31
"Sobrang busy mo na yata... Ngayon lang tayo nagkita ulit."
Sumulyap ako kay Arkin na nakahiga sa kama ko at nakatingin sa kisame, malalim ang iniisip, habang ako ay nakaupo sa tapat ng study table ko at nag-aaral. Tatlong araw na yata kaming hindi nagkikita dahil masyado siyang naging busy sa tapings niya at sa mga meetings. Hindi na rin siya masyadong nakakapag-text kaya nagulat akong pumunta siya rito.
"Arkin," tawag ko ulit dahil mukhang hindi niya ako narinig. Natauhan siya bigla at lumingon sa akin bago ako binigyan ng ngiti. "Ano ba 'yang iniisip mo?"
"Wala, love..." Tumayo siya mula sa kama at naglakad palapit sa akin. Huminto siya sa may likuran ng upuan ko at niyakap ako sa leeg. Binaon niya ang mukha niya roon at suminghap. "Anong inaaral mo?"
"Wala 'to." Sinara ko ang notes ko at nilagay ang kamay ko sa ulo niya para laruin ang buhok niya. Alam kong may iniisip siya pero hindi niya masabi-sabi sa akin kaya hanggang ganito na lang ako. Comfort na lang ang kaya kong ibigay sa kaniya. "I love you," bulong ko.
Naramdaman kong napangiti siya sa sinabi ko bago ako hinalikan sa pisngi. Tumayo ako para bumalik sa kama pero umupo siya roon sa study chair ko at hinatak ako para maupo sa mga binti niya. Pagkatapos ay niyakap niya lang ako, hindi nagsasalita.
"May problema ba sa trabaho?" tanong ko sa kaniya.
Umiling siya sa akin at sinandal ang ulo sa likuran ko. "I love you," bulong niya. Nang hindi ako nakasagot kaagad ay paulit-ulit niyang binulong sa akin 'yon na para bang gusto niyang kumbinsihin ako na mahal niya ako. Alam ko naman na 'yon. "I love you... I love you... Mahal kita, Via."
"You're acting weird," sabi ko naman sa kaniya at sinubukang lingunin siya pero masyadong mahigpit ang yakap niya sa baywang ko.
Napatingin ako sa mga kamay niyang nakapalupot sa akin at napansing wala siyang suot na bracelet ngayon. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at hinaplos 'yon.
"Nasaan 'yong bracelet?" tanong ko sa kaniya.
Parang naestatwa siya sa tanong ko. Lumuwag saglit ang yakap niya sa akin kaya nakalingon na ako sa kaniya. Walang reaksyon sa mukha niya at natulala saglit bago tumingin sa akin at ngumiti nang alanganin.
"Nawala ko, Via..." mahinang sabi niya.
"Ha?!" Napatayo ako sa gulat. "Kailan pa?" Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Ako naman ang nagsabing huwag niyang suotin 'yon pero wala naman siyang schedule ngayon at walang nakakakita. Kaya pala hindi niya na suot.
"Ah... Hindi ko matandaan." Umiwas siya ng tingin at napakamot sa ulo. "Saka ko lang napansin na nawawala... Hayaan mo. Gagawan na lang kita ng bago..." Parang wala siya sa sarili niya habang nagsasalita.
Tinignan kong mabuti ang mukha niya. "Nagsisinungaling ka ba?" Deretsahang tanong ko nang mapansin.
Hindi siya nagsalita at kinagat ang ibabang labi. Matagal akong naghintay ng sagot mula sa kaniya kaso biglang tumunog ang phone niya. Sinagot niya iyon nang makitang manager niya ang tumatawag bago siya naglakad palayo sa akin. Lumabas pa siya ng kwarto ko. Nagtaka ako sa inaakto niya kaya naman dahan-dahan akong sumunod para makita kung saan siya pupunta pero umupo lang siya sa may hagdan.
"May dinaanan lang ako, Sir," rinig kong sabi ni Arkin. "Pabalik na 'ko... Opo, susunduin ko si Clea. Yes... Alam ko ho. Mamayang gabi, 'di ba?"
Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila kaya naman bumalik na lang ako sa kwarto at umupo sa sahig para kuhanin ang gitara ko. Sinandal ko ang likod ko sa kama habang tumutugtog at nakatulala, nag-iisip.
Iniisip ko lang kung bakit ganoon si Kino. Hindi ako tanga para hindi mapansing may kakaiba sa kaniya. Naiintindihan kong may problema sa trabaho pero bakit hindi niya naman masabi sa akin? Makikinig naman ako. Sinasabi niya naman sa akin lahat pero bakit ito hindi? Ano kaya 'yon?
"Via..." Tumigil ako sa pag-strum nang pumasok ulit si Arkin. "Kailangan ko nang umalis. Hindi alam ng manager ko na dumaan ako rito." Kinuha niya kaagad ang jacket niya at ang facemask niya sa gilid para takpan ang kalahati ng mukha niya.
"Saan ka pupunta?" tanong ko.
"Susunduin ko lang si Clea... May..." Napakagat siya sa labi niya at bumuntong-hininga. "May date kami ni Clea. Utos... Utos lang..." Yumuko siya at nilagay ang kamay sa ulo.
Matagal akong napatitig sa kaniya bago ako tumango at ngumiti. "Okay lang."
Napaangat ang tingin niya sa akin, nakaawang ang labi at mukhang hindi makapaniwalang ganoon ko siya kadaling pinakawalan pero... Ano bang magagawa ko? Ito na lang ang kaya kong gawin. Suportahan siya sa ginagawa niya. Wala akong balak na pigilan siya. Hindi ako nasasaktan dahil alam kong hindi niya gusto 'yon. Frustrating lang, oo, dahil mabuti pa si Clea ay kaya niyang ilabas. Pero...
"Okay lang," ulit ko sa kaniya at ngumiti ulit. "Ingat kayo."
"Via..." Nanginig ang boses niya, hindi na alam ang sasabihin. Nakita ko sa mga mata niyang parang luluha na siya kaya tumawa ako at tinaas ang kamay ko para kumaway sa kaniya. May binulong siya bago lumapit sa akin at lumuhod para yakapin ang leeg ko.
"Bakit?" Hindi ko na siya tinanong tungkol sa bracelet. Mukhang marami na siyang iniisip. Okay lang... Mapapalitan pa naman 'yon.
Nagulat ako nang bigla ko na lang naramdamang nababasa ang balikat ko. Nakasandal ang ulo niya roon, umiiyak.
"Arkin! Bakit?" Nag-panic kaagad ako dahil sa inaasta niya. Niyakap ko siya pabalik at tinapik-tapik ang likod niya para patahanin siya kahit hindi ko alam kung bakit siya umiiyak.
"I love you," bulong niya sa akin. "Mahal na mahal kita."
"I love you," sagot ko pabalik. "Huwag ka nang umiyak. Hindi ako galit. Sige na, umalis ka na... Huwag mo 'kong alalahanin. Okay lang ako, promise." Tumawa pa ako.
Lumayo siya sa akin at pinunasan ang luha gamit ang likod ng kamay. Hinalikan niya ang noo ko bago siya naglakad palabas ng kwarto.
Nawala ang ngiti ko pagkaalis niya. Napabuntong-hininga na lang ako at niyakap ang gitara ko, nag-iisip. Hanggang dito na lang ba talaga kami? Hanggang kailan ba 'to? Matatapos ba 'to o habangbuhay na kaming magtatago?
"Spain," bulong ko nang maalalang hindi ko pa rin pala nasasabi sa kaniya ang tungkol doon. Kailan ko pwedeng sabihin? Kailangan niyang malaman. Bukas... Bukas na lang o kaya sa susunod na pagkikita namin.
Ano kaya ang plano niya? Kaya naman namin ang long-distance relationship 'di ba? Saglit lang naman iyon. Kaya ko namang tiisin ang malayo sa kaniya. Babalik din naman ako at pwede rin niya akong bisitahin. Wala naman akong choice kung hindi umalis.
"Maiintindihan niya naman, 'di ba?" tanong ko sa sarili ko habang yakap ang gitara. Napako ang tingin ko sa sticker na nakadikit doon. Kailan pa 'to dinikit ni Arkin dito? Ngayon ko lang nakita, huh! Isa iyong sticker ng araw.
Inayos ko ulit ang gitara ko at nag-strum. "Sa pag-ihip ng hangin, kasabay ng awitin, ramdam ang palad mo..." pagkanta ko ng kanta niya. "Kailan kaya maaamin... ang iyong damdaming aking napapansin?"
Tumigil ako sa pagkanta at yumuko na lang. "Date, huh..."
Hindi na ako nag-open ng social media noong gabi dahil alam ko kung ano ang makikita ko. Alam kong pinag-uusapan na sila ng mga tao. Alam ko namang magpapakita sila sa public, dahil kung hindi, para saan pa 'yong date na 'yon?
Nakatulog na ako kakahintay ng text ni Arkin na nakauwi na siya. Kinabukasan, nakita kong walang notification galing sa kaniya. Chineck ko ang social media at nagulat pa ako dahil tahimik iyon. Walang... Walang nag-uusap tungkol sa date ng ArClea kagabi. Walang may alam na nag-date sila. Hindi... Hindi public ang date.
Matagal akong nakatingin sa kisame bago ko naisipang bumangon na dahil may pasok pa ako. Tinanong ko pa nga si Luna kung may nabalitaan siya pero ang sabi niya ay wala naman daw nakakaalam na nag-date sila kagabi.
"Via." Nilapag ni Dan ang iced coffee sa table ko at ngumiti nang tipid sa akin. "Libre ko na sa 'yo 'yan."
"Nakakatakot naman kapag mabait ka," sabi ko pero kinuha ko rin ang iced coffee at uminom. Umupo siya sa upuan sa tabi ko at nakatitig lang sa akin, may iniisip. "Bakit na naman?"
Ngumiti ulit siya ngunit hindi umabot sa mga mata niya. "Wala... Okay ka lang ba?" tanong niya ulit sa akin. Kumunot ang noo ko sa kaniya, nagtataka na.
"Oo naman. Bakit naman hindi?" Tinaasan ko siya ng kilay. Tumawa siya saglit bago tumayo at nilagay ang kamay sa tuktok ng ulo ko. "Ano?!"
"Hindi mo deserve 'yong mga pangit na nangyayari sa mundo," sabi niya bigla bago umalis. Mas lalong nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya. Ang weird niya ngayon, ha! Ano bang alam niya? Kinabahan tuloy ako dahil baka may alam na siya tungkol sa amin ni Arkin.
Noong lunch ay sumama lang ako kina Luna dahil magkikita kami nina Yanna. Kakain daw kami sabay-sabay sa may Dapitan kaya roon kami dumeretso. Wala si Sam dahil may schedule siya kaya kami-kami na lang, kasama pa si Avrielle.
"Anak, bitawan mo si Tita..." Sinubukang alisin ni Yanna ang kamay ni Avrielle na nakakapit sa may sleeves ng polo ko. Ngumiti ako at pinisil ang pisngi ng bata. Naka-uniform pa si Yanna, naiiba sa amin.
"Si Arkin? Nagkita na kayo?" tanong ni Kierra sa akin. Alam kasi nilang hindi kami masyadong nagkikita ni Kino.
"Oo nga. Nabigay mo na ba 'yong painting mo?" tanong din ni Luna.
Umiling ako at tumingin sa cellphone ko. Wala pa rin siyang text. Usually naman ay inu-update niya ako kung nasaan siya at kung ano ang ginagawa niya. Palagi pa niya akong pinapaalalahanan na kumain.
"Saka na..." mahinang sagot ko at kumain na lang.
"Buti okay lang sa 'yo na nakikipag-date ang jowa mo sa iba..." sabi naman ni Yanna habang kumakain. "Kung makipag-date sa iba 'yong taong mahal ko, baka mapatay na ako ng selos."
"Alam naman ni Arkin ang ginagawa niya... At malaki rin ang respeto ko kay Clea bilang artista," sabi ko naman. "Hindi naman ako selosa."
"Ah, sana all hindi selosa." Tumawa si Luna. "'Di ba, Ke?"
"Ako na naman ang nakita mo." Masama siyang tinignan ni Kierra. "Sino kaya rito 'yong selos na selos noon kahit nasa shotgun seat lang naman si-"
"Ke, feeling ko kumain ka na lang. Feeling ko lang naman." Hinaplos ni Luna ang buhok ng pinsan na parang bata habang nakangiti, ngunit 'yong ngiti na 'yon ay mukhang makakapatay.
"Bakit niya ako niyayakap, Yanna?" Tumingin ulit ako kay Avrielle na nakayakap sa braso ko. Tumawa ako at hinaplos ang ulo niya.
"Baka malungkot ka raw kasi." Tumawa si Yanna.
Buong araw ang lumipas pero wala pa ring text si Arkin. Nag-aalala na ako. Pagkauwi ko tuloy at tinawagan ko siya pero nakapatay ang cellphone. Nasa taping ba siya kaya nakapatay ang phone? Hindi tuloy ako nakapag-aral nang maayos, iniisip kung may nangyari bang masama sa kaniya.
"Sevi? Kasama mo ba si Arkin?" Tinawagan ko na tuloy si Sevi para magtanong. "Or nag-text ba siya sa 'yo?"
[Ay, sorry, Via, hindi ko alam! Hindi pa kami nag-uusap ulit simula kahapon. Bakit? May problema ba?] tanong niya, nag-aalala na rin.
"Wala, hindi lang siya nagte-text at nakapatay ang phone, pero baka busy lang siya sa shoot. Thank you!" Binaba ko na kaagad ang phone dahil baka nakakaistorbo ako sa date niya. Naririnig ko kasi ang boses ni Elyse. Kumakain yata sila at pinapagalitan siya dahil gumagamit ng phone.
Madaling-araw na at hindi pa rin ako makatulog. Habang nag-aaral ay kinuha ko muna ang phone ko para tignan kung may text na siya pero wala pa rin kaya naman pumunta na lang akong Twitter para makibalita kung may nangyari ba sa kaniya.
Napaawang ang labi ko nang makita ang bumungad sa akin. Nabitawan ko bigla ang phone ko at napatayo sa kinauupuan, mabilis ang tibok ng puso. Dahan-dahan kong kinuha ulit ang phone ko sa sahig para tignan nang maayos ang litrato.
SPOTTED: Larkin Sanchez and Clea Aguilar on a sweet date, sharing a KISS!
Parang nablangko ang utak ko. Matagal lang akong nakatitig sa maraming litrato nila sa gilid ng sasakyan ni Clea. Nakasandal si Clea roon at nasa tapat niya naman si Arkin, hawak-hawak ang pisngi niya at magkahalikan. Sa susunod na litrato ay pinulupot na rin ni Clea ang braso sa leeg ni Arkin, at sa susunod naman ay magkayakap na sila. Kuha iyon ng media mula sa malayo. Walang tao sa paligid at tago ang...
Sunod-sunod tumulo ang luha ko nang mapagtanto kung saan ang lugar na 'yon. Iyong pinuntahan namin noong anniversary namin. Iyong lugar na 'yon... Dinala niya rin si Clea roon... Bakit?
Bakit doon? Bakit kung saan... Kung saan kami nag-celebrate?
Nawala ang litrato nang makitang tumatawag na si Luna sa akin, pero nakatulala pa rin ako sa screen. Napaupo ako sa sahig at niyakap ang tuhod ko habang umiiyak sa dami ng iniisip ko. Kaya ba hindi na niya ako kinakausap? Kaya ba... Kaya ba ganoon ang pakikitungo niya sa akin? Nahulog na ba ang loob niya kay Clea? Hindi na ba... acting 'yon? Kaya ba kaya nilang magsinungaling sa mga tao na sila na dahil... hindi naman pala kasinungalingan 'yon?
Ako ba? Ako ba ang... hadlang sa kanilang dalawa? Hindi ba ako maiwan ni Arkin dahil sa tagal ng pinagsamahan namin kahit may gusto na siyang iba?
Ako ba ang... problema?
Ako ba ang pumipigil kay Arkin na maging sila ni Clea? Ako ba ang dahilan kung bakit kailangan nilang magsinungaling sa mga tao kahit... Sila naman talaga dapat? Sila naman talaga... Mas bagay sila... Mas okay sila... Hindi siya mahihirapan.
Hindi siya mahihirapang magtago ng relasyon kung si Clea. Tama naman... Pero bakit ang sakit? Bakit sobrang sakit?
Kinuha ko ang phone ko at paulit-ulit na tinawagan si Arkin pero hindi iyon nagri-ring. Umiyak ako lalo, desperada nang makausap siya para itanong ang lahat ng 'yon pero wala siya... Wala siya.
Umiyak lang ako buong gabi, nakatalukbong ng kumot. Sa sobrang maga ng mga mata ko kinabukasan ay hindi na ako pumasok. Buong araw lang akong nasa kwarto at umiiyak pa rin.
"Ate... Kumain ka po muna." Nilapag ni Mira ang pagkain sa study table ko pero hindi ko siya nilingon. Naramdaman kong naroon pa rin ang presensya niya at hindi pa lumalabas ng kwarto. "Ate, kumain ka raw sabi ni Papa."
"Wala akong gana," sabi ko sa kaniya, sinusubukang ayusin ang boses ko para hindi niya mahalatang umiiyak ako.
"Kahit na. Lagot ako kay Papa kapag hindi ka po kumain..." pagpupumilit pa niya.
"Iwan mo na lang diyan." Dahan-dahan akong umupo ngunit nakatalikod pa rin sa kaniya para hindi niya ako makita. Ayaw kong makita ng mga kapatid kong umiiyak ako. Ayaw ko silang mag-alala sa akin. Naglakad na rin naman siya palabas at sinara ang pinto. Bumuntong-hininga ako at kumain nang kaunti bago bumalik sa kama. Ni hindi ko na naubos ang pagkain ko.
Nakatulog na ako kakaisip. Pagkagising ko ay sobrang init na ng katawan ko at nanghihina na ako. Sinubukan kong bumangon nang makitang gabi na. Ang mga kapatid ko! Kailangan kong maghanda ng pagkain!
Pagkatayo ko ay sumakit lang ang ulo ko kaya humiga na lang ako ulit, mabigat ang paghinga. Pumikit ako saglit ngunit nang bumukas ang kwarto ko ay dumilat akong muli para tignan kung sino ang pumasok.
"Hay nako..." Napakunot ang noo ko nang makita si Luna at Kierra. Binaba nila ang gamit nila sa gilid at binuksan ang lamp sa gilid para may ilaw pa rin sa loob ng kwarto. Galing pa silang school dahil naka-uniform pa.
"Huwag ka munang tumayo. Ang taas ng lagnat mo," sambit ni Kierra pagkahaplos sa noo ko. Lumabas siya saglit para pumuntang banyo at pagkabalik, may dala na siyang basang bimpo. Nilagay niya iyon sa noo ko habang si Luna ay naglalabas ng kung ano sa bag niya.
"Ito 'yong na-discuss kanina. Nag-notes ako para sa 'yo." Nilapag niya ang mga papel sa desk ko. "Wala namang quiz kaya discussion lang ang na-miss mo. Ang sabi ko sa mga prof, you're not feeling well. Magdala ka na lang ng excuse letter pagkapasok mo."
"Salamat," bulong ko habang nakapikit.
Matagal na katahimikan ang bumalot sa amin. Naramdaman kong naglakad palapit sa gilid ng kama si Luna at hinawakan ang pisngi ko. Inalis niya rin 'yon at sinabing ang init daw ng balat ko.
"Okay ka lang?" tanong niya bigla sa akin. "Hindi dahil may lagnat ka... Okay ka lang ba sa..."
Parang kinalabit niya ang baril na nagpaluha bigla sa akin. Nakapikit lang ako habang tumutulo ang luha sa gilid ko. Hindi ako nagsasalita at hindi ko rin madilat nang maayos ang mga mata ko kaya hinayaan ko na lang 'yon tumulo.
"Okay lang..." sagot ko. "Okay lang..." Okay lang naman palagi... Okay lang kay Arkin lahat. Okay lang ako basta... Basta okay siya.
"Nasaan na ba ang lalaking 'yon? Punyeta," rinig kong sabi ni Kierra. "Sinubukan ko rin siyang tawagan pero nakapatay ang phone. Naiirita na ako, ha!"
"Wala bang sinabi si Arkin tungkol doon?" tanong ni Luna sa akin.
Umiling ako sa kaniya at nagpakawala ng hikbi. Natahimik silang dalawa nang takpan ko na ang mukha ko gamit ang dalawang kamay at umiyak nang umiyak. Hindi alam ni Kierra ang gagawin kaya hinaplos niya na lang ang buhok ko.
"Shush..." marahang sabi niya sa akin, ngunit mas lalo lang akong napaiyak. Hinang hina na ang katawan ko pero may luha pa rin pala akong mailalabas.
"Hindi ko... alam ang... iisipin ko," umiiyak na sabi ko. "Hindi ko alam... Ang alam ko lang, ang sakit... Ang sakit. Ang sakit... Ang sakit," paulit-ulit na sabi ko. Parang tinutusok ang dibdib ko sa bawat sabi kong masakit. Ano bang gagawin ko para mapawi 'to?
"Via..." mahinang tawag ni Luna. "I'm..." Hindi niya matuloy ang sasabihin niya pero mukhang alam ko na. She was... sympathizing with me dahil nangyari din sa kaniya 'yon. Panigurado akong nasasaktan din siya para sa akin ngayon.
"Hindi niya sinabi sa aking hahalik siya ng iba..." Humagulgol na ako. Halos hindi na ako makahinga. "Off cam... Off cam 'yon... Walang tao... Sila lang... Para saan? Ayaw na ba niya sa akin?"
"Ugh! Pucha!" Inis na sumigaw si Kierra habang nakatingin sa gilid, sinusubukang pakalmahin ang sarili. "Uminom ka muna ng tubig, Via."
Umiyak lang ulit ako. Kahit kumakain ay umiiyak ako. Kahit sa pag-inom ko ng gamot ay umiiyak ako. Mabuti na lang at napagod na ako kakaiyak nang umuwi sina Luna. Mayamaya, pumasok sa kwarto ko si Papa kaya nagtalukbong ako ng kumot.
"Anak..." marahang sabi niya. "Papasok ka ba bukas?"
"Opo," mahinang sagot ko. Hindi na ako pwedeng mag-absent dahil may test bukas. Ayaw kong kumuha ng special test dahil mas mahirap 'yon kaya papasok na lang ako. "Magaling na ho ako bukas, Papa."
"Huwag mong masyadong pagurin ang sarili mo, anak." Hinawakan niya ang balikat ko. "At ayos lang na masaktan... Basta alam mo namang narito ang Papa, 'di ba? Pwede kang umiyak sa balikat ko..."
"Opo..." naiiyak na sambit ko.
"Lahat ng sakit... Kaya kong saluhin para sa 'yo, anak, ha."
Hindi na ako nagsalita dahil naiiyak na ulit ako. Hinalikan niya na lang ang ulo ko bago siya lumabas mula sa kwarto ko. Napatakip ulit ako sa mukha ko at umiyak. Sa sobrang pagod ay nakatulog din ako kaagad. Kinabukasan, nilalagnat pa rin ako pero pumasok na ako. Nagsuot na lang ako ng hoodie dahil malamig sa room.
"Via... Pupunta akong car park. May ipapabili ka ba?" tanong bigla ni Dan sa akin habang nakadukdok ako sa arm chair.
"Hindi ako gutom," sabi ko sa kaniya.
Hindi siya nagsalita at umalis na. Hindi pa tapos sina Luna sa meeting nila sa groupmates nila kaya naman hindi pa kami kumakain. Mayamaya, bumalik na si Dan at kinalabit ako. Pagkaangat ko ng tingin ay naglapag siya ng pagkain sa tapat ko.
"Wala nga akong gana," sabi ko sa kaniya.
"Nilalagnat ka raw. Inutusan ako nina Luna bilhan ka niyan kaya kumain ka. Ito raw ang gamot mo." Naglapag din siya ng gamot. "Kumuha pa ako galing health service kaya uminom ka ng gamot. Sayang ang lakad ko. Ang init kaya sa Plaza Mayor!"
"Ang dami mo pang sinasabi." Umiling ako at kumain na lang.
Nang matapos sina Luna ay pumunta na silang dalawa sa akin. Mag-aaya dapat siyang lumabas para kumain pero nakita niyang may pagkain na ako.
"O, nakabili ka na pala ng food!" sambit ni Luna.
"Huh? Sabi ni Dan pinabili n'yo raw." Tumigil ako sa pagkain.
"Huh? Hindi, ah! Busy kami sa meeting! Kukuhanan pa sana kitang gamot sa health service. Mayroon na pala. Sige, bibili muna kami ng food! Diyan ka lang!" sabi naman ni Kierra.
Hindi na ako tumitingin sa cellphone ko dahil alam kong masasaktan lang ako. Wala rin namang text si Arkin simula kahapon kaya hindi na ako naghintay. Kung gusto niya akong kausapin, gagawa siya ng paraan, pero mukhang ito na ang sagot niya.
Gabi na noong nakalabas kami ng building dahil nagkaroon pa kami ng org meeting. Nauna na ako kina Luna dahil may ipapa-print pa ako. Sa Dapitan na lang ako pumunta para makabili rin ng pagkain.
Nakasandal lang ako sa gilid ng pader habang nakapikit at nanghihina dahil nilalagnat pa rin. Hinihintay ko lang ang turn ko dahil marami pang tao sa pa-printan. Mabuti na lang at mabilis lang umusad ang pila kaya makakauwi na rin ako kaagad.
Hawak-hawak ko ang mga papel sa kamay ko habang naglalakad nang biglang may humatak sa palapulsuhan ko. Muntik na akong matumba pagkaharap ko, pero napaayos kaagad ako ng tayo nang makita kung sino ang nasa harapan ko.
"Via..." Kahit naka-hoodie at naka-facemask siya ay kilalang kilala ko ang boses niya. Mabilis kong binawi ang palapulsuhan ko at umatras palayo sa kaniya, nanginginig ang mga kamay.
"Diyan ka lang," sambit ko habang pinipigilan ang luha. Nang sumubok siyang humakbang ay umatras ulit ako. "Diyan ka lang!" May mga napatingin sa amin kaya mabilis akong naglakad paalis. Nang makarating kami sa wala masyadong tao ay hinawakan niya ulit ang kamay ko.
"Via, wait lang... Pakinggan mo muna ako," pagmamakaawa ni Arkin sa akin.
Pagkalingon ko sa kaniya ay bumagsak na ang mga luha ko dahil sa galit. Napatakip ako sa mukha ko habang pinapanood niya akong umiyak sa harapan niya.
"Bakit?" My voice broke. Iyon ang pinakauna kong tanong sa kaniya. Iyon lang ang kaya kong itanong sa dami ng pumapasok sa utak ko.
"Hindi ko gusto 'yon, Vi-"
"Bakit ngayon ka lang nagpakita sa 'kin?" Nanginginig ang boses ko habang umiiyak. "Hindi mo ba inisip kung ano ang mararamdaman ko? Hindi mo ba inisip kung ano ang maiisip ko? Wala ka bang pakialam kahit masiraan na ako sa rami ng pumapasok sa utak ko? Larkin... Larkin, bakit?"
"Wala akong cellphone. Kinuha ng manager ko ang phone ko. Tumakas lang ako ngayon kaya ngayon lang ako nagpakita sa 'yo..." Hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag.
"Masaya ka ba?" Tinignan ko ang mga mata niya. "Masaya ka ba noong... hinalikan mo siya?" Tumutulo na ang luha ko mula sa mga mata ko papunta sa baba ko pero wala akong lakas punasan 'yon. "Mas masaya ka ba... sa kaniya?"
Binaba niya ang mask niya at nakita ko ang nasasaktan niyang mukha. Dahan-dahan siyang umiling, hindi alam kung saan magsisimula.
"Kailangan kong... gawin 'yon para maprotektahan kita." Tumulo na rin ang luha niya. Natigilan ako sa sinabi niya, naguguluhan.
"Paano?" Halos mawalan na ako ng boses. "Paano... Bakit... Saan?"
"I'm sorry... Hindi ako masaya sa ginawa ko. Kahit kailan, hindi ko ginustong gawin 'yon sa likuran mo... Pero Via, kung iyon ang paraan para maprotektahan kita sa bagay na sobrang kinatatakutan mo, gagawin ko lahat. Alam mo 'yon..."
"Paano mo ako naprotektahan sa ganoon, ha?" Humakbang ako papalapit at tinuro ang dibdib niya. "Sinaktan mo lang ako. Hindi mo 'ko prinotektahan! Sinaktan mo ako!"
"Hindi ko ginustong saktan ka. Pakinggan mo muna ako. Ipapaliwanag ko sa 'yo pero hindi rito. Masyadong maraming tao-"
Pumikit ako at tinaas ang mga kamay ko para sabihing tumigil siya sa kakasalita dahil mukhang babagsak na ang katawan ko. Napahawak ako sa ulo ko, nahihilo na ngayon. Ayaw kong magmukhang mahina sa harapan niya kaya umatras ako at naglakad paalis.
Ang dami ko nang nabubunggo pero tuloy-tuloy lang akong naglakad papunta sa sakayan ng jeep. Kailangan ko nang umuwi.
"Via!" Hinatak ako bigla ni Arkin nang muntik na akong masagasaan ng biglang dumaang sasakyan. Nabunggo tuloy ako sa dibdib niya at hinawakan niya naman ang baywang ko. "Nilalagnat ka ba?" Napuno ng pag-aalala ang boses niya nang mapansin ang temperatura ko.
"Larkin Sanchez?"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang biglang may tumawag sa kaniya. Napako ang mga paa ko nang marinig ang bulungan sa paligid namin.
Agad kong inalis ang kamay niya sa palapulsuhan ko. "Bitawan mo 'ko..." Hindi ko alam ang gagawin ko. Nagulat ako nang bigla niyang sinuot ang hood ko sa ulo ko at pinalupot ang braso sa akin. Narinig ko at nakita ko mula sa gilid ang mga flash ng camera. Bumilis ang tibok ng puso ko nang hatakin ako ni Arkin paalis. Hindi ko alam kung saan kami papunta pero nararamdaman kong dumarami ang tao sa paligid namin hanggang sa hindi na ako makaalis.
"Fuck," bulong ni Arkin, nakasuot na ng hood at facemask ngayon. "Excuse me," rinig kong sabi niya.
"Si Clea ba 'yan?"
"Hindi, ibang babae! Taga-UST ba? Hindi ko makita ang uniform..." Mabuti na lang at nakasuot ako ng hoodie at hindi kita ang polo ko sa loob. Ngunit hindi iyon ang problema ngayon. Paano ako... Paano ako makakaalis dito?
Bumibigat ang paghinga ko sa bawat rinig ko ng camera. Halos hindi na ako makahinga. Napahawak ako sa dibdib ko, nakapikit na ngayon. Umiikot na ang paningin ko at ang init.
"Excuse me, please..." Sinubukan pa rin akong hatakin ni Arkin paalis. "Sorry, excuse me..."
Nabitawan ko ang mga papel na pina-print ko kaya lumuhod ako sa sahig at pinulot ang mga 'yon kahit natapak-tapakan na ng ibang tao. Hinahabol ko ang hininga ko habang napapaligiran ng mga nagbubulungan. Sinubukan akong hatakin patayo ni Arkin dahil nasisipa-sipa at nabubunggo na ako ng mga taong pinagkakaguluhan siya.
"Sino 'yan? Girlfriend niya? Akala ko ba si Clea?"
"Baka kabit!"
"Gago, may ibang babae si Arkin? Sino 'yan? Wala naman siyang kapatid."
"Please, tumayo ka riyan..." Hindi masabi ni Arkin ang pangalan ko habang hinahatak ang braso ko patayo. "Masasaktan ka..."
Pakiramdam ko ay bumibigat na ang katawan ko. Tumayo ako ngunit wala pang isang segundo ay bumagsak na ako sa dibdib ni Arkin at nawalan na ng malay. Huli ko na lang narinig ang sigaw ng mga tao.
________________________________________________________________________________
.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro