gusto totoo
𝙜𝙪𝙨𝙩𝙪𝙝𝙞𝙣 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣 𝙖𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙩𝙤𝙩𝙤𝙝𝙖𝙣𝙖𝙣,
𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙗𝙖𝙨𝙩𝙖 𝙢𝙖𝙡𝙖𝙢𝙖𝙣.
"𝘪𝘧 𝘢𝘯𝘺𝘰𝘯𝘦 𝘥𝘰𝘦𝘴 𝘯𝘰𝘵 𝘭𝘰𝘷𝘦 𝘵𝘩𝘦 𝘓𝘰𝘳𝘥,
𝘭𝘦𝘵 𝘩𝘪𝘮 𝘣𝘦 𝘢𝘤𝘤𝘶𝘳𝘴𝘦𝘥!"
1 Corinthians 16:22
▂▂▂▂▂▂▂
Putek. Kaharap ko ang Diyos.
Kanina pa kami magkatitigan. Pero walang ilangan. Siya, nakangiti lang. Normal. Parang hindi Diyos kung tutuusin. Hindi siya weird. Kahit tumatakbo ang oras, alam namin sa isa't isang kailangan namin ng titigang 'to—o ako lang. Dahil kung totoo nga ang sinabi niya noon pa man, bago pa lang ako maisip na buuin ng kung sinumang magulang ko, kilala niya na ako.
Ang hirap talaga isuksok sa utak.
Lalo na't ngayon, mukhang magkasing-edad lang kami.
'So. . .'
'So?'
'Ano talagang language mo?'
Natawa siya. 'Maganda at malalim ang tagalog, kung ako ang tatanungin.'
'Pero anong paborito mo?'
'Yan talaga gusto mong itanong?'
Nagkibit-balikat ako. 'Sa tingin ko naman, alam ko na yung mga sagot sa mga malalaking katanungan sa buhay ko. Mas interesado ako sa maliliit. . .sa mga hindi napapansin dahil parang walang kwenta.'
'Maganda nga ang tagalog,' ulit niya.
'Paborito mo?'
'Hindi ko rin alam. . .'
'Akala ko ba, alam mo ang lahat?' tanong ko.
Natawa na naman siya. Sobrang kalmado niya lang. Ang gaan-gaan sa pakiramdam. 'Akala ko ba, alam mo na ang sagot sa mga malalaking katanungan?'
Natawa rin ako. Kasi alam kong tama siya. At walang udyok sa akin na mainis, magalit, o gumanti para may mapatunayan. Kung ganito kagandang lalaki—oo, lalaki—ang kaharap ko, tipong sobrang kalmado at walang bahid ng kung ano, ang linis sa pakiramdam. Literal.
Ngumiti siya. 'Mukhang may gusto kang itanong. . .'
Muli, may konsepto naman ng pagsisinungaling, pero walang udyok. Gusto kong sumagot. Iyon ang nasa puso ko. Kung ganito kagandang lalaki—oo, lalaki talaga—ang kaharap ko, parang kaya niyang tanggapin lahat ng sasabihin ko. Walang panghuhusga. Buong-buo, kaya niyang sagutin.
Hindi ko alam kung paano ko alam lahat ng 'to.
May konsepto ng lunok. . .pero di ako nakalunok. May boses ako pero walang bibig. Nasa utak ko lang, tapos nagiging tunog.
'Hindi ka habambuhay rito, Christian,' bigla niyang sabi.
Wala akong kilay. Walang magsasalubong.
Dahil Diyos siya, syempre nabasa niya ang isip ko. Natawa tuloy siya—na naman. 'Kapag tapos na ang lahat, may inihanda akong bagong mundo. Pisikal. Bagong katawan. Nakaukit sa pagkatao mo 'yon. . .'
Hindi ko na napigilan, 'Sino ka ba talaga?'
Ngumiti siya, may hamon. 'Sino ako sa tingin mo?'
'Hindi ka mukhang Indyano, so. . .'
Unti-unti, nanlaki ang mata niya sabay hagalpak. Mas malakas. May konsepto ng pagmamadali sa isip ko, malabong alaala, pero hindi ko nararamdaman. Weird. Kahit yata tingnan ko lang siyang tumatawa, hindi nakakaburyo. Kalmado lang. Parang wala akong ibang gustong gawin. Sapat na 'yong nandito ako. Parang dito talaga ako. Parang lahat, kaya kong gawin, pero walang umuudyok sa akin na gawin silang lahat ngayon.
'Feeling ko, alam ko na. . .' sabi ko.
Tiningnan niya lang ako. Nakangiti.
'Pero palatawa ka pala?'
'Ako ang kasiyahan, Christian.' Ngiti. Tumingin siya sa paligid ng masasayang tao. Kahit dito sa kinauupuan namin, rinig ang lahat—pwera sa karumihan ng mundo. Lahat. . .masaya. 'Walang hanggan ang kasiyahan ko. Hindi kita isasama rito para gawin kang miserable. Hindi ako gano'ng Diyos. . .'
'Ikaw talaga si. . .'
'Sino ba ako base sa gusto mo?'
'Sa mundo?'
Tumango siya.
'Wala. . .' sinabi ko 'yon nang mabilis, kasi ang sarap magkwento sa kanya. 'Pero hindi naman importante ang katotohanan sa kung anong gusto ko, kundi sa kung ano talaga yung totoo—di ko man tanggap o hindi.'
'Pero doon ka namulat, 'di ba?'
Katotohanan. Walang bahid ng paninisi.
'Alipin ang tao ng gusto niya,' dugtong niya. Walang yabang. Totoo pala talaga. . .na mas mapagkumbaba ang taong totoo ang sinasabi. 'Umaakto base sa kung anong hilig, hindi sa purong pag-iisip. Nakulong ang tao sa sarili kaya kahit alam ang tama at mali, hindi moral. Binulag ng damdamin. Hindi puro ang motibo. Baluktot ang pagkampi. Lahat ng 'yon, dahil ang moral ng tao ay ang kagustuhan niya.'
Naiiyak yata ako. Sa tuwa. Pede pala rito 'yon.
'Gusto kita,' bigla kong sabi sa kanya. 'Alam ko, mahal kita, pero gusto rin kita. Kaibahan lang, ikaw, totoo. . .tapos gusto ko. Ikaw pala talaga yung gusto ko. Hindi ko rin alam kung paano ako dumating sa ganitong punto, pero gusto kong gusto kita. . .kasi kagusto-gusto ka talaga. Walang bahid ng kasinungalingan sa 'yo. Ikaw ay ikaw. . .'
Ang pangalan niya.
'. . .Jesus.'
Hindi man pisikal ang pagluhod, buong puso ang pagpapakumbaba ko sa kanya. Puro ang emosyon, malinaw, damang-dama. Walang hadlang o balakid. Walang lito. Walang katiting na halo. Malinis na malinis.
'Pero paano ako napunta rito. . .?' Hindi kabado. Alam kong nandito ako, gusto kong nandito, at alam kong dapat akong nandito kahit hindi ko sigurado ang dahilan ng kasiguraduhang 'yon. 'Bakit hindi sa impyerno? Buong buhay ko, iniwasan kita. Bakit nandito pa rin ako?'
'Dahil sa akin.'
'Hindi dahil sa akin?'
Nagtawanan kami.
'Isolated case,' pag-ingles niya. 'Marami-rami kayo, pero kung kolektibong bilang ng lahat ng nabuhay, konti pa rin. . .' Natawa siya, ramdam niya talagang hindi ako makasabay. 'Pinipili ko kayong lahat, Christian. Pipiliin niyo ako dahil una ko kayong pinili. Nahahanap ako ng tao dahil ako ang nagbubukas ng mata. Ako lang. Walang iba. Iba-iba lang kayo ng oras. May buong buhay, alam ng lahat na para sila rito, dahil maganda ang bunga. Totoong mahal ako, sa puso at gawa. 'Yong iba, nahanap nila ako sa pinakamababa. Mas madalang 'yong mahahanap ako ng tao sa pinakamataas at pinakamasaya nilang estado.'
'Nasaan ako do'n?'
'Teka, di pa ako tapos.'
Napanganga ako. Nagtawanan kami ulit.
'May papakilala ako sa 'yo,' sabi niya.
Naglakad kami. 'Yon ang gusto kong isipin, kahit wala naman akong pisikal na paa. Masaya ang paligid. Kalmado. Walang dumi, walang kasalanan. Nag-uusap ang lahat. Wala pa akong nakikitang pamilyar na mukha. . .dahil mag-isa lang din naman akong nabuhay sa mundo. Walang pamilya. Self-made. Trabaho ko, sa production studio. Kaso wala pa namang namamatay sa amin do'n maliban sa akin.
Kung paano ako namatay, ayoko muna alalahanin.
Hanggang sa nakarating kami sa isang banda ng langit na may grupo ng mga taong nag-uusap. Tuwang-tuwa sila nang makita si Jesus. Lumuhod sila. Kung anong damdamin nila, damdamin ko rin. . .kaya alam kong ang ganoong klase ng damdamin ay pagpapakumbaba.
'Lord, anong atin?'
Pilipino rin kaya sila?
'Barabas, halika rito,' mahinang utos ni Lord—'yon na din tawag ko sa kanya dahil pwede naman pala. Natawa ako sa isip. 'Ito si Christian. Katulad siya ng nangyari sa 'yo. Ayos lang bang maistorbo namin kayo saglit nang maikwento mo sa kanya?'
'Lord naman, para namang matatanggihan ka namin.'
Nagtawanan kami.
'Ako si Barabas.' Nakangiti siya. 'Ako yung magnanakaw na katabi ni Lord bago siya mamatay. . .'
Agad-agad, umapaw ang damdamin ko.
'Buong buhay ko, iniwasan ko siya.' Nagtinginan kami. Ngumiti lang sa akin si Jesus. 'Akala ko, wala na rin akong pag-asa. Kasi 'di ba, wala naman siyang kasalanan. Alam naman naming lahat 'yon ng panahong 'yon. Kaya isip ko, kung siya, walang kasalanan, pinarusahan. . .anong pag-asa ko? Wala. Kasi may kasalanan ako. Para talaga ako sa impyerno.'
Naiiyak ako. Pero natutuwa.
'Pero totoo siya, Christian.'
'Kaya mo siya mahal. . .'
Naghalo-halo ang damdamin. May pagkakaisa. Marami, pero walang kumokontra. Walang duda. Masaya ang langit dahil ito ang lugar ng katotohanan. Malaya ang damdamin dahil ang totoo ay ginugusto. . .at ang ginugusto ay totoo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro