19
"Ito lang ba ang mga kailangan, Papa?"
Nilapag na ulit ni Kino ang buhat-buhat niyang box ng mga gamit namin dito sa bahay. Ngayong araw ay maglilipat na kami kaya naman naghahakot na ng gamit. Parang hindi pa talaga ako handang iwan ang bahay na 'to, lalo na't malalayo ako sa bahay nina Arkin, pero dahil nga malapit nang magsimula ang kolehiyo, kailangan ko na ring matutong mag-adjust sa panibagong environment.
Alam kong hindi rin natutuwa si Arkin ngayong araw pero nagprisinta pa rin siyang tumulong sa amin at sasama pa siya hanggang sa bagong bahay para matulungan ulit kaming mag-ayos ng gamit.
"Oo, ayan na lahat, Kino. Halika na. Parating na iyong maghahakot," sabi ni Papa habang nasa labas, inaabangan ang truck.
Hinatak ko na rin ang mga kapatid ko palabas ng bahay para masara ko na ang pinto. Chineck ko ulit lahat para masiguradong wala na kaming nakalimutan bago lumabas at tumulong sa pagbubuhat ng mga kahon papunta sa truck. Sumakay na rin sina Mira sa isang sasakyan dahil hindi ko naman sila pwedeng pagbuhatin ng mga mabibigat na gamit. Doon na lang sila nag-stay sa loob ng sasakyang inarkila.
Sumakay na rin ako sa sasakyan pagkatapos habang si Arkin at si Papa ay roon sa harapan ng truck sumakay. Excited pa ang mga kapatid kong lumipat ng bahay dahil may sarili nang kwarto si Mira at Ysha. Hindi na sila matutulog doon sa kwarto ni Papa. Si Aidan, dahil bata pa ay kasama pa rin ni Papa. Nakakatawa dahil sa akin nila binigay ang pinakamalaking kwarto. Hindi ko naman kailangan 'yon.
"Wow!" Tuwang tuwang tumakbo papasok si Mira at Ysha para umakyat doon sa kwarto nilang dalawa. May gamit na rito pero kakaunti pa lang dahil mga kailangan lang ang inasikaso ni Papa noong mga nakaraang linggo gaya ng kama, sofa, lamesa.
"Mira, Ysha, ayusin n'yo na muna ang gamit n'yo," utos ko kaagad bago sila umakyat. Tumango naman ang dalawa at tumakbo na paalis.
Pawis na pawis na si Kino nang matapos silang magbuhat ng mga kahon papasok ng bahay. Hindi pa roon natapos ang paghihirap niya dahil tumulong din siyang mag-unpack ng mga gamit. Sabay nilang binuhat ni Papa ang TV at nilagay sa lamesa. Ako, nagpunas muna ako ng mga shelves bago nilagay ang mga frames doon.
"Mayroon palang ganito?" Kumunot ang noo ni Kino at tinaas ang picture frame naming dalawa. Litrato namin 'yon noong bata pa lang kami. First day ata 'yon sa kindergarten. Pareho kaming maliit at nakasuot ng backpack.
"Child star 'yan?" Pang-aasar ko at ngumisi. Nakita ko kaagad ang inis sa mukha niya dahil sa sinabi ko. Ang pikon niya kapag inaasar siya tungkol sa commercial niya noong bata siya. Nakakatawa naman kasi talaga.
Kinuha rin niya ang picture frame ni Mama at pinagmasdan 'yon bago tinapat sa tabi ng mukha ko. Pinabalik-balik niya ang tingin bago niya binaba, malalim ang iniisip. Napahawak pa siya sa baba niya.
"Magkamukha talaga kayo." Tumawa siya. "May hawak pa siyang gitara rito. Ito 'yong gitara mo ngayon..." Turo niya pa sa picture. "Saan 'to? Gig nila? Ito yata 'yong time na sobrang sumikat 'yong kanta nila. Kinwento sa 'kin ni Mama."
"At pagkatapos niyan, nakalimutan na niya kami sa sobrang sikat niya," mahinang sabi ko habang nagpupunas ng desk. Natahimik siya bigla at agad binaba ang picture frame, guilty dahil nabalik niya ulit 'yon. Tumawa ako sa itsura niyang halatang hindi mapakali.
Nag-ayos na lang ako ng mga gamit sa kusina bago umakyat para ayusin naman ang kwarto ko. Sina Papa na ang bahala roon sa baba. Naglinis muna ako bago naglagay ng bed sheet at pillow case. Narito na rin ang desk ko kaya inayos ko na rin ang mga gamit ko roon. Dahil nga Architecture ang kinuha ko, ang laki ng desk na binili sa akin ni Papa. Napakamot na lang ako sa ulo ko.
Nilagay ko na rin ang mga damit ko sa cabinet at ang mga display sa shelves. Nilapag ko ang case ng gitara ko sa gilid ng desk ko at sinandal 'yon sa pader. Matagal akong napatitig doon, iniisip kung bibili na ba ako ng bagong gitara.
"Para saan?" Tanong ko sa sarili ko. "Hindi mo naman kailangan."
Tumayo na lang ulit ako para pumunta sa kwarto nina Ysha. Tinulungan ko na silang mag-ayos ng mga damit dahil ang gugulo nila magtupi at naiinis ako dahil hindi maganda tignan sa cabinet nila 'yon. Kung saan-saan na lang din nila nilagay ang mga dating laruan kaya inayos ko na rin 'yon.
"Magwalis ka, Mira, habang nag-aayos ako rito. Huwag kayong humiga lang diyan," seryosong sabi ko habang nakatalikod. "Ikaw, Ysha, ilipat mo 'tong mga damit ni Aidan sa kabilang kwarto. At ano bang klaseng tupi 'to? Nalukot na tuloy!"
Sa rami ng inasikaso ko ay pakiramdam ko babagsak na 'ko sa kama noong gabi pero kinailangan ko pang magluto ng hapunan para sa kanila kaya bumaba na lang ulit ako sa kusina. Saka ko lang na-realize na wala pa pala kaming groceries kaya wala akong maluluto. Kinuha ko na lang ang wallet ko para bumili ng pagkain sa labas. Maghahanap na lang ako ng malapit na karinderya.
"Saan ka pupunta, Via?" Lumitaw kaagad si Arkin mula sa kusina nang mapansing palabas ako ng bahay. Naka-roll up na ang sleeves ng t-shirt niya hanggang balikat dahil sa init kaya mukha siyang naka-sando na lang. Pinunasan niya ang pawis sa noo gamit ang likod ng kamay habang nakatingin sa 'kin, inaantay ang sagot ko.
"Bibili ako ng pagkain," sabi ko sa kaniya. "Saglit lang ako. Dito ka na lang muna. Tulungan mo si Papa." Alam ko kasing sasama siya kaya inunahan ko na siya.
Ngumuso siya at tumango bago tumalikod para bumalik sa ginagawa niya, mukhang labag pa sa loob. Mabuti na lang at nakahanap kaagad ako ng malapit na karinderya kaya mabilis lang akong nakabalik. Nagwawalis na si Arkin nang makabalik ako at pawis na pawis na talaga habang si Papa ay nagpupunas ng lamesa.
Hinanda ko na kaagad ang pagkain bago tinawag sina Ysha mula sa taas. "Ako na ang maghuhugas, Via!" Prisinta kaagad ni Kino nang mapansing pagod na pagod ako habang kumakain.
"Huwag na," sambit ko. "Mira, ikaw na ang maghugas."
"Hala, bakit ako?" Reklamo pa niya. Tinignan ko siya at tinaasan ng kilay kaya ngumuso siya at tumango. "Si Ysha na sa susunod, Ate, ha!"
"Bakit ako?!" Reklamo rin ni Ysha. "Ikaw raw! Hindi ako!"
"Ako na... Ako na ang maghuhugas," sumingit ulit si Kino at alanganing ngumiti sa dalawa kong nakababatang kapatid para tumigil na sila dahil alam niyang mapapagalitan ko na sila. "Magpahinga na lang kayo."
Naghugas na nga si Arkin habang si Papa ay nag-aayos pa rin ng mga gamit at 'yong tatlo kong kapatid ay nag-aagawan sa CR. Naglinis na lang muna ako ng hagdan habang hinihintay makatulog 'yong tatlo bago ako nakaligo.
Nagpapatuyo na 'ko ng buhok at nakabihis na rin nang pumasok si Kino sa kwarto ko, nakaligo na rin. Dito siya matutulog ngayon dahil nga ginabi na siya. Mabuti na lang at may dala siyang mga gamit.
"Saan ko pwedeng ilagay mga damit ko?" Tanong ni Arkin habang nakasabit ang twalya sa leeg, basa pa ang buhok. Mag-iiwan siya ng mga gamit niya rito para in case matutulog siya rito ay hindi na siya mahihirapan magdala.
"Nag-iwan ako ng space sa tabi ng damitan ko." Tinuro ko ang cabinet.
Binuksan niya 'yon at nakita ang shelf na iniwan ko para sa kaniya. Kinuha niya ang mga damit niya mula sa bag at nilagay doon, kasama ang extra necessities niya gaya ng face wash, toothbrush, twalya, at iba pa.
"Walang extra foam?" Tanong niya nang lumingon sa paligid.
"Wala. Tumabi ka na lang sa 'kin," sabi ko sabay tingin sa kama. Mas malaki na iyong kama kaya kasya na kami roon. Huwag lang siyang magalaw para hindi mahulog sa sahig.
Napabalik kaagad ang tingin niya sa 'kin at matagal akong tinitigan. Nang tignan ko siya ay tinalikuran niya kaagad ako, namumula pa ang tenga. Napakagat ako sa ibabang labi ko at umiwas din ng tingin. Wala 'to, Via...
Habang nag-aayos siya ng gamit ay nagpapatuyo naman ako ng buhok sa harapan ng fan. Mabuti na lang at tuyo na nang matapos siyang mag-ayos kaya nakahiga na ako kaagad. Binuksan ko na lang ang maliit na lamp shade sa gilid bago niya pinatay ang ilaw at humiga sa tabi ko.
"Kinakabahan ka ba?" Tanong niya bigla matapos ang mahabang katahimikan.
"Huh? Bakit naman ako kakabahan? Palagi ka namang narito!" Nautal pa ako sa sinabi ko dahil hindi ko inaasahang itatanong niya 'yon. Kumabog na naman tuloy ang dibdib ko.
"Sa bago mong school, Via," paglilinaw niya at tinignan ako. Unti-unting nag-init ang pisngi ko sa hiya kaya tumalikod ako sa kaniya ng higa. Narinig ko pa ang tawa niya bago pinalupot ang braso sa bewang ko para hatakin ako palapit. "Ano?" Bulong niya ulit para marinig ang sagot ko.
"Oo naman!" Sagot ko, hindi na alam ang gagawin. "Kinakabahan ako pero nalaman kong same block naman kami nina Luna kaya okay lang. May kasama naman ako."
"Huwag mong aalisin 'to, ha..." Hinawakan niya ang palapulsuhan ko at hinaplos ang friendship bracelet namin doon. Mabilis akong tumango at niyakap nang mahigpit ang unan habang nakatalikod pa rin sa kaniya.
"Matulog ka na at huwag ka ngang dumikit sa akin. Mainit." Tinanggal ko ang braso niya at umurong palayo sa kaniya kahit nasiksik na ako sa pader.
"Lilipat na rin ako sa condo next week," sabi niya sa akin. "Samahan mo rin ako maglipat ng gamit?"
Tumango na lang ako at sinabing matulog na siya para kumalma na rin ang dibdib ko. Mabuti na lang at hindi na siya nagsalita pagkatapos noon kaya nakatulog na rin ako kaagad.
Kinabukasan, pagkabangon ko ay tulog pa rin si Kino at may yakap-yakap pang stuff toy roon sa kama kaya natawa ako saglit bago siya kinumutan. Inayos ko rin ang kaunting bangs na tumutusok sa mga mata niya at bumaba na para magluto ng umagahan.
Nagluto lang ako ng fried rice, egg, at tocino. Nauna pa palang nagising si Papa para mamalengke bago pumasok sa trabaho. Nakaupo lang ako at kumakain habang nakikipag-usap sa kaniya.
"Tumawag ang Tita mo sa Spain," sabi bigla ni Papa. "Tutulong daw siya sa tuition mo kung magtatrabaho ka sa kaniya saglit pagkatapos mong grumaduate."
Napatingin ako kay Papa at hindi nakapagsalita. Magrereklamo na sana ako pero nakuha niya ako roon sa 'saglit' niya. Saglit lang naman pala. Hindi naman pala ako roon tutuloy at ano bang karapatan kong magreklamo kung tutulong siya sa tuition ko?
"Architect po siya, 'di ba?" Tanong ko rin kay Papa at tumango siya. Hindi naman kami masyadong nag-uusap ni Tita kaya wala akong gaanong alam sa kaniya. Kapatid lang siya ni Mama. "Kahit ano para lang po makapagtapos," sambit ko kay Papa.
"Matagal pa naman 'yon pero siya na rin ang mag-aayos ng papeles mo... At kung gusto mo ulit mag-aral doon ng Architecture ay pwede naman. Magagawan niya ng paraan dahil professor siya sa malaking school ng Archi," sabi ulit ni Papa.
"Huwag na ho... Diretso trabaho na ako," sabi ko sa kaniya. "Para makatulong na kaagad sa inyo."
"Anak..." Napabuntong-hininga si Papa. "Huwag mo akong alalahanin. Gawin mo ang gusto mo. Huwag ka nang mag-alala sa pera at gagawa si Papa ng paraan palagi, ha?"
Kahit sabihin niya 'yon ay hindi naman ako titigil sa pag-aalala sa kaniya at sa kinabukasan ng mga kapatid ko. Mararamdaman ko lang na wala akong kwenta rito kung hindi ako tutulong sa kanila, lalo na't sa mahal na unibersidad ako pumasok. Ang sabi ko kay Papa ay mag-aapply ako ng ibang klase ng scholarship dahil hindi ako pasok sa Top 1 and 2 pero sabi niya ay huwag na dahil baka ma-pressure ako sa pagma-maintain ng grades ko. Ewan ko ba kung bakit gusto niyang nahihirapan.
"Aidan, kumain ka na." Niligpit ko kaagad ang pinagkainan namin ni Papa nang makita kong bumaba ang kapatid ko, inaantok pa. Sumunod na si Kino habang naghuhugas ako ng mga plato.
"Bye, Papa," inaantok na bati ni Kino nang makitang papasok na sa trabaho si Papa.
Pagkatapos kumain ay umuwi na rin si Kino dahil hinahanap na siya ng Mama niya. Noong susunod na linggo ay siya naman ang lumipat ng condo kaya sinamahan ko rin siya at ang pamilya niya mag-ayos ng gamit.
"Ito na lang naman. Wala nang bubuhatin kaya kaya mo nang mag-ayos ng gamit, 'di ba? Nariyan pa si Via," sabi ng Papa niya pagkatapos ilapag ang TV.
Ang spoiled pala talaga ni Arkin at kahit mag-isa siya sa condo, medyo maluwag pa rin ang space. Hindi naman ganoon kalaki pero sakto lang kung dalawa ang maninirahan dito, kaso mag-isa lang siya. Magkaiba sila ng condo ni Sam pero halos nasa iisang lugar lang pero hindi nga lang walking distance kaya medyo malayo pa rin.
"Nag-order na ako ng food para sa inyo. Papasok na si Papa mo ulit sa work, anak. Behave ka rito, ha." Humalik si Tita sa pisngi ni Arkin at sunod naman sa akin. "Arkin, 'yong sinasabi ko sa 'yong offer ng kakilala ko... If you want..."
Umiling lang si Kino bago umalis ang mga magulang niya. Binagsak niya kaagad ang sarili sa sofa at tumingala sa kisame, malalim ang iniisip. Sinimulan ko na lang ayusin ang mga gamit para naman matapos kami kaagad dito.
"Anong offer 'yon?" Tanong ko sa kaniya.
"Kinukuha ako ng kaibigan niya sa isang sikat na talent agency." Napasimangot si Kino, mukhang hindi nagustuhan 'yon. "Nakita kasi 'yong video ko na nagpeperform sa school tapos hiningi mga pictures ko roon sa photoshoot para sa school. Gusto akong pag-artistahin?! Ayaw ko nga! Kakapasok ko lang sa college!"
Napaawang ang labi ko at umiwas ng tingin, hindi alam ang sasabihin. "Huwag na..." Sabi ko sa kaniya habang inaayos ang mga display. "Mag-focus ka na lang sa pag-aaral mo..."
Alam kong may potential talaga si Arkin pero nagulat pa rin akong kinukuha talaga siya ng malaking agency. Gusto ko siyang suportahan pero nangunguna sa akin ang takot na baka... mawala rin ako sa buhay niya kapag na-expose siya sa mundong 'yon.
Nakakatakot doon. Nakakatakot tahakin ang daang 'yon dahil baka matuwa rin siya sa napakaraming atensyon at hanap-hanapin niya 'yon hanggang sa makalimutan na niya ang mga taong nasa paligid niya.
"Mama... Mother's day raw po... Kailangan po kayo sa event sa school..." Dahan-dahan akong sumilip sa kwarto at nakita si Mama roon, nakaupo at hawak ang gitara. Kagat pa niya ang pick niya habang nagsusulat ng kanta.
"Pwede ba, Via?! Mamaya na 'yan! Kailangan kong gumawa ng kanta para sundan 'yong sumikat naming album! Big break 'to!" Sigaw niya. Halatang wala na siyang tulog at pagod na kaya naglakad na lang ulit ako pabalik sa kwarto ko.
Hindi naman ganoon si Mama. Malambing siya at palagi niya akong pinagtutuonan ng pansin pero unti-unti siyang nagbago noong sumikat ang isang album ng banda nila. Biglaang sikat 'yon at halos lahat pinag-uusapan ang kanta nila. Hindi namang mapagkakailang mga bata pa ang itsura nina Mama dahil maaga naman kaming pinagbuntis ni Kino.
"Mama..." Napatayo kaagad ako para ipakita ang drawing ko ngunit napatigil din nang makita ang itsura niya. Nakasabit sa balikat niya ang case ng gitara at nakatulala lang siya, malagkit ang buhok at may dumi ang suot na damit. "Ano pong nangyari?"
Hindi niya 'ko pinansin at tuloy-tuloy lang na naglakad paakyat sa kwarto nila. Natahimik ulit ako at binalik ang drawing ko sa lamesa. Hindi siya pumunta sa event noong Mother's day kaya pinagdrawing na lang ako ng teacher ko. Hindi niya rin nakita.
"E 'di iwan mo ang banda! Ikaw na lang mag-isa! Anong magagawa mo?! Hindi ka naman marunong sumulat ng kanta! Akala ko ba sabay tayong aangat dito?!"
Napatakip ako sa tenga ko habang nakaupo sa hagdan. Rinig na rinig ko pa ang sigaw ni Mama mula sa kwarto, kasama ang Mama ni Arkin. Natatakot ako. Siniksik ko ang sarili ko sa gilid ng pader habang nakapikit at nakatakip pa rin ang tenga.
"Via..." Napaangat ang tingin ko nang may mag-alok ng kamay sa akin. Bumaba ng isang step si Arkin para magkatapat na kami bago niya pinunasan ang luha ko. "Tara... Laro tayo." Ngumiti siya sa akin.
"Sinasabi ko lang sa 'yo na nagkaroon ako ng offer... Hindi ko naman tatanggapin 'yon! Sinasabi ko lang na baka makatulong ang connection na 'yon para sa atin!" Narinig ko rin ang sigaw ng Mama ni Arkin.
"Anong magagawa mo kung wala ako, ha?! Maghintay ka lang kasi! Gumagawa na ako ng kanta! Sisikat tayo ulit!"
"Via..." Lumapit si Arkin at hinawakan ang mukha ko. "Tara na. Baba na tayo." Ngumiti siya muli sa akin at hinawakan ang kamay ko para hatakin ako pababa ng hagdan.
Napabalik ako sa katinuan nang marinig ko ang tawag ulit ni Kino sa pangalan ko. Nakakunot na ang noo niya ngayon habang nakaupo sa sofa, hawak-hawak ang isang box ng pizza. Nilapag niya na rin ang ibang pagkain sa lamesa.
"Kanina pa kita tinatawag. Nakatulala ka riyan. Ano bang iniisip mo?" Tanong niya sa akin sabay kagat sa isang slice.
"Ah, wala..." Binaba ko na ang mga display na hawak ko at naghugas na ng kamay bago umupo sa tabi niya para kumain. May in-order palang lasagna at chicken ang Mama niya para sa amin.
Tinulungan ko na siyang mag-ayos ng mga damit niya sa cabinet pagkatapos naming kumain. "Dito mo na ilagay mga gamit mo," sabi niya at nag-iwan din ng space para sa akin.
Kinuha ko ang bag ko at nilagay ang mga damit ko roon. Pumunta rin ako sa CR para ilagay ang toothbrush ko roon sa baso, pati ang extra kong mga pang-skincare. Maliliit lang 'yon para hindi sayang. Binilhan din pala ako ni Kino ng shampoo na palagi kong ginagamit kasi iba 'yon sa men's shampoo na gamit niya. Pati ang twalya ko ay nilagay ko na rin sa cabinet sa CR.
"Hoy!" Sigaw ko nang makita ko ang flash ng camera habang inaabot ko ang cabinet. Tumawa kaagad siya at tinaas ang film camera na hawak niya.
"Picture tayo, Via!" Hinatak niya ako palapit at in-extend ang kamay niya para magkasya kami roon kahit hindi ko naman nakikita. Napangisi siya pagkatapos naming mag-picture.
"Uuwi na ako," sabi ko sa kaniya. "Tapos ka naman nang mag-ayos ng gamit."
Hinawakan niya ang palapulsuhan ko para pigilan akong umalis. "Dito ka na matulog. Ihahatid kita bukas nang umaga."
Napakurap ako at tumingin sa kaniya, kasabay ng unti-unting pag-init ng pisngi ko. Agad kong binawi ang kamay ko at kinuha ang gamit ko para sabihing uuwi na talaga ako. Magco-commute na lang ako!
"Bye!" Paalam ko kaagad at lumabas na ng condo niya. Napahawak ako sa dibdib ko habang nasa elevator. Kailan ba 'to nagsimula? Noong umamin siya sa akin? Noong prom? Kailan ba? Bakit ko ba nararamdaman 'to?
Kung hindi niya sinabing may gusto siya sa 'kin, e 'di sana walang malisya ang lahat ngayon. Kung hindi siya umamin, e 'di sana hindi ko rin nararamdaman 'to para sa kaniya. Hindi ko naman 'to iniisip noon pero narito na ngayon. Wala akong magagawa kung hindi pigilan 'to dahil mas magtatagal kami bilang magkaibigan kaysa magkarelasyon.
Nagsesearch ako ngayon kung paano mag-commute pauwi sa amin mula rito sa lugar na 'to habang nasa gilid ako ng hilera ng mga kainan. Kanina pa kasi ako naglalakad at hinahanap ang sakayan ng jeep. Gabing gabi na pala talaga dahil puro mga nakainom ang nakakasalubong ko. Naaamoy ko pa ang alak sa kanila.
"Via?" Nanlaki ang mga mata ko nang makarinig ako ng pamilyar na boses. Lumingon kaagad ako at nakita si Pres na kakalabas lang ng convenience store at may hawak na chocolate milk. Magsasalita na sana ako nang makitang may kasunod siyang lalaki na nakasuot ng cap. Naka-casual lang itong damit. Grey sweatpants at black hoodie.
"P-pres!" Hindi ko alam ang sasabihin ko. Napaiwas kaagad ako ng tingin nang ma-realize na pareho sila ng design ng hoodie. White nga lang iyong sa kaniya. Couple... Couple hoodie? "Nasa Manila ka pala..."
"Yes, I'm on a break from school. Saan ka papunta? Hatid na kita. Gabi na." Hindi pa rin talaga siya nagbabago, ano? Mas nag-mature lang ang itsura niya at mas tumangkad. Sa personalidad, ganoon pa rin. Masyado siyang mabait.
"Huwag na, Pres..." Nakakahiya naman! May lakad pa nga yata sila kaya bakit ako nakiki-epal dito? Baka samaan na naman ako ng tingin ng lalaki katulad noong birthday ni Sam. Nakakatakot pa naman siya. "Commute na lang ako..."
"Baka masarahan ka na ng LRT. Hatid na muna natin siya..." Lumingon siya sa kasama niya. Narinig ko pa ang nagmamaktol na bulong ng lalaki bago umiling at kinuha ang susi ng sasakyan mula sa bulsa.
Hindi ko alam ang gagawin ko habang nasa loob ng mamahaling sasakyan! Nasa likod lang ako habang tahimik na nagdadrive 'yong kasama niya. Ingat na ingat pa ako lalo na't paulit-ulit tumatakbo sa utak ko ang pag-amin ko kay Pres dati!
'Crush kita...' Shocks! Bakit ko ba ginawa 'yon?!
Nilabas ko ang cellphone ko at nag-chat sa GC namin nina Luna para makaiwas sa awkwardness sa loob ng sasakyan. Tinitignan pa ako ng lalaki mula roon sa rear-view mirror. Tumaas ang balahibo ko habang nagty-type.
Via: guys tulong anong gagawin ko bigla na lang akong napunta sa sasakyan kasama si pres
Nag-seen kaagad si Luna at binigyan ng 'haha' react ang chat ko. Napasapo ako sa noo ko nang mabasa ang mga chats nila.
Luna: YIE SANA ALL HINAHATID
Kierra: ayain mo bumili ng churros
Sam: where are you, via?
Yanna: crush mo pa rin ba? chance mo na 'yan sis start ka ng small talk
Nag-type ako kaagad dahil mali ang iniisip nila ngayon! 'Anong chance?! Hindi lang kaming dalawa. May kasama...' Hindi ko na natuloy ang tina-type ko nang makita kong holding hands na pala sila ngayon habang nakahawak ang lalaki sa gear at naghihintay ng green light. Pareho rin sila ng bracelet.
C x H? Napatingin din tuloy ako sa friendship bracelet namin ni Arkin. Hindi naman pareho ng design kaya hindi siguro 'yon friendship bracelet.
Via: potek naging third wheel yata ako
Luna: awts may jowa na pala. via okay lang 'yan kung gusto mo ng karamay, halika rito. huwag kang umiyak mAGANDA KA OKAY? MARAMI PANG IBA RIYAN!
"Okay ka lang ba riyan, Via?" Tanong bigla ni Chevy at lumingon mula sa shotgun seat kaya agad kong tinago ang phone ko. Na-guilty kaagad ako dahil nagchachat ako sa GC tungkol sa sitwasyon ko ngayon at akala nina Luna ay hindi pa ako nakaka-move on! Nailang tuloy ako lalo!
"You won't ask me if I'm okay?" Nanlaki ang mga mata ko nang magsalita 'yong lalaki bigla. Nakita kong tumawa si Pres at hindi ito pinansin. Nakatingin pa rin siya sa akin, hinihintay ang sasabihin ko.
"O-okay lang po, Pres! Uh, diyan... Diyan na lang ako sa kanto." Turo ko nang makitang pamilyar na ang dinaraanan namin. Kaya ko nang umuwi mula rito!
"Pero malayo pa tayo sa inyo..." Tinignan ni Pres ang Waze sa phone niya. Pina-type niya kasi sa akin ang address ko roon.
"She changed her mind, I guess." Sumignal kaagad ang lalaki na igigilid na niya ang kotse kaya sinamaan siya ng tingin ni Pres.
"Haze..." Parang nag-wawarning ang tono noon kaya pati ako ay natahimik din at napaayos ng upo.
Paano ba 'ko napunta sa sitwasyong 'to? Nakakatakot naman si Pres. Narinig kong bumuntong-hininga ang lalaki at inalis ang signal para ipagpatuloy ang pagda-drive. "We'll take you home, Via!" Lumingon sa akin si Pres at ngumiti bigla na parang walang nangyari.
Medyo masikip sa daan papunta sa bahay namin kaya roon na lang ako nagpababa sa may malapit na kanto. Agad akong bumaba at binuksan naman ni Pres ang bintana para magpaalam sa akin.
"Thank you po sa paghatid," awkward na sabi ko. "Thank you rin po..." Sinilip ko rin 'yong lalaki sa may driver's seat na nakasandal ang braso sa steering wheel. Sinandal niya rin ang ulo niya roon habang nakaharap sa gawi ko.
"Alright," mahinang sabi niya na parang tutang napagalitan. Hindi ko na naman siya makita dahil sinuot niya ang hoodie niya.
Nagpaalam na kaagad ako at mabilis na naglakad paalis, nakahawak sa puso ko. Kanina pa ako kabang kaba at hindi mapakali habang nasa sasakyan! Naramdaman kong may tumatawag sa akin habang naglalakad ako pauwi kaya sinagot ko 'yon kaagad.
"Arkin!" Lumakas ang boses ko nang hindi sinasadya.
[Nakauwi ka na?] Tanong niya kaagad.
"Uh, oo. Hinatid ako ni Pres," wala sa sariling sabi ko. "Alam mo bang ilang na ilang ako roon? Bakit ngayon ka lang tumawag?! Hindi ko alam kung paano ako aakto-"
[Hinatid ka ni Pres?] Mukhang na-stuck siya roon. [Nasa Manila siya? Nagkita kayo? Kaya ba nagmamadali kang umalis?]
"Huh?!" Gulat na sabi ko. "Hindi! Hindi sa ganoon... Nagkataon lang na..." Bakit ba ako nagpapaliwanag? Tumigil tuloy ako sa sinasabi ko. "Basta 'yon," seryosong sabi ko.
[Uhm... Okay. Sige, matulog ka na kaagad. Bye...] Binaba na niya kaagad ang tawag.
Napahinto ako sa paglalakad at mahigpit na hinawakan ang phone ko. Napabuntong-hininga ako at napasapo sa noo, nag-aalala sa iniisip niya ngayon. Hindi ko man lang nakwento ang pagiging third wheel ko at pag-aaway noong dalawa habang naroon ako.
Sa mga susunod na araw ay naging abala ako sa orientation and welcome walk sa UST para sa aming mga freshies. Iyon ang unang beses na sinuot ko ang Archi uniform ko. Matagal kong tinitigan ang sarili ko sa salamin. White iyong polo na may maroon lining sa collar. Sa may bandang gilid ng dibdib ay nakalagay ang UST College of Architecture. May kasama ring black na blazer na may maroon lining at may logo rin sa gilid. Naka-partner iyon sa black slacks.
"Si Luna?" Tanong ko kay Kierra nang makarating kami sa tapat ng Tiger statue. Dito raw kami magkikita-kita.
"Nakikipagkaibigan sa iba nating ka-block." Napasapo si Kierra sa noo niya. "Tara, puntahan na lang natin siya. Na-meet mo na iba nating ka-block?"
"Hindi pa..." Mahinang sagot ko. Kailangan kong ma-meet ang iba dahil sabi ko sa sarili ko, simula ngayon ay makikipagkaibigan na 'ko. Natuto na 'kong kumausap ng iba nang dumating sina Luna sa buhay ko at hindi naman naging masama ang epekto nila sa akin kaya mas naging confident at comfortable akong kumausap ng ibang tao. Binuksan ko ang pinto para sa kanila kaya bakit hindi sa ibang tao? Tutal, panibagong yugto na 'to ng buhay ko. College na 'ko.
Nakita nga namin si Luna na nakikipagtawanan doon sa ibang ka-block namin sa tapat ng fountain. Nang makita niya kami ay kumaway kaagad siya at sinenyasan kaming lumapit para mapakilala niya kami.
"Hindi siya masyadong nagchachat sa group chat. Si Via!" Pagpapakilala ni Luna. "At ito 'yong pinsan ko, si Kierra."
"Hello," bati ko at ngumiti. Inalok ko pa ang kamay ko at kinuha niya naman 'yon, natatawa pa dahil ang formal ko raw masyado. "Ah, hindi ba dapat ganito? Sorry, hindi ako sanay." Natawa rin ako sa sarili ko.
Nakipagkilala pa 'ko sa iba bago kami pumuntang QPAV para sa orientation. Wala naman masyadong nangyari sa orientation. Na-overwhelm lang ako dahil ang daming tao. Hindi ako sanay dahil hindi naman ganito karami ang estudyante sa Valeria High. Ang ingay at puno silang lahat ng energy. Awkward din ang iba kaya may mga karamay naman ako. Pakiramdam ko ang laking step nito. Panibagong environment kaya balik ako ulit sa simula.
"Hello," bati ko sa katabi ko sa orientation. "I'm Via. Anong name mo?" Ang tagal kong prinactice sa utak ko 'yon bago ako nagkaroon ng lakas ng loob.
"Hi! Nica!" Ngumiti siya kaagad at kumaway. Mabait naman sila... Mabait sila kaya mas naging confident akong makipagkilala sa iba. Nagkaroon din ako ng ibang kaibigan sa ibang block kaya achievement na sa akin 'yon.
Nag-aya ang block kumain pagkatapos ng orientation kaya naman ang dami namin sa loob ng malapit na kainan. Hiwa-hiwalay na lang kami ng table habang nakikipagkwentuhan. Masaya ako dahil mukha naman silang mababait. Pare-pareho lang naman kaming freshies dito kaya pakiramdam ko pare-pareho rin kami ng nararamdaman. Masaya kami ngunit takot din dahil walang nakakaalam kung ano ba ang mangyayari sa amin sa college program na 'to.
"Hi, Via... Crush ka raw ni Dan." Tumabi sa akin ang blockmate kong lalaki at tumatawang tinuro 'yong isa pa naming blockmate. Nanlaki ang mga mata ko at muntik nang mabuga ang iniinom kong iced tea.
"Para kang gago!" Reklamo ng Dan at hinatak sa buhok 'yong lalaki. Hindi ako makapagsalita habang nagbibiruan sila roon.
"May partner ka na, Via?" Tanong ni Nica sa akin. Partner? "Like boyfriend, girlfriend, or other things..."
Umiling ako kaagad at binaba ang baso ng iced tea. Ni hindi ko nga alam ang itatawag sa nararamdaman ko ngayon sa best friend ko, partner pa kaya? Natawa na lang ako sa sarili ko. I was such a mess.
"Via!" Nilapag ni Luna ang bowl ng fries sa tapat ko. "My treat!" Kinindatan niya 'ko bago bumalik doon sa table nila. Narinig kong pinag-uusapan ng mga lalaki sa ibang table si Luna pero hindi namin sila ka-block. Mga taga-Engineering yata 'yon. Mukhang type nila si Luna.
Bakit ba naghahanapan ng crush ang mga freshies dito? Siguro kasi bago sa paningin ang isa't isa, ano? Hindi naman ako interesado sa kahit sino sa kanila. Maya-maya, tinabihan na rin ako ni Kierra at bumubulong na siya sa akin na may gwapo raw sa kabilang table.
Kinabukasan naman ay naging ganap na kaming Thomasian dahil dumaan na kami roon sa Arch of the Centuries. Hindi na raw kami pwedeng maglakad palabas doon habang nag-aaral pa kami dahil ang paniniwala nila, kapag daw lumabas ka roon, babagsak ka at hindi ka makaka-graduate. Nakakatakot 'yon. Lalabas ka lang daw roon sa graduation.
"Saan ang Dapitan?" Tanong ko kay Luna. Naliligaw pa rin talaga ako sa apat na streets dito sa UST. Hindi rin madaling mag-warm up sa campus. Akala ko nga ay simbahan iyong Main building.
"Dapitan 'yong sa likod, malapit sa building ng AB. Noval 'yong malapit sa seminary gym at sa building natin. Lacson 'yong sa UST Hospital, at España 'yong sa tapat ng QPAV. 'Yong may overpass at waiting shed! Doon!" Pagtuturo sa akin ni Luna. Nag-drawing pa talaga siya sa notebook niya para ipakita sa akin.
"Masasanay ka rin, Via. Ako rin naman, hindi ko pa saulo 'yan," sabi ni Kierra. "Tinuro lang ni Sevi. Kapag nagsimula na raw ang klase, ituturo niya naman sa atin ang mga kainan dito."
"Pati inuman!" Masayang sabi ni Luna.
"Huwag na 'yon," singit ko kaagad. "Mag-aral na lang tayo."
Hindi naging madali sa akin ang pag-adjust lalo na't ibang iba ang pagtuturo ng mga prof dito kaysa sa mga teacher namin noong high school. Nakakatakot dahil para akong kumakapa sa dilim ngayon. Wala kaming alam kung paano sila magpa-test, kung paano sila sa klase, kung ano ang mga ayaw at gusto nila. Lahat kami ay walang alam kaya mas mabuting mag-play safe.
"Kumusta ang first day?" Tanong kaagad ni Sevi nang salubungin niya kami sa tapat ng building namin. Nakangisi siya ngayon, suot ang Engineering uniform at nakasukbit ang itim na backpack sa isang balikat. "Ayos ba?"
"Wala naman masyadong ginawa," sagot ko. Naalala kong kailangan ko pa palang bumili ng mga kailangan ko para sa plates na magagamit ko sa susunod.
Tinuro sa akin ni Sevi kung saan ako makakamura sa school supplies kaya roon na ako bumili ng mga kailangan ko bago ako bumalik sa may gate ng school para kitain si Kino. Napangiti kaagad ako nang makita siyang naghihintay roon, palinga-linga pa sa paligid. Nang makita niya ako ay tinaas niya kaagad ang isa niyang kamay habang ang isa ay nasa bulsa.
"Kanina ka pa?" Tanong ko habang naglalakad na kami pauwi sa bahay. Binuhat niya ang iba sa mga binili ko. Mukhang galing din siya sa klase niya dahil may suot pang bag.
"Hindi naman," sagot niya. "Tara, kain tayo!"
Ganoon ang naging set-up namin ni Kino tuwing nagtatama ang schedule naming dalawa. Madalas ay pareho kami ng uwian kaya lagi kaming nagkikita pagkatapos. Sa ibang araw naman ay wala siyang klase kaya may oras siyang puntahan ako kahit hindi naman kailangan.
"Bakit ba ako nag-Archi kung hindi naman ako maalam sa drawing at sukat?" Inis na sabi ko sa sarili ko habang gumagawa ng plates. Ang bilis ng panahon at patapos na kaagad kami sa first sem.
"Patingin nga..." Binaba ni Arkin ang hawak niyang laptop para tignan ang gawa ko. Narito siya sa kwarto ko, nag-tytype ng script. "Maganda naman, ha! Lalo na itong colors! Maganda!"
Ang O.A naman nito pumuri. Nagtunog sarkastiko tuloy. Inismiran ko siya at bumalik na lang sa ginagawa ko para matapos na 'to. Abala siya ngayon doon sa project nila.
"Alam mo bang may boyfriend na si Luna? Na-meet niya sa Bumble?" Sabi ko sa kaniya. Hindi na kasi nila nakikita si Arkin kaya wala siyang kaalam-alam sa nangyayari. "Drix ang pangalan. Hindi ko kilala pero mukha namang mabait. Pareho sila ng ugali. Madaldal."
"Bumble? Hindi pa siya pwede roon, ha?!" Gulat na sabi ni Arkin. "Kahit malapit naman na pero... Bakit naghahanap siya ng jowa kaagad?!" Nagpapanic na tanong niya.
"Kasi nga gusto niya raw ng date sa Paskuhan. Magka-age naman sila." Napasapo ako sa noo ko. "Mukhang hindi naman seryoso si Luna. Para nga lang silang magtropa noong lalaki..."
"Pareho sila ng ugali?" Natawa kaagad si Arkin. "Parang mas bagay kay Luna iyong mga seryoso, ganoon, para hindi sila mag-clash ng personality."
"Ikaw ba? Wala ka pang natitipuhan sa UP?" Tanong ko bigla sa kaniya. Napatigil siya kaagad at tumingin sa gawi ko, nag-iisip.
"Marami..." Napatigil kaagad ako sa pagdadrawing at natulala sa lamesa. "Maraming magaganda tsaka matatalino. Marami ring nagkakagusto sa 'kin," mayabang na sabi niya.
So? Tinanong ko lang naman kung mayroon na siyang natitipuhan doon. Hindi ko naman tinanong iyong ibang bagay kaya bakit ang dami niyang sinasabi? Marami? E 'di marami. Bumuntong-hininga na lang ako at pinagpatuloy ang ginagawa ko.
"Pero hindi naman 'yon 'yong type ko," dugtong niya. "Ikaw..."
"Huh?" Napalingon kaagad ako sa kaniya. Tama ba ang pagkakarinig ko?
"Ikaw ba, 'ka ko? May natitipuhan ka na roon?" Tanong niya sa akin. Agad nag-init ang pisngi ko nang mapagtantong iba pala ang inisip ko roon sa sinabi niya. "Bakit ka namumula? Sino 'yan?" Nagsalubong ang kilay niya.
"Wala!" Tanggi ko kaagad.
"Ano ba mga tipo mo? Ah, 'di ba 'yong matatalino tsaka responsable? Parang si Pres?" Binalik niya na naman 'yon! Halata pa sa boses niya ang bitterness. "Ngayon ba, Via?"
Ano bang tinatanong niya? Bakit ba napunta kami sa ganitong topic? Kasalanan ko 'to! Dapat hindi ko na tinanong 'yon dahil alam kong ibabalik niya rin sa akin. Dati, wala namang problema kung tanungin niya ako sa ganito dahil sinasabi ko namang wala at hindi ko 'yon iniisip pero...
Pero ngayon iniisip ko na dahil sa kaniya!
"Pasok naman na ako sa tipo mo... Hindi ba?" Tanong niya ulit.
_______________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro