Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

18


"Kumusta ang exams? Nakasagot ka ba nang maayos?" 


Umupo ako sa tabi ni Kino sa sahig habang hawak niya ang gitara niya. Narito ulit kami sa Music Room para tumambay. Sinusulit na lang namin ang natitirang araw namin dito bago kami mag-practice ng graduation. Sa mga nakaraang buwan ay nag-focus lang ako sa pagtuturo rito sa Music Club every other day at masasabi kong na-eenjoy ko naman ang pagtuturo, ngunit hanggang doon lang. Nagkasundo kami ni Arkin na hindi talaga ako magpe-perform sa harapan. 


"Sakto lang," sagot niya sa akin bago nilagay sa case ang gitara niya. Kami pa lang dalawa ang nasa loob ng room dahil maagang natapos ang exams namin. Last subject na iyong kanina kaya naman makakahinga na 'ko nang maluwag. 


"Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi kaka-review, tapos ang ingay pa ni Mira. Sumali yata siya ng choir tapos nag-papractice kagabi sa kwarto. Rinig na rinig ko," pagkekwento ko sa kaniya bago humikab. 


"Tulog ka muna," mahinang sabi niya bago ako inakbayan at sinandal ang ulo ko sa balikat niya. 


Nangangawit ako sa ganoong pwesto kaya humiga na lang ako at sinandal ang ulo ko sa binti niya. Mas malambot pa 'yon. Sinita niya 'ko at sinabing marumi raw sa sahig pero wala na akong pakialam dahil inaantok na ako. Tumawa na lang siya saglit at sinuklay ulit ang buhok ko habang nakapikit ako kaya mas mabilis akong inantok. 


Naramdaman kong dahan-dahan niyang inalis ang salamin ko kaya nagising ako nang kaunti pero bumalik na rin ako kaagad sa tulog. Paminsan-minsan ay nagigising ako dahil naririnig kong may pumapasok sa loob ng room. 


"Doon na kayo mag-practice sa labas," dinig kong sabi ni Kino habang sinusuklay pa rin ang buhok ko gamit ang mga daliri niya. 


"Huwag na..." Umayos na kaagad ako ng upo at napakusot sa mga mata kong inaantok pa rin kahit nakatulog na nang dalawang oras. Ganoon pala katagal ang tulog ko? Hindi ko gaanong naramdaman dahil maingay ang mga instrumento nila kaya nagigising ako. 


Pagkadilat ko nang maayos ay nanlaki ang mga mata ko dahil marami na palang tao sa loob at matalim na ang tingin ni Naya sa gawi ko. Nagbubulungan na rin ang ibang officers at nagtataka kung kami na raw ba ni Kino o magkaibigan pa rin. Tumalikod na lang ako sa hiya para kuhanin ang gitara ko. Magtuturo na ulit ako. 


"Sabi ni Mama, daan ka raw sa bahay namin mamaya para kuhanin 'yong mga pinamili niya para kina Ysha," paalala sa 'kin ni Arkin. Tumango ako sa kaniya, iniisip kung doon na rin ba ako matutulog para hindi na 'ko maglakad pauwi. Matagal na rin noong huling tulog ko roon, e'. Papayag naman siguro si Papa.


"Samahan mo muna akong kumuha ng damit sa bahay," sabi ko sa kaniya. Napaawang ang labi niya nang ma-realize kung ano ang ibig sabihin noon. Tumango lang din siya at umiwas ng tingin sa akin. 


"Arkin, turuan mo nga ako sa violin!" Sigaw bigla ni Naya kaya napalingon din ako. 


Umalis na rin ako para pumunta roon sa mga freshmen na nagpapaturo sa akin. Gusto raw nilang ako ang nagtuturo dahil hindi ako mukhang naiinis kapag hindi nila nakukuha. Ganito rin si Mama noong tinuturuan niya pa lang si Kino tumugtog ng gitara. 


"Couple bracelet po ba 'yan?" Pang-aasar bigla ng first year student sa akin nang makita ang friendship bracelet na bigay ni Kino. Napansin nila dahil hawak ko ang gitara. 


"Pareho sila!" Turo rin noong isa kay Arkin na hawak na ang violin ngayon at nakalagay sa balikat. Pansin na pansin tuloy ang bracelet. 


"Friendship bracelet lang 'yan," sagot ko sa kanila. "Walang malisya 'yan. Bumalik na tayo sa tinuturo ko. Iniiba n'yo lang ang topic." Tumawa ako at nag-strum ulit. 


Noong uwian na, nagkita lang kami saglit nina Luna bago ako umuwi kasama si Arkin. Sinamahan niya 'kong kumuha ng damit sa bahay at pumunta na rin kami sa kanila para roon ako matulog. 


"Malapit na tayong mag-college..." Sabi ko sa kaniya habang naglalakad kami papunta sa kanila. Pareho kaming bitbit ang case ng gitara namin sa balikat at nakasuot ng highschool uniform. 


"Nag-reserve ka na sa UST, 'di ba?" Nahihirapang tanong niya. "Kapag doon ka nag-aral... Magdo-dorm ka ba?" 


"Hindi ko yata kayang iwan ang mga kapatid ko," sagot ko sa kaniya. "Baka lumipat na rin naman kami ng bahay, sabi ni Papa, kung sa UST nga ako."


"Malayo ba rito?" Napatingin siya sa akin, puno ng pag-aalala ang mga mata.


Tumawa ako at pabirong ginulo ang buhok niya. "Hindi naman masyado. Kaya naman mag-jeep. Hinihintay ko na lang ang resulta ng UP... Kapag nakapasa ka roon, doon ka mag-aaral, 'di ba? Magdo-dorm ka?" 


"Baka... O condo." Napailing siya. "Ayaw ko rin kasing may kasamang iba sa kwarto. Alam mo naman 'yon. Pero... kapag nakapasa ka ng UP, gusto mong sumama sa 'kin?" Inosenteng tanong niya ulit.


"Oo naman." Tumango ako habang naglalakad kami. Madilim ang daan at street lights na lang ang nagsisilbing liwanag sa dinaraanan namin. 


"Sana makapasa tayong dalawa!" Malakas na sabi niya. 


Mabagal kaming maglakad dahil nagkekwentuhan pa kaya naman matagal din bago kami nakarating sa tapat ng bahay nila. Binuksan na ni Arkin ang gate at tinanggal ko naman ang sapatos ko bago ako pumasok. 


"Via!" Tuwang tuwa akong sinalubong ng Mommy niya ng yakap. "Ang tagal na rin kitang hindi nakita! Si Kino kasi ayaw kang dalhin dito!" Ngumuso pa siya at kinurot ang bewang ni Arkin.


"Ma!" Singhal ni Kino sa sakit. "Busy kasi kami. Exams week. Tapos na kaya ngayon ko lang siya inaya ulit." 


"Aakyat na ho muna kami..." Paalam ko kay Tita. Nasa trabaho pa ang Papa ni Arkin kaya naman hindi ko nakita. 


"Bumaba kayo kaagad para kumain! Nagluto ako!" Sigaw ni Tita sa may hagdan habang paakyat kami. "Anak, ingatan mo si Via!" 


Para namang kung saan kami pupunta sa bilin ni Tita kaya natawa ako saglit. Pumasok kami sa kwarto ni Kino at binuksan niya kaagad ang aircon, nahihiya pa dahil medyo magulo ang kwarto niya. Malinis naman tignan. Iyong study desk lang niya ang magulo dahil nga exams week. Todo aral ata siya ngayon. 


"U-upo ka, Via..." Parang first time ko sa kwarto niya kung makapagsalita siya. Nautal pa nga. 


Nilapag ko ang gamit ko sa sahig at umupo sa kama niya. Mukhang pinalitan ulit ni Tita ang bedsheet dahil amoy ko pa na bagong laba 'yon. Nang tignan ko pabalik si Kino ay naglalakad-lakad lang siya at hindi mapakali. Akala mo siya ang dumayo ng bahay at hindi niya kwarto 'to. Naglatag na lang ulit siya ng foam sa sahig para sa tutulugan niya. 


Pagkaligo ko ay bumaba na kami ni Kino para kumain. Kung ano-anong tinanong sa akin ng Mama niya tungkol sa school kaya hindi rin ako natigil kakasagot. Nakakain lang ako nang maayos nang pinagalitan na ni Kino ang Mama niya. Hindi raw ako hinahayaang tahimik na kumain. 


"Bumili si Papa ng piano," sabi sa akin ni Kino habang paakyat ulit kami, kakatapos lang kumain. "Halika! Tignan mo!" Tuwang tuwang sabi niya. 


Pumasok kami sa isang kwarto katabi noong kaniya. Narito lahat ng instruments ni Kino, pati ang computer niya. Ang swerte ni Kino dahil binibigay ng magulang niya lahat sa kaniya at suportado siya sa lahat ng hobbies niya. Mag-isa lang din kasi siyang anak kaya naman siya lang ang iniisip ng magulang niya. 


Umupo ako sa couch habang si Kino naman ay umupo roon sa tapat ng piano. Mas malaki pa itong kwartong 'to kumpara sa kwarto niya kaya naman nagkasya ang piano. Maliit lang din naman 'yon. Siya lang naman ang gagamit noon. Hindi ako sigurado kung marunong din mag-piano ang Mama ni Kino dahil vocalist siya noon sa banda.


"Tumugtog ka nga ng kahit ano," paghahamon ko sa kaniya. 


Nag-enroll si Kino ng piano lessons noong bata siya, pati violin. Lahat kasi ay gusto niyang subukan noon nang matuto siyang tumugtog ng gitara. Natuwa ata siya masyado dahil na-realize niyang may talent siya sa musika. Drums lang ang hindi niya inaral pero kaya niya ring tugtugin. 


"Kino, pwede ka nang gumawa ng sarili mong banda tapos ikaw lang," pagbibiro ko sa kaniya. 


"Ako lang? Akala mo naman hindi kita kukuhanin?" Ngumisi siya sa akin. Napailing kaagad ako bilang pagtanggi. Kahit kailan ay hindi ko pinangarap ang maging kasali sa isang banda, hindi tulad ni Mama.


Umayos siya ng upo at seryoso akong tinignan bago nilagay ang dalawang kamay sa piano. Nagpahalumbaba ako nang umiwas na siya ng tingin sa akin at sinimulang tumugtog. Mabagal lang ang melody kaya naman nakaka-relax. 


"Anong piece 'yan?" Tanong ko. 


"Stay in Memory. Yiruma," sagot niya habang tumutugtog pa rin. 


Sumandal ako sa couch at napapikit habang pinapakinggan ang piano. Ngayon ko lang ulit siya nakita o narinig na tumugtog ng piano simula noon. Habang nakapikit ako ay naisip ko kung gaano kagaling si Arkin sa lahat. Siguro sa tagal naming magkasama, mayroon na sa aking parte na naiinggit sa kaniya dahil alam niya ang gusto niya sa buhay. Alam niya rin kung saan siya magaling. Sa musika. 


Akala ko nga ay music ang ite-take niya sa kolehiyo pero gaya ng sabi niya, ayaw niyang mapagod sa musika. May sense naman 'yon para sa akin. Pangalawang hobby niya naman ang pagfi-film kaya nga binilhan siya ng magulang niya ng camera. 


Mabuti nga rin sa kaniya na hindi niya na kailangan isiping maging praktikal. Wala siyang tutustusang kapatid... At may kaya ang pamilya niya kaya naman siguro madali siyang makapili ng gusto niyang gawin... dahil nga malaya siyang pumili. Ako kaya? 


"Anong iniisip mo?" Nagulat ako nang mapansing nasa tabi ko na pala si Kino at tapos na pala siyang tumugtog. Ang ganda noong piece na tinugtog niya pero nawala na 'ko sa kalagitnaan dahil sa mga iniisip ko. 


"Wala... Naisip ko lang na ang swerte mo." Ngumiti ako at pinisil ang pisngi niya.


"Swerte ako kasi nariyan ka, Via," kaswal na sabi niya sabay sandal din sa couch habang ang dalawang kamay ay nasa likod ng ulo. Nakatingin siya sa kisame, nag-iisip. "Kung wala ka, hindi ko rin alam ang gagawin ko." 


"Sus... Ikaw pa ba?" Napabuntong-hininga ako. "Sobrang hanga ako sa 'yo, Kino... Kung artista ka siguro, ako 'yong number one fan mo." 


"Mag-aartista ba 'ko?" Tumawa siya. "Alam kong gwapo ako, Via, pero... Alam mo namang mas pipiliin ko ang pag-aaral ko kaysa sa mga ganoon!" Ngumisi pa siya, tunog mayabang ang siraulo. 


"Talaga... Huwag mong pakawalan ang pag-aaral mo. Magagalit talaga ako." Kasi hawak na nga niya ang gusto niya, papakawalan niya pa para lang sa panandaliang atensyon galing sa maraming tao? Hindi ko gugustuhing tahakin niya rin ang daang 'yon at magbago rin siya. 


Hindi na namin namalayang habang nagkekwentuhan kami ay nakatulog na kami sa couch. Nagising na lang akong nakahiga kami roon at dahil masikip, nakayakap ako sa kaniya para hindi kami mahulog. Dahan-dahan akong tumayo at tinanggal ang kumot na bumabalot sa amin. Wala naman 'to kagabi. Mukhang nakita kami ni Tita kaya kinumutan kami. 


"Kino, kain na tayo," panggigising ko rin sa kaniya kahit ako ay inaantok din. 


Dahan-dahan din siyang dumilat at inaantok na sumunod sa akin papasok ng CR para maghilamos ng mukha. Iyon din ang ginawa ko at bumaba na kami sa dining nila para kumain ng breakfast. Nagluto kasi ulit ang Mama niya.


"Hello po, Tito," bati ko nang maabutan ang Papa niya. 


"Hello, Via! Kumain na kayo," nakangiting sambit ni Tito. "Kumain ka na, anak. Aalis na ako, ha." Ginulo ni Tito ang buhok ni Kino bago humalik kay Tita sa pisngi. Papasok na kasi ito sa trabaho kahit Sabado. 


"Via, ito nga pala 'yong para sa mga kapatid mo!" Nagmamadaling inabot sa akin ni Tita ang tatlong paper bags. Nagpasalamat kaagad ako bago umupo sa hapag at kumain. Nasa tabi ko si Kino, nakapahalumbaba at papikit-pikit pa na parang bata. 


"Huwag mong laruin ang pagkain," pagbabawal ko sa kaniya dahil kanina pa niya nilalagay sa kutsara niya ang kanin pero inaantok siya kaya nakakalat niya lang sa plato niya. 


"Hmm..." Dumilat siya at sumubo na ng pagkain. Punong puno ang bibig niya habang tulala at ngumunguya, half-asleep pa kaya nakakatawa ang itsura. Dahil nakatingin ako sa kaniya ay tumingin siya sa akin pabalik gamit ang inosente niyang mga mata. 


"Ang sweet n'yo kagabi. Magkayakap pa kayong natulog." 


Napapikit ako nang biglang nabuga ni Kino sa akin ang nasa bibig niya. Nanlaki ang mga mata niya at napatakip sa bibig niya bago tumakbo para kuhanin ang tissue. Nagulat din ang Mama niya at kinuha ang pamunas ng table. 


Hindi ako makagalaw at pilit kinakalma ang sarili ko habang nililinis ni Kino ang mukha ko. "Sorry, Via! Sorry!" Parang paiyak na si Arkin habang nangininig ang kamay na pinupunasan ang pagkaing nabuga niya sa akin. 


Pucha, Arkin. 


"Waaa, sorry!" May napunta pa sa damit ko kaya pinagpag niya rin 'yon. Nagising tuloy ang diwa niya. Napailing na lang ako at tumayo para maghugas ng mukha sa CR. Pagbalik ko ay parang tutang inapi si Arkin. Nakaupo lang siya roon at sinusundan ako ng tingin, guilty sa ginawa niya. 


"Kapag hindi na pumunta si Via rito, anak, ikaw ang may kasalanan," natatawang sabi ng Mama niya. 


"Bwisit ka, Arkin," sambit ko sa kaniya pagkaupo ko ulit sa tabi niya. 


"Sorry na! Sorry!" Pinagdikit pa niya ang dalawa niyang palad at yumuko na parang nagdadasal. "Sorry! Galit ka ba, Via?!" 


Umiling ako at sinabing kumain na lang siya. Pagkatapos noon ay pinahiram niya 'ko ng extra niyang damit dahil nga narumihan ang sa akin. Nang makapagpalit ay nagpaalam na 'ko sa Mama niya at hinatid na rin ako ni Kino pauwi. 


Sa susunod na linggo ay lumabas na ang grades namin tsaka ang honors. Valedictorian si Luna. May honors ako at si Kierra. First honor naman si Arkin ng section nila. Sayang at salutatorian sana siya kung hindi lang nakalamang sa kaniya ng 0.02 ang salutatorian ngayon pero mukha namang walang pakialam si Kino. Hindi naman talaga niya iniisip ang mga ganoon. 


"Ang init, grabe! Pahiram ako ng pamaypay, Larkin!" Sinubukang agawin ni Luna ang pamaypay ko ngunit iniwas kaagad ni Kino ang kamay niya kaya nagsamaan sila ng tingin. Nag-practice kami ng graduation ceremony ngayon at mainit sa labas kaya nag-aagawan sila ngayon sa pamaypay na dala ko. 


Umiinom lang ako ng tubig habang pinapaypayan ako ni Kino. Kasama ako sa paypay niya kaya nangangawit na siguro siya. Sinama na lang din niya sina Luna kaya hindi na sila nagtalo pa roon. Ang laki tuloy ng sakop ng pagpapaypay niya. 


"Ang sakit na sa braso!" Reklamo niya. "Sa inyo naman ang school, Kierra. Magpakabit ka na lang ng aircon dito!" 


"Siraulo ka ba?" Tanong ni Kierra pabalik. "Open space tapos magpapa-aircon? Anong pinapalamig mo? Buong school?" 


Tumawa ako at kinuha na lang ang pamaypay mula sa kamay ni Kino at ako na ang nagpaypay para sa kanilang lahat. Hindi pa rin sumasagi sa isipan kong aalis na kami sa school na 'to. I spent 4 years of my life here. 


Ang plano ko naman talaga ay grumaduate nang si Kino lang ang kasama ko. Hindi ko rin alam kung paano nangyaring may nadagdag na dalawang tao pero hindi naman ako nagrereklamo. Sila naman ang bumuhay sa highschool life ko, kasama sina Sam, Yanna, at Sevi. 


Bago ang araw ng graduation, mayroon kaming farewell ceremony sa Music Club kung saan magpapaalam sa mga seniors lahat ng nakababatang members namin doon. Wala naman talaga akong planong maluha man lang pero parang may tumusok sa puso ko noong nakita ko ang mga tinuruan kong tumugtog ng gitara. 


"Thank you for everything, 4th year!" Sigaw nilang lahat at nag-bow pa sa amin pagkapasok namin sa Music room. Napakapit ako sa braso ni Larkin nang may magpaputok pa ng confetti. 


Napangiti si Arkin at humarap sa akin para tanggalin ang mga naiwang confetti sa tuktok ng ulo ko. Ang ibang members naman ay agad dumiretso para yakapin ang mga tumakbo sa kanilang mga lower year students. Mayroon pa silang program na prinepare para sa amin kaya umupo muna kami roon. Katabi ni Kino si Naya sa kabila niyang side pero hindi sila nagpapansinan. 


"Ate Via, ito na ang isa sa mga tinuro mo sa amin! Hindi mo alam na para sa inyo 'yon, 'no?!" Tuwang tuwang sabi noong mga first year bago nag-perform sa harapan ng 'Huling Sayaw.' Nakangiti lang ako habang pinapanood sila. Natutuwa ako dahil nakikita kong may passion sila para sa musika. 


"Para mo namang pinapanood ang anak mong mag-perform sa harapan," tumatawang bulong ni Arkin sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin at hinampas sa braso para tumigil na siya sa kakaasar sa akin. 


Pagkatapos noon ay tinawag si Arkin para mag-speech bilang Vice President ng club. Wala siyang hinanda dahil surprise nga 'yon kaya kung ano-ano na lang ang sinabi niya. Lahat naman ng miyembro rito ay may space sa puso nila para sa kaniya. Para sa akin, si Kino ang pinaka-passionate dito pagdating sa music. President nga dapat siya kung hindi niya lang tinanggihan. 


"Four years na 'ko rito sa Music Club. Ang tagal ko na ring tumutugtog at masaya akong makakilala ng ibang tao na gusto rin ang music katulad ko. Masaya akong nakilala ko kayong lahat at masaya rin akong naturuan ko kayo kahit hindi naman ako expert." Hinawakan niya ang dibdib niya at ngumiti. "Hindi ko alam kung ano ang daang tatahakin ko pagkaalis ko rito... Kung may patutunguhan pa rin ba ang musika ko, pero isa lang ang sigurado ko. Lahat kayong maiiwan dito, marami pa kayong mararating. Salamat sa apat na taon, Music Club. Mahal ko kayo." 


Sabay-sabay silang nagkantyawan sa sobrang corny raw ni Arkin pero patago namang naluha ang iba. Lahat ng miyembro rito naging close na sa kaniya dahil nga ang tagal niya na rito at siya pa ang hinaharap tuwing papasok sa club. Siya rin ang bukod-tanging marunong sa halos lahat ng instrumento kaya marami siyang naturuan. 


Pagkatapos ni Arkin ay nag-speech naman ang President dahil gagraduate na rin siya, at sumunod ang ibang officers. Pagkatapos noon ay nagkaroon ng shirt-writing. Kaya pala pinasuot sa amin ang luma naming white shirt para rito! Nakakatawa sa ka-cornyhan pero sweet din naman. 


"Hindi ka talaga kakanta para sa amin, Ate?" Nakangusong tanong ng first year. "Palagi mo kaming tinuturuan pero hindi ka pa namin nakikitang mag-perform ulit! Magaling ka naman, a'?!" 


"Uh... Hindi ako sanay..." Napatingin ako sa paligid ko nang dumami ang humahatak sa sleeves ko. 


"Oo nga naman! Last day na natin 'to. Wala ka ba talagang balak pagbigyan 'yong mga bata?" Nakisali na rin si Kino! Tumingin ako sa shirt niya at halos wala nang space doon para sulatan. Mamaya na lang siguro ako magsusulat sa damit niya. 


"Sige na, Ate Via! Please? Please?!" Apat na ata silang humahatak sa akin para mag-perform. Napasapo ako sa noo ko at tumango na lang. Last naman na 'to. Hindi man ako nagtagal masyado sa club, masaya pa rin akong marami akong nakilala rito.


Inabutan nila ako ng gitara at umupo naman ako sa harapan para i-adjust ang microphone. Mas nahiya lang ako dahil pumalakpak nang malakas at sumigaw si Kino kahit hindi pa naman ako nagsisimula. Nagtama rin ang tingin namin ni Naya pero umiling lang siya at umiwas. 


Sinimulan ko na mag-strum ng gitara. 'Para Sa Akin' na lang ang napagdesisyunan kong tugtugin dahil iyon ang unang pumasok sa utak ko. Saulo ko rin ang lyrics noon kahit hindi naman ako mahilig sa mga ganoong love song. 


"Kung ika'y magiging akin... 'Di ka na muling luluha pa. Pangakong 'di ka lolokohin ng puso kong nagmamahal..." Mas lalong natahimik ang lahat nang marinig ang boses ko kaya kinabahan ako. Pangit ba kaya bigla silang umayos? "Kung ako ay papalarin na ako'y iyong mahal na rin... Pangakong ikaw lang ang iibigin, magpakailanman..."


Tumingin na lang ako sa gitara habang tumutugtog ako para makaiwas ng tingin sa kanila. Mas lalo lang akong kinakabahan kapag nakakakita ng tao. 


"'Di kita pipilitin... Sundin mo pang iyong damdamin... Hayaan na lang tumibok ang puso mo... Para sa akin..." Inangat ko ang tingin ko at binigyan kaagad ako ni Arkin ng thumbs up gaya ng ginawa ko sa kanya noong tumutugtog siya. Napangiti tuloy ako habang nag-iistrum ng gitara. 


May bumulong pang isang first year student kay Arkin kaya biglang nanlaki ang mga mata nito at umiwas, namumula ang tenga. Nagtaka tuloy ako kung ano 'yon at bakit siya nag-react nang ganoon. 


"Kung ako ay mamalasin... At mayro'n ka nang ibang mahal... Ngunit patuloy ang aking pag-ibig... Magpakailanman... 'Di kita pipilitin... Sundin mo pang iyong damdamin... Hayaan na lang tumibok ang puso mo para sa akin..." Binagalan ko na ang pag-strum ko. "Para... sa akin," pagtapos ko ng kanta. 


Pagkatayo ko ay nagpalakpakan sila at nagsigawan pa. Nakakahiya kaya mabilis kong binalik ang gitara at naglakad pabalik sa upuan ko. Ang dami pa nilang komento! Bakit hindi raw ako nagpe-perform sa stage kung ganoon daw kaganda ang boses ko at bakit ngayon ko lang daw pinakita sa kanila iyon. Siguro nakalimutan na nilang napilit ako ni Arkin dati kumanta sa stage. 


Tumawa si Kino nang tinago ko ang mukha ko sa likod niya. Hinawakan niya na lang ang braso ko at hinatak ako para umayos ng upo, saka inayos ang buhok ko gamit ang kamay niya. Nang humarap ako sa kaniya, pakiramdam ko pulang pula na ang pisngi ko sa sobrang hiya. 


Napangiti siya at pinisil ang ilong ko. "Cute mo." 


Agad kong hinampas ang kamay niya para mabitawan ako. Ngayon tuloy pakiramdam ko pati ilong ko ay namumula na dahil sa pagpisil niya! May mga nag-perform pang iba katulad ni Naya. Hindi ko mapagkakailang maganda talaga ang boses niya. Bagay talaga sa banda dahil may pagka-strong ang vocals niya. 


Naluha ako noong yumakap na ulit ang mga nakakabata sa amin bago kami umuwing lahat. Maikling panahon lang ako rito pero naramdaman kong belong ako, at sapat na 'yon para sa akin. Sobra pa nga. 


"Wala na 'kong masulatan dito," reklamo ko kay Arkin habang naglalakad kami pauwi. Huminto pa talaga kami sa gilid ng daan papunta sa bahay para lang masulatan ko ang likod ng shirt niya. Madilim pero mayroon namang street lights. 


"Nag-leave ako ng space dito!" Humarap siya sa akin at pinakita iyong bulsa ng polo shirt niya sa may gilid ng dibdib. Wala ngang nakasulat doon. 


"Huwag mong babasahin!" Tinakpan ko ang mga mata niya gamit ang isa kong kamay habang nagsusulat. 


'Ikaw ang musika ko.'


Siya ang musika kong gusto kong ipagdamot sa mundo, pero may parte rin sa aking gusto siyang iparinig sa iba. Alam kong marami pang mararating si Arkin, at wala akong planong pigilan siya, basta alam kong maganda ang magiging epekto sa kaniya. 


Maikli lang iyon dahil hindi ko na kailangang magsabi ng mga corny 'thank you' messages. Magkasama pa rin naman kami kahit tumungtong ng kolehiyo. Hindi naman mawawala ang pagkakaibigan namin. 


"Okay na? Ako naman!" Kinuha niya ang pentel pen at pinatalikod ako. Doon siya nagsulat sa may bandang balikat dahil naramdaman ko 'yon. Na-curious tuloy ako kung ano ang sinulat niya. Mababasa ko naman 'yon mamaya. 


"Huh?! Ano 'yon? Bakit may linya-linya? Nag-drawing ka ba?" Humarap ako sa kaniya nang takpan niya na ang marker. Ngumiti lang siya at nilagay na sa bag iyon bago kami naglakad ulit pauwi sa bahay. 


Nang nasa tapat na kami ay huminto ako at humarap sa kaniya. Nakatingin na lang siya sa akin ngayon at hinihintay akong makapasok sa bahay. 


"Sabihin na natin ang results ngayon," nakangiting sabi ko sa kaniya. Lumabas na kasi ang results ng UP at napagkasunduan naming sasabihin na lang the day before graduation. 


"Ngayon na?" Gulat na sabi niya. "Sabay tayo?" 


Alam ko naman na dahil tinignan ko... Nakapasa siya sa UP Diliman sa program na gusto niya. Film. "Ikaw muna," sabi ko. 


Kinuha niya ang phone niya at pinakita sa akin. "Nakapasa ako!" Tuwang tuwang sabi niya. 


"Wow! Congratulations!" Umakto akong hindi ko alam at niyakap pa siya sa sobrang tuwa. Hinawakan niya kaagad ang balikat ko at tinulak ako nang mahina para makita niya ako. 


"Ikaw?" Nakangiting tanong niya.


Umayos ako ng tayo at bumuntong-hininga. "Hindi ako nakapasa." 


Nawala ang ngiti sa labi niya dahil sa sinabi ko. Nakita kong dumaan sa mga mata niya ang sakit nang ma-realize na hindi kami pwedeng magsama sa iisang unibersidad. 


"Sa UST ako mag-aaral," sambit ko sa kaniya. 


Nalungkot ako, oo... Dahil pangarap ko iyon, pero wala naman akong pinagsisisihan. Hindi naman end of the world kung hindi ako nakapasa roon. Hindi lang naman isa ang daan papunta sa pangarap ko. Maaari talagang lumiko ng landas at ayos lang iyon para sa akin. 


"Okay ka lang ba?" Nag-aalalang tanong niya kaagad.


"Oo naman..." Napangiti ako at pabirong ginulo ang buhok niya gaya ng ginagawa niya sa akin. "Maraming paraan para maabot ang pangarap... Kahit hindi ko pa alam kung ano 'yon. Hindi nakakulong sa kung anong unibersidad na papasukan natin ang future natin, 'di ba, Larkin?" 


Ngumiti rin siya sa akin at tumango. "Kaya mo ba?" 


"Ikaw? Kaya mo ba?" Tumawa ako at hinawakan ang dalawa niyang pisngi gamit ang mga kamay ko. "Kaya mo bang hindi ako kasama?" 


Umiwas siya ng tingin at dahan-dahang tumango. "Oo naman... Kakayanin ko. Pwede pa naman tayong magkita after class."  


"Paano 'yan? May separation of church and state?" Pagbibiro ko kaya natawa siya. 


"Nagbabago ka na, a'... Ang laki mo na." Hinawakan niya rin ang mukha ko kaya mukha na kaming sira ngayon. 


"Ikaw rin! Nag-mamature ka na! Dati, ayaw mong mahiwalay sa 'kin! Ngayon, kaya mo na nang wala ako..." Humina ang boses ko. 


"Kaya ko pero hindi ko sinabing gusto ko," seryosong sabi niya. 


Binitawan na namin ang isa't isa para makapasok na 'ko sa bahay. May nawalang bigat sa dibdib ko nang masabi ko na sa kaniya iyon. Natakot kasi akong baka umiyak siya kaya sinabi kong the day before graduation na lang kami magsabihan. Mabuti na lang at tinanggap niya kaagad 'yon dahil ako, matagal ko na ring tinanggap. 


Naligo kaagad ako at nagbihis para mabasa ang mga sinulat nila. Nakangiti lang ako habang binabasa ang mga messages nila. Ang sweet naman nilang lahat, lalo na iyong mga bata. 


Napakunot ang noo ko nang tinignan ko ang bandang balikat pero naka-cross out na iyong nakasulat! Hindi ko na halos mabasa sa sobrang liit tapos naka-cross out pa! 


"Mahal..." Iyon lang ang nakayanan kong basahin. "Huh?" Napakunot ang noo ko dahil mahaba pa 'yon pero natakpan na ng black na linya. 


"Ate! Assignment!" Pumasok bigla si Aidan sa kwarto ko at pinakita sa akin ang libro niya na may picture ng animals at pangalan nito. May hawak pa siyang mga crayons. 


Tumayo kaagad ako at bumaba kami sa sofa para maturuan ko siya sa mga litratong 'yon. Pinaayos ko na rin ang pagkukulay niya dahil lagpas-lagpas iyon. Habang ginagawa niya 'yon ay sumubok na rin akong mag-drawing dahil wala akong magawa. 


"Matulog ka nang maaga, anak. Graduation mo bukas," sabi ni Papa. 


Iyon nga ang ginawa ko. Natulog ako nang maaga at maaga rin akong nagising dahil kumuha pa ng mag-aayos sa akin si Papa! Naligo na tuloy kaagad ako pagkatapos kong kumain ng breakfast para masimulan na akong ayusan. Hindi pwedeng sumama ang mga kapatid ko dahil mga bata iyon kaya iniwan na lang sa bahay kasama si Mira. 


"Pa, kakain kami ng mga kaibigan ko pagkatapos ng graduation. Dinner na lang tayo kumain," paalam ko. Tuwang tuwa siya pagkasabi ko pa lang ng 'mga kaibigan ko' kaya pumayag siya kaagad. Napagkasunduan na kasi namin 'yon nina Sam. 


Nakasuot kami ng dress sa ilalim ng toga namin at heels. Pinili ko iyong hindi masyadong mataas para hindi nakakangawit, lalo na't ang daming times na tatayo kami. Nagmamartsa pa lang ay naiiyak na si Papa! Hindi ko alam kung bakit! Hindi naman ako aalis sa college! 


Pagkaupo namin ay nagsimula na ang ceremony. Ang layo nina Luna sa akin dahil alphabetically kaming nakaupo kaya naman nakatunganga lang ako at walang makausap. Maya-maya, umakyat na rin si Luna sa stage bilang valedictorian para magbigay ng speech. 


"Today is an ending and a beginning. A celebration of our achievements. Indeed, this is the moment we've all been waiting for. But before I greet every one of you, I would like you to imagine a certain scenario. Imagine that this place is an amusement park and we are all here, waiting in line to ride a rollercoaster. I am here in front to give tickets for free. However, before receiving the ticket, allow me to ask you... Would you ride it?" Tumigil siya at tinignan ulit ang papel sa harapan niya. "Good morning, everyone..." 


Pagkatapos noon ay isa-isa na siyang nag-acknowledge ng school director, principal, faculty members, at kung sino-sino pa. Sa harapan din nakaupo ang Papa ni Kierra kaya Mommy niya iyong kasama niya sa march. Pagkatapos niyang i-welcome lahat ay nag-message na siya tungkol sa achievements and struggles. Nagulat pa ako dahil kasama ako sa thank you speech niya. 


"It was a fun ride, right? A ride that helped us go closer to the sky. A ride that will lead us to our dreams. My fellow students, today is another milestone. Our certificates will serve as our free tickets to the bright future ahead of us. Allow me to ask you once more... Would you ride it? The answer is within you. Congratulations, everyone, and thank you. May all of you become who you want to be." 


Nagpalakpakan kami pagkababa ni Luna. Dumiretso pa siya sa akin para yakapin ako bago umupo sa upuan niya at niyakap si Kierra. Napangiti na lang ako dahil naiwan pa sa akin ang warmth galing sa kaniya. 


Pagkatapos ng graduation ay pumunta kaagad ako kay Papa at sinabit sa leeg niya ang medal ko. "Para sa 'yo 'yan, Papa," sambit ko. 


Nawala ang ngiti sa labi ko nang bigla na lang siyang naiyak. Nanlaki ang mga mata ko at hinawakan ang balikat niya para pakalmahin siya! "Pa, ano ba 'yan... Iyakin ka naman. May college pa nga!" Nagpapanic pa ako. Napatakip siya sa mukha niya at inabot sa akin ang bulaklak na binili niya.


"Salamat sa lahat ng sakripisyo mo, Via..." Naiiyak na sabi niya habang inaabot ang bouquet. 


Tumawa ako at tinanggap 'yon. "Thank you, Pa. Uuwi ako kaagad," paalam ko at hinalikan siya sa pisngi. Binigyan niya pa 'ko ng pera pang-kain daw namin pero tumanggi ako dahil manlilibre raw ang mga nakakatanda sa amin. Si Sam, Yanna, at Sevi. Libre raw nila ang lunch date na 'to as gift. 


"Same block sana tayo, 'no?!" Sabi ni Luna sa amin ni Kierra habang kumakain kami. "Please, please! Kanino ba ako magdadasal para matupad 'to?!" 


"Luna, nakakakilabot kapag sinasabi mong magdadasal ka. 'Di ba sugo ka ng- Aray ko!" Reklamo ni Sevi nang hatakin ni Luna ang buhok niya. Hinawakan naman ni Sevi ang braso ni Luna para hatakin din. "Ano?! Ano, ha?!" 


"Mga bata, tama na 'yan," pang-aasar ni Yanna. 


"Luna, let him go. You're hurting him," makahulugang sabi ni Sam at tinago ang ngiti sa baso habang umiinom ng juice. Natawa kaagad si Arkin nang ma-realize ang ibig sabihin noon. 


"Sam, may kasama ka na pala sa Katipunan," sabi ni Kierra sabay turo kay Arkin. "Ang layo n'yo sa amin." 


"Compromise." Nagkibit-balikat si Sam. "Right, Arkin? You'll still show up for lunch dates with us, right?" 


"Oo naman..." Ngumiti siya at tumango. "Hindi naman ako ganoon ka-busy para hindi kayo kitain! Tsaka palagi naman akong hahanap ng oras para kay Via." 


"Huwag na. Mag-aral ka na lang nang mabuti," sabi ko sa kaniya. 


Pagkatapos ng lunch date na 'yon ay sabay na ulit kaming umuwi ni Arkin. "Happy graduation!" Napaatras kaagad ako pagkabukas ko ng pinto dahil bumungad si Papa at mga kapatid ko. Natawa kaagad ako dahil sa attempt nilang mang-surprise. 


"Wow, thank you, Papa!" Si Arkin pa ang nagulat para sa akin. "Uy, ang daming pagkain! Makikikain muna ako rito bago umuwi!" 


Dahil maraming pagkain, nag-imbita pa si Papa ng mga kapitbahay. Akala mo ay grumaduate ako ng college! Pero dahil nga lilipat na rin naman kami ng bahay, pwede na ring farewell party 'to sa mga kapitbahay namin. 


"May regalo ako sa 'yo," sabi ko kay Arkin kaya sumunod siya sa akin paakyat. 


Pumasok ako sa kwarto at umupo sa kama ko, hawak-hawak na ang box na kinuha ko mula sa cabinet. Excited niyang kinuha 'yon at binuksan. Napaawang ang labi niya at kinuha ang volleyball jersey ko roon. 


"Remembrance. Para naman hindi mo 'ko makalimutan kahit malayo ka na," sabi ko na para bang sa ibang bansa siya mag-aaral. 


"Ang bango! Nilagyan mo ng pabango mo, 'no?!" Ngumisi siya sa akin at niyakap ang jersey ko. "Thank you, Via!" 


19 ang number ng jersey ko dahil iyon ang unang pumasok sa utak niya nang sinabi kong bigyan niya 'ko ng random number. Birthday niya rin kasi 'yon kaya iyon na lang ang nilagay ko. Masyado na kasing common kung birthday ko ang ilalagay ko. 


"Ano 'yong sinulat mo sa shirt ko?" Tanong ko sa kaniya habang nakaupo ako sa kama. 


Napatigil siya at dahan-dahang nilapag ang shirt sa box bago tumayo at huminto sa harapan ko. Binaba niya ang sarili niya at humawak sa tuhod para magkatinginan kaming dalawa. Nagulat ako kaya inatras ko ang mukha ko. 


"Mahal kita... bilang kaibigan," sabi niya at ngumiti nang tipid. "Iyon ang sinulat ko." 


"Bakit mo binura?" Tanong ko ulit. 


Nilapit niya ulit ang mukha niya sa 'kin at tumitig sa mga mata ko kaya napaiwas ako ng tingin. Napahawak ako sa dibdib ko para pakalmahin 'yon nang bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko.


"Mahalaga ba 'ko sa 'yo, Via?" Tanong niya bigla. 


"Oo..." Napalunok ako, nakaiwas pa rin ng tingin. "Mahalaga ka sa akin..." 


Kaya ayaw kitang mawala. Gagawin ko ang lahat, kahit magsinungaling sa sarili ko tungkol sa nararamdaman mo, para lang manatili ka sa tabi ko. 

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro