Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

32


"Via... Via, gising ka na ba? Okay ka lang? Huwag ka munang tumayo..." 


Dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko at lumingon sa paligid. Nakita kong nasa kwarto ko na ako at nasa tabi ko si Luna at Kierra. Hindi ko alam kung gaano ako katagal natulog pero pagtingin ko sa orasan ay madaling-araw na. Nang maalala kung ano ang nangyari bago ako nawalan ng malay, agad akong napaupo at napahawak sa ulo ko.


"Si Arkin?" nag-aalalang tanong ko sa kanilang dalawa. Madaling-araw na pero narito pa rin sila. Mukhang nakaligo na dahil nakasuot na ng pajamas. Paano ako nakaalis doon? Anong... anong nangyari? 


"Kailangan niyang umalis," mahinang sabi ni Kierra, nakaiwas ang tingin. 


"Mabuti na lang sakto napadaan kami ni Kierra sa Dapitan kasi may nagkakagulo. Tinulak ko talaga 'yong mga tao roon! Wala akong pakialam! Hindi ba nila nakikitang may nahimatay na?! Hawak-hawak ka ni Arkin, sinusubukan kang itayo pero nagbubungguan na 'yong mga tao!" sunod-sunod na sabi ni Luna, nagagalit. 


"Mga walang respeto mga 'yon. Kapag nakakitang may pinagkakaguluhan, magpapaunahan 'yan para makakuha ng picture. Panigurado, nasugatan si Arkin kanina. Ang daming humihila sa kaniya." Bumuntong-hininga si Kierra. 


Pictures... Pictures! Parang may tumusok sa dibdib ko nang maisip lahat ng pwedeng mangyari simula noong nangyari 'yon. Napatingin ako sa cellphone ko at nanginginig kong binuksan 'yon pero hinawakan ni Luna ang kamay ko para pigilan ako.


"Huwag muna," seryosong sabi niya sa akin. "Magpahinga ka muna. Mataas pa lagnat mo." 


Ngunit hindi ako makatulog kakaisip kung ano na ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Ano na ba ang sinasabi nila kay Arkin? Ano na ang nangyayari sa ArClea fandom? Iisipin ba nilang girlfriend ako? Pwede namang kaibigan lang, hindi ba? 


Dahil nanghihina pa rin ang katawan ko ay pumikit na lang ako hanggang sa makatulog ako. Kinabukasan, nagulat ako dahil nasa kwarto ko pa rin sina Luna at dito pala natulog. Ginising nila ako para kumain ng breakfast. Mabuti na lang at walang pasok kaya naman nakapagpahinga ako buong araw. 


Habang abala sina Luna sa baba, nakikipag-usap sa mga kapatid ko, umakyat muna ako at ni-lock ang pinto ng kwarto ko para ma-check ko ang phone ko. Kanina pa nila ako pinagbabawalan pero hindi na kaya ng kuryosidad ko 'yon.


Pagkabukas ko ng Twitter ay trending nga si Larkin, Clea, ArClea... Nag-scroll ako at nagtingin ng mga hashtag simula kagabi. Puro tweets tungkol sa paniniwala nila sa ArClea, na hindi manloloko si Arkin, na magkaibigan lang kami, na wala siyang ibang babae, at pagsubok lang 'yon sa relasyon nina Larkin at Clea. Sumasakit ang dibdib ko bawat basa ko, lalo na tuwing naaalala ko ang litrato nilang magkahalikan. 


Nagkalat ang litrato niyang may yakap na babae at ako 'yon dahil nahimatay ako. Nakasandal ako sa kaniya at inaalalayan niya ang baywang ko para hindi ako matumba. Kung ano-ano ang sinasabi ng mga tao. 


'May babae siya? Taga-UST? Yuck cheater.' 

'Tangina mo malandi kang kabit ka. Naninira ka ng relasyon!' 

'Kung sino man 'yong Ate sa picture, sana alam mong may girlfriend 'yang niyayakap mo. Kadiri ka mahiya ka naman.' 


Hindi ko alam ang mararamdaman ko habang binabasa ang sinasabi ng mga tao. I felt so... empty. Wala akong emosyon. Nagbabasa lang ako at parang wala na akong nararamdaman sa paligid ko. 


Napatigil lang ako nang makita ang bagong news tungkol kay Arkin. Bagong interview. Binuksan ko kaagad 'yon at binasa ang article. 


'Larkin Sanchez talks about the GIRL IN THE PHOTO!' Naroon pa ang picture namin at ang picture ni Arkin na iniinterview. Papasok siya ng van pero tumigil muna siya saglit para sumagot ng mga tanong. Katabi niya naman ang manager niya. 


"No, we're not in a relationship. She's just a close fan of mine," walang emosyong sagot ni Larkin. 


Alam kong tama lang ang sinagot niya para hindi ako maapektuhan at hindi maapektuhan ang career niya pero bakit may tumusok sa puso ko? Bakit ang hirap para sa akin ang huminga? Bakit pakiramdam ko... wala na rin siyang pakialam sa akin? 


Pero ako naman ang may ayaw na mapunta sa ilaw niya. Ako naman ang may gustong magtago sa dilim. Para rin naman sa kaniya 'yon. Para naman sa kaniya lahat ng 'to... At ayos lang. Ayos lang dapat pero bakit... Bakit ang sakit? Sunod-sunod tumulo ang luha ko habang pinapakinggan ang mga susunod niyang sinabi. 


"It's nothing. I went there to buy something and we just happened to see each other. She was really sick so she collapsed. Hindi ko siya niyayakap. Natumba siya sa akin," seryosong sabi ulit ni Larkin. "Wala lang 'yon." 


Halos hindi ko na makita ang mukha niya dahil lumalabo ang mga mata ko sa luha. Napatakip ako sa bibig ko para hindi marinig nina Luna ang mga hikbi ko. Tama naman... Hindi ba iyon naman talaga ang dapat niyang sabihin? 


"Clea knows everything at hindi naman siya galit. Ayos kami ni Clea. We did not fight or anything. Actually, papunta ako sa kaniya ngayon." Kahit ganoon ang sinasabi niya, nakita ko pa rin sa mga mata niya ang kagustuhang umalis na. Nakita ko pa rin sa mga mata niyang nasasaktan siya sa bawat salitang binibitawan niya. Hindi nila nakikita dahil hindi nila kilala si Arkin katulad ng pagkakakilala ko sa kaniya.


Ako lang, e... Ako lang ang may alam kung ano siya. Ako lang ang nakasama niya nang ilang taon. Ako ang nasa tabi niya simula pagkapanganak hanggang ngayon. Kahit kailan, hindi ko siya iniwan. Kahit kailan, hindi ko siya sinukuan. Sa lahat ng ginagawa niya, palagi niya akong iniisip... Pero bakit ganito? 


Bakit pakiramdam ko gusto ko siyang ipagdamot? Bakit pakiramdam ko gusto kong marinig ang pangalan ko mula sa bibig niya? I was trying to find his comfort and assurance, but he was giving it to another woman. A different name. Hindi ako 'yon... Hindi naman ako kilala ng mga tao.


Okay na. Okay lang. Tinanggap ko na 'yon, e... Tinanggap ko na 'yon noong araw na 'yon. It was for the better. He said those things to protect me. Ayaw niya akong madamay kaya inintindi ko na lang. Kailangan niyang gawin 'yon para sa akin. 


"Sino kaya 'yong babae, 'no?" napalingon ako sa pinag-uusapan ng mga blockmates ko noong may pasok na ulit. Okay na ang pakiramdam ko at wala na akong lagnat. Noong weekend ay nag-text lang sa akin ang Mommy ni Arkin na hindi pa raw kami pwedeng mag-usap ni Larkin dahil mahirap na. Baka raw may mga magagaling mag-hack ng phone at makita messages namin. Hintayin ko na lang daw kaya naman heto ako... Iyon ang ginagawa. 


"Fan nga lang daw 'yon. Bakit kasi pinagkakaguluhan pa? Issue talaga mga tao," singit ni Dan sa usapan bago umupo sa tabi ko, nakangiti sa akin. 


"Ano?" masungit na tanong ko sa kaniya. Alam kong may alam na siya tungkol sa amin ni Arkin. Imposibleng wala pero umaakto siyang inosente. "Galit ka kay Larkin kasi akala ng iba niloloko niya si Clea, 'no?" 


"Hmm, hindi naman." Nagkibit-balikat siya at sumandal. "Okay naman daw sila. Ma-issue lang talaga mga tao. Para namang magkahalikan 'yong fan at si Arkin kung maka-assume na mag-jowa, ano?" 


May sense naman siyang kausap pero hindi ko rin nagugustuhan ang topic dahil alam kong ako 'yon. Tungkol sa akin ang sinasabi niya. Tumahimik na lang tuloy ako at umaktong nagbabasa ng libro. Mabuti na lang at naka-hoodie ako noon at nakayuko kaya hindi masyadong kita ang buong mukha ko. 


Tahimik kong na-survive ang araw na 'yon at humuhupa na rin ang usapan tungkol sa issue dahil nga maraming pictures na lumabas na magkasama sina Arkin at Clea. Okay naman sila at nagtatawanan pa sa pictures at mga videos kaya alam ng iba na wala naman silang problema. 


Kami kaya? Kailan ko kaya makakasama ulit si Arkin? Kailan ko kaya ulit makikita ang ngiti niya? Kailan ko kaya ulit maririnig ang tawa niya? Pakiramdam ko ang unfair... Ang unfair dahil ako ang mahal niya pero ako ang hindi niya makasama. Ako ang lubos na nagmamahal sa kaniya pero hindi ko man lang siya mahawakan. Pakiramdam ko ang layo niya na sa akin...


Maaga akong natulog noong gabi na 'yon. Naalimpungatan lang ako noong madaling-araw nang maramdaman kong may humalik sa noo ko. Dumilat ako saglit ngunit sumara na ang pinto ng kwarto ko. Sa sobrang antok ko ay nakatulog na lang ako muli. Naalala ko lang 'yon habang kumakain ng breakfast noong umaga. 


"Pa, dumaan ba si Arkin dito kagabi?" tanong ko. 


"Ah, oo. Sumaglit lang siya rito at umalis na ulit dahil baka may nakasunod na naman..." maingat na sabi niya. Anong ginawa niya rito? "Nag-usap lang kami dahil sabi ko gusto ko siyang makausap." 


"Tungkol saan, Papa?" nagtatakang tanong ko ulit. 


"Tungkol sa 'yo, siyempre. Sino pa ba?" Ngumiti siya sa akin at ginulo ang buhok ko. "Huwag mo na 'yon isipin. Kumain ka na muna." 


Male-late na ako kaya nagmadali akong umalis ng bahay. Tumatakbo pa ako papasok ng building namin ngunit napatigil din nang makitang pinagtitinginan ako ng ibang tao. Yumuko na lang ako at pinagpatuloy ang paglalakad ko. 


"Hindi ba siya 'yon?" rinig kong bulong ng nadaanan ko kaya bumilis ang tibok ng puso ko sa nerbyos. 


Pagkapasok ko ng room ay natahimik silang lahat. Nag-iingay sila kanina pero nang makita nila ako ay parang nagkanya-kanya silang iwasan ng tingin. Takang taka akong umupo sa upuan ko at naglapag ng gamit. Lumapit kaagad sa akin si Luna at inabot sa akin ang oversized hoodie niya. 


"Suotin mo muna," sabi niya sa akin. 


Kinuha ko 'yon at sinuot dahil nakalimutan ko rin naman ang akin. Malamig pa naman sa loob ng room. Ngunit napatigil din ako nang biglang pumasok si Dan sa room at mukhang galit. Halatang wala siya sa mood. Nang magtama ang tingin namin ay lumambot ang mga mata niya at napabuntong-hininga na lang. 


"Sorry, Via," sabi niya sa akin bago umupo sa pwesto niya. Mas lalong napakunot ang noo ko kaya kinuha ko ang phone ko. Sinubukan ulit akong pigilan ni Kierra pero inagaw ko 'yon at tinignan ang social media.


Muntik ko nang mabagsak ang phone ko nang makita ang maraming pictures namin ni Larkin noong anniversary namin. Sa pagsakay ko ng sasakyan niya hanggang sa makarating kami sa Rizal. Ang pinakapinagkaguluhan ng mga tao ay ang litrato naming magkahalikan na pareho kina Clea. Pagkatapos ng litrato na 'yon ay magkayakapan kami hanggang sa pumasok na ako sa kotse. Ang huling litrato ay si Arkin na nakatingin sa camera. 


Bigla ko na lang naalalang nagmamadali siya noong gabing 'yon. Hinatid niya ako kay Sam... dahil may nakakita sa amin... Kaya ba kinailangan niyang umalis kaagad? Kaya ba hindi niya ako makausap? Nalaman ng manager niya? Kaya ba kinuha ang phone niya? Ang daming tanong sa utak ko. 


'Tangina, sino 'yang babaeng 'yan? Akala ko ba fan lang? Landi mo, gago!' 

'Kabit kabit kabit kabit. Kahit kailan, hindi ka magiging masaya dahil alam mong nang-agaw ka lang!' 

'Kawawa naman si Clea. Pinagpalit siya sa babaeng hindi naman kagandahan.' 

'Cheater ka Arkin! Kadiri kayo!' 

'Mahiya ka naman girl alam mong may relasyon sina Arkin at Clea tapos eepal ka lol' 


Para akong nahihilo sa bawat basa ko ng replies sa pictures. Wala na akong naririnig sa paligid ko. Napatayo na lang ako at mabilis na tumakbo palabas ng room. Narinig ko pang tinawag ako ni Luna pero tuloy-tuloy lang ako tumakbo paalis, suot-suot ang hoodie. Pakiramdam ko lahat sila nakatingin sa akin... Pakiramdam ko lahat sila ay hinuhusgahan ako.


Pumasok ako sa C.R at umupo sa nakatakip na bowl. Sunod-sunod tumulo ang luha ko kaya napatakip din ako sa bibig ko, natatakot na baka may makarinig sa akin sa labas. Hindi ko mapigilan ang bawat hikbing kumakawala mula sa bibig ko. 


"Hindi naman maganda. Huwag ka nang tumugtog!" rinig kong sigaw ng isang lasing sa kanto habang hinihintay ko si Mama sa labas. Nakita ko siyang naglalakad sa malayo, dala-dala ang gitara sa likod niya. Kagagaling lang niyang gig. Napatayo ako at pinanood sila. 


"Tanggapin mo na kasi. Laos ka na! Laos! Ha-ha!" kantyaw pa ng isa. "Mabuti pa si Allie! Hindi ba kaibigan mo 'yon? 'Yon, mukhang may mapapala pa! Ganda noon, e!" 


Tuloy-tuloy lang naglalakad si Mama at hindi sila pinapansin hanggang sa batuhin siya ng pulutan. "Hoy, kinakausap ka! Matuto ka ngang rumespeto! Halika, tumugtog ka na lang dito. Pakinggan natin 'yang walang kwenta mong kanta!" 


Tuloy-tuloy lang ulit naglakad si Mama kaya tumakbo na ako sa loob ng kwarto at umaktong walang nakita. Tahimik akong nakaupo sa sofa pagkapasok niya. Wala siyang reaksyon sa mukha niya. Hinihintay ko siya dahil magpapatulong ako sa assignment ko. Kailangan daw ako i-describe ng bawat miyembro ng pamilya.


"Mama..." mahinang tawag ko. 


Tumigil siya sa paglalakad at walang emosyong tumingin sa akin. "Huwag ngayon, Via," kalmadong sabi niya.


Ngunit bukas na ang due ng assignment ko. "Kailangan n'yo pong sagutan 'to..." Pinakita ko sa kaniya ang bond paper. 


Drinawing ko siya roon na may hawak na gitara. Dinescribe ko siya bilang mahilig sa musika. Nang makita niya 'yon ay galit niyang kinuha sa kamay ko at pinunit. Napaawang ang labi ko sa gulat at nagbadya kaagad ang mga luha ko.


"Mama..." lumuhod ako para pulutin ang papel. 


"Hindi sapat na mahilig sa musika! Tangina!" Napasabunot siya sa buhok niya. "Ano bang gusto n'yong gawin ko?! Ano bang kailangan kong gawin?!" Alam kong hindi na ako ang kausap niya. Nilalabas niya lang lahat ng galit niya habang sinusubukan kong ayusin ang napunit kong assignment. "Via, kulang pa ba lahat ng ginagawa ko?" 


Agad akong umiling. "Hindi po..." Kulang ka lang sa pag-aaruga sa mga kapatid ko. Kulang ka sa pagbibigay-pansin sa akin. Habang sumisigaw siya at nilalabas ang galit niya ay tumutulo lang ang luha ko. Kinuha ko ang tape para ayusin ang napunit na papel habang umiiyak sa sahig. 


"Sorry, anak..." Lumuhod siya sa sahig at niyakap ako. "Kapag nakaangat na ulit ako, hindi na ganito si Mama, ha? Alam mo namang nagagawa ko lang 'to dahil sa stress sa trabaho..." 


Tahimik lang akong tumango habang umiiyak. "Naiintindihan ko po," mahinang sabi ko pagkatapos i-tape ang assignment ko. 


Umakyat na kaagad siya sa kwarto pagkatapos noon. Kinabukasan, pinasa ko ang gawa ko. Pagkaabot ko sa teacher ay tinawag niya ako ulit kaya naglakad ako pabalik. 


"Bakit ganito ang sagot sa Mama mo?" nag-aalalang tanong niya. Napansin ba niyang ako ang nagsagot? Kinabahan tuloy ako. 


'Hindi ko siya mahal.' 


Iyon ang nilagay ko para sa portion na i-dedescribe niya ako bilang anak niya. Mali ba 'yon? Nagkatitigan kami ng teacher ko hanggang sa pinabalik niya na ulit ako sa upuan ko. Noong uwian, kinausap niya si Papa dahil siya ang sumundo. Naghintay lang ako sa labas. 


Pagkalabas ni Papa ay lumuhod siya sa harapan ko at hinawakan ang mukha ko. Binigyan niya ako ng tipid na ngiti. "Pasensya ka na sa Mama mo, anak... I'm sorry," naiiyak na sabi niya.


"Bakit po kayo umiiyak?" nagtatakang tanong ko.


Agad niyang pinunasan ang luha niya at tumayo. "Huh? Hindi umiiyak ang Papa. Halika, bili tayo ng ice cream. Gusto mo 'yon, 'di ba?" Inalok niya ang kamay niya at sumama naman ako sa kaniya. 


Pinaliwanag ulit ni Papa noong gabing 'yon na kaya lang daw nagagawa 'yon ni Mama dahil sa trabaho... Dahil kailangan niya i-angat ang career niya... Kasama ba roon ang pagpapabaya sa akin? Sa amin? 


"Via?" Napatigil ako sa pag-iyak sa loob ng cubicle nang marinig ang boses ni Luna sa labas. "Via, nandito ka ba? Nasaan ka?" tanong niya ulit. 


Napatakip ako sa bibig ko para hindi niya ako marinig, ngunit trinaydor ako ng mga hikbi ko. Tinaas ko ang paa ko at niyakap ang tuhod ko para itago ang mukha ko roon, nahihiya nang makita ng kahit sino. 


"Via..." Si Kierra na ang narinig ko. Kumatok siya sa pinto ngunit hindi ko 'yon binuksan. Umiyak lang ako nang umiyak. Natahimik sila sa labas habang pinapakinggan ang iyak ko. "Via... Halika na rito... O kaya buksan mo man lang 'to, sige na..." 


Umiling ako, nakatago pa rin ang mukha. Palakas nang palakas ang iyak ko kaya pasikip nang pasikip ang dibdib ko. Ang daming tumatakbo sa utak ko. Bakit sa lahat ng tao... Bakit maaalala ko pa si Mama sa 'yo, Larkin? 


Inangat ko saglit ang mukha ko para punasan ang mga luha ko nang bigla kong nakitang may water bottle na sa sahig. Matagal kong tinignan 'yon bago ko kinuha at uminom. Hindi ko alam kung nasa labas pa sina Luna pero gusto ko nang umuwi kaya binuksan ko na ang pinto.


"Via!" Napaatras ako nang bigla na lang tumakbo sa akin si Luna at niyakap ako. Nang maramdaman ko ang init ng yakap niya ay napaiyak ako muli. "Nandito lang ako, okay? Nandito lang ako... Shush..." 


Nakita kong nakasandal si Kierra sa may lababo at nakatingin sa amin. Nakakuyom ang kamao niya habang nag-iisip nang malalim. 


"Luna," pag-iyak ko. Humigpit ang yakap niya sa akin at hinaplos ang buhok ko. Bumigat din ang paghinga niya at naramdaman kong naiiyak na rin siya.


"Hindi mo deserve lahat ng sinasabi nila sa 'yo. Hindi ikaw 'yon, okay? Hindi ka ganoon... Alam natin 'yon... Alam ni Larkin 'yon... Tangina, alam ni Sevi, ni Sam, ni Ke, ni Yanna... Iyon ang isipin mo, okay?" nanginginig ang boses niya. 


Mas lalo akong napaiyak dahil naisip ko ang reaksyon nina Sam. Ano na kaya ang nabasa nila? Ano na kaya ang nabalitaan nila? Hinuhusgahan na rin ba nila ako? 


"Uminom ka muna ng tubig..." Lumapit si Kierra at pinilit akong uminom. Natutuyo na ang lalamunan ko kaya nakalahati ko na iyong bote ngunit kahit sa pag-inom ay tumutulo pa rin ang luha ko. "Huwag mong sarilihin 'to, Via... Kung gusto mong gumawa rin ako ng issue ngayon para pati ako ay pagpiyestahan nila, sabihin mo lang. Dadamayan kita." 


"Uuwi na ako," mahinang sabi ko habang pinupunasan ang luha ko, ngunit kahit anong punas ko ay tuloy-tuloy lang silang tumutulo. 


Hinawakan ni Luna ang mukha ko gamit ang dalawa niyang kamay at siya na ang nagpunas ng luha ko. "Shush..." bulong niya. Kita ko sa mga mata niyang pinipigilan niya ang luha niya ngunit nang yumuko ako ulit ay napaiyak na siya. "Pucha naman..." Pinunasan niya ang luha niya. 


Hinintay nila hanggang sa kumalma ako bago nila ako nakumbinsing bumalik sa room. Nag-cut din sila ng klase para hanapin ako kaya kahit ito man lang ang gawin ko para makabawi. Nakasuot lang ako ng hoodie habang nasa klase. Ang sabi ni Luna ay masama raw kasi ang pakiramdam ko. 


Buong araw akong malungkot at hindi mapakali. Parang pagod na pagod ako nang makauwi na ako. Dineactivate ko ang Twitter account kong ginawa para kay Larkin dahil pati roon ay sinasabihan nila ako ng masasama. Ang sabi nila ay sana hindi na lang ako nabuhay o kaya naman sana raw ay mabastos ako kapag lumabas ako, tutal uhaw naman daw ako sa lalaki. 


Akala ko tapos na ngunit may mga lumabas na tabloid news. May picture si Arkin na suot ang friendship bracelet na may nakalagay na 'AA.' At mayroon pang mga screenshot ng mga kwento ng schoolmates namin noong highschool. Napaawang ang labi ko habang binabasa ang mga 'yon.


'Matagal nang sila. Highschool pa lang sila na. Palagi nga silang magkasama noong high school lol Arkin was so all over her kaya hindi rin ako naniniwala na may gusto siya kay Clea.' 


'Ang alam ko mag-bestfriends lang sila. Kinder pa lang daw magkaibigan na sila kaya sila close. Nagulat din ako na nag-kiss sila?' 


'Akala nio ba kilala nio yung mga nakikita nio sa tv? binubugbog ako ni arkin noong highschool tangina bully yan bat nio gusto yan' 


Doon ako napatigil sa pagbabasa. Kahit hindi ko pa tinitignan kung sino ang nagsabi ay nagkaroon na ako ng pakiramdam. Tama nga ako dahil nakita ko ang pangalan ni Lance. Dahil sa sinabi niya ay napag-usapan na rin si Larkin. Napasabunot ako sa ulo ko pagkapatay ng phone ko. 


Iniisip ko kung tatawagan ko ba siya pero baka hindi siya ang may hawak ng phone niya ngayon. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Magagalit ba ako? Hindi ko kayang magalit. Hindi naman niya kasalanan. Ako ang humalik sa kaniya roon. 


Kinabukasan, mas lumala lang ang balita tungkol sa akin at kay Arkin. Everyone was starting to dig on our highschool life. Everyone was starting to doubt him. Nasasaktan ako lalo para sa kaniya at hindi na para sa sarili ko. 


Pumasok pa rin ako kahit nakakahiya. Nagsuot na lang ako ng facemask at tahimik lang na nakinig sa klase. Normal pa rin naman akong tinatrato ng blockmates ko. Noong uwian ay pumunta ako sa school nina Mira para um-attend ng meeting para sa mga magulang. Nasa trabaho si Papa kaya hindi siya pwede. 


Pagkatapos ng meeting ay hinanap ko ang kapatid ko dahil sabay kaming uuwi. Nauna na kasi sina Ysha at Aidan. Nagulat ako nang makita siya malapit sa second gate ng school nila, may kausap na mga babae. 


"Sabihin mo sa Ate mo, wala siyang karapatan sirain ang ArClea! Akala mo kung sino siya! Mas maganda naman si Clea!" sabi noong highschool student. 


"Kabit Ate mo! Kadiri kayo! Ew!" Tinulak pa siya kaya lumapit na ako at humarang para hindi na nila saktan ang kapatid ko. "Wow, tignan mo, nandito nga 'yong kabit!" 


"Hoy, ikaw! Anong ginawa mo kay Arkin?! Ginayuma mo siguro 'yon! Asa namang magugustuhan ka noon! Mas maganda nga ako sa 'yo! Mas bagay sila ni Clea!" 


"Anong sabi mo?!" Agad sumugod si Mira at sinabunutan iyong nagsalita. Nagulat ako at agad siyang hinatak para makaalis na kami. Hindi ako nagsasalita dahil namumuo ang galit sa puso ko. Okay lang kung ako... ngunit bakit kailangan madamay ang kapatid ko? 


"Huwag kang mananakit ng iba." Huminto ako sa paglalakad at humarap sa kaniya. "Hindi maganda 'yon, Mira..."


"Pero kung ano-anong sinasabi nila sa 'yo! Anong gusto mo, Ate? Hayaan ko sila? Bakit?! Sila ba ang umiiyak gabi-gabi, ha?! Sila ba ang nagkukulong sa kwarto at hindi kumakain?! Sila ba ang nagkakasakit at nahihimatay?! Sila ba ang nahihirapan ngayon, ha?!" Napaawang ang labi ko nang bigla siyang sumigaw. Nakita kong namumuo na ang luha sa mga mata niya. "Ikaw 'yon... Ikaw 'yon, Ate... Kaya bakit ko sila kailangan hayaan? Para ko na rin silang hinayaang saktan ka..." 


"Mira..." Hindi ko alam ang sasabihin ko. Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi ko alam na napapansin na niya 'yon. Hindi ko alam na nakikita niya pala akong ganoon. "Okay lang ako," pangungumbinsi ko sa kaniya. 


"Nagagalit na ako kay Kuya Larkin." Umiyak siya bigla na parang bata kaya nag-panic ako. Lumapit ako, hindi alam ang gagawin. Tinapik-tapik ko na lang ang likod niya. "Bakit hindi ko pa rin siya nakikitang nasa tabi mo? Bakit wala siya?" 


"Hindi pwede. Mainit ang mata sa kaniya ngayon..." pagpapaliwanag ko naman. 


"Mahalaga ba ang sasabihin ng iba?" tanong niya bigla sa akin. "Mas mahalaga pa sa 'yo?"


"Mira, alam mo ang trabaho niya, 'di ba?" Niyakap ko siya at pinatahan. Napalunok ako, nauubusan na ng excuses para kay Arkin. Naiintindihan ko ang mga kapatid ko. Para na rin nilang pamilya si Arkin at ngayong nakikita kong napapalayo na sila sa kaniya, nasasaktan ako. "Kapag lumaki ka na, maiintindihan mong hindi lang sa pagmamahal umiikot ang mundo ng isang tao..." 


Alam kong hindi niya pa maiintindihan dahil bata pa siya at hindi niya pa alam kung paano tumatakbo ang mundong 'to. Money, career, love... Lahat 'yon ay importante.


Pagkauwi namin ay naghanda na ako ng pagkain para sa mga kapatid ko. Tahimik lang sila at paminsan-minsan ay tumitingin sa akin, mukhang sinisiguradong okay lang ako. Pagkatapos kumain ay nagprisinta na si Ysha na maghugas ng pinggan kaya umakyat na ako sa kwarto.


Umupo ako sa study table ko at tumitig sa phone ko. Nanginginig ang mga kamay ko sa takot na baka mayroong bagong news tungkol sa akin o kay Arkin ngunit tinignan ko pa rin. Nagulat ako nang makita ang pictures ni Clea sa isang event. Zinozoom ng mga tao sa mukha niya ang picture at sinasabi kung gaano kalungkot ang hitsura niya. 


'Kawawa naman si Clea. Mahiya ka sana avianna o kung sino ka man lol' 

'Kasalanan mo 'to via tangina mo higit namang mas maganda at maayos si clea sa 'yo kabit ka lang' 

'Malandi buti namatay mama mo' 


Natulala ako saglit nang mabasa ang isang reply. Agad kong binaba ang phone ko sa lamesa at napayuko, mabigat na ang paghinga ngayon. Napapikit ako nang mariin, sinusubukang pakalmahin ang sarili ko ngunit tumulo na ang luha ko. 


Napaangat ang tingin ko nang bumukas ang pinto. Tumutulo ang luha ko habang nakatitig kay Arkin na nakatayo malayo sa akin. Hindi ako makapagsalita at nanuyo ang lalamunan ko. Hindi ko alam ang gagawin ko. 


"Via..." mahinang tawag niya. 


Mas lalong bumilis ang tulo ng luha ko nang naglakad siya palapit at niluhod ang isang tuhod habang nakaupo ako. Hinawakan niya ang mukha ko at pinunasan ang luha ko gamit ang daliri niya. 


"I'm sorry." His voice was full of pain. It was almost a whisper. Nakita kong kumikinang ang mga mata niya dahil sa luhang pinipigilan niya. Ayaw niyang umiyak sa harapan ko pero nakikita ko sa mga mata niya ang sakit. "I'm sorry... Fuck." 


Umiyak lang ako, hindi nagsasalita. Ngayon ko lang ulit siya nakita pagkatapos ng lahat at hindi pa ako sigurado kung pwede siyang magtagal. 


"Bakit... pumunta ka pa rito?" umiiyak na tanong ko. "Baka may makakita sa 'yo. Umalis ka na..." 


Tumayo siya at niyakap ako nang mahigpit. "Mahal kita... at hindi magbabago 'yon, kahit anong mangyari, kahit gaano kasakit, kahit gaano kahirap... Mahal kita," bulong niya. 


Tumango ako sa kaniya at binitawan na niya ako. Hinalikan niya ang ulo ko bago siya naglakad paatras, palayo sa akin. Umiwas ako ng tingin at tumalikod sa kaniya, pinipigilan ang hikbi ko. Napatakip ako sa bibig ko habang nakayuko, natatakot na baka mapigilan siyang umalis ng iyak ko. 


Napatigil ako nang maramdaman kong may yumakap sa akin patalikod. Nanghina ako at sinandal ang sarili ko kay Arkin. Umiyak lang din siya sa balikat ko at humigpit ang yakap sa akin. 


"Ayaw ko na ng ginagawa ko..." Nanginginig ang boses niya. "Pwede bang dito na lang ako? Pwede bang huwag na 'kong bumalik?" 


"Umalis ka na, Larkin," mahinang sabi ko. 


"Kung alam ko lang na mangyayari 'to sa 'yo, sana hindi na lang ako pumasok sa industriyang 'to." Mas bumigat ang pag-iyak niya. "How can I escape this, Via? Ayaw ko na nito..." 


"Harapin mo 'to, Larkin. Harapin natin 'to." Hinawakan ko ang braso niya. "Hindi ako aalis... Huwag kang mag-alala."


Sinabi ko 'yon habang mabigat ang dibdib ko. Hindi gumaan ang pakiramdam ko... dahil alam kong hindi ko alam kung kaya ko pang gawin 'yon. Hindi ko alam kung kaya kong tuparin 'yon. 

________________________________________________________________________________

.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro