
39
"Tapos... Ito kapag G... Try mo mag-strum."
Nakaupo kami ni Aidan sa may sala habang tinuturuan ko siya ng mga basic na guitar chords. Hindi ko alam kung namana niya rin ang pagiging musically inclined ni Mama dahil ang bilis niyang matuto.
"Umamin ka nga. Naturuan ka na ba?" tanong ko sa kaniya bigla dahil parang alam na niya lahat ng sinasabi ko!
"Ah, nagpaturo ako dati kay Kuya Arkin..." Umiwas siya ng tingin sa akin at ngumuso, nahihiya dahil sa sinabi niya. Alam kasi niyang hindi na kami nag-uusap ni Larkin kaya hindi niya alam kung paano niya sasabihin. "Nagkasalubong din kami roon sa music store dati noong naghahanap ako ng gusto kong gitara. Madalas pala siya roon dahil doon din siya bumibili..."
"At dinala mo 'ko roon?" Tinaasan ko siya ng kilay, hinuhuli ang intensyon niya. Napakagaling talaga ng kapatid ko! Alam na nga niyang ang awkward namin ni Larkin, dinala pa ako roon.
"Hindi ko naman sinasadya! Hindi ko alam na pupunta siya roon ngayong araw! T-tsaka... Hindi naman porket wala na kayo, wala na rin kaming koneksyon sa kaniya..." Ngumuso ulit siya pero may point naman siya roon.
Iyon ang mahirap sa amin ni Larkin. Masyado na kaming naging malapit sa pamilya ng isa't isa na kapag nawala kami, ang hirap para sa amin ang mawalan talaga ng koneksyon. Marami rin naman silang pinagsamahan ng mga kapatid ko, lalo na si Aidan. Isa si Arkin sa mga nag-alaga talaga sa kaniya noong bata siya kapag wala si Papa rito at kapag busy ako.
Hindi ko naman masisisi ang mga kapatid ko. Okay lang naman sa akin kung nagkaka-usap pa sila. Iyon din naman ang gusto ko para sa mga kaibigan ko pero si Arkin ang lumalayo sa kanila. Si Sevi na lang 'ata ang nakakausap niya sa amin. I felt bad that he had to lose friends just because of me. Ito ang mahirap kapag nasa iisang friend circle kayo. Someone had to adjust for the other, especially if it was a bad breakup.
"Aralin mo 'to. Marunong ka na pala..." Binigay ko sa kaniya ang song book na may mga kasamang guitar chords bago ako tumayo at umakyat ng kwarto para maglinis.
I decided to re-decorate my room so I wouldn't be reminded that much of him. Nag-alis ako ng mga gamit ko at nagpalit din ako ng ibang furniture. Tinanggal ko ang study table ko dahil bumili na rin ako ng bago at mas malaki. Pati ang kama ay pinapalitan ko na rin dahil masisira na rin.
Pawis na ako kahit nakasuot ng tank top habang nagpupukpok ng pako sa dingding para sa frames. Gumamit na rin ako ng drill para sa mga book shelves at screwdriver naman nang sinet-up ko na rin ang bagong table ko. Napakainit pala sa kwarto ko pero hindi ko mabuksan ang aircon dahil marumi pa at maalikabok ang kwarto.
Noong bata ako, kapag wala si Papa ay ako rin ang gumagawa ng mga bagay na 'to sa bahay. I had to learn for my younger siblings. Kapag may kailangan sila, dapat alam kong gawin. Kapag may sira sa bahay, kailangan ayusin ko kaagad dahil baka mapano ang mga kapatid ko. Kaya naman ni Papa pero madalas kasi siyang wala buong araw dahil nagtatrabaho kaya ako na ang gumagawa.
It helped me a lot. Ngayon, alam ko nang gawin ang mga 'to at hindi ko na kailangan ng tulong mula sa iba. Tatawagin ko pa naman sana si Sevi para magbuhat ng mga gamit dito pero mabuti na lang at nariyan si Aidan. Tinulungan niya naman ako sa furniture.
"Ate, ang sexy mo na," sabi ni Ysha nang sumilip sa kwarto ko. Kakauwi lang niya mula sa paggawa ng group project sa school. "Siguro exercise ka nang exercise sa Spain."
Napatingin ako sa suot kong tank top at shorts. Nag-ipit din ako ng buhok dahil mainit at nakasuot ng specs. Wala naman akong nakitang kakaiba sa katawan ko, siguro dahil lagi ko siyang nakikita kaya hindi ko napapansin ang changes. Hindi naman sa exercise ako nang exercise. Lakad lang talaga ako nang lakad araw-araw papuntang station para pumasok sa trabaho. Mahina na rin ako kumain dahil doon nasanay ang appetite ko.
"Maglinis ka na lang dito, Ysha," sabi ko sa kaniya. Tumango siya at kumuha ng walis para tulungan kaming maglinis ni Aidan. Wala si Mira dahil may emergency meeting daw sa hotel. Day off dapat niya ngayon. Nagtatrabaho siya sa hotel na pag-aari ng Ledezma Group.
Kinabukasan, pumasok na ulit ako sa trabaho. Masyado nga akong maaga kaya naman pumunta ako sa printing area at nag-ayos na lang din ng mga papel doon. Naglinis din ako ng pantry dahil wala naman akong ginagawa pa.
Habang nagtitimpla ako ng kape ay nakita kong dumaan si Clea, kasama ang isa sa mga boss dito sa kumpanya, at pumasok sila sa office. Bumalik ako sa desk ko habang nakatingin sa pinto roon, nagtataka kung bakit narito ulit siya.
"Architect Diaz?" Muntik ko nang mabuga ang kape ko nang bigla akong tinawag ng boss namin. Nilapag ko kaagad ang baso at nagmamadaling maglakad papasok ng office. Napaawang ang labi ni Clea nang makita ako, medyo nagulat sa presensya ko.
"Yes, Ma'am?" tanong ko at umiwas ng tingin kay Clea. Naiilang ako kapag naiisip kong malapit sila ni Arkin.
"Are you accepting more projects? You should while you're still here. Tamang-tama... We have a big client here. You probably already know the famous actress, Clea Aguilar," pagpapakilala niya.
Ngumiti sa akin si Clea at nilahad ang kamay niya kaya kinuha ko 'yon at umaktong hindi siya kilala. "Architect Diaz. I'm pleased to meet you," sabi ko sa kaniya.
"Clea," pagpapakilala niya rin bago ako binitawan. Tumingin na siya sa boss ko at ngumiti. "It's fine, Marj... I think Architect Diaz is working on a big project right now."
"Hindi, kasi... Architect Diaz, our client here wants a European style house. Naisip ko na that's your forte! While you're still here, you can take another small project, right? You see, Clea, Architect Diaz is from Spain! She's just here temporarily for a big collaboration project! Lucky you!" sabi pa ng boss ko.
"Uh..." Hindi ko alam ang sasabihin ko! "Ma'am... I..."
"Don't worry, Architect Diaz! We are partnering you with Architect Herran from our company para hindi mabigat! You can help each other. It's just a small project, after all... and don't you need extra income? This is a big opportunity for you!" pamimilit pa ng boss ko.
Avianna, stop letting personal feelings affect your work. Kailangan mo ng pera para sa pamilya mo. Tumutulong ka kay Papa magpaaral ng mga kapatid mo kaya wala kang karapatang tumanggi rito!
"I will take it, Ma'am..." Tumango ako sa kaniya at napapalakpak naman siya. Tumingin lang sa akin si Clea at alanganing ngumiti, hindi inaasahang ako pala ang magiging architect ng bahay niya.
Nag-usap pa kami saglit sa office para sa details bago ako lumabas at umupo sa desk ko. Agad akong napasabunot sa sarili ko nang ma-realize ang nangyari. Ano ba 'yon... Bakit ba naging ganito... Umuwi lang naman ako, ah! Bakit ko tinanggap 'yon?!
Pero tutulong lang naman daw ako... Oo, forte ko 'yon, eh. Sanay ako sa ganoong designs... Tama. Saglit lang din naman 'yon! Para naman 'to sa mga kapatid ko at kay Papa.
I just convinced myself that it was going to be okay, then I started working on the design. Pinatawag ulit kami ng partner ko sa office kaya nag-usap kami kung paano ang gagawin. We worked together in coming up with ideas before I decided to sketch it. We came up with two options para sa draft.
Then during afternoon, I went to the site again to see the progress. Iyon lang ang pinagkaabalahan ko. The project and the house. Inisip ko na lang na sideline 'yon. Mas mabuting maging busy ako kaysa walang ginagawa, dahil pakiramdam ko nakatunganga lang ako kapag naka-focus lang ako sa isang bagay.
I had to present the drafts to Clea during Saturday dahil doon lang siya nagkaroon ng free time. I asked her where she wanted to meet and she said sa coffee shop na lang malapit sa shooting location nila dahil saglit lang din siya pwedeng mawala. Of course, I had to adjust to the client. Namasahe ako papunta roon dahil hindi ko pa nakukuha ang license ko. Hindi naman kasi ako nagda-drive pero sabi ng company, bibigyan nila ako ng company car para may sakyan ako papunta sa site.
Nauna akong dumating sa coffee shop na mukhang mamahalin at walang tao. Mayroon lang 'atang tatlo o apat na tao roon na nagkekwentuhan lang din. Umupo ako at nilapag ang laptop ko sa table habang naghihintay. Malapit na rin daw silang matapos.
Dumating din naman siya kaagad, naka-shades at nakasuot ng simple pero mukhang mamahaling damit. Sleeveless top, cardigan, pants, and heels lang ang suot niya pero agaw-pansin pa rin siya nang pumasok.
"Hello," bati niya sa akin at umupo na sa harapan ko. "I'm sorry, they asked for another take. Anyway, have you eaten? I'll order for us." Tumayo rin siya pagkalapag ng bag niya.
"Okay lang," sabi ko sa kaniya at ngumiti nang tipid. "Kahit ano na lang sa akin..." Hindi pa naman ako masyadong gutom.
Nag-order na siya ng pagkain at kape para sa amin at nilapag na rin ang tray sa table nang makuha. Sinimulan ko nang mag-present sa kaniya ng idea habang umiinom siya. Tumatango-tango naman siya at nagbibigay rin ng kumento sa mga gusto niyang ibahin. Mabuti na lang at opinyonada siyang tao at sinasabi niya talaga ang gusto niya. Mahirap kapag hinahayaan niya lang kami. It was like stepping on uncertainties.
"Anyway, I feel like this one should be bigger..." Hindi na ko nakapag-focus sa mga susunod na sinabi niya nang makita kong may pumasok sa coffee shop. I knew it was him. There was something about his presence that I could feel from a distance.
Arkin went inside the coffee shop, wearing a white shirt na naka-tuck in sa pants, navy blue polo na nakabukas ang butones, black designer belt, and black leather boots. Wala siyang suot na cap or mask man lang dahil wala naman masyadong tao. Right... This shop was near their shooting location.
Natigilan si Clea sa pagsasalita nang makitang nakatulala na ako sa malayo. Lumingon tuloy siya at nagulat din nang makita si Arkin. Tuloy-tuloy lang si Arkin na pumunta sa counter para um-order, hindi kami napansin.
"Uh... Wait for a moment." Tumayo si Clea at naglakad palapit kay Arkin para kalabitin ito. Napaiwas naman ako ng tingin habang nag-uusap silang dalawa roon, nagtatawanan pa. They looked closer and more comfortable with each other.
Tumingin na lang ako sa labas at bahagyang tinago ang mukha ko para hindi ulit kami magkita. Nang maramdaman ko ang presensya ni Clea ay lumingon ulit ako sa kaniya at ngumiti nang alanganin.
"Let's continue," sabi niya sa akin. Pinakita ko na ulit ang laptop ko at nagsulat na ulit sa sketchpad para maalala ko ang mga pinapabago niya sa amin.
"Clea, your order." Natigilan ako sa pagsusulat nang marinig ko ang boses ni Arkin na nakatayo sa tabi ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko, pinipigilan ang sariling tumingin sa gawi niya.
"Thank you... Wait, I said ask them to heat it." Sumimangot si Clea at binigay ulit ang tray. "Please? I'm a bit... busy here."
"Geez..." Kinuha ulit ni Arkin ang tray at umalis para ibalik 'yon sa counter. Nang magsalita ulit si Clea ay pinagpatuloy ko naman ang ginagawa ko.
Hindi ako mapakali dahil alam kong nariyan lang siya sa paligid ko... pero bakit naman maaapektuhan pa ako? Ano naman kung magkita kami ulit? Ano naman kung malapit siya sa akin, hindi ba? Wala naman nang kaso 'yon! Tapos na kami roon! Matagal na!
Dapat umaakto akong walang pakialam... na kaya ko siyang makita. That way, hindi niya iisiping apektado pa rin ako sa kaniya. Naka-move on na siya at naka-move on na rin ako!
"Clea, here's your..." Napatingin ulit ako kay Arkin nang lumapit siya. Natigilan siya at nabitawan bigla ang tray nang makita ako kaya bumagsak 'yon sa sahig at nabasag ang plato. "Shit." Lumuhod kaagad siya para linisin 'yon.
"Oh my gosh," sabi rin ni Clea at tumayo para magtawag ng staff. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya lumuhod na lang din ako at tinulungan siyang linisin 'yong basag na plato. Napatingin ako sa daliri kong nasugatan na agad ko ring tinago.
"Ako na," sabi niya at hinawakan ang palapulsuhan ko. "Masugat ka pa," he said in a monotone.
"Sir, kami na po!" Agad-agad may lumapit na staff. Tumayo naman si Arkin at paulit-ulit na nag-sorry dahil nakabasag pa siya at sinabing babayaran na lang niya. "Huwag na po, Sir! Okay lang po!" Mukhang na-starstruck pa 'yong staff.
Tumayo ako at bumalik sa upuan ko para kumuha ng tissue. Patago kong binalot 'yon sa daliri kong dumudugo para hindi nila makita, habang si Clea ay umo-order ng bagong pagkain dahil natapon ni Arkin ang kaniya. Mukhang nagtatalo pa sila roon.
Bumaba ang tingin ko sa daliri ko nang tignan ko ulit. Maliit na sugat lang naman 'yon. Nagtanong na lang ako roon sa naglilinis kung mayroon silang band aid at sinabi niyang kukuha raw siya.
"I'm really sorry for the chaos," seryosong sabi ni Clea nang bumalik sa tapat ko. "Anyway, that's all I want to say. The idea is really good. Just minor changes on the design. You went to the site last Tuesday, right?"
Tumango ako sa kaniya at sinara ang laptop ko para magligpit na ng gamit. Mayamaya, lumapit na naman si Arkin sa kaniya habang may kausap sa phone. "For a moment," rinig kong sabi niya sa phone. "Clea, it's time to go back. Director's calling."
Pina-take out na lang ni Clea 'yong pagkain kaya naiwan kaming dalawa ni Arkin sa table. Nakatayo siya sa gilid at may kausap habang nakaupo naman ako at handa nang umalis.
"Ma'am, ito po ang band aid." Lumapit bigla ang staff sa akin at inabot 'yon. Ngumiti ako at nagpasalamat bago siya umalis.
I turned to the side so he won't see because I could feel his stare. Patago kong nilagyan ng band aid ang daliri ko bago ako umayos ng upo at kinuha ang gamit ko. Hindi ako makadaan dahil nakaharang si Arkin sa tapat ko kaya para lang akong tangang nakatayo roon at hindi siya masabihang tumabi.
"Yes, direk..." rinig kong sabi ni Arkin. "Pabalik na rin. Do you want some coffee?" Napalingon siya bigla sa akin nang mabunggo ko siya nang kaunti dahil sinusubukan kong dumaan.
Gumilid siya para padaanin ako pero agad din akong hinatak sa palapulsuhan nang muntik ko nang matapakan 'yong nililigpit na mga bubog. Nanlaki ang mga mata ko nang mabunggo ang ulo ko sa dibdib niya! Agad tuloy akong umatras palayo at inayos ang buhok ko.
Binaba ni Arkin ang phone at tinaasan ako ng kilay nang makita ang hitsura ko, parang tinatanong kung ano pa ang hinihintay ko.
"Thank you." Iyon lang ang sinabi ko bago ako lumingon kay Clea at kumaway bilang paalam. Kumaway siya pabalik bago ako naglakad palabas ng shop.
Kapag minamalas ka nga naman. Umuulan pa! Inis akong sumandal sa may pader, yakap-yakap ang laptop kong nasa loob ng tote bag na dala ko. Hinintay ko na lang tumila ang ulan dahil mababasa ang mga gamit ko.
Lumabas na rin si Clea at Arkin mula sa restaurant at nagbukas ng payong. Mabuti pa silang dalawa ay may dala! Umiwas ako ng tingin at umaktong nagte-text para hindi na nila ako kausapin.
"Architect Diaz..." Napatingin ako kay Clea nang iabot niya ang payong sa 'kin. "Here."
Hindi ko alam ang gagawin ko. Ayaw ko sanang kuhanin pero pinilit niya kaya tinanggap ko na lang. Binuksan ni Arkin ang payong nilang isa pa at sabay na silang naglakad papuntang sasakyan.
Napabuntong-hininga ako at napamasahe sa sentido ko. Lahat na ng iniiwasan kong mangyari, nangyari na! Ano bang plano ng mundo para sa akin? Bakit ba nilalapit niya pa rin ako sa taong matagal ko nang kinalimutan?
Napatingin ako sa payong at binuksan 'yon. Lalakad na sana ako nang mapansin ang pangalan sa may handle.
'Kino'
Napakurap ako nang mapagtantong kay Larkin ang payong na inabot sa akin ni Clea. Siguradong si Clea ang nag-insist kaya wala namang meaning 'yon. At least may payong ako at makakaalis na ako sa coffee shop na 'to.
Kinabukasan ay Sunday na naman kaya tinuruan ko na naman si Aidan tumugtog. Nagulat ako dahil ang bilis na ng progress niya. Kaya niya nang tumugtog ng ilang kanta. Fast learner din pala 'to... parang si Arkin.
"Ate, please? Punta na tayong mall! Bukas na 'yong store na maraming merch! Sabi ni Papa, pupunta tayo roon!" pangungulit sa akin ni Ysha.
"Pa, ikaw naman pala ang nagsabi. Ikaw ang sumama kay Ysha," sabi ko kay Papa na abala sa pag-aayos ng mga pinamalengke roon.
"Kayo na lang dalawang magkapatid ang pumunta. Ayaw rin namang sumama nina Mira," sabi ni Papa sa akin. "Sige na, anak... Samahan mo na 'yan at kahapon pa 'yan nangungulit."
Hay nako. Napasapo na lang ako sa noo ko bago umakyat para magpalit ng damit. Ang kukulit na ng mga kapatid ko! Ang lalaki na, kailangan pang samahan sa mall! Hanggang ngayon, parang chaperone pa rin nila ako. Siguradong nagpapasama lang 'to dahil walang magbabayad ng mga gusto niyang bilhin.
Sinamahan ko nga siya sa mall at sumunod-sunod lang sa kaniya habang nagtitingin siya ng mga KPOP merch na gusto niya. Hindi naman ako interesado roon kaya lumabas din ako pagkatapos nang ilang minuto. Humalukipkip na lang ako sa gilid habang pinapanood ang mga nagkakagulo roon sa may event center.
Napakunot ang noo ko nang makita ang familiar na mukha sa hawak ng babaeng tarpaulin. "No way..." bulong ko sa sarili ko nang ma-realize kung ano na naman ang mayroon ngayon.
Napasabunot ako sa sarili ko at inis na napapadyak. "Wala ba talaga akong kawala sa 'yo?!" inis na sabi ko habang nakatingin doon sa mukha ni Arkin sa tarpaulin. Talaga bang kung saan ako magpunta ay naroon siya?! Ganoon na siya dati pa pero ngayon, hindi niya sinasadya pero palagi pa rin kaming nagtatagpo! Ayaw akong lubayan ng mukha at presensya niya!
"Ate, magbabayad na," tawag sa akin ni Ysha. Sinasabi ko na nga ba. Ito ang dahilan kung bakit ako sinama rito.
Nagbayad na ako ng mga pinamili niya bago kami lumabas ng store. Papunta kami sa mga damitan kaya napadaan kami roon sa gilid ng stage. Nagkakagulo pa sa pila ang mga batang 'yon. Kaya pala sobrang daming tao sa mall dahil may promotional show na naman 'tong si Arkin!
"Hala, si Kuya Arkin?" nagtatakang tanong ni Ysha at nakisilip pa roon sa pila. "Nood tayo, Ate!"
"Ikaw na lang." Bumitaw kaagad ako sa kaniya at maglalakad na sana paalis pero hinatak niya ako pabalik, tinatawanan ako. "Ano? Manonood ka ba?"
"Joke lang, Ate! Hindi ko naman na need manood! Lagi ko nang nakikita si Kuya Arkin!" Nag-cling siya sa braso ko at naglakad na kami paalis.
"Anong lagi?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Lagi niyang nakikita? Dati ba ang tinutukoy niya o... ngayon? Ano'ng ibig sabihin noon? Pumupunta ba si Arkin sa bahay?
Hindi ako sinagot ng kapatid ko hanggang sa makarating kami sa isang clothing store. Nagtingin lang din ako ng mga damit na pwede kong masuot sa trabaho, at pati si Mira binilhan ko na rin ng damit.
"Ate, dapat bisitahin mo si Tita Allie... Miss ka na noon!" sabi bigla ni Ysha sa akin. Natigilan ako nang mabanggit niya ang pangalan ng Mama ni Arkin. Oo nga pala... I also cut ties with them when I left Arkin. I felt so bad. Nakaka-guilty. Dapat hindi ko ginawa 'yon. Ang daming nagawa ni Tita para sa akin. She was there when my mother wasn't.
"Bibisita ako," sabi ko sa kaniya.
Ang hirap dahil hindi maiiwasang may masirang ibang relasyon bukod sa amin ni Arkin. Ang relasyon ko sa magulang niya... at ang relasyon niya sa mga kaibigan namin. Mabuti na lang at okay pa rin siya sa mga kapatid ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko nagkaka-usap pa rin sila.
Bumili ako ng pwedeng regalo kay Tita Allie para naman may madala ako bilang peace offering sa kaniya. Ang tagal ko rin silang hindi kinausap. Pakiramdam ko wala akong utang na loob para sa mga taong nag-alaga sa akin noon.
Pagkahatid ko tuloy kay Ysha sa bahay ay nagpaalam ako kay Papa na aalis muna saglit para bumisita kina Arkin. Pinagdasal ko lang na sana may shooting si Arkin ngayon at wala siya roon. Paniguradong wala dahil may sarili naman siyang condo.
"Via?" bungad ni Tita Allie nang makita ako sa tapat ng gate nila habang may inaayos siya sa labas. Napatayo kaagad siya nang maayos at nagmamadaling binuksan ang gate. "Via!" Niyakap niya kaagad ako nang mahigpit. "Nakauwi ka na pala!"
"Tita..." Niyakap ko siya pabalik. "Hello po."
"Pasok ka!" Binuksan niya ang pinto at sumunod naman ako papasok sa loob. Luminga ako sa paligid at bumati rin sa Papa ni Arkin na abala sa trabaho. May kausap siya sa phone kaya ngumiti lang siya sa akin at kumaway. "What brings you here?! It's been a while!"
"Gift po, Tita..." Nilapag ko ang paper bag na dala ko. Kumuha rin ako ng ibang pasalubong galing sa Spain. "Uh... Napadaan lang po. Sabi po kasi ni Ysha hinahanap n'yo ako."
"Lagi kitang kinukumusta sa Papa mo! How was Spain? Ang tagal nating hindi nag-usap at nagkita..." Ngumuso siya at umupo sa tapat ko, nakapahalumbaba na ngayon.
"Ah, iyon nga po... Sorry if I didn't stay in touch. Masyado lang pong maraming... nangyari sa amin ni Arkin at tsaka... Nahihiya po akong bumisita kasi wala na kami kaya..." Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya.
Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang kamay ko. "Hey, it's okay..." sabi niya sa akin. "I understand, and I know what you have been through. I should be the one saying sorry. I didn't know it was that bad. Hindi kasi nagsasabi si Arkin sa amin. Alam mo naman 'yon... Kapag may problema, sa 'yo lang niya sinasabi."
Tipid akong napangiti sa kaniya. Sa akin nga sinasabi ni Arkin lahat... pero wala na ako ngayon. Mabuti na lang at nariyan si Sevi sa tabi niya. Alam kong masasandalan niya rin 'yon.
"Anyway... I asked Arkin to leave the agency. May bago na siyang agency and manager ngayon. Have you heard about it?" Tumango ako kay Tita. "He's thriving more now! I actually felt guilty... Pakiramdam ko ako ang nagdala sa kaniya sa spotlight na 'yon. I should have known better as a mother... But Arkin kept silent about everything. Noong umalis ka... Roon lang siya nagsabi dahil hindi na raw niya kaya."
Natahimik ako at napakagat sa labi ko habang nakatingin sa baba. Nakaka-guilty namang humarap sa magulang ng lalaking sinaktan ko. Hindi naman sila galit sa akin sa biglaan kong paglisan pero pakiramdam ko pa rin na dapat akong mag-sorry sa kanila.
"I'm... sorry po," sabi ko kaya natigilan siya. "For not staying by his side... when I said I would never leave him."
"Via..." Bumuntong-hininga si Tita. "Larkin... changed a lot. He grew up to be a better person. You may have left him but in that way, he learned how to live alone and focus more on himself. He's no longer the innocent child I raised before." Natawa si Tita sa sinabi niya. "He knows a lot now. He knows how the industry works now. He's actually studying Film again in UP. He's on his 3rd year. Malapit nang grumaduate!"
Nagulat ako sa sinabi niya dahil hindi ko inaasahang babalik pala talaga si Arkin sa pag-aaral niya. Mabuti at napagsasabay niya ngayon! Well... he got a better manager and agency now. Natutunan na rin siguro niya kung paano mag-manage ng sariling time. Fast-learner naman siya kaya fast-paced din siya palagi. Natatapos niya kaagad ang mga ginagawa niya.
"So if you're worrying about Arkin, you don't need to anymore. He already changed a lot. Ah, hindi na siya 'yong batang nakilala ko. He's not a kid anymore!" Ngumuso ulit si Tita, nalulungkot dahil ang laki na ni Arkin. "He's doing everything by himself now."
"That's good..." I was genuinely happy for him and his achievements. Deserve niya lahat ng 'yon pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan niya noon. Mali man ang pag-iwan ko sa kaniya nang ganoon-ganoon lang, masaya pa rin akong hindi iyon nakaapekto sa kaniya para abutin ang pangarap niya.
He wanted this. Although he told me that he was ready to risk his career for me and leave his job, I knew that it was wrong. Hindi dapat ganoon ang pagmamahal. Love should be... freeing. Love should not be putting limitations on you. Hindi ka dapat kinukulong ng pagmamahal. Hindi ka dapat pinipigilan sa pangarap mo.
I did a lot of things to him before. I also said a lot... and I never had the chance to apologize. Maybe it was really better for us to drift apart. We were... bad for each other. We depended on each other too much that it already affected how we lived.
Sayang lang. Sayang... because we were great friends. It was hard for me to let go of someone I had been with since birth. Namulat akong nariyan na si Arkin sa tabi ko... kaya ganoon na lang kahirap sa akin ang gumising isang umaga na wala na kaming koneksyon sa isa't isa. We knew each other better than ourselves.
"But he loved you... a lot," sabi ni Tita Allie. "It might be over now for the both of you, but I hope you could still act civil towards each other. Sayang... Because you spent more time being together than being apart."
Tumango ako kay Tita. Civil... Iyon din naman ang gusto ko, pero hindi ko masisisi si Arkin kung ayaw niya o kung galit siya sa akin dahil bigla ko na lang siyang iniwan. May nangyari sa amin... pero iniwan ko siya kinabukasan. Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad doon. It was selfish. That was so selfish of me.
"Ma, nakauwi na 'ko."
Muntik na 'kong mahulog sa upuan sa bilis kong lumingon nang marinig ang boses ni Arkin! Nag-panic kaagad ako at napatayo, hindi alam ang gagawin. Aalis na ba ako? Hindi ba mas awkward iyon kung bigla na lang akong tatakbo?!
"Tita, una na po ako," paalam ko kaagad.
"Hindi ka na ba kakain muna rito, Via?" Nalungkot kaagad si Tita Allie. Umiling kaagad ako at sinabing nagluto si Papa kaya kailangan ko nang umuwi.
Pagkalabas ko ng kusina ay nagkasalubong kami ni Arkin. Kumunot kaagad ang noo niya sa pagtataka, hindi inaasahang makikita ako sa bahay nila.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" naguguluhang tanong niya sa akin.
"May binigay lang ako kay Tita," seryosong sabi ko sa kaniya. Pinabalik-balik niya ang tingin sa akin at sa Mama niya, hindi makapaniwala.
"Sana sinabihan mo ako, Ma," reklamo ni Arkin kay Tita. Halatang ayaw niya akong makita rito, ha?
"Huwag kang mag-alala, paalis na rin ako," sabi ko, may bahid ng inis sa boses. Pinaparamdam pa talaga niyang ayaw niya sa akin!
Matagal siyang napatitig sa akin bago tumango. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya, nararamdaman ang tensyon sa paligid namin.
"Sige, umalis ka na," malamig na sabi niya at aakyat na sanang kwarto pero tumigil saglit sa paglalakad. "'Yong payong ko?" Para siyang naniningil ng utang bigla!
"Ibabalik ko sa 'yo. Wala naman akong gagawin doon," seryosong sabi ko pa rin. Para ko naman siyang ninakawan ng payong!
"Uhm..." Sumingit na si Tita Allie sa gitna namin. "Huwag kayong mag-away."
"I'll get it from you... some other time," maikling sabi niya at umalis na.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro