Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

30


"Happy birthday, Yanna!"


Sinindihan ko kaagad ang kandila habang gulat na gulat si Yanna pagkapasok sa condo ni Samantha. Kauuwi lang niya galing school at naka-uniform pa nang i-surprise namin siya rito. Buhat-buhat ni Arkin si Avrielle habang kumakanta naman ng 'Happy birthday' sina Luna. 


"Ano ba 'yan, may paganito pa," reklamo niya pagkababa ng bag niya sa gilid pero lumapit din naman sa amin para mag-blow ng candle. Pumikit siya at humiling bago hinipan ang kandila. 


"Puta, sa mukha ko napunta 'yong usok, ah?!" reklamo naman ni Sevi na may hawak ng cake. Binatukan siya ni Yanna bago dumeretso kay Avi para buhatin ito at halikan sa ulo dahil pumapalakpak din ito kanina. 


"Mga naka-uniform pa kayo," sabi ni Yanna sa amin pagkaupo sa sofa. Naka-uniform kasi kami nina Kierra dahil dumeretso kami galing school. Si Arkin at Sevi ang nauna rito para tulungan si Sam maghanda ng cake at mga design. "Salamat..." 


Hindi naman pala-celebrate si Yanna ng birthday niya dahil sabi niya wala naman daw kwenta ang mga ganoon. Ano naman daw kung nabuhay pa siya nang isa pang taon? Hindi naman daw niya ginusto 'yon! Pero noong dumating si Avi, bawat birthday ng anak niya, todo ayos pa siya. 


Iyon lang ata ang birthday na hindi kami nag-inom nang malala dahil ang daming energy ni Avrielle at ayaw niyang matulog. Tuwang tuwa tuloy ang mga Tito niyang si Sevi at Arkin sa pangungulit sa kaniya. Lumabas muna ako sa balcony para samahan sina Sam doon na nagpapalamig. Beer lang ang hawak nila at kaya sila nasa labas ay dahil tinatago nila kay Avi. 


"Masaya ka ba?" rinig kong tanong ni Luna kay Sam pagkalabas ko. Sumandal na rin ako sa railings habang hawak ang beer sa kamay. Halos hindi ko pa nababawasan 'yon. 


"I'm okay," nakangiting sagot naman ni Samantha. 


"Hindi ko tinatanong kung okay ka lang. Ang tanong ko, masaya ka ba?" tanong ulit ni Luna. "Wala na kayo, 'di ba?" 


"You're so straightforward. Grabe ka, ha... Nakakasakit ka na." Tumawa pa si Samantha pero rinig na rinig ko naman ang sakit sa boses niya. Napangiwi si Kierra at umiling-iling sabay inom sa beer niya. "Of course not. Why would I be happy?" 


"Inamin mo rin," sabi ko habang nakasandal. 


"It was for the better." She gave us a sad smile before letting out a heavy sigh. Ang bigat noon, ah. Parang ang lalim ng pinaghugutan ng buntong-hininga na 'yon. "But 'better' doesn't mean I have to be happy for what happened between us." 


"Huwag na kayo maghiwalay ni Arkin, ha..." sabi bigla ni Kierra sa akin. "Kapag naghiwalay pa kayo, hindi na talaga ako maniniwalang may totoong pagmamahal pa sa mundong 'to. Lahat peke at lahat pansamantala lang." 


"May problema ka, sis?" pang-aasar din ni Luna bigla. "Pero oo nga, Via. Noong una man, medyo weird kasi tropa tayong lahat tapos biglang kayo na kahit ilang taon n'yong dineny, ngayon, pakiramdam ko guguho rin mundo namin kapag naghiwalay pa kayo ni Arkin. Isipin mo, ilang taon kayong magkasama, oh." 


"You risked your years of friendship for this relationship. I hope it's all worth it in the end," sabi naman ni Sam. 


Bumukas ang pinto at lumabas naman si Yanna, nakaligo na at nakapagpalit na ng damit. "Buti narinig ko pinag-uusapan n'yo. Hoy, Via, simula yata pagkapanganak ay magkasama na kayo ni Kino. Buti hindi ka nagsasawa sa mukha noon?"


"Gwapo rin naman kasi, sis." Tumango-tango si Luna. 


"Sabagay." Nagkibit-balikat si Yanna. "Huwag n'yo na lang iparinig sa tarantadong 'yon dahil lalaki lalo ulo noon, parang si Baste." 


"Baste amputa!" reklamo ni Sevi na sumilip sa sliding door. Naroon pala 'yong dalawa?! Sumilip din tuloy ako at nakitang malayo pala si Kino dahil abala kay Avrielle. Mabuti na lang. Siya kasi ang pinag-uusapan dito. 


"Kayo rin ni Elyse! Huwag na kayo maghiwalay, ha!" sabi rin ni Luna. "Alam kong bitter ako pero sa totoo lang, gusto ko kayong masaya..." 


"Pucha, lasing ka ba?" tanong kaagad ni Yanna sa kaniya. "At bakit sila lang? Masaya rin naman kahit walang jowa! Hindi natin kailangan 'yan!" 


"Tanga, Luna, hindi na kami maghihiwalay! Nakaplano na future namin no'n! Pati bahay namin na ikaw mag-dedesign, nakaplano na rin." 


"Bakit siya? Ayaw mo sa amin ni Via?" reklamo naman ni Kierra. "May favoritism yata tayo rito."


"Bakit? Ako rin ba ang unang engineer na iniisip mo na gagawa ng bahay mo?! Hindi ba si Theo?!" reklamo rin ni Sevi. "Taking advantage porket makaka-discount ka, ha!"


Nagtalo-talo na naman sina Luna, Kierra, at Sevi. Mayamaya ay nakisali na rin si Yanna kaya nagtaka na si Kino at lumabas ng balcony. Pumasok naman si Yanna para kay Avrielle habang si Arkin ay pumunta sa tabi ko at niyakap ako mula sa likod. Sinandal niya ang likod niya sa railings ng balcony at sumandal naman ako sa dibdib niya habang nakikipagkwentuhan kina Luna. 


"How's Clea?" tanong ni Sam kay Arkin bigla. "How is she at work? Is she doing okay? I heard Adonis is completely ignoring her now." 


"Si Clea pa ba? Napaka-professional noon. Hindi mo mahahalatang may pinoproblemang ganoon. Ngayon ko nga lang nalamang hindi pala siya okay." Naramdaman ko ang kibit-balikat ni Arkin mula sa likod ko. Inayos ko naman ang pagkakasandal ko sa kaniya. "You okay, baby?" bulong niya sa tenga ko. 


Nag-init ang pisngi ko at agad tumango sa kaniya. Napangiti pa si Sam at umiwas ng tingin pagkakita sa amin ni Arkin. 


"I can't blame Adi. He's really busy with law school right now and getting in a relationship is the least of his priorities. We can't blame the guy if he doesn't like her. Well, he rejected me too." Tumawa si Sam. Naalala ko na naman tuloy 'yong nangyari noon! Siya nga pala 'yong lalaking crush ni Sam noon na nilayasan siya sa Pop Up. Nakakatawa tuloy isipin. 


"Na-reject na rin naman ako, Sam, huwag kang mag-alala. Kahit mga gwapong katulad ko, nasasaktan din naman," pagyayabang ni Arkin. Kadiri naman. 


"Kung ako si Via, ide-date kita for one week kasi gwapo ka pero hihiwalayan din kita kaagad kasi maraming kaagaw," sabi naman ni Luna. 


"Hindi naman ikaw si Via," pakikipagtalo ni Arkin. 


"Ako, pare, kung ako si Via, ide-date kita for one hour para lang masabi kong may ex akong pogi," nakangising sabi naman ni Sevi. 


"Salamat, pare. Pogi mo rin talaga." Nakipag-apir pa si Arkin. "Mukha kang gago, tanga," sabi niya sabay bawi niya ng kamay niya at sinampal na lang 'yon nang mahina sa mukha ni Sevi. 


Pagkatapos ng May ay nag-take lang kami ng finals at bakasyon na naman. Wala naman masyadong nangyari sa bakasyon ko. Hindi ko nga matatawag na bakasyon dahil may apprenticeship kami pero tuwing may free time, nagsimula lang akong sumama kay Arkin, Sevi, at Luna sa gym. May isang beses na sinama niya si Elyse doon pero wala naman si Luna kaya parang naging double date pa sa gym?! 


"Stop! Sev! Stop it!" reklamo ni Elyse habang pinupunasan ni Sevi ang pawis niya sa mukha gamit ang malinis na towel. Gumagawa ako ng sit-ups kaya naman nakikita ko sila sa harapan ko. Abala si Arkin sa pag-lift ng weights doon kaya naman ako lang ang mag-isang nakakanood ng ginagawa noong dalawa. "Okay na! You wiped all the sweat already!" 


Pinatalikod pa siya ni Sevi para mapunasan sa likod na parang bata. Sumimangot si Elyse at nagkrus na lang ng braso sa dibdib habang hinihintay matapos ang jowa niya sa pag-aalaga sa kaniya. Wow, may ganitong side pala si Sevi. Napaiwas ako nang magtama ang tingin namin ni Elyse. 


More on flexibility ang exercises ni Elyse dahil sa cheerdance. Noong nag-cocool down siya, namamangha pa ako dahil split na split ang legs niya habang nakababa ang katawan sa mat. Hindi ko nga abot 'yon. Pakiramdam ko ay sasakit buto ko sa likod. 


"Tara na, bebe. Maligo ka na. Baho ka na." Hinatak na ni Sevi patayo si Elyse, dala-dala ang towel nito at mga damit. Napapangiwi ako tuwing ganoon si Sevi. Hindi naman siya ganiyan! Ang dalang ko siyang marinig na malambing ang boses, ah?! 


"What are we eating after this, babe?" rinig kong tanong ni Elyse habang naglalakad sila paalis. Ang tangkad ni Sevi sa tabi ni Elyse. Nakakatawa pero ang cute. Narinig ko pa ang tawa nito sabay talon para makasakay sa likod ni Sevi, kinukulit ito.


"Ang lalandi n'yo!" Napalingon ako kay Arkin nang mapansing nasa tabi ko na pala siya habang nag-cocool down ako. Ngumiti siya sa akin at lumingon sa paligid. Wala namang tao dahil maaga pa. Ang balita ko before opening pumupunta sina Sevi, Arkin, at minsan si Elyse dito sa gym para walang tao. 


"Tapos ka na?" tanong ko sa kaniya habang inaabot ang paa ko. 


"Tapos na. Hintayin na lang kita bago mag-shower," sabi niya naman sa akin. Kinuha pa niya ang towel sa balikat ko at pinunasan din ang noo ko. Ano bang mayroon sa kanila ni Sevi at pareho rin silang lumandi? "Ang ganda mo pa rin kahit pawis, 'no?" kaswal na tanong niya.


"Hindi ka nakakatuwa," seryosong sabi ko. Parang insulto 'yong sinabi niya sa akin dahil alam kong mukha akong tanga ngayon! Ang gulo ng buhok ko dahil lumuwag na ang ipit ko at puro pawis pa. Tinawanan niya lang ako at pinisil ang pisngi ko. 


Naging abala lang ako sa apprenticeship sa kumpanya nina Luna. Ayaw ni Luna at Kierra roon dahil gusto nilang mag-explore ng iba pang kumpanya para mas maraming matutuhan. Iyon lang ang inatupag ko hanggang sa mabilis na dumating ang 5th year, 'yong last na taon ko sa Architecture.


Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang kinaya kong igapang ang kursong hindi ko rin sigurado kung gusto ko ba o hindi. Wala akong nararamdamang passion katulad nina Luna at Kierra at parang ginagawa ko lang siya kasi kailangan. Nagbibigay ako ng effort, oo, pero para lang makapasa. Pinipilit ko na lang ang sarili kong mahalin ang kursong 'to. 


"Via, tumawag ang Tita mo..." 


Napatigil ako sa paglalakad paakyat nang tawagin ako ni Papa sa kusina. Kagagaling ko lang ng school at hindi ko pa nababa ang mga gamit ko pero pumunta na akong kusina at umupo roon para pakinggan kung ano ang napag-usapan nila. 


"Aayusin na raw niya ang papeles mo papuntang Spain pero ang suggest niya raw sa 'yo ay mag-intern ka muna rito at mag-boards bago ka pumunta roon," pagpapaliwanag ni Papa. 


"Matagal po ba ako roon?" Nakagat ko ang ibabang labi ko nang ma-realize na hindi ko pa pala nasasabi kay Arkin ang tungkol dito pero matagal pa naman kasi ako aalis kung magte-take pa ako ng boards dito. 


"Magtatrabaho ka lang para sa Tita mo nang ilang taon. Malaki rin ang sasahurin mo sa kaniya. Kung gusto mong mag-aral ulit doon, pwede ka rin niyang pag-aralin," sabi ulit ni Papa. 


Tumango na lang ako dahil wala naman akong choice kung hindi umalis. Si Tita ang tumutulong sa tuition ko kaya kailangan kong ibalik lahat ng 'yon sa kaniya sa pamamagitan ng pagtatrabaho at pagsama sa kaniya sa Spain. Dumeretso na lang ulit ako sa kwarto ko at naligo bago humiga sa kama, nakatulala na lang sa kisame. 


"Kaunting taon lang naman, 'di ba?" tanong ko sa sarili ko. Ang iniisip ko ay kung paano ko sasabihin kay Arkin ang tungkol dito. Baka naman magbago pa ang isip ni Tita kaya huwag muna. Hindi ko na muna sasabihin. Matagal pa 'yon.


Ang dapat na isipin ko ngayon ay kung ano ang gagawin ko pagkatapos kong grumaduate. Kailangan ko pa ring magkaroon ng part-time job habang intern para naman makatulong pa rin sa gastusin pagka-graduate. 


"Pero anniversary natin 'yon!" inis na sabi ko kay Arkin habang gumagawa ako ng plates. Nagpapaalam siya sa akin ngayon dahil may shoot daw sila ng commercial sa isang malayong resort at doon sila magii-stay ni Clea at ng crew for 2 days. Matatamaan pa ang anniversary namin. 


"Sinubukan kong ipa-move pero hindi talaga kaya..." Kabadong kabado ang hitsura ni Arkin ngayon at nilalaro pa ang daliri niya habang nakaupo nang maayos sa sofa ng condo niya. Nasa sahig ako at abala sa ginagawa. 


"Bahala ka sa buhay mo," seryosong sabi ko at hindi na siya pinansin buong gabi. 


Hindi naman sa petty ako pero nakakainis naman talagang wala siya sa araw ng anniversary namin. Sa totoo lang, wala naman akong pakialam sa mga ganito noon pero noong nagkarelasyon kami ni Kino, pati ang mga araw na ganoon, naging malaking bagay na para sa akin. 


"Babe..." Sinubukan niya akong suyuin habang umiinom ako ng tubig sa kusina, handa nang matulog. 


Hindi ko siya pinansin at dumeretso na lang sa kwarto niya para kuhanin ang unan at pumunta ulit sa living room. Narinig ko ang reklamo niya nang nilapag ko ang unan sa sofa at doon ako humiga. Nagtakip na rin ako ng kumot para hindi na niya ako guluhin.


"Mahal!" reklamo niya at narinig ko siyang padabog na naglalakad palapit sa akin. 


Hindi ko siya makita dahil nakatalukbong ako ng kumot. Mayamaya, napasigaw na lang ako nang may maramdaman akong mabigat sa tabi ko. Tinanggal ko ang kumot at nakita si Arkin na pilit sinisiksik ang sarili niya sa tabi ko! Kasya naman kami sa sofa pero mahuhulog siya kapag gumalaw-galaw pa siya! 


"Doon ka nga!" inis na sabi ko habang sinisiksik niya pa rin ako. Hindi ko naman siya magawang itulak dahil baka mahulog sa sahig at masaktan ang sarili. 


"Sa kama na tayo matulog. Masikip dito," sabi niya pa sa akin.


"Matulog ka roon mag-isa." Ewan ko ba rito! Kailangan ba palaging tabi?! Alam ko namang matagal naming hindi nakikita ang isa't isa dahil pareho kaming busy pero nakakainis dahil iyong balita na 'yon ang bungad niya! 


Impit akong napasigaw nang tumayo siya at binuhat ako papunta sa kama. Inis ko siyang hinampas ng unan at tatakbo na sana palabas para bumalik sa sofa pero napalupot niya ang braso niya sa bewang ko at binuhat ako pabalik sa kama! Ang lakas na yata niya ngayon, ha?! 


"Bwisit-" Napatigil ako sa pagsasalita ko nang hawakan niya ang baba ko at hinalikan ako. Hindi ako nakapagsalita pagkatapos. Nakatitig lang siya sa mga mata ko habang ako ay nakaiwas. 


"I'm sorry. I'll try my best to finish that shoot and go home immediately. One take... Gagawin ko 'yon in one take," sabi niya sa akin habang hinahabol ang tingin ko. Natawa siya nang kung saan-saan na ako tumitingin. Hinalikan niya ako sa noo at sunod naman sa pisngi. "I'm sorry, love. What can I do so you won't get mad at me anymore?" 


"Bumalik ka kaagad," iritang sabi ko at humiga na para matulog. 


Bumuntong-hininga siya at tumayo na para patayin ang ilaw. Pagkabalik niya sa kama ay niyakap niya kaagad ako patalikod at hinalikan ang leeg ko. Nanghina kaagad ako at pinikit ang mga mata ko, pinipilit na matulog na. 


"Arkin," mahinang sabi ko nang maramdaman ang kamay niya sa loob ng shirt ko habang nakatalikod ako sa kaniya. 


"Hmm?" tanong niya pabalik sa akin. Hindi na ako nakapagsalita nang hawakan niya ang dibdib ko. Niyakap ko na lang ang unan habang nanatili roon ang kamay niya. Pinipilit kong matulog pero kanina niya pa ako kinukulit! 


Kinakabahan na tuloy ako! Ito na ba?! Ngayon ba niya gustong gawin?! Wala na iyong binigay ni Sam! Na-expired na sa sobrang tagal! Akala ko kasi ay malapit na pero mahaba pala talaga pasensya ni Arkin. 


"M-matulog ka na," nautal pa ako roon. Narinig ko ang tawa niya bago binalik ang kamay niya sa bewang ko. Hinalikan niya na lang ang ulo ko bago natulog. Napatawad ko na tuloy siya kaagad! Nakakapanghina kasi siya. 


Kinabukasan, kumakain lang ako ng snacks sa loob ng room habang wala ang iba dahil tumambay sa iba't ibang lugar. Tumabi si Dan sa akin habang nakatingin sa mukha ko kaya nilingon ko siya at tinaasan siya ng kilay.


"Ano na naman?" masungit na tanong ko sa kaniya. 


"Kayo pa rin ng boyfriend mo?" curious na tanong niya bigla sa akin. Naalala ko na naman 'yong gabing hinatak ako paalis ni Arkin. Napansin kaya ni Dan na si Arkin 'yon? Bakit hindi siya nagtanong pagkatapos? 


"Oo," maingat na pag-amin ko. Tumango-tango siya habang nag-iisip. "Bakit?" 


"Ang tagal n'yo na rin, ah," comment niya na naman. Hindi ko siya pinansin dahil baka may masabi ako at may mapansin siyang kakaiba. "Alam mo ba, sabi ng Kuya kong taga-media, hindi raw masyadong nagkakasama 'yong ArClea. 'Di ba Arkin fan ka? Tingin mo seryoso sila? Hindi pa rin ako naniniwala."


"Ang daldal mo naman. Maniwala tayo o hindi, buhay pa rin nila 'yon. Gawin nila ang gusto nila," sabi ko naman. "Teka, taga-media Kuya mo?" 


"Oo, alam mo ba, ang dami kong nalalamang balita galing sa insider." Lumapit siya sa akin para bumulong. "Si Samantha Vera, na-engage daw noon." 


"H-huh?!" Agad akong lumayo sa kaniya. "Saan mo naman nalaman 'yan?" 


"Kaibigan ng kaibigan ng Kuya ko. Naroon daw siya sa engagement party pero break na raw yata kaya wala nang kwenta ibalita. Gusto mo pa? Balita ko may iba raw gusto si Clea noon pero hindi raw siya gusto kaya rebound niya raw si Arkin," bumulong ulit siya.


"Chismis lang 'yan," sabi ko ulit habang kumakain. "Naniniwala ka naman sa mga chismis."


"Malay mo... Saan manggagaling ang chismis kung walang bahid ng katotohanan, 'di ba?" Ngumisi pa siya at humawak sa baba niya. 


Kinabahan na ako kaya hindi ko na siya pinansin. Ano ba? May alam ba siya tungkol sa akin o wala? Ang hirap niya naman basahin. Clea fan pa naman siya simula rati. What if he was digging dirt on Arkin? Wala kasi siyang tiwala kay Kino para kay Clea. Sinasabi niya 'yon dati pa. 


Lumipas ang dalawang linggo at dumating ang araw ng anniversary namin ni Arkin. Friday 'yon at may klase ako kaya naman hindi ako masyadong nakapaghanda. Wala naman akong ihahanda dahil hindi pa sigurado kung totoong makakabalik si Kino nang maaga. 


"Arkin at Clea, having a date on the beach," pagbabasa ni Luna ng news. "Sus, anong date?! Commercial 'yan!" pang-aaway niya pa sa article. 


"Mas affected ka pa sa jowa," sabi naman ni Kierra habang naglalakad kami sa Lover's Lane, kumakain ng ice cream. 


"Anniversary nila ngayon tapos may ganito?! Hindi ako si Via pero naiinis ako! Paano mo nakakayanan 'to?!" Parang lalabas na ang puso ni Luna sa dibdib niya sa sobrang galit.


"Okay lang. Nagpaalam naman siya." Iyon na lang ang sinabi ko. Wala naman akong magagawa. Hindi naman siya pumunta roon dahil trip niya lang. Trabaho niya 'yon. Hindi naman siya pwedeng magdahilan sa manager niya na may schedule siyang iba dahil manager niya 'yon. Alam ng manager niya lahat ng schedule niya. Hanggang ngayon, hindi pa nga rin lang alam ng manager niya na may girlfriend si Arkin sa labas ng showbiz. 


Ang regalo ko lang kay Arkin ay painting naming dalawa sa Sunken Garden habang sunset. Nakatalikod kaming dalawa at may hawak siyang gitara. Wala akong maisip dahil mukhang kaya naman niyang bilhin lahat. Sumulat na lang ako ng letter kahit ang corny. First time ko yata siyang sinulatan? Hindi ko na matandaan, pero first time kong nag-celebrate ng anniversary... Mag-isa nga lang sa ngayon. 


"Inom muna tayo," aya ko sa kanila.


Napatingin silang dalawa sa akin bago nagkatinginan. Sabay pa silang tumango na para bang nagkakaintindihan silang dalawa bago ako hinatak papuntang Dapitan. Akala yata nila ay broken ako kaya nag-aaya ako uminom pero gusto ko lang talaga magpalipas ng oras para hindi ako naiinip kakahintay kay Arkin. 


Ang sabi ko ay chillnuman lang pero nag-order pa sila ng gin. Mabilis pa naman akong malasing doon kaya ayaw ko noon. 8 PM na yata ay wala pa ring text si Arkin at nalalasing na ako. 


"Ayaw ko na," lasing na sabi ko at tinulak na palayo sa akin ang last shot ng gin. Tumango si Luna at siya na ang uminom para sa akin. 


"Tara, dinner na muna. McDo tayo," aya ni Luna sa amin. Ako lang yata ang nalasing sa aming tatlo! Mahina talaga ako sa gin! Para akong tangang tinatawanan lahat ng makita ko. Pati iyong nadulas sa gilid ng daan ay tinawanan ko pa kaya muntik na kaming mapaaway. Hawak na ako ni Luna sa bewang dahil natutumba na ako sa paglalakad. 


"Kumain ka na, Via. Huwag kang makulit," sabi ni Kierra sa akin dahil nilalaro ko iyong ice sa coke. Pinapaikot-ikot ko 'yon at nilulusot ang yelo sa straw ko. Natapon pa nga ang isa kaya mas lalong na-stress si Luna. 


"Via, mapapalayas tayo rito," sabi sa akin ni Luna habang nililinis ang table gamit ang tissue. Sumimangot ako at kumain na lang ng chicken na in-order nila para sa akin. 


"Luna, ang cute mo talaga..." Hinawakan ko ang dalawang pisngi niya at tumawa. Hinalikan ko pa siya sa pisngi at kinurot. Napatingin siya kay Kierra para manghingi ng tulong. "Miss ko na jowa ko..." sabi ko ulit at dumukmo sa lamesa, paiyak na. 


"Hala, huwag kang umiyak! Parating na 'yon! Promise!" sabi pa ni Kierra sa akin. 


"Hindi na niya ako mahal..." naiiyak na sabi ko at umayos ng upo. "Anniversary namin, Ke... tapos naroon siya sa iba! Sa iba!" Napalakas yata ang boses ko dahil may mga napatingin sa amin. 


"Hello? Oo... Nandito nga kami sa..." Tumayo si Luna at umalis habang may kausap sa phone. Patuloy akong umiyak kay Kierra habang nagrereklamo ng mga hinaing ko kay Arkin. Hindi niya alam ang gagawin niya kaya naman kinuha niya na lang ang mga bag namin at inalalayan na ako palabas. Nakakahiya na raw sa iba! Nakakahiya ba ako, huh?! Nakakahiya ba ako?! 


"Lahat kayo kinakahiya ako!" sabi ko nang makalabas kami. Umupo na lang ako sa may gutter at napatakip sa mukha ko. "Lahat kayo, pati si Arkin! Hindi n'yo ba ako mahal?!" Umiyak ulit ako.


"Via, tara na. Tumayo ka na riyan dahil marumi." Sinubukan akong hatakin ni Kierra patayo pero umupo ulit ako at mas lalong umiyak. Nilakasan ko pa 'yon kaya napapatingin na sa akin ang ibang dumadaan. "Via... Huwag kang maingay. Mahal ka noon, promise..." 


"Kayo ba ang ka-anniversary ko, huh?! Bakit kayo ang kasama ko?! Sayang naman 'yong painting na gawa ko! Dala-dala ko pa!" Kinuha ko ang bag na dala ko at nilabas ang maliit na canvas para ipakita sa kaniya. "Look! Maganda naman, 'di ba?!" 


"Oo, maganda," sabi niya habang tinatago ulit 'yon sa bag ko. "Oh, ayan na si Luna. Tara na. Ihahatid ka na namin pauwi." 


Nagtakip ulit ako sa mukha ko. "Ayaw kong umuwi," naiiyak na sabi ko ulit. 


"Bakit ayaw mong umuwi?" 


Napatigil ako nang marinig ang boses ni Arkin. Hinawakan niya ang dalawang palapulsuhan ko para alisin ang takip sa mukha ko. Nasa tapat ko na siya at nakaluhod ang isang tuhod habang naka-facemask at cap. 


"Tara na, babe. Tumayo ka na. Uuwi na tayo," malambing na sabi niya. "Lasing ka na." 


Natahimik ako nang makita siya sa tapat ko. Naamoy ko pa ang pabango niya kahit galing siya sa byahe. Siya pala ang kausap ni Luna kanina! Inalalayan ako ni Arkin patayo pero nahihirapan na ako maglakad kaya naman sinakay niya na lang ako sa likod niya. Nakakahiya dahil may mga tao pa kaya naman tinago ko na lang ang mukha ko sa may leeg niya. 


"Sorry, Luna, Ke," sabi ni Arkin. "Hatid ko na kayo pauwi. Commute ba kayo?"


"Huwag na! May dadaanan pa kami ni Ke! Mag-alone time na kayo ni Via! Shenglot na 'yan! Ingat kayo!" Hinatak na ni Luna si Kierra paalis. Kumaway na lang si Arkin bago naglakad papunta sa sasakyan niyang naka-park sa may Dapitan. 

Naramdaman kong binaba niya ako sa shotgun seat ng sasakyan niya at nilagyan ako ng seatbelt bago sinara ang pinto at umikot sa driver's seat. Pagka-start niya ng sasakyan ay lumingon muna siya sa akin at tinanggal ang cap at facemask niya. Hinawakan niya ang pisngi ko para iharap ang mukha ko sa kaniya.


"Happy anniversary, mahal," marahang sabi niya, halatang pagod sa shooting.


"Pakyu!" inis na sabi ko at tumingin na lang sa bintana.


"Lasing ka na nga." Bumuntong-hininga siya at nag-drive na paalis. 


Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin pero alam kong hindi 'yon pauwi! Narinig ko pang kausap niya si Papa sa phone pero hindi ko na pinansin ang usapan nila dahil abala ako sa pag-iisip kung paano ko aawayin si Arkin. Umabot naman siya pero malapit na mag-madaling araw! 


"Hindi ko na ibibigay regalo ko sa 'yo," inis na sabi ko, lasing pa rin. 


"Bakit naman?" mapang-asar na tanong niya habang nagda-drive. "Bumalik naman ako kaagad, ha? Sabi ko sa 'yo, one take nga." 


"Malapit na matapos anniversary natin bago ka bumalik! Si Luna at Kierra na ang jowa ko dahil sila naman ang kasama ko sa araw na 'to!" patuloy na pagrereklamo ko. "Palagi mo na lang akong pinaghihintay..." Naiiyak na ulit ang boses ko.


Nag-panic siya kaya binilisan niya ang pagda-drive. Patuloy lang akong nagrereklamo sa kaniya habang pinipigilan ang iyak ko. Hinawakan niya naman ang kamay ko habang nagda-drive at nakikinig sa akin, paulit-ulit na nagso-sorry. 


"Mas mahal mo siguro manager mo," sabi ko ulit.


Tumawa siya saglit at umiling. "You're the only one I love." 


Hininto niya ang sasakyan sa gilid kung saan tanaw ang city lights at sinabihan akong bumaba. Nasa Rizal yata kami. Sumandal siya sa gilid ng sasakyan niya habang nasa tapat niya ako. 


"Ano pa ang hinanakit mo?" malambing na tanong niya at humawak sa bewang ko. Walang tao sa lugar at halos walang dumadaang sasakyan. 


Ngumuso ako at paiyak na ulit dahil wala na akong masabi at pakiramdam ko inaasar niya na lang ako. Hinatak ko na lang pababa ang mask na suot niya at hinalikan siya sa labi bago lumayo at tinaas ulit 'yon. 


Naestatwa siya sa ginawa ko pero niyakap rin ako sa bewang nang isandal ko ang ulo ko sa dibdib niya, inaantok na dahil sa alak. Hinaplos niya rin ang buhok ko at hinalikan ako sa gilid ng ulo ko habang ang bigat ng katawan ko ay nasa kaniya na. 


"We'll always be together, mahal," bulong niya sa akin. "Whatever happens." 


"I love you," inaantok na bulong ko. 


Natahimik kaming dalawa hanggang sa maramdaman kong makakatulog na nga ako sa tabi niya. Inalalayan niya ako para umayos ako ng tayo bago niya binuksan ang shotgun seat at pinaupo ako roon. Pagkasuot niya ng seatbelt ko ay lumingon siya saglit sa gilid. Matagal siyang nakatingin doon hanggang sa tawagin ko siya ulit.


"Uwi na tayo, Kino," sabi ko. 


Sinara niya kaagad ang pinto at mabilis na umikot sa driver's seat. Hindi na siya nagsalita pauwi. Pakiramdam ko ang tagal bago niya ako nahatid pauwi dahil kung saan-saan siya dumaan at ang bilis pa ng pagmamaneho niya. Akala ko nga ay sa condo niya kami dederetso pero dumeretso siya sa parking ng condo ni Sam. 


"Yeah, narito na 'ko," seryosong sabi ni Arkin sa phone kaya nagising ulit ako. Naka-park na kami ngayon. Takang taka na ako kung bakit narito kami. "Babe, ihahatid ka ni Sam pauwi sa inyo..."


"Huh? Bakit?" nagtatakang tanong ko.


"Ah, may kailangan lang akong puntahan tsaka nakainom ka na kaya kailangan mo nang umuwi." Hinalikan niya ako sa noo bago bumukas ang pinto at inalalayan ako ni Sam pababa. "Ingat kayo..."


"Got it," sabi naman ni Sam at inalalayan ako paalis. 


Hindi ko maintindihan kung anong nangyari pero nagising na lang ako sa amoy ng kape at tinapay. Bago na rin ang damit ko at nasa kwarto ako ni Sam! Pagkalabas ko ay nakita kong kumakain na ng breakfast si Yanna at Samantha, pati si Avrielle. 


"Morning, sunshine," nakangiting bati ni Sam. "You were so drunk last night, huh?"


"Siraulong Luna at Kierra 'yon. Bakit ka nilasing?" parang nanay na tanong naman ni Yanna sa akin. "'Di ba sabi ko, uminom ayon sa kakayahan." 


"Si Arkin?" tanong ko dahil hindi ko gaanong maalala. 


"Oh, he had somewhere to go to. Emergency," nakangiting sabi ni Sam. "You should eat first. Hindi na kita nahatid kagabi because you passed out. Ihahatid kita today." 


Wala na akong choice kung hindi kumain na lang hanggang sa makauwi. Nakita kong nag-text si Arkin sa akin ng 'good morning' pero hindi na siya nakapag-reply ulit. Tumawag lang siya noong gabi bago matulog. Mukhang pagod ang boses niya kaya sinabihan kong matulog na siya. Hindi ko pa pala nabibigay sa kaniya 'yong painting na gawa ko. Nakalimutan ko! 


Kinabukasan, maaga akong pumasok dahil may tinapos pa akong plates. Nagulat ako nang maaga ring pumasok si Dan na may dalang kape at umupo kaagad sa tabi ko. Tinignan ko ulit siya at tinaasan ng kilay. 


"Via," tawag niya bigla kaya napalingon ako sa kaniya. "Nakita ko... sa kuya ko..." Hindi siya makapagsalita nang maayos.


Napakunot ang noo ko. "Ano?" 


Umiwas siya ng tingin at sumimsim muna sa kape niya, mukhang hindi alam kung paano magsasabi. Kinabahan ako bigla dahil sa hitsura niya.


"Ano 'yon?" ulit ko.


"Pictures..." mahinang sabi niya. Napakunot ang noo ko dahil hindi ko gaanong narinig. "Wala, Via. Huwag kang mag-alala." Tumayo na kaagad siya at naglakad papunta sa upuan niya.

________________________________________________________________________________

.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro