ito sa kanya.

Ibinaba na niya ang mga kamay. "Kung sasagutin man kita. Ikaw ang magiging unang boyfriend ko."

"Sinasagot mo na ba ako?"

"Sinasabi ko lang, ikaw naman, masyadong excited."

Kumawala ang isang masarap sa tenga na tawa mula kay Rave.

"Ang saya-saya mo siguro –"

Hindi na niya nagawang tapusin ang sinasabi nang siilin siya bigla ng halik ni Rave sa mga labi. Napahawak siya sa mga balikat nito sa gulat. Naramdaman naman niya ang isang braso nito na pumaikot sa baywang niya. Tila may sariling mga isip na awtomatikong naipikit niya ang mga mata. Kasabay nun ang pagtugon niya sa bawat hagod ng malambot na labi nito sa mga labi niya.

Marahang naramdaman niya ang braso nito na unti-unting tumutulak sa kanya palapit sa katawan nito. Sinapo ng isang kamay nito ang panga niya at mas lalo pang pinailaliman ang halik. Naramdaman niya ang pagkawala ng lakas ng mga tuhod niya. Mabuti na lamang at halos nakayakap na siya kay Rave para 'di tuluyang dumaosdos sa sobrang panghihina sa sensasyong ibinibigay nito sa kanya dahil lamang sa isang halik.

Nang pakawalan siya nito ay pareho nilang habol ang hininga. Pero bago paman niya maingat muli ang mukha rito ay madali siya nitong nabuhat at naihagis sa kama. Napasinghap siya sa sobrang gulat at sakit ng katawan. Ang walangya!

"Rave!" impit sa tili niya rito pero tinawanan lang siya nito.

May ngiting lumapit ito sa kama. Kumabag ang dibdib niya nang bahagya siya nitong kinubabawan. Halos magdikit na ang mga ilong nila sa sobrang lapit ng mga mukha nila. Sana lang ay 'di marinig ni Rave ang malakas na tibok ng puso niya.

"Good night, Laura. Sleep well."

Hinalikan siya nito sa noo at umalis na sa harap niya.

Kinuha nito ang dalawang unan na kipkip niya kanina at dumiretso sa working area nito. Bigla ay nasapo niya ang dibdib. Napakurap-kurap siya habang nakatitig sa kisame. Putik, ang puso ko! Paano pa siya makakatulog nang maayos nito, ha?

Naitaas niya ang isang kamay sa labi. Ramdam pa rin niya ang masarap na halik na 'yon mula kay Rave. Bigla ay naramdaman niya ang sobrang pag-init ng mga pisngi. Mabilis na inabot niya ang unan at itinakip 'yon sa mukha. 'Di ako kinikilig! 'Di ako kinikilig!


NAGULAT si Laura nang makitang bihis na bihis na si Rave. Linggo, kaya maaga silang nagsisimba ni Ross kasama ang Lola Emilia nito. Hindi sumasama si Rave kapag nagsisimba sila pero sa istura nito ngayon ay mukhang may maagang lakad ito. Gwapong-gwapo ito sa suot na itim na pantalon at white short sleeved polo. Nakabukas ang dalawang butones sa unahan ng polo nito.

"May lakad ka ba?"

"Magsisimba."

Literal na nanlaki ang mga mata niya sa saya. "Talaga? Magsisimba ka?" Tipid ang ngiti na tumango ito. Lumapit siya rito at inilahad ang isang kamay kay Rave. Bumaba ang tingin nito sa kamay niya. "Halika na, hinihintay na tayo nila Ross sa ibaba." Nang hindi pa rin nito hinawakan ang kamay niya ay siya na mismo ang umabot ng kamay nito. "Huwag kang mag-alala, 'di ka pa naman masusunog sa simbahan."

"That's crazy. You think I developed a demonic power?"

"Oy 'di ah. Masyado kang gwapo para maging demonyo."

"I'll take that as a compliment." Gamit ng libreng kamay nito ay may kung ano itong hinugot sa pants nito. "Here." Inabot nito sa kanya ang isang maliit na paper plane.

Natawa siya. "Masyado kang seryoso. 'Di mo naman kailangang gawan ako nito." Pero sobra siyang na touched. "Pero salamat pa rin."

"Welcome."


HANGGANG sa simula at pagtatapos ng misa ay kapansin-pansin ang saya at ngiti ni Donya Emilia. Alam niya na sobrang natuwa ito sa pagsimba ng anak. Ilang taon na kinulong ni Rave ang sarili sa mundo at sa Dios kaya sobra niyang naiintidihan ang sayang nararamdaman ng ginang. Nahuli pa niya itong bahagyang naluha.

Humiwalay na muna siya kina Rave para magsindi ng kandila. Sandali lamang 'yon dahil tila may kakaiba siyang naramdaman sa paligid. Para bang may nakatingin at nakamatiyag sa kanya sa 'di kalayuan. Hindi siya mapakali.

Naigala niya ang tingin sa paligid. Madami pa naman ang tao pero malakas ang pakiramdam niyang isa sa mga nandoon ay nakatingin sa kanya. Mabilis na tinapos niya ang pagdadasal at naglakad pabalik kung saan sila Ross.

Napasinghap siya sa gulat nang bumangga siya sa isang matipunong dibdib. Mabilis na nahawakan nito ang magkabilang balikat niya dahilan para maingat niya ang mukha sa lalaki.

"Rave?!" singhap niya.

"Is something wrong?" may pag-aalala sa boses at mukha nito.

Umiling siya. "Wala naman." Pilit siyang ngumiti. "Sinundan mo ba ako?"

"Yes, I was just behind you."

"Kanina pa?"

"Yes."

Nakahinga naman siya nang maluwag. Baka mali siya ng akala. Si Rave lang naman yata ang nakasunod at nakamasid sa kanya sa malayo. Laura, kalma. Walang masamang tao. Si Rave lang 'yon.

"Ba't ka pa nagtago, e pwede ka naman sumama sa akin?" Naloka tuloy ako!

"Sorry."

"Halika na, baka hinahanap na tayo nila Ross."


PAGKATAPOS nilang magtanghalian kasama si Donya Emilia ay humiwalay na ang ginang sa kanila. Nagpumilit naman si Ross na mamasyal sila sa mall. Wala namang violent reaction si Rave at masaya naman nitong pinagbigyan ang anak.

Hinayaan nitong makapaglaro ng isang oras sa isang play house si Ross kaya lang kailangan pa nito ng guardian kaya ang ending, pareho silang nag-enjoy sa slides at sa mala pool na bola sa play house ni Ross habang nasa waiting area si Rave.

Para siyang bumalik sa pagkabata. Hindi pa niya nasusubukan ang makapaglaro sa play house at alam niyang maiinggit si Lawrence kapag ikinuwento niya 'yon sa kapatid. Pagkatapos nila roon ay nagpabili silang dalawa ng ice cream at cotton candy kay Rave. Tawa lang sila nang tawa ni Ross at enjoy na enjoy sa mga matatamis na pagkain.

Wala namang reklamo si Rave. Mukhang nag-e-enjoy naman yata itong tignan na masaya silang dalawa ni Ross. Sweet!

Sino ba namang 'di mai-in-love sa lalaking 'to?

"Daddy," bigla ay tawag ni Ross sa ama nito. Itinuro nito ang isang photo studio. "Picture po tayo roon." Iniangat naman ni Ross ang mukha sa kanya. "Mama, picture po tayo together."

"Ano kasi –"

"Sige na po." Hindi na siya nakapalag dahil pareho na silang hinila ni Ross papasok sa photo studio. "Daddy, i-display po natin ang photo sa sala para makita nila lola at lolo."

"Good afternoon," bati ng babaeng staff sa kanila. "Family photo po ba?"

"Yes," tipid na sagot ni Rave.

Naibaling niya ang tingin kay Rave. Sa totoo lang, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya nang mga oras na 'yon. Masaya siya, oo. Pero parang 'di totoo. Hindi pa rin siya makapaniwala na magkakagusto ang isang Rave sa kanya. Sino ba naman siya? Naiiyak siya na ewan. Para bang sa lahat ng mali sa buhay niya, may naging tama rin sa buhay niya.

Bigla ay naibaling ni Rave ang mukha sa kanya. Sumilay ang isang ngiti sa gwapo nitong mukha. At sa tuwing nakikita niya ang ngiting 'yon, tila ba, lahat ng bagay sa mundo nagiging madali at gumaganda.

Inilapit nito ang mukha sa may tenga niya.

"Laura," bulong nito sa kanya. "I like you. Please, say yes already."

Hindi niya mapigilan ang matawa. Lalo lang lumapad ang ngiti ni Rave sa kanya. Patience Rave, dadating din tayo riyan. Magmamaganda muna talaga ako.

MAAGANG nagising si Laura. Napangiti siya nang makita ang framed picture nilang tatlo ni Ross sa bedside table. Inabot niya ang picture frame at hinaplos. Ang saya-saya nila sa larawan na 'yon. Para silang totoong pamilya.

Nasa gitna nila si Ross na malaki rin ang ngiti. Nakangiti rin si Rave sa picture. 'Yong klase ng ngiti na gustong-gusto niya at kinaadikan. Hindi na yata siya masasanay na 'di ngumingiti si Rave. Gwapo na ito kahit blank face lang pero mas lalo itong gumagwapo kapag masaya.

Ang larawang 'ding 'yon ang wallpaper ng cell phone niya.

Bumangon na siya at naligo. Hindi na niya inabalang silipin si Rave sa working room nito dahil alam niyang tulog pa 'yon. Alas sais pa nang umaga. Pagkatapos niyang maligo at makapagbihis ay bumaba na siya para tulungan ang mga katulong sa paghahanda ng breakfast.

Pero bakit parang may mali? Bakit may lalaking naka apron sa kusina? Na saan ang mga katulong?

"Rave?"

May ngiting nilingon siya nito. "Lar, gising ka na pala."

Lumapit siya rito. "Bakit ikaw ang nagluluto?"

"For a change." Hinalikan siya nito bigla sa noo. "Gisingan muna si Ross. Maaga pa pasok niya. Sabay-sabay na tayong kumain."

"Ako na riyan, ikaw na lang gumising kay Ross."

"'Di na, kaya ko na 'to. Last na 'tong sinangag at tapos na rin ako."

Sa huli ay napangiti na lamang siya. "Okay, gigisingin ko na si Ross. Masarap ba 'yan?"

"Mas masarap pa akong magluto kaysa sa'yo."

"Ay, grabe siya."

"Sige na," he simply chuckled. "Gisingin mo na si Ross."

"Oo na! Tsk."

Tinalikuran na niya ito nang biglang may pumihit sa kanya mula sa mga baywang niya. Pagharap niya ay binati siya ng mga labi nito sa isang halik. Kusa niyang naipikit ang mga mata. Napahawak siya sa mga balikat nito nang tugunin niya ang mga halik ni Rave. Naramdaman niya ang pagngiti ng labi nito habang hinahalikan siya.

"Kailan mo ako sasagutin?" anas nito pagkatapos ng halik.

"Dinadaan mo ako sa halik, Mister Sanjercas. Ayusin mo ang panliligaw kung gusto mo nang mabilisang sagot." Nakangiting tinapik niya ang isang pisngi nito.

May kung ano namang hinugot si Rave sa kung saan. "Here." Isa na namang paper plane.

"Masyado mong dinidibdib ang crush ko sa pilotong 'yon," natatawang pahayag niya habang hawak ang paper plane na gawa nito. "Ilang paper planes pa ba ang ibibigay mo sa akin? Baka pwede na tayong umakopa ng isang terminal sa airport." Natawa lang ito sa sinabi. Ang cute talaga nito. Sarap gawing unan at yakap-yakapin. Kagigil!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro