Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12

NAGISING si Laura na parang pinupukpok ang ulo. Hindi niya magawang maimulat nang maayos ang mga mata at sobra siyang nasisilaw sa liwanag. Napahawak siya sa ulo. Anong bang ginawa niya at ganoon na lang ang pamimigat ng ulo at katawan niya?

Nagtayo ba siya ng MOA sa panaginip niya? Wala siyang maalala maliban na lamang sa bumaba siya sa kusina kagabi para uminom ng tubig.

"Gising ka na pala." Naimulat niya ang isang mata nang marinig ang boses ni Rave. Bagong ligo at bihis na bihis na. Nakasuot ito ng itim na track pants at puti na t shirt. Naupo ito sa gilid ng kama pagkatapos – nakahalukipkip. Basang-basa pa ang buhok nito. Buti pa ang 'sang 'to, fresh na fresh na. Gwapong fresh! "Nagluto ako ng spaghetti," nakangiting wika nito.

Naimulat niya ang mga mata. "Birthday ko ba?"

Natawa ito sa kanya. "Hindi, bakit bawal ba magluto?"

"Hindi nam –"

"Sumunod ka na sa'kin sa ibaba." Tumayo na ito at tinungo ang pinto. "Hinihintay ka na ni Ross. Sabay na tayong kumain." 'Yon lang at tuluyan na itong lumabas sa silid.

Lutaw na lutaw pa rin ang estado ng isip niya. Hindi niya magawang maiayos ang iniisip. Natulala siya. Mayamaya pa ay may bwesit na tanong siyang na isip. Bakit kaya 'di nagso-shorts si Rave? Bigla namang gumuhit ang sakit sa sentido dahilan para maipikit niya ang mga mata. Laura! Laura, sa lahat ng matinong tanong sa utak, 'yan pa talaga ang pinag-aaksayahan mong malaman?

Sinampal-sampal niya ang mga pisngi. Focus!


NAABUTAN ni Laura na masaya nang kumakain si Ross ng spaghetti sa mesa sa dining room. Nakaupo sa katapat ng silya ni Ross si Rave habang tahimik na umiinom ng kape. Nagulat siya nang marami palang nakahandang pagkain sa mesa. Si Rave ba ang nagluto nitong lahat?

Lumapit siya sa mag-ama.

"Good morning Mama," masayang bati sa kanya ni Ross.

Binigyan niya ng ngiti ang bata. "Good morning din, baby." Bahagya siyang yumuko para punasan ang sauce na kumalat sa gilid ng labi ni Ross gamit ng isang hinlalaki niyang daliri. "Wow, ang dami namang pagkain. Anong okasyon?" tanong niya sabay upo sa katabing silya ni Ross. "Ikaw naghanda nitong lahat?" baling niya kay Rave.

"Katulong ko si Ross sa paghahanda."

"Talaga?"

Sunod-sunod na tumango si Ross. "Kami po ni Daddy naghanda ng breakfast today."

"Wow, naman." Pinagdikit niya ang dalawang palad. "Ang special naman pala ng breakfast natin ngayon."

"Opo, kasi special po kayo kay Daddy."

"Huh?" Naibaling niya ang tingin kay Rave. Mabilis naman na binuklat nito ang dyaryo na kanina ay nasa tabi lang ng plato nito.

"Kumain na kayong dalawa riyan," bigla ay ungot ni Rave sa kanila ni Ross nang hindi sila binabalingan ng tingin. "Tama na ang pagdaldal. Lalamig na ang pagkain."

Ay iba! Strict pala si ama. Natawa siya sa isip. Sinenyasan niya si Ross na ilapit ang mukha sa kanya. Binulong niya rito ang gagawin. Agad namang nakuha ni Ross ang sinabi niya.

"Opo, 'Tay!" sabay na sagot nila ni Ross. "Salamat po sa pagkain." Pigil nilang dalawa ni Ross ang matawa.

Ibinaba ni Rave ang dyaryo at seryoso silang tinignan. Doon, 'di na niya napigilan ang matawa. Pati rin si Ross ay tawang-tawa sa kunot-noo ng ama nito. Sa huli ay napa iling lang si Rave sa kanila at napangiti. Itiniklop nito ang binabasang dyaryo at itinabi 'yon.

"Kapag talaga kayong dalawa ang nagsama puro kayo kalokohan." Nag-high five silang dalawa ni Ross. "Ubusin n'yo lahat ng mga 'yan."

"Opo," sabay ulit na sagot nilang dalawa ni Ross.

"Kumain kayo nang mabuti para 'di kung anu-ano ang iniinum n'yo sa ref."

Natigilan siya dahilan para maiangat niya ang mukha kay Rave. Hindi ito nakatingin sa kanya pero may naglalarong ngiti sa mukha nito. Kumunot ang noo niya.

So anong meaning nun? Huwag na inumin ang mga tubig o juice sa ref? Ano, kakamustahin ko na lang? Hi bottled water and 'di karton na juice, kumusta? Gusto n'yo ng jacket? Mukhang lamig na lamig na kayo riyan e.

Sumakit na naman ang sentido niya. Ay, ayoko na ma-i-stress. Tumahimik ka na isip ko, please lang. Ang mabuti pa ay kumain na siya at nang magkalaman naman ang utak niya at kung anu-ano na lamang ang naiisip niya.


"LAURA!"

Napalingon si Laura sa tumawag sa kanya. Si Kevin pala. Tumigil siya sa paglalakad at hinintay na makalapit ito sa kanya. Malaki ang ngiti nito sa mukha.

"Saya-saya natin, ah," agad na komento niya. "May nasagip kang puso?"

Natawa lang ito sa kanya. "Buti sana kung ang puso ko naman ang sagipin niya."

"Akala ko ba taken ka na? Taken for granted?"

Lumakas ang tawa ni Kevin at pasimple siyang binatokan sa ulo. Wow! 'Di ko in-expect 'yon ah.

"Umayos ka," bigla ay pa seryoso niyang bulong sa akin. "Tatanggalan kita ng apdo."

Napalayo siya bigla. "Hoy, bawal 'yan –" Pero nagawa pa rin siya nitong akbayan. "Kevin, alam kong isa ka sa mga doctor ng kapatid ko pero 'di ko pwedeng i-donate ang apdo ko."

Tinawanan lang ulit siya nito. "Joke lang 'yon. 'Di ka na mabiro." Nagsimula na silang maglakad. "Samahan mo muna ako, gutom na ako."

Pumunta sila sa cafeteria ng ospital. In-libre siya ni Kevin ng snacks. Mukhang wala pang tulog 'tong si Kevin pero mukha pa ring fresh. Obvious naman sa mga kumakain sa cafeteria kasi panay ang tingin sa direksyon nila. Pero tila, 'di naman malaking bagay 'yon kay Kevin. Parang normal na para rito ang ganoong reaksyon ng mga tao sa angking kagwapohan nito. Idagdag pang isa ito sa mababait na doktor sa ospital na 'yon.

"Kumusta na kayo ni Rave?" basag nito.

Sumabay siya kay Rave nang umalis ito kanina. May emergency daw sa hotel na pagmamay-ari ng pamilya nila Rave. Nalaman niyang pagmamay-ari pala nito ang Sanjercas Hotel & Resort kung saan siya dinala ni Rave noon.

Kailangan ito ng ama nito ngayon.

"Okay lang naman."

"Okay lang? Wala man lang kahit anong nangyari?"

"Anong gusto mong mangyari?"

"Gusto kong magpatayan kayo," pabalang na sagot ni Kevin sa kanya. "Mag-agawan kayo ng apdo. Maghilahan ng intestines. Magtusukan ng kidney. O 'di kaya magpigtasan ng mga artery veins n'yo."

"Nakakain ka pa ba nang maayos sa mga ini-imagine mo?" Kaloka 'to si Kevin. "Wala namang bago sa pagitan namin ni Rave. Maliban na lang siguro sa madalas na siyang tumatawa ngayon at ngumingiti. Kanina nga, maaga siyang nagluto ng spaghetti. Minsan, nag-jo-joke rin siya. Pero 'di ko alam kung biro lang 'yon o seryoso nga siya."

"That's good to hear," anito sabay ngiti. "Bumabalik na siya."

Kumunot ang noo niya. "Bakit naglayas ba siya?"

"Ewan ko sa'yo Laura. Kumain ka na nga lang diyan. Tumawag sa akin si Rave, hintayin mo raw siya at dadaanan ka niya mamaya. 'Di niya ma contact ang phone mo."

"Mamamatay ako kapag dinaanan niya ako."

"Saan na ba 'yong scalpel ko?"

Tumawa siya. "Joke lang!" Sabay peace sign. Nagmadali siyang tumayo. "Naiwan ko 'yong cell phone ko sa bahay. Pakisabi, hihintayin ko siya sa kwarto ni Lawrence. Thanks!" 'Yon lang at nilayasan na niya ang brutal na si Kevin. Phew!


PADAPANG HUMIGA agad si Rave nang makapasok sila sa kwarto. Kanina, habang nasa sasakyan. Napansin niyang may malalim itong iniisip at mukhang pagod na pagod. Panay rin ang masahe nito sa likod ng leeg nito at ulo. Kahit 'di sabihin ni Rave, alam na niyang may seryosong kinakaharap na problema ang family business ng mga ito.

"Rave, maghubad ka muna." Mabilis na umangat ang ulo nito. Kinuha niya ang efficascent oil niya sa bag at naupo sa gilid ng kama. "Mamasahein kita."

"Huh?" Ibinaling nito ang tingin sa kanya.

Lumapit pa siya para hilahin ang katawan nito paupo sa kama. "Kagagaling mo lang sa sakit at ngayon mukhang stress na stress ka pa. Hubarin mo 'yang suot mong polo at dumapa ka ulit sa kama. Mamasahein kita para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam mo. Ang dami mo na sigurong lamig sa katawan."

"No need –"

"Need," mariin niyang sagot niya rito. "Huwag nang makulit Rave." Ilang segundong tinitigan lang siya nito. "Titigan mo lang ba ako o ako na mismo ang maghuhubad sa'yo?"

Mabilis nitong hinubad ang polo at dumapa sa kama. Lihim siyang natawa. Pero dagli rin 'yong nawala. Bigla-bigla ay gusto niyang pagsisihan kung bakit pinaghubad pa niya si Rave. Alam niyang maganda ang katawan nito. Pero 'di niya inasahan na pati likod ni Rave ay maganda rin. Kumusta naman ang perpektong spinal cord ni Rave? Napalunok siya. Hahawakan niya ba talaga 'tong magandang likod ni Rave? Magkakasala yata siya kapag ginawa niya 'yon.

Laura focus! Paulit-ulit na sigaw niya sa sarili sa isip. Laura mahahampas kita ng kaldero. Umayos ka! Ipapalaklak ko 'yang efficascent oil sa'yo. Humugot muna siya nang malalim na hininga. Okay, kaya ko 'to. Sumampa siya sa kama at paluhod na umupo sa gilid ni Rave. Agad niya namang sinimulan ang pagmasahe sa likod nito. In-apply niya lahat ng mga natutunan niya nang magtrabaho siya bilang masahista sa isang spa massage sa Cebu.

"You're right," bigla ay basag ni Rave. "I badly need this."

"Sabi ko sa'yo. Ayaw mo maniwala."

Diniinan niya ang bawat masahi at hagod niya sa likod nito. Ang dami nitong lamig sa katawan. Lalong lalo na sa may balikat nito at leeg. Babad kasi ito sa harap ng laptop nito at nakaupo lang. 'Yong braso at balikat nito ang masyadong nagagamit kaya alam niya na 'yon ang parte na medyo nakakaramdam ito ng sakit at manhid.

"Where did you learn this?"

"Nagtrabaho ako sa isang spa massage sa Cebu dati. At saka, sabi rin talaga ng mga taga amin, suhi raw ako. Ang paniniwala kasi sa amin, kapag daw naunang lumabas ang paa ng bata, magiging suhi raw siya. Meaning, magaling magmasahe at mag-alis ng lamig at bali sa katawan."

Marahan lang itong tumango.

"This is making me sleepy, Laura."

"Saka kana matulog, matatapos naman na ako. Magbihis ka ng pantulog pagkatapos."

"Thank you."

"Thank you, para saan?"

"For this... for making me feel better."

"Naku, maliit na bagay kumpara sa mga naitulong mo na sa akin. Isusunod ko 'yong ulo mo. Magpalit ka muna nang pantulog para okay lang kung makatulog ka." Iniwan niya muna ito at kinuhaan ng pamalit na damit mula sa closet. Mabilis pala na nakasunod ito sa kanya. Pagharap niya tuloy ay binati siya ng magandang dibdib nito. Naihit niya ang hininga.

"I'll take this." Kinuha ni Rave mula sa kanya ang puting t shirt at dark blue na pajama buttom nito mula sa kamay niya. "Sa banyo na ako magbibihis. Magpalit ka na rin. Tawagin mo ako kapag tapos ka na para 'di kita maabutang nagbibihis pa."

Tumango lang siya.

Dumiretso si Rave sa banyo. Siya naman, sinusubukang pakalmahin ang puso habang nagbibihis ng pantulog. Isang simpleng long sleeved na pantulog lang ang suot niya na hanggang tuhod niya ang taas.

"Tapos na ako!" sigaw niya.

Agad namang lumabas si Rave mula sa banyo. Pumwesto siya sa kama. Inihilig niya ang likod sa headboard ng kama at itinuwid ang mga binti sa ilalim ng makapal na kumot.

"Halika." Tinapik niya ang mga hita. "Ihiga mo rito ang ulo mo."

"Mabigat ang ulo ko."

Natawa siya. "Buti nga sa'yo, may laman. Ako mabigat ulo ko pero walang laman." Inabot niya ang kamay nito. "Halika na, para makatulog ka na."

Pagod na rin yata masyado si Rave kaya mabilis na tumalima ito sa kanya. Nahiga ito sa kama na nakaunan sa mga hita niya. Agad na ipinikit nito ang mga mata. Sinimulan niya namang masahein ang ulo nito.

"Kung inaantok ka na, matulog ka na. Huwag mo munang i-stress ang sarili mo masyado. I-shut down mo muna ang isip mo. Hindi ko alam, pero may feeling kasi ako na kayong mga writer 'di tumitigil ang isip n'yo."

Bahagya itong natawa. "You got that right."

"Patayin mo muna 'yan. Saka muna isipin ang mga bagay na 'yan bukas. Ipahinga mo muna ang utak mo. Deserved niya rin ng day off. Baka 'di na magka-love life ang utak mo dahil babad sa OT at trabaho," biro pa niya.

"I will, thanks Laura." Napangiti ito. "Alam kong magiging masarap ang tulog ko ngayong gabi."

Ilang minuto pa ay marahan na ang paghinga ni Rave tanda na nakatulog na nga ito. Pinakatitigan niya ang mukha nito. Hindi niya maiwasang mapangiti.

"Kapag ba sinabi kong gusto kita. Ano kaya magiging sagot mo?" mahinang tanong niya rito. "A, sorry pero 'di kita type. B, pwede nating subukan. C. Gusto rin kita. D. Both B and C. 'Yan, binigyan na kita ng options. Pili ka na lang."

Nababaliw na naman ako.

"Matulog ka nang mahimbing Rave."

Ginawaran niya nang magaan na halik sa pisngi si Rave.

Amoy efficascent, pero okay lang, at least may kiss.


NAGISING si Laura sa matinding sikat ng araw na tumatama sa mukha niya. Napaungol siya at napabalikwas ng bangon sa kama. Anong oras na ba? Pilit niyang iminulat ang mga mata at inabot ang cell phone sa itaas ng bedside table nang bigla 'yong tumunog.

Hindi na siya nag-abalang tignan kung sino ang tumatawag at mabilis na sinagot na niya 'yon.

"Hello," sagot niya sa paos na boses.

"Good morning Laura."

"Rave?"

"I was supposed to tell you this personally, but my father called. I'm in the hotel right now. Good thing, you're awake."

"May sasabihin ka? Ano?" May mahabang pause bago ulit sumagot si Rave. "Rave? Nandiyan ka pa ba?"

"Laura."

"Ano?"

"Pwede ba kitang ligawan?"

Literal na nanlaki ang ang mga mata niya sa pagkagulat. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa cell phone kaya dumulas 'yon sa kamay niya. Napakurap-kurap siya ng ilang segundo. Nanaginip ba ako? Ayoko ng ganitong biro. Nami-mersonal ako. Maka-ilang beses na sinampal-sampal niya ang mga pisngi.

"Aray!" 'Di pala ako nanaginip.

"Laura? Laura?!" Narinig pa niya ang boses ni Rave sa kabilang linya.

Nanginginig ang mga kamay na hinawakan niyang muli ang cell phone at inilapit 'yon sa tenga. Nagsimula nang manlamig ang mga kamay niya at malakas na rin ang pagkabog ng puso niya.

"Hoy Rave! Ayoko ng ganyang biro."

"I'm serious. Laura, pwede ba kitang ligawan?" Mukha nga itong seryoso dahil walang bahid na pagbibiro sa tono ng boses nito. "A, no, you're not my type. B, yes, I think we can try. C, I like you too. D, both B and C are the right answer."

Napasinghap siya.

"Paano mo –"

"I'll get your answer later. See you tonight, Laura."

Oh my god! Narinig niya ako kagabi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro