36
"Anak... May pinagdadaanan si Via ngayon. Huwag mo siyang iiwan, ha... Manatili ka sa tabi niya hangga't maaari."
Iyong mga salita ni Mama ang nanatili sa akin simula noon. Sa katotohanan, nakatatak na sa utak kong kailangan ako ni Via dahil kung walang mag-aalaga sa kaniya, bakit hinding ako na lang?
Nangako ako sa sarili kong sasamahan ko siya at hindi ko siya iiwan kahit anong mangyari. Mananatili ako sa tabi niya dahil alam kong kailangan niya ng kasama. Palagi siyang mag-isa. Kung wala ako, wala siyang ibang papapasukin sa buhay niya.
"Via..." Hinawakan ko ang mukha niya pagkahinto ko sa tapat niya. Bumaba ako ng isang palapag sa hagdan para makita ko siya nang maayos. Nakatakip siya sa mga tainga niya gamit ang dalawa niyang kamay at nanginginig.
Nang marinig niya ang boses ko ay inangat niya ang tingin. Parang may kumirot sa puso ko nang makita ko siyang umiiyak nang ganoon. Kumikinang ang luha sa mga mata niya, halatang gustong magsalita pero hindi alam ang sasabihin.
"Arkin..." Nanginig ang boses niya. Nang marinig ko 'yon, parang gusto ko nang i-alay lahat sa kaniya. Ang buong buhay ko, gusto ko nariyan ako sa tabi niya. Hindi ko siya kayang makitang malungkot.
Masaya ang pamilya ko, marami akong kaibigan, at wala akong problema sa buhay... pero bata pa lang ako, natuto na akong masaktan... dahil halos araw-araw kong nakikitang nahihirapan si Via.
Hindi ko na matandaan kung kailan ba nagsimula ang buhay kong kasama si Via. Basta, sa pinakamaaga kong memorya, alam kong naroon na siya. Magkasama na kami bilang magkaibigan. Noong bata ako, akala ko normal lang lahat ng 'yon... na normal lang lahat ng nararamdaman ko.
"Umiyak ka na ba?" tanong ko kay Via habang nakaupo kaming dalawa sa may maliit na hagdanan sa tapat ng doorstep nila. Kagagaling lang namin sa libing ng Mama niya.
Hindi siya nagsalita at tumingala lang, suot ang salamin. Tumingin din ako sa taas dahil gusto kong makita ang tinitignan niya pero itim na langit lang iyon. Ni wala man lang bituin.
"Malungkot ka ba?" tanong ko ulit sa kaniya. "Anong nararamdaman mo ngayon?" Bilang bata, marami pa rin akong tanong sa utak ko. Hindi ko kasi maintindihan kung paano niya nakakayanan ang hindi umiyak pagkatapos ng libing ng Mama niya. Kung ako 'yon, baka magkulong na ako sa kwarto ko.
"Si Aidan pala... Baka umiiyak na 'yon. Nagigising 'yon nang ganitong oras..." Tumayo siya bigla at papasok na sana pero hinatak ko ulit ang kamay niya at pinaupo.
"Naroon ang Papa mo, Via. Hindi mo 'yan kailangan gawin ngayon," pagpapaalala ko sa kaniya. Natahimik siya at umupo ulit. Ang bata-bata pa namin... pero iyon na ang inaalala niya. Iyon na ang naging parte ng buhay niya... ng childhood niya. "Ano? Malungkot ka ba?"
Hindi ulit siya sumagot pero humawak siya sa dibdib niya. "Kumikirot 'to..." inosenteng sabi niya.
Napaawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Dinadama niya ang tibok ng puso niya habang nakatingin sa langit, at bigla na lang may tumulong luha mula sa mga mata niya nang hindi niya napapansin. Ni hindi man lang nagbago ang mukha niya.
"Via... Umiiyak ka," sabi ko sa kaniya. "Masakit... Hindi ba?"
"Ah..." Natauhan siya at tinanggal ang salamin niya para punasan ang luha sa pisngi niya. "Lumuha pala ako. Hindi ko napansin. Hindi naman ako gaanong nasasaktan... Kumikirot lang ang dibdib ko."
"Kasi masakit," sabi ko sa kaniya. "Aminin mo nang masakit, Via... Hindi mo ikahihina ang pagsasabi kapag may masakit sa 'yo."
Tumingin siya sa akin, may mga luhang nagbabadya sa mga mata. Pagkatapos ay ngumiti siya. Kasabay ng pagngiti niya ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha niya.
"Masakit," sabi niya.
Iyon na yata ang unang beses siyang nagreklamo. Iyon ang unang beses na sinabi niyang masakit. Iyon ang unang beses na nagsalita siya tungkol sa nararamdaman niya, pagkatapos niyang tiisin lahat ng 'yon.
"Ipagbabaon ba kita, anak?" tanong ni Mama sa akin habang sinusuot ko ang bag ko. Matagal akong napaisip. Paniguradong binaunan na ako ni Via ng pagkain dahil nasanay na siya sa palagi kong pambuburaot sa kaniya simula high school. Noong elementary naman, nakiki-share lang ako paminsan-minsan, pero ngayon, sinasama niya na rin ako sa mga pinagbabaunan niya, kasabay ng mga kapatid niya.
"Hindi na, Ma." Ngumiti ako sa kaniya bago lumabas at naglakad papunta sa bahay nina Via. Dumadaan ako sa kanila bago pumasok ng school para sabay kaming sumakay ng jeep.
May ibang pagkain naman pero hindi ko rin maintindihan noon kung bakit mas gusto ko ang luto ni Via. Siguro, para sa akin, sweet iyong pinagbabaunan ka ng lunch.
"Arkin, lunch box mo," paalala ni Via sa akin pagkababa pa lang namin ng jeep. Alam kong kapag tinanggap ko 'yon ay tatakasan niya na ako sa lunch time at hindi ko na siya makikita. Sa sobrang dalas naming magkasama, palagi ko na rin siyang hinahanap. Kapag wala siya sa paligid ko, nag-aalala ako dahil baka kung ano na ang mangyari sa kaniya. Hindi rin biro ang mga bully rito sa high school.
Kaya nga trinopa ko iyong mga sisiga-siga rito sa school para hindi nila biktimahin si Via. "Girlfriend mo ba 'yon?" tanong sa akin noong isang tropa ko.
"Best friend ko," sagot ko sa kaniya.
Best friend. Tama naman. Ang tagal na naming magkaibigan kaya akala ko normal lang lahat ng nararamdaman ko. Hindi ko na kasi alam ang pagkakaiba.
"Lunch ko!" Umupo ako sa tabi ni Via at inabot naman niya sa akin kaagad iyong lunch box ko nang walang pasabi. Napailing ako at natawa na lang dahil nakikita kong naiilang pa rin siya roon sa dalawa niyang bagong kaibigan.
I pushed her to do that. I pushed her to make some friends kasi alam kong kailangan niya noon at mas makabubuti sa kaniya kapag may mga kaibigan siya bukod sa akin. Hindi naman ako palaging nariyan kahit iyon ang gusto ko. Mas magandang may masasandalan siya kapag wala ako.
Via wasn't good at communicating. Alam kong marami siyang gustong sabihin palagi pero hindi niya alam kung paano niya ilalabas lahat ng 'yon dahil saksi ako sa mga pangyayari kung bakit hindi siya makapagreklamo.
Araw-araw kong nakikita si Via na inaalagaan ang pamilya niya. Siya ang nagpalaki sa mga kapatid niya. Siya ang tumayong ina noong nawala ang Mama nila. Siya ang nag-aasikaso sa lahat. Pamamalengke, pagluluto, pagtuturo sa mga kapatid, paglilinis, lahat na. Hindi ko kailangan 'yon sa bahay dahil nariyan si Mama pero ginusto kong matuto.
"Ma, paano maghugas ng plato? Ganito lang, 'di ba?" Pinakita ko pa kay Mama.
"Huwag na, anak. Ako na riyan," sabi naman niya.
"Ako na, Ma... Gusto kong matuto para mabawasan ginagawa ni Via sa bahay nila," pagsabi ko naman ng totoo.
Pumayag naman si Mama dahil sinabi kong para kay Via 'yon. Malaki ang pakialam ni Mama kay Via dahil na rin siguro sa guilt niya. Hindi kasi sila naging okay ng mama ni Via noon dahil sa isang misunderstanding. Nakipag-meeting si Mama sa isang management dahil kinukuha siya as solo artist pero hindi 'yon nagustuhan ng mama ni Via dahil pakiramdam niya ay iniiwan siya nito mag-isa.
Sabay raw nilang tatahakin ang daan ng musika. Iyon ang pangako nila sa isa't isa bilang magkaibigan, pero ang musika rin ang naging dahilan kung bakit sila nasira. Maganda ang pagkakaibigan nila... pero natatakot akong baka mangyari rin iyon sa aming dalawa ni Via. Gusto ko ang musika pero alam kong natatakot si Via roon.
Alam ko ring iyon ang isa sa mga bagay na magaling siya. Kung wala lang nangyari sa Mama niya, sana alam niyang gusto niya rin ang musika... Sana alam niyang magaling siya roon.
"May crush ka ba, Kino?" Natigilan ako nang itanong niya sa akin 'yon.
"Huh? Crush?" Napakunot ang noo ko at tumingin sa kaniya pero napaiwas din nang makitang ang lapit ng mukha niya. Shit. "Wala naman, bakit? Ikaw ba?"
"Wala rin. Hindi ko 'yon iniisip," sagot niya. "Kailan mo balak magka-girlfriend? Kapag 4th year na tayo, siguro? Marami namang nagkakagusto sa 'yo sa school, e."
Girlfriend? Masyado pa kaming bata para isipin ko 'yon. Ni minsan nga hindi ko nakita ang sarili kong may kasamang ibang babae sa buhay ko kung hindi si Via. Parang napagkasunduan na naming dalawa na magkasama kami hanggang sa lumaki. Ganoon kababaw ang tingin ko sa mga relasyon noon.
Pero unti-unti 'yong nababago habang tumatanda ako. Nagkakaroon ako ng ideya sa kung ano ang simpleng paghanga lang sa 'gusto' talaga.
"Wala ka talagang gusto kay Via?" tanong ng tropa ko habang nasa likod kami ng school, nakatambay.
Umiling ako. "Magkaibigan kami, tol," sagot ko sa kaniya dahil iyon ang totoo. "Paano ka magkakagusto sa kaibigan mo?" Para akong tanga sa sinasabi ko.
"Sigurado ka ba, pare? Mukhang may gusto ka roon, eh. Bukambibig mo palagi. Puro na lang Via, Via, Via..." Nagtawanan silang lahat para asarin ako. Napakunot ang noo ko, nagtataka.
"Ano naman?" tanong ko sa kanila. "Siyempre, siya ang pinaka-close kong kaibigan kaya palagi ko siyang iniisip."
"Hindi kita masabihang bobo kasi matalino ka pero... Mag-isip-isip ka nga!"
Simula tuloy noon ay parang gago na akong ingat na ingat sa mga ginagawa ko sa tapat ni Via. Minsan pa ay naiilang na lang ako bigla, dahil naiisip ko kung may gusto na ba talaga ako sa kaniya.
Hinawakan niya ang kamay ko at inayos ang daliri ko sa gitara habang pinapaliwanag kung saan ko ididiin. Pakiramdam ko pulang-pula ako ngayon sa lapit niya. Para akong napaso sa hawak niya.
"Ayos ka lang ba?" tanong niya at hinawakan pa ang pisngi ko. "Namumula pisngi mo, e. May lagnat ka ba?"
"Okay na! Gets ko na!" Inalis ko kaagad ang kamay niya at lumayo.
Nagpakasal pa kami ni Via sa marriage booth. Hindi ko alam kung ano ba ang pumasok sa utak ko at inaya ko siyang magpakasal doon kahit alam kong ako lang din ang mapapahamak dahil mas lalo lang lalalim ang nararamdaman ko para sa kaniya.
"May first kiss ka na, Via?" tanong ko bigla sa kaniya nang maalala iyong nangyari kanina sa pass the paper. Natatawa na naman ako tuwing naiisip ko ang pagmumukha ni Sevi.
'Wala. Hindi ko naman iniisip 'yon'
"Wala. Hindi ko iniisip 'yon." Sabi na nga ba. Alam ko nang iyon ang isasagot niya.
"Hmm, ako rin, e." Ngumuso ako at sinipa-sipa na lang ulit ang maliit na bato sa daan. "Ikaw na lang kaya maging first kiss ko?"
Saan ba ako kumuha ng lakas ng loob para sabihin 'yon? "Bakit ako?" Tinaasan niya ako ng kilay.
"Wala. Lagi namang ikaw kasama ko sa mga first, e." Nagkibit-balikat ako at naglakad na ulit. "Wala akong maisip na iba. Sabi nila dapat memorable."
Akala ko ay hindi siya papayag. Hindi rin naman ako handa para roon kaya nagulat ako nang paglingon ko sa kaniya ay tinuturo na niya ang pisngi niya.
"Okay na 'to, 'di ba?" inosenteng tanong niya sa akin.
Matagal akong napatitig sa kaniya at sa inosente niyang mga mata. Minura-mura ko na ang sarili ko sa utak ko... Bakit ko ba sinabi 'yon sa kaniya? Pakiramdam ko ang sama kong tao.
"Ayoko," sabi ko at naunang maglakad paalis para maka-iwas. "Hindi ko kaya."
Hindi ko kaya... dahil hindi ko kayang masira kung ano ang mayroon kami ngayon. Hindi ko siya kayang mawala. Ayaw kong sirain ang pagkakaibigan namin dahil lang sa simpleng bagay katulad ng 'kagustuhan' ko sa kaniya. Mawawala rin naman 'yon.
"Umayos ka nga ng upo." Tinulak niya bigla ang ulo ko paalis sa balikat niya kaya nagtaka ako. Galit ba siya sa akin? "Hindi ako galit," Umusog siya palayo sa akin. Mainit daw sa paligid kaya ayaw niyang sumandal ako sa kaniya.
Tumayo ako para pumunta sa mga bukas pang palaro. Hindi ako magaling bumaril pero sinubukan ko ulit. Paulit-ulit akong nagbayad para lang makakuha ng teddy bear.
"Isa pa," nilapag ko ulit ang pera ko.
"Bilhin mo na lang kaya?" tanong naman noong officer.
"Makukuha ko na 'to ngayon." Nag-focus na talaga ako para makuha ko 'yong teddy bear na 'yon. Sa wakas, nakuha ko na rin! Tuwang tuwa kong inagaw sa officer 'yon at naglakad pabalik para ibigay kay Via 'yon. Hindi ko alam kung bakit siya galit pero sana naman matuwa siya rito.
"Oh. Huwag ka na magalit." Inabot ko sa kaniya 'yon.
"Hindi nga ako galit. Sorry na." Hinawakan niya ang kamay ko at pinaharap ako sa kaniya. Para akong naestatwa nang umusog siya palapit sa akin at hindi binitawan ang kamay ko. Namula ang pisngi ko.
"Uh... K-kami na next." Bumitaw na siya sa akin. "Dito ka lang, ha."
"Oo naman. Hindi ako aalis," sagot niya.
Naniwala ako roon. Pinanghawakan ko 'yon... Sana hindi na lang. Sana hindi ko na lang sineryoso.
"Kino, may crush na ata ako."
Napaupo ako bigla mula sa pagkakahiga ko. "Anong sinasabi mo? Seryoso ka ba o nagpapatawa ka lang?"
"Hindi ko alam... Baka lang." Parang hindi pa siya sigurado roon.
Natahimik ako nang makaramdam ng kirot sa dibdib ko. Ito ang unang beses na nagsabi siyang may nagugustuhan siyang iba. Akala ko ba ay wala pa sa isip niya ang mga ganoon? Ano ang nagpabago ng isip niya?
"Sino?" mahinang tanong ko.
"Si Pres?"
Natulala ako sa kisame at malalim na nag-isip. Siya pala... Kaunti lang ang lalaki sa paligid niya. Ako ang pinakamalapit sa kaniya kaya bakit hindi na lang ako?
Iyon ba ang mga tipo niya? 'Yong matalino, responsable, model student, gwapo... Ganoon ba? Halos kabaliktaran ko lahat ng 'yon. Alam kong may utak naman ako pero pagdating sa reputasyon ko sa school, hindi ako kilala bilang responsableng estudyante. Hindi rin ako nag-aaral.
Kahit noong bata pa ako, alam ko nang fast-learner ako. Iyon ang palaging sinasabi ng mga teacher ko. Mabilis akong matuto sa mga bagay. Minsan ay isang tingin ko lang, alam ko na kung paano gawin, kaya naman halos lahat ng instruments ay alam kong tugtugin. Violin, piano, guitar, flute, drums... Hindi ako nahirapang aralin ang mga 'yon. Pero dahil sa kagustuhan kong maging pasok sa tipo ni Via, nag-aral ako nang mabuti... At mas naging focused ako sa Music club.
"Uuwi ka na, Arkin?" tanong ni Naya sa akin pagkatapos ng meeting namin sa Music club. Nagturo lang din ako kanina sa mga freshmen ng gitara kaya naman ginabi na rin kami.
"Hindi pa. May hinihintay pa ako," sabi ko at umalis na. Pumunta ako sa court para silipin si Via. Nakita kong nagte-training pa siya kaya lumabas muna ako para bumili ng pagkain. Doon ko na lang siya hihintayin sa gilid ng gate.
Hindi kami nagkasama buong araw dahil naging abala ako sa trabaho sa Music club at tsaka madalas ko na ring kasama ang mga tropa ko.
Gabi na rin at madilim na sa labas kaya hindi ko puwedeng hayaan si Via umuwi mag-isa. Nangangawit na ako sa tapat ng gate habang kumakain ng biscuit kaya nag-stretch muna ako ng binti ko. Patapos na rin siguro training noon.
Habang kumakain ako sa gilid ng gate ay lumabas naman si Luna at Kierra. Tapos na yata ang meeting nila sa Student Council.
"Arkin, gabi na. Sabay ka na sa amin pauwi," sabi ni Kierra sa akin.
"Hindi na." Umiling ako at umayos ng tayo. "Hinihintay ko pa si Via. Patapos na rin 'yon."
"Oo nga... Anong oras na rin, eh. Ingat kayo!" sabi ni Luna at kumaway bago sila sumakay sa sasakyan. Sinundo kasi si Kierra.
Pagkaalis nila, sumilip ulit ako sa may gate para tignan kung nariyan na si Via. Natigilan din ako nang makitang naglalakad na siya at kasama niya si Pres.
"Saan ka?"
"Doon ako mag-aabang ng jeep. Ikaw ba, Pres?"
Napatalikod kaagad ako at yumuko habang nag-uusap sila. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nang hindi ko na sila marinig ay lumingon ulit ako at nakitang naglalakad na sila papunta sa sakayan ng jeep.
Pinag-isipan ko kung susundan ko ba si Via... Ihahatid ba siya ni Pres hanggang sa bahay nila? Paano kung hindi? Napabuntong-hininga ako at napakamot sa ulo ko bago ako sumunod.
Sa sakayan lang siya hinatid ni Pres. Naghintay na lang ako sa gilid hanggang sa makasakay si Via. Naroon ako nang umalis na ang jeep. Hinintay ko na lang ang kasunod at doon na ako sumakay pauwi.
Dumaan pa ako sa tapat ng bahay nila para tignan kung nakauwi siya nang maayos. Bukas ang ilaw sa kwarto niya kaya naman napangiti ako nang tipid sa sarili ko at nakapamulsang naglakad na pauwi sa amin.
"Tanga," bulong ko sa sarili ko habang naglalakad.
Kinabukasan, sinundo ko pa rin si Via sa bahay nila na parang walang nangyari. Ngumiti ako at binati ang mga kapatid niya. Tinulungan ko pang ayusin ang mga gamit nila. Nilagyan ko rin ng bimpo ang likod ni Ysha at inipitan naman ang buhok ni Mira.
"Thank you, Kuya!" sabi noong dalawa sa akin. Kinandong ko naman si Aidan at sinubuan noong hawak niyang biscuit. Pinunasan ko pa iyong bibig.
Ang pamilya niya ay pamilya ko rin. Lahat ng mahahalagang tao sa paligid niya ay mahalaga na rin sa akin. Ganoon kalala ang koneksyon namin sa isa't isa.
"May problema ba?" tanong ni Via sa akin habang nasa jeep kami at nag-aaral ako. "Umuwi ka na pala nang maaga kahapon? Akala ko hinintay mo 'ko sa training."
Ngumiti ako sa kaniya at umiwas ng tingin. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hinintay naman kita, eh... pero hindi na mahalagang malaman mo 'yon. Mukhang okay ka naman dahil may naghahatid na sa 'yong iba.
"Oo, inantok na kasi ako kaya umuwi ako kaagad. Woo, nakakapagod din 'yong rehearsals sa Music club, e. Sorry," pagsisinungaling ko. Nakaramdam kaagad ako ng guilt dahil hindi ako sanay na nagsisinungaling ako sa kaniya.
Pero pakiramdam ko mukha akong tanga kapag sinabi ko pa sa kaniyang naghintay ako. Paniguradong itatanong niya kung bakit hindi ko siya tinawag kung nakita ko siya... at anong sasabihin ko? Kasama mo kasi si Pres. Hindi maiintindihan ni Via kung bakit ayaw kong sirain ang oras nilang dalawa.
Pero umiyak siya noong nalaman niyang nagsinungaling ako. Nasaktan ako nang makita siyang lumuha sa harapan ko... pero ano bang dapat kong gawin? Hindi ko na rin alam. Gusto ko lang naman siya maging masaya. Kung kaya ko nga, tutulungan ko siya roon kay Pres... kahit masakit.
"Ano na namang trip niyang si Lance?" rinig kong tanong ng tropa ko habang nag-aaral ako sa canteen. Hindi ko sila pinansin dahil mas abala ako sa pag-aaral ko.
"Kino, si Via, oh." Natigilan ako nang marinig ang pangalan ni Via. Pag-angat ko ng tingin ko ay nakita ko kung paano hampasin ni Lance ang lunch box ni Via. Napaawang ang labi ko at napatayo kaagad. Parang umakyat lahat ng dugo ko sa ulo ko sa sobrang galit.
Lalapit na sana ako pero biglang dumating si Pres kaya napahinto ako. Nakakuyom ang kamay ko habang pinapanood sila. Nang magtama ang tingin namin ni Via ay umiwas na lang ako ng tingin at naglakad pabalik ng table.
Noong uwian ay naghintay ako sa tapat ng room nina Lance. Tuwing nakikita ko ang mukha niya, naaalala ko lang ang mga ginawa niya kay Via. Hindi pa ba siya natauhan sa dati? Pinagkrus ko ang braso ko at sumandal sa may pader habang naghihintay. Habang tumatagal, mas nagagalit lang ako.
"Oh, Arkin, bakit-" Pagkalingon ko kay Lance ay hinawakan ko kaagad ang collar ng polo niya at kinaladkad siya papunta sa likod ng school. Malakas ko siyang binitawan at nabunggo naman ang likod niya sa pader. "Ano-"
Hindi siya nakapagsalita dahil sinuntok ko kaagad ang mukha niya. Nilagay ko ang dila ko sa gilid ng pisngi ko at ngumiti nang sarkastiko bago ko siya kinwelyuhan ulit.
"May problema ka ba kay Via?" matinong tanong ko sa kaniya.
"Baka siya ang may problema sa akin. Siya naman nanguna-" Dahil sa pagpapaliwanag niya, mas lalo akong nainis at sinuntok ulit siya sa pisngi. Dumugo ang labi niya kaya napahawak siya roon at natawa pa. "Tangina..."
Matalim ko siyang tinignan at hinawakan ang panga niya gamit ang isa kong kamay. "Sa susunod na makita kitang lumapit kay Via, hindi lang 'yan ang aabutin mo. Ilugar mo 'yang tapang mo." Binitawan ko siya at umatras, pinupunasan ang kamao ko gamit ang scarf ko.
"Ipapa-expel kita!" pananakot niya sa 'kin.
"Sige," walang pakialam na sabi ko at naglakad paalis, nakapamulsa na. "Isasama kita."
Hindi ko sinabi kay Via ang tungkol doon dahil alam kong papagalitan niya lang ako. Pinagsisihan ko rin kaagad ang ginawa ko kasi ayaw ni Via ng ganoon... pero pinapakulo ni Lance ang dugo ko. Pinoprotektahan ko at iniingatan si Via para magkaroon siya ng masayang experience sa high school tapos iyon ang gagawin niya?
Nalaman kong binigay ni Via ang lunch box ko kay Pres. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Tampo? Siguro kasalanan ko rin naman at hindi ko na siya hinahanapan ng baon. Pakiramdam ko kasi... wala naman na siyang dahilan para pagbaunan ako.
Pero masakit para sa akin na nagkakalayo na kami. Tuwing pinapanood ko siya sa malayo, parang hindi ako makahinga nang maayos.
"Hindi ko na kayang malayo ako sa 'yo... Please, huwag na nating gawin 'to," bulong ko. Nagmamakaawa na ako dahil hindi ko na kaya 'yon. Natakot na ako para sa sarili ko.
Natakot na ako dahil pakiramdam ko... ako na ang may kailangan sa kaniya. Natakot akong baka mas piliin niyang mag-isa kaysa kasama ako. Natakot akong baka mapagtanto niyang hindi naman ako mahalaga sa buhay niya.
"Kumusta kayo ni Via?" tanong ni Sevi sa akin habang nakatambay kami sa may bleachers. Naghihintay lang siya magsimula ang training nila.
"Kumusta kayo ni Luna?" Tinaasan ko siya ng kilay habang nakalagay ang dalawa kong kamay sa likod ng ulo ko at nakahiga sa mga upuan. Nakataas pa ang isa kong tuhod.
"Wala, ganoon pa rin. Magkaibigan lang," sagot naman niya. "Kayo rin ni Via..."
"At mas maganda na 'yon. Wala akong planong sirain kung ano ang mayroon kami ngayon," sabi ko naman.
Naging malapit kami ni Sevi dahil sa isa't isa namin sinasabi ang mga problema namin, katulad na lamang noong pag-alis ng Papa niya sa bahay nila noong nakapasa siya ng USTET. Hindi ko alam ang sasabihin ko... pero alam kong sapat nang alam niyang nariyan ako sa tabi niya.
"Kumusta ka naman?" tanong ko sa kaniya bigla.
"Okay na... Okay lang. Nag-aalaga ng kapatid. Nangungulila pa rin kay Papa," sabi naman ni Sevi habang nagpapalit ng shirt. "Ganoon talaga. 'Yong huling taong inaasahan nating iiwan tayo, sila pa ang aalis."
Napaisip ako roon. Kami kaya ni Via? Dadating ba ang puntong kaya namin iwan ang isa't isa? Kaya naming umalis?
"Kinakabahan na tuloy ako sa entrance exams! Mag-eexam pa ba ako sa UP? Sino sa inyo ang mag-eexam?" tanong ni Luna.
"Kung saan mag-eexam si Via, roon ako," sagot ko naman.
Hindi ko siya iiwan, 'di ba? UP ang pangarap niya at UP rin ang pangarap ko. Kaya naming dalawa makapasok doon. Ako, gusto ko mag UP Film. Para sa akin, ayaw kong gawing trabaho ang hobby ko... ang musika, dahil natatakot akong baka balang-araw ay mapagod ako roon... at ayaw kong mapagod sa isang bagay na mahal ko.
Pero si Via, hindi niya alam ang gusto niyang kuhanin. Hindi niya alam kung saan ang daan niya. Alam kong puwedeng tumungo iyon sa musika, pero pinipigilan niya ang sarili niya. Ginawa ko ang lahat para mapalapit siya roon.
"May dumi sa mukha mo," sabi bigla ni Naya habang tumutugtog ako. Nagulat ako nang ilapit niya ang mukha sa akin at tinanggal iyong dumi, kasabay ng pagsara ng pinto sa music room.
"Via," bulong ko at agad tumayo para habulin siya. "Hanap mo ba 'ko?" Nagtatakang tanong ko. Natuwa pa ako dahil pinuntahan niya ako. Inabot niya lang sa akin ang pagkain ko. "Kumain ka na ba? Gusto mo sa likod tayo?"
"Kumain na 'ko," maikling sagot niya.
Hindi ko alam kung bakit bigla na lang siyang umalis at naging malamig sa akin. Alam ko namang hindi siya nagseselos dahil bakit naman siya magseselos? Iba ang gusto niya... kahit ni-reject na siya ni Pres.
"Alam mo namang ayokong nagpe-perform sa harap ng maraming tao. Nariyan naman si Naya. Maganda naman ang boses noon."
"Mas maganda boses mo," sabi ko naman.
Pinipilit niya pang mas maganda ang boses ni Naya sa kaniya pero hindi iyon ang naririnig ko. Sobrang ganda ng boses ni Via. Siya iyong tipong kaya mong pakinggan buong araw. Kahit paulit-ulit, hindi nakakasawa. Ang sarap sa tainga pakinggan.
Pero hindi niya alam 'yon. Hindi niya naririnig ang sarili niya. Sarado ang tainga niya pagdating sa sariling boses at kakayahan.
"Hindi mo na nga ako sinasamahan mag-lunch. Tama nga ang sabi ni Yanna. Mas gusto mong kasama ang girlfriend mo kaysa sa tropa mo. Siguro oras na nga para tanggapin 'yon. Ayoko naman maging hadlang. Noong isang araw, muntik pa kayong mag-kiss kaya-"
Niyakap ko siya dahil sa sobrang cute niya. Ano bang sinasabi nito? Bakit bigla-bigla na lang nagrereklamo nang ganoon?
"Anong muntik na kaming mag-kiss? 'Di ba ang usapan, first kiss natin ang isa't isa?" Iyon ang plano sa utak ko. Nang pinakita ko ang pisngi ko ay bigla niya akong sinampal kaya napasigaw ako. "Aray ko! Bakit?!"
"Sabi mo!" Pagdadahilan niya. "Sorry!"
"Akala ko makukuha ko na first kiss ko," pagbibiro ko at humawak sa pisngi. "Volleyball player ka nga, Via..."
Natigilan ako nang hatakin niya ang collar ng polo ko at hinalikan ako sa pisngi. Napatulala ako at napahawak sa pisngi ko, hindi alam ang gagawin. "'Yan. Nakuha mo na."
Seryoso ba siya? Hindi niya ba alam kung ano ang epekto sa akin ng ginawa niya? Halos hindi ako makatulog kakaisip noon! Paulit-ulit kong nararamdaman sa pisngi ko 'yon! Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi! Parang wala lang talaga sa kaniya!
"Ah, gagi..." bulong ko at binaba ang gitara ko. Tinakpan ko ang mukha ko at sinandal ang ulo sa gilid ng kama habang nakaupo ako sa sahig. Ni hindi ako makatugtog nang maayos dahil puro love songs lang ang pumapasok sa utak ko. Malala na yata ako.
Inaya ko si Via sa Music club dahil umalis na siya ng Sports club. Magaling siya mag-volleyball. Mas magaling siya sa mga napapanood ko... pero hindi niya rin iyon gusto. Hindi niya alam ang gusto niyang gawin... kaya sinusubukan kong ilapit ulit siya sa musika. Baka sakaling matuto ulit siyang mahalin 'yon.
"Maganda lang talaga boses mo. Nagulat nga sila... Pinagsisisihan ko tuloy na pinasali kita. Hmm... Selfish ba 'ko? Siguro nasanay lang ako na ako lang nakakarinig," mahinang sabi ko.
"Ayaw ko rin naman iparinig sa iba... Hindi naman ganoon kaganda."
Natahimik kaming dalawa. Nakapikit siya ngayon at sinusubukang matulog. Ang ganda tignan ng mukha niyang maamo. Lumapit tuloy ako lalo para mapagmasdan siya nang maayos at para masuklay rin ang buhok niya pero nagulat ako nang dumilat siya bigla. Nang dumilat ako, nagulat ako dahil mas lumapit lang ang mukha niya sa 'kin.
"Magagalit ka ba sa 'kin kapag hinalikan kita?" tanong ko, wala sa sarili.
"Bakit mo 'ko hahalikan?" Ewan! Bakit nga ba? Bakit ko sinabi 'yon?!
Natawa na lang ako sa sarili ko. "Wala... Curious lang." Curious lang, Arkin? Labo. Pangit ng palusot. Walang kwenta.
"Hindi... Hindi naman ako magagalit."
Matagal kong inisip ang sinabi niya. Ganoon ba talaga kadali sa kaniya? Kapag ba ako, kaya niyang ibigay lahat 'yon dahil wala namang meaning? Dahil magkaibigan lang naman talaga kami?
Pero sinubukan ko pa rin... Baka sakaling may maramdaman siya sa akin. Lumipat ang kamay ko mula sa buhok niya papunta sa pisngi niya at lumapit... pero biglang dumating sina Luna.
Halos hindi ako makatulog sa kakaisip ng nangyari. Nakaramdam ako ng guilt dahil pumasok sa isip kong subukan 'yon kay Via. Kay Via pa talaga... Anong gagawin ko kapag may naramdaman siya sa akin? Anong mangyayari sa aming dalawa?
Bahala na. Bahala na kung saan ako dadalhin ng nararamdaman ko. Kung hindi ko susubukan, paano ko malalaman?
"Via, paano na 'to?" Bigla na lang may tumulong luha sa mga mata ko. "May gusto na yata ako sa 'yo..."
"Kino, baka naguguluhan ka lang. Tara na, umuwi na tayo." Tumalikod siya sa akin at humakbang paalis.
"Naguguluhan saan?" Umiwas ako ng tingin, sinusubukang pakalmahin ang sarili ko. Naguguluhan? Iyon talaga ang sasabihin niya sa akin?
Tangina, ilang taon ko 'tong kinikimkim... Paano niya masasabing naguguluhan ako? Gaano ba katagal bago maamin ng taong may gusto siya sa kaibigan niya? Sa tingin niya ba ay hindi ko 'to pinag-isipan? Araw-araw, tuwing nakikita ko siya, ito ang laman ng isip ko.
"Sa ganito... Baka masyado lang tayong madalas magkasama kaya naguguluhan ka. Hindi mo 'ko gusto, Kino. Sanay ka lang sa presensya ko kaya ganoon. Kung sinasabi mo 'yan para manatili ako sa tabi mo, hindi na kailangan. Huwag mo nang uulitin 'yan."
Napatawa ako nang sarkastiko at yumuko. Nilagay ko na lang ang dalawang kamay sa bulsa habang nakatingin pa rin sa sahig, hindi alam ang sasabihin.
"Siguro huwag na muna tayong maging malapit sa isa't isa. Kumilala ka ng ibang babae para naman ma-realize mong hindi 'gusto' 'yang nararamdaman mo para sa 'kin. Imposible talaga. Ang tagal na nating magkaibigan. Lito ka lang."
Ginusto ko ba 'to, Via?
Tangina, kung kaya ko lang turuan ang sarili kong magkagusto sa iba, ginawa ko na, kaysa mawala 'tong pagkakaibigan natin dahil sa akin... dahil sa lintek na feelings na 'yan.
"Oo nga. Baka naguguluhan lang ako. Mabuti pa nga. Sige na... Mauna ka na umuwi. Maglalakad-lakad lang ako."
Umupo ako sa bench doon habang nakasandal ang ulo at nakatakip ang mga kamay sa mukha. Pinagsisisihan ko lahat ng 'yon. Pinagsisisihan ko lahat ng sinabi ko. Sana hindi na lang ako umamin.
Mas masakit pang marinig ang mga sinabi niya kaysa ma-reject nang diretsahan. Nalilito lang ako dahil siya lang ang palagi kong kasama? Siya ang palagi kong kasama dahil siya ang gusto kong makasama. Hindi ba niya maintindihan 'yon?
Si Via lang... Siya lang, simula noon hanggang ngayon. Wala nang hihigit sa kaniya... kaya bakit niya ako sinasabihang kumilala ng ibang babae?
Sinubukan ko naman. Sa sobrang desperado kong mabalik kung ano man ang mayroon sa aming dalawa, sinubukan kong maging malapit sa ibang babae... pero hindi rin gumana.
"Tama ka, Via. Hindi kita gusto," seryosong sabi ko. "Naguluhan lang ako noon. Kahit kailan, hindi kita nagustuhan."
Kung ang pagsisinungaling lang ang makakapagpabalik sa kung ano ang mayroon sa amin, pipiliin ko na lang maging masama. Kung ito ang paraan, wala akong magagawa. Ako na ang bahala sa nararamdaman ko... dahil hindi naman niya obligasyong ibalik sa akin 'yon. Hindi niya obligasyong magustuhan ako pabalik.
Todo tulak siya sa akin kay Naya. Bawat tulak niya, mas nasasaktan lang ako. Noong prom, siya ang gusto kong ka-partner pero bukambibig niya si Naya sa akin kaya si Naya na lang ang inaya ko.
"Wala akong gusto sa 'yo, Naya..." sabi ko nang maiwan kaming dalawa sa table. "I'm sorry..." Alam kong may gusto siya sa akin kaya mas mabuting linawin ko na sa kaniya 'to.
Napatitig lang siya sa akin at umiwas ng tingin. Alam kong hindi niya alam ang sasabihin kaya nagpaalam na lang ako at lumabas para sundan si Via.
"Happy birthday, Arkin!" Ngumiti siya sa akin. Iyong ngiting 'yon... Bakit ba ang lakas ng epekto sa akin?
Niyakap ko siya nang mahigpit, hindi na alam ang gagawin. "Paano na 'ko makakabangon nito, Via?" tanong ko sa kaniya. Kasi ako... Hindi ko na rin alam kung paano pa ba ako makakaalis dito. Ang lalim ng hulog ko. Paano na ako makakaakyat kung ganito siya sa akin?
"Nag-leave ako ng space dito!" Humarap ako sa kaniya at pinakita iyong bulsa ng polo shirt ko sa may gilid ng dibdib. Iniwan ko talaga ang space doon para sa kaniya.
"Huwag mong babasahin!" Tinakpan pa niya ang mga mata ko habang nagsusulat. Napangiti tuloy ako.
"Okay na? Ako naman!" Kinuha ko ang pentel pen at pinatalikod siya. Doon ko piniling magsulat sa bandang balikat niya dahil doon may bakante.
'Mahal kita hindi bilang kaibigan.'
Binura ko rin iyon kaagad. Nilagyan ko ng linya para hindi niya mabasa. Okay na sa akin 'yon... Okay na sa aking nasulat ko. Naamin ko... kahit hindi niya alam.
"Nakapasa ako!" Tuwang-tuwang sabi ko kay Via. "Ikaw?" Nakangiting tanong niya.
"Hindi ako nakapasa. Sa UST ako mag-aaral."
Hindi ko alam ang ire-react ko roon. Inisip kong hindi na kami magkakasama sa iisang unibersidad pero mas naisip ko ang nararamdaman niya ngayon. Pangarap niya 'yon...
"Okay ka lang ba?" tanong ko.
"Oo naman... Maraming paraan para maabot ang pangarap... Kahit hindi ko pa alam kung ano 'yon. Hindi nakakulong sa kung anong unibersidad na papasukan natin ang future natin, 'di ba, Larkin?"
"Kaya mo ba?" tanong ko sa kaniya.
"Ikaw? Kaya mo ba?" Hinawakan niya ang dalawa kong pisngi gamit ang mga kamay niya. "Kaya mo bang hindi ako kasama?"
Kaya ko... pero hindi ko gusto. Alam kong kaya ko. Matagal ko nang napagtantong balang-araw, maaaring magkahiwalay kami ng landas dahil magkaibang landas ang tatahakin namin, pero ang mahalaga para sa akin ay magtagpo ulit kami at some point.
"Interesado ka ba mag-artista, Arkin?" tanong ni Mama. "Kinukuha ka na ng sikat na talent agency. You should grab the chance."
"You want to be a director right? You should know the ins and outs of the industry. Kailangan mo ng first-hand experience doon," sabi rin ni Papa.
Natahimik ako. Kapag nag-artista ako... Ano'ng mangyayari? Mawawalan ako ng oras sa pag-aaral ko? Mapupunta ako sa spotlight? Madadamay lahat ng nasa paligid ko?
"And you can have the chance to release your music," sabi ulit ni Mama, kinukumbinsi ako. "Iyon ang mahalaga sa 'yo, 'di ba? Ang marinig ng mga tao ang mga kanta mo..."
"Saka ko na iisipin, Ma..."
Mas gusto ni Via na mag-focus ako sa pag-aaral ko dahil alam niyang pagiging direktor ang gusto ko at hindi artista. Naisip ko rin 'yon... pero gusto ko ring magkaroon ng lugar sa industriya para mapadali ang pagkamit ng pangarap ko kaya sinubukan kong mag-workshop.
Hindi ko masabi kay Via dahil hindi ko alam kung itutuloy ko. Workshop pa lang naman. Hindi naman ako kaagad isasabak doon. Gusto ko lang subukan para wala akong pagsisihan. Gusto kong tignan kung may kakayahan din ako sa pag-acting. Nagkaroon din ako ng offers for photoshoots. Para sa akin, hindi naman iyon importante kaya hindi ko sinabi kay Via.
Ginawa ko lang 'yon para makabili ng regalo sa birthday niya. Ginamit ko ang perang nakuha ko roon para sa kaniya.
"Napapaisip sa gitna ng kaguluhan... Litong lito sa pulso ng nararamdaman... 'Di mawari kung ito'y isang panaginip... Tila ang puso ko'y naglalaro sa kalawakan..." Napatigil ako at sinulat kaagad sa papel ang naisip ko, kasama ang chords ng gitara.
Naisipan kong sulatan siya ng kanta. Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala ang nararamdaman ko para sa kaniya. Nariyan lang at hindi ko pinapansin kaya nakakalimutan ko... pero kapag nakikita ko na siya ulit, parang lumalalim lang ang hulog ko.
"Via... Paano kapag sinabi kong mahal kita?"
"Hmm... Siyempre mahal mo 'ko... Magkaibigan tayo, e', 'di ba?"
Natawa ako nang sarkastiko. Magkaibigan... Iyon na ang pinakaayaw kong salita. Palagi na lang iyon humahadlang sa amin.
"Siguro nga..." sabi ko.
Matagal akong nakapikit, iniisip kung wala ba talaga siyang nararamdaman para sa akin... kahit kaunti lang. Kahit isang katiting lang... Ako na ang bahalang magpalago noon.
Naramdaman ko ang kamay niya sa pisngi ko. "Gusto kitang ipagdamot..." bulong niya.
At that moment, I knew I could risk it all.
"Iiwan mo rin ako." Umiyak siya sa harapan ko. "Magbabago ka rin... Mawawalan ka ng pakialam sa 'kin... at iiwan mo 'ko katulad ng ginawa niya sa 'kin." Humigpit ang yakap ko sa kaniya, nasasaktan sa mga sinasabi niya.
"Hindi..." Hinaplos ko ang buhok niya. "Kahit kailan, hindi ako mawawala sa tabi mo. I'm sorry kung hindi ko sinabi sa 'yo. Natakot lang ako na baka bumalik 'yong sakit na naramdaman mo noon kaya... Hindi ko masabi sa 'yo. Sorry, Via..."
She didn't want it... and I knew. Hindi ko masabi sa kaniya dahil alam kong maaalala niya lang ang Mama niya sa akin at hindi ko man kayang sabihin pero ayaw na ayaw kong kinukumpara niya ako sa Mama niya.
Hindi kami pareho. Hindi ako ang nakaraan niya. I wasn't her pain or tragedy. I hated to be treated like that but I also couldn't blame her.
Hindi madali sa aking sabihin sa kaniyang nagugustuhan ko na ang ginagawa ko dahil alam kong ayaw niya 'yon. My greatest fear was disappointing her... because she had expectations on me.
Paano kapag ayaw niya na sa akin at layuan niya na ako kapag nalaman niya? Paano ko ba aamining gusto ko ang ginagawa ko nang hindi siya nasasaktan? Masakit din sa aking itago sa kaniya lahat ng 'yon... sa takot kong baka mabuksan na naman ang sugat niya galing sa nakaraan.
I considered her feelings over mine. Sa lahat ng ginagawa ko, iniisip ko kung saan siya hindi masasaktan. That was what I thought. That was my mistake... because hiding things from her was considered as lying.
"Kailangan kong gawin 'to, Via. Intindihin mo naman ako..." nagmakaawa ako sa kaniya. "Kailangan kong kumita ng pera... At makakatulong din 'to para magkaroon ako ng pangalan sa film industry. Iniisip ko rin naman ang future ko, Via... Mahirap makapasok sa industriyang 'to kung hindi ako magsisimula nang maaga. Maganda 'to para sa career ko kaya huwag mo naman sana akong pigilang gawin 'to..."
Para 'yon sa kinabukasan ko. Inisip kong kahit ngayon lang... Gusto kong subukan ang mga bagay na gusto ko para sa sarili ko nang hindi naka-depende sa kaniya. Masakit din sa akin dahil kung ano ang gusto kong gawin, iyon naman ang ayaw niya.
"I'm sorry, Larkin... Ipagpatuloy mo lang 'yan, Arkin. Masaya ako para sa 'yo... Huwag kang mag-alala, mananatili ako sa tabi mo. Huwag mong kakalimutan ang pag-aaral mo... Dahil pagiging direktor ang totoong pangarap mo."
Matagal akong nakatulala sa kisame habang nakahiga sa kama ko, iniisip ang nangyari kanina. Tinakip ko ang braso ko sa mga mata ko nang nagbadya ang mga luha ko.
Paano ko ba sasabihin sa kaniyang napapasa niya sa akin ang bigat ng nakaraan niya sa Mama niya nang hindi siya nasasaktan? Fuck, ang hirap.
Nasaksihan ko kung paano siya nasaktan at nahirapan... kaya ayaw ko na siyang masaktan pa. Titiisin ko kahit gaano kahirap dahil mas pipiliin ko ang kasiyahan niya sa kasiyahan ko nang walang pag-aalinlangan.
It was not healthy at all. Seeking approval from her for every decision I make was not healthy at all. Alam ko 'yon... pero mahalaga sa akin ang suporta niya, dahil sa kaniya ako kumukuha ng lakas magpatuloy.
Kinagat ko ang ibabang labi ko habang tumutulo ang mga luha ko. Bakit ba kasi ako ganito?
"Mahal kita, eh," bulong ko. "Kahit ayaw mo ng pagmamahal ko... Mahal pa rin kita."
_______________________________________________________________________________
.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro