Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

40


"Bakit ba roon pa sa set? Bakit?!


Nagrereklamo ako sa tapat ng salamin habang naglalagay ng kaunting makeup. Nakabihis na ako ng working attire ko na puting tank top, grey na blazer, at grey na smart pants. Dala-dala ko pa ang laptop ko kaya naman malaking handbag ang hawak ko. Naroon na ang bagong design proposal na ipapakita ko kay Clea. 


Iyon na nga ang problema ko! Ang sabi niya ay hindi raw siya makakaalis sa set dahil naka-standby raw siya kaya naman doon na lang ako pupunta. Urgent na kasi 'to para masimulan na talaga namin 'yong project. 


"Sana wala siya..." paulit-ulit na bulong ko sa sarili ko habang nasa sasakyan papunta roon sa set. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Arkin pagkatapos naming mag-away roon sa bahay nila. Nakakahiya pa kay Tita! Kasi naman, bakit ganoon ang tono ng boses niya?! 


Pagkababa ko pa lang ay nakita ko na ang maraming nagbabantay na mga staff doon. Agad kong tinext si Clea para sabihing naroon na ako pero hindi siya nag-reply. Mayamaya, nakita kong paparating na ang assistant niya para samahan ako papasok sa set. Sa isang studio ang shooting kaya naman hindi mainit. 


"Finishing lang po ng isang scene si Ma'am Clea," sabi niya sa akin. "Gusto n'yo po ng coffee? Juice?" 


"Ah, water lang," sabi ko sa kaniya. Tumango siya at iniwan ako saglit doon sa may dressing room. Nakaupo lang ako sa may sofa habang naghihintay. Nang makaramdam ng boredom ay nilabas ko na lang ang laptop ko at nagsimulang magtrabaho. 


Napatigil ako nang bumukas ang pinto at pumasok ang assistant ni Clea. Gusto ko siyang tanungin kung nariyan ba si Arkin kaso baka naman isipin niya ay hinahanap ko kasi gusto ko! Nag-iingat lang ako! Pero bandang huli, hindi ko rin tinanong dahil nahiya. 


"Thank you," sabi ko sa kanya pagkakuha ko ng water bottle. Tumango siya at nagpaalam na ulit palabas dahil kailangan siya roon sa set ni Clea. 


Bumalik na lang ulit ako sa pagtatrabaho hanggang sa maramdaman kong naiihi ako. Tumayo kaagad ako at nilapag ang laptop ko roon para maghanap ng C.R. Wala sa loob ng kwarto kaya dahan-dahan akong lumabas at naglakad-lakad. Gusto kong magtanong pero halos lahat ay mabibilis ang lakad at may inaasikaso. 


Hinanap ko na lang ang assistant ni Clea. Maingat akong naglalakad para hindi makagawa ng tunog. Baka makaabala pa ako sa shooting. 


"One more take, Arkin! You have to kiss her passionately... like you're hungry for her!" Nagulantang ako bigla sa sigaw ng direktor. Naglakad ako palapit dahil alam kong naroon ang assistant ni Clea. 


Wala na akong pakialam kung naroon si Arkin. Nasa shoot naman siya kaya hindi na niya ako mapapansin. Mabuti na lang at nakita ko rin kaagad ang assistant ni Clea na naghihintay roon sa gilid matapos ang scene.


"Uh, hello... Nasaan ang C.R dito?" tanong ko sa kanya. 


"Ah, doon po sa may gilid." May tinuro siya sa malayo kaya sinundan ko 'yon ng tingin. Hindi sinasadya ay napatingin ako kay Clea at Arkin na naghahalikan. Napaawang ang labi ko nang magtama ang tingin namin ni Arkin. Nakita ko ang gulat sa mga mata niya at napatigil pa siya. 


"Arkin, bakit? Ano bang mayroon sa 'yo ngayon?!" galit na sigaw ng direktor. "Saan ka ba nakatingin?!" 


"Sorry, direk," agad na sabi ni Arkin.


Napaiwas kaagad ako ng tingin at naglakad na palayo para magpuntang C.R. Nang matapos ay naglakad na ako pabalik sa dressing room. Hindi ko nga lang naiwasan 'yong lugar kung saan sila nagsho-shoot. Napatigil ako nang makitang naghahalikan ulit sila. Hawak ni Arkin ang mukha ni Clea at intense ang scene nila roon. Hindi ko maalis ang tingin ko, gulat at naninibago. 


Mature roles na talaga ang kinukuha nila, huh. Napayuko ako at naglakad na paalis, hindi na gustong mapanood ang kung ano mang mangyayari pa roon. 


Hindi naman nagtagal at bumalik na rin si Clea sa dressing room. Hindi na siya nagulat nang makita ako roon at dere-deretso lang umupo sa may vanity chair. Tumayo naman ako para ilapag ang laptop sa harapan niya. 


"This looks so great," sabi niya habang pinapaliwanag ko sa kanya ang changes na naganap. "I like this! Thank you so much!"


Nakahinga ako nang maluwag nang ma-approve na niya ang design. May pinapaliwanag pa ako tungkol sa materials na balak naming gamitin nang bumukas ulit ang pinto at pumasok si Arkin. Nagkatinginan na naman kami pero agad din siyang umiwas at umupo sa may kabilang vanity chair. Dito rin pala ang dressing room niya. Salitan siguro sila ni Clea. 


"What's wrong with you? You're not on your mind today," sabi ni Clea kay Arkin. Natahimik tuloy ako habang pinapakinggan silang mag-usap. Nasa gitna kasi nila ako! 


"I haven't slept," maikling sagot naman ni Arkin. "I thought I was already seeing things."


"Like what?" tanong naman ni Clea.


"Like my ex." 


Nanuyo ang lalamunan ko nang sumulyap sa akin si Arkin at tinaas ang isa niyang kilay, parang nagtatanong kung bakit naroon ako ngayon. Sumimangot ako at inirapan siya kaya narinig ko ang sarkastikong tawa niya. 


"Now I know I'm not seeing things. Totoo nga siya," dugtong pa niya.


"Oh, come on. We are all professionals here. She's the architect of my house. Architect Diaz, this is Larkin Sanchez," pagpapakilala ni Clea na para bang hindi kami magkakakilala noon! 


Tiningnan ko lang si Arkin at hindi nagsalita. Kumunot ang noo niya sa akin nang hindi ako mag-alok ng kamay sa kaniya. Talagang hindi! Bakit ako mag-aalok ng kamay?! Magkakilala naman na kami! 


"Nice to meet you," maikling sabi ko at bumalik na sa sinasabi ko kanina tungkol sa materials. Tumahimik lang si Arkin habang nakikinig si Clea sa akin. 


Nakahinga ako nang maluwag nang lumabas si Arkin saglit dahil tinawag siya ng direktor. Patapos na rin ako sa pinapaliwanag ko kay Clea kaso bigla rin siyang tinawag ng assistant niya kaya naiwan na naman akong mag-isa sa dressing room. Sinara ko na ang laptop ko at ipapaliwanag ko na lang sa text dahil kaunti na lang naman. Gusto ko nang umalis dito. 


"Manners, Via," sabi ko sa sarili ko. Na-tempt kasi akong umalis nang hindi nagpapaalam sa client. Hinintay ko na lang si Clea sa sofa dahil ang bastos kung aalis ako bigla. 


Napatayo ako nang bumukas ang pinto, inaasahang si Clea na 'yon pero pumasok si Arkin na may dalang bagong damit. Nakaayos siya kanina pa kaya ang gwapo niya tingnan. Hindi ko naman mapagkakaila 'yon dahil hindi siya pagpapantasyahan ng lahat kung hindi ganyan ang hitsura niya. Pakiramdam ko mas tumangkad siya. Sumungit nga lang! 


"Ano? Bakit ka nakatingin?" tanong ko sa kaniya nang makitang nakatitig siya, parang may hinihintay. 


"Magpapalit ako ng damit?" Tinaas niya ang shirt na hawak niya. "Okay lang naman kung ayaw mong umalis." 


Tumalikod siya sa akin at hinubad ang suot niyang shirt. Napatingin ako sa back muscles niya habang nagpapalit siya. Nagwo-work out pa rin pala 'to? Buti mayroon siyang oras. Mas gumanda pala ang katawan niya. 


"Ano? Bakit ka nakatingin?" Binalik niya ang tanong ko! Nakikita pala ako sa salamin! Nagkatinginan kami roon bago ako umirap at tumingin sa ibang direksyon. 


Nagsuot na siya ng shirt at sunod naman ay 'yong polo na hindi niya sinara ang butones. Humarap din siya sa salamin para ayusin ang buhok niya habang tahimik akong naghihintay roon sa gilid. 


"Payong ko," bigla niyang sabi na parang bata!


Agad akong nainis! Mukha bang dadalhin ko ang payong niya rito, huh?! Hindi naman umuulan sa labas at tsaka hindi ko naman inaasahang magkikita kami ngayong araw! 


"Hindi ko nadala," sabi ko sa kanya. "Huwag kang mag-alala. Kapag nawala, bibilhan na lang kita ng bago. Pero hindi ko rin naman mawawala 'yon." 


"Dapat lang," malamig na sabi niya. "My mom gave it to me so you should bring it back." 


Wow, ha? Napaka-sentimental naman pala niya! Mahihilo na yata ako sa kakairap ko! Bawat buka ng bibig niya, parang gusto kong umirap sa inis. Nakakainis marinig ang mga salita ng lalaking 'to sa hindi ko malamang dahilan. 


"Dadalhin ko na lang sa bahay n'yo," sabi ko sa kaniya. "Iiwan ko roon para hindi ka na magmaktol diyan na parang bata." Humina ang boses ko sa dulo para hindi niya marinig. 


"Ano?" tanong niya nga. "May sinabi ka?" pang-aaway niya! 


"Napakasama ng ugali mo. Isusumbong kita sa Mama mo," pagbabanta ko. 


"Mature mo naman, Architect Diaz." 


"Como quieras. Me estás buscando las cosquillas," bulong ko. "Que cabrón..." 


Napakunot ang noo niya at tinaasan ako ng kilay, naguluhan sa sinabi ko. Ngumiti ako nang peke sa kaniya para magpanggap na hindi ko siya minura in Spanish. Sinadya ko talaga 'yon para hindi niya maintindihan. I just said whatever, he was just trying to start a fight. What a bastard. 


"What did you just say?" tanong niya sa akin. "May binubulong ka. Kinukulam mo na ba ako?" 


"Bakit naman kita kukulamin, Larkin? Hindi ko na kailangang gawin 'yon. Mukha ka nang sumpa," nakangiting sabi ko. 


"Ano?" pikon na tanong niya sa akin. "Ayos ka, ah. Nag-Spain ka lang, ganda na ng mga comeback mo." 


I stopped the urge to make a face again because Clea entered the dressing room. Tumayo ako at niligpit ang mga gamit ko para magpaalam sa kaniya. Pinabalik-balik niya ang tingin sa amin ni Arkin, nagtataka kung bakit may intense atmosphere sa paligid namin pero umalis na lang ako pagkatapos magpaalam. 


I prayed that I won't see that jerk ever again! Mabuti na lang at hindi ko pa kinakailangang makausap ulit si Clea kaya nakapag-focus ako sa pagtatrabaho at pagtuturo ng gitara sa kapatid ko. 


"Aba, magaling ka na, ah," sabi ko sa kaniya nang iparinig niya sa akin ang inaral niyang kanta. "Para kanino 'yang kanta?" 


"Wala, sa crush ko..." Ngumuso siya at napakamot sa ulo niya. "Favorite song niya 'to, eh. Balak kong umamin next week." 


"Huwag ka nang umamin," pagbibiro ko. "Masisira lang buhay mo." 


Natawa siya nang malakas sa sinabi ko at ginulo pa ang buhok ko na parang ako ang mas bata sa aming dalawa! "Napaka-bitter mo naman, Ate." At tumawa na naman siya. Sinamaan ko siya ng tingin at tumayo na lang para iwan siya roon! 



Lumipas ang mga araw nang matiwasay... hanggang sa mag-message si Luna kung pupunta raw ba ako sa reunion ng batch namin! Napakamot kaagad ako sa ulo ko, wala nang balak pumunta pa roon pero pinilit-pilit nila ako! Hindi naman daw formal reunion at kakain lang daw sa isang reserved na restaurant! May mga games pa! 


"Parang mga bata naman," sabi ko kay Luna. 


"Ano ka ba! Okay lang 'yan! For sure naman, hindi pupunta si Arkin dahil busy!" pampalubag-loob niya sa akin. 


Hinatak-hatak nila ako sa reunion na 'yon pagkatapos ng trabaho ko. Hinubad ko na lang ang coat ko at naiwan sa tank top at striped slacks. Wala akong salamin ngayon dahil nag-contact lens ako sa trabaho. Hindi naman kasi ako pumuntang field. 



Pagkarating namin doon sa restaurant, kinantyawan kaagad kami ng mga kaklase namin noon. Hindi na raw kami nagkahiwa-hiwalay tatlo! Lagi na lang daw kaming magkasama! Ang depensa naman ni Luna ay umalis naman ako sa Spain at kakauwi lang kaya hindi naman daw 'palagi.' 


"Si Via na ba 'to?! Ang ganda!" Tuwang-tuwang sabi ng isa kong kaklase. "Sexy mo, mare!" 


"Thank you," awkward na sabi ko dahil wala naman akong ka-close sa mga 'yon! Sumama lang ako rito dahil kay Luna!


Nasa kabilang table naman ang ibang ka-batch namin. Naghihintayan pa kami bago magsimula ang program, eh. Ang pinunta ko lang naman dito ay 'yong pagkain. Naging abala rin sila sa pagkekwentuhan habang tahimik lang akong nagse-cellphone dahil umiikot si Luna at lumilipat ng upuan. 


"Bored?" tanong sa akin ni Kierra habang nasa kalagitnaan ng program. 


"Hindi nam-" Napatigil ako sa pagsasalita nang mapasigaw 'yong host ng program dahil may pumasok na lalaki sa restaurant. Napatingin kaming lahat kay Larkin na binati kaagad 'yong mga tropa niya. Nagyakapan sila roon bago umupo sa may table.


Sinusundan siya ng tingin ng mga taga-ibang section, lalo na ng mga kaklase ko. 'Yong iba ay nakita ko pang pinabalik-balik ang tingin sa akin at kay Larkin, nagtataka kung bakit hindi yata kami magkatabi ngayon. Bukod sa magkaiba kami ng section, hindi na kami close! 


"Hindi ko inaasahang dadating pala best friend mo, Via!" sabi sa akin noong kaklase ko. 


Hindi na lang ako nagsalita at nginitian lang siya. Mas nakakapagod pang ipaliwanag kung bakit hindi na kami mag-bestfriend kaysa sumang-ayon na lang. Hindi ko naman na sila kailangan bigyan ng explanation sa nangyari sa amin ni Arkin. Alam naman na ng iba 'yon. Nasa news naman 'yon. 


"Via, laro tayo!" Hinatak ako bigla ni Luna paharap dahil wala raw siyang partner doon sa laro! Boys versus Girls daw kasi 'yon tapos dapat galing sa magkaibang section! Pakiramdam ko sinadya noong host na pagtapatin kaming dalawa ni Arkin! Beer pong pala 'yong laro! 


"Ako muna, Via! Watch me!" confident na sabi ni Luna at pinatalbog 'yong bola. Hindi naman na-shoot... Ang layo nga at out pa sa table. "Hala, kasalanan ng bola 'yan. Feeling ko may duga riyan." 


"Ako na," sabi ni Arkin at pinatalbog na rin 'yong bola. Na-shoot 'yon sa basong nasa tapat ko kaya sinamaan ko siya ng tingin. Ganoon kasi ang rule na ginawa nila rito. 


Wala akong choice kung hindi inumin 'yon. Noong turn ko na, malakas kong pinatalbog ang bola kaya natamaan siya sa mukha. Napatakip ako sa bibig ko at umaktong nalungkot nang tingnan niya ako nang masama.


"Shocks, sorry," sabi ko kaagad. "Masakit ba? Kung masakit, pwede ka naman mag-quit." 


"Ah, sorry, Via, hindi ako madaling sumuko kahit masakit, eh," makahulugang sabi niya sa akin. Narinig ko ang dramatic gasp ni Luna sa tabi ko at napatakip pa sa bibig niya. Nagkatinginan din 'yong mga nakarinig. 


"Hala, parang sira si Arkin! Laro lang, eh!" sabi ni Luna. "Namemersonal, oh!" 


Sa wakas ay naka-shoot na rin si Luna sa next niyang tira. Ako ay na-shoot ko ang bola sa tropa ni Arkin kaya siya ang uminom. Si Arkin naman ay parang target ako dahil 'yong akin talagang baso 'yong shinoshootan niya ng bola! Inom tuloy ako nang inom!


"Tama na! Ako na ang iinom para kay Via!" volunteer ni Luna.


"Malamang, Luna. Wala nang baso si Via," sabi ni Kierra nang manood doon sa gilid. Nararamdaman ko na ang init sa katawan ko at kaunting hilo. Talo naman na ako kaya umalis na ako roon at pumuntang restroom. 


Naghilamos ako at nag-retouch ng makeup para naman bumalik sa katinuan kahit medyo umiikot ang paningin ko. Pagkalabas ko pa ay nakita ko si Arkin na naghihintay para asarin ako! Malamang, iyon ang pakay niya! 


"Are you drunk?" tanong niya sa akin habang nakahalukipkip. 


"Nainom ko lahat ng baso roon tapos tatanungin mo 'ko niyan?" Tinaasan ko siya ng kilay. "Bwisit ka talaga." Tinuro ko ang dibdib niya pero nahilo lang din ako at muntik nang matumba. 


"Lasing ka na nga," rinig kong bulong niya nang masandal ko ang ulo ko sa dibdib niya. Hinampas ko ulit siya gamit ang nanghihina kong kamay habang nakatayo lang siya roon at nakasandal sa pader, hindi alam kung saan ilalagay ang kamay kaya binulsa na lang. "Tatawagin ko na si Luna." 


"Layas!" Umatras ako mula sa kaniya at napahawak na lang sa kabilang pader para makapaglakad nang maayos. "Ako na tatawag kay Luna!" 


Pinanood niya akong maglakad habang natatapilok-tapilok ako sa heels ko. Inis kong sinabunutan ang sarili ko at umupo na lang sa sahig, sinusubukang maging okay. Narinig ko ang maikling tawa ni Larkin sa likod nang makita akong ganoon.


"Ano? Masaya ka?!" Lumingon ako sa kanya. If looks could kill, he would be dead by now! 


Tumigil siya katatawa at naubo na lang bago siya naglakad palapit sa akin at sinubukan akong itayo pero umiling ako. Napabuntong-hininga siya at nilagay ang kamay sa mga braso ko para mahatak ulit ako, pero bumagsak din ako sa dibdib niya. 


Nakapikit lang ako roon at nakahawak sa ulo ko dahil umiikot na ulit ang paningin ko. Naestatwa ako nang ilagay niya ang kamay niya sa may ulo ko at marahang inayos ang buhok kong nagulo na. 


"Let's go. I'll drive you home," seryosong sabi niya sa akin. 


Umatras ako palayo sa kaniya at mabilis na naglakad paalis kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Muntik pa akong matumba nang hatakin ni Arkin ang braso ko papunta sa tamang exit ng restaurant. Hawak na niya ang gamit ko. Tinakip pa niya sa ulo ko ang coat ko at nagsuot din siya ng cap habang hawak niya ako papunta sa sasakyan niya.


"Nakakabwisit ka! Bakit ba kasama kitang umuwi, huh?!" turo ko sa mukha niya habang sinusuotan niya ako ng seatbelt. "Hala, poster ka ba?" nagtatakang tanong ko. "Or standee?" 


"Ano bang sinasabi mo?" Bakas ang inis sa boses niya dahil ang likot ko. 


"'Yong mukha mo, Larkin..." Pinisil ko ang pisngi niya at natawa. "Nagkalat sa buong bansa! Kahit saan ako magpunta, may mukha mo! Standee... Poster... Tarpaulin... Tapos ngayon... Mukha mo na naman! Kailan mo ba ako lulubayan, huh?!" 


"Lasing ka na. Huwag ka nang magsalita," seryosong sabi niya bago sinara ang pinto at umikot sa may driver's seat. 


Napanguso ako at sinandal na lang ang ulo ko sa bintana habang nakapikit. Nang makasakay siya ay tinanggal niya ang coat na nakapatong sa ulo ko at inayos ulit ang buhok ko gamit ang kamay niya. 


"Kierra... Oo. Iuuwi ko na 'to. Nalasing na," rinig kong sabi niya habang may kausap sa phone. "Ako na bahala... Oo. Sa bahay nila." 


Napahawak ako sa ulo ko habang nakapikit. Naiinitan pa ako kahit naka-tank top lang kaya tinapat ni Arkin ang aircon sa akin. Hindi ko naman sinabi pero nahalata niya kaagad. Nilamig naman ako ngayon! 


"Ano ba talaga?" tanong niya nang suotin ko ang coat at niyakap ang sarili ko. Dinilat ko ang mga mata ko at matagal siyang tiningnan habang ang atensyon niya ay nasa daan. Ang ganda ng side profile ng lalaking 'to kaya naman hindi nagsasawa ang mga tao sa mukha niya. 


Nang mapansin niya 'kong nakatingin ay tinakpan niya ang mukha ko gamit ang isa niyang kamay. Sumimangot kaagad ako at inalis ang kamay niya, mas nainis lang! Pinipikon talaga ako ng lalaking 'to. 


Nang makarating sa tapat ng bahay ay nahihilo pa rin ako. Tinulungan niya akong bumaba ng sasakyan at inalalayan ako papasok sa may gate. Kinuha ko ang susi ko at parang tangang sinusubukan ipasok 'yon sa may lock pero hindi ko magawa-gawa. Kinuha na lang ni Arkin sa kamay ko 'yon at siya na ang nagbukas. Tulog na pala ang mga kapatid ko tsaka si Papa. 


"Shh... Shh... Ingay mo..." Nilagay ko ang daliri ko sa tapat ng labi ko nang marinig ang hakbang ni Larkin. 


"Ikaw ang maingay," bulong niya naman. Sinubukan kong tanggalin ang heels ko kaya umupo ako sa sahig pero lumuhod naman siya sa harapan ko at siya na ang nagtanggal. 


"Hoy," mahinang sabi ko nang bigla niya akong binuhat pagkatapos at umakyat sa may kwarto ko. 


Binuksan niya 'yon at hindi na nag-abala pang buksan ang ilaw. Nilapag niya na lang ako sa may kama ko at nadapa bigla roon sa may upuan dahil iniba ko nga ang set-up ng kwarto ko. Hindi niya alam! 


"The fuck," bulong niya habang hawak ang tuhod niya. Tumawa ako dahil bumagsak siya roon sa sahig pero tinakpan ko ang bibig ko dahil baka magising sina Papa. 


"I need to shower... Yuck..." Tumayo ako mula sa pagkakahiga ko at pumunta sa cabinet para maghanap ng damit. Binuksan ni Larkin ang ilaw at siya na ang kumuha ng damit para sa akin. Pati ang towel ko ay inabot niya na rin! 


"Kaya mo?" tanong niya sa akin. 


"Kung hindi? Papaliguan mo pa ako?" Tumawa ako habang naglalakad papuntang shower. 


Nahimasmasan na ako nang magkapag-shower at toothbrush na. Akala ko ay umalis na siya pero pagbalik ko sa kwarto ko ay naroon pa rin siya, nakaupo sa may chair ko at nagmamasid sa paligid. 


"What is the biggest star doing in my room?" tanong ko nang umupo sa kama, nagpapatuyo ng buhok gamit ang towel. "Umalis ka na." 


"Payong ko," sabi niya bigla. Talagang hindi niya makalimutan 'yon, huh?!


Tumayo ako para hanapin ang payong niya. Alam ko nilagay ko 'yon sa cabinet pero mukhang hiniram ni Ysha! Lumabas tuloy ako ng kwarto at tahimik na hinanap ang payong sa kwarto niya. Tama nga ako at nakita ko 'yon sa may table niya. 


"Oh, eto na-" Natigilan ako nang makita kong tulog na si Arkin sa may work table ko roon. Nakapatong ang mukha niya sa braso at mukhang pagod na pagod. Napakagat ako sa ibabang labi ko at kumuha na lang ng kumot para ilagay sa balikat niya bago ako humiga sa kama ko. 


Nilapag ko ang payong sa may study table ko at sinubukan nang matulog. Nagising ako kinabukasan dahil may umaalog sa balikat ko. Hindi ko alam kung suminag na ba ang araw at pakiramdam ko kulang na kulang ang tulog ko. Mabuti na lang talaga at wala akong pasok sa trabaho! 


"Ano?" iritang tanong ko at tinakpan ng unan ang mukha ko. "Aidan naman, eh..." 


"Aalis na 'ko." 


Tinanggal ko kaagad ang unan sa mukha ko at agad napabangon nang hindi boses ni Aidan ang narinig ko!


"Aray ko!" sabay kaming sumigaw ni Arkin nang magkauntugan kami. Napahawak kaagad ako sa noo ko at napahawak naman siya sa baba niya, masama na naman ang tingin sa akin! Hindi ako nagpatalo at sinamaan ko rin siya ng tingin! 


"Ang aga-aga, nanggigising ka pa!" reklamo ko pagkakita ko sa orasan. 6 AM pa lang! Anong oras na ako nakatulog? 3 AM! 


"Hindi ka na ba maaga gumigising?" tanong niya sa akin. Napakunot ang noo ko nang makita kong fresh from the shower at nakapag-ayos na ang loko. Saan naman 'to kumuha ng damit? Ah... Baka sa sasakyan niya. Palagi naman siyang may damit doon dahil artista siya. 


"Sige na, umalis ka na." Humiga ulit ako at pumikit para bumalik sa tulog. 


Narinig kong sumara ang pinto ng kwarto ko kaya dumilat ako para tingnan kung umalis na talaga siya. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang wala na siya. Sinubukan kong matulog ulit pero hindi na talaga ako makatulog dahil nagising ang diwa ko sa presensya niya. 


Lumabas na lang ako ng kwarto ko pagkatapos maghilamos at bumaba na sa may kusina. Napahawak ako sa dibdib ko nang makitang gising na si Mira at Ysha. Kumakain na silang dalawa roon. 


"Oh, sino ang nagluto? Ang aga n'yo, ah," sabi ko sa kanila. 


"Si Kuya Arkin nagluto," sabi ni Ysha sa akin. Muntik na akong masamid sa sarili kong laway. Naabutan pala nila si Arkin?! 


"Kumain ka raw ng breakfast." Nilapag ni Mira ang plato sa bakanteng upuan. "Fruit shake mo raw." Nilapag din niya iyong paper cup. 


"Huh?!" Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa mga kapatid ko pero hindi naman sila nagtatanong! Parang sanay na sanay sila sa presensya ni Arkin, ha! Pumupunta ba rito 'yon noong wala ako? "Hindi kami nagkabalikan, ah!" Iyon na lang ang sinabi ko. 


"Alam namin, Ate," sabi naman ni Mira at natawa pa sa akin. "Defensive ka naman masyado." 


"Mabuti nang malinaw." Umupo na ako at kumain na lang din ng breakfast na luto ni Arkin. Wow... Magaling na pala magluto 'yon? Dati, nang-aagaw pa 'yon ng baon ko sa school, ah. Ang dami na talagang nagbago sa kaniya. 


Pagkatapos kumain ay umakyat na ulit ako sa kwarto ko para maglinis. Napaawang ang labi ko at nagpakawala ng hindi makapaniwalang buntong-hininga nang makita ko ang payong sa side table ko. Lintik na payong at hindi pa rin kinukuha! Nariyan na nga sa harapan niya, hindi pa dinala! 


Natulog na lang ulit ako pagkatapos kong maglinis para bumawi ng tulog. Nagising ako noong pagabi na kaya nag-panic ako at tiningnan ang email ko, just in case may na-miss akong meeting. Wala naman kaya nakahinga ako nang maluwag. Nakakabaliw pala 'tong ganito. 


Bumaba na lang ako at nagpaalam kina Papa na bibili ako ng pagkain namin sa labas, tutal ayaw kong magluto. Naglakad na lang ako papunta sa malapit na karinderya at bumili ng ulam. Nang maglakad ako pabalik ng bahay ay nadaanan ako ng pamilyar na sasakyan. 


Huminto pa siya sa tapat ng bahay namin at bumaba, nagmamadaling pumasok sa loob. Mabilis akong naglakad at sinundan si Arkin papasok ng bahay na para bang nakatira siya roon! 


"Hoy, ano na namang ginagawa mo rito?" Kinalabit ko siya. 


"I left my clothes," sabi niya sa akin. 


Whatever. Dumeretso na lang ako sa kusina habang kinukuha niya ang damit niya sa taas... kaso ang tagal niya kaya umakyat na lang din ako para silipin kung ano pa ba ang hinahanap niya roon! 


Nakita kong kausap niya pala si Aidan sa may kabilang kwarto at tinuturuan niyang mag-gitara. Binuksan ko ang pinto at sumandal doon sa may gilid, pinapanood silang dalawa. 


"Kakain na, Aidan," tawag ko. 


"Saglit na lang, Ate..." sabi ni Aidan sa akin. "Kuya Arkin, sa susunod, piano naman, ah... Mukhang kaya ko na 'to!" 


"Oo naman. May piano kami sa bahay. Punta ka lang doon," sabi ni Arkin at ginulo ang buhok ng kapatid ko. 


"Pwede ko bang isama si Ate?" tanong bigla ni Aidan.


Pinanlakihan ko siya ng mata dahil sa sinabi niya. Ano na naman ba 'yon? Wala naman akong balak sumama, ha! Bakit nadadamay na naman ako rito?! 


"Hindi ako sasama. Huwag kang mag-alala." Inunahan ko na ang sasabihin nitong si Larkin. Halata naman sa mukha niyang ayaw niya ako roon. 


May binulong pa si Larkin pero hindi ko narinig. Sinabihan ko na lang si Aidan na bumaba na dahil nga kakain na bago ako bumalik sa kwarto ko para kuhanin 'yong payong. Sumunod ako kay Arkin palabas ng bahay at inabot ang payong na 'yon sa kaniya. 


"Oh, ito na. Huwag mo nang hahanapin sa 'kin," I said, extending my arm.


Tiningnan niya 'yon saglit at natawa nang sarkastiko bago kuhanin sa kamay ko. Tinitigan niya nang mabuti ang payong at binuksan pa sa harapan ko para i-check kung nasira ko ba o ano! 


"Walang sira 'yan kaya umalis ka na," malamig na sabi ko. 


"Sa 'yo na." Binalik niya sa akin ang payong. "Hindi ko na pala kailangan." 


Nagsalubong ang kilay ko dahil gulong-gulo na ako sa kaniya. Ano bang problema ng lalaking 'to? Hanap siya nang hanap sa payong niya tapos hindi na raw pala niya kailangan?! Pagkatapos niya akong i-stressin! 


"Hindi ko rin 'yan kailangan." Binalik ko rin sa kaniya 'yon. Kinuha ko pa ang kamay niya nang hindi niya kuhanin para malapag ko roon.


Napatingin siya sa akin nang hawakan ko ang kamay niya. Binitawan ko rin siya kaagad nang malapag ang payong doon na parang napaso sa balat niya. Umiwas kami ng tingin at humigpit naman ang hawak niya sa payong. 


"Hindi ko talaga kayang malapit sa 'yo," sabi niya bigla bago tumalikod at naglakad paalis.

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro