Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Haunted Scars

NAKAUPO kaming lima palibot sa apoy na nilikha lang namin gamit ang mga kahoy. Ito ang nagbabalanse sa lamig na dulot ng hangin dito sa isla ng La Camiyos. Ito ang lugar na minana pa ni Vesa sa kanyang kanunu-nunuan.

Biglaan lamang ang pagpunta namin dito. Hindi pinagplanuhan. Dumating na lang sa punto na masiyado na kaming naiistress sa trabaho, idagdag mo pa ang pagka-miss namin sa isa't isa.

Hindi ko pa yata nasasabi pero pakiramdam ko nagiging fifth wheel ako ngayon.

"Sora! Kailan ka ba magkakaboyfriend? Puro na lang trabaho ang inaatupag mo," nakangising sabi ni Leijan.
 
"Iyan tuloy ikaw na lang ang single sa grupo," pambubulyaw pa ni Vesa.

Napairap na lang ako. "Ilang beses ko pa bang ipapaliwanag? I-"

"I don't have time for that," pagpapatuloy ng dalawa sa sasabihin ko gamit ang tono ng aking pananalita.

Pagkatapos noon, puro ingay at tawanan na lang naming tatlo ang naririnig samantalang naiiling na lang sa tabi si Reeve at Cullen, boyfriend nina Vesa at Leijan.

"Teka, hindi pa ba naaayos ang kuryente? As in wala na talagang ilaw mamaya?" pag-iiba ko ng usapan.

"Bukas siguro maaayos na pero sa ngayon, i-enjoy na lang natin ang bakasyon dito. Cheers!" masayang tugon ni Vesa.

Marami pa kaming napagkwentuhan hanggang sa puro katatakutan na ang naging
paksa ng usapan.

"Guys! Do you believe in ghost or any supertitious creatures?" biglaang tanong ni Vesa.

"No, but I do believe in ghoster," natatawang tugon ni Leijan.

"I agree. Mas nakakatakot nga sila," pagsang-ayon ko naman habang nakangiti.

Bahagyang natawa si Vesa sa sagot namin ngunit unti-unti ring nagbalik ang seryosong mukha niya. "Yeah, yeah. I know... pero may mga sabi-sabi kasi rito sa lugar namin na huwag na huwag daw tatangkaing buksan ang pinakadulong pinto ng bawat bahay kasi magdudulot daw iyon ng kamatayan sa mga nakatira doon," pananakot niya.

"That's creepy," ang tanging tugon ko.

"Lame," maiksing saad naman ni Cullen.

"Bakit ba napunta sa kababalaghan ang usapan? 'Di ba dapat masaya lang?" nakakunot-noong wika ni Leijan.

"Tulad ng?"

"Couple goals? Relationships," mabilis na sagot niya sa tanong ko.

Napaikot ang mga mata ko. Bakit pa nga ba ako nagtanong?

"Nice suggestion," sumasang-ayon na tugon ni Reeve.

Hanggang sa tumatango-tango na silang apat na parang pinagkaka-
isahan ako.

"Ano ba, guys! Ayokong ma-OP. Iba na lang."

"No. Majority wins, Sora," mariing sabi ni Vesa.

"Saka, ayaw mo 'yun? Marami kang malalaman about handling relationships. Malay mo, makilala mo na si Mr. Right ngayon," pangangantiyaw pa ni Leijan habang tumataas baba ang kilay. Ang tinutukoy niya ay ang mga lalaking nakita namin sa bar sa 'di kalayuan.

Sa huli, wala akong nagawa kundi bumuntung-hininga at pakinggan ang mga sasabihin nila.

Kaya lang habang nakikinig, napansin ko ang kakaibang ikinikilos ni Cullen at Vesa. Kanina ko pa nakikitang pasimpleng nagtitinginan ang dalawa. Parang may mali.

What the heck! Ano bang iniisip mo, Sora!

Pinili ko na lang manahimik at ipagsawalang bahala ang nakita. Masiyado lang yata akong napapraning.

Napahikab ako gayundin ang mga kaibigan ko. Inabot na yata kami ng madaling araw. Wala pang limang segundo ay rinig ko na ang hilik nila. Ako na lang yata ang natitirang gising dahil ako lang naman ang hindi tumikim ng alak.

Sinubukan ko silang gisingin para sana pumasok na sa resthouse ngunit sadyang malalim na ang pagkakatulog nila kaya hinayaan ko na lang sila sa ganoong posisyon.

Mag-isa ko na lamang tinahak ang direksyon patungong resthouse. Naiihi na kasi ako. Nakakatakot naman kung sa may kakahuyan pa ako pumunta baka manuno pa ako.

Dumiretso na akong banyo nang makarinig ng mga yapak. Hindi ko mapigilang kabahan dahil aaminin ko, matatakutin talaga ako.

"Vesa! Ikaw ba 'yan?"

"Leijan! Cullen! Reeve!"

Hindi magandang biro 'yan, ah!"

Ngunit lumipas ang ilang segundo, nakakabinging katahimikan lamang ang narinig ko.

Natatakot man ngunit buong tapang kong pinihit ang hawakan ng pinto saka lumabas.

"I can do this. I can do this," bulong ko habang pilit na pinapakalma ang sarili.

Nang makalapit na ako sa labasan, nakarinig ako ng malakas na tinig ng babae. Umiiyak ito.

Sinundan ko ang pinagmumulan ng boses hanggang sa makarating ako sa pinakadulong kuwarto na kung naaalala ko, ipinagbabawal na puntahan ng kahit na sino sa amin ngunit dala ng kuryosidad, binuksan ko ang pinto. Itinutok ko ang flashlight sa loob, isang imahe ng nakatalikod na babae ang aking nakita.

Napasinghap ako nang lumingon siya sa gawi ko. "Leijan? Ikaw ba 'yan?"

Agad siyang nagpunas ng luha at pilit na ngumiti. "Oh, Sora. Ikaw pala.

"Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?"

"Wala lang 'to."

"Ano nga? Sa akin ka pa ba magtatago?"

Saglit itong natahimik. Alam kong may mali pero hindi ko matukoy kung ano.

"Sora." Pumiyok ito na parang nagpipigil na naman ng iyak. Makikita rin sa mukha nito na nahihirapan na siya. "Sabihin mo nga sa'kin. Unfair ba 'ko kung pakiramdam ko may mali sa ikinikilos ni Cullen? Selfish ba 'ko kung nararamdaman kong may itinatago siya sa akin?"

"Anong ibig mong sabihin?"

"Nakita ko kasing magkasama si Cullen at Vesa kanina. Magkayakap pa sila. Hindi naman ako tanga para hindi isiping may namamagitan sa kanila. Sa tingin mo ba niloloko lang ako ni Cullen?"

Dumagundong ang tanong niya sa tainga ko. Hindi ko maikakailang pareho kami nang nararamdaman ni Leijan ngunit minabuti kong tumahimik at huwag sagutin ang tanong niya. Hinagod ko na lamang ang likod niya para patahanin. Wala siyang tigil sa pag-iyak.

Maya maya pa ay nakarinig ako ng kaluskos. Tumingin ako sa bintana ng silid at napansing natutulog pa rin ang mga kaibigan ko ngunit ang labis kong ipinagtataka ay ang bilang ng mga tao sa baba.

Isa.
Dalawa.
Tatlo.

At Apat!

Tiningnan ko pa ng mabuti at kinusot ang aking mata nang mapagtantong kumpleto sila doon na natutulog.

Kung gayon, sino ang babaeng kasama ko rito?

Dahan-dahan kong nilingon ang taong kausap ko sa silid ngayon kahit nanlalambot na ang mga tuhod ko sa takot.

Hanggang sa...

Magising ako.

"Sora. Halika na, nauna na sila Vesa sa loob," tapik ni Leijan ang bumungad sa aking paggising. Nakangiti ito ngunit hindi pa rin ako mapalagay. May mali. Alam ko.

Pakiramdam ko totoo ang nasa panaginip ko.

"Leijan, alam mo na ba?"

Nagpatukoy lang ito sa paglalakad. "Ang alin?" sambit nito nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin.

"Ang tungkol kay Cullen."

Apat na salita pero sapat na iyon upang huminto siya at bumaling ang tingin sa akin. Halatang nagulat ito ngunit agad din itong nakabawi.

"Tanggap ko na, Sora. Kung doon siya masaya, doon din ako. Kaya ko naman sigurong makalimutan ang lahat pagkatapos nitong bakasyon natin."

Malungkot ang kanyang mga mata ngunit nagagawa niya pa ring ngumiti. Napakuyom tuloy ang aking kamao. Paanong matatanggap niya ito gayong alam niyang niloloko na siya nito?

"Cullen, hindi ko na kayang magtago sa kaibigan ko. Ayokong niloloko siya ng ganito. Sabihin mo na kasi hangga't maaga pa."

Naulinigan ko ang boses ni Cullen at Vesa na masinsinang nag-uusap. Agad akong nagtago sa gilid habang mariing nakalapat ang tainga sa ding-ding. Kinakabahan man pero ipinagpatuloy ko lang ang pakikinig.

"Matagal na kong nagpapahiwatig sa kanya pero hindi niya pa rin makuha. Hindi mo 'ko masisisi kung makaramdam ako ng takot. Alam kong hindi niya ako mapapatawad kapag nalaman niya."

Nagsipatakan ang mga nagbabadyang luha sa aking mga mata. Nasasaktan ako para kay Leijan. Gustung-gusto ko na sugurin ang mga ito pero nagtimpi ako. Kailangan niya itong malaman pero paano?

Kanina pa ako palakad-lakad sa kuwarto habang nag-iisip kung paano sasabihin kay Leijan ang nalaman ko sa paraan na hindi siya mabibigla o masasaktan.

Hanggang sa makarinig ako ng matinis na sigaw na nanggagaling sa baba. Anong nangyayari?

Akmang pipihitin ko na ang hawakan ng pinto nang kusa itong bumukas.

Sumalubong sa akin ang hinihingal na mukha ni Reeve. Napakunot naman ang aking noo.

"Sora! Si Leijan..."

Sapat na iyon para bumalot ang kaba at takot sa aking sistema.

Hindi ko alam ngunit kusang gumalaw ang aking paa patungo sa kinaroroonan ng sigaw.

Lalong bumilis ang tibok ng puso ko sa aking nakita.

Nagkalat ang dugo sa sahig na...

Na nagmula sa katawan ni Leijan.

Nakadilat ang dalawa niyang mata at nakaawang ang bibig. Mayroon siyang bubog sa noo, leeg at likod kung saan sumisirit ang mga dugo.

Kahit na nasusuka ako sa kalunos-lunos na sinapit ng kaibigan ko ay nagawa ko pa ring kunin ang papel na hawak nito.

Kulay pula ang tinta ng nakasulat.

Dugo.

YOU. ARE. NEXT.

Tatlong salita pero sapat na para magbigay ng nakakakilabot na tensyon sa aming apat.

"Anong ibig sabihin nito!" histerikal na sigaw ni Vesa. "Is this a joke?"

"Wala na si Leijan. Patay na siya," malamig pa sa yelong sagot ko. Hindi rin ako makapaniwala.

"Anong ibig sabihin ng papel na 'yan? Isa-isa tayong papatayin?" sabat ni Reeve.

"Oo. At isa lang din sa atin ang salarin," mariing sambit ni Cullen sa huling salita. Pagkatapos ay itinutok nito ang baril sa noo ni Reeve. "Pinatay mo ba ang girlfriend ko?" malamig na tanong niya rito. Pansin ko ang panginginig ng kamay nito na tila ba pinipigilan ang sariling higpitan ang hawak sa gatilyo.

Nanlaki ang mata ko sa gulat. Paanong may baril na hawak si Cullen?

Ngumisi ang lalaki at tumawa nang malakas. "Si Sora dapat ang sumagot niyan. Siya ang kahuli-hulihang kasama ni Leijan bago ito mamatay."

Nagpantig ang tainga ko sa narinig. Bago ko pa malaman, nakatutok na sa akin ang baril ni Cullen. "Hindi ako!" Nakuyom ko ang aking kamao. "Kung sino man ang may motibo sa'ting pumatay... ikaw 'yon Cullen! Hayop ka! Paano mo nagawang pagtaksilan si Leijan? Akala niya nagbago ka na pero heto niloloko niyo siya! Ano, Vesa? May sasabihin ka ba?"

Masamang titig ang ipinukol ko sa babaeng itinuring naming kaibigan ni Leijan. We're best of friends but she betrayed us. Hindi ko alam kung magagawa ko pa siyang patawarin pagkatapos nito.

Halatang nabigla rin siya nang magtama ang mga mata namin.

"Totoo ba 'yon Cullen?" sabat ni Reeve sa usapan. Hindi ito nakaimik kaagad kaya hinigit ni Reeve ang kwelyo nito. "Totoo bang may relasyon kayo ng girlfriend ko at niloloko mo lang si Leijan?"

"Saan naman galing 'yang kasinunalingan na 'yan?" Tumingin muna ito sa akin bago magpatuloy. "Kahit kailan hindi ko inisip na saktan si Leijan. Itatak mo 'yan sa utak mo, pare! Sana rin pagkatiwalaan mo ang girlfriend mo!" Binangga niya si Reeve saka nagmartsa paalis, habang kami ay nakatulala lang sa bilis ng pangyayari.

Nagtiim ang bagang ko. Bakit ka ba nagkakaila, Cullen? Bakit ba ayaw mo pang umamin?

Aalis na sana si Vesa nang hawakan ko ang palapulsuhan niya. "Vesa, umamin ka na. Parang awa mo na para na rin sa ikatatahimik ng lahat."

"Hindi ako ang pumatay at mas lalong hindi ko niloloko si Leijan. Sana maintindihan mo Sora, na hindi lang si Leijan ang kaibigan mo rito, ako rin," maikling tugon nito bago lumakad palabas ng kuwarto.

Napasabunot na lang ako sa sarili. Kailangan nilang umamin sa kasalanan nila.

Dinala ako ng aking mga paa sa bar para makalimot. Masiyadong masakit ang nangyari kay Leijan at ang mas masaklap, wala akong nagawa para mapigilan iyon.

Saka ko lamang napansin ang lalaking nag-iinom din ng alak malapit sa kinauupuan ko. Mukha rin itong problemado at sa tingin ko, langong-lango na ito sa alak dahil sa pamumula ng tainga maging ang pisngi nito. Sinubukan nitong tumayo ngunit natumba lamang ito. Napamulagat lamang ang mga mata ko nang humarap ito sa aking direksyon.

"Cullen?"

Napansin ko ang pag-awang ng labi at panginginig ng kamay nito. Nang biglang sunud-sunod na putok ng baril ang narinig ko.

Lahat ng tao sa bar ay nagkagulo samantalang hindi ako nakaalis sa kinatatayuan ko.

Matapos nang ingay, nakita mismo ng dalawang mata ko ang sumunod na nangyari.

Dugo.

Dugong nagsisilabasan sa bibig nito.

Agad kong iginala ang paningin ko nang mamataan ang itim na anino sa likod ng puno. Nakangisi ito at nang makita niya akong nakatingin sa kanya, nagsimula na siyang umalis papalayo.

Sinubukan ko siyang sundan ngunit agad din siyang naglaho.

Sino ang pumapatay? Si Reeve o si Vesa?

Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang sinapit ni Cullen. Oo, may galit ako sa kanya pero hindi naman ibig sabihin noon ay gusto ko na siyang mamatay. Well, gusto ko siyang magbayad sa ginawa niyang pangloloko kay Leijan pero hindi sa ganitong paraan.

Nasa kalagitnaan na ako ng pag-iimpake ng gamit nang makarinig ako ng sunud-sunod na katok sa pinto.

"Nalintikan na!" Lalo akong nataranta at dali-daling nagmadali.

Nag-aalinlangan talaga akong buksan ito lalo pa at nasa loob lang din ng resthouse ang pumapatay. Sino man kina Reeve at Vesa ay dapat akong mag-ingat ng husto.

"Sora! Buksan mo 'to! Parang awa mo na."

Sa hindi malamang dahilan, tumungo akong pinto at tumambad sa akin ang hinihingal na si Vesa. Nanginginig din ang mga kamay nito na nakatakip sa braso nitong nagdudugo.

"A-Anong nangyari? Bakit ka sugatan?"

"Mamaya na ako magpapaliwanag. Sa ngayon kailangan nating magtago. Si Reeve ang pumapatay, Sora."

Tila nabingi naman ako sa mga salitang narinig. Hindi ako makapaniwalang magagawang pumatay ng lalaki. Well, napakarelihiyoso kasi nitong tao.

"Alam kong nagtataka ka kung bakit. Maging ako ganun din  pero nagawa niya akong saktan, Sora. Hindi na siya ang boyfriend ko. Papatayin niya tayo!"

Sinubukan kong maging kalmado at paganahin ang utak ko kung saan kami maaaring magtago pero kahit anong gawin ko, isa lang ang pumapasok sa isip ko.

Isusunod niya na kami. Mamamatay din kami tulad ni Leijan at Cullen.

Malakas na kalabog ng pinto ang lalong nagpalakas ng kabog ng puso ko. Naririnig ko na rin ang pag-iyak ni Vesa.

"Nandiyan na siya, Sora. We need to fucking hide right now!" Namumula na si Vesa sa sobrang kaba ganon din ako.

Hinatak ko siya patungong aparador upang magtago habang nagtungo ako sa ilalim ng mesa na gawa sa kahoy habang hawak-hawak ang babasaging vase.

Bawat yapak ng lalaki papalapit sa amin ay nakakapanindig ng balahibo ko. Parang tinambol nang napakalakas ang aking dibdib.

Huminto ang yapak.

Tanging paghinga ko na lamang ang naririnig sa buong silid.

Mas lalong lumakas ang pagtambol sa dibdib ko dahil sa sunud-sunod na kidlat at malalakas na kulog. Sinundan pa iyon ng nagngangalit na ulan at hangin.

Dahilan upang makarinig ako ng sigaw.

Sigaw na nanggagaling sa loob ng aparador.

"Hindi mo 'ko matatakasan!"

Napatakip ako sa aking tainga nang marinig ang natatakot na tili ni Vesa na sinundan pa ng nakakabinging halakhak ni Reeve. Napakatinis nito at maihahalintulad sa tawa ng isang mangkukulam na ubod ng sama.

Iniangat ko ang aking ulo upang silipin ang nangyayari, nakatalikod si Reeve sa direksyon ko.

Kailangan kong gawin ito para mabuhay.

Pinukpok ko ang vase sa ulo nito.

Napadaing ito at bumagsak.

Sabay kaming lumabas ni Vesa paalis ng resthouse kahit walang kasiguraduhan kung mabubuhay pa ba kami.

Takbo dito! Takbo doon!

Hindi namin alam kung saan pa kami tutungo. Nakarating na kami sa pinakamasukal na bahagi ng kakahuyan. Nababalot na rin ng dilim ang buong kapaligiran.

"Kailangan nating maghanap ng bahay na matutuluyan, Sora. Kailangan nating humingi ng tulong."

Tumango naman ako sa naisip ni Vesa. Bawat bahay na nadadaanan namin ay hinihingan namin ng tulong ngunit wala ni isang gumawa.

Hanggang sa kaluskos ng mga damo ang narinig namin.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan.
Pagkabilang kong tatlo, tumakas na kayo.
Isa! Dalawa! Tatlo!"

Boses ni Reeve.

Nasundan niya pa rin kami!

Takbo dito! Takbo doon!

Akala ko sa mga horror movies ko lang ito mapapanood pero maging sa totoong buhay din pala ay mangyayari ito.

Sa kakamadaling makatakas, nagkahiwalay kami ni Vesa ng direksyon. Nagtago ako sa likod ng puno ganoon din siya ngunit sa kabilang bahagi ng kakahuyan.

Nagsesenyasan lang kaming dalawa kung kailan kikilos.

At nang wala na kaming narinig na kaluskos,  sabay kaming nagbilang.

Isa, dalawa, tatlo.

Wrong move!

Dahil malapot na likido ang tumalsik sa aking noo. Hatak-hatak ni Reeve ang buhok ni Vesa habang dahan-dahang pinuputol ang braso ng babae gamit ang chainsaw na hawak niya.

Tanging paghiyaw, pag-iyak at baliw na tawa ang maririnig.

"Akin ka lang, Vesa."

Kahit gustong-gusto ko ng sumigaw ay hindi ko magawa. Sumiklab ang galit ko kay Reeve pero ano nga bang magagawa ko?

Isip, Sora.

Sinubukan kong mangapa sa damuhan nang may mahawakan ako, mata? ilong? at labi?

Pugot na ulo!

At lahat ng dugo sa katawan nito ay nasa mukha ko!

Napatili ako dahil sa nasaksihan. Ang ulong nasa aking harapan ngayon ay ang ulo ni Reeve.

Teka! Anong nangyari? P-Paanong-

Paanong nangyaring hawak ko ngayon ang chainsaw?

Isa. Dalawa. Tatlo.

Tatlong buhay ang kapalit.

Upang siya ay magbalik.

Sa hindi malamang dahilan ay bumalik lahat ng senses sa katawan ko.

Kailangan ko pa ng isa para tuluyan ng mangyari ang hiling ko.

Para akong isang baliw na kating-kati ng pumatay para sa buhay.

Mabilis kong natanaw ang papalayong imahe ni Vesa. "Bumalik ka rito!"

Hindi siya pwedeng makalayo.

Habulin mo siya Sora! Patayin mo siya!

"Saan ka pupunta?"

Nakita ko ang pagmulagat ng mga mata niya. Nag-umpisa na siyang umatras hanggang sa mapadpad siya sa dulo ng bangin.

Hindi ko mapigilang ngumiti. Siniswerte pa rin talaga ako.

"Bakit mo ginagawa ito? Akala k-ko-"

"Akala mo ano? Na hahayaan kitang mabuhay sa kabila ng mga kasalanan mo kay Leijan?" sarkastiko kong banggit.

"A-Anong sinasabi mo? Wala akong kasalanan kay Leijan!"

"Kung nagawa mong bilugin ang utak ng kaibigan natin, pwes! ako? Hindi!"

"Hindi ko niloloko si Leijan, Sora. Magkapatid kami ni Cullen, 'yan ang totoo. Ako lang ang nakakaalam sa atin na bakla siya. Natatakot siya na aminin ang seksuwalidad niya kay Leijan dahil ayaw niya itong masaktan. Mahal ko si Reeve pero maging siya ay nabulag na rin ng galit at poot. Gano'n ka rin ba, Sora?"

Nanigas ako sa aking kinatatayuan. Sumakit ang tainga ko na para bang may nagtutulak sa aking pasabugin ang bunganga ni Vesa. Ang patigilin ang walang preno niyang bibig. Ang sunugin ang kaniyang buong katawan nang walang awa ngunit ako mismo ang pumipigil dito.

Nanginginig ang aking mga kamay habang ibinababa ang chainsaw na hawak ko ngunit masiyadong malakas ang pwersa na nagtutulak sa aking pumatay.

Tumigil ang mundo ko nang kusang gumalaw ang aking mga kamay. Kitang-kita ng mga mata ko ang hirap sa mukha ni Vesa habang hinahati ko ang katawan niya sa dalawa. Naliligo na ako sa mga dugong nagsisilabasan sa kaniyang katawan na ang ipinagtataka ko lang ay nawiwili pa ako sa aking nakikita.

Tuwa ng pagkapanalo.

Kaluluwa sa kaluluwa.
Buhay sa buhay.
Kapalit ng iyong kahilingan.

Si Leijan ay muling mabubuhay,
Kung ang sariling katawan ay ibibigay,
Upang maging bagong sisidlan.
Pumayag ako sa kasunduan.

Isa. Dalawa. Tatlo.
Tatlong buhay din ang isasakripisyo,
Para sa isang demonyong nagkatawang-tao.

Narinig ko pa ang nakakakilabot na halakhak sa buong paligid hanggang sa nilamon na rin ako ng kadiliman.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro