16
"Hindi ko maintindihan. Anong sabi mo?"
Kumunot ang noo ko habang pinapanood siyang maluha sa harapan ko. Tinakpan niya ang mga mata niya gamit ang palapulsuhan para hindi ipakita sa akin ang pag-iyak niya. Sa katotohanan ay narinig ko naman ang sinabi niya. Gusto ko lang ulitin niya dahil baka nasabi niya lang nang hindi nag-iisip.
"May gusto na... ako... sa 'yo," mabagal na ulit niya, nanginginig pa ang boses.
Agad akong napabitaw sa balikat niya at napaatras, nakaawang ang labi habang nakatitig sa kaniya. Hindi ko alam ang sasabihin ko dahil kahit kailan, hindi ko naisip na darating kami sa araw na 'to... na sasabihin niyang may gusto siya sa 'kin. Baka first time niya lang makaramdam ng ganitong feelings dahil ako lang ang pinaka-close niyang babaeng kaibigan kaya nalilito siya. Tama.
"Kino, baka naguguluhan ka lang." Hindi pa rin ako makapaniwalang narinig ko 'yon mula sa mga bibig niya. "Tara na, umuwi na tayo." Tumalikod ako sa kaniya at hahakbang na sana paalis nang bigla ulit siyang nagsalita.
"Naguguluhan saan?" Biglang tanong niya. Lumingon ako sa kaniya at nakita siyang nakaiwas ng tingin sa akin, pinapakalma ang sarili.
Napabuntong-hininga ako. "Sa ganito... Baka masyado lang tayong madalas magkasama kaya naguguluhan ka. Hindi mo 'ko gusto, Kino. Sanay ka lang sa presensya ko kaya ganoon. Kung sinasabi mo 'yan para manatili ako sa tabi mo, hindi na kailangan. Huwag mo nang uulitin 'yan."
Matagal siyang nakatitig sa akin bago napatawa nang sarkastiko at yumuko. Nilagay niya ang dalawang kamay sa bulsa habang nakatingin pa rin sa sahig, hindi alam ang sasabihin. Masyado bang harsh ang pagkakasabi ko? Ganoon naman talaga dapat.
Ako? Magugustuhan niya hindi bilang kaibigan? Higit pa roon? Parang nakakatawa naman isipin at nakakatakot... Dahil ayaw ko ng ganoon. Kailan pa niya na-realize 'yan? Ngayon tuloy ay iisipin ko nang iisipin kung 'yong mga past actions niya ba sa akin ay ginawa niya bilang kaibigan o dahil lang gusto niyang maging higit kami roon?
Hindi talaga. Hindi ko talaga maisip. Si Kino... Ayaw kong mawala siya sa 'kin pero kung ganito lang din pala ay mas mabuti nang maglayo muna kami para mabigyan ko siya ng option kumilala ng ibang babae. Baka naguguluhan lang siya. Kailangan niyang mag-explore pa ng ibang bagay.
"Siguro huwag na muna tayong maging malapit sa isa't isa," sambit ko sa kaniya. "Kumilala ka ng ibang babae para naman ma-realize mong hindi 'gusto' 'yang nararamdaman mo para sa 'kin. Imposible talaga. Ang tagal na nating magkaibigan. Lito ka lang."
Kinagat niya ang ibabang labi niya at tinignan ako gamit ang mga matang puno ng sakit, ngunit ngumiti rin siya nang tipid at tumango. "Oo nga. Baka naguguluhan lang ako. Mabuti pa nga. Sige na... Mauna ka na umuwi. Maglalakad-lakad lang ako."
Agad akong tumalikod sa kaniya para maglakad na papunta sa sakayan ng jeep. Pagkasakay ko at pagkaandar ng jeep ay nadaanan ko pa ang kinatatayuan namin kanina. Naroon pa rin siya at nakaupo sa bench doon habang nakasandal ang ulo at nakatakip ang mga kamay sa mukha. Umayos na ulit ako ng upo at natulala sa sahig.
Ang weird... Ngayon tuloy ay iisipin ko na kung una pa lang ba ay may gusto na siya sa 'kin? Imposible dahil bata pa kami noon pero kailan 'yon nagsimula? Highschool? Bakit? Anong ginawa ko para masabi niyang hindi na kaibigan ang turing niya sa 'kin? Hindi ko ata kayang isipin 'yon. Ewan ko ba. I just felt betrayed. Hindi ko alam na iba na pala ang tingin niya.
"O, anak, wala si Arkin?" Tanong ni Papa pagkauwi ko. Nauna pa pala siya sa akin at nakakain na rin sila dahil sabi ko kakain ako sa labas.
"Pa, huwag mo na muna siyang hanapin," sambit ko sa kaniya habang naglalakad paakyat sa hagdan. "Busy siya," palusot ko at pumasok na ng kwarto.
Pagkaligo ko ay agad kong binagsak ang sarili sa kama at tinakpan ang mga mata ko gamit ang palapulsuhan. Nagpakawala ako ng mabigat na hininga bago minasahe ang sentido ko. Hindi maalis sa isip ko ang sinabi niya. Hindi ko na ulit siya matitignan gaya ng tingin ko sa kaniya noon. Hindi ko na alam ang iaakto ko kapag nakita ko siya ulit. Sana naman ay mapabilis ang 'exploration' phase niya at sabihin niya sa 'king naguluhan lang talaga siya para mabalik na kami sa dati.
Kinabukasan ay maaga akong gumising para magluto ng umagahan at baon na rin ng mga kapatid ko. Matagal akong nakatitig sa lunchbox ni Arkin at inisip kung dadalhan ko ba siya ngayong araw. Napabuntong-hininga ako at nilagyan na lang din 'yon bago nilagay sa bag ko.
"Ate, wala pa po si Kuya Arkin?" Tanong ni Ysha habang inaayos ko ang uniform niya. Nakasuot na sila ng bag ngayon dahil tapos nang kumain at mag-toothbrush. Kailangan na naming umalis dahil kung hindi ay male-late na kami.
"Hindi na ata siya dadaan dito, Ysha," sabi ko sa kaniya bago hinawakan ang kamay niya tsaka ni Aidan. "Tara na. Anong oras na, o?"
Hindi nga dumaan si Kino sa bahay. Aaminin kong naghintay ako dahil baka magalit na naman siya pero kung hindi pa kami aalis ay male-late ako sa school. Pagkahatid ko sa mga kapatid ko ay sumakay na ulit ako ng jeep papunta sa school. Doon ko lang napagtantong hindi ako sanay mag-isa pero kailangan. Halos lahat ng ginagawa ko ngayon, kasama ko dapat si Kino pero mas mabuti na ring ganito. Hindi naman kami habang-buhay magiging magkasama.
"Via, kanina pa kita hinihintay! Ang aga kasi pumasok ni Arkin! Akala ko magkasama kayo!" Lumapit kaagad si Luna sa akin at inakbayan ako pagkapasok ko ng room. Mabuti na lang at madaldal si Luna kaya nasigurado kong pumasok nga si Kino.
"Oo nga pala, Via. Nagtatanong si Sam kung okay ka lang ba maging 18 candles sa debut niya?" Tanong ni Kierra sa akin. "Nagchachat siya sa GC natin sa Facebook kaso hindi ka nagse-seen doon, e'."
"Ah, hindi ako masyadong nagfe-Facebook," sabi ko. "Oo... Kailan ang debut niya?"
"Sa October pa naman! Nag-aayos lang ng number of guests," sagot niya sa akin. "Ah, pakisabi na rin kay Kino. Wala sila ni Sevi sa GC for girls."
"Si Sevi na lang ang magsabi," sagot ko at umupo na. Nagkatinginan si Luna at Kierra sa isa't isa pero hindi na nagsalita dahil dumating na rin kaagad si Ma'am.
Buong klase sa umaga ay nakikinig lang ako at hindi iniisip ang mga pangyayari kagabi. Bumalik lang ulit sa akin lahat nang ayain na 'ko nila Luna mag-lunch. Ibig sabihin noon ay makikita ko siya ulit.
"Sure ka bang okay ka lang?" Bulong ni Luna sa akin habang naglalakad kami. Nagulat pa ako kaya napalayo ako at takip sa tenga ko. Tumawa siya at nag-peace sign.
"Okay lang," sagot ko naman. Hindi ko kayang sabihin sa kanilang umamin si Kino na may gusto siya sa 'kin dahil pakiramdam ko sikreto 'yon at hindi ko pwedeng sabihin sa iba bilang kaibigan na rin.
"Kapag may problema, sabihin mo lang sa 'kin, ha..." Pagpapaalala niya at tumango naman ako. Alam ko namang nariyan sila para sa 'kin pero ito... Hindi naman 'to necessarily matatawag kong problema. Sa amin na lang 'tong dalawa ni Kino.
Umupo na 'ko sa table at nilabas ang bag ko para kuhanin ang lunchbox ko. Napatigil ako bigla nang mapansing naroon din ang lunchbox ni Kino. Napalingon ako sa paligid para hanapin siya at nakitang nakaupo siya sa may table, kasama si Naya. Naroon din ang iba niyang kaibigang mga lalaki. Nang magkatinginan sila ni Naya ay ngumiti siya rito ngunit nawala rin kaagad nang magtama ang tingin namin.
Umiwas kaagad ako at sinara na lang ang bag ko, walang balak ibigay sa kaniya ang lunchbox dahil baka hindi niya lang ako pansinin. Umupo na lang din si Kierra sa tabi ko at si Luna sa tapat ko nang matapos silang bumili ng pagkain.
Akala ko ay hindi ko na siya makikita ulit kaso general assembly pala sa Music Club ngayong araw pagkatapos ng klase para i-welcome ang new members. Wala na 'kong nagawa at nagpaalam na lang kina Luna bago dumiretso sa Music room. Pagkapasok ko ay kaunti pa lang ang tao at mga officers pa lang din. May kakaunting members pero hindi ko naman kilala ang mga 'yon kaya naghanap na lang ako ng pwesto sa pinakadulo at pinakagilid.
Naroon si Kino sa tabi ni Naya, tinuturuan ata siya ng bagong kanta sa gitara kaya hawak-hawak niya ang kamay para ilagay sa tamang chords. Tumingin siya sa 'kin dahil napansin niya kaagad ang presensya ko pero umiwas din at binalik ang atensyon sa pagtuturo.
"Yieee! Kayo, ha! Baka magkatuluyan kayo niyan!" Pang-aasar ng mga officers.
"Bagay kayo!" Kantyaw rin noong isa. "Bakit hindi na lang kayo? Pareho naman kayong talented! Aminin mo na, Arkin! Crush mo si Naya, 'no?"
"Guys, hindi ganoon 'yon..." Namumulang sabi ni Naya. "Parang sira! Huwag nga kayong ganiyan! Tinuturuan niya lang ako!"
Hindi nagsalita si Kino at nilipat lang ulit ang mga daliri ni Naya sa gitara. Parang wala siyang naririnig pero nang inulan ulit sila ng pang-aasar ay ngumiti lang siya at bumitaw kaagad para kuhanin ang sarili niyang gitara.
Nilabas ko na lang ang libro ko at nagbasa habang naghihintay, kaso masyadong maingay ang pag-aasaran nila dahil kay Kino at Naya. Hindi na 'ko magugulat kung magkatuluyan nga sila. Mas okay na 'yon kaysa sa aming dalawa. Tama. Naguluhan lang si Kino. Si Naya talaga ang gusto niya at hindi ako.
"Arkin, nauuhaw raw si Naya! Bilhan mo raw siya ng tubig!" Tumatawang sabi ng officer. Agad tumayo si Naya at tinakpan ang bibig ng kaibigan, pulang pula na ang pisngi.
"Pupunta akong cafeteria. May gusto ba kayo?" Tumayo si Kino at nilapag ang gitara niya sa gilid.
"Yieee! Isang sabi lang, sunod agad?! May something talaga sila! Sorry sa mga members nating nag-join lang para kay Arkin! Taken na siya!"
Napailing na lang ako at nagbasa ulit. Maya-maya ay dumami na rin ang members kaya sinimulan na ang assembly. Mga introduction at skit lang naman 'yon ng officers bago napunta sa introduction ng members para raw makilala namin ang isa't isa. Ito ang pinakaayaw ko. Kailangan pang tumayo sa harapan.
Noong turn ko na, nahirapan pa 'kong maglakad papunta sa harapan dahil nasa pinakadulo ako. Hindi ko na alam ang sasabihin ko noong naroon na 'ko. Bahala na.
"Avianna Rye Diaz. 4th year. I play the guitar... and I also sing," maikling pagpapakilala ko.
"Iyon lang?" Tanong ng isang officer, nakangiti at nang-aasar. "Kwento ka naman! 'Di ba close kayo ni Kino? Anong masasabi mo sa kanila ni Naya? Approve ba?!" Para itong may microphone na tinapat pa sa akin. Napuno ulit ng kantyawan ang room.
Ngumiti na lang ako at tumango, walang balak magsalita. Nagsigawan sila dahil approved ko raw at tinulak-tulak si Naya para asarin. Hindi ko na alam ang ganap ko sa harapan kaya bumalik na lang ako sa pwesto ko. Nakakailang naman.
Madilim na nang matapos ang assembly kaya nagmamadali na 'kong tumayo at naglakad palabas ng room. Nakita ko sa gilid kong kinuha rin ni Arkin ang bag niya at maglalakad na sana palabas nang tawagin ulit siya ng isang officer.
"Uy, gabi na, Naya! Arkin, hatid mo na 'to!" Sigaw ng isa kaya napatigil siya bigla at bumalik.
Tuloy-tuloy na lang akong naglakad palabas ng school. Pupunta na sana ako sa sakayan ng jeep nang biglang may tumawag sa akin mula roon sa fishball-an. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang naroon pa si Luna at Kierra. Mukhang late din sila makakauwi dahil may ginawa sa Art Club.
"Uuwi ka na?" Naglakad kaagad palapit sa 'kin si Luna at sinubuan ako ng isang fishball mula sa baso niya. Ngumiti siya at pinunasan pa ang gilid ng labi ko nang malagyan ng sauce 'yon.
"Oo. Una na 'ko..." Maglalakad na sana ulit ako nang hinatak na naman ako ni Luna pabalik.
"Hatid ka na namin!" Offer ni Kierra. Napakunot ang noo ko at napatingin sa kanilang dalawa, nagtataka kung bakit nila ako ihahatid. "Doon muna tayo sa inyo. Papasundo na lang kami roon! Tara!"
Kumunot ang noo ko pero umakbay sa 'kin si Kierra at hinatak na 'ko papunta sa sakayan ng jeep habang nagkekwentuhan sila. Naguguluhan pa rin ako kung bakit ko sila kasama ngayon pauwi sa bahay namin.
"Bayad po!" Sigaw ni Luna at inabot ang bayad. "Tatlong estudyante. Saan bababa, Via?" Tanong niya bigla sa akin. Ngayon ko lang napagtantong marunong pala siya mag-jeep.
Sinabi ko sa driver kung saan kami bababa at inabot na rin ang sukli kay Luna. Dinagdagan ko 'yon ng bayad ko sa pamasahe dahil ayaw ko namang ilibre niya 'ko. Habang nasa byahe ay hindi natigil ang bunganga ni Luna at tanong pa nang tanong sa 'kin para makasali ako sa usapan. 'Ikaw ba, Via?' palagi niyang tanong 'yan.
Pagkababa namin ng jeep ay sumunod na ulit sila sa akin habang naglalakad ako pauwi. Nakahawak ako sa dalawang strap ng bag ko at sinisipa ang maliit na bato sa dinadaanan ko. Napatingin silang dalawa sa 'kin nang mapatakip ako sa bibig ko at natawa.
"Huh? Bakit ka tumatawa?" Tanong ni Luna at tinignan din ang sahig para tignan kung may nakakatawa roon.
"Sinamahan n'yo 'ko pauwi dahil alam n'yong hindi kami magsasabay ni Arkin, 'no?" Tanong ko habang naglalakad at nakatingin lang sa harapan. Natahimik silang dalawa at nagkatinginan. "Okay lang naman ako..."
"Worried lang din ako dahil gabi na at mag-isa ka lang uuwi," sabi ni Kierra.
"O kaya baka malungkot ka sa byahe pauwi! Tsaka gusto rin naman namin tumambay sa inyo. 'Di ba may mga kapatid ka? Gusto kong makilala!" Masayang sabi ni Luna.
"Hmm..." Tumango ako at natahimik habang naglalakad. "Hindi ba kayo magtatanong kung anong nangyari?" Natawa ulit ako dahil ang tahimik nila.
"Kung hindi ka naman komportable sabihin, okay lang naman. Hindi naman namin kailangan malaman lahat para damayan ka. Basta alam mong narito kami para sa 'yo... Sapat na 'yon para sa 'kin. Bonus na lang kapag gusto mong ilabas 'yong nararamdaman mo," seryosong sabi ni Luna.
"Gusto ko man sabihin pero... Problema na namin 'to ni Kino," sagot ko sa kanila. "Salamat pa rin dahil may pakialam kayo sa 'kin." Tumawa ulit ako. Ewan ko, pero nakakatuwa naman na masyado silang nag-iingat sa 'kin ngayon na para bang mababasag ako kapag nahawakan.
Pagkarating namin sa bahay at pinagbuksan ko sila ng gate para makapasok. Ito ang unang beses na magdadala ako ng kaibigan sa bahay bukod kay Arkin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Nahiya ako bigla kay Kierra dahil ang laki ng bahay nila.
"Sorry, hindi masyadong malaki bahay namin," sabi ko kahit may second floor naman.
"Huh?! Bakit ka nagso-sorry?!" Reklamo ni Luna. "Huwag mo nang uulitin 'yan, ha! Magagalit ako sa 'yo! Nasaan na ang mga kapatid mo? Excited na 'ko!"
Napangiti ako at binuksan ang pinto para makapasok sila. Pagkasara ko ay nilapag ko kaagad ang gamit ko sa sofa at sinenyasan silang umupo roon. Lumiwanag kaagad ang mga mata ni Luna nang makita ang tatlo kong nakababatang kapatid na gumagawa ng assignment sa coffee table. Gulat ang tatlong nakatitig sa dalawang estudyanteng hindi naman nila kilala.
"Pa, narito mga kaibigan ko," paalam ko pagkapasok ko ng kusina. Nagluluto na siya ngayon ng hapunan namin.
"Ano 'ka mo?!" Agad nag-panic si Papa at tinignan ang sarili. Nakasuot siya ng apron at agad minadali ang pagluluto para mabati sina Luna. Nang patayin ang kalan ay naghugas kaagad siya ng kamay at hinubad ang apron, handa nang makipagkilala.
Lumabas kaagad siya ng kusina pagkatapos ayusin ang buhok at nagulat talaga siya nang makita sina Kierra. Parang noong sinabi ko ay hindi siya naniniwala kaya nagulat pa noong na-confirm na. Kandong na ni Luna si Aidan ngayon at tinuturuan sa assignment niya. Nang makita nilang dalawa si Papa ay binaba muna ni Luna si Aidan at sabay silang tumayo.
"Hello po!" Bati ni Luna.
"Pa, si Luna. Ito naman si Kierra. Mga kaklase ko ho sila," pagpapakilala ko. "Uh, Luna at Ke, si Papa."
Nag-unahan pa si Luna at Kierra para mag-bless sa Papa ko. Tuwang tuwa naman si Papa nang binati ang dalawa. Inimbitahan niya pang kumain ng hapunan dahil sobra naman daw ang niluto niya. Siyempre, hindi nakatanggi 'yong dalawa!
"Pa, kailangan nilang umuwi. May mga pamilya rin sila," pigil ko.
"Okay lang 'yon, Via! Wala naman palagi ang magulang ko!" Nakangiting sabi ni Luna. Nanlaki ang mga mata ko at napatingin sa kaniya. Ngayon ko lang nalaman 'yon, a'... Pakiramdam ko tuloy ay ang dami ko pang hindi alam sa kanila. Matatawag ko ba ang sarili kong kaibigan?
Sumama nga talaga ang dalawa sa hapunan namin. Mabuti na lang at may extra naman kaming upuan sa kusina. Wala naman kasing masyadong bisita rito bukod sa pamilya ni Kino. Tuwang tuwa si Papa at nakangiti siya buong gabi habang nakikipagkwentuhan kina Kierra. Ang daldal pa naman ni Luna kaya ang daming nakekwento tungkol sa akin!
"Marunong po pala si Via kumanta?! Ang ganda ng boses niya! Tsaka ang galing niya mag-gitara!" Pagkekwento ni Luna.
Napatingin bigla sa akin si Papa. "Tumutugtog ka sa school n'yo?" Napaawang ang labi niya.
Hindi ko pala nasabi 'yon. "Noong audition lang po. Tsaka isang beses lang po akong kumanta dahil kailangan. Hindi na 'yon mauulit dahil ayaw ko," sagot ko kaagad. "Pero sumali ho ako sa Music Club kaya baka ma-late na ulit ako ng uwi."
"Music Club!" Gulat pa rin siya pero nakita kong may bahid ng tuwa sa mga mata niya. "Mahilig ka rin pala sa musika, parang Mama mo..."
Napatigil ako sa pagkain at matagal na napatitig sa plato ko. Gugustuhin ko bang gumaya kay Mama? Kahit kailan ay hindi ko papangaraping maging katulad niya... Dahil baka maging katulad rin ng sa kaniya ang kahinatnan ko.
Gaano ba kasaya makakuha ng atensyon ng mga tao? Bakit kailangang gawin 'yon? Bakit gusto nila 'yon? Ayaw kong pasukin ang musika. Hindi ko naman hiniling magkaroon ng ganitong boses, at hindi ko rin hiniling na matutong mag-gitara. Siguro noon, oo... Pero pagkatapos ng lahat, naging mahirap lang siyang mahalin.
Wala pa rin naman akong choice dahil naka-join na 'ko ng Music Club kaya naman sa mga susunod na araw ay naging abala ako sa pagpunta sa Music room pagkatapos ng klase para magturo. Sinabi kong ayaw kong mag-perform sa harapan kaya naman hindi na nila ako pinilit basta magtuturo ako sa mga nakababata sa 'kin.
Mas lalo lang naging madalas ang meeting nang lumapit na naman ang date ng Foundation week. Mayroon na namang mga performances at Battle of the Bands kaya naging busy lalo ang Music Club. Sa buong panahong 'yon, ni isang beses ay hindi kami nag-usap ni Kino. Masyado na siyang naging malayo sa akin. Tuwing nasa Music room ako ay kasama naman niya si Naya kaya palagi silang inaasar.
Ako naman, ang palagi kong kasama ay sina Luna at Kierra. Madalas na silang sumama sa akin pauwi para sabay-sabay kaming gumawa ng assignment sa bahay. Tumutulong din si Luna i-tutor ang mga kapatid ko kaya nababawasan ako ng gawain pagkauwi. Naging malapit na rin siya sa mga kapatid ko. Mahilig yata talaga siya sa mga bata.
Isang beses noong papunta ako sa covered court para tumambay sa bleachers ay dumaan ako sa likod ng school at nakita ko 'yong grupo nila Kino na nakikipag-away sa isa pang grupo. Parang mga tanga lang. Doon ko lang din na-confirm na totoo nga ang sinasabi ni Kino na hindi siya kasali dahil nakaupo lang siya roon at nakasandal ang baba sa may dulo ng baseball bat habang nakanguso, bored na bored.
Nang magtama ang tingin namin ay agad siyang napabitaw sa hawak niya at tumayo. "Alis na 'ko. Bahala kayo," sabi niya at nakapamulsang naglakad paalis. Doon pa siya dumaan sa pwesto ko at dire-diretso akong nilagpasan.
Nagmadali na rin akong umalis doon dahil bigla na lang may dumating na Student Council officer at nireport silang lahat sa office. Swerte ni Kino at hindi nasali. Ganoon lang ang nangyayari kapag nagkikita kami. Nagtatama ang tingin namin pero hindi namin kinakausap ang isa't isa.
"Via, bigay ni Sam! Suot mo raw sa debut niya!" Inabot ni Kierra sa akin ang box. Nagkita kasi sila nila Yanna kahapon sa Wings Club kaso may meeting kami sa Music Club kaya hindi ako nakapunta.
"Sunduin kita sa Saturday!" Alok ni Luna. Saturday na kasi ang debut ni Sam. Ang bilis ng panahon. Matagal na pala kaming hindi nagpapansinan ni Kino. Sanay na ba 'ko? Medyo nasasaktan pa rin ako kapag hindi kami nag-uusap. Ni hindi ko nga matanong kung pupunta siya sa debut.
Nang dumating ang Saturday, sinundo nga ako ni Luna sa amin kasama si Kierra. Suot ko ang bigay ni Sam na pink evening dress. Off shoulder ang top at may layers ang pambaba hanggang sa tuhod. May kasama pang heels. Hindi naman ako naghe-heels kaya nahirapan ako. Hindi ko rin alam kung paano aayusin ang buhok ko kaya si Papa na ang nag-ayos. Tinutulungan daw niya si Mama rito noon.
"Via, halika, lagyan kita make-up!" Alok ni Kierra. "Simula noong minake-upan ko si Yanna, nanood na 'ko ng mga videos! Marunong na ako!"
Hinayaan ko lang siyang lagyan ako ng makeup habang nasa sasakyan kami. Nahirapan pa siya. Mabuti na lang at traffic kaya paminsan-minsan ay matagal nahihinto ang sasakyan. Naperpekto niya na sa wakas ang eyeliner na nilalagay niya.
"Naka-contact lens ka?" Lumapit sa mukha ko si Luna para tignan ang mga mata ko. Mayroon akong grey contact lens dati pa. Hindi ko lang madalas sinusuot dahil masakit sa mata.
"Ganda mo, Via!" Pinisil ni Kierra ang pisngi ko pagkatapos akong lagyan ng make-up. Inayos niya rin ang buhok ko at nilaglag ang ilang strands ng buhok ko mula sa bun.
"Pupunta raw si Pres!" Ngumisi si Luna sa akin at sinamaan ko siya ng tingin kaya tumawa siya. "Oo na, naka-move on ka na! Thank you, Via..." Malakas siyang tumawa nang gayahin niya ang sinabi ni Pres noon. Hindi ko na dapat kinwento, e'! Nakakahiya!
"Sana may churros sa debut ni Sam," natatawang sabi rin ni Kierra. Napatakip ako sa mukha ko sa sobrang hiya kapag naaalala ko 'yon. Ano kayang naisipan ko noon? Nakakahiya talaga. Kung totoo mang naroon si Pres mamaya, sana hindi na niya naaalala 'yon.
Pagkarating namin sa venue, nalula ako sa laki. Hindi naman gaanong marami ang tao pero ang daming businessmen, businesswomen, at mga politiko. Debut ba talaga 'to ni Sam? Magkakahawak tuloy kami nila Luna sa braso habang naglalakad papasok at hinahanap ang table namin. Iyon pala, may receptionist na magchecheck ng pangalan namin at siya na ang nagturo ng table.
"Amoy mayaman naman dito," bulong ni Luna sa amin. "Hindi ba pwedeng sa after party na lang tayo?"
"Inuman ang after party nila. Bawal pa tayo uminom, Luna," sabi naman ni Kierra.
Dali-dali kaming umupo roon sa table na naka-assign para sa amin. Hindi kami mapakaling tatlo dahil pakiramdam namin ay napaka-out of place namin. Mabuti na lang at dumating na rin kaagad si Yanna, at sunod naman si Sevi. Lumingon ako at hindi ko nakita si Kino.
"Grabe, ang ganda ni Yanna," bulong ni Kierra sa amin. "Nagmamature na itsura niya."
"Pinag-uusapan n'yo ba 'ko? Front-stabbing?" Tumaas ang kilay ni Yanna. Nasa harapan namin siya at katabi niya si Sevi.
"Ano ba 'yan! Bakit 18 roses ako?! Gusto ko 18 shots!" Reklamo pa ni Sevi.
"Hindi ka nga umiinom," sabi naman ni Yanna pabalik. "Ako, natuto na 'ko! Mas malakas siguro ako sa 'yo."
"Athlete lang ako kaya hindi ako masyadong umiinom! Mamaya, tignan mo... Kaya ko 'yan," pagyayabang ni Sevi.
"Uy, late ako! Sorry!"
Napalingon kami bigla kay Kino na kakarating lang. Nakasuot siya ng white button-down long sleeves at grey slacks. Nakaayos din ang buhok niya at nakasabit lang ang coat sa balikat. Mukhang nagmadali nga siya at hindi pa gaanong nabubutones ang polo. Umupo kaagad siya sa tabi ni Sevi, malayo sa akin, kaya nagtaka si Yanna.
Ang awkward tuloy sa lamesa. Si Sevi at Arkin na lang ang nag-uusap na parang may sariling mundo. Umayos lang sila nang mag-start na ang program. Pinalakpakan namin si Samantha nang maglakad na siya sa red carpet. Ang ganda niya lalo. Para siyang modelo. Wala pa siyang escort dahil sabi niya hindi raw niya kailangan noon.
Nakakaantok pala ang program. Nagising lang ako noong 18 candles na! Kailangan pala ng speech doon! Mabuti na lang at kasama ko si Kierra kaya hindi ako mag-isa sa stage. Noong ako na ay nanginginig kong kinuha ang microphone.
"Uh... Sam, happy birthday. Ang wish ko sa 'yo..." Sa totoo lang ay hindi ko alam dahil parang nasa kaniya naman na ang lahat ng gusto niya. "Sana manatili kang mabait at may pakialam sa mga tao sa paligid mo." Iyon lang ang sinabi ko. Okay na 'yon.
Uminom kaagad ako ng tubig nang makabalik sa upuan ko. Napansin kong nakatitig sa akin si Arkin kaya tinignan ko siya pabalik. Nang magtama ang tingin namin ay umiwas kaagad siya at napakagat sa ibabang labi, malalim ang iniisip.
Kumain muna kami saglit at nag-ikot si Sam sa bawat table para sa picture-taking bago nag-resume ang program. Masaya siya dahil may picture na kaming kompleto. Sabi niya ay ipapa-print niya pa 'yon at ipapa-frame.
"18 shots na! Sana all!" Sabi ni Sevi na nakasimangot pa rin. Ngumisi si Yanna sa kaniya at tumayo na dahil kabilang siya roon.
Napalingon ako kay Luna nang sikuhin niya 'ko. Ngumuso kaagad siya sa stage kaya napatingin ako at nakita si Pres. Akala ko ay nagbibiro lang si Luna pero narito nga talaga siya! Nagulat ako dahil tumangkad si Chevy at mas pumogi ang itsura, lalo na't nakaayos ang buhok niya at nakasuot ng formal coat. Maayos naman pala ang taste ko noon...
"Let's make a toast for Samantha!" Sambit ng emcee nang matapos magsalita isa-isa ang mga naroon. Wala namang sinabi masyado si Yanna. Happy birthday lang at sana masaya raw si Samantha kahit ngayon lang.
Sabay-sabay nilang inangat ang mga shot glass at nilagok 'yon. Napalunok tuloy ako, curious kung ano ang lasa noon. Gusto ko rin tikman... sa susunod.
"Uuwi ka na, Arkin?" Tanong ni Sevi nang makitang paalis na si Kino pagkatapos ng last picture-taking. After party na ang kasunod kaya naman nag-uuwian na ang mga bisitang hindi naman invited. Sa may pool side ng hotel gaganapin ang after party kaya nagsisipuntahan na sila roon.
"Babalik din ako. Papaalam lang ako kay Mama." Tinaas ni Kino ang phone niya at naglakad na paalis para hindi maingay.
Hindi pa kami legal age nila Luna pero sumama pa rin kami sa after party para lang tumambay at manood. Si Yanna ay malapit naman nang mag-18. Ilang buwan na lang kaya pwede na siya. Alam kong naiinggit kaming tatlo pero nakaka-curious din kung ano ang mangyayari. Umupo kami nila Yanna sa isang paikot na sofa sa may pool side at um-order naman si Sevi ng alak doon sa counter habang hinihintay si Sam. Nagpalit kasi siya ng outfit.
"Anong lasa?" Tanong ko nang makitang uminom ng shot si Yanna at napangiwi.
"Saka mo na tikman kapag 18 ka na." Ngumisi siya sa akin.
"Damot." Napanguso ako at umiling.
Nang dumating si Samantha ay nagsimula na ang party. Ang lakas ng tugtog at nagsisigawan ang mga tao. Wala akong kakilala sa iba pang mga invited. Mga kaklase niya siguro sa Ateneo... pero mayroon din sa ibang universities, pakiramdam ko, dahil kung wala, ang dami naman ata niyang kaklase, 'no?
Umupo na rin sa couch namin si Samantha para makipagsabayan sa inuman nila Yanna. "Ano ba 'yan! Hindi masarap!" Reklamo ni Sevi at tinakpan ang bibig. "Nakakasuka! Ano 'to?!"
"That's Black Label..." Pagbasa ni Samantha sa bottle. "Try this one. Tequila."
"Nahihilo na nga ako..." Napahawak si Yanna sa ulo niya at yumuko. Napakunot ang noo ko at sinilip ang mukha niya. Hilo na siya? Nakakahilo ba talaga kaagad 'yong alak? "Ang lakas naman ng tama nito..." At tumawa siya bigla kahit walang nakakatawa.
Palinga-linga lang ako sa paligid dahil hindi pa rin bumabalik si Arkin hanggang sa mapagdesisyunan kong tumayo na at hanapin na siya sa labas. Nagpaalam muna ako kina Luna bago naglakad paalis, papunta sa may likod ng venue.
"Aray!" Nanlaki ang mga mata ko nang makabungguan ko si Pres noong paliko ako. Agad niyang hinawakan ang bewang ko dahil muntik na 'kong matumba. Bakit kasi nag-heels pa ako?!
"Okay ka lang? Sorry," mahinahong sabi niya. Nakataas ngayon ang hawak niyang bote ng tubig. Nakabukas kasi iyon at muntik nang matapon sa akin kaya tinaas niya ang kamay niya.
"S-sorry!" Agad akong umatras. Sa sobrang lapit niya ay naamoy ko pa ang pabango niya. Biglang nabalik sa akin ang kahihiyan ko noon nang makitang nakatingin siya sa akin. Nakilala na ba niya 'ko? Sana nakalimutan na niya!
"Ikaw pala 'yan, Via." Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa sa narinig ko.
Hindi ako nakapagsalita at umiwas lang ng tingin. Ano bang sasabihin ko? Kumusta na kaya siya? Kumusta ang pag-aaral niya sa Clark? Mabuti at nakaluwas siya ng Manila para sa debut ni Sam. Simula noong graduation nila ay hindi na siya nagpakita. Wala naman kaming contact sa kaniya dahil hindi naman kami ganoon ka-close. Si Samantha lang ang kaibigan ng lahat.
"Acel!"
"Oh, there he is." Napaayos kaagad siya ng tayo nang may tumawag sa kaniyang lalaki. Tinapik niya 'ko sa balikat at ngumiti sa 'kin bago ako nilagpasan.
Napalingon tuloy ako at sinundan siya ng tingin. May pamilyar na lalaking nakasandal na ngayon sa gilid ng mamahaling kotse at nakapamulsa, naghihintay sa kaniya. Nagmamadaling naglakad si Chevy palapit at huminto sa harapan nito. Napangiti kaagad ang lalaki at nilagay ang kamay niya sa tuktok ng ulo ni Pres dahil mas matangkad siya rito.
Nanlaki ang mga mata ko nang lumingon ulit sa gawi ko si Pres. Kumaway siya sa akin at ngumiti bago pumasok sa sasakyan nang pagbuksan siya ng pinto noong lalaki. Nang isara niya ang pinto ay napalingon 'yong lalaki sa akin at tinaasan ako ng isang kilay kaya agad akong napaiwas ng tingin at tumakbo ulit papasok ng venue. Nakakatakot naman 'yon!
"Oh, narito na si Via. Kanina ka pa hinahanap ni Arkin!" Malakas na tumawa si Sevi, namumula na. Lasing na ba siya?
Naroon na pala si Kino sa couch at masama na ang tingin sa akin. Naghanapan pala kaming dalawa? Iba nga lang ang napuntahan ko. Uupo na sana ako sa tabi ni Luna nang bigla akong hatakin ni Kino paupo sa tabi niya. Nagulat ako pero hindi na lang ako nagsalita.
"Lipat na tayo sa hotel room. Lasing na kayong dalawa..." Tumayo si Samantha at inalalayan si Yanna patayo. Nagdala pa si Sevi ng bote ng alak habang paakyat kami sa may hotel room. Tutal, hindi naman daw kami iinom kaya roon na lang kami magkwentuhan. Tahimik pa roon hindi katulad dito na maingay.
"Tikman mo, Via. Tikim lang, ha..." Alok sa akin ni Luna noong tequila ata 'yon. "Ito raw 'yong asin... Ganoon daw 'yon iniinom, pero tikim lang!" Paglilinaw niya.
Kinuha ko 'yon at ininom pero muntik ko pang madura sa sobrang sama ng lasa. Gumuhit pa ang init sa lalamunan ko. Gusto ko mang idura, nalunok ko na. Sobrang sama ng lasa! Umiling kaagad ako para sabihing ayaw ko na ng susunod!
Tumayo kaagad ako at nagpaalam para pumuntang CR. Nakakadiri talaga ang lasa! Kailangan ko pa ata magmumog ng mouth wash para mawala ang lasa! Kadiri!
"Shocks," bulong ko nang biglang makita si Arkin sa labas ng CR pagkatapos kong magmumog.
Napatingin siya sa akin habang nakahalukipkip. Dahan-dahan akong naglakad paalis pero bigla niyang hinawakan ang braso ko at hinatak ako pabalik. Natikom ko ang bibig ko nang isandal niya 'ko sa pader. Pakiramdam ko matutunaw ako riyan sa titig niya.
"Tama ka, Via. Hindi kita gusto," seryosong sabi niya. "Naguluhan lang ako noon. Kahit kailan, hindi kita nagustuhan."
Napaawang ang labi ko sa narinig ko. Ilang... buwan bago niya nasabi 'yan? Napaiwas kaagad ako ng tingin, hindi alam ang sasabihin ko. Good for you?
Muntik pa 'kong masinok nang bigla niyang sinandal ang noo niya sa balikat ko. Natahimik ako lalo at hinawakan ang balikat niya.
"Hindi ko na sasabihin ulit 'yon... Kaya tama na. Hanggang kailan ba tayong ganito? Hindi ko na kaya... Parang awa mo na," bulong niya.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro