Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

13


"Via... Malungkot ka ba dahil graduate na ang crush mo?" 


Ngumuso si Kino habang nakadikit ang isang pisngi sa lamesa, pinapanood akong magbasa ng libro sa loob ng library. Nagpapractice na ang mga 4th year sa may covered court para sa graduation ceremony nila. Bukas na kasi 'yon. Kaming mga may honors lang ay sa susunod na araw pa. 


"Nakuha mo na card mo, 'di ba?" Tanong ko kay Kino pagkasara ko ng libro. Napakurap siya bago umayos ng upo para kuhanin ang bag. Nawala pa ata ng kumag kaya kabadong kabadong naghahanap sa loob. Nilabas niya lahat ng gamit niya roon at binuklat-buklat lahat ng libro para makita 'yung report card niya. 


Napataas ang dalawa kong kilay nang may mga nahulog pang love letter doon. Yumuko ako at pinulot ang mga 'yon sa sahig habang abala siya sa paghahanap ng report card. Inamoy ko ang papel at may pabango pa ng babae. Natawa ako sa sarili ko nang bilangin kung ilan 'yon. Uso pa pala ang love letters? Nakita ko ang pangalang 'Irish' doon. 'Yon 'yung lumaban din noong pageant na may gusto sa kaniya. 


"Ito, nakita ko na!" Nilapag ni Kino ang card sa may table at umayos ulit ng upo. Napatigil siya nang makitang hawak ko ang mga love letters para sa kaniya. Agad nanlaki ang mga mata niya at mabilis na inagaw sa akin ang mga 'yon saka pinasok sa bag niya, walang pakialam kung nalukot na. Mabilis namula ang tenga niya sa hiya at umiwas pa ng tingin. "Wala 'yon!" Sabi niya kaagad. 


Tumawa lang ako at tinignan ang card niya. Ang sabi niya ay hindi pa niya binubuksan 'yon dahil wala naman siyang pakialam. Basta inabot na lang niya sa magulang niya at pinirmahan naman ito. Dahil daw natuwa naman ang Mommy niya, ibig sabihin wala naman daw siyang bagsak. 


Napaawang ang labi ko nang makita ang grades niya roon. "99?" Gulat na sabi ko at bumaling sa kaniya. Nakapalobo lang ang mga pisngi niya habang nakasandal ulit sa lamesa, bored na bored. Hindi siya sumagot kaagad at inosenteng tinignan lang din ako pabalik. 


"P.E ba 'yan? Siyempre." Ngumisi pa siya na parang nagyayabang. "Bakit kaya hindi 100? Huwag ka masyadong magulat, Via. Halos lahat naman kami ay mataas sa P.E kaya-" 


"Science 'to, Kino," sambit ko. Napaayos kaagad siya ng upo para silipin ang card niya, mukhang nagulat din sa grade niya. Tinignan ko pa ang ibang subjects at halos 99, 98, 97, 96 ang mga 'yon. Partida ay hindi pa siya gaanong nag-aaral niyan... Maliban na lamang noong patapos na ang school year. Bigla kasi siyang ginanahan mag-aral noon. "First honor ka pala sa class n'yo," pagbasa ko sa nakalagay sa teacher's notes. 


"Oo nga," walang pakialam na sabi niya. "Sinwerte pa." Dumukdok siya sa lamesa at sinabing inaantok na siya kaya bilisan ko na raw magbasa. Naghahanap kasi ako ng mga pwedeng gamiting reference sa pagdadrawing ko ng building. Sinusubukan ko lang habang wala akong gagawin sa bakasyon. 


"Hindi mo tatanungin ang nangyari last game?" Tanong ko. Hindi siya nakapunta sa game namin last weekend dahil umalis sila ng pamilya niya. Hanggang ngayon ay hindi niya pa tinatanong ang resulta. "Natalo kami," sambit ko sa kaniya. "Hindi kami abot sa Palarong Pambansa..." 


"Alam ko..." Mahinang sabi niya at tumingin sa 'kin. Napakurap ako nang bigla niyang ilagay ang kamay niya sa tuktok ng ulo ko. "Malungkot ka ba?" 


"Hindi naman." Nagkibit-balikat ako. "Nasasayangan lang ako... At siguro, nagui-guilty dahil umiyak ang Captain namin pero may dalawang taon pa naman ako rito sa school para bawiin kaya okay lang." 


"Competitive ka na pala ngayon." Tumawa siya. 


Kinabukasan ay graduation ni Sevi at inaya ako ni Luna para manood dahil kakain daw kami pagkatapos. Sumama naman ako kaya sumama rin 'tong si Kino sa akin. Tahimik lang kaming nanonood habang nire-recognize ang mga may honor. Given naman nang top of the class si Chevy, at hindi lang 'yon, siya rin ang pinakamataas ang grades sa buong batch. Mayroon din siyang leadership award dahil sa Student Council. 


Hindi pa naman tapos si Sevi dahil mayroon pang Palarong Pambansa sa April. Hindi naman ako naiinggit na nakarating sila roon. Masaya nga ako dahil mararansan niya sa last year niya, kahit palagi naman talaga silang nakakarating doon.


Pagkatapos ng graduation ceremony ay inimbitahan kami ng Mama niya sa bahay nila. Malaki na ang tiyan ng Mama niya at parang anytime, manganganak na, e. Mabuti na lang at walang nagkamali sa aming tanungin kung nasaan ang Papa ni Sevi. 


"Steven! Halika rito kay Ate Luna, dali!" Tuwang tuwang sabi ni Luna pagkapasok ng bahay. Lumapit naman sa kaniya ang nakababatang kapatid ni Sevi na nasa elementary pa lang. Close na kaagad sila ni Luna. 


"Tita, pwede pa rin naman kaming pumunta rito kahit graduate na si Sevi, 'di ba?" Ngumuso si Samantha habang tinutulungan ang Mama ni Sevi maghain ng mga paper plates. May iba pa silang bisita pero maya-maya pa darating. 


"Oo naman!" Tuwang tuwang sabi ng Mama ni Sevi. Pakiramdam ko nga ay isa sa amin ang pinaglilihian niya sa dalas naming kumain dito noong mga nakaraang linggo. 


"Tita, 'yung anak mo, hinalikan ako," pagsusumbong ni Yanna at tinignan nang masama si Sevi. Umawang ang labi ni Sevi at agad siyang inambahan ng hampas gamit ang paper plate. 


"Hay nako, Sevi... Huwag kang bastos, ha." Pinagalitan pa siya ng Mama niya. Nang maalala ko na naman sa utak ko ang nangyari ay muntik ko pang madura ang tubig na iniinom ko dahil natawa. Napatingin tuloy sa akin si Kino, nagtataka at gusto rin makichismis sa rason kung bakit ako tumatawa. 


"Ma, feelingera 'yan! Hindi ko naman 'yan type! Kadiri!" Pagtatanggol ni Sevi sa sarili. "Kahit tayo na lang ang maiwang buhay sa mundo, Yanna, hindi kita papatulan!" 


"Pakipot ka pa," patuloy na pang-aasar ni Yanna. 


"Alam naman nating iba ang type niyan ni Sevi," makahulugang sabi ni Kierra na nasa sofa. Napataas ang kilay ko, iniisip kung napansin na rin ba nila ang napansin ko. Mukhang oo dahil nagkatinginan sila nila Sam at pinigilan ang tawa. Nang tignan ko si Kino ay parang nag-uusap sila ni Sevi sa mata. "'Di ba, Luna?" Tanong pa ni Kierra sa pinsan. 


"Huh? Anong pinag-uusapan?" Inosenteng tanong ni Luna dahil abala sa pakikipaglaro kay Steven. 


"Kain na!" Sigaw bigla ni Kino para ibahin ang usapan. 


Hmm... Mukhang alam din nito, ah. Si Luna na lang talaga ang hindi nakakaalam. Biruin mo, pati 'tong isip-batang 'to ay napansin din? O 'di kaya naman ay sinabi sa kaniya ni Sevi. Close na kasi sila, e'. Parang magiging best friends pa sila. 


Buong bakasyon ay wala akong ginawa kung hindi asikasuhin ang mga kapatid ko at um-attend ng summer training ng volleyball. Mas ginaganahan sila mag-training ngayon para makabawi sa pagkatalo namin last time at umabot sa Palarong Pambansa. Ginawa ko lang ang usual kong ginagawa at hindi na gaanong nag-effort pa dahil wala pa naman... At hindi ko alam kung gusto ko nga bang manalo roon. Mahirap na dahil wala na ang 4th year players. 


"Good morning, Via!" Napasigaw ako sa sakit nang bigla akong daganan ni Kino sa kama. "Happy birthday!" Masayang bati niya sa akin. 


Hindi naman importante sa akin ang birthday ko at mukhang mas importante pa kay Arkin. Halos sa lahat ata ng birthday ko ay kasama ko siya. Hindi man namin gaanong cine-celebrate dahil wala akong panahon doon, sinasamahan niya pa rin ako buong araw. Noong birthday niya naman last February, niregaluhan ko lang siya ng lobo. 


"May regalo ako!" Ngumisi siya at tinuro ang palapulsuhan ko. Litong lito akong tumingin doon at nakita ang isang friendship bracelet. Kulay yellow at grey ang pattern no'n at medyo sloppy pa ang pagkaka-knot. Mayroong silver na bilog sa gitna na may nakalagay na 'A.A.' "Ako gumawa noong bracelet!" 


"Kaya pala ganito itsura, e..." Tumawa ako at bumangon na. "Bakit dalawang A nakalagay? Hindi ba L ang start ng pangalan mo?" Umiling ako sa kaniya habang kinukuha ang twalya. 


"Magiging Los Angeles ang meaning no'n! Ayaw ko ng ibang meaning!" Pangangatwiran naman niya. 


Kahit hindi gaanong maganda ang itsura ng pagkakagawa ng bracelet ay araw-araw ko pa rin iyong sinuot. Hinuhubad ko nga lang kapag may training dahil pinapawisan ako at baka masira. Dahil wala naman masyadong ganap sa buhay ko habang bakasyon ay mabilis lang lumipas ang mga araw at nakabalik din ako kaagad sa eskwelahan. Mabuti pa si Arkin ay nagbakasyon sa iba't ibang lugar kaya madalas siyang nawala. 


Kahit wala na si Sevi sa school ay palagi naman siyang bumibisita kapag may oras siya, tutal malapit lang din naman ang bahay niya rito sa school. Nananakot pa siya habang kinekwento kung gaano raw kahirap ang college. 


"Ibang iba siya! Pwede ka nang umalis kapag walang prof!" Pagkekwento niya habang kumakain kami sa Wings Club. Tutok na tutok naman si Sam at Yanna sa mga kwento niya dahil sila na ang susunod na magkokolehiyo. "Prof na ang tawag namin. Sorry kayo," pagyayabang niya pa. 


"Kapag ikaw ang nagkekwento, wala akong pinaniniwalaan." Umiling si Yanna at umayos ng upo.


"Malapit na pala exam mo sa Ateneo, Sam?" Tanong ni Kierra. "Doon mo ba talaga gustong mag-aral? Anong kurso kukuhanin mo?" 


"Pol Sci dapat but... I made a deal with my parents. I'm going with Communication Arts." Ngumiti sa amin nang tipid si Samantha bago binaba ang tingin sa pagkain, nakatulala na ngayon. Natauhan lang siya nang tapikin siya ni Yanna sa balikat. 


"Ikaw, Yanna? Kung makapasa ka sa FEU at LPU, saan ka?" Tanong ni Luna. 


"Piyu," simpleng sagot ni Yanna. "May kakilala na 'kong nagdodorm doon, e'. Baka makamura ako, lalo na't hindi naman ako taga-rito." Oo nga pala at taga-Laguna talaga si Yanna... Narito lang siya sa Manila dahil narito rin ang trabaho ng Mama niya. 


"Kinakabahan na tuloy ako sa entrance exams!" Niyakap ni Luna ang sarili niya. "Mag-eexam pa ba ako sa UP? Sino sa inyo ang mag-eexam?" 


"Kung saan mag-eexam si Via, roon ako," simpleng sagot ni Arkin habang kumakain ng ice cream. Napailing na naman sila Yanna at sinabing Buy 1 Take 1 nga raw pala kami. 


Napaisip tuloy ako kung saan mag-eexam... Kung wala lang fee ang mga entrance exams ay nag-exam na sana ako sa maraming universities. Ngayon, wala rin akong alam kung saan ba ako pupunta. Susubukan ko sa UP para hindi na makadagdag sa gastos, pero hindi rin naman ako sigurado kung makakapasa ako roon, lalo na't wala naman akong balak gumastos para lang sa reviewers. Ni kurso nga ay hindi ko pa alam, university pa kaya? 


"Gusto ko maging direktor," biglang sabi sa amin ni Kino. "Wala... Naisipan ko lang na gusto kong mag-film." 


"Luna and Kierra will pursue Architecture. How about you, Via?" Tanong naman ni Sam sa akin. Nang mapatingin silang lahat ay parang nanuyo ang lalamunan ko at hindi makapagsalita. Ano nga ba? Iyon din naman ang tanong ko sa sarili ko. Natatakot akong sumagot. 


"Wala pa! Matagal pa naman 'yun!" Si Kino na ang sumagot para sa akin. "Marami pa siyang oras para isipin. Huwag n'yo nga muna siyang tanungin at baka magulo lang ang isipan niya. Hmm... Kumusta 'yung basketball team sa UST, Sevi?" Pag-iba niya kaagad ng topic. 


Napatingin ako sa baba nang bigla niyang hawakan ang kamay ko sa ilalim ng lamesa at marahang pinisil 'yon bago bitawan. Nang magtama ang tingin namin ay binigyan niya 'ko ng assuring smile. Siguro nga... Matagal pa 'yon. 


"Go, Via! Kaya mo 'yan!" Malakas na sigaw ni Kino pagkatulak ko ng bola pataas. 


Abala ulit siya sa pagkuha ng litrato habang ako ay nasa loob ng court, pagod at pawisan na dahil sa laro. Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang sigawan dahil napanalo na namin ang 2nd set. Agad akong bumalik sa bench at tinanggal ang knee at elbow support ko. 


"Galing mo, Via!" Puri ni Kino habang pinupunasan ang pawis ko sa likod. Inabutan pa niya 'ko ng tubig habang nakasukbit ang camera sa leeg. Magsasalita na sana ako nang biglang may lumapit sa kaniyang tatlong babae at kinausap siya. Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila pero nakita kong nagpa-picture sila kasama si Kino. Ang mga iritan na lang nila ang narinig ko. 


"Sikat ka na, a'," tumatawang sabi ko pagkabalik niya. 


Ngayong 3rd year na kami, mas marami lang nagkagusto kay Kino, lalo na ngayong mas tutok siya sa pag-aaral niya kaysa noong 1st year at 2nd year. Mukhang naghahanda rin siya para sa entrance exams next year, e. Kailangan niya rin kasi makakuha ng mataas na grades dahil ipapasa 'yon sa universities. Hindi naman mababa ang grades niya pero mas nag-eeffort na siya ngayon. 


"Aral na aral ka, a'?" Tinusok ko ang braso niya gamit ang daliri ko para mapalingon siya sa akin. Abala kasi siyang nagbabasa sa library habang ako naman ang walang magawa dahil tapos na 'ko sa dinadrawing ko. 


Lumingon siya sa akin saglit bago binalik ang tingin sa libro. "Kailangan kong masiguradong papasa ako sa lahat ng universities na makakapasa ka. Kung hindi, e 'di hindi tayo magiging magkasama!" 


Napaawang ang labi ko sa gulat. Parang lahat na ata ng ginagawa niya sa buhay niya ay para na sa akin, ha? Nag-aalala tuloy ako sa kaniya. Lumapit ako at sinara ang librong binabasa niya kaya natuon ulit ang atensyon niya sa akin. 


"Huwag na kaya tayong magsama sa iisang university?" Suggest ko sa kaniya.


Napakurap siya bigla sa gulat at bumuka ang bibig para may sabihin pero agad din niyang sinara 'yon, mukhang nasaktan sa sinabi ko. He looked like his world just ended. Agad siyang umiwas ng tingin at kinagat ang ibabang labi, pinipigilan ang emosyon dahil sa sinabi ko. 


"Joke lang..." Bawi ko kaagad dahil baka magsimula siyang umiyak dito sa library. 


Tumingin siya sa akin saglit at tahimik na nagbasa ulit, hindi na pinansin ang sinabi ko kanina. Ano bang gagawin ko sa lalaking 'to? Paano 'to mabubuhay nang wala ako, ha? Parang guguho na ang mundo niya, maghiwalay pa lang kami ng university, e'! 


Pagkatapos niya mag-aral ay may practice naman sila sa Music club habang ako ay may training kaya humiwalay na ako sa kaniya. Gabi na ulit kami natapos, pero mas maaga kumpara sa kahapon kaya nagkaroon ako ng oras silipin sila Kino sa music room. Sumilip muna ako sa pintuan para tignan kung sino ang tao sa loob. Lumipat kaagad ang tingin ko kay Kino na may hawak na gitara, at sa tabi naman niya, nakaupo 'yung maganda nilang vocalist. 


Hindi ko alam kung papasok ako o hindi dahil nagtatawanan silang dalawa at nag-aasaran pa. Nang sumimangot ang babae ay ginulo ni Kino ang buhok nito kaya mas lalong nainis. Sinara ko na lang ang pintuan at umupo sa labas para hintayin siya. 


"Si Arkin?" Umangat ang tingin ko kay Irish. "Ibabalik ko lang 'yung shirt niya." Tinaas niya pa ang hawak na puting shirt. Hindi ko alam na close na pala sila para maghiraman ng damit. 


"Akin na. Ako na ang magbibigay." Nilahad ko ang kamay ko pero agad niyang nilayo ang damit para hindi ko mahawakan. Nagulat ako sa inasta niya. 


"Ako ang magbabalik dahil gusto ko siyang makita, kaya huwag kang humadlang. Girl best friend ka lang naman," sabi niya sa akin bago tumalikod at kumatok sa music room. 


Parang nalagutan ako ng hininga sa gulat dahil sa paraan ng pakikipag-usap niya sa akin. Best friend lang naman ako? Nakakahadlang ba 'ko sa kaniya? Sa kanila? Wala naman akong ginagawa, a'. Hinahayaan ko naman si Kino sa mga gusto niyang gawin at puntahan. Siya lang naman itong sumusunod sa akin. Ako? Hadlang? 


"Anong iniisip mo?" Umangat ang tingin ko kay Kino. Nasa harapan ko na siya ngayon at nilalagay ang puting shirt sa loob ng bag niya. Magsasalita na sana ako nang biglang lumabas ang maganda nilang vocalist at umakbay sa kaniya, tumatawa pa. "Pauwi ka na?" Tanong niya rito. 


"Oo! Tawagan mo 'ko mamaya, ha!" Paalala ng babae bago nakangiting naglakad paalis. Tumango lang si Kino at sinuot na ang bag sa balikat. 


Hindi ako nagsalita at tumayo na para sabay kaming mag-abang ng jeep. Buong byahe ay hindi ako nagsasalita kahit gusto ko nang itanong sa kaniya kung anong mayroon sa kanila noong vocalist. Hindi ko kasi alam ang pangalan noon. Napapansin ko lang siya palagi dahil maganda siya, lalo na ang boses. Maikli ang buhok niya, medyo matangkad sa akin, at marunong din mag gitara. Bagay naman sila. 


"Via, wait lang!" Hinabol kaagad ako ni Kino dahil mabilis akong naglalakad pauwi pagkababa namin ng jeep. Inayos niya ang bag niya at binilisan din ang hakbang para maabutan ako. "Doon muna ako sa inyo. Ayoko pa umuwi. Maaga pa." 


Tumango lang ako at tahimik na pumasok ng bahay. Sinalubong kaagad ako ng mga kapatid kong gumagawa ng assignment. Hinayaan ko na muna si Papa roon sa kusina para umakyat sa kwarto ko at maligo. Pagkabalik ko sa kwarto ay nakaupo na sa sahig si Kino at hawak ang gitara ko, tumutugtog. 


"Ayoko sa iba..." Pagkanta niya ng 'Alipin' habang nagpapatuyo ako ng buhok. "Sa 'yo ako ay hindi magsasawa... Ano man ang iyong sabihin, umasa ka ito ay diringgin..." Binagalan niya pa ang pag-strum ng gitara habang nakatingin sa 'kin. "Madalas man na parang aso at pusa, giliw, sa piling mo, ako ay masaya." 


Tumigil siya sa pagtugtog sa gitara nang mag-ring ang phone niya. Tinignan niya lang ito at hindi sinagot ang tawag dahil mukhang hindi naman importante. Hindi naman Mama niya ang tumatawag. Nakita kong pangalan 'yon ng babae. 


"Kailan ka magkakaroon ng girlfriend niyan, Kino?" Tanong ko habang nilalabas ang assignment ko. 


Nagulat siya sa tanong ko kaya binaba niya muna ang gitara para ibigay ang atensyon sa akin. "Kailangan ko bang mag girlfriend? Ikaw ba? May nagugustuhan ka na bang lalaki?"


Umiling ako. "Walang lalaki." 


"Babae?" Seryosong tanong niya ulit. 


"Wala rin," sagot ko. Sa totoo lang ay wala pa naman akong pakialam sa mga 'yon. Wala pareho, babae o lalaki. Hindi ko naman nililimitahan ang sarili ko sa ganoon, pero ngayon, wala talaga akong balak magkagusto sa iba. Okay na 'yung na-reject ako last time. "Ikaw ba? May nagugustuhan ka na? 'Yung... vocalist n'yo? Anong name?" 


"Ah, si Naya?" Napatingin siya sa taas, nag-iisip. "Bakit? Anong mayroon sa kaniya? Interesado ka atang alamin ang pangalan?" Sunod-sunod na tanong niya sa akin. 


Hindi ako sumagot at pinagpatuloy na lang ang ginagawang assignment. Maya-maya, may kausap na siya sa phone kaya napapalingon ako, lalo na kapag tumatawa siya. Napakagat ako sa labi ko at hinigpitan ang hawak sa lapis, iniisip kung totoo ba ang sinabi ni Irish na nakakahadlang ako? 


Kinabukasan ay sabay ulit kaming pumasok ni Kino sa school, pero noong lunch ay hindi siya nagpakita. "O, nasaan si Arkin?" Tanong ni Kierra sa akin nang pagbalik nila sa table ay walang lalaki. 


"Oh, I saw him earlier. He said sa music room siya kakain dahil may aasikasuhin daw," sagot naman ni Samantha.


Tumingin ako sa lunch box na hinanda ko para sa kaniya. Iaabot ko nga pala sa kaniya 'to kaya tumayo muna ako at nagpaalam sa kanila para pumuntang music room. Kumatok muna ako bago pumasok, pero pagkatulak ko ng pinto ay nakita kong hawak ng vocalist si Kino sa pisngi at magkalapit ang mga mukha nila. 


Agad akong umatras at sinara ang pinto saka mabilis na naglakad paalis, mahigpit ang hawak sa lunch box. Narinig ko ang yabag ng paa ni Kino sa likod ko kaya hindi na 'ko nagulat nang hawakan niya ang palapulsuhan ko. 


"Hanap mo ba 'ko?" Nagtatakang tanong niya na may bahid pa ng tuwa. 


"Pagkain mo." Kalmado kong binigay sa kaniya ang lunch box niya at kinuha naman niya 'yon. Pagkatapos ay walang pasabi ko siyang tinalikuran para maglakad pabalik sa cafeteria. Maghahalikan ba dapat sila? Bakit ba ako pumasok? Nakakahiya naman. Nakahadlang na naman ako. 


"Via, sabay na tayo kumain!" Hinabol ulit ako ni Kino na parang walang nangyari kanina. "Kumain ka na ba? Gusto mo sa likod tayo?" 


"Kumain na 'ko," maikling sagot ko. 


"Arkin!" Napahinto siya sa paglalakad nang tawagin siya ng vocalist nila. Si Naya. "Balik na tayo sa loob? Saan ka ba pupunta?" 


Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya at nauna na 'kong umalis. Umupo ulit ako sa table namin, malalim ang iniisip ngayon. Sa lahat ng panahong magkasama kami, ngayon lang nagkaroon ng babaeng sobrang malapit kay Kino bukod sa akin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko roon. 


"Kapag nagka-girlfriend ba 'yung kaibigan mo, mawawalan na siya ng oras sa 'yo?" Tanong ko bigla kila Luna. 


"Oo naman," sagot ni Yanna. "Siyempre, mas gusto na niyang kasama 'yung jowa niya kaysa sa tropa. Lagi namang nariyan ang tropa, 'yung jowa, nagbe-break din." Walang pakialam ang tono niya na parang ang dalas nangyayari sa kaniya kahit wala naman siyang ibang kaibigan bukod sa amin. 


"Hey, kailangan mo pa rin ng time for your friends, 'no," sabi ni Sam. "Kahit hindi sila high maintenance... It's important to talk to them from time to time." 


Sa mga susunod na araw ay mas naging abala pa si Kino sa Music club habang ako naman ay sa volleyball training. Dalawang laro na namin ang hindi niya na-attendan dahil nga may event sa school. Election ulit ng officers at club fair. Hindi na tumakbong officers sila Luna at Sam dahil masyado raw silang napagod last time. Sasali na lang daw si Luna sa Art club at si Sam naman ay sa editorial board bilang radio broadcaster. 


Noong dumating na ang araw ng event, abala ang lahat sa paghahanda kung saang club ang sasalihan, lalo na ang mga 1st year students. Automatic namang nasa Sports club na ako kaya wala ako masyadong pakialam sa nangyayari. Tumambay na lang ako sa may covered court at naglaro ng volleyball mag-isa sa pader. 


Narinig kong nagsisimula na ang pagtugtog ng Music club sa stage kaya pinunasan ko na ang pawis ko at nagpalit ng damit. Nakasuot kasi kami ng P.E ngayon ngunit pinalitan ko ang P.E shirt ng normal na puting shirt dahil napawisan na pagkatapos maglaro. Pupunta na sana ako sa pwesto nila Luna nang biglang may humatak sa akin. 


"Late si Naya," bungad ni Kino sa akin, medyo nagpapanic pa. "Alam mo 'yung Hanggang Kailan, 'di ba?" 


"Bakit ako?" Bumilis kaagad ang tibok ng puso ko sa sobrang kaba dahil alam ko na kung ano ang gusto niyang hingin sa akin. "Ayoko!" Binawi ko kaagad ang palapulsuhan ko. 


Napabuntong-hininga siya, hawak pa ang isa niyang gitara, iyong pang-acoustic. Bigo siyang tumango at lumingon sa kasamahan niya. "Anong oras pa raw makakarating si Naya? Baka pwedeng kayo muna ang tumugtog."


"Hindi pa ready 'yung banda, Arkin, e," sagot ng isang officer. 


Napailing si Kino at napakamot sa ulo, naguguluhan na kung paano ang gagawin niya. "Ako na nga lang kakanta mag-isa. Duet pa naman 'yon..." Bulong niya sa sarili niya at nilagpasan ako. Kinain kaagad ako ng guilt dahil sa malungkot niyang itsura. Huminga ako nang malalim bago hinawakan ang laylayan ng shirt niya. 


"Sige na, ako na," sagot ko. 


Agad lumiwanag ang mukha niya, at nakita ko pa ang tinago niyang ngisi dahil sa sinabi ko! Dapat pala ay hindi na 'ko pumayag doon! Alam niya kung gaano ko kaayaw ang atensyon, pero gagawin ko 'to para sa kaniya! Madalas ko kasing tinutugtog 'yon kaya alam ko kung paano kantahin. 


Nang tinawag kami sa stage ay parang napako ang mga paa ko sa ground. Kung hindi pa 'ko hinatak ni Kino ay hindi pa 'ko kikilos. Kabadong kabado akong umupo sa tabi niya habang inaayos niya ang gitara. Narinig ko pa ang cheer ni Luna sa harapan. Nanginginig ang mga kamay ko nang hawakan ang microphone. Ang... daming nakatingin. 


"Kino, ang daming nakatingin," sabi ko sa kaniya. "Ayoko na." 


Napatingin siya sa akin at biglang pinisil ang mukha ko gamit ang isang kamay. "Ako lang tignan mo," sabi niya sa akin. Napatitig ako sa kaniya habang nag-iistrum siya ng gitara. Sinenyasan niya kaagad ako kung kailan ako magsisimula. 


"Labis na naiinip..." Panimula ko. Natahimik bigla ang mga nanonood kaya kinabahan ako lalo, pero si Kino lang ang tinignan ko. "Nayayamot sa bawat saglit..." Mabagal ang gitara kaya mabagal din ang pagkanta ko. "Kapag naalala ka... Wala naman akong magawa..." 


Sinenyasan niya 'kong siya na ang kakanta kaya binaba ko saglit ang microphone. Tinignan niya 'ko pabalik habang naggigitara. "Umuwi ka na, baby..." Pagkanta niya. "Hindi na ako sanay nang wala ka." 


Sinubukan kong huwag pansinin ang mga nanonood at tinuon na lang ang atensyon sa musika. Tinakpan ko ang isang tenga ko habang kumakanta. Natauhan lang ako nang marinig ko na ang sigawan at palakpakan pagkatapos ng kanta. Binaba ko kaagad ang microphone at mabilis na naglakad pababa ng stage, hindi na nagpakita ng mukha. 


"Via!" Tawag ni Kino at hinatak ako papasok ng music room. Walang tao roon kaya nakahinga ako nang maluwag. Umupo ako sa may mataas na table, hindi pa abot ng paa ko ang sahig. Binaba naman ni Kino ang gitara sa gilid bago tumayo sa harapan ko. "Maganda naman 'yung boses mo." 


Hindi ako nagsalita at umirap lang, naiinis sa kaniya nang walang dahilan kahit ako naman ang pumayag doon. "Bakit kasi kukuha ka na lang ng partner, 'yung late pa?" Irita ko siyang tinulak sa dibdib. 


Tumawa siya at nilagay ang magkabilang kamay sa gilid ko. "Kaya nga ikaw na lang partner ko. Sali ka ng Music club," pag-aaya niya sa 'kin. "Pwede namang dalawa. Hindi ka naman mataas na officer sa Sports club." 


"Alam mo namang ayokong nagpe-perform sa harap ng maraming tao." Umiling ako. "Nariyan naman si Naya. Maganda naman ang boses noon." 


"Mas maganda boses mo," simpleng sabi niya na parang hindi pa pinag-isipan. 


"Sinungaling ka," iritang sabi ko. "Napaka-" Napatigil ako nang ilagay niya ang pointing finger niya sa labi ko para patahimikin ako. Sinamaan ko siya ng tingin habang matagal siyang nakatitig sa akin. Inalis ko ang kamay niya para makapagsalita ako. "Alam kong mas maganda ang boses ni Naya sa 'kin. Aminin mo na."


"Hindi nga," tanggi niya ulit. 


"Hindi mo na nga ako sinasamahan mag-lunch. Tama nga ang sabi ni Yanna. Mas gusto mong kasama ang girlfriend mo kaysa sa tropa mo. Siguro oras na nga para tanggapin 'yon. Ayoko naman maging hadlang. Noong isang araw, muntik pa kayong mag-kiss kaya-"


Napatigil ako nang bigla niya 'kong niyakap. Mas nainis lang ako dahil narinig ko ang pinipigilang tawa niya habang nakayakap sa 'kin. Nang bitawan niya 'ko ay nakatakip na ang kamao sa labi niya, tinatago ang ngiti. 


"Anong muntik na kaming mag-kiss? 'Di ba ang usapan, first kiss natin ang isa't isa?" Nagtatakang tanong niya at inurong pa ang ulo pagilid. 


"Kailan pa 'yon?" Naguguluhang tanong ko rin. 


"Oh." Pinakita niya sa akin ang pisngi niya at nilapit. Nagtaka ako kung ano ang gusto niyang ipagawa sa akin kaya sinampal ko na lang ang pisngi niya. Mahina lang naman 'yon pero agad siyang napasigaw. "Aray ko! Bakit?!" 


"Sabi mo!" Pagdadahilan ko. "Sorry!"


"Akala ko makukuha ko na first kiss ko," pagbibiro niya habang hawak pa rin ang pisngi. Kinuha pa niya ang phone para tignan kung namula ba ang sinampal ko sa kaniya. "Volleyball player ka nga, Via..." 


Inis kong hinatak ang collar ng polo niya at hinalikan siya sa pisngi. "'Yan. Nakuha mo na," sabi ko at bumaba na ng lamesa. 

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro