Ika-siyam
Pinahid niya ang aking mga luha na kanina pa nag-uunahan sa pagbagsak. At gaya kanina, hindi pa rin niya inaalis ang mga matatamis na ngiti sa kanyang mga labi. Sa totoo lang hindi ko alam ang aking sasabihin. Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit sa dinami-rami ng mga babaeng andito sa isla ay sa isang disgrasyada pang gaya ko siya umibig.
Paano ko nga ba malalaman ang sagot sa aking katanungan, kung ayaw lumabas ng mga salitang iyon sa aking bibig? Kontra ko sa aking sariling isipan.
Kaya naman nang makahupa ako sa pag-iyak ay isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan, para mapagaan nito ang aking hindi maintindihang nararamdaman. Dahil sa totoo lang magkahalong emosyon ang nadarama ko sa mga sandaling ito. Nariya't masaya ako na natatakot, na kinakabahan at nae-excite. Ay ewan! Ito ata 'yong sinasabi nilang mixed emotions.
"Art, sa totoo lang hindi ko alam ang dapat kong maramdaman dahil d'yan sa mga ipinagtapat mo. Hindi talaga kasi ako makapaniwala," sa wakas ay naisatinig ko na rin ang mga salitang iyon. Pero imbes na sagutin niya ako ay masuyo lang niyang hinaplos aking mukha at kasabay noo'y hinagkan nito ang aking noo.
"Hindi naman kita minamadali Aloha, gusto ko lang talaga na maipagtapat sa 'yo ang nararamdaman ko. Dahil kapag hindi ko pa nasabi ito sa 'yo ay baka mabaliw na ako nang tuluyan," natatawa nitong sambit na lalo namang ikinabilis ng pagtibok ng aking puso.
"Pero Art.." tutol kong wika pero parang hindi naman ito umuubra sa kanya.
"Wala nang pero, pero Aloha. Handa akong maghintay kahit gaano pa katagal. Basta hayaan mo lang akong iparamdam sa 'yo kung gaano kita kamahal," masuyo nitong wika kaya napabuga nalang ulit ako ng hangin sa kawalan. Mukhang desidido na rin naman siya at mukhang hindi ko na rin ito mapipigilan. 'Yon kasi ang ipinapahiwatig ng mga ngiti niya sa mga oras na ito.
"Eh paano ang mga magulang mo? Alam kong hindi lahat ng magulang ay maintindihan ang ginawa mo, " seryosong tanong ko rito.
Ilang segundo din siyang natahimik dahil sa katanungang iyon. Mukhang tama lang na naitanong ko iyon dahil sa tingin ko'y hindi rin alam ng mga magulang niya ang desisyon niyang ito. Pero isang mahinang halakhak lang ang naging tugon niya sa katanungang iyon.
"Sila ba ang inaalala mo kaya ka nagdadalawang-isip?" Nakangiti na naman nitong tanong. Bakit ba laging nakangiti ang lalaking ito? Mas lalo tuloy siyang guma-guwapo sa ginagawa niyang 'to.
Hindi ko nalang siya sinagot sa halip ay ibinaling ko nalang sa ibang deriksyon ang aking tingin. Nakita kong napa-buntong hininga pa siya bago muling nag-wika.
"Kung sila ang iniisip mo ay hindi ka na dapat mag-alala pa. Ipinagtapat ko na sa kanila ang nararamdaman ko para sa 'yo. No'ng una'y hindi nila ito matanggap lalo na't buntis ka nga at hindi pa pinanagutan pero sinabi ko sa kanila na ikaw ang babaeng mahal ko at gusto kong makasama habambuhay. At hindi ko na nakikita pa ang aking sarili na magmamahal ng iba dahil sa 'yo ko lamang naramdaman ang pagmamahal na matagal ko nang hinihintay. Kaya naman, wala na silang nagawa pa kundi ang tanggapin ang aking naging pasya tutal raw ay nasa wastong gulang na ako at alam ko na raw ang tama sa mali," mahaba nitong paliwanag dahilan upang mapa-arko ang aking kilay. Talagang ginawa niya iyon dahil lang pagmamahal niya para sa akin? Napangiti ako sa kaisipang iyon, at pakiramdam ko'y may kung anong bagay ang humaplos sa aking puso dahil sa mga sinabi niyang iyon.
Mayamaya pa'y kinuha niya ang aking magkabilang kamay at masuyong hinagkan ang mga ito kasabay noo'y deretso siyang tumingin sa aking mga mata.
"Gusto kong malaman mo na handa akong panagutan 'yang dinadala mo at ibigay maging ang aking apelyido sa kanya. Gusto ko ring malaman mo na kahit ano pa ang maging pasya mo ay maluwag ko itong tatanggapin at hinding-hindi magtatanim nang anumang sama ng loob. Dahil mahal na mahal kita, Aloha. Lahat ay kaya kong gawin para sa 'yo," seryoso nitong wika habang pigil pigil ko naman ang aking sarili na huwag maluha dahil sa kanyang mga tinuran.
Hindi talaga pumapasok sa sistema ko ang mga nangyayari ngayon. Pakiramadam ko'y nanaginip lamang ako. Pero kung ito nga ay isang panaginip parang ayaw ko nang magising pa.
At gaya kanina mukhang nahulaan na naman niya ang aking iniisip. Masuyo na naman niya akong hinagkan sa aking noo atsaka binigyan ng isang matamis na ngiti.
Matapos ang ilang sandali ay nagpaalam na rin siya. At nangakong sisimulan ang isang pormal na panliligaw sa lalong madaling panahon. Hindi ko naman maiwasang hindi mapangiti sa huling sinabi niya. Iniisip ko pa nga lang ay sobrang saya na ang dulot niyon sa akin.
Nang tuluyan na itong makaalis ay agad naman akong kinulit ni Elisa na magkuwento tungkol sa napag-usapan namin kanina. Hindi naman magkaumayaw ang kilig na mababasa mula sa mukha ng dalagita habang kinukuwento ko ang mga kaganapan kanina. Maging si aling Lolita ay hindi rin maitago ang kasiyahan dahil sa narinig nito.
----
"Mukhang road to forever na ang drama ni'yo ni kuya Art, ate ah? Sana talaga kayo na ang magkatuluyan tapos kunin mo akong abay sa kasal ni'yo huh?" Masaya nitong sabi habang nasa hapag kami at naghahapunan.
"Naku Elisa, manliligaw palang si Art hindi pa sila magpapakasal. Ito talagang batang 'to kung anu-ano sinasabi eh?" Tugon naman ng ginang sa dalagita. Napangiti na lamang sa sinabing 'yon ng matanda.
"Pero hindi mo naman siya papahirapan sa panliligaw ate, hindi ba?" Pilyong wika nito habang nagpapa-cute kaya napangiti na lamang ako kasabay noo'y tinanguhan ko siya, tanda ng pagsang-ayon sa kanyang sinabi.
Mabilis naman siyang tumayo at nagtungo sa aking inuupuan at kasabay noo'y niyakap ako ng mahigpit kaya niyakap ko na rin siya. Nasa ganoong posisyon kami nang biglang sawayin ni aling Lolita ang anak at inutusang bumalik sa kanyang kinauupuan para maipagpatuloy raw nito ang pagkain. Napangiti ulit ako dahil sa ginawang iyon ng dalagita habang ninamnam ang sarap ng pagkaing pinagsasaluhan namin ngayon.
Pagkatapos ng masaya naming hapunan ay nagprisinta naman akong maghugas nang aming pinagkainan. Ayaw man nila ay wala na rin silang nagawa dahil sa pagpupumilit ko, napapayag ko na lamang sila. Nang matapos ko naman ang gawain ko'y agad na rin akong nagtungo sa aking silid para makapagpahinga. Habang payapa ang gabi ay masaya ko namang ginugunita ang mga kaganapan kanina. Sobrang gaan ng aking pakiramdam at tila nag-uumapaw ang kaligayahang nararamdaman ko. Tila wala itong mapaglayan at kulang na lamang ay iduyan ako sa alapaap. Isa uling ngiti ang sumilay sa aking labi bago ako tuluyang tangayin ng antok na aking nadarama.
Itutuloy..
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro