EPISODE 8: Hidden Truth
EPISODE 8: Hidden Truth
EXT. HACIENDA BAROSA. SA BAYAN. UMAGA.
Maligayang pagdating sa Bayan, ang tinatawag nilang town proper para sa mga iba't ibang barangay na nakapaloob sa Hacienda Barosa. Narito matatagpuan ang Simbahan ni San Lazaro, pati na rin ang San Lazaro Hospital na may libreng serbisyo para sa mga tauhan ng Hacienda, at narito rin ang San Lazaro Elementary & High school, na nagbibigay ng libreng edukasyon para sa mga kabataan. Ang San Lazaro, ang patron ng kanilang lugar, at dito kinuha ang pangalan ni Leiah (Lazaleiah). Nasa Bayan din ang iba't ibang komersyo at serbisyo, ito ang "sentro" ng kalakalan ng mga "alipin", ito ang lugar na tila munting "Maynila" para sa kanila dahil sa iba't ibang establishments na tinayo rito para sa kanilang pangangailangan o para may mapaglilibangan.
Kasing bilis ng apoy na kumalat ang balita na magkakaroon ng public viewing para sa mga alipin. Ililipat daw ang burol sa Simbahan ni San Lazaro para maka-silip ang taumbayan. Samantala, sa palengke sa Bayan ay naglalakad ang mag-ina na si Carmela at Sabriela, dala-dala ang kanilang mga bayong at nakasuot ng simpleng kasuotan, kamiseta at mahabang palda, parehas nakalugay ang mag-ina at kaya naman lahat ay napapalingon sa kanilang taglay na kagandahan—ang mga mutya ng Barangay Maharlika.
SABRIELA
Nay naman, bakit kailangang kasama pa 'ko? Pwede naman siguro na ikaw na lang 'yung sumilip doon sa burol. Tsaka hindi pa naman nalilipat sa simbahan ah.
CARMELA
(Abala si mother sa pagpili ng kamatis.)
Hay nako, Sabing. Hindi mo man lang ba sasamahan ang maganda mong nanay?
SABRIELA
Tss... Nay, malaki ka na kaya, tsaka pwede mo namang makasama sila Aling Bebang don.
CARMELA
(Nagbabayad sa tindera sa binili niya.)
Ang sabihin mo, makikipag-tsismisan ka lang kay Johana sa bahay nila.
SABRIELA
Makiki-wifi kaya.
CARMELA
(Inis na humarap sa anak.)
Ayan, ayan, hindi ako natutuwa, Sabing, ha. Baka gusto mong kumpiskahin ko 'yang binili kong cellphone.
SABRIELA
Nay naman! Regalo mo sa'kin 'to nung nag-debut ako!
CARMELA
(Naglakad na ulit para sa susunod niyang bibilhin at nakasunod lang sa kanya si Sabing.)
Masyado kang nahuhumaling diyan sa internet na 'yan. Wala namang magandang maidudulot 'yan sa'yo, bakit hindi ka na lang makuntento sa simpleng buhay natin dito sa hacienda?
SABRIELA
Grabe ka naman, nay, wala naman akong sinabing hindi ako kuntento ah.
(Nag-pout pero maganda pa rin.)
CARMELA
Basta ha, sasamahan mo 'ko sa sa burol.
Minsan iniisip ni Sabriela kung anong mayroon kay Don Rico Barosa at tila ba para itong patron na sinasamba ng kanyang ina. Tuwing umaga ay dapat palagi nila itong masilayan kapag dumadaan sa kanilang lugar si Don Rico, at nang mabalitaan nila na patay na ito ay parang namatayan ng kamag-anak ang kanyang nanay sa sobrang pag-iyak nito.
EXT. HACIENDA BAROSA. BARANGAY MAHARLIKA. UMAGA.
Kakababa lang nila Carmela at Sabriela mula sa tricycle habang bitbit ang kanilang mga pinamalengke. Nang makabayad si Carmela sa driver ay umalis ito. Madadaanan muna nila ang Barangay Hall ng kanilang lugar bago makapasok sa mismong loob papunta sa kanilang dampa. At katulad ng inaasahan ay naroon ang mga usual tambays ng kanilang barangay.
MANG JAJA
Aba, andito na pala ang ating mga mutya.
MANG MENOK
Hello, sa inyo biyutipul gerls!
MANG LARRY
San galing?
At kumpleto na naman ang unfamous jester trio ng barangay. Si Mang Jaja, kilala ito sa pagkakaroon ng baba na mahaba, isa ring magsasaka at tambay dito sa labas ng barangay hall. Si Mang Menok, ang kilalang unano sa kanilang lugar pero ito ay isang tanod. At si Mang Larry naman ang kabaligtaran ni Mang Menok, sobrang tangkad nito at palaging inaasar na Kapre, palaging may dalang gitara. Palabati, palatawa, at kengkoy ang tatlo, palagi silang magkakasama sa mga oras na hindi sila nagtatrabaho. Ang tanging bisyo lang nila ay ang pagkakantahan at pang-aasaran sa isa't isa.
CARMELA
Namalengke lang sa Bayan.
(Natural na palangiti ang mag-ina kaya maraming nagigiliw sa kanila.)
MANG JAJA
May hinanda kaming harana por yu, Carmela my loves. Despacito!
SABRIELA
Mang Jaja, masyado ka ng matanda para nanay ko.
MANG JAJA
Huwawww naman, protektib doter.
MANG MENOK
Ano 'yung doter?
MANG LARRY
'Yung pang tuldok—Dot-er.
MANG JAJA
Gago! Walang ganon!
(Hinampas ng dyaryong pinilipit sa ulo si Mang Larry.)
MANG MENOK
Korni mo, ugok!
Nailing na lang habang natatawa ang mag-ina nang biglang sumulpot si Johana sa harapan nila.
JOHANA
Uy, Sabing! Buti nakita kita agad! Hello, Aling Carmela! Pwede ko bang hiramin muna saglit si Sabing! Pleaseeee.
SABRIELA
Oo nga, nay. Sasama lang ako kay Jo. Tutulungan kita mamaya.
CARMELA
Ano naman ang gagawin niyo?
JOHANA
Uhm... Magpapasama lang po ako saglit kay Sabing sa Bayan.
CARMELA
Eh...
JOHANA
Ang bait mo talaga, Aling Carmela!
(Hinila si Sabing at wala ng nagawa si Carmela.)
CARMELA
Sige, Johana, may tiwala naman ako sa'yo. Akin na 'yan.
(Kinuha kay Sabing 'yung bayong.)
Bago magtanghalian dapat nakauwi ka na.
SABRIELA
Opo, inay!
Excited silang umalis ni Johana at naiwan si Carmela habang tinatanaw sila palayo. Hindi niya maiwasang mag-alala para sa kanyang anak na si Sabriela.
CARMELA
Diyos ko po, gabayan niyo ang anak ko. Dahil kung alam niya lang...
INT. SA LOOB NG BAHAY KUBO. UMAGA.
Inihanda na ni Carmela sa mesa ang mga gulay na hihiwain niya at inayos ang iba pang mga pinamili nila sa Bayan. Magluluto na siya ng tanghalian ngunit biglay may kumatok.
CARMELA
Sino naman kaya ito?
Nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa kanya ang isang lalaki na nakapormal na suot, nakasalamin, bata pa ito at gwapo, balbas sarado at unat na unat ang buhok.
ATTY. GUERRERO
Carmela Garcia?
CARMELA
A-ako nga.
(Biglang kinabahan at kinutuban.)
ATTY. GUERRERO
Ako nga pala si Attorney William Guerrero, ang abogado ni Don Rico Andreigo Barosa.
(Inabot ang kamay.)
CARMELA
(Alinlangang tinanggap 'yon at nakipagkamay.)
Tuloy ka, attorney.
ATTY. GUERRERO
Maaari ko bang malaman kung nariyan si Anna Sabriela?
(Hindi pumasok sa loob.)
CARMELA
U-umalis siya.
ATTY. GUERRERO
Kung ganon ay babalik na lang ako, kailangang nandiyan siya kapag—
CARMELA
Ano ho bang kailangan niyo?
(Pinagpapawisan dahil sa nerbiyos.)
ATTY. GUERRERO
Ms. Garcia, I believe alam mo naman kung ano ang totoo. Babalik ako sa susunod na araw.
(Umalis ito.)
Kaagad na sinara ni Carmela ang pinto at napasandal. Sinasabi na nga ba niya at darating ang araw na ito. Hindi siya kinakabahan para sa sarili kundi para sa kanyang anak, kung ano ang magiging kinabukasan at kapalaran nito na sa oras na malaman niya ang katotohanan.
Na si Sabriela ay may dugo ng isang Barosa.
FADE OUT
xxx
Liza Soberano as Anna Sabriela Barosa
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro