42
"Mukhang palagi na kayong magkasama ni Architect Morales, ha..."
Pagkapasok ko ng office ay pang-aasar kaagad ang bungad sa akin ng mga katrabaho ko. Nagkataon lang kasing nagkasabay kami ni Dan sa elevator kaya akala nila ay sabay kaming pumunta rito! Hindi ko naman inaasahan 'yon!
"College friends kasi kami!" pagpapaliwanag naman ni Dan. "Magkaklase kami sa UST tsaka hindi kami sabay pumasok."
"Oo nga," sabi ko naman at tumango. "Iyon lang 'yon at wala nang iba." Umupo ako sa may desk ko at nilapag ang gamit ko para magsimula nang magbasa ng emails sa umaga. Hindi pa rin sila natigil at sinabing magkaka-developan din kami soon.
I doubted that. Hindi ko naman gusto si Jaedan at kahit kailan, hindi rin naman niya ako nagustuhan. Siya lang ang matagal ko nang kakilala rito sa office kaya naman siya rin ang palagi kong kasama, lalo na kapag kakain. Sa kaniya lang kasi ako malapit tsaka naiilang na ako roon sa ibang katrabaho ko simula noong nabanggit nila si Arkin.
Aalis din naman ako at babalik ng Spain kaya ayaw ko ring magkaroon ng attachment sa kanila. Hirap na hirap ako noon dahil nga malala ang attachment ko sa mga kaibigan ko kaya hindi ako nakapag-cope nang maayos pagkaalis ko. Ngayon, ayaw ko na ulit maisip na may maiiwan ako rito sa Pilipinas kapag tapos na ang project.
"Makakapunta ka ba sa Saturday, Via?" tanong ni Dan pagkaupo sa tabi ko. Naging magkatabi pa ang desk namin kaya naman mas lalo kaming naging malapit. Literal na malapit na.
"Sa site visit, hindi. May pupuntahan ako," sagot ko naman sa kaniya.
Nag-aaya sina Luna mag-beach sa weekends, tutal doon lang daw kami free lahat. Hindi ko alam kung kasama ba si Arkin sa 'lahat' na 'yon at hindi ko rin alam kung ano ang hihilingin ko. Kung oo, mabuti 'yon para sa kaniya dahil ibig sabihin, hindi nawala ang koneksyon niya kina Luna. Kung hindi naman, mas mabuti para sa akin dahil sabi niya... huwag na raw kaming magkita kahit kailan.
Nasa utak ko pa rin 'yon hanggang ngayon. Natulala tuloy ako sa screen at hindi na nakagalaw. Dapat masaya ako roon sa sinabi niya dahil wala naman na akong balak na makita siya ulit, kaso may iba akong nararamdaman. Was it my guilt?
Alam kong ang sakit ng mga sinabi ko sa kaniya. Alam kong hindi ko napigilan ang emosyon ko. Noon naman, kaya kong tiisin lahat. Kaya kong itago lahat... pero ngayon, mas naging sensitibo ako sa topic na iyon sa lala ng pinagdaanan ko. I couldn't control my emotions well. I wasn't the calm person I was before... as a lot of things had been running on my mind. I couldn't stop them.
I was already okay with crowds. I could go into gatherings... just not his crowd. I didn't want his crowd. That concert he had in Spain got my head spinning and my heart racing. I wanted to go out. I was suffocated inside. Hindi ko kayang manatili sa lugar na puno ng mga taong nagmamahal sa kaniya. Isa ako roon noon... ngunit hindi na ngayon. Hindi ko na kayang maging parte noon. I was already brutally kicked out from that crowd.
Noong lunch time na ay sabay ulit kaming bumaba ni Dan para bumili ng kape at pagkain. Mayroon namang cafeteria pero mas gusto ko kasi ang pagkain doon sa pinagbibilhan namin. Pagkatapos ay doon na kami kumain sa may dining area ng office.
"May boyfriend na kaya si Clea?" tanong ni Dan habang kumakain. Hindi pa rin 'to maka-move on sa pagkakita niya kay Clea.
"Hindi ko rin alam," sagot ko. Hindi ko alam kung may relasyon sila ni Arkin pero kung wala naman, hindi ko pa rin alam kung mayroon siyang iba. Wala naman kasing halata kay Clea. For some reason, she was so open to the public, but at the same time private and mysterious.
Magaling siyang magtago. Magaling siyang aktres kaya naman madali na lang para sa kaniya ang umaktong walang karelasyon, kung mayroon man. Hanga ako kay Clea dahil kaya niya pa ring makatrabaho si Arkin kahit muntik nang masira ang career niya dahil sa... amin. Now, she looked more carefree. Pakiramdam ko ay may nangyayaring maganda sa buhay niya.
"Ikaw ba? Kumusta kayo pagkatapos noong nangyari sa site? Nakapag-usap ba kayo?" tanong naman niya sa akin.
Umiling lang ako nang hindi tumitingin sa kaniya. "Huwag na raw kaming magkita kahit kailan."
"Aray," sabi niya at tinigil ang pagkain para humawak sa dibdib niya. Parang mas nasaktan pa siya kaysa sa akin. "Bakit niya naman sinabi 'yon?"
"Kasi..." Napalunok ako at mas napayuko, naaalala lahat ng sinabi ko. "Sabi ko pinagsisisihan kong nagkakilala kami."
"Aray lalo," nag-react na naman siya. "Alam mo, huwag kang magsabi ng mga bagay na alam mong hindi naman totoo kapag galit ka. Ngayon tuloy, kailangan mong humingi ng tawad... Oh, 'di ba?"
Napamasahe ako sa sentido ko. Kanina ko pa rin iniisip kung paano ako magso-sorry sa kaniya. Alam kong may kasalanan ako at hindi ako sanay na hinahayaan lang 'yon. Hindi ko gustong nagpapalipas ng ganoon dahil kinakain lang ako ng guilt.
"Via, hindi pwedeng rash guard! Hindi maganda sa picture natin!" sabi sa akin ni Luna habang magka-video call kami at nag-iimpake ng damit. Pinapakita ko kasi ang mga susuotin ko para masabi nila kung maganda o hindi.
"What? It looks cute on her," sabi naman ni Sam habang nagbe-breakfast. Umaga pa rin kasi roon.
"Cute? Ano siya, si Avi?" tanong naman ni Yanna.
"Avianna. Avi pa rin naman 'yon, ha," pagtatanggol naman ni Kierra. "Hayaan n'yo siya sa gusto niya!"
Napasimangot ako at kinuha na lang iyong yellow bikini na niregalo sa akin ni Sam. Tuwing Pasko kasi ay nagpapadala siya sa amin ng packages bilang gift. Parang hindi talaga siya napapakali kapag hindi siya nakakapagbigay sa amin kahit malayo siya.
"Yes, that one will look so good on you! It's not bright yellow and it fits your skin! The ribbon at the center always gets me!" sabi ni Sam at tinuro-turo pa ang hawak ko. "I could imagine you girls! So sexy!"
"Kailan ka ba uuwi?" tanong naman ni Yanna. "Ikaw na lang ang kulang dito. Pagkauwi mo, aalis naman 'tong si Via. Hindi na tayo nakompleto."
"I don't know yet... By the way, are the boys coming?"
Natahimik sila bigla at kahit hindi kami magkakasama ay alam kong ako ang tinitingnan nila through the screen. Hindi ko sila pinansin at umaktong abala sa pagtutupi ng damit. Napaubo si Luna bigla at natawa dahil sa sobrang tahimik.
"Kasama, siyempre," sagot ni Kierra.
"Good luck," natatawang sabi rin ni Yanna. "Babe, pakuha naman noong bikini ko..." Lumingon pa siya sa gilid. Kitang-kita ko kung paano nag-iba lahat ng mukha ng mga kaibigan ko. All of them made disgusted faces. Napasapo rin sa noo niya si Samantha.
"Pucha, pwede naman mag-mute," sabi ni Luna.
"Babe, pakuha naman noong bikini ko..." panggagaya pa ni Kierra ng boses nito. "Pabebe mo naman, Yanna!"
"Normal voice ko 'yon!" pagtatanggol ni Yanna sa sarili niya. "At ano bang pakialam n'yo, ha?! Mga bitter kayo!"
Maaga na rin kaming natulog pagkatapos noon dahil maaga rin kaming gumising para magkita-kita. Hindi pa sumisinag ang araw ay nasundo na ako ni Luna at Kierra sa tapat ng bahay namin. Si Yanna ay ihahatid ni Hiro papunta sa kitaan namin sa may malapit na convenience store para raw sabay-sabay kaming aalis.
Kinakabahan ako pagkarating namin doon. Walang tao sa labas at bumaba ako saglit para bumili ng juice sa loob habang naghihintay kami. Habang nagbabayad ako, napansin kong dumating na si Yanna. Bumaba na siya ng sasakyan at nagpaalam na rin kay Hiro. Akala ko ay matagal pa pero may dumating na ring Porsche Macan.
Nagmamadali akong lumabas para makapasok na ulit ng sasakyan kaso bumaba sina Luna at bumaba rin si Sevi... at Arkin. Para kaming may meeting doon sa may tapat ng convenience store. Walang tao at madaling-araw pa. Nagyayakapan sila ngayon nina Arkin! Ang tagal daw kasi nilang hindi nagkita.
"Hayop na 'to, parang hindi tropa! Laging wala, eh!" Mahinang sinapak ni Yanna ang dibdib ni Arkin. "Buti naman nakasama ka ngayon!"
"Ngayon lang naging free," nakangiting sabi ni Arkin. "I could use a little vacation."
"Pucha, bakit bigla kang nage-English?" reklamo ni Luna.
Nakatayo lang ako roon at nakaiwas ng tingin habang hawak ang juice ko. Hindi pa ba papasok? Gusto ko nang bumalik ng sasakyan pero para silang may mini reunion doon. Lahat na yumakap at bumati kay Arkin at Sevi habang ako ay nakatayo lang sa gilid.
Mabuti na lang at nag-aya na si Kierra umalis. Si Yanna ay sumakay na rin sa amin habang si Sevi at Arkin ay nakabukod ng sasakyan. Medyo malayo ang beach na pupuntahan namin kaya nakatulog pa ako sa byahe. Sa Bataan 'yon kaya matagal din ang byahe.
"Via, gising na." Tinapik-tapik ako ni Yanna para magising ako. Maliwanag na sa labas at nakarating na pala kami sa may private resort. Member si Hiro roon sa resort kaya naman madali kaming nakapasok. Puro malalaking rooms pa ang nakuha. Siyempre, magkakasama kami nina Luna, Kierra, at Yanna. Nakahiwalay ulit sa amin sina Sevi at Larkin.
Bumaba ako ng sasakyan at binuksan ang likod para kuhanin ang gamit ko. Tumulong naman sa amin si Sevi at siya na ang nagbuhat noong ibang gamit habang inaasikaso nina Luna at Kierra 'yong rooms.
"Ako na," sabi ni Sevi nang kukuhanin ko na ang bag ko. Tumango na lang ako sa kaniya at pinanood kung paano niya binigay kay Arkin 'yong bag ko! "Ang dami ko nang buhat. Sa 'yo na 'yan para may ambag ka naman!"
"Bakit may ambagan tayo rito bigla, gago ka ba?" rinig kong reklamo ni Arkin. "Ikaw lang nagpumilit sa aking sumama! Ang sabi mo hindi siya kasama..."
Napailing ako at naglakad na papuntang lobby para samahan sina Yanna. Mabuti na lang at nabigay na rin kaagad ang key cards namin kaya pumasok na kami sa rooms. Napaawang ang labi ko sa sobrang laki ng kwarto at kita pa ang view sa malaking glass wall na natatakpan ng malaking kurtina.
"Hoy, grabe, libre ni Hiro 'to?! Ang sabi ko 'yong twin deluxe room lang! Bakit naging suite?!" tuwang-tuwa si Luna habang tinatanaw ang dagat sa labas.
"Ewan ko ba roon! Hindi ko naman pinakialaman noong nag-book! Ngayon ko lang 'to nalaman!" Kinuha kaagad ni Yanna ang phone niya para tawagan si Hiro. Kita ko pa sa mukha niyang mag-aaway sila kaya natawa ako.
"Ang ganda ng bathroom!" sabi pa ni Kierra. "Excited na akong maligo."
"First time mo bang maliligo, Ke?" pang-aasar ni Luna.
Napatigil kami nang may nag-doorbell. Ako ang pinakamalapit kaya ako ang nagbukas ng pinto. Nanlaki rin ang mga mata ko at napaatras nang bumungad ang mukha ni Arkin sa akin. Nasa likod niya naman si Sevi na natawa sa reaksyon ko.
"Dapat pala nag-video ako," sabi pa niya.
"Mga gamit n'yo," sabi ni Arkin. Tahimik lang akong tumabi sa gilid para makapasok sila at malapag ang mga bag namin. Pagkatapos noon ay dere-deretso lang siyang umalis habang si Sevi ay tumatawa pa rin sa likuran niya.
"Oh kay bilis namang maglaho ng pag-ibig mo, sinta..." pagkanta pa ni Sevi habang naglalakad paalis, nakalagay ang dalawang kamay sa likod ng ulo. "Aray ko!" sigaw niya nang makarinig ako ng kalabog sa labas.
Bumawi lang sila ng tulog saglit bago kami nag-ayos para mag-lunch sa labas. Mayroon kaming set-up ng ihawan sa may labas ng rooms namin. Deretso na iyon sa buhanginan sa dagat. May cottage naman kaya hindi mainit.
"Via, ano na? Naghihintay ka ba riyan ng milagro?" Kinatok na ako ni Kierra sa sobrang tagal ko sa loob ng C.R.
Nakatingin kasi ako sa sarili ko habang suot ang bikini. Regalo 'yon ni Sam. High-waisted ang pambaba at parang tinatali paharap 'yong taas kaya may ribbon sa dibdib ko. Dark yellow 'yon na may pagka-orange.
Hindi talaga ako sanay na makita ang balat ko kaya naman pinatungan ko na lang 'yon ng shorts at white na button-down polo. Tinali ko na lang sa knot dahil masyadong mahaba bago ako lumabas ng C.R. Tinali ko na rin ang buhok ko sa bun at nagsuot ng shades.
Lumabas na kami pagkatapos at nakitang nag-aayos na ng ihawan sina Sevi at Arkin. Nagpapabaga na sila ng uling doon kasama si Yanna. May restaurants naman pero mas gusto nilang mag-ihaw para raw full experience. Iyong kanin lang ang in-order nila.
Mabuti na lang at nasa private area kami ng beach kaya naman walang tao. Sa tingin ko ay na-consider din ni Hiro na artista si Arkin kaya naman dapat walang makakita sa kaniya. Privacy na rin 'yon sa kaniya at sa amin. Baka kaya niya pinili itong mahal na room.
"Napakainit naman! Ang sasaya ng buhay n'yo riyan, ah!" reklamo ni Sevi at tinuro sina Luna at Kierra na nakaupo sa may lounge chair, naglalagay ng sunblock sa isa't isa. Naglagay na ako sa sarili ko kanina sa C.R kaya okay na ako.
"Lagyan kita ng sunblock, pare," sabi ni Arkin kay Sevi.
"Pare..." Tiningnan siya ni Sevi na parang na-touch siya.
Tumawa lang si Arkin at mahinang tinulak ang mukha ni Sevi palayo sa kaniya. Nag-iihaw kasi sila ngayon. Ako naman ay naghahanda ng mga plato sa table na hiniram din namin. Inayos ko na ang kanin doon at mga baso. Binaliktad ko lang para hindi madumihan dahil sa hangin.
Nang tingnan ko si Arkin ay tinatanggal na niya ang butones ng beach polo na suot niya dahil pinagpapawisan na. Hinubad niya kaagad 'yon at nilagay sa may upuan sa gilid bago pinunasan ang pawis gamit ang towel.
Napaiwas kaagad ako ng tingin nang lumingon siya sa gawi ko. Kahit naka-shades ay ramdam ko ang tingin niya sa akin kaya umakto akong abala sa ginagawa. We were doing our best in ignoring each other's presence.
"Hindi talaga kayo magpapansinan sa buong trip na 'to, 'no?" sabi ni Yanna nang tulungan akong mag-ayos.
"Hindi," deretsong sagot ko at naglakad na paalis para kumuha pa ng plato.
Napadaan tuloy ako sa likuran ni Arkin pero hindi niya ako napansin kaya naatrasan niya ako. Nagkatinginan kaming dalawa nang magkabungguan. Wala rin sa amin ang nag-sorry at nag-iwasan na lang kaagad. Naglakad kaagad ako palayo sa kaniya at siya naman ay bumalik sa ginagawa niya.
"Whoo, init nga... Pati 'yong atmosphere, ang init!" sabi ni Luna nang makita 'yon. "Naiinitan ako!"
"Ah, baka may lagnat ka, Luna. Bakit sumama ka pa?" pambabara kaagad ni Sevi.
"Sevi, pwede ka lang bumoses kapag may ambag ka sa suite." Umirap si Luna. "Eh, wala naman kaya I suggest mag-ihaw ka na lang diyan ng isda."
"Kapal ng mukha! Akala mo ay may ambag!" pakikipagtalo ulit ni Sevi. "Hoy, Natasha, kwento na nga lang ambag mo rito, matumal ka pa sa chismis!"
"Gusto mo ichismis ko 'yong 5th anniversary mo, ha?" paghahamon naman ni Luna.
"Tama na nga 'yan, kayong dalawa," singit ko na sa kanilang dalawa. "Tumulong ka na lang dito, Luna. Ikaw, Sevi, dalian mo na riyan."
Sa wakas ay nakakain na rin kami! Magkatapat pa kami ni Arkin sa table kaya hindi ako makakain nang maayos. Nagkekwentuhan sila habang tahimik kaming dalawa. Minsan ay nakikitawa siya. Mukhang wala naman siyang pakialam sa presensya ko.
"Sevi, paabot ng tubig," sabi ko habang hawak ang baso ko.
Hindi ako narinig ni Sevi dahil abala sa pakikipagtawanan kina Yanna kaya naman sinubukan kong abutin na lang kahit malayo. Tatayo na sana ako nang kuhanin 'yon ni Arkin at walang pasabing sinalinan ng tubig ang baso ko.
"Thank-" magpapasalamat na sana ako kaso tumayo siya bigla at sinalinan lahat ng baso ng iba. Napakagat ako sa ibabang labi ko at uminom na lang ng tubig.
Hindi pa roon nagtatapos ang hindi namin pagpapansinan. Noong siya na ang sumubok abutin iyong pagkain malapit sa akin, hiningi rin ni Kierra kaya kinuha ko ang plato at inabot sa kaniya. Napaawang ang labi ni Arkin at tiningnan ako nang masama. Nakita pa nina Kierra 'yon kaya natawa sila.
"Hay, ang petty oh..." sabi ni Kierra bigla sabay umiling.
"Parang mga bata lang," sabi naman ni Yanna. Hindi nila tinutukoy kung sino pero alam kong kami 'yon ni Arkin.
Bumawi naman ako at kinuha ulit ang plato para ilapag sa may tapat namin ni Arkin. Sinulyapan niya lang ako saglit bago kumuha, walang pasalamat. Papanindigan talaga namin ang hindi pagpapansinan, ano? Bakit pakiramdam ko mas mabuting nag-aaway kami kaysa ganito? Mahihirapan ang mga tao sa paligid namin kung ganito kami.
May blue lemonade kaming in-order. Paborito ko 'yon pero dahil isang pitsel lang, hindi na ako nakipag-agawan. Kasya na sa kanila 'yon. Mas mabuting magtubig na lang.
"Oh, last na, sino may gusto?" Tinaas ni Luna ang pitsel. Hindi naman uminom si Yanna noon.
"Ako, gusto ko." Tumayo si Arkin at kinuha ang pitsel para magsalin sa baso niya. Ubos na 'yong blue lemonade. Umiwas ako ng tingin habang umiinom ng tubig.
Nilapag ko na ulit ang baso ko sa gilid nang maubos ko na ang tubig. Kukuha na sana ulit ako nang biglang salinan ni Arkin ng blue lemonade 'yong baso ko nang walang pasabi. Napatitig ako sa kaniya, gulat.
Hindi ako makapagsalita. Tumayo na lang ulit siya para bumili ng isa pa kaya hindi na ako nakapagpasalamat. Tahimik ko na lang na ininom 'yon, nagtataka sa kinikilos niya. Malamang alam niyang paborito ko 'yon simula highschool.
Pagkabalik niya ay parang walang nangyari. Hindi na ulit niya ako kinausap o tiningnan man lang. Pagkatapos kumain ay bumalik ako sa suite para mag-toothbrush at mag-ayos ng mukha dahil mangunguha raw ng pictures.
Dahil late lunch na rin 'yon, nagpahinga lang kami saglit at hinintay ang araw na bumaba para hindi gaanong mainit bago kami nag-picture. Isa-isa na ang mga girls na nangunguha ng solo pics habang pinapanood ko sila, nahihiya. Alam kong pipilitin nila ako pagkatapos kaya sinubukan kong maglakad pabalik.
"Hoy, Via! Saan ka pupunta, huh?! Ikaw na!" Hinatak kaagad ako ni Luna. "Dali! Picture na! Ay, sabi ni Sam, patingin daw pala noong bikini."
Tumingin ako sa paligid at nakitang abala si Sevi at Arkin na nagkekwentuhan sa cottage kaya hinubad ko na lang din ang shorts ko at binuksan ang butones ng polo ko para makita iyong bikini bago nila ako pinapwesto sa buhanginan.
Hindi ko alam kung paano mag-pose. Tinuturuan lang ako ni Yanna pero... parang masyado namang nakakailang ang pinapagawa niya!
"Ayan, nakaluhod dapat, Via... Tapos hawiin mo buhok mo. Tanggalin mo 'yong ipit mo," sabi ni Yanna at pinakita pa sa akin.
Paniguradong ang awkward kong tingnan sa mga litratong 'yon pero ginawa ko pa rin ang sinasabi nila. Ni hindi nga ako makangiti! Pinaupo pa nila ako sa buhanginan at pinatingin sa gilid habang mabuhangin ang binti ko. Hinahangin din ang buhok ko kaya pakiramdam ko ay ang pangit ng kakalabasan.
"Grabe, pahingi ako ng dibdib!" sabi ni Luna habang nangunguha ng picture.
"Si Yanna, hingan mo rin. Hati sila," sabi ni Kierra. "Bahagian mo na rin ako."
"Sa 'yo na 'to, Luna. Mag-anak ka na rin." Tumawa si Yanna at humawak pa sa dibdib niya para ipakita.
Hindi ko alam kung okay na ba pero naiinitan na ako kaya tumayo na ako at hinubad iyong polo para makaligo na sa dagat. Nang sumulyap ako sa gawi nina Sevi ay nakatingin na sa gawi ko si Arkin. Nang magtama ang tingin namin ay tumayo siya at nakapamulsang naglakad pabalik ng suite.
"Hoy, Sevi! Halika rito, picture-an mo kaming girls!" tawag naman ni Kierra.
"Anak ng! Ang init-init, eh!" Nagreklamo pa siya pero tumayo rin naman at naglakad palapit para kuhanan kami ng picture. Doon lang ako hindi nailang dahil group pictures naman 'yon. Ipo-photoshop na lang daw nila si Sam.
Hindi na kami natapos-tapos sa pictures dahil laging may nagrereklamong pangit daw angle nila roon. Gusto ko lang naman maligo sa dagat. Nabilad na ako sa araw kakahintay matapos ng picture-an.
"Oh, ako na! Solo ko na! Sa wakas!" Nakangising sabi ni Sevi at inabot kay Kierra ang camera. "Take a picture of my macho body."
"Nakakadiri ka, Sevi, pero sige." Tumango na lang siya.
Nauna na akong naglakad papunta sa dagat at sumunod naman sina Yanna. Nagreklamo tuloy si Sevi na kita kami sa background ng picture niya. Mas lalo lang nanggulo sina Yanna nang sabihin niya 'yon habang ako ay naglalakad na palalim. Nag-swimming lang ako para naman hindi na mainitan ang katawan ko.
"Kino! Halika na rito!" aya ni Luna nang makita si Arkin na nagbabasa ng paa roon sa may alon.
Wala siyang suot na pantaas ngunit naka-beach shorts na itim. Naglakad na rin siya palapit at lumangoy papunta sa gawi namin. Lumangoy tuloy ako palayo mula sa direksyon kung saan siya papunta.
Pagkaahon ko, nagulat ako dahil umahon din siya at sinuklay ang buhok niya palikod dahil basa. Nang magkatinginan kami ay para siyang nakakita ng pating. Hindi niya inaasahang sa ibang direksyon siya nakarating. Napakurap ako habang tumutulo ang tubig mula sa buhok ko papunta sa mukha ko. Ganoon din sa kaniya.
Lalangoy na sana ako paalis nang may maramdaman ako sa may paa ko. Napasigaw kaagad ako at napakapit kay Arkin. Nagulat siya at automatic na napalupot ang braso sa baywang ko dahil pati ang binti ko ay nakayakap na sa kaniya.
"Ano 'yon?!" sigaw ko, takot na takot.
Tumikhim si Arkin at inabot ang paa ko para alisin 'yong sumabit na halaman. Napataas ang isang kilay niya at pinakita sa akin 'yon. Napakurap ako habang nakatingin doon, hindi namamalayan ang posisyon namin.
"Hanggang kailan mo 'ko yayakapin?" tanong niya bigla.
"Yieee," rinig kong kantyaw nina Luna. Naghahampasan pa sila roon at nagtatawanan.
Agad akong natauhan at inalis ang kapit sa kaniya. Hiyang-hiya akong lumangoy paalis at pumasan na lang kay Luna para itago ang mukha ko. Pakiramdam ko ay pulang-pula na ako sa sobrang hiya! Ano ba 'yon?!
"Nakakamiss naman," pang-aasar ni Yanna. "Tamang hug lang sa beach."
"Yanna!" inis na sabi ko, nahihiya na.
Umahon na tuloy kaagad ako at nagbalot na lang ng twalya habang nakaupo sa may lounge chair. Nag-swimming pa sila saglit doon habang ako ay kumakain na lang ng snacks. Umahon na rin si Arkin at umupo sa kabilang lounge chair. May sinagot siyang work call habang nagpapatuyo ng buhok kaya naglakad siya paalis.
Pumikit lang ako dahil napagod sa init ngunit nang maramdaman ko ulit ang presensya niya ay dumilat ako. Naglapag siya ng baso ng buko juice sa may table sa tabi ko at umupo na ulit sa may lounge chair niya.
Pinalobo ko ang pisngi ko at dahan-dahang kinuha 'yong baso. Hindi ko sure kung sa akin ba 'yon pero hindi naman niya ilalapag sa tabi ko kung hindi. Uminom ako sa straw at nilapag ulit 'yon sa gilid. Natigilan ako nang makitang nakatingin na siya sa baso, nakaawang ang labi.
"Sige, sa 'yo na..." Tumayo siya. "Bibili na lang ako ng bago." At naglakad na siya paalis.
Muntik ko nang madura ang juice na ininom ko nang sabihin niya 'yon. Umakyat yata ang dugo sa mukha ko. Hindi ko na mainuman ulit 'yong baso kaya pagdating nina Luna ay binigay ko na lang 'yon sa kanila. Ang sabi ko ay libre 'yon ni Arkin! Nakakahiya! Hindi naman pala sa akin 'yon!
Bumalik tuloy si Arkin na may bagong baso na at tahimik na umiinom. Hindi siya sumasama sa mga pictures namin. Wala pa siyang picture kahit isa. Kahit solo nga ay wala.
"Bakit hindi ka manguha ng picture, Arkin?" tanong ni Kierra. "Ayaw mo ba? Picture-an kita."
"Huwag na." Umiling ito. "Baka malaman ng mga taong kasama n'yo 'ko."
"Huh? Ano naman?" Kumunot ang noo ni Luna.
Hindi sumagot si Arkin at sumulyap lang sa akin. Tiningnan ko rin siya pero hindi ko mabasa ang iniisip niya. Iniba niya na lang ang topic kaya nakalimutan na rin nila 'yon. Noong dumilim na ay naghanda na rin sila ng dinner namin. Mayroon pang mga pa-lights sa dinner table habang nag-aayos sina Yanna.
Babalik na sana ako sa kwarto nang marinig ko si Sevi at Arkin na nag-uusap sa gilid habang nag-iihaw ng pagkain. Hindi yata nila napansing naroon ako.
"Huwag mo 'kong i-tag, tanga." Boses iyon ni Arkin.
"Bawal talaga? Arte nito. Bakit ba?" nagtatakang tanong naman ni Sevi.
"Baka mapagdikit nilang magkasama kami ni Via. Mahihirapan na naman siya noon..." Humina ang boses niya. "Alam mo namang hindi pa siya okay. Baka malagay na naman siya sa sitwasyong 'yon."
Napakurap ako habang nakatingin sa buhanginan. Pagbalik ko sa suite ay napatulala na lang ako sa loob ng C.R. Iniisip ko kung galit ba siya sa akin kaya niya ako iniiwasan o sinabi ko sa kaniyang hanggang ngayon ay hindi pa ako okay kaya siya na ang umiiwas sa akin? Para hindi na ulit mangyari ang nangyari noon?
"Do I say sorry?" tanong ko sa sarili ko sa salamin.
Hindi ako matatahimik kung hindi kaya naman pagkalabas ko ay lumapit ako sa gawi nilang dalawa. Napatingin silang dalawa sa akin at napaayos ng tayo si Arkin, nagtataka kung bakit ako naroon.
"Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ko sa kaniya.
Nagkatinginan sila saglit ni Sevi bago niya nilapag 'yong karton na pampaypay sa gilid. Tumango siya at sumunod sa akin maglakad papunta sa may tabing-dagat. Hindi siya nagsalita nang humarap ako sa kaniya. Hinihintay niya lang din ang sasabihin ko habang nakapamulsa siya at hinahangin ang buhok niya. Nakabukas rin ang polong suot niya kaya hinahangin din 'yon.
Inayos ko ang buhok ko dahil hinahangin pero nagugulo pa rin 'yon at napupunta sa mukha ko. Naiwan ko pala ang panali ko roon sa suite.
"Oh..." Napatingin ako sa kaniya nang may abutan niya ako ng hair tie.
"Huh?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. "Bakit ka may hair tie?"
"Habit," mahinang sabi niya at umiwas ng tingin, naiilang. "You always forget to bring one."
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Kinuha ko na lang ang hair tie at inipit ang buhok ko. Nakatingin pa rin siya sa gilid nang matapos akong magtali, hindi talaga ako kayang harapin. Mas gusto niyang tanawin ang dagat at pakinggan ang alon kaysa pakinggan ako.
"I'm sorry," sambit ko sa kaniya. Iyon pa lang ang sinasabi ko ay napatingin na siya sa akin. "I didn't mean what I said. Masyado lang akong nagpadala sa emosyon ko."
Napakagat siya sa ibabang labi niya at yumuko. Humawak siya sa batok niya, hindi alam ang sasabihin. Para siyang highschool student na nakakuha ng confession.
"Okay lang," sabi niya at inangat ang tingin sa akin. Ngumiti siya nang tipid sa akin at tumango. "Naiintindihan ko naman."
"Kahit na." Umiling ako sa kaniya. "I'm sorry... at kung pwede, let's act normal around our friends. Pakiramdam ko ay naiilang na rin sila sa ginagawa natin. Tsaka... Hindi ko alam... Pero... Galit ka ba sa akin?"
Napakurap siya sa tanong ko at hindi kaagad sumagot. Nakatingin lang ako sa kaniya, naghihintay kung oo o hindi, pero tumawa lang siya at nilagay ang kamay sa tuktok ng ulo ko.
He gave my head a pat. "Hindi ako galit, Via." Binalik niya rin kaagad ang kamay niya sa bulsa niya. "How cute."
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro