24
"Ako dapat girlfriend mo. Hindi siya..."
Tumawa kaagad si Arkin at lumapit sa akin para iluhod ang isang tuhod niya sa sahig habang nakaupo ako sa kama, pinapatahan ang sarili ko. Naiiyak ako sa inis tuwing naiisip kong hinalikan niya si Clea! Kitang kita pa sa movie! Ilang take kaya 'yon?! Mas nainis lang ako kaya naiyak ako lalo.
"Ikaw nga ang girlfriend ko." Inabot niya ang mukha ko para punasan ang mga luha ko gamit ang thumb niya. Natatawa na siya sa itsura ko ngayon dahil ayaw tumigil ng luha ko kaya punas siya nang punas. "Tahan na..."
"Ilang take 'yon, ha?! 'Yong kiss?!" Mahina kong sinipa ang tiyan niya kaya napahawak siya roon, natatawa pa rin sa akin. "Bakit ka ba tumatawa?!"
"Tatlong take 'yon kasi kailangan ng ibang angle," pagpapaliwanag niya sa akin. Nabuo lang lalo ang galit sa puso ko kaya hinampas-hampas ko ang braso niya. Mahina lang 'yon kaya tinatawanan niya lang ako imbis na masaktan. "Sorry na."
Nanghina ang mga kamay ko nang hawakan niya ang dalawang palapulsuhan ko para hindi ko na siya mahampas. Umayos siya ng tayo at bigla akong tinulak pahiga sa kama habang hawak niya pa rin ako. Nilagay niya ang isang tuhod niya sa kama bago tinaas sa ulo ko ang dalawang kamay ko gamit ang isa niyang kamay dahil ang isa ay nakatungkod sa gilid ko.
"Ikaw pa rin naman 'yong una kong hinalikan," pampalubag-loob niya. "Wala lang 'yong kay Clea. Trabaho lang talaga, Via..."
"Isang beses mo lang ako hinalikan! Tatlong beses sa kaniya! Parang ako pa ang trabaho rito!" Reklamo ko sa kaniya. 'Yong pangalawang beses ay ako ang humalik, hindi siya!
"E' 'di sige, babawi ako sa 'yo."
Hindi ako nakapagsalita nang lumapit siya at hinalikan ako sa labi nang tatlong beses. Mabilis lang 'yon bago siya tumigil at tinitigan ang mukha ko. Hindi na tuloy ako umiiyak. Namumula na ang pisngi ko at ang bilis ng tibok ng puso ko.
Nang wala akong sinabi ay lumapit ulit siya para halikan ako. Nilagay niya ang dalawa kong braso sa balikat niya para mayakap ko ang leeg niya palapit. Napapikit ako nang kagatin niya ang ibabang labi ko. He did that to force my mouth open before pushing his tongue inside. Hindi ko alam ang gagawin ko! Napakunot na lang ang noo ko, kabadong kabado. He tasted every corner of me before sucking on my lower lip a bit. Nang pakawalan niya ako ay tinitigan niya ulit ako.
"Lamang na halik ko sa 'yo," bulong niya bago umayos ng tayo at ngumisi. Hinatak niya rin ang mga kamay ko para mapaupo ako ulit sa kama bago niya inayos ang buhok ko.
"Holding hands pa kayo noong mall show," bitter na sabi ko at umirap. Ngumiti ulit siya at hinawakan ang kamay ko.
He intertwined our hands together before looking at me again. "Ano pa? Ano pang gusto mong gawin ko, hmm?" Nang-aasar ang tono niya.
Umiling ako at bumuntong-hininga, iniisip kung paano namin itatago ang relasyon naming dalawa. Alam ko namang hindi niya pwedeng ipagsigawan sa mundo na may girlfriend siyang iba lalo na't nagsisimula pa lang siyang umangat kasama si Clea. Totoong nabuhat ni Clea lalo ang fame niya noong nagka-movie sila dahil mas matagal sa industriya at mas sikat si Clea sa kaniya.
"Anong iniisip mo?" Umupo siya sa tabi ko at hinawakan ang isa kong pisngi para palingunin ako sa kaniya.
"Kailangan nating itago 'to, hindi ba?" Tanong ko sa kaniya. Napaawang ang labi niya bago umiwas ng tingin sa akin. "Okay lang naman sa akin... Okay na ako kahit tayo lang dalawa ang nakakaalam. Hindi naman natin kailangan ng permiso ng iba."
"Kapag... sinabi kong single ako sa interview, huwag mo sanang masamain. Kapag nautusan ako ng manager ko gumawa o magsabi ng kung ano-ano para sa publicity, sana huwag kang magalit sa akin... Babawi ako sa 'yo." Mukhang alam niya rin ang pwedeng mangyari. Akala ko ay ipipilit niyang ipaalam sa iba. Mabuti na lang at iniisip niya na rin ang sarili niya ngayon. "Hindi ko gagawin 'to dahil gusto ko... I also don't want to put you in my spotlight kasi alam kong iniiwasan mo 'yon."
Tumango ako, naiintindihan kung saan siya nanggagaling. Alam niyang ayaw kong magaya kay Mama. Ayaw ko ng atensyon kaya pilit kong iniiwasan ito. Kahit wala siyang loveteam ngayon, gusto ko pa ring gawing private ang relasyon namin dahil ayaw kong madamay sa kasikatan niya. Okay na akong pinapanood siya sa dilim mula sa malayo. Okay na ako sa kinatatayuan ko ngayon.
"Huwag ka lang masyadong sweet sa iba kapag off-cam..." Sinamaan ko siya ng tingin. "Nakikita ko ang pictures n'yo... Nagseselos ako."
"Nagseselos ka!" Ulit niya at lumaki ang ngiti. Tumawa siya at niyakap ako nang mahigpit, tuwang tuwa. "Inamin mo rin na nagseselos ka! Huwag kang mag-alala, alam lang namin na may nanonood kaya kailangan namin maging sweet pa rin. Hindi naman kami ganoon kapag walang nanonood sa paligid. Friends lang kami ni Clea."
Nagkasundo naman kami roon at naiintindihan ko naman ang mga paliwanag niya dahil trabaho nga naman niya 'yon. Wala... Ganoon talaga ang showbiz dito. Wala naman na akong magagawa roon. Makabubuti naman ang ginagawa nila para sa kanilang dalawa. Iniisip ko lang din kung may boyfriend din kaya si Clea sa likod ng camera? Palagi siyang nali-link sa ibang artista pero palagi niyang dine-deny ang mga 'yon.
"May boyfriend ba si Clea?" Tanong ko sa kaniya. Hindi ko alam kung pwede niyang sagutin 'yon dahil sikreto 'yon.
"Parang wala?" Napatingin sa taas si Kino. "Wala pa akong napapansin o nakikita. Madalas naman siyang nasa phone niya dahil sa trabaho kaya hindi ko masabi kung alin doon ang personal na mga tawag. Wala ring mga bumibisita sa set o kahit ano."
Sabagay... Si Kino rin naman ay hindi ipapakita sa iba na narito ako, nag-eexist sa likod ng camera. Single man o hindi si Clea, hindi ko na kailangang malaman 'yon. Ang gulo talaga ng showbiz. Gagamitin talaga nila lahat para makakuha ng matataas na ratings.
"Sali kaya ako sa fans club mo para hindi halata kapag gusto kitang bisitahin, 'no?" Bigla ko na lang naisip 'yon.
"Seryoso ba?" Napakunot ang noo niya. "Okay lang sa akin pero hindi ko nakikitang nag-fafangirl ka sa akin. Ako, pwede pa ako mag-fanboy sa 'yo." Tumawa siya.
Oo nga ano? Hindi ko rin nakikita ang sarili kong ganoon pero kung si Sevi nga ay chinecheer ko tuwing UAAP, si Arkin pa kaya? Sa boyfriend... Sa boyfriend ko pa kaya? Nakakailang naman sabihin 'yon.
Noong may pasok na ulit ay tinanong ko tuloy si Luna kung gusto niyang sumali sa kahit isang fans club lang ni Kino para naman masamahan niya ako. Si Kierra, hindi ko rin nakikitang bagay sa mga fans club.
"Seryoso ka?" Malakas na tumawa si Luna. "Sige, basta ikaw, Via! Lahat susubukan ko para lang masamahan kita!" Tumatawa pa rin siya habang nag-iiscroll sa Facebook. Naghahanap siya ngayon ng pwedeng salihang group para kay Arkin.
Napunta kami sa Larkin's Rhythm! May form kaming kailangan sagutan para matanggap na kami sa group! Napapakunot ang noo ko habang sinasagutan ang mga 'favorite's daw ni Arkin. Kailangan pala 'to?
"Hala, anong favorite color ni Arkin?" Tanong sa akin ni Luna.
"Red," sabi ko sa kaniya. Tanong siya nang tanong sa akin habang nagsasagot. "Favorite flavor? Favorite flavor saan?" Naguguluhang tanong ko kay Luna.
"Ano na naman 'yang trip n'yong dalawa?" Napapailing na lang si Kierra habang pinapanood kami ni Luna magsagot habang nasa loob ng room. Break time kasi ngayon.
"Luna, anong stan account?" Nagtatakang tanong ko. "Bakit tinatanong stan account ko?"
"Gumawa ka!" Utos niya sa akin at binuksan naman ang Twitter niya. "May extra account ako! Ibibigay ko sa 'yo! Lagyan ko na rin ng username! Teka lang!"
Takang taka ako nang sumilip ako sa cellphone niya. Nakita kong nag-type siya ng username na para sa akin. Sa akin daw 'yon.
@olivyours ang sa akin. @larkinsings naman ang kay Luna. Hindi ko alam kung paano niya naiisip ang mga pangalang 'yon. Olivyours daw ay galing sa Larkin Olivier. Witty siya roon sa part na 'yon.
Ang bilis naming na-accept sa group! Over 10,000 na pala ang members doon. Hindi ko inaasahan 'yon. Nakita ko bigla sa group lahat ng schedule ni Kino at 'yong mga past projects nila katulad ng blockscreening. May mga official shirt pa sila at nagbebenta na rin ng tickets sa isang meet and greet celebration ng successful movie.
"Tara, sali tayo! I-meet mo si Arkin!" Tuwang tuwang sabi ni Luna.
"Arkin?!" Napalingon kaagad ako kay Nica nang bigla itong lumapit dahil narinig. "Saan ime-meet?! Sama kayo sa meet and greet?! Tara, tara!" Tuwang tuwang sabi niya. "Liezel, pupunta rin sila sa meet and greet!" Tawag niya sa jowa niya.
Napatingin sa akin si Luna, hindi na alam ang sasabihin ngayon. Tumango na lang ako at nag-scroll ulit sa group habang nakikipagplano si Luna roon. Nagsagot na kaagad ako ng form para bumili ng ticket at magkaroon ng slot sa meet and greet na 'yon. Mabuti na lang at para kay Arkin talaga ang group kaya naman wala masyadong Clea na pinopost. Puro pictures lang ni Kino.
Bandang huli, kasama pa namin ni Luna sina Nics at Liz, pati ang dalawa pa naming blockmates! Hindi ko inaasahang dadami kami bigla! Gusto ko pa naman sana maging lowkey fan lang! Nakakahiya naman 'to. Parang hindi raw nila ma-imagine na fan ako ng isang celebrity. Ako rin naman! Hindi nga ako nanonood ng TV.
[Kumusta school?] Tanong sa akin ni Kino habang magka-video call kami. Binalita niya sa akin na may upcoming teleserye raw sila ni Clea kaya cinongrats ko siya. Hindi ko na binanggit sa kaniyang sumali ako sa fans club niya dahil nakakahiya.
"Okay lang. Marami pa ring plates. Ito na ang buhay ko ngayon," sabi ko sa kaniya at tumawa. Nakalapag lang ang phone ko sa gilid ng study table ko dahil busy ako gumagawa ng miniature model.
[Huwag ka masyadong magpakapagod.] Iyon ang sinabi niya sa akin habang nakahiga rin sa kama niya. Halatang siya ang pagod dahil kakauwi niya lang sa condo niya. Bumuntong-hininga siya at ginulo ang buhok niya.
"Kung inaantok ka na, matulog ka na," sabi ko habang naglalagay ng glue. Gumilid siya sa kama habang hawak pa rin ang phone niya. Maya-maya, hindi na siya nagsalita at nakita kong nakatulog na siya. Napangiti ako at in-end ang tawag. "Good night."
Kinabukasan, habang bumibili kami ng pagkain ni Luna sa Dapitan ay nanonood ako ng interview ni Arkin para sa isang magazine ulit. Tinatanong lang siya tungkol sa mga embarrassing moments niya.
"Siguro 'yong time na lang na umamin ako sa crush ko, umiiyak pa ako noon, tapos na-reject ako. Iyon na siguro ang most embarrassing moment ko noong high school," tumatawang sabi ni Kino. Napakagat ako sa labi ko nang marinig 'yon. Ako ba ang tinutukoy niya?!
"Anong message mo sa ex-crush mo noong highschool? Big time ka na ngayon, ha," pagbibiro ng interviewer.
Napangisi si Arkin at tumingin sa may camera. "Ang message ko... Thank you for molding me into who I am today. Ingat ka palagi. Iyon lang." Ngumiti si Kino at tumingin na ulit sa nag-iinterview. Tinago ko kaagad ang phone ko at tinanggal ang earphones ko dahil binibigay na ni Luna ang baso ng street food.
"Nasaan si Kierra?" Tanong ko sa kaniya.
"Busy 'yon... Alam mo na." Kumindat sa akin si Luna at tumawa. Napailing na lang ako nang makuha ko ang gusto niyang iparating. "Well, mukhang no harm naman. Sana? At least nag-oopen naman na si Ke sa akin tungkol doon."
"Mabuti naman para alam din natin kung may nangyayari na bang hindi maganda," sabi ko sa kaniya. "Ayaw kong maulit iyong kay Miguel."
Kasabay pala ng meet and greet ang drop ng single ni Arkin na "Ginintuang Tanawin" kaya naman double celebration sa event. Ang laki ng kinita ng movie nila sa first week pa lang kaya naman tuwang tuwa sa kanila ni Clea ang management.
"Kailangan ba talaga 'to?" Tanong ko kay Luna habang nakahawak sa headband ko na may mukha ni Arkin. Suot din naming dalawa ang shirt na may logo ng fans club. Mayroon ding binigay na I.D para isabit sa leeg. Mas madali raw makikilala o matatandaan ni Arkin ang pangalan kapag ganoon.
"Oo, kailangan 'yan! Huwag mong tanggalin!" Pinagalitan ako ni Luna. "At mag-tweet ka nga sa stan account mo para naman maka-gain ka ng followers."
Nag-tweet naman ako kahapon, ha! Ang sabi ko '@olivyours: Ginintuang Tanawin will be out soon. so excited!' kahit nakakahiya para sa akin. May isa pa akong tinweet pero dinelete ko rin kaagad. Pakiramdam ko nag-init ang pisngi ko nang maalala ko kung ano 'yon.
'i love you @larkinsanchez. good luck sa meet and greet!'
"Pero bakit finofollow ka ni Arkin, Via?" Tanong ng isa kong blockmate. "Mukhang wala kang pakialam sa kaniya noon kapag pinag-uusapan natin. Hindi ko alam na fan ka pala!"
"May common friends lang kami noon," sabi ko na lang sa kaniya.
"Hindi ba best friends sila ni Camero? Camero ng UST dati? 'Yong captain?" Tanong ni Liz. "Iyon ba? Friends din kayo ni Camero, 'di ba?"
Huh? Nauna ako kay Sevi 'no. "Parang ganoon na nga..." Iyon na lang ang sinabi ko.
Tinanong din nila kung bakit finofollow raw ako ni Samantha Vera. Sabi ko ay common friends lang din para hindi na sila magtanong nang magtanong. Si Luna at Kierra rin naman, ha! Bakit hindi nila tinatanong?!
Ang ikinakaba ko ngayon ay baka may makakilala sa aking schoolmate namin noong highschool tapos sabihing close naman kami ni Arkin kaya bakit ako kasali sa fans club. Halos hindi nga kami mapaghiwalay noon.
Well, madali naman sabihing hindi na kami magkaibigan noong college. Wala na rin namang nakapansin dahil magkahiwalay kami ng university.
"Malapit na raw si Arkin kaya umupo na tayo," sabi ni Nics. Parang party kasi ang setting kaya may mga food din at naka-arrange kami per table. May mga balloons and tarpaulin sa may mini stage kung saan may upuan at table para kay Kino.
Nagpaalala na naman ang admins ng fans club na mag-behave daw kapag dumating si Arkin at huwag masyadong magkagulo. Tumatango-tango pa si Luna. Akala mo naman ay totoong fan siya at magwawala siya kapag nakita si Arkin. Naging abala na lang ako sa panonood ng mga games nila habang naghihintay. Tinanggal ko na rin ang headband at inayos ang buhok ko.
"Quiz about Arkin's life! Sinong sasali?!" Sabi ng admin sa microphone. "May prize ang mananalo! Hmm... Walang nag-vovolunteer, ha? Kami ang maghahanap ngayon."
Kinabahan ako nang magtama ang tingin namin noong admin. "Ayon! Iyong magandang nakasuot ng salamin!" Tinuro niya ako bigla at sinabing pumunta ako sa harapan. Narinig ko kaagad ang malakas na tawa ni Luna nang itulak ako patayo.
"Tama, super fan 'yan! Halos lahat alam niya sa buhay ni Arkin!" Makahulugang sabi niya habang tumatawa.
"Luna, siraulo ka," bulong ko. Kinurot ko pa siya sa bewang bago ako napilitang umakyat sa may stage para sa laro.
Sobrang nakakahiya dahil feeling ko hinuhusgahan ako ng mga nakatingin sa akin kahit hindi naman nila alam na may relasyon kami ni Kino. Tinanggal ko ang salamin ko para hindi ko masyadong makita ang mga mukha nila. Mababawasan ang pagiging conscious ko kapag ganoon. Sinabit ko na lang sa collar ng shirt ang specs ko.
Kinakabahan ako sa mga tanong. May lima akong kalaban at paunahan pa ang pagsagot. May hawak akong microphone, hinihintay ang tanong.
"Unang tanong! Saan nag-aral si Arkin noong high school?!" Medyo nag-isip pa sila kaya tinaas ko na ang kamay ko para matapos na rin 'to. "Ikaw! Anong sagot?"
"Valeria High," sagot ko sa microphone. Tumugtog naman ang masayang music dahil tama ang sagot ko. Nilagyan nila ako ng isang point doon sa maliit nilang Manila Paper. Puro mga basic naman ang tinanong sa mga susunod at hindi masyadong alam ng iba kaya ako na ang sumasagot.
"Ano ang favorite street food ni Arkin?!"
Tinaas ko ulit ang kamay ko. "Kikiam," sambit ko.
"Ikaw ay... Mali!" Sabi ng admin. Napakunot ang noo ko at ginilid nang kaunti ang ulo ko, nagtataka. Huh? Bakit ako mali? Iba na ba? "Steal! Ikaw, number two, ano ang sagot mo?"
"Betamax!" Sabi ng isang fan.
"Tama!" Sabi ng admin. Nagtaka ako lalo dahil tama 'yon. Betamax? Sinong nagsabi?
"Hindi naman siya kumakain ng betamax," sabi ko ulit. Narinig ko ang tawa ni Luna na nagpipicture pa roon sa may tapat ko.
"Paano mo alam? Ang sabi sa internet, betamax 'yon," sabi noong isa pang fan.
"Sabi lang 'yon sa internet. Hindi naman 'yon totoo..." Hindi ko alam kung bakit nakikipagtalo pa ako rito. Totoo namang hindi kumakain si Kino ng betamax! Kikiam ang gusto noon! Palagi pa nga siyang nagpapalibre kay Sevi na kuripot din naman!
"Oh my gosh, nasa labas na raw si Arkin! Okay, since ikaw ang pinakamaraming points, congratulations!" Binigay sa akin ng admin ang isang paper bag na may kasama pang poster. Nataranta sila dahil nasa labas na raw si Kino kaya bumalik na ako sa table ko.
Humingi pa ako ng confirmation kay Luna at sinabing hindi naman talaga kumakain ng betamax si Arkin at tumango naman siya sa akin dahil alam din niya 'yon. Oo, hindi pa rin ako maka-move on dahil sinabi nilang mali ako. Tinatawanan lang ako ni Luna at kinekwento kina Kierra sa GC ang nangyayari.
yanna: totoo namang hindi kumakain ng betamax 'yon ayaw niya raw ng lasa
sam: what's a betamax
kierra: 'yong dugo? 'yong halos color black na or dark brown na street food sa tapat ng school? ayaw ni kino 'yon HAHAHAHA
via: o 'di ba tama naman ako
luna: galet na galet si via parang gusto na makipagsuntukan para lang sa poster. via lang #superfan #BakaViaYan
Binaba namin ni Luna ang phone namin nang bigla na lang magsigawan ang mga tao sa loob ng venue. For some reason, I had the urge to hide myself. Kinuha ko tuloy ang paper bag at tinakip sa gilid ng mukha ko kahit alam kong hindi naman ako mapapansin ni Arkin. Nakakahiya!
"Welcome, Arkin!" Bati ng admin na host. "Okay, guys, settle down..." Napalingon ako at dahan-dahang binaba ang paper bag. Ang liwanag tignan ng mukha ni Kino dahil sa ngiti niya. Ang gwapo niya kaya naman halos mabaliw na ang mga tao rito sa kaniya. Nakasuot siya ng stripes na long sleeves button-down na naka-tuck in sa black niyang slacks na may designer belt. Bukas pa ang ilang butones ng polo kaya may pasilip sa dibdib niya. Naka-push back din ang buhok niya at may naiiwang iilang bangs sa noo. Nakaupo na siya sa sofa at kumakaway sa iba.
"Shocks, ang gwapo talaga!" Kinikilig na sabi ng blockmates ko habang lahat ay nakatayo at kumukuha ng picture. Nakakahiya kung kami lang ni Luna ang nakaupo kaya tumayo na rin kami para kunwari masaya rin kami.
"Unang una, gusto ka namin i-congrats sa napakagandang movie! Palakpakan naman tayo riyan, Rhythmics!" Nagpalakpakan naman ang lahat kaya pumalakpak din ako. Mabuti na lang at nasa bandang likod kami kaya hindi kapansin-pansin. Kumuha si Kino ng microphone para magpasalamat sa fans.
May mga introduction pa sila bago nagpatuloy sa totoong event na meet and greet. Kinabahan ako bigla, pinagsisisihan nang sumali ako rito! Habang tinatawag ang sunod-sunod na numbers namin sa I.D. ay pabilis nang pabilis tibok ng puso ko dahil sa kaba, lalo na noong malapit na kami nina Luna! Busy si Arkin pumipirma ng mga posters at nakikipag-shake hands sa mga fans niya habang nakapila kami.
Napatingin kaagad ako sa suot kong friendship bracelet nang mapansing suot niya rin 'yong sa kaniya ngayon. Natatakpan lang madalas dahil naka-long sleeves siya. Mabuti na lang at walang nakakapansin. Pagsasabihan ko siyang huwag na suotin 'yon sa susunod.
"Well, habang pumipirma ka, Arkin, may gusto lang kaming malaman! Kanina kasi ay may mga hindi nagkasundo sa laro kaya kukumpirmahin namin sa 'yo ngayon..." Nanlaki ang mga mata ko nang marinig 'yon mula sa host.
"Ano 'yon?" Nakangiting tanong ni Kino at tinigil muna ang pagpirma.
"Ano ang favorite mong street food? Hindi ba betamax?" Tanong nito. Napaawang ang labi ko, hindi inaasahang itatanong nila 'yon ngayon! Napalingon kaagad ako kay Luna at tinago ang mukha ko sa balikat niya sa sobrang hiya.
"Kikiam. Hindi ako kumakain ng betamax. Sinong nagsabi noon?" Tumawa si Arkin.
"Wow, tama si Ate kanina! Nasaan si Ate?!"
Mas lalo akong kinabahan! Tumawa si Luna at pinalupot ang braso sa akin para itago ako sa kaniya. Mabuti na lang at walang tumuro sa akin at nag-change topic na kaagad sila. Hindi pa rin naman ako nakaligtas dahil palapit na ako nang palapit sa pila. Dala ko pa iyong poster na napanalunan ko kanina. Iyon na lang ang papapirmahan ko.
"Ayan na. Ikaw na," bulong ni Luna sa akin.
Nang umalis ang nasa harapan ko ay agad kong nilapag ang poster sa table habang nakayuko, ayaw ipakita ang mukha ko sa kaniya. "Hi! Name?" Tanong ni Arkin, hindi nakatingin sa akin.
"R... Rye," sambit ko.
"Anong spelling?" Tanong niya habang pumipirma.
"R, Y, E." Nakita kong napatigil ang kamay niya sa pagpipirma at inangat ang tingin sa akin. Napatingin din tuloy ako sa kaniya nang hindi sinasadya. Nabitawan niya bigla ang marker kaya nasulatan ng linya 'yong poster. Matagal siyang nakatitig sa akin, gulat na gulat, bago siya kumurap at yumuko ulit para ilagay ang pangalan ko sa poster. "Thank you po..."
"Shake hands?" Tanong niya bigla nang paalis na sana ako. Napakagat ako sa ibabang labi ko at humakbang pabalik para ialok ang kamay ko. He bit the insides of his cheek to stop himself from smiling before holding my hand. Nakatitig siya sa mga mata ko bago ako bumitaw sa kaniya. Ayaw niya pa nga akong bitawan! Buti na lang ay sumingit na si Luna!
"Hi po, LODS!" Singit ni Luna at nilapag ang poster. "Ang galing ng initials ng name mo, 'no? L.O.D.S! Tamang tama dahil lods din kita!" Kung ano-ano na ang sinabi ni Luna para lang bitawan na ako ni Arkin. Hinawakan pa niya ang palapulsuhan ni Arkin at siya na ang humawak sa kamay nito para sa shake hands.
"Hey! Be gentle naman!" Pinagalitan kaagad siya ng admin.
"Okay lang." Lumingon sa kaniya si Arkin bago tumingin ulit kay Luna. Naglakad na ako pabalik sa upuan ko at nakita kong sinundan pa ako ng tingin ni Kino. Nakakahiya! Gusto ko nang umuwi! Bakit ko ba ginawa 'to?!
Pinagalitan ako ni Luna pagkabalik niya sa table dahil ang tagal daw namin ni Kino. Mabuti na lang daw at walang napansin iyong iba. Hindi naman ako ang matagal! Si Arkin 'yon! Ano ba kasing sinusulat niya? Kinuha ko tuloy ang poster at binuksan. Agad kong ni-roll pabalik nang mabasa ko ang sinulat niya, takot na baka mabasa ng iba!
'I love you, Rye.'
Nag-init ang pisngi ko at hindi na mapakali sa upuan ko. Tinignan ko ang sinulat niya sa iba at hindi naman ganoon katulad sa akin! Tumayo ako at nagpaalam kay Luna na pupunta lang akong wash room. Sa labas pa 'yon ng venue kaya naman nakita ako ni Kino umalis. Walang tao sa may floor dahil ni-rent 'to para sa event.
Naghugas lang ako ng mukha at naglagay ng lip tint bago lumabas ng restroom. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong nag-aabang si Kino sa labas. Napalingon kaagad ako sa paligid at chineck din kung may tao sa loob ng restroom bago ko siya hinarap.
"Bakit ka nandito?" Mahinang tanong niya. Naamoy ko kaagad ang pabango niyang mamahalin. Pang-artista talaga. May kaunti rin siyang makeup sa mukha at kulay sa labi.
"Bumalik ka na sa loob," bulong ko rin sa kaniya.
Lumingon siya sa paligid kaya nawala ang tingin niya sa akin. Chance ko na 'yon para maglakad paalis pero hinatak niya ako bigla papasok ng men's restroom at hinalikan ako. Nanlaki ang mga mata ko pero napapikit din nang igalaw niya ang labi niya. Bumaba ang kamay niya sa bewang ko para hatakin ako palapit sa katawan niya habang hinahalikan niya pa rin ako.
"Babalik na ako," sabi ko sa kaniya nang bitawan niya ako.
"Later," bulong niya. "Let's see each other later."
Tumango na lang ako sa kaniya at lumabas na ng restroom. Lumingon ulit ako sa paligid at mabuti na lang walang tao kaya tumakbo na kaagad ako pabalik sa venue. Nag-eenjoy pa lahat ng tao roon sa games dahil wala pa si Kino. Napansin kaagad ni Luna na pulang pula ang pisngi ko pagkabalik.
"Ayan, C.R lang daw... Hindi kayo mapaghiwalay, ha." Napailing siya sa akin.
Hindi na ako nagsalita dahil guilty ako sa nangyari. Bumalik na rin kaagad si Kino kaya tinuloy na ang program. Pagkatapos ng meet and greet ay nag-countdown sila para sa pag-release ng kanta. Pinakinggan naming lahat sa speaker ang single niya. Kilig na kilig naman sila sa boses.
"Congratulations, Arkin sa bago mong single! Your first ever single! Tungkol saan naman ang kantang 'to?" Tanong ng host.
"It's about someone who wants to confess to their closest friend but is also afraid to risk their friendship," sagot naman ni Arkin. "So parang umaasa rin siya na baka pwedeng lagpas sa pagkakaibigan 'yong relationship nila. Tinanong niya 'di ba kung 'nais mo rin ba akong mahagkan?' tsaka 'hanggang dito na lang ba ang ating pagkakaibigan?'"
"So saan naman inspired ang kantang 'to?" Tanong ng host. "Or kanino?" Naghiyawan kaagad ang mga tao at sinisigaw ang pangalan ni Clea. Napairap ako, hindi nagugustuhan 'yon.
"Wala, para sa kaibigan ko 'yang hindi pa rin makaamin hanggang ngayon," casual na sagot ni Kino at ngumisi. Nag 'weh?' naman ang mga fans niya, hindi naniniwala. Iniisip nilang para kay Clea 'yon at hindi maka-confess si Arkin. Wala na siyang sinabi tungkol sa kanta pagkatapos noon kaya nagpa-games na ulit.
"Tara, sali tayo! Team of five members daw! Gusto ko ng solo photo kay Arkin, dali!" Pag-aaya ni Nics. Umiling ako pero pinilit nila akong sumali dahil nakuha na ng ibang team 'yong iba sa blockmates namin. Ayaw ko pa naman ng laro! Putukan ng lobo!
Nagpahalumbaba si Kino habang pinapanood akong pumila roon, pinipigilan ang ngiti niya. Tumayo pa siya at sumandal na lang sa table para mas makita pa kami dahil sa harapan niya maglalaro! Nakakahiya!
Nag-start na ang laro at paunahan 'yon. Competitive talaga 'tong si Luna at hindi talaga nagpatalo sa bilis. Tumakbo kaagad siya sa akin at nag-pass sa kamay ko bago ako tumakbo at sinubukang upuan ang lobo sa sahig kaso nadulas lang ako at tumama pwet ko sa sahig.
Tumayo pa rin ako at inupuan 'yong lobo. Nang pumutok 'yon ay tumama na naman pwetan ko sa sahig! Pagkatayo ko tuloy ay nakahawak ako sa likod ko bago nag-pass sa isa ko pang blockmate.
"Okay ka lang?" Tanong ni Arkin bigla. Nagulat ako at pati na rin ang iba malapit sa pwesto namin dahil naka-bend down na siya ngayon mula sa mini-stage para tanungin ako na nasa gilid lang.
"Okay lang ako, Arkin! Ikaw naman! Masyado kang nag-aalala sa aming fans mo! Okay lang kami!" Singit kaagad ni Luna at tinulak ako pagilid. Nagbulungan kaagad ang iba na ang swerte raw ni Luna dahil kinausap siya ni Arkin.
Umayos na kaagad ng tayo si Kino at bumalik sa pwesto niya. "Iwasan n'yo masaktan sa laro na 'yan, ha..." Pagpapaalala niya sa lahat. Napasapo sa noo niya si Luna at may binulong bago ako sinamaan ng tingin. Ang sabi niya ay siya raw ang na-iistress dahil hindi pa rin kami mapaghiwalay ni Kino, lalo na kapag nasa iisang lugar kami. Lalapit at lalapit daw talaga kami sa isa't isa.
Hindi kami nanalo kaya naman group picture lang ang pwede sa amin. Sa meet and greet kasi kanina ay bawal mag-picture dahil matagal sa pila at may shooting pa raw si Arkin para sa isang brand pagkatapos. Nanguha na lang kami ng litrato by table. Nanguna na si Luna sa tabi ni Kino para malayo kaming dalawa. Sumimangot tuloy si Kino at nakita kong may binulong pa siya kay Luna kaya sinamaan siya nito ng tingin at patagong kinurot sa bewang.
Naroon ako sa pinakamalayong side sa kaniya para hindi halata. Sa wakas ay natapos na ang event pagkatapos noon kaya pwede nang umuwi. Nanguna na rin si Kino dahil nga may shooting pa siya. Nag-text na lang siya sa akin na susunduin niya 'ko mamaya sa malapit na mall. Kumain na muna kami nina Luna at mga blockmates ko kahit nag-lunch na kami kanina sa event. Nagutom ata sila sa laro.
"Sobrang pogi talaga ni Arkin, 'no?" Hindi pa rin maka-move on sina Nics. "Ang ganda pa ng boses. Nasa kaniya na yata lahat ng magagandang bagay sa mundo! Paano naman ako?!"
Abala lang ako sa phone ko, nagpapalipas ng oras. Ang dami nang nagtetweet tungkol sa meet and greet kanina. Maya-maya, nag-text na rin si Kino na na-move daw 'yong shoot nila kaya susunduin niya na ako kaagad.
From: Arkin
dito na 'ko sa tapat ng kinakainan n'yo.
Nanlaki ang mga mata ko at lumingon sa paligid. Nakita kong may nakasandal sa may railings sa tapat ng ice cream shop na kinakainan namin. Nakasuot siya ng grey na sweater at black shorts habang may hawak na cup ng orange juice at nakabulsa ang isang kamay. Nakasuot siya ng mask at cap kaya naman walang may pakialam sa kaniya.
"Uh, una na 'ko..." Kinuha ko kaagad ang bag ko at dinala ang baso ng ice cream na inorder ko.
"Bakit, Via? Sino 'yon?" Sumilip si Liz sa tapat ng shop. "Wow, boyfriend mo?!" Pagbibigay malisya niya kaagad. "Tangkad! Mukhang pogi at yayamanin ang pormahan. Kailan mo ipapakilala 'yan?"
"Sa susunod na lang. Bye!" Nagpaalam na rin ako kay Luna bago ako tumakbo palabas ng ice cream shop. Umayos kaagad ng tayo si Kino at inabot ang kamay niya sa akin. Hinawakan ko 'yon at hinatak na siya paalis.
"Nagmamadali ka ba?" Tumatawang tanong niya. He intertwined our hands together again. "Nice shirt," pang-aasar niya dahil suot ko pa rin ang fans club shirt.
"Maraming tao rito," sabi ko sa kaniya habang naglalakad pa rin. "Nasaan na sasakyan mo?"
Tumawa siya bago ako nilagpasan. Siya na ang humatak sa akin papunta sa may open parking. Sumakay kaagad kami sa sasakyan niya kaya tinanggal na niya ang cap at binaba ang facemask niya. Humigop ulit siya sa iniinom niyang juice habang hinihintay lumamig ang sasakyan.
"May tumatawag," sabi ko sa kaniya habang kumakain ako ng ice cream sa cup.
Pinindot niya na lang ang accept call sa may monitor ng sasakyan kaya naka-speaker rin ang tawag. 'Clea' ang caller I.D kaya kilala ko na kaagad kung sino.
"Yo, bakit, Madam?" Tanong ni Arkin.
[Where are you? I'm at the Italian restaurant we went to last time. I'm with some of the best directors in the industry. You should pass by and quickly get your jacket from me while you're at it.] Narinig ko ang eleganteng boses ni Clea. Ganito pala ang boses niya kapag sa tawag. Wala masyadong nagbago sa kung paano siya sa mga interview.
"Dadaan ako saglit pero may kasama ako kaya hindi ako pwedeng magtagal." Tinignan ako ni Arkin at tumango ako sa kaniya.
Dumaan nga kami sa restaurant na 'yon. Pumayag ako dahil alam kong makakabango sa pangalan niya kapag nakipag-meet siya sa magagaling na direktor. Bumaba siya saglit at sinabing maghintay na lang ako sa loob bago siya nagmamadaling pumasok sa restaurant. Sa likod siya dumaan at sinundo siya ni Clea roon.
Nakinig na lang ako sa music habang naghihintay. Hindi ko na napansin kung gaano siya katagal doon. Nang malapit na akong mainip ay nakita ko na siyang naglalakad pabalik sa sasakyan. Nakasuot siya ng cap at mabilis na umupo sa driver's seat.
"Kumusta?" Tanong ko.
"Sorry, natagalan. Ang daldal ng ibang direktor." Napakamot siya sa ulo niya at hinawakan ulit ang kamay ko. "Ano? Tara na? Doon na muna ako sa..." Napatigil siya sa pagsasalita nang may makita sa tapat ng sasakyan. "Hala..." Napalingon din ako at nakita kong naglalakad na si Clea palapit sa amin!
Nakasuot ito ng satin sleeveless top at high-waisted ripped jeans. Naka-heels pa at puno ng mamahaling accessories kaya ang mamahalin niya ring tignan. Dala niya sa isang kamay niya ang jacket ni Arkin na nakalimutang kuhanin.
Bababa na sana si Kino para pigilan ito pero bigla na lang siyang kumatok sa bintana sa tabi ko bago binuksan ang pinto. Bumitaw kaagad ako sa kamay ni Kino na nakahawak pa rin pala sa kamay ko!
Nanlaki ang mga mata ko nang magtama ang tingin namin ni Clea. Na-starstruck ata ako...
"Oh, hi," bati niya at lumipat na kaagad ang tingin kay Kino na nasa driver's seat. "You forgot this again," kaswal na sabi niya na parang hindi niya ako nakita.
"Thank you..." Hiyang hiyang sabi ni Arkin at kinuha ang jacket. "Uh, Clea..."
"You better not be caught," seryosong sabi niya at sinara na ulit ang pinto para maglakad pabalik sa restaurant.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro