Ika-anim
Mula nga nang araw na iyon ay lagi na akong inaabutan ng bulaklak ni Art. Kung hindi man mismo sa akin ay sa mga kasamahan ko dito sa bahay niya ito ipinapaabot.
Hindi ko naman mapigilang hindi mapangiti sa mga ginagawa niyang iyon. Aaminin ko, kinikilig din naman ako at nagdudulot din sa akin iyon ng kakaibang saya. Pero lagi pa rin itong kumukontra ang aking isipan. Lagi ko kasing naiisip ang aking sitwasyon.
Alam kong magugulat siya kapag nalaman niyang nagdadalang-tao ang inaalayan niya ng bulaklak araw-araw. Kaya hangga't maaari'y gusto kong malaman na niya ang katotohanan. Hindi ko rin naman kasi ito maitatago habambuhay. Kaya kailangang magka-usap na kami sa lalong madaling panahon.
Ipinikit ko ang aking mga mata atsaka sinamyo ang sariwang hangin mula dito sa dalampasigan, gusto kong iwaglit sa aking gunita ang malungkot na kaisipang iyon. Patuloy lamang ako sa aking ginagawa nang maalala ko ang araw na napadpad ako sa islang ito.
----
Papunta na kami ngayon sa lugar na sinasabi ni Roger. Halos dalawang oras din ang biniyahe namin bago kami nakarating sa piyer.
Piyer? Bakit nga ba kami andito? Ang akala ko'y sa probinsya kami pupunta? Nagtatakang tanong ko sa aking isip at mukhang napansin naman iyon ni Roger.
"Sa Isla Valencia pala tayo pupunta, doon na raw kasi nakatira sila tiyang Lolita," nakangiting sabi nito kaya tinanguhan ko na lamang siya.
Mayamaya pa'y iginaya na niya ako pasakay sa bangka. Kasalukuyan naming binabaybay ang karagatan patungo sa Isla Valencia.
Matapos ang tatlumpong minutong biyahe ay narating na rin namin ang isla. Sa unang tingin masasabi mong isang paraiso ang isla, dahil sa taglay nitong ganda. Sigurado akong kakaunti pa lang ang nakakaalam sa lugar na ito at mukhang hindi pa ito gaanlng nadidiskobre ng mga turista dahil walang mga cottages o hotel na nakatayo rito, hindi tulad ng ibang mga isla. Ilang saglit pa'y, inalalayan na ako ni Roger pababa mula sa bangka.
"Salamat," pakli ko pero nginitian lang niya ako kasabay noo'y nagsimula na rin kaming maglakad.
Habang naglalakad kami'y hindi ko naman mapigilang hindi yumuko dahil sa mga tinging pinupukol sa akin ng bawat taong madaanan namin.
Mula naman sa 'di kalayuan ay natanaw ko ang munting bahay kung saan sa tabi noo'y may nakatanim na gumamela. Bigla ko tuloy naalala si mommy, isa kasi 'yon sa mga paborito niyang halaman.
Pagkarating namin sa mismong pintuan ay agad na kumatok si Roger at hindi rin naman nagtagal ay pinagbuksan din kami. Unang tumambad sa aming harapan ang isang ale na sa tingin ko'y nag-eedad kwarenta taong gulang. Ngumiti siya sa amin at agad niyang niyakap si Roger. Bumitaw siya sa pagkakayakap at iginaya kami papasok sa loob ng kanilang bahay.
"Maupo kayo," anito, kaya sumunod naman kami at agad na naupo sa kanilang munting sala. Iginala ko ang aking paningin sa buong kabahayan. Napaka-simple talaga ng pamumuhay dito dahil kahit ang mga bahay na narito ay may kaliitan at gawa pa sa kahoy at pawid ang ilan. Pero ayos na rin siguro ito dahil mas komportable naman ang lugar na 'to kesa sa siyudad.
"Oh, Roger kumusta kana? Kumusta ang nanay at mga kapatid mo?" Masaya nitong tanong sa binata.
"Okay lang naman po sila tiyang. Eh kayo ho? Si Elisa nasaan ho siya?" Tugon naman sa kanya ni Roger.
"Naku! Nandyan lang sa mga kaibigan niya. Mayamaya lang eh andito na 'yon," sagot naman ng ginang.
"Ah gano'n po ba, oo nga pala tiyang siya si Aloha. Siguro naman ho eh nasabi na sa inyo ni tiyang Lope ang lahat," pag-iiba niya ng usapan pagkuwa'y agad na dumapo ang kanyang tingin sa akin.
"Ah oo, nasabi na nga ni ate Lope sa akin iyang pananatili ni Aloha dito. Wala namang problema sa akin, dahil dadalawa lamang naman kami ni Elisa dito sa bahay," nakangiting sabi naman ng ale habang nakatingin pa rin sa akin.
"Kung ganoon po eh, wala na palang problema at sa tingin ko po tiyang eh kailangan ko na rin pong umuwi sa amin," masayang tugon pa ng binata.
"Naku! Hindi ka ba muna dito manananghalian? Atsaka di pa kayo nagkikita ng pinsan mo," malungkot namang saad nang ale.
"Ah hindi na po tiyang, alam ni'yo naman po na ako lang ang inaasahan ni nanay, kaya kailangan wala po akong sinasayang na oras," paliwanag naman naman ni Roger na halatang nalulungkot din.
"Eh kung 'yan ang gusto mo, sige ikaw ang bahala," tugon naman nang huli.
"Oh sige ho, aalis na po ako. Aloha mag-iingat ka huh? Alagaan mo ang iyong sarili, heto ang cellphone ko. Gamitin mo muna habang nandito ka para may matawagan ang mommy mo kung sakaling gusto ka niyang kausapin," sabi pa nito habang hinahawakan ang aking kamay. Nakita ko rin ang lungkot sa kanyang mga mata habang sinasabi ang mga katagang iyon. Hindi ko rin maiwasang hindi malungkot dahil do'n.
"Huwag kang mag-alala, dadalawin kita kapag nagkaroon ako ng bakanteng oras," dagdag pa nito.
Nginitian ko lang siya at sukat doo'y lumabas na rin siya ng bahay at agad na tinungo ang pangpang. Sumakay siya sa isa sa mga bangkang naroon, nasundan ko na lamang siya ng tingin habang papalayo ang sinasakyan nitong bangka.
Kumakaway pa siya sa amin, kaya kinayawan din siya ni aling Lolita. Ilang saglit pa'y tuluyan nang nawala sa aming paningin ang bangkang kinalululanan niya.
"Halika na Aloha, pumasok na tayo sa loob naghanda ako roon ng makakain," aya nito kaya sumunod na lamang ako sa kanya.
Ilang saglit pa'y, nakahanda na sa mesa ang mga pagkain. Puro seafoods ang inihanda nito kasabay ang sariwang mga prutas at mainit na kanin. Hindi pa man ako kumakain, pero pakiramdam ko'y busog na busog na ako.
"Ang dami naman po ata nito," hindi ko mapigilang puna sa nakahaing pagkain sa mesa.
"Naku, bisita ka namin dito atsaka ngayon ka lang nakarating dito sa amin hindi ba? Kaya kailangan matikman mo ang mga pinagmamalaki naming mga pagkaing dagat. Lalo na 'tong mga alimango. Naku, kapag 'to natikman mo sinisigurado kong hahanap-hanapin mo na," pagmamalaki nitong sabi habang nakangiti ng malapad. Kaya nginitian ko na rin siya.
"Nay, nay!" Tawag ng isang babae mula sa labas dahilan upang mapalingon ako sa pinanggagalingan ng tinig.
Mukhang ito na ata ang tinutukoy niyang anak sa usapan nila ni Roger kanina.
"Oh, Elisa nandito ako sa kusina," sagot naman ni aling Lolita.
Sukat doo'y pumasok na ang isang dalagita na sa tingin ko'y edad katorse anyos.
Nagmano siya sa ginang, pagkuwa'y agad na napatingin sa aking gawi na halatang nagtataka, kaya naman 'di na siya nakatiis at kaagad na inusisa ang kanyang ina.
"Sino po siya 'nay?" Takang tanong nito habang kunot-noong nakatingin sa akin.
"Siya si Aloha Rivera 'nak at simula ngayon dito na siya titira sa atin, siya ang alaga ng tiyang Lope mo at ang pamilya niya ang pinag-sisilbihan ng tiyang mo do'n sa Maynila," paliwanag ng ginang sa kanya.
"Ahh.. Kung gano'n siya pala 'yong tinutukoy ni tiyang Lope no'ng tumawag siya kahapon," nakangiti pa nitong wika habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin.
"Oo, siya nga. Kaya maging mabait ka sa kanya huh? Tandaan mo 'yong sinabi ni ate Lope," anito.
"Oo naman 'nay! Ako pa? Mabait naman ako eh?" Masaya nitong tugon sa kanyang ina.
"Oo nga pala Aloha siya ang anak kong si Elisa," pagpapakilala naman nang ginang.
"Hello po! Hmmm, pwede po bang tawagin kitang ate?" Pakiusap nito habang nagpapa-cute.
Solong anak kasi si Elisa at maaga rin naulila sa ama kaya siguro natutuwa siya ngayon dahil may makakasama na siya bukod sa kanyang ina.
"Oo naman, bakit hindi?" Masayang tugon ko sa kanya.
"Yehey! May ate na ako!" Tuwang-tuwa nitong saad kasabay noo'y niyakap niya ako ng mahigpit.
Napangiti na lang ako sa tinuran niya, mukhang makulit at napaka-hyper ng batang ito ah? Sigurado akong magkakasundo kami agad.
"Naku, tama na 'yan, halina nga kayo baka lumamig pa 'tong inihanda ko," komento naman ni aling Lolita.
"Naku pasensya kana d'yan sa anak ko Aloha ah? Napakakulit talaga niyang batang 'yan pero mabait din naman," pabulong pa nitong wika kaya mas lalo lamang akong napangiti dahil sa sinabi niyang iyon.
"Okay lang po," masayang tugon ko sa kanya kasabay noo'y nagsimula na rin kaming kumain, kahit papaano'y nakalimutan ko ang bigat at sakit na nararamdaman ko dahil sa mag-inang ito. Sana nga ay magtuluy-tuloy ang kaunting sayang nararamdaman ko para naman makapagsimula ako ng bagong buhay at makapag-move on na rin ako sa mga nangyari sa akin.
----
Dumilat ako, at kasabay noo'y napangiti ako. Hinding-hindi ko talaga makakalimutan ang araw na 'yon. Hayyy! Tunay ngang napakahiwaga ng buhay gaya ng nararamdaman ko sa tuwing magkikita kami ni Art at kapag inaabot na niya sa akin ang mga bulaklak na iyon. Nakakagaan talaga sa pakiramdam dahil kahit papaano'y nabawasan nito ang stress na nadarama ko.
Napagpasyahan kong umuwi na ng bahay dahil unti-unti na ring dumarami ang mga tao dito sa dalampasigan, kaya agad na akong naglakad pabalik sa aming tahanan.
Pagkapasok ko ng bahay ay agad kong nadatnan ang mag-inang abala sa paghahanda ng agahan. Sabay naman silang napalingon sa aking gawi nang maramdaman nila ang aking presensya.
"Good morning ate Aloha," salubong na bati sa akin ni Elisa dahilan upang mapangiti ako.
"Oh halika na rito, Aloha at nang makapag-almusal na tayo," magiliw namang anyaya ni aling Lolita kaya agad naman ko naman silang dinaluhan.
"Magandang araw din sa'yo, Elisa," ani ko pagka-upo ko sa katabing upuan ng dalagita, ngumiti naman sa akin ang ginang kaya tinugon ko rin iyon ng isa pang ngiti.
"Nga pala ate, pinapabigay ng manliligaw mo," kinikilig pa nitong sabi saka inabot sa akin ang tatlong bulaklak ng gumamela na may nakadikit pang maliit na piraso ng papel sa tangkay nito.
Tinanggap ko ito atsaka lihim na napangiti, binasa ko rin ang nakasulat sa papel dahilan upang lalo pang lumapad ang aking mga ngiti.
For the most beautiful girl that I've ever seen. Have a pleasant morning lady. God bless you always.
--Art
Napatingin ako sa gawi ng mag-ina, na ngayo'y nakangiti rin. Pero agad din iyong napawi ang mga ngiting iyon nang maalala ko ang aking kalagayan. Kailangan ko na talagang masabi kay Art ang katotohanan. Ayaw ko siyang paasahin siya kahit pa ang kapalit nito'y kailangan ko ring masaktan.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro