Simula
Tahimik ko siyang pinagmamasdan habang abala siya sa paglalaro ng mobile games sa kanyang telepono. Nasa loob kami ngayon ng kanyang silid dito sa inuupahan niyang apartment. Pinili naming huwag pumasok sa school ngayon araw dahil ilang linggo na rin kaming hindi nagkita at bukod pa doon, gusto ko rin siyang maka-usap hinggil sa sitwasyon ko ngayon. Napabuga na lamang ako ng hangin sa kawalan habang iniisip kung papaano ito sasabihin sa kanya. Natatakot ako at nagda-dalawang isip, dahil baka hindi niya ito tanggapin at maging mitsa pa ito ng aming pag-aaway, pero karapatan naman niya itong malaman kaya dapat lang talaga na sabihin ko ito sa kanya.
"Joshua buntis ako," panimula ko, dahilan upang tumigil siya sa kanyang ginagawa at kunot-noong humarap sa akin. Tila nagulat pa siya sa kanyang mga narinig dahil ilang segundo din siyang nakatingin sa akin.
"Anong gagawin natin? Baka itakwil ako ni daddy kapag nalaman niya 'to," naluluha kong saad habang kagat ang aking pang-ibabang labi.
Hindi ko mawari kung ano ang iniisip niya ngayon habang nakatingin siya sa akin ng seryoso. Napabuntong hininga pa siya saka naiiling na tumingin sa ibang direksyon.
"Hindi ko alam, Aloha. Bakit kasi hindi ka nag-iingat? Hindi ba't kabilin-bilinan ko na sa 'yong gumamit ka ng pills para hindi ka mabuntis. Pero bakit hindi mo ako sinunod?" Dismayado nitong tugon na kakikitaan na din ng inis dahil sa ekspresyon ng kanyang mukha.
Tila napipi ako dahil sa mga katagang kanyang binitwan. Ang totoo'y hindi ko rin alam kung paano ito nangyari. Pero hindi ba dapat natutuwa siya ngayon dahil magiging ama na siya, ngunit bakit parang galit pa siya at hindi niya ito matanggap.
"Hindi ko alam ang gagawin sa batang 'yan, Aloha. Alam mo namang nag-aaral pa tayo hindi ba? Atsaka sigurado akong gaya mo ay itatakwil din ako ng aking pamilya kapag nalaman nila ito. Kaya mas okay siguro kung ipalaglag mo na lang," walang pakundangan nitong tugon.
Pakiramdam ko'y nagpanting ang aking pandinig dahil sa mga sinabi niyang iyon. Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili at kaagad na dumapo ang aking palad sa kanyang pisngi.
"Ipalaglag? Anong klase kang tao Joshua?" Sigaw ko habang pinaghahampas siya sa dibdib, kasabay nito'y ang pag-agos ng aking mga luha.
"Wala kang puso! Anak mo rin naman 'to ah, tapos gusto mo lang ipalaglag? Eh, talaga palang napakawalang kwenta mong tao!"
Napahagulgol na ako nang tuluyan, matapos kong sabihin 'yon sa kanya, pero tila mas lalo lang siyang nainis nang makita ko ang ekspresyon ng kanyang mukha. Pakiramdam ko'y libu-libong patalim ang tumutusok sa aking dibdib habang nakatingin sa kanya. Ang sakit. Sobrang sakit.
"Tama na, Aloha!" Hinawakan niya ako sa aking braso at marahas na inihinarap sa kanya.
"Tama na! Simula ngayon mag-kanya-kanya na tayo, wala na tayong pakialam sa isa't -isa. 'Wag mo na akong pakikialaman at hindi na rin kita papakialaman. Siguro hanggang dito na lang talaga relasyon natin," wala gatol nitong wika na lalo pang ikinadurog ng aking puso.
Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay tinalikuran niya ako at tuluyan nang lumabas ng silid.
Naiwan akong nakaupo sa sahig at patuloy lang sa pag-iyak. Ni hindi maproseo ng aking isipan ang mga nangyayari. Pakiramdam ko'y pinagsakluban ako ng langit at lupa dahil dito. Balewala lang ba sa kanya ang lahat ng pinag-samahan namin. Asan na ang pangako niyang hindi ako iiwan kahit anuman ang mangyari? Bakit nagawa niya akong saktan? At ang pinakamasakit pa'y gusto niyang ipalaglag ang aming magiging anak. Nasaan na ang Joshuang minahal at pinagka-tiwalaan ko? Bakit nauwi kami sa ganito? Ito ba talaga ang kapalit ng pag-suway ko sa aking mga magulang?
Matapos ang mahabang sandali at pananatili sa ganoong posisyon, napagpasiyahan kong umuwi dahil sigurado ako nag-aalala na sila mommy at daddy. Pero bago ako tuluyang umuwi ay inayos ko muna ang aking sarili dahil sigurado akong magtataka ang mga 'yon, kung bakit ganito ang ayos ko.
Pagdating ko sa bahay ay agad naman akong sinalubong ni mommy.
"Oh Aloha, bakit ngayon ka lang?" Bungad nitong tanong sa akin.
"Ah, may ginawa lang po kaming group study ng mga kaklase ko," pagsisinungaling ko habang nakatingin sa ibang direksyon. Hindi ko kasi siya matingnan ng deretso dahil natatakot akong baka mahalata niyang nagsisinungaling lang ako. Wala naman akong balak na itago ito, pero hindi pa ako handa na sabihin ito ngayon.
Tila nakumbinsi naman siya sa aking sinabi dahil nginitian niya ako. Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso nang makita ko ang ngiting 'yon, kaya tinatagan ko na lang ang aking sarili para huwag bumigay at huwag umiyak.
"Ah, gano'n ba? Oh sige kumain kana, sandali at tatawagin ko si manang nang maipaghanda ka niya ng makakain," anito na agad ko namang pinigilan.
"Ah? Huwag na po. Kumain na rin po kasi ako eh, aakyat na lang po ako sa kuwarto para makapagpahinga na, napagod po kasi ako kanina," tanggi ko sa kanya, kasabay noo'y hinalikan ko siya sa kanyang pisngi. Sorry ma, kung kailangan kong magsinungaling ngayon. Hindi pa kasi ako handa na sabihin ang katotohanan, sana'y maintindihan ni'yo ako.
----
Pagmulat ko ng mata'y kakaiba agad ang aking nararamdaman. Sa wari ko'y bumabaliktad ang aking sikmura at naduduwal ako, kaya patakbo akong nagtungo sa aking banyo at doon sumuka.
Pagkatapos noo'y nasapo ko agad ang aking noo. Pakiramdam ko talaga ngayo'y naisuka ko na ang lahat though wala pa naman akong kinakain. Ilang sandali pa'y naaramdaman ko na lang na tila umiikot ang buong kapaligiran kasabay nito'y ang pagkawala ng aking ulirat.
Nang magkamalay na ako'y unang tumambad sa 'kin ang puting kisame. Nagpalingga-linga ako sa buong kapaligiran nang mapagtanto kong wala ako sa aking silid. Teka, nasa hospital ba ako? Pero bakit ako nandito? At paano ako nakarating dito?
Ilang saglit pa'y natigil ako sa pag-iisip nang bigla na lang bumukas ang pinto, kasabay noo'y iniluwa nito ang mga magulang ko, kasama ang sa tingin ko'y doctor.
"Thanks god you're awake," natutuwang sambit ni mommy nang makita niya akong nakatingin sa kanila.
"Kumusta ang pakiramdam mo hija?" Nakangiti rnamang tanong ni daddy pero mababakas din ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Ah? Okay na po ako, 'wag na po kayong mag-alala," sagot ko na lang habang pinipilit itago ang kabang nararamdaman ko. Alam ko kasi anumang oras ay malalaman na nila ang itinatago ko
"Oo nga, kasi nakita ka na lang ni Manang na walang malay sa loob ng banyo. Ano ba'ng nangyari anak?" Nag-aalalang tanong ni mommy kasabay noo'y umupo siya sa aking tabi.
"Ah? Hindi ko po alam eh? Basta ang natatandaan ko lang nahihilo ako at gusto kong masuka," pagsisinungaling ko, habang hinihiling na sana ay 'di pa nila malaman ang katotohanan.
"Ah? Doc, ano po ba ang sakit ng anak namin?" Baling na tanong ni daddy sa doctor kaya napatingin agad ako sa ibang direksyon habang kinakagat ang aking pang-ibabang labi. Baka malaman na nila ang totoo. Anong gagawin ko ngayon?
"Wala naman po siyang sakit, normal lang po ang ganoong sintomas para sa kagaya niyang nagdadalang-tao. Congratulations po Mr. and Mrs," masayang anunsyo ng doctor kaya napapikit na lamang ako. Ito na nga ba ang kinakatakutan ko eh, ang malaman nila ang kalagayan ko.
"Ano? Buntis siya? paanong.." gulat na tanong ni daddy at kasabay noo'y isang matalim na tingin ang ipinukol niya sa 'kin. Kung nakakamatay lang siguro ang mga titig niya, malamang ay kanina pa ako pinaglalamayan.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko, at naikuyom ko na lamang ang mga palad ko kasabay noo'y tuluyan na rin akong napaluha.
"Well, pwede ni'yo na po siyang iuwi. Sige po Mr and Mrs, lalabas na po ako, kung may kailangan kayo tawagin ni' yo lang ako," sabi pa nito kasabay noo'y tuluyan na rin siyang lumabas ng silid.
"Mag-ayos na kayo, lalabas na tayo ng hospital," seryosong wika ni daddy kaya agad akong naalarma dahil alam kong nagpipigil lang siya ng galit sa mga oras na ito.
"Pero, hindi pa malakas si Aloha, kailangan pa niyang magpahinga," tutol naman ni mommy habang nakatingin sa akin.
"Hindi mo ba narinig 'yong sinabi ng doctor? Puwede na raw siyang iuwi, atsaka marami siyang ipapaliwanag sa'tin," maawtoridad nitong saad, kaya wala na kaming nagawa kundi ang sumunod sa kanyang utos.
----
"Sabihin mo? Sino'ng ama niyang pinagbubuntis mo? Sino Aloha? Sino?" Agad na tanong ni daddy pagkarating namin sa bahay. Kung kanina ay nagpipigil pa siya, ngayon ay mukhang galit na galit na ito base sa ekspresyon ng kanyang mukha.
Halos mabingi ako dahil sa lakas ng boses nito at hindi ko na ring napigilan ang aking sarili at tuluyan na akong napaiyak.
"Si Joshua po, 'yong boyfriend ko. Sinabi ko na po sa kanya 'to. Pero... ayaw niya po akong panagutan, I'm sorry Daddy, hindi ko po gustong mangyari 'to. I'm really sorry,," nakayuko kong tugon habang umiiyak. Ni hindi ako makatingin sa kanya dahil nahihiya ako.
"I'm really disappointed with you, Aloha. Ang akala ko pa naman ay hindi mo tutularan ang ate mo, but what did you do? Hinigitan mo pa! Napakalaking kahihiyan 'to, pinag-aral kita para magkaroon ka ng magandang kinabukasan, pero anong ginawa mo, nagpabuntis ka sa lalaking hindi ka naman kayang panindigan!" Sumbat nito sa akin na lalo ko pang ikinahagulgol.
I'm really sorry dad. I'm really sorry!" Paulit-ulit kong sabi sa kanya. Halos nakaluhod na rin ako sa kanyang harapan habang sinasambit ang mga katagang 'yon.
"Alam kong huli na po para magsisi pa ako pero andito na kasi 'to at wala na po akong magagawa, sorry po talaga," dagdag ko pa habang patuloy pa rin sa pag-iyak.
"Hindi dapat nangyari 'to, kung hindi pagbo-boyfriend ang inatupag mo," giit nito kasabay nito'y tinalikuran niya ako. Nang sundan ko siya ng tingin ay nakita kong umakyat siya sa ikalawang palapag ng aming bahay.
Niyakap naman ako ng mahigpit ni mommy habang pinupunasan ang aking mga luha. Iyak lang ako ng iyak habang humingi ng paumanhin sa kanya.
Ilang sandali pa'y lumabas din siya ng silid bitbit ang isang maleta. Pamilyar sa akin ang maletang iyon dahil siya mismo ang nagpasalubong no'n sa akin no'ng minsang magkaroon siya ng business trip sa ibang bansa.
"Ernesto! Anong ibig sabihin nito? Bakit bitbit mo ang maletang 'yan?" Takang tanong pa ni mommy nang makita niya ang dala nito.
"Huwag kang makialam dito Myrna! Ayan ang mga damit at gamit mo, kunin mo at umalis kana sa pamamahay ko. Hindi ko kailangan ng isang anak na kahihiyan lang ang dala sa pamilyang 'to," seryoso nitong saad, kasabay noo'y agad niyang itinapon sa aking harapang ang mga gamit ko.
"Pero Ernesto! Hindi mo puwedeng gawin 'to sa anak natin!" Sigaw naman ni Mommy na tila naluluha na dahil sa sinabing iyon ng aking ama.
"Hindi na dapat kita makita pagbaba ko," dagdag pa nito at pagkatapos noo'y tumalikod na rin siya. Pinipilit naman siyang habulin ni mommy para kumbisihin pero tila wala na itong naririnig dahil hindi man lang siya nito pinapansin.
Kahit labag sa loob ko ay pinulot ko na lamang ang mga nagkalat na damit at gamit ko at isinilid iyon sa maleta kasabay noo'y tuluyan na rin akong lumabas nang aming bahay.
Bago ko tuluyang lisanin ang aming bahay ay pinagmasdan ko muna ito nang maigi.
Lilisanin ko na ang bahay na kinagisnan ko, ang bahay kung saan una kong natututnan ang lahat, kung saan nakasama ko ang pamilya at mga mahal ko sa buhay.
Napaiyak na lamang ako habang iniisip ang masasayang sandali kasama ang aking pamilya. Sorry ma, sorry pa. Sorry kung nangyari ito. Sorry kung na-disappoint ko kayo. Kailangan ko nga sigurong umalis, dahil alam kong isa lang akong kahihiyan sa pamilyang 'to.
Hinipo ko ang aking tiyan habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Sorry anak, kung pati ikaw nadamay sa pangyayaring 'to. Sorry kung hindi kita mabibigyan ng magandang buhay. Pero ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat para sa 'yo.
Nagsimula na akong maglakad kahit hindi ko naman alam kung saan ako pupunta. Napaka-helpless ko ngayon, ni hindi ko alam kung sino ang pupuntahan o lalapitan ko sa mga oras na ito. Sinubukan ko ring tawagan ang mga kaibigan ko pero hindi naman sila sumasagot, kaya nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad kung saan man ako dalhin ng aking mga paa.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro